Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 27

Republika ng Pilipinas

Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas


Kolehiyo ng Artes at Literatura
Kagawaran ng Filipinolohiya

Tanawing Pangwika: Salamin ng


Ugnayan ng Wika, Lipunan at
Kultura

Tejada, Maybelle C.
ABF 4-1
Kabanata I

Introduksyon

Malaki ang bahagi ng wika sa ating buhay. Ito ang nagiging instrumento sa ating
pakikipagkapwa o pakikisalamuha sa ibang tao. Nagsisilbi itong patunay ng ating pinagmulang
lipunan at kultura.

Ayon kay Lumbera (sinipi ni Carpio et al., 2016):

Parang hininga ang wika, sa bawat sandali ng ating buhay ay nariyan ito.
Palatandaan na buhay tayo, at may kakayahang umugnay sa kapwa nating
gumagamit din dito. Sa bawat pangangailangan natin ay gumagamit tayo ng wika
upang kamtin ang kailangan natin -kung nagugutom, humihingi ng pagkain; kung
nasusugatan, dumadaing upang mabigyan ng panlunas; kung nangungulila,
humahanap ng kausap na makapapawi sa kalungkutan. (p.2)

Napatutunayang napakahalaga ng wika sapagkat natutugunan natin ang ating mga


pangangailangan at kahingian bilang tao sa pamamagitan nito. Nagagawa natin ang makipag-
ugnayan sa ating kapwa sa pamamagitan ng wika.

Dagdag pa ni Carpio et al. (2016):

Ang tao ang bumubuo sa lipunan. Esensiyal ang tao sapagkat kung walang tao ay
hindi magkakaroon ng lipunan. Ang tao ang gumagawa ng kaniyang ikabubuhay.
Ngunit tulad ng pagiging esensiyal ng tao, nananatiling esensiyal ang wika sa tao.
Ang bawat pangkat ng mga tao o ang lipunang may sariling kultura at kabihasnan
ay lumilikha at lumilinang ng wikang angkop sa kanilang pangangailangan.
Pangangailangan ng lahat o ng buong lipunan, at hindi pangangailangan ng isang
partikular na tao lamang. (p.2)

Samakatuwid, malaki ang bahagi ng lipunan sa usaping wika. Nakabatay ang pagbuo at
paglaganap sa lipunang ginagalawan ng mamamayan. Kung ang isang lipunan ay nagkakaroon ng
pagbabago, ganoon din ang wika. Sumasabay ang wika sa pagbabagong nagaganap sa isang
lipunan. At dahil sa patuloy na pagdami ng bilang tao, patuloy ang paggamit ng wika. At sa isang
lipunan, mayroong kulturang umiiral rito.

Ayon kay Batnag et. al, (2009):

Marami ang nagsasabing ang wika ay nakapaloob at siyang nagsisilbing puso sa


katawan ng kultura. Para naman sa ibang dalubhasa, may sariling buhay ang wika
na hiwalay sa kultura; gayunman, nagkakaroon ng ugnayan ang mga ito sapagkat
walang wikang mabubuhay kung hindi nakapanig sa kultura ng lipunan at walang
kulturang mananatili o tatagal sa alaala kung hindi ito maipapahayag sa wika ng
mga mamamayan. (p.4)

Mapatutunayan ang ugnayan ng wika, lipunan at kultura sa isa’t isa. Kinasasangkapan ng


bawat isa ang isa’t isa sa pagbuo o pagkakabuo ng mga ito. Ang bawat tao sa isang ay
kinakailangan ang makipag-ugnayan sa bawat isa sa pamamagitan ng wika. At nagkakaroon sila
ng kasunduan sa kung anong wika ang gagamitin na nakabatay sa kulturang kanilang ginagalawan
at patuloy pa ring pinauunlad. Naipakakalat ang kanilang kultura sa kapwa sa pamamagitan ng
wika.

Mayroong dalawang pamamaraan upang makipagkomunika sa kapwa. Ang mga ito ay ang
berbal at di-berbal na paraan. Berbal ang kadalasang nasasagi ng karamihan na paraan ng
pakikipagkomunika. Sa berbal ay gumagamit tayo ng bibig upang makipag-usap sa kapwa. At ang
di-berbal naman ang pamamaraan ng pakikipagkomunika na hindi natin namamalayan na madalas
din nating gamitin sa pang-araw-araw na pamumuhay. Halimbawa ng di-berbal na pakikipag-
ugnayan ay ang tanawing pangwika o linguistic landscape na ating nakikita sa ating paligid.

Ang tanawing pangwika ay may kakayahang magbigay ng impormasyon, magbigay ng


mensahe, magpaalala, panuto at nalalaman natin ang ngalan ng lugar gamit ito. Ito ang mga
nakikita nating iba’t ibang uri ng paskil sa ating paligid na hindi natin batid ay mayroon itong
katawagan – tanawing pangwika o linguistic landscape.

Batay kay Gorter, “Language is all around in textual form as it is displayed on shop
windows, commercial signs, posters, official notices, traffic signs and etc.” (2006). Samakatuwid,
ang wika ay nakapalibot na nasa anyong pasulat gaya ng mga babala, sign at iba pa na matatagpuan
sa paligid. Dagdag pa ni Gorter (2013), “The signs are part of the textual décor that surrounds us
every day, as we walk, ride, or drive through urban environments”. Sa gayon, itinuturing nang
bahagi o itinuturing nang gamit bilang karagdagang estetika o palamuti sa ating paligid na atin
nang nakikita sa araw-araw lalong higit sa mga urbanisadong lugar.

