Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 49

k a l a w a k a n

isang antolohiya
ni s. pacio
l o r e n z o
isang noveleta
ni s. pacio
unang bahagi
j a n e v a l d e z
Alam ni Jane ang sikreto ni Ginoong Fernandez. Ang totoo
riyan, siya dapat ang biktima noon. Ngunit magaling siya.
Nakatakas. Ang kapalit nga lamang, ang buhay ng kaniyang inosenteng
pinsang si Mariela. Sa sumunod na mga buwan, pilit niyang itinago
ang nangyari. Kung isisiwalat niya ang katotohanan tungkol sa
ginoo, naisip niyang maaari rin siyang mapahamak. Naramdaman
niyang napakalaki ng kaniyang pagkakasala hindi lamang sa pinsan,
ngunit pati na rin sa sarili at sa mundo. Bakit nga ba hindi niya
kayang ipaglaban ang kaniyang sarili?
Mula noon, sinubukan niyang lumayo sa guro. Akala niya'y
titigilan na siya nito sapagkat tinatago niya ang kaniyang sikreto.
Ngunit alam niyang hindi roon nagtatapos ang lahat. Nang siya'y
pinatawag ng guro dahil sa kaniyang bumabagsak na marka, nagpasama
siya sa kaniyang kaibigang si Lorenzo na nagkataong magpapasa rin
ng portfolio sa guro.
"Sa bahay ko. Alas-syete ng gabi."
Walang nakakaalam nito - siya lamang at si Lorenzo. Ni hindi
alam nina Viktor at Leona na ipinatawag siya ni Ginoong Fernandez.
Nung una, nagtatanong pa si Lorenzo kung bakit kinakailangang sa
bahay pa ng guro pumunta. Nagtatanong din siya kung bakit sobrang
gabi na't baka hindi pa siya payagan ng kaniyang ina. Ngunit dahil
ang pinakaimportanteng bagay para kay Jane ay ang kaniyang mga
marka, hinayaan niya na lamang ang kaganapan, at hindi na siya
umangal pa sa itinakdang oras at lugar ng guro.
Ngunit nangyari na naman ang hindi dapat mangyari. Nagkaroon
na naman ng kasalanan ang guro. At nang takbuhang muli ni Jane ang
kawalang-hiyaan ng guro, alam niyang nagkaroon na naman siya ng
kasalanan. At ang masaklap pa, nagawa niya ito sa kaniyang
pinakamatalik na kaibigan - ang valedictorian ng paaralan. Hindi
niya ginusto ang pangyayaring ito. Kung pupuwede lamang bumalik.
Kung puwede lang...
Unang linggo.
Sa sumunod na araw ay lumiban si Lorenzo sa klase. Iyun ang
pinakauna niyang pagliban sa klase sa kaniyang buong buhay, sa
pagkakaalam ni Jane. Nagtaka rin ang kanilang dalawang kaibigan,
kaya't nag-desisyon silang bisitahin ang bahay ng kaklase. Nang
pumunta sila sa bahay ng kaibigan, paalis ang ina nito upang
pumunta sa barangay - gusto niya sanang ipahanap ang kaniyang
nawawalang anak. Nagulat ang tatlo sa balita, o kung aaminin...
dalawa.
Sumama ang tatlong magkakaibigan sa ina ni Lorenzo upang
tulungan ito sa paghahanap. Ipinangako naman ng mga opisyales ng
barangay na gagawin nila ang kanilang makakaya, subalit
pinaghahandaan nila ang piyesta sa barrio kaya't baka bumagal ang
kanilang paghahanap at kaunti lamang ang maaaring tumulong. Sinabi
naman ng inang si Laurentia sa mga kaibigan ng kaniyang anak,
tanungin daw nila ang kanilang mga kaklase kung nakikituloy ba si
Lorenzo sa kanila sa kasalukuyan.
Sa sumunod na mga araw (Biyernes, Sabado, at Linggo), hindi
pa rin umuuwi si Lorenzo. Napansin din ni Jane na hindi pumasok si
Ginoong Fernandez noong Huwebes at Biyernes. Ano na nga rin ba ang
nangyari sa kaniya? Dahil sa paatuloy niyang pagkukunwari,
maaaring hindi na niya malaman ang nangyari.
Isang linggo na ang lumipas at malapit na ang pista sa barrio.
