Professional Documents
Culture Documents
Pagsusuri
Pagsusuri
URI NG PANITIKAN:
Ang nobela ay isang mahabang makathang pampanitikan na naglalahad ng mga
pangyayari na pinaghahabi sa isang mahusay na pagbabalangkas na ang
pinakapangunahing sangkap ay ang pagkakalabas ng hangarin ng bayani sa
dako at ng hangarin ng katunggali sa kabila -isang makasining na pagsasalaysay
ng maraming pangyayaring magkasunod at magkakaugnay. Tagpuan, tauhan,
banghay, pananaw at tema ay isa sa mga elemento ng nobela. May mga
layuning: gumising sa diwa, manawagan, magbigay ng aral at inspirasyon, at
nagsisilbing daan tungo sa pagbabago ng sarili at lipunan.
LAYUNIN NG AKDA:
Isinulat ito upang mabigyan ng kalinawagan ang kaisipan ng mga mambabasa
sa mga nangyayaring katiwalian, pang-aabuso at pagmamalupit noong panahon
na iyon. Makikita ito sa tema ng rebolusyon na pinlano ng isang tauhan ng akda
na si Simoun. Nagpapakita rin dito ang pag-asa ng reporma sa kung papaano
pinamumunuan ng mga Kastila ang Pilipinas.
MGA TAUHAN
SIMOUN: Ang mayamang magaalahas na nakasalaming may kulay na umano’y
tagapayo ng Kapitan General ngunit siya ay si Juan Crisostomo Ibarra na nag
balik upang maghiganti sa kanyang mga kaaway.
KABESANG TALES: Ang naghahangad ng karapatan sa pagmamayari ng
lupang sinasaka na inaangkin ng mga prayle.
ISAGANI: Siya ay pamangkin ni Padre Florentino at kasintahan ni Paulita
Gomez. Maliban pa rito si Isagani ay isa sa mga estudyanteng sumuporta sa
hangaring magkaroon ng sariling akademya para sa wikang kastila ang
Pilipinas.
BASILIO: Ang mag aaral ng medisina at kasintahan ni Juli.
JULI: Anak ni Kabesang Tales at katipan ni Basilio.
PADRE FLORENTINO: Sa kaniya nagtapat si Simoun ng kanyang tunay na
katauhan bago siya magpakamatay.
TAGPUAN AT PANAHON
Ang nobela ay isinulat ni Dr. Jose Rizal noong panahon ng mga kastila sa
bansang Pilipinas kaya't masasalamin ang mga pangyayari't karanasan noong
nasabing panahon. Ang El Filibusterismo ay karugtong ng naunang nobela ni
Dr. Jose Rizal na pimamagatang Noli me Tangere, ang mga pangyayari dito ay
itinakdang 13 na taon matapos ng Noli me Tangere at naganap parin sa Pilipinas
noong panahon ng mga kastila.
NILALAMAN
Karaniwan na ang tema ng paghihiganti sa mga akda, katulad na lamang ng
ideyang nangibabaw sa El Filibusterismo. Si Ibarra, na nagpanggap bilang
Simoun ay bumalik ng bansa upang ipaghiganti ang kanyang kasintahan na si
Maria Clara at upang ipaglaban ang Pilipinas laban sa mga Espanyol na patuloy
na lumalapastangan sa mga Pilipino sa panahong iyon. Nagplano si Simoun ng
iba't ibang mga paraan upang pabagsakin ang mga taong may kauganayan sa
kanyang paghihiganti. Ang mga pangyayari ay nailahad ng maayos kahit pa ito
ay karugtong ng nobelang Noli me Tangere.
KAISIPAN
Ito ay nagtataglay at ipinaliwanag noong inabuso tayo ng mga kastila. Ito rin ay
makatotohanan at naipakita kung paano ang sistema noong panahon ng mga
Espanyol. Ipinaliwang rin ni Dr. Jose Rizal ang kanyang karanasan noong
kapanahunan niya.
BUOD
Nagsimula ito sa isang paglalakbay ng bapor sa pagitan ng Maynila at Laguna.
Kabilang sa mga pasahero ang mag-aalahas na si Simoun, si Isagani, at si
Basilio. Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Elias at si
Sisa.Nakarating si Basilio sa San Diego at sa isang makasaysayang pagtatagpo
ay nakita niya si Simoun na pagdalaw sa libingan ng kanyang ina sa loob ng
libingan ng mga Ibarra. Nakilala niyang si Simoun ay si Ibarra na
nagbabalatkayo; Upang maitago ang ganitong lihim, ay tinangka ni Simoun na
patayin si Basilio.
Nang hindi ito naituloy ay hinikayat niya ang binata na makiisa sa kanyang
layuning maghiganti sa Pamahalaang Kastila. Si Basilio ay tumanggi dahil
gusto niyang matapos ang kanyang pag-aaral. Habang ang Kapitan Heneral ay
nagliliwaliw sa Los Baños, ang mga estudyanteng Pilipino ay naghain ng isang
kahilingan sa Kanya upang magtatag ng isang Akademya ng Wikang Kastila.
Ang kahilingang ito ay di napagtibay sapagkat napag-alamang ang
mamamahala sa akademyang ito ay mga prayle. Sa gayon, sila'y di
magkakaroon ng karapatang makapangyari sa anupamang pamalakad ng
nasabing akademya.
Samantala, si Simuon ay nakipagkita kay Basilio at muling hinikayat ang
binatang umanib sa binabalak niyang paghihimagsik at manggulo sa isang
pulutong na sapilitang magbubukas sa kumbento ng Sta. Clara upang agawin si
Maria Clara. Subalit hindi naibunsod ang ganitong gawain dahil sa si Maria
Clara'y namatay na nang hápong yaon.