Hindi natin mapasusubalian ang malaking tulong na nabibigay ng tanawing pangwika sa


ating pang-araw-araw na pamumuhay. Maging sa mga balat ng ating kinakain ay nakakikita tayo
nito. Napabibilis ng tanawing pangwika ang ating pakikipagkomunika sa kapwa

Taong 1991 nang maghain si Spolsky at Cooper ng taksonomiya ng mga sayn. Kabilang
sa mga sumusunod ang tinukoy na kategorya: 1.) karatula sa kalye (mga sayn na halos permanente
na sa isang bahagi kalye para bigyang-pangalan o markahan ito o ang mga bahagi nito); 2.)
advertising signs (mga sayn na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga bagay at serbisyo na
ikinakalakal); 3.) babala (mga sayn na nagbibigay ng impormasyon para makaiwas sa aksidente at
iba pang kapahamakan); 4.) pangalan ng mga gusali (mga sayn na nagpapakilala sa mga gusali at
iba pang arkitektura); 5.) karatula na nagbibigay impormasyon (mga sayn na na nagsasaad
halimbawa ng direksyon, oras ng pagbukas at pagsasara ng isang establesimyento) 6.) plakeng
panggunita (mga sayn na nagpapakita sa isang makasaysayan o natatanging espasyo); 7.) mga
bagay (mga sayn na nagpapakilala ng mga bagay tulad ng basurahan, telepono, mailbox); 8.)
graffiti (mga sulat na karaniwang ginagawa nang palihim at sumusuway sa awtoridad) (sipi ni
Nivalbos, w.p). Makikita sa ginawang kategorya ni Spolsky at Cooper na maraming gamit ang
paskil. At nakategorya ang mga sayn na ito dahil sa wikang ginamit dito.

Sa ginawang pag-aaral ni Landry at Bouhris (1997) binigyang depinisyon ang LL na, “The
language of public road signs, advertising billboards, street names, place names, commercial shop
signs, and public signs on government buildings combine to form the linguistic landscape of a
given territory, region or uban agglomeration”. Nangangahulugan na ang wika ng mga sayn na
ating nakikita at nababasa ay nagagamit sa pagbuo ng tinatawag na linguistic landscape sa
espesipikong lugar na kinalalagyan nito. Binigyang-diin ni Gorter (2006), linguistic landscaping
is not only “the literal study of the languages as they are used in the signs”, but also “the
representation of the languages”, of which the latter aspect can be related to “identity and cultural
globalisation, to the growing presence of English and to revitalization of minority languages”.
Nangangahulugang hindi lamang sa usapin ng paggamit ng wika ang pag-aaral ng mga Tanawing
Pangwika o Linguistic Landscape kung hindi lumalagpas pa ito sa usapin ng identidad at kultural
na globalisasyon dahil sa patuloy na pag-iral ng Ingles at pagbibigaybuhay sa mga minoryang
wika.

Sa mga binigay na depinisyon, pinatutunayang sa bawat lugar gaya ng kalye, ahensya,


tanggapan, tahanan, paaralan, ospital, gusali at iba pa na mahalaga ang gampanin ng LL sapagkat
nakapagbibigay ito ng konkretong impormasyon at detalye sa bawat lugar na makatutulong upang
malaman ang pangalan ng lugar, establesimyento o gusali. Halimbawa na lamang dito ay ang mga
komersyalisadong espasyo sa Aseana City, Paranaque na napili ng mananaliksik na saklawin ng
pag-aaral sa kadahilanang isa ito sa mayroong malawak na sakop at maraming establesimyento at
imprasktraktura na ang nakatayo rito at patuloy pa rin ito sa pagdami at marami nang tao ang
pumupunta, namimili at manggagawa dito kung saan kinakailangan ang paglaganap o paggamit
ng mga sayn.

Sa isang komunidad o lipunan ay kakikitaan ng iba’t ibang uri ng tanawing pangwika o


paskil. Ito ang nakikitang paraan upang magabayan at mapangalagaan ang mga kinasasakupan.
Halimbawa na lamang sa Aseana City. Ang Aseana City ay isa na sa kinikilalang sentro ng
kalakalan sa ating bansa na umaabot sa 200hektarya ang lawak at sakop nito. Binuo at pagmamay-
ari ito ng D.M Wenceslao & Associates (DMWAI).

Mula sa kanilang websayt:

In the year 1960, Engr. Delfin M Wenceslao Sr. started with the vision to bring
forward the country’s urban landscape. He began this by organizing D.M.
Wenceslao and Associates Inc. (DMWAI) as an individual proprietorship. Five
years later, DMWAI was incorporated. Today, it is licensed by the Philippine
Licensing Board as Category “AAAA” with classifications as “General
Engineering” and “General Building”.

Dagdag pa mula sa kanilang websayt, “This 204 hectares’ project is also the location of the
Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Entertainment City. It is home to
several entertainments, commercial and residential establishments”. Samakatuwid, ang Aseana
City ay kinapapalooban ng iba’t ibang uri ng imprastraktura kung saan masasabing marami nang
naging manggagawa at tao ang pumupunta rito upang tumira o manirahan at mamasyal.

Ayon sa Tokyo Grand Renovation Inc. (2019):


Envisioned as the ‘Next Generation City’, Aseana City is continuing its prime
development with a numerous number of projects. Located at Macapagal
Boulevard, Parañaque City, Aseana looms as the next major Central Business
District in the country. It is also a mixed-use district with residential condominiums,
retail centers and schools. With the country’s rapid economic growth, more and
more investments are being poured into the country making Aseana City a perfect
candidate to capitalize it’s potential.
Mapatutunayang marami nang establesimyento ang naipatayo sa Aseana City at patuloy pa
ang paglago nito. Taong 1991 nang magsimula ang Aseana City sa reklamasyon at natapos taong
2000. Taong 2003 nang nagkaroon ng unang napaupahang lupa ang Aseana sa SnR. At naipatayo
ang Aseana One taong 2010 at sinundan ng Aseana Two nang sumunod na taon. Taong 2015
naipatayo ang City of Dreams at taong 2018 naman ang Aseana Three. Taong 2019 nang naipatayo
ang Pixel recidences at ang Ayala Malls Manila Bay. At taong 2020 naman naisagawa ang 8912
Aseana Ave (Aseana City, w.p).