Wala pa ring senyales kung nasaan si Lorenzo. Kung buhay o patay
na siya, wala pa ring nakakaalam. Alam ni Jane ang katotohanan,
ngunit hindi niya pa rin sinasabi. Wala pa rin siyang planong
aminin ang kaniyang naging pagka-makasarili. Wala pa rin siyang
planong sabihing "pinrotektahan ko lang ang sarili ko!"
Kahit ang mga guro ay nagtataka. Si Ginoong Fernandez kasi ay
nagpadala ng isang leave form na aalis muna siya sa probinsiya
upang pumunta sa mga kamag-anak sa siyudad, kaya't walang nag-
iisip na may ibang nangyari rito. Nagpasa na rin ito ng mga marka
ng kaniyang mga estudyante nang hindi pa kasama ang final exam.
Nagtaka pa ang kanilang tagapagpayong si Ginang Lopez kung bakit
natanong ito ni Jane. Si Lorenzo, walang sinabing kahit ano bago
umalis. Walang paalam, walang liham. Alalang-alala na ang lahat
para sa valedictorian ng taon, lalo na sina Viktor at Leona.
ikalawang bahagi
v i k t o r j a m i l i
Hindi tulad ni Jane, hindi alam ni Viktor kung anong nangyari
kay Lorenzo. Ngunit may hinala siya sa kung ano nga bang nangyari
sa kaniyang kaibigan. Isang linggo na ang nakalipas, at iniisip
niya pa rin kung magagawa ba iyon ni Lorenzo.
"Hindi 'yun magpapakamatay!" Sabi ni Leona.
Napakasayang bata ni Lorenzo. Sa totoo lang, hindi siya
madalas mag-alala sa kaniyang mga marka sa eskwelahan. Mas gusto
niya ring makipag-usap sa mga kaibigan kaysa makinig sa mga aralin
sa klase. Basta't alam niyang kumpleto ang kaniyang requirements,
okay na siya roon. Kaya nga't nagulat siya ng sinabi ng tagapagpayo
na siya'y running for valedictorian sa kanilang baitang.
Napakabait ni Lorenzo. Wala siyang ginawang iba kundi
tumulong sa kaniyang kapwa. Kaya rin niya gustong maging guro
sapagkat gusto niyang tumulong sa kabataan ng susunod na
henerasyon. Ngunit paano niya matutupad ang pangarap na iyon kung
hanggang sa ngayon ay nawawala pa rin siya? Nasaan si Lorenzo?
Ikalawang linggo.
Huwebes na - ang unang araw ng ikalawang linggo ng pagkawala
ni Lorenzo. Ito rin ang unang araw ng pista sa Barrio Fajardo.
Nangako ang magkakaibigan na sa araw na ito, sasamahan nila ang
ina ni Lorenzo, si Tiya Laurentia.
"Ikalawang anak ko nang nawala," sabi nito.
Katahimikan ang dala ng magkakaibigan. Nag-kuwento si
Laurentia tungkol sa pamilya niyang iniwan sila ilang taon na ang
nakalipas. Ang kaniyang asawa't apat na anak ay lumipat sa siyudad
upang ipagpatuloy ang magandang buhay ng pamilya, ngunit si Tiya
Laurentia ay nanatili sa barrio dahil ayaw niya nang balikan pa
ang babaerong asawa. Ang natira sa kaniya ay si Lorenzo, at ang
nakatatandang kapatid nitong si Mauritia. Si Mauritia ay may
autism, at nang subukan nitong pumasok sa eskwelahan, nakaranas
siya ng matinding pambubulas. Bunga nito, isang araw, nakita na
lamang ang katawan niyang nasa ilalim ng ilog.
Hindi ayos ang pamilya Valentin. Inakala nilang lahat na
masaya si Lorenzo, ngunit marami pala itong tinatagong sikreto.
Kahit kailan, hindi niya naipakita ang kaniyang mga nararamdaman.
Siya ang may pinakamalungkot na buhay sa apat, ngunit siya pa ang
hindi nagkukuwento. Siya pa ang palaging nariyan para sa iba. Siya
pa ang palaging nakikinig sa mga problema ng iba.
Tumingin si Viktor kay Leona. "May dahilan."