Ang mga estudyante naman, upang makapaglubag ang kanilang samâ ng loob
ukol sa kabiguang natamo, ay nagdaos ng isang salusalo sa Panciteria Macanista
de Buen Gusto. Sa mga talumpating binigkas habang sila'y nagsisikain ay
tahasang tinuligsa nila ang mga prayle. Ang pagtuligsang ito ay nalaman ng
mga Prayle kaya ganito ang nangyari: Kinabukasan ay natagpuan na lamang sa
mga pinto ng unibersidad ang mga paskin na ang nilalaman ay mga pagbabala,
pagtuligsa, at paghihimagsik. Ang pagdidikit ng mga pasking ito ay ibinintang
sa mga kasapi ng kapisanan ng mga estudyante. Dahil dito ay ipinadakip sila at
naparamay si Basilio, bagay na ipinagdamdam nang malabis ni Juli na kanyang
kasintahan.
Ang mga estudyanteng ito ay may mga kamag-anak na lumakad sa kanila upang
mapawalang-sala sila, si Basilio ay naiwang nakakulong dahil wala siyang
tagapagmagitan. Sa isang dako naman ay ipinamanhik ni Juli kay Pari Camorra
na tulungan siya upang mapalaya nguni't sa halip na makatulong ang paring ito
ay siya pang nagging dahilan ng pagkamatay ni Juli, gawa ng pagkalundag nito
sa durungawan ng kumbento.
Upang maisagawa ni Simoun ang kanyang balak na paghihiganti, ay
nakipagsama siya sa negosyo kay Don Timoteo Pelaez, ang ama ni Juanito. Sa
ganitong paraan ay nagawa niyang maipagkasundo ang kasal nina Juanito at
Paulita Gomez. Ang magiging ninong sa kasal ay ang Kapitan Heneral.
Naanyayahan din niya upang dumalo sa piging na idaraos, ang mga may
matatas na katungkulan sa Pamahalaan at mga litaw na tao sa lunsod.
Pagkaraan ng dalawang buwang pagkapiit ay nakalaya rin si Basilio sa tulong ni
Simoun. Kaagad siyang nagtungo kay Simoun upang umanib sa paghihimagsik.
Sinamantala ni Simoun ang ganitong pagkakataon upang ipakita sa binata ang
bomba na kanyang ginawa. Ito ay isang lampara na may hugis-granada at
kasinalaki ng ulo ng tao. Ang magarang ilawang ito ay siya niyang handog sa
mga ikakasal na sina Juanito at Paulita. Ipalalagay ni Simoun ang lamparang ito
sa gitna ng isang kiyoskong kakanan na ipasasadya niya ang pagkakayari. Ang
ilawán ay magbibigay ng isang maningning na liwanag at pagkaraan ng
dalawampung minute ay manlalabo. Kapag hinagad na itaas ang mitsa upang
paliwanagin, ay puputok ang isang kapsulang fulminato de mercurio, ang
granada ay sasabog at kasabay nito ay ang pagkawasak at pagkatugnaw ng
kiyoskong kakanan — at walang sinumang maliligtas sa mga naroroon. Sa isang
dako naman, ay malakas na pagsabog ng dinamita sa lampara ay siyang
magiging hudyat upang simulan ang paghihimagsik na pangungunahan ni
Simoun.
Mag-iikapito pa lámang ng gabí ng araw ng kasal, at si Basilio ay palakad-lakad
sa tapat ng bahay ng pinagdarausan ng handaan. Di-kawasa'y nanaog si Simoun
upang lisanin niya ang bahay na yaong di malulutawan ng pagsabog. Ang
nanlulumong si Basilio ay sisinod sana ngunit namalas niyang dumating si
Isagani, ang naging katipan at iniirog ni Paulita. Pinagsabihan niya itong
tumakas ngunit di siya pinansin kaya't napilitan si Basilio na ipagtapat kay
Isagani ang lihim na pakana subalit hindi rin napatinag ang binatang ito.
"Nanlalamlam ang lampara," ang pansin na di mapalagay na Kapitan Heneral.
"Utang na loob, ipakitaas ninyo, Pari Irene, ang mitsa."
Kinuha ni Isagani ang lampara, tumakbo sa azotea at inihagis ito sa ilog. Sa
gayon ay nawalan ng bisa ang pakana ni Simoun para sa isang paghihimagsik sa
sandatahan. Tumakas sya sa bahay ni Pari Florentino, sa baybáyin ng
karagatang Pasipiko. Nang malapit nang mapagabot ng mga alagad ng batas ang
mag-aalahas, uminom siya ng lason upang huwag pahúli nang buháy.
Ipinagtapat niya sa pari ang tunay niyang pagkatao at isinalaysay niya dito ang
malungkot na kasaysayan ng kanyang búhay. Mula nang siya ay bumalik sa
Pilipinas buhat sa Europa, labintatlong taon na ang nakalipas, ang pag-iibigan
nila ni Maria Clara at pagbabalatkayo niya na mag-aalahas sa pakay na maiguho
ang Pamahalaan at makipaghiganti sa pamamagitan ng isang paghihimagsik.
Pagkatapos na mangungumpisal ay namatay si Simoun.
Sa nais na maiwaksi ang napakalaking kayamanang naiwan ng mag-aalahas,
kayamanang naging kasangkapan nito sa pagtatanim ng mga buktot na gawain
ay itinapon ni Pari Florentino sa karagatan ang kahong asero na kinatataguan ng
di-matatayang kayamanan ni Simoun.