Ayon muli sa Tokyo Grand Renovation Inc. o TGR Inc. (2019), tinatayang nasa 20,000 na
ang mangagawa sa Aseana City sa taong 2019. Kung gayon, tinatayang hihigit pa sa 20,000 na
ang nakabasa at nakakita ng mga Linguistic Landscape o Tanawing Pangwika o sayn na
matatagpuan sa Aseana City dahil daragdag pa ang mga konsyumer o mamimili rito. Dagdag na
rin na ang Aseana ay nadaraanan ding lugar papunta sa iba pang distritong kalapit nito.
Mapatutunayang ang wika ay makapangyarihan at mahalaga sapagkat nakatutulong itong
makapagbigay ng konkreto at malinaw na impormasyon sa paraang pasalita o pasulat man. Gaya
ng mga Linguistic Landscape o tanawing pangwika na matatagpuan sa mga espasyo o isang lugar
tulad na lamang sa Aseana City. Sa pamamagitan ng LL naipahahayag ang mga impormasyon,
detalye at iba pa sa paraang dituwiran na nagiging paraan upang magkaroon ng ugnayan at
magkaunawaan ang mga tao. Halimbawa ang mga LL na matatagpuan sa Aseana City, isang
komersyalisadong espasyo, maipababatid sa mga konsyumer o mamimili ang mga ihahaing
serbisyo o produkto rito.

Sa isang urbanisado at komersyalisadong komunidad tulad ng Aseana City, kinapalolooban


ito ng mga kulturang natatangi lamang na sa kanila. Mayroon mang pagkakatulad sa ibang lugar
ay kakikitaan pa rin ito ng sariling pagkakakilanlan o identidad. Ang komersyalisadong espasyo
gaya ng Aseana City ay may kultura ng palitan – produkto o serbisyo kapalit ng monetaryong
papel o vice versa. At sa pamamagitan ng pagiging komersyalisado nito, nagagamit ito sa
pagtatampok ng mga kulturang umiiral sa iba’t ibang lugar.

Layunin ng Pag-aaral

Nilalayon ng pag-aaral na malaman ang mga tanawing pangwika na makikita sa Aseana


City. Nilalayon din na mabigyang linaw ang kaugnayan ng wika, lipunan at kultura sa pagbuo ng
mga tanawing pangwika buhat doon ay mapatutunayan ng pananaliksik na ito ang kaugnayan ng
mga ito sa bawat isa.

Ang pag-aaral na ito ay tutugunan ang mga sumusunod na suliranin?

1. Ano-ano ang mga tanawing pangwika na makikita sa Aseana City?

2. Ano ang kaugnayan ng wika, lipunan at kultura sa pagbuo ng mga tanawing pangwika?

Kahalagahan ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay magbibigay dagdag kaalaman sa halaga ng tanawing pangwikang


nakikita sa ating paligid. Makapagbibigay din ng karagdagang kaalaman sa halaga ng wika,
lipunan at kultura at ang pagkakaugnay-ugnay ng mga ito tungo sa pag-unlad ng ating bansa.

Saklaw at Limitasyon

Ang pag-aaral na ito ay tutuon sa pag-aaral ng Linguistic Landscape sa Commercial Spaces


sa Aseana City, Paranaque.

Sasaklawin ng pag-aaral ang mga sayn, paskil, babala, paalala na makikita sa mga
establesimyento na matatagpuan sa Aseana City partikular na ang Ayala Mall Manila Bay.

Lilimitahan ang pag-aaral sa mga tanawing pangwika na makikita lamang sa pampublikong


espasyo o bahagi ng Aseana City.
Kabanata II

Rebyu ng mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral

Ang Linguistic Landscape

Kauna-unahang ginamit ang terminong Linguistic Landscape sa pananaliksik nina Laundry


at Bourhis (1997) na binigyang kahulugang, “visibility and salience of languages on public and
commercial signs in a given territory” (p.23). Binibigyang kahulugan na ang LL ay ang mukh ng
wika na nagtatakda ng kalakasan at kahinaan nito sa kinalalagyang lugar. Sa pamamagitan ng LL
ay mapapansin ang katanyagan o ang kalamangan ng banyagang wika o ng Wikang Ingles dito sa
ating bansa. Mapapansin ang kaangatan ng Wikang Ingles dito sa ating bansa dahil mas madalas
itong gamiting wika sa iba’t ibang uri ng komunikasyon gaya na lamang sa mga LL na makikita
sa paligid. Humihina ang Wikang Filipino dahil sa paniniwalang mababa ito kumpara sa Wikang
Ingles at masyadong mahina upang gamiting instrumento sa pag-unlad ng ating bansa. Pinatunayan
ito ng pag-aaral sa LL sa Taft Station ng Mass Rail Transit (MRT) at Recto Station ng Light Rail
Transit (LRT) ni De Los Reyes, natunghayan niyang mas angat ang Ingles kaysa sa Filipino sa
mga sign (2014):

That English is preferred over Filipino in the signs used. He also determined that
English is used in the signs of primarily to make people ‘follow orders’ as in comply
with directions and to ‘make an order’ as in purchasing goods in establishments
within the vicinity. (p.45)

Napatutunayang dominante ang Ingles kaysa sa Filipino ditto sa ating bansa at dahil dito
nagmimistulang kapangyarihan ito sa mga marurunong gumamit nito. At nagiging batayan na sa
uri o lebel ng katayuan sa buhay at sa pagiging propresyonal o pagiging intelektwal. Kilala ang
LL o ang Tanawing Pangwika sa pag-aral ng wika na matatagpuan sa pampublikong espasyo gaya
na lamang ng mga babala, anunsyo, direksyon, pabatid at iba pa na may kanya-kanyang tungkulin
tulad ng pagbibigay ng impormasyon, instruksyon at paghahatid ng balita na siyang hinimay-
himay ni Spolsky at Cooper at naghain ng mga katergorya. Dagdag pa ni Gorter (2006), na ang
pag-aaral ng Linguistic Landscape (LL) “is concerned with language in its written form in the
public sphere” (sinipi ni Torkington, 2009, p.123). Ngunit ang mga LL na nakikita sa ating paligid
ay kadalasang ginagamitan ng banyagang wika. Ayon kay Said (2011), “The term ‘Linguistic
Landscape’ (LL herafter) is the physical domain or context where visual messages are displayed
as signs and read by passersby. Samakatuwid, malaki ang gampanin ng LL sa mga taong dumaraan
o nakakikita sa lugar na kinlalagyan nito, kaya hindi mapasusubaliang mahalaga ang wikang
ginagamit sa pagbuo nito.

