Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 12

MARUPOK

Jose Corazon De Jesus

Kalapating puti sa gitna ng hardin,


Iginawa kita ng bahay na siím;
May dalawang latang palay at inumin,
Saka walong pinto sa apat na dingding.

Minsan kang nagutom at ako’y nalingat,


Oh, kalapati ko, bigla kang lumipad.
Sa nagdaang kawan sumama ka agad,
Ayaw mong mabasa ng luha ang pakpak.

Ikaw naman rosas, na mahal kong mahal,


Dinilig kita kung hapong malamlam;
Sa bawat umaga’y pinaaasuhan,
At inaalsan ko ng kusim sa tangkay.

Minsan lang, Nobyembre, nang di ka mamasid,


Nakaligtaan kong diligin kang saglit;
Aba, nang Disyembre, sa gitna ng lamig,
Sa mga tangkay mo’y nag-usli ang tinik.

Ang hardin ko ngayo’y ligid ng dalita,


Walang kalapati’t rosas man ay wala;
May basag na paso’t may bahay na sira,
At ang hardinero’y ang puso kong luksa.

Babae, hindi ka marapat lumiyag,


Napakarupok mo, maselan at duwag.
Sa Tabor ay walang tuhod na di gasgas,
Sa Glorya, anghel ma’y may sira ring pakpak.

KABAYANIHAN
Lope K. Santos

Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod


na walang paupa sa hirap at pagod;
minsang sa anyaya, minsang kusang-loob,
Pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.

Natatalastas mong sa iyong pananim


iba ang aani’t iba ang kakain;
datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
ang magpakasakit nang sa iba dahil.

Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay…


pinupuhunan mo at iniaalay,
kapagka ibig mong sa kaalipinan
ay makatubos ka ng aliping bayan.

Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,


sa turo mo’y naging mulat ang mulala,
tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
ang kamatayan mo ay buhay ng madla.

Tikis na nga lamang na ang mga tao’y


mapagwalang-turing sa mga tulong mo;
ang kadalasan pang iganti sa iyo
ay ang pagkalimot, kung di paglililo

Makabuhay
Nemesio E. Caravana

Lubid kang luntiang sa gubat nanggaling,


Sa bakod ng dampa’y naging salang baging…
Dahil sa dagta mong may pait na lihim,
Hayop man o tao’y takot kang sagiin.

May dala kang ditang kapait-paitan


Na kung lalasahi’y “kadalamhatian”…
Ngunit ang pait mo ay gamot kung minsan,
Sa maling akala’y diwang Makabuhay.

Sa maraming sakit, ikaw ay panlunas,


At sa tagabukid ay gamot sa sugat;
Sa bibig ng bata na sakim sa gatas,
Madalas kang gawing mabisang pang-awat.

Ang ingat mong dagtang simpait ng mira,


Pagsayad sa labi’y nangangaral tila:
“Sa tamis, ang bata kapag namihasa,
Munting kapaita’y mamalakhing dusa.”

Si Kristo sa Kurus, isang halimbawa,


Nang kanyang lagukin ang apdo at suka…
Ang taong masanay uminom ng luha,
Sa sangmundong dusa’y hindi nalulula.

Aking Ulap
R.Alejandro

Lunday ka ng aking sanlibong pangarap,


Sa dagat na langit ay lalayag-layag;
Sa lundo ng iyong dibdib na busilak,
May buhay ang aking nalantang bulaklak.

Kung nagduruyan ka sa rurok ng langit,


Kalaro ng aking mga panaginip,
Ang lupang tuntunga’y di na naiisip,
Nalilipat ako sa ibang daigdig.

Isakay mo ako, oh Ulap kong giliw,


Ibig kong mahagkan ang mga bituin;
Ang lihim ng araw at buwang maningning,
Ibig ko rin sanang malama’t malining.
Tula
Maikling
Kuwento
Matulunging Bata

Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal na bata ay tumutulong nang


kusa sa bahay, di lamang para sa sarili kundi pati sa mga magulang at mga
kapatid.

Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-kanyang lalagyan ang lahat ng aking


gamit sa paaralan, sa bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako maghahanap at
mag-aaksaya ng panahon lalo na kung nagmamadali ako.

Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar ang mga libro, notebook, lapis,
pentelpen, pad paper, school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na. Walang
kakalat-kalat.

Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung sila ay abalang-abala sa ibang
gawain. Pagdating nila mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa hagdan pa
lamang, upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay ko na sa kani-kanilang
lalagyan. Kapag nagpuputol ng panggatong ang Kuya ko ay iniaakyat ko na ang
maliliit na piraso. Sa Ate naman, kapag nagwawalis, ay kukunin ko ang basahan at
ako na ang magpupunas sa mga mesa at upuan.

Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para sa amin. Ay, mayroon pala.
Sabi ng Nanay na malaking tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming
magkakapatid, ay masunurin, masipag, magalang at malinis. Natutuwa daw sila at
hindi raw nila nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat pa sa Panginoon.

Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang marumi ang lalabhan.
Takbo ako agad sa pagtulong kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda sa
hapag-kainan, pag-urong ng mga ito pagkatapos, paghugas at pagligpit.
Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang mahirap. At napakasarap pang
pakiramdaman at pakinggan ang, “Ay salamat! Mabait at matulungin ang aking
anak!”

Aral:

 Ang taong matulungin ay nakakapag-papagaan sa mga gawain.


Ugaliing tumulong ng walang hinihinging kapalit.
Parabula
Nang Magtampo ang Buwan
Minsan nagtampo ang buwan sa araw at ito’y kanyang kinamuhian.  Inggit ang
dahilan ng lahat.
Naiinggit siya sa araw, dahil ito’y mas sikat at hinahangaan ng mga tao kaysa sa kanya.
Samantalang siya’y simbolo lamang ng malalagim na bagay.  At kung minsan ay ginagawang
palatandaan ng kabaliwan!

Walang nananabik sa kanyang pagsikat at walang nanghihinayang sa kanyang paglubog.


Habang ang araw ay parating inaabangan ang pagsikat at ikinalulungkot ang paglubog nito.

Sa galit ng buwan, siya’y nagpakalayu-layo sa araw.

At sa paghahangad niyang maging sikat, nanghiram siya ng kulay sa bahaghari at ito’y


ipinahid niya sa kanyang mukha.

Gayundin, nanghiram siya ng ilang bituin at pinakislap ang ilang bahagi ng kanyang kabuuan.

Hindi nga naglaon at napansin siya ng mga tao.


Ngunit sa halip na hangaan, siya’y pinagtawanan.  Nilibak.  Kinutya!

Saan ka nakakita ng buwan na may ibang kulay?

Lubos na nalungkot ang buwan.

Malulupit ang tao, ang sabi niya.  Nagkamali siya kung bakit hinangad pa niya ang
paghanga ng mga ito.
At masaklap pa nito, napuna na lamang ng buwan na unti-unti nang napapawi ang taglay
niyang liwanag.  Kapag nagtuluy-tuloy ang paglalaho ng kanyang liwanag, tuluyan na siyang
mawawalan ng saysay

Dito napag-isip-isip ng buwan ang isang katotohanan.  Na kapag malayo pala siya sa


araw ay nawawalan siya ng liwanag.  Dahil ang liwanag na kanyang taglay ay sa
araw rin nagmumula.  Ito ang nagbibigay at sa kanya’y nagkakaloob.
Hiyang-hiya ang buwan sa kanyang ginawa.  Nagbalik siya sa araw na hinang-hina.
Humingi siya ng tawad dito.

Napakasama ko.  Ikaw na nagbigay sa akin ng buhay ay kinainggitan ko pa.  Anong klaseng


nilalang ako?
Magmula noon, hindi na lumisan ang buwan sa piling ng araw na nagbibigay buhay sa kanya!

Ang lahat ay natutukso at nagkakamali.  Ang mahalaga’y nagbalik ka nang muli kung saan
ka nararapat.  At iyan ay sa piling ko, ang sabi ng araw

Ang Balyenang Naghangad

Ang  balyena marahil ang pinakamalaking nilalang sa mundo.  Ngunit ito’y naging


dahilan upang magyabang ang isang balyena.
Ang sabi niya, Ako ang pinakamalaking nilalang sa mundo, kaya’t hindi ako nararapat
sa karagatan lang!  Sa lupa, mas higit nila akong kikilalanin at hahangaan!

Sa ‘di kalayuan ng aplaya, nakita niyang maliwanag ang landasin doon.

At madalas din, naririnig niya sa mga mangingisdang naglalakbay sa karagatan ang


mga kuwento tungkol sa kabayanan.  At kung papaanong kinikilala ang mga
matatagumpay at mahuhusay doon.

Ang balyenang mayabang ay naghangad.

Isang gabing kabilugan ng buwan, siya ay naglakbay at lumangoy nang matulin


patungo sa aplaya.

Masayang-masaya siya sa pag-aakalang katuparan ng pangarap ang naghihintay sa


kanya.  Ang hindi niya alam, kamatayan pala ang nakaabang.

Dahil nang marating niya ang mababaw na bahagi ng karagatan ay hindi na siya


nakalangoy pa.  At nang makita siya ng mga tao, siya nga’y pinagkaguluhan!
Ngunit hindi upang hangaan.  Kundi upang pagpistahan sa taglay niyang laman.

Sinalakay siya ng mga mangingisda at pinatay.

Mensahe: Huwag maghangad ng higit pa sa dating kalagayan. Tanggapin natin ang ating


pinagmulan at kilalanin ang ating sarili.

You might also like