Tumango lamang si Leona. Kitang-kita ang kaniyang
pagdadalamhati- ayaw niyang mawala si Lorenzo. Ayaw nilang mawala
ang pinakamamahal nilang kaibigan. Ayaw nila...
Sa sumunod na araw, pumunta sila sa sentro ng barrio upang
dumalo sa perya. Sinubukan nilang maging masaya, ngunit hindi
maipagkakailang kulang ang pakiramdam sapagkat wala ang isa sa
kanila. Kain dito, kain doon. Sinubukan nilang magsaya at kalimutan
ang kalungkutan kahit sa iilang sandali lamang.
Sumakay sila sa ferris wheel, pati na sa tinatawag nilang
caterpillar, na isang maliit na roller coaster. Habang sinusubukan
ni Leona na mag-darts sa isang booth, napansin ni Viktor ang isang
lalaking tumatakbo sa mga punong nakapaligid sa perya. Kung hindi
siya nagkakamali...
"Si Lorenzo..."
Agad siyang tumakbo, at napatigil si Leona sa kaniyang
ginagawa. Walang nagawa ang dalawang babae kundi sundan si Viktor.
Naniniwala sila... na sana nga, iyun si Lorenzo.
Ilang mga puno na ang kanilang nadaanan - nakikita pa rin
nila ang tumatakbong lalaki, na tila hindi rin alam kung saan
pupunta. Nilingon ni Viktor ang mga kasama. Si Leona, naluluha na,
at si Jane, puno ng pag-aalala at pagod ang mukha.
Nagpatuloy sila sa pagtakbo hanggang marating ang isang
kalsada. Nang makatawid ang lalaki, susunod pa sana si Viktor nang
biglang may bumusina. Hinila siya pabalik ni Jane bago pa siya
masagasaan. Pagkaraan ng sasakyan, tumingin sila sa kanilang
harapan. Wala na roon ang tumatakbong lalaki.
"Hindi... Bakit mo ako pinigilan?"
"Vik, tanga ka ba? Muntik ka nang mamatay!" Sigaw ni Jane
habang humahagulgol sa kaniyang tabi si Leona.
"Nakita na natin si Lorenzo, Jane. Nakita na natin... Pero
anong ginawa mo?"
"Oo, Vik, maaaring nakita nga natin siya. Pero anong silbi
no'n, kung pati ikaw, mawawala?" Sambit ni Leona sa pagitan ng
kaniyang mahihinang pag-iyak.
Tumahimik si Viktor at nagbuntong-hininga.
"Tsaka malay din natin kung si Lorenzo ba talaga 'yon, 'di
ba?" Dagdag pa ni Leona.
"Sigurado ako. Sigurado tayo. Nakita niyo siya, 'di ba? Si
Lorenzo ang nakita natin!"
Tahimik lang ang dalawang babae, walang maisip na kasagutan.
"Maliit siya, tulad ni Lorenzo. 'Yung buhok niya, tulad ng
kay Lorenzo. At isa pa, uniporme 'yon ng eskwelahan natin..."
"Pero Vik, naaalala mo ba 'yung pinag-usapan kahapon?" Sabi
ni Leona. Tumango si Viktor. "Baka posible nga..."
"Hindi! Nakita natin siya, Leona. Nakita ko siya. Alam kong
buhay siya... Alam ko..."
Tumahimik ang paligid. Lahat sila’y nagulat sa nangyari – ang
biglang pagtakbo paalis ni Viktor, at ang hinabol niyang lalaking
sa tingin niya ay si Lorenzo. Halos umiyak na si Viktor dahil sa
mga nararamdaman, ngunit napigilan niya ito nang magsalita si Jane.
"Naalala niyo ba na nung Miyerkules, nagpasa siya ng portfolio
kay Ginoong Fernandez?" Biglang sabi ni Jane. Lahat sila,
nanatiling nakatayo sa tabi ng kalsada. "Sumama ako kay Lorenzo
noon. Hindi tinanggap ni Ginoo ang portfolio niya.”
Lalong umiyak si Leona, at sinubukan siyang patahanin ni
Viktor. Ngayon, ayaw na lamang niyang maniwala. Ayaw niya talaga.
Gusto niyang isiping buhay pa ang kaniyang kaibigan.
"Pero hindi..."
"Patay na si Lorenzo, Vik," matalim na sambit ni Jane. Seryoso
ang kaniyang tono, ngunit halata ang panginginig dito. May halo pa
ring kalungkutan ang kaniyang nararamdaman. "Wala na siya.