Batay kay Ben-Rafael et al. kinilala ang LL, “as referring to any sign announcement located
outside or inside a public institution or a private business in a given geographical location” (2006,
p.14). Nangangahulugang malaki ang tulong na naihahatid ng mga LL na maging sa mga
pribadong lugar ay nakakakita nito upang makapagbigay anunsyo sa mga nakapalibot sa lugar.
Ayon kay Gorter (2006) ang LL ay, “on the one hand the literal study of the languages as the are
used in the signs, and on the one hand also the representation of the languages, which is of
particular importance because it relates to identity and cultural globalization”. Hindi lamang
nakakulong sa kung anong uri ng wika ang ginamit sa pagbuo ng signs ang ginagawang pag-aaral
sa LL, kung hindi tumatagos din ito sa kinakatawan ng wika.

Ang Linguistic Landscape mula sa Labas ng Pilipinas hanggang sa Loob

Taong 1997 nang aralin ni Rosenbaum et al., ang wikang ginagamit sa Jerusalem kaya
nagsagawa sila ng mga interbyu sa mga kalsada. Mula sa kanilang pag-aaral natunghayan nilang,
the prevalence of English can be explained by what they called “snob appeal” (sinipi ni Gorter,
2013, p.192). Samakatuwid, laganap na ang paggamit ng Wikang Ingles sa pagbuo ng mga sayn.

Pokus naman ng naging pag-aaral ni Tulp (1978) ang paggamit ng Dutch at French sa mga
billboard sa Brussels kung saan nalaman niyang ang imahe ng kalye nito ay hindi bilingual,
mayorya ang Wikang French at kakapiraso lamang ang puwang para sa Dutch (sipi ni Gorter,
2013, p.192). Na ayon sa Britannica (w.p), present the majority of residents in the Brussels
agglomeration speak French, which is also the preferred language of the city’s growing
international labour force. Mapatutunayang malaking salik ang mga taong nakapalibot sa lugar sa
paggamit ng wika. Nagsagawa ng pananaliksik at ginamit ang terminong Linguistic Landscape
noong 1997 si Landry at Bouhris sa Quebec ng bansang Canada. At ayon sa kanilang pananaliksik,
“the Linguistic Lansdscape is a sociolinguistic factor distinct from other types of language contacts
in multilingual settings” at ang Linguistic Landscape “may constitute the most salient marker of
perceived in-group versus out-group vitality” (p.45). Nabatid sa kanilang pag-aaral na ang LL ay
nakatuon sa wika at kultura ng isang komunidad. At nagiging kagamitan ito upang mabatid kung
anong wika at kultura ang namamayani sa isang komunidad o lugar. Nagsagawa rin ng
pananaliksik sa LL si McArthur taong 2000 sa bansang Zurich ng Switzerland at Uppsala ng
Sweden, na nagtulak kay Schlick na ikumpara ang dalawang bansang ito sa Klagenfurt ng Austria,
Udine ng Italy at Ljubliana ng Slovenia. Bagaman maliit na bilang lamang ang naging saklaw ng
pag-aaral ni Schlick ay makikita mula sa pag-aaral na ito na dominante ang lokal na wika ng mga
nasabing lugar (Gorter, 2013, p.193). Mababatid na sa malakas na pagpapahalaga ng mga tao sa
kanilang wika ay nananatili ito at patuloy na nagagamit.

Ayon naman sa naging pananaliksik ni Akindele (2011) sa lungsod ng Gaborene sa


Botswana, “I observe other economic factors such as immigration and tourism which have
influenced the development of multilingualism and multiculturalism in Botswana”. Mababatid na
sa patuloy na pagdami ng tao na pumupunta sa isang lugar ay maaaring maimpluwensyahan ito
upang maging isang multilinggwal na komunidad. Dagdag pa niya (2011), “the LL studied in
Gaborone reflect somehow cultural and linguistic diversity” at “language signs thus points to the
indicator of the language used in specific settings”. Kaya masasabing hindi lamang nananatili ang
paggamit ng isang wika sa pagbuo ng mga paskil. At mula sa mga paskil na iyon, mababatid ang
mga wikang ginagamit sa naturang espasyo o lugar.

Sinimulan na rin ang pag-aaral ng LL dito sa ating bansa tulad ni Nivalbos (w.t) kung saan
Maynila ang naging kanyang tuon ng pananaliksik. Natuklasan niyang hindi gaano nabibigyang
halaga ang pambansang wika kagaya ng pagbibigay importansya sa wikang Ingles (p.108). Na
siyang sinang-ayunan ng naging pananaliksik ni Delos Reyes mula sa kanyang pagaaral sa
dalawang istasyon ng tren, ang MRT Taft at LRT Recto. Natunghayan niyang mas laganap ang
wikang Ingles kumpara sa wikang Filipino (Delos Reyes, 2014). Nangangahulugang tunay na
mahina ang ating pambasang wika at patuloy na lumiliit ang pagtingin dito. Lalo na at parami na
nang parami ang mga dayuhang naninirahan dito sa ating bansa, na siyang isa ring dahilan sa lalo
pang paglaganap ng wikang Ingles dito sa atin.
Pampublikong Sekondaryang Paaralan naman ang naging tuon ng pag-aaral ni Astillero sa
Irosin, Sorsogon noong 2017. Sa kanyang ginawang pananaliksik natunghayan niyang, “the
multilingual speakers of Irosin, the languages on display in school environment may show that the
local languages have very limited space in formal education especially in secondary level”. Dahil
sa nakalap niyang mga datos, nakikitang dominante ang paggamit ng wikang Ingles kaysa sa lokal
na wika. Aniya pa, “the school as formal institution maybe considered to have been infiltrated by
historical colonialism and international prestige attached to the English language” (p.36). Makikita
na naging salik ang mga nagdaang pangongolonya ng ibang bansa na hanggang ngayon ay bitbit
pa rin.

Ang Manila Central Post Office (MCPO) naman ang naging tuon ng pananaliksik sa LL ni
Eclipse at Tenedero taong 2018. Sinabi nilang ang MCPO ay hindi lamang nakakahon sa
‘architectural studies’ kung hindi pati na sa ‘language studies’. Sinuri nila ang mga LL sa MCPO
batay sa patakarang pangwika ng Pilipinas at lumalabas na hindi ito laganap dito na isang
pampublikong lugar kung saan ay dapat mas laganap ito. Sinaliksik naman nina Jazul at Bernardo
(w.t) ang mga LL sa Binondo, ang Chinatown ng Maynila. Sa kanyang naging pag-aaral sinabi
nilang, “the study has also demonstrated that English is occupied a hegemonic position in the LL
of Binondo. This dominance challenged the presence of Filipino” (p.95).

Lungsod ng Maynila, Cebu at Davao naman ang naging saklaw ng pag-aaral na ginawa ni
Adaya et al. (2018). Sa kanilang pananaliksik, nakitang apat na wika ang ginagamit sa mga LL,
ang Ingles, Filipino, Chinese at Cebuano. Ang mga wikang ito ay may partikular na gamit sa mga
paskil. Ayon sa kanila:

Ang wikang Ingles bilang wika ng global na mercado at intersyunalisasyon. Ang


Filipino ay makikita sa mga generic na sayn na makikita lamang sa loob ng bansa,
kagaya ng panawagan o paalala sa mga dapat gawin na nagmumula sa pamahalaan
mismo. Ang Chinese naman ay ginagamit partikular lamang sa Chinatown. Ang
wikang Cebuano naman ay ginagamit sa mga bottom-up at top-down sans sa mga
lugar ma taal ang wikang Cebuano, kadalasang pagbabawal at pagpapaalala. (w.p)

Marami pa ang inaasahang magiging pananaliksik at pag-aaral tungkol sa LL dito sa Pilipinas na


dadagdag sa mga nabanggit. Makatutulong ang ganitong pananaliksik hindi lamang sa
pagpapakilala ng Pilipinas kung hindi makatutulong ito sa pagpapayabong at pagpapaunlad ng
ating wikang pambansa.
Linguistic Landscape bilang bahagi ng Kultura

Hindi maitatangging malaki ang tulong ng Linguistic Landscape sa mga nakababasa at


nakakikita nito. Bagaman madalas ipagsawalang-bahala ang LL na makikita sa paligid, masasabi
pa ring bahagi na ito ng ating lipunan at kultura. Ayon kay Salazar (w.t), “Ang Kultura ay kabuuan
ng isip, damdamin, gawi, kaalaman at karanasan na nagtatakda ng maaangking kakanyahan ng
isang kalipunan ng tao”. Samakatuwid, maituturing na ngang bahagi na ng araw-araw nating
pamumuhay ang makakita ng mga LL bilang isang instrumento man ng kamalayan o disenyo o
display sa kapaligiran.

Mula sa pagkamulat ng ating mga mata hanggang sa muling pagpikit nito, makakikita at
makababasa tayo ng mga LL na siyang inaakala natin ay maliit na bagay lamang. Sa mga maliit
na eskinita ng mga kalsada makakikita ng mga signage ng mga tindahan at sa mga panindang
nakapaloob dito, sa mga pampasaherong jeep o bus at lalong higit sa mga pampublikong espasyo
na karapat-dapat na makitaan ng mga LL, gaya na lamang ng mga pamilihan.

Nasasalamin din sa mga LL kung umuusbong o nananatili ang kultura ng isang komunidad.
Maituturing na isang uri ng pakikipagkomunikasyon ang LL sa pasulat na pamamaraan, na
mababatid ding bahagi na talaga ng ating kultura ang pakikipagkomunikasyon – ang pagsulat ng
korespondensya o liham lalo na sa loob ng isang eskwelahan. Nagsisimula sa silid-aralan ang
pagkakakilala natin sa mga LL. Ito ang isa sa pamamaraan noon hanggang ngayon sa pagtuturo sa
kinder. Makikita sa isang silid-aralan ng mga bata ang iba’t ibang sign na makatutulong sa kanila
upang makilala ang mga bagay, malaman ang direksyon, paalala at iba pa na masasabing hanggang
ngayon ay kultura o gawi pa rin ng mga guro bilang isang mabisa at mabilis na pamamaraan ng
pagtuturo.

Ayon kay Singh (2005), “Any device which by sight and sound increase the individual’s
practice, outside that attained through read labeled as an audio visual aids” (sipi ni Shabiralyani et
al., 2015). At ang halimbawa ng device na tinutukoy dito ay ang mga sign na nababasa at nakiita
ng isang indibidwal na makatutulong sa pagsasanay o pagkatuto. At mula sa kultura na iyon na
kinasanayan noong mga bata pa ay nagagamit at nadadala habang tumatanda. Kabuhol na sa ating
kultura ang makakita ng mga sign sa ating paligid, sanay na tayong makakita ng mga sign sa iba’t
ibang klase ng lugar. Na kung mapunta man tayo sa ibang lugar na hindi tayo pamilyar, uunahin
nating maghanap ng mga sign kaysa ang magtanong sa mga taong naninirahan sa lugar.