Nagpakamatay siya."
"Hindi. Hindi ako naniniwala," matigas naman niyang sagot.
Ang bawat salita nila, patuloy lamang na sumasaksak sa kaniyang
puso. Kailangan niyang magpakatatag.
"Wala na tayong magagawa, Vik! Tama na. 'Wag ka nang
magpakabulag. Tanggapin mo na lang," nagsimula na ring umiyak si
Viktor.
Pagkasabi ni Jane noon, nangyari ang hindi inaasahan. Nang
tumakbo si Viktor palayo, napagtanto niya na unang beses iyon na
iniwan niya ang isang babae – si Leona – habang ito'y umiiyak.
Lunes.
Tahimik sa klase. Lumipat muna si Jane sa upuan ni Lorenzo.
Halatang dumidistansya ito sa nakaaway na kaibigan. Si Leona naman,
nasa kanilang likod, at hindi rin nagsasalita. Hindi nila alam ang
sasabihin sa isa't-isa. Nagkukunwari na lamang sila sa kanilang
mga sarili... Ayos pa ba sila?
Maraming tanong si Viktor, at marami rin siyang inaalala.
Iniisip niya kung totoo ba ang mga sinasabi ni Jane, o may iba pa
itong detalyeng itinatago sa kanila.
Mayaman si Jane. Sikat siya sa eskwelahan dahil siya’y parte
ng student government. Aktibo rin siya sa klase at sa lahat ng
aktibidad sa loob at labas ng klase. Mayaman din ang pamilya nito
kumpara sa tatlong kaibigan nito.
Running for salutatorian si Jane, ngunit kung totoong patay
na nga si Lorenzo, maaaring si Jane na ang maging valedictorian ng
kanilang batch. Hindi alam ni Viktor kung matutuwa ba siya sa
ganoong balita. Kahit anong mangyari, alam niyang si Lorenzo pa
rin nga ang nararapat na umupo sa trono.
Habang nagtuturo ang isang guro, binalikan ni Viktor ang
kanilang pagkakaibigan. Si Lorenzo ay para na rin nilang lider
dahil palagi sila nitong tinutulungan. Si Viktor ang pinakamasigla
dahil siya ang nagpapasaya palagi sa grupo. Si Leona naman ang
pinakapalaban kahit siya’y may taglay na pagkahina. Si Jane, siya
naman ang palakuwento.
Mahilig sa sports si Viktor. Naalala niya ang mga pagkapanalo
niya noon sa mga kompetisyon. Kahit na mahirap, kinakaya naman,
lalo na’t ramdam niya palagi ang suporta ng mga kaibigan, lalo na
ni Lorenzo. Para sa kaniya, sobrang sakit na magkakahiwalay na rin
sila sa susunod.
Kahit na mangyayari rin naman ang pagkakahiwalay na iyon,
hindi pa rin matanggap ni Viktor na ganoon na lamang nawala si
Lorenzo. Kung nagpakamatay nga ito, bakit walang nakakaalam kung
nasaan ang bangkay? Kung pinatay ito, sino at bakit?
Martes.
Ganoon pa rin. Walang nagpapansinan, walang nag-uusap. Hindi
naman napapansin ng kanilang mga kaklase kung ano nga ba ang meron.
Basta’t ang alam ng iba, nawawala pa rin si Lorenzo. Tila walang
nakakapansing iba ang ere sa pagitan ng tatlong natitirang
magkakaibigan.
Habang naglalakad pauwi, walang iniisip si Viktor kundi ang
mga pangarap nilang magkakaibigan. Gusto niya na lamang umupo sa
gitna ng kalsada habang inaalala ang lahat – kung paano nagsimula
ang kanilang pagkakaibigan.
Malaki rin ang Barrio Fajardo kung tutuusin. Ang sentro ng
barrio ay matatagpuan malapit sa isang gubat na nakakonekta naman
sa maliit na bahagi ng highway. Kung lalakarin pa, may ilog na
matatagpuan sa kabilang gilid ng kalsadang iyon. Doon sila unang
nagkakilala.