Ang Gampanin ng Wika sa Linguistic Lansdscape

Ayon kay Bouhris (1992), “The basic informational function of linguistic landscape is that
it serves as a distinctive marker of the geographical territory inhabited by a given language
community”. Mababatid na ang pangunahing katangian ng LL ay sinasalamin nito ang wika ng
kinalalagyan nitong lugar. Halimbawa na lamang sa mga komersyalisadong lugar, kadalasang
mababasa at makikita na mga LL na nakapalibot dito ay puro pangngalan, paalala, direksyon at
iba pa dahil ang espasyo na ito ay siguradong malawak at malaki na maaaring maligaw ang tao.
Dagdag pa ni Landry at Bouhris (1997), “consistent use of a single language within the linguistic
landscape of a territory can contribute to clear-cut language boundaries between adjoining
language groups in a given geographical region”. Nangangahulugang kinakailangang manatili ang
paggamit sa iisang wika lamang, upang mabigyang linaw ang hangganan ng wika base sa
heograpikal na lugar. Halimbawa na lamang dito sa Pilipinas, kung patuloy na paiiralin ang
paggamit ng wikang Filipino sa pagbuo ng LL hindi lamang nito mapagtitibay at mapauunlad ang
ating pambansang wika bagkus sa pamamagitan nito ay nalalaman ang hangganan ng ating
teritoryo at lilitaw din ang hangganan sa mga karatig-wika. At sa pamamagitan din nito, mas
mapabibilis at mapadadaling maunawaan ng mga Pilipino ang laman na nais iparating o ipahiwatig
ng LL kung saan madali ring paraan ng pakikipagkomunikasyon dahil ito ang ating pambansang
wika. Ayong muli kina Landry at Bouhris (1997), “The prevalence of one’s language on public
signs can fulfill an informational and symbolic function that can encourage group members to
value and use their language in a broad range of interpersonal and institutional settings”.
Samakatuwid, kapag patuloy sa paglaganap ang paggamit ng Wikang Filipino sa pagbuo ng LL
mas mabibigyang halaga ng mga Pilipino ang ating wikang pambansa at lalo pang ipagpapatuloy
ang paggamit nito sa pagpapaunlad. Ibig sabihin din, magiging instrumento ang LL sa
pagkakaroon ng kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa nangyayari sa estado ng ating wika dito sa
ating bansa kung saan nasasalamin din sa LL ang namamayani at umiiral na kultura rito sa atin.
Mahalaga ang paggamit ng wika sa pagbuo ng LL dahil dito magkakaroon ng ugnayan ang
mga taong kinapaliligiran nito at sa pamamagitan nito, uunlad ang ating wikang pambansa na
siyang magiging simula ng pag-unlad ng ating bansa.

Sintesis ng mga Kaugnay na Literatura at Pag-aaral

Ang unang bahagi ay ang mga literatura at pag-aaral na tumatalakay sa iba’t ibang
pagpapakahulugan sa Linguistic Landscape na mula rin sa magkakaibang mananaliksik.

Sa ikalawang bahagi, tinatalakay ang iba’t ibang pag-aaral at pananaliksik tungkol sa


Linguistic Landscape mula sa labas ng ating bans ana siyang naging tungtungan din ng mga
isinagawang pananaliksik at pagaaral ng mga Linguistic Landscape dito sa ating bansa.

Tinalakay sa huli at ikatlong bahagi ang kultura at ang pagiging bahagi ng Linguistic
Landscape dito kung saan maipakikita rin ang halaga ng LL sa mga taong nakababasa at nakakikita
nito.
Kabanata III

Metodolohiya

Disenyo ng Pananaliksik

Ang pananaliksik na ito ay gagamit ng kuwalitatibo at kuwantitatibong pamamaraan bilang


disenyo ng pag-aaral na makatutulong sa mananaliksik upang matugunan ang mga suliranin.

Gagamitin ng mananaliksik ang kuwalitatibong pamamaraan sa pagbibilang at pagkakategorya ng


mga larawang nakalap na tanawing pangwika na nakalap batay sa inihaing kategorya ni Spolsky at Cooper
(2001).

Gagamitin din ng mananaliksik ang kwantitatibong pamamaraan upang matukoy ang kaugnayan
ng wika, lipunan at kultura sa pagkakabuo ng mga paskil o tanawing pangwika.

Metodo sa Pagsusuri ng mga Datos

Textual analysis ang ginamit na paraan ng mananaliksik sa pagsusuri ng mga tanawing pangwika.
Ang ginawang pagsusuri ay makatutugon sa layunin ng pag-aaral.

Ayon kay Caulfield (2020):

Textual analysis is a broad term for various research methods used to describe,
interpret and understand texts. All kinds of information can be gleaned from a text
– from its literal meaning to the subtexts, symbolism, assumptions and values it
reveals. (w.p)
Kabanata IV

Resulta at Pagtalakay

Mga Linguistic Landscape na makikita sa Commercial Spaces sa Aseana City

Sa pamamagitan ng pagkuha ng larawan ay nakalikom ang mananaliksik ng isang daan at


tatlong (103) larawan ng LL na makikita sa Commercial Spaces sa Aseana City. Pinangkat ang
mga ito batay sa mga kategoryang inihain nina Spolsky at Cooper (1991).

Kategorya Bilang
Patalastas 38
Babala, Pabatid at Paalala 13
Pangalan ng mga Gusali 40
Karatula na Nagbibigay Impormasyon 6
Mga Bagay 6
Kabuuan 103

Ipinapakita sa talahanayan 1 ang pagkakategorya sa isang daan at tatlong (103) larawan ng


LL na nakalap sa Ayala Malls Manila Bay, nakalahad din dito ang naging bilang sa bawat
kategorya. At lumabas din dito kung anoanong uri ng LL ang makikita sa nasabing mall.
Adbertismo

Isa sa mga tanawing pangwika na matatagpuan sa isang komersyalisadong espasyo tulad ng Aseaa
City ay ang Adbertismo. Tampok ang Adbertsimo sa Aseana City dahil ito ang madaling paraan
ng mga negosyante upang makapanghikayat ng mga mamimili. Adbertismo ang pangalawa sa may
pinakamataas na bilang na larawang nakuha ang mananaliksik.