Ang kuwento ni Jane, magkakilala na silang dalawa ni Lorenzo
simula pagkabata dahil sila’y magkapitbahay lamang din. Nang
makaapak sa ika-anim na baitang, pumunta ang mga estudyante sa
tagong ilog na iyon upang makita ang kagandahan ng barrio. Nang
araw na iyon, nawala si Viktor, at nahanap siya ng dalawa. Doon
nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.
Si Leona naman ay pumasok lamang sa eksena nang maging
magkakaklase sila noong unang taon ng hayskul. Ang sabi ni Jane ng
araw na iyon, gusto niya raw magkaroon ng babaeng kaibigan, at
iyun nga ang nakuha niya.
Walang sasakyang nadaan sa ngayon, kaya’t pinagpatuloy ni
Viktor ang planong umupo lamang sa gitna ng kalsada. Naalala niya
na naman ang mga pangyayari noong piyesta. Hindi niya makakalimutan
ang mga sinabi nina Jane at Leona. Sobrang sakit.
Kung may isang salitang maglalarawan kay Jane, siya’y
persistent. Palagi siyang tama. Mapilit. Hindi nagbabago. Kahit na
sabihing nakatutulong naman ito minsan, hindi maiwasang isipin ni
Viktor ang mga negatibong bagay kay Jane. Bakit nga ba pilit niyang
sinasabing patay na si Lorenzo? Ginusto niya ba itong mangyari?
Nakakatawa man, ngunit hindi kailanman nanlibre si Jane sa
mga kaibigan. Hindi naman nagrereklamo si Viktor, ngunit ano pa
nga ba ang ginawa ni Jane para sa kanilang magkakaibigan? Ni
minsan, nilalayuan sila nito. Minsan talaga’y sarili lang niya ang
kaniyang iniisip. Hindi masabi ni Vik kung lahat ba ng tulong na
ibinigay nito sa kanila ay mula sa puso o para lang gumanda ang
imahe niya sa iba.
“May ibababa ka pa ba?” Bulong ni Viktor sa kaniyang sarili.
Nakasimangot lamang siya habang nakatingin sa kaniyang harapan.
Sobrang ganda ng view mula sa kaniyang kinauupuan. Patuloy na
bumababa ang araw mula roon. Malapit na rin palang sumapit ang
gabi.
Naghihintay pa rin si Viktor. Hindi niya alam kung mayroon pa
bang mangyayari. Magpapakita pa ba ang lalaking nakita niya noong
pista? Totoong tao ba ang nakita niya o hindi? Hindi ba talaga si
Lorenzo ang lalaking iyon?
Marami pang tanong si Viktor – sa kaniyang sarili, sa estado
ni Lorenzo, at sa kanilang pagkakaibigan. Si Jane... Si Leona...
Miyerkules.
Iniisip ni Viktor ang susunod na dalawang araw na nakalaan
para sa kanilang mga huling pagsusulit. Ngayong wala si Lorenzo,
sino ang kaniyang makokopyahan? Dahil hindi sila nag-uusap nina
Jane at Leona, sino ang kaniyang makakatulungan?
Wala. Ang kaniyang sarili lamang.
Hanggang sa ngayon ay tila hindi magkakakilala ang tatlo. Sa
mga normal na araw, katabi ni Viktor si Jane at ang bintana, at
nasa likod niya naman si Leona. Si Lorenzo naman ay kadalasang
nasa kabilang gilid ni Jane. Ngayon, nakaupong muli si Jane sa
upuan ng nawawalang kaibigan.
Napagtanto ni Viktor na sobrang babaw lamang ng kanilang
naging away. Buhay man o patay, gugustuhin ba ni Lorenzo na
nagkakaganito ang kaniyang mga kaibigan?
Hindi, ‘di ba?
Nawala ang ngiti sa mukha ni Viktor nang maalalang oras na
naman pala ng Math sa kanila. Wala pa rin si Ginoong Fernandez.
Mukhang nagsisiya pa sa kaniyang mumunting bakasyon. Ang kaniya
namang mga estudyante, patuloy na naghihirap sa loob ng silid-
aralan.
Bakit nga ba hindi tinanggap ng guro ang portfolio ni Lorenzo?
ikatlong bahagi
l e o n a r a m o n e s
Hindi rin alam ni Leona ang nangyari kay Lorenzo. Ngunit
naniniwala ang kaniyang isip na tuluyan na nga itong nawala.
Siguro'y isang araw, mababalitaan na lamang nilang mayroong isang
bangkay na natagpuan sa ilog, ngunit ang kaniyang puso'y hindi pa
handa sa ganoong impormasyon.
Ilang taon na ring gusto ni Leona si Lorenzo. Ilang tula na
ang kaniyang naisulat para sa lalaking ito. Ilang tula pa ba ang
kailangan niyang isulat upang bumalik si Lorenzo sa kanila - sa
kaniya?
Sa mga nakaraang araw, hindi niya alam kung ano nga ba ang
gagawin. Ni hindi siya nakakapag-aral sa kaiisip kung makikipag-
usap ba siya sa dalawa niyang kaibigan. Iniisip niya rin kung sino
nga ba ang tama. Bakit ipinagpipilitan ni Jane na wala na si
Lorenzo? At totoo nga bang si Lorenzo ang nakita nina Viktor noong
araw na iyon?
Ikatlong linggo.
Noong Huwebes ng madaling araw ay biglaang nag-text si Viktor
kay Leona, nagtatanong kung nakapag-review ba ito. Sumagot si
Leona, sinasabing hindi siya nag-aral sapagkat may iba pa siyang
iniisip at pinoproblema. Ang ibinalik lamang ni Viktor ay isang
"smiley face."
Habang naglalakad papunta sa eskwelahan, nakatingin lamang si
Leona sa kalangitan.
"Lorenzo, kung nandiyan ka man... gabayan mo kami, please?"
Biglang may kumaluskos sa tabi ni Leona. Muntikan pa siyang
madapa sa lakas ng tunog nito. Marahil nagpaparamdam nga lamang
ang kaluluwa ni Lorenzo. Binilisan niya ang kaniyang lakad.
Lumingon siyang muli, at nakita ang isang lalaking hinihingal.
Halatang pagod ito dahil pinagpapawisan. Lumapit siya sa lalaki
nang mapansin niyang sira-sira ang damit nito at may mga sugat sa
katawan.
Si Lorenzo.
Napamulat si Leona at napatingin sa paligid. Nasa harap niya
si Jane, at nasa tabi niya si Viktor. One seat apart pa. Nasa
silid-aralan na pala siya, at mukhang magsisimula na rin ang
kanilang unang pagsusulit. Matematika.
Aaminin ni Leona, hindi siya magaling sa asignaturang ito.
Madalas, nakaasa sila kay Lorenzo pagdating dito. Isang dahilan
iyon kaya niya pinipiling maging abogado paglaki- ayaw niyang
problemahin pa ang sipnayan sa hinaharap.
Si Lorenzo... na nasa panaginip niya ilang minuto pa lang ang
nakararaan. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang siya
nagkaroon ng ganoong panaginip habang umiidlip. Dahil ba't
palaging si Lorenzo ang kaniyang nasa isip, at siya'y patuloy na
nagtataka tungkol sa kung buhay pa ba siya o hindi na?
Si Lorenzo, ang kaniyang pinakamamahal na kaibigan. Ni hindi
siya nakaamin, kahit isang pagsubok lamang. Napakatalinong bata.
Napakabait. Napakamasiyahin. Gusto siya ng lahat. Kahit hindi
pala-kaibigan, andoon siya para sa lahat ng nangangailangan.
Naalala pa niya noong una silang maging magkaklase noong unang
taon ng hayskul. Napansin ni Lorenzo na walang papel si Leona,
kaya't pinilit niya si Jane na magbigay ng papel sa kaniya dahil
wala siyang papel noon. Noong ikalawang taon naman, nang masugatan
si Viktor dahil sa sobrang pagpapraktis ng kanilang sayaw, si
Lorenzo ang nag-alaga sa kaniya. Noong ikatlong taon naman, nang
magkaproblema sa pamilya si Leona, sinigurado niyang masaya ito sa
bawat araw na lumipas. Sa ngayon, sa totoo lamang, hindi na rin
alam ni Leona. Ano nga ba ang gagawin ni Lorenzo para sa kanila,
ngayong wala na siya?
Si Lorenzo, na siyang naging daan upang mapagtanto ni Leona
kung ano nga ba ang kaniyang gustong gawin sa buhay. Naalala niya
ang mga pag-uusap nila noon sa oval ng eskwelahan. Ang mga tawanan
habang nakaupo sa damuhan. Ang mga sandaling nagrereklamo si
Lorenzo tungkol sa mga isyu sa bansa habang sila'y nakatingin sa
langit na unti-unting dumidilim...