Babala

Sa isang espasyo, kinakailangan ang pagkakaroon ng mga paskil na nagbibigay ng babala


o paalala para sa kaligtasan ng mamamayan. Ginagamit ito upang makaiwas sa mga posibilidad
na magkaroon ng disgrasya. Kalimitang nakikita ang mga ganitong paskil sa pampublikong lugar,
tulad na lamang ng Aseana City. Pangatlo sa may pinakamataas na bilang ng larawang nakalap
ang mananaliksik.
Pangalan ng mga Gusali

Sa isang komersyalisadong espasyo, mahalaga ang tanawing pangwika kung saan makikita ang
pangalan ng mga establisimyento. Ito ay upang madaling mahanap o makita ng mga mamimili. Ito
ang may pinakamataas na bilang ng larawan na nakalap.
Impormatibong Paskil

Isa sa pinakabisa ng tanawing pangwika ay ang makapagbigay ng mga impormasyon na hindi na


kinakailangan pa ang berbal na pakikipagkomunika. Ang pagkakaroon ng ganitong paskil ay
nakatutulong sa pagtipid ng oras at lakas ng isang indibidwal.

Mga Bagay

Isa sa mga kahalahagan ng paskil ay naisasaad nito ang isang bagay. Ito ay upang hindi magkaroon
ng kalituhan ang isang indibidwal sa paggamit o kabuluhan ng isang bagay.
Ugnayan ng Wika, Lipunan at Kultura sa Pagbuo ng Tanawing Pangwika

Ang isang tanawing pangwika ay makikitaan ito ng iba’t ibang elemento upang mabuo. Sa
isang tanawing pangwika, makikita ang iba’t ibang simbolo na madaling nauunawaan ng lahat sa
isang lipunan. Sinasabing bahagi na ng ating kultura ang pagkakaroon ng mga tanawing pangwika
kung kaya’t ang mga elementong taglay nito ay napagkasunduan ng mga tao sa isang lipunan.

Matapos makategorya ang mga larawang nakalap ay sinuri ng mananaliksik upang


malaman ang ugnayan ng Wika, Lipunan at Kultura sa pagbuo ng Tanawing Pangwika.

Larawan 1.1

Larawan 1.2
Ang larawan 1.1 at 1.2 ay parehong adbertismo na matatagpuan sa Ayala Malls, Aseana
City. Makikita na may taglay itong teksto na nangangahulugang may wika itong ginamit. Sa
larawan 1.1, makikita ang paggamit ng wikang Ingles lamang samantalang sa larawan 1.2 ay
gumamit ng dalawang wika, Ingles at Filipino. Sa isang adbertismo, mahalaga ang paggamit ng
retorika na ginagamitan din ng wikang madaling mauunawaan ng lahat

Larawan 2.2

Larawan 2.1

Mababatid ang pangunguna ng Ingles bilang midyum ng wika sa pagbuo ng tanawing pangwika
sa Aseana City. Makikita rin sa larawan 2.1 at 2.2 na Ingles ang gamit na wika. Ang parehong
larawan ay nasa kategoryang babala, panuto o paalala. Sa ganitong uri ng paskil ay nararapat ang
paggamit ng wikang nauunawaan ng lahat.
Larawan 3.2

Larawan 3.1

Wika ang pinakamabilis na instrumento upang magkaroon ng malayang komunikasyon at


magkaunawaan ang magkakaibang indibidwal. Sa larawan 3.1 at larawan 3.2 ay kinakitaan pa rin
ng paggamit ng Ingles at sa larawan 3.2 ay gumamit ng Nihonggo.

Larawan 4.1

Larawan 4.2
Makikita pa rin sa larawan 4.1 at 4.2 ang pag-iral ng Ingles. Ang mga larawan ay nasa ilalim
ng kategoryang pangalan ng establesimyento.

Mula sa mga larawan sa itaas, makikita ang pagkadominante ng Ingles. Ang pag-iral na ito
ay kasabay ng globalisasyon. Sa isang lipunang komersyalisado gaya ng Aseana City ay makikita
ang pagbibigay kapangyarihan sa Ingles bilang wika ng Globalisasyon. At sinasabing ang
globalisasyon ang makatutulong sa ating bansa upang umunlad.

Sa isang komersyalisadong espasyo, ang pagkakaroon ng mga tanawing pangwika ay bahagi


na ng kultura. Kapag tayo ay paroroon sa mga pasyalan ay tanawing pangwika ang una nating
hanap kapag mayroon tayong kalituhan bago tayo magtanong sa kapwa.

Ang paggamit ng Ingles sa pagbuo ng mga tanawing pangwika sa Aseana City ay


nangangahulugan na marami sa mga taong nasa paligid nito ay may kakayahang umunawa at
magsalita nito.

Ayon kay Henry Gleason, ang wika ay isang masistemang balangkas na sinasalitang tunog
na isinaayos sa paraang arbitraryo na ginagamit sa komunikasyon ng mga tao sa isang lipunang
may iisang kultura. Mula sa pagpapakahulugan ni Gleason, mababatid na ang wikang ginamit sa
mga tanawing pangwika sa Aseana City ay epekto mismo ng mga taong gumagalaw sa lipunang
ito. Dagdag pa ang pagiging komersyalisado nito – ang pagtatampok ng iba’t ibang produkto o
serbisyong bahagi ng kultura ng magkakaibang lipunan.

Sa Aseana City ay makikitaan ng mga establesimyento na mga oryentasyong banyaga,


partikular na ng bansang tsina. Ngunit sa pagsusuri ng mga tanawing pangwika ay Ingles ang
namamayaning wika.