"Wala naman si Sir Fernz, ba't ba nagte-test pa tayo?" Biglang
sabi ng isa sa kanilang mga kaklase. Napatawa ang lahat, at
pinatahimik ito ng kanilang tagapagpayo, na siyang nagbabantay sa
kanila habang nagsasagot.
Tatlumpung minuto na ang nakalipas. Nagulat si Leona nang
bumagsak si Jane sa kaniyang armrest. Napatingin siya sa guro,
ngunit nakatingin lamang ito sa labas. Kinalbit niya ang kaibigan,
ngunit wala itong reaksyon. Napatingin din si Viktor. Sumenyas ito
na baka natutulog lang. Iyun din ang naisip ni Leona, kaya't
hinayaan niya na lamang ito.
Ilang minuto ang nakalipas, napansin na ni Ginang Lopez si
Jane. Kinalbit niya ito, at biglang napatayo ang mag-aaral.
"Pinrotektahan ko lang po ang sarili ko."
Napatingin ang lahat sa kaniya. Si Leona naman, nakatinginan
si Viktor. Anong napanaginipan nitong si Jane?
"Anong meron, Jane?" Tanong ni Ginang Lopez. Umiling lamang
ang dalaga, muling umupo, at nagsagot sa pagsusulit. Nang makabalik
ang guro sa lamesa, sinipa ni Leona ang paa ni Jane. Nang tumingin
ito, nagbigay si Leona ng nagtatanong na reaksiyon.
Hindi ito pinansin ni Jane, at muli niyang tinalikuran ang
kaibigan. Napansin ni Leona na tila kinakabahan ito.
Ano nga bang tinatago ni Jane?
Biyernes.
Tapos na ang mga pagsusulit, at nagpapasalamat na rin sina
Leona at Viktor doon. Nang muli silang magkasundo, naisip nilang
makipagbati naman kay Jane, ngunit tila iwas na iwas ito sa kahit
anong interaksiyon sa kanila. Nang pumunta ang dalawa sa bahay ng
mga Valentin, nakita nilang naroon si Jane at isang barangay
official.
"Noong nawala po si Lorenzo, naroon po ako."
Kumatok ang dalawa dahil sa narinig. Alam nilang kailangan
din nilang malaman kung ano nga ba ang nangyari, at kung ano ang
sikretong tinatago ni Jane.
Binuksan ni Tiya Laurentia ang pinto, at napatingin lamang sa
kanila si Jane. Nagulat ito, ngunit mas halata ang pagkalungkot sa
ekspresiyon nito.
"Hindi ko po kayang sabihin..."
"Pero Jane, alam mo?" Tanong ni Viktor habang papalapit sa
kaniya at sa opisyal. Umiling si Jane, pilit na itinatanggi.
Napakamot ng ulo ang opisyal.
"Siguro'y babalik na lamang ako sa susunod kapag may balita
na kami."
Umalis na ang opisyal, at naiwan ang tatlong magkakaibigan sa
loob kasama si Tiya Laurentia. Nagluto ng meryendang turon ang ina
ni Lorenzo habang ang tatlong magkakaibigan ay nakatambay sa sala.
"Kailan?" Tanong ni Viktor. Napatingin sa kaniya ang dalawang
kasama. "Kailan mo aaminin kung anong nalalaman mo?"
Tahimik lang si Jane. "Sa Lunes ng gabi. Sasabihin ko sa
inyo."
Lunes.
Walang magawa ang magkaibigang Viktor at Leona habang
hinihintay na dumating si Jane. Iyun ang napag-usapan, ngunit kung
iisipin, maaaring hindi pumunta ang kaibigan dahil sa mga nakaraang
aksiyon nito. Hindi na sila magtataka kung ganoon nga ang
mangyayari.
"Tara na," biglang sambit ng isang babaeng naka-jacket.
Saktong ala-sais dumating si Jane. Tamang-tama para sa
ipinangakong "gabi."
"Saan tayo pupunta?" Tanong ni Leona habang sinusundan ito.
"Sa may perya lang."