Sa mga larawan ng tanawing pangwika na nakalap, mababatid ang pagkakaroon ng ugnayan


ng wika, lipunan at kultura. Ang wikang ginamit – Ingles, ay napagkasunduan ng mga tao rito at
naging bahagi na ng kultura ang paggamit ng wikang ito bagaman hindi lahat ng tao rito ay ito ang
kinagisnang wika o ang kanilang mother tongue. At ang pagkakaugnay-ugnay ng wika, lipunan at
kultura ay ang dahilan ng pagkakabuo ng tanawing pangwika. Dahil sa patuloy na pagkokomunika
ng mga tao sa iisang lipunan, nagkasundo sila na bumuo ng tanawing pangwika at naging bahagi
na ito ng kultura.
Kabanata V

Lagom, Konklusyon at Rekomendasyon

Lagom ng Natuklasan

Mula sa mga nakalap na larawan ng tanawing pangwika ng mananaliksik sa Aseana City


natuklasan na kakikitaan ng iba’t ibang uri ng tanawing pangwika o paskil ang Aseana City;
adbertismo, para sa panghihikayat ng mga konsyumer o mamimili na layunin ng isang
komersyalisadong espasyo; pangalan ng gusali, upang madaling malaman ng isang indibidwal ang
pangalan ng eastablesimyento; impormatibong paskil, ito ay upang makapagbigay ng mga
impormasyong magbibigay linaw sa tao; mga bagay, upang mabigyang linaw ang gamit ng isang
bagay; babala o paalala, ito ay para mapanatiling ligtas ang lahat mula sa mga posibleng sakuna.

Sa pagsusuring ginawa ng mananaliksik, napatunayan ang kahalagahan ng wika sa buhay


ng tao. At sa pagsusuri ring ito, nakita ang pagiging dominante ng Ingles sa mga tanawing
pangwika. Ingles ang naging midyum ng wika nito. Alinsabay ay ang napatunayang mahalagang
salik ang ugnayan ng wika, lipunan at kultura upang makabuo ng tanawing pangwika.

Nabatid din ng mananaliksik na ang wika, lipunan at kultura ay may malaki ring papel sa
globalisasyon.

Konklusyon

Hindi maitatanggi ang kahalagahan ng tanawing pangwika sa ating pang-araw-araw na


pamumuhay. Ang pagiging bahagi nito sa ating kultura ay nakatutulong sa atin upang mas
mapabilis ang ating pakikipag-ugnayan sa kapwa.

Ang tanawing pangwika ay makatutulong sa pagpapaunlad ng wika. Ang pagiging bahagi


nito sa ating kultura ay magiging susi o daan upang mapalaganap ang ating wikang pambansa –
Filipino. Mapaghuhusay ang pagiging intelektwalisado ng ating wika kung gagamitin natin ito
bilang midyum ng wika sa pagbuo ng mga tanawing pangwika.

Hindi mabubuo ang wika, lipunan at kultura kung wala ang isa. Magkakaugnay ang mga
ito upang mabuo at maging sandigan ng bawat isa. Wika at kultura ang nagbibigay ng identidad o
pagkakakilanlan ng mga tao sa isang lipunan.

Rekomendasyon

Sa susunod na pananaliksik, piliin ang espasyong mayroong dalawa o higit pang wika na gamit sa
mga tanawing pangwika at sipatin ang heograpikal na istruktura at ang history ng naturang espasyo
upang malaman ang naging ugnayan nito sa ginamit na wika sa pagbuo nito.

Inirerekomenda rin ang pagtatangka na magsalin ng mga paskil na nasa Ingles tungong
Filipino upang makatulong sa pagpapalaganap nito. Lalong higit kung ang mga tuon ng pag-aaral
ay mga publikong espasyo at pamahalan o institusyon ng gobyerno.
Sanggunian

Akindele, D.O. (2001). Linguistic landscapes as public communication: A study of public signage in
Gaborone Botswana. International Journal of Linguistics, 3, 2.

Aseana City. (w.p). Aseana city-aseana city. https://aseanacity.com/about/

Astillero, S. F. (2017). Linguistic schoolscape: Studying the place of English and Philippine languages of
Irosin Secondary School. Asia Pacific Journal of Education, Arts and Sciences, 4 (4), 30-37.

Batnag, A., Petras, J., Antonio, F. (2009). Teksbuk sa pagsasalin. C&E Publishing, Inc.

Ben Said, S. (2011). Data Triangulation as a Resource in Multilingual Research: Examples from the
Linguistic Landscape.

Carpio, P. et al. (2016). Komunikasyon sa Akademikong Filipino. Jimcyville Publication: Malabon City.

Caulfield, J. (2020). A quick guide to textual analysis: 3 coomon approaches. Scribbr.


https://www.scribbr.com/methodology/textual-analysis/

De Los Reyes, R. A. (2015). Language of “order”: English in the linguistic landscape of two major trains
stations in the Philippines.

Eclipse, A. N. & Tenedero, P. P. (2018). The linguistic landscape of Manila Central Post Office: A micro-
linguistic analysis. Asian Journal of English Language Studies (AJELS), 2, 45.

Gorter, D. (2006). Introduction: The study of the Linguistic landscape as a New Approach to
Multilingualism. International Journal of Multilingualism. 3, 1-6.

Gorter, D. (2013). Linguistic Landscapes in a Multilingual World. Annual Review of Applied Linguistics,
33, 190-212.

Landry, R. & Bouhris, R. Y. (1997). Linguistic andscape and ethnolinguistic vitality: An empirical study.
Journal of Language and Social Psychology, 16 (23), 23.

Nivalbos, I. (2019). Ang Wika sa pampublikong espasyo: Isang pag-aaral sa tanawing pangwika ng
maynila. De La Salle University. Dasmarinas, Cavite

Salazar, Z. (w.p). Ukol sa Wika at Kulturang Pilipino. Nakuha sa https://www.academia.edu

Tokyo Grand Renovation. (2019). Aseana city: The next generation metropolis.
https://tgr.com.ph/blogs/aseana-city-the-next-generationmetropolis/

Torkington, K. (2009). Exploring the linguistic landscape: The case of ‘Golden Triangle’ in the Algarve,
Portugal. Lancaster University.

You might also like