At ganoon nga ang nangyari. Tahimik silang naglakad papunta
sa pinagdaluhan ng perya. Naroon pa rin ang ilang rides at booths,
na mukhang matatagalan pa bago tanggalin. Mayroon ding ilang upuan
doon, kaya't nagdesisyon silang umupo na lamang habang
nagkukwentuhan.
"Nagsinungaling ako," panimula ni Jane. "Tinanggap ni Ginoong
Fernandez ang portfolio ni Lorenzo."
"Edi mas mataas ang tsansang buhay pa siya," sabi ni Viktor,
at napangiti silang dalawa ni Leona. "Kaso saan siya pumunta?"
"Hindi..." Mahinang sabi ni Jane. "Mas mababa, Vik. Mas
mababa."
Nagtaka ang dalawa. "Ano?"
"Si Ginoong Fernandez... walang hiya siya."
Umirap si Leona. "So... 'di mo lilinawin?"
Bumuntong-hininga si Jane. "Ginahasa niya ang pinsan ko noong
nakaraang taon. Alam ko, parang ang twisted, gano'n. Pero, ang
totoo, ako dapat ang biktima noon."
Napatulala ang dalawang kaibigan. Nanatili silang tahimik.
"Si Ginoong Fernandez, pinapunta ako sa bahay niya dahil may
ipapakuha raw na mga dokumento para sa eskwelahan. Ako naman 'tong
si matatakutin, nagpasama ako sa pinsan ko. Si Mariela.
"Nung pumasok kami sa bahay niya, bigla niyang ni-lock ang
bahay. Ako, nag-panic. Lumapit siya nang lumapit sa amin hanggang
ako, tumakbo na lang papalayo. Lumabas ako mula sa bintana.
Tapos... iyun."
"Bakit hindi mo sinabi sa'min?" Tanong ni Viktor.
Iba ang nasa isip ni Leona. Unti-unti niyang naisip kung bakit
nga ba iyon kinuwento ni Jane.
"Napakamakasarili mo," sambit ni Leona sa kaniyang isipan.
Hindi niya pa ito kayang sabihin sa totoong buhay.
"Kasi kung sinabi ko, ako rin ang mapapahamak," giit ni Jane.
"Kung sinabi ko, baka hanapin ako ni Ginoo, tapos, pilitin ding
mangyari ang gusto niya."
"Napakamakasarili mo..." Sabi pa ng isipan ni Leona.
"Pero... ano nang nangyari kay Mariela?" Tanong ni Leona.
"Nakita siyang patay, sa gubat na nasa tabi lang ng peryang
'to," sambit ni Jane. "Hindi kumalat ang balita dahil pinagtakpan
ng pamilya niya. Napakiusapan naman ang barangay, at sinabi rin sa
eskwelahan na lumipat lamang siya ng paaralan. Hindi ko rin alam
kung bakit hindi nila sinubukang hanapin ang hustisya, pero
siguro'y dahil ampon lang si Mariela, kaya't nagkaganoon ang
pamilya."
Tahimik lang si Leona habang nakatingin sa gubat. Iniisip
niyang maaaring naroon din si Lorenzo.
"Pero anong koneksyon nito kay Lorenzo?" Tanong ni Viktor.
Hinampas siya ni Leona. "Aray naman. Bakit?"
"Hindi mo pa ba nahahalata?" Mariin niyang sambit. Tinuro
niya si Jane, "Ito. Itong kaibigan nating 'to. Gano'n din ang
ginawa niya kay Lorenzo. Tinago niya sa 'tin. Nagsinungaling siya
sa atin!"
"Teka, Leona, hayaan mo naman akong magpaliwanag-"
"Hindi, e, Jane. Baka kasi ginusto mo rin ‘to. Ngayong patay
na si Lorenzo, hindi ka na salut. Salot ka na."
Martes.
Alas-tres ng madaling araw, naghihintay si Leona ng
suspensiyon ng klase sa probinsiya. Pagkatapos ng matinding
paghaharap sa perya ay umulan nang malakas, at lahat sila'y tumakbo
na pauwi. Ilang oras nang umiiyak si Leona, at napagalitan na rin
siya dahil bukod sa nagpaulan ito, hindi pa rin ito nakain. Ayaw
niyang lumabas sa kaniyang kuwarto, kaya't mas lalo pang nagalit
ang kaniyang ama. Sa kalauna'y hinayaan na lamang nila ito.
Walang natatanggap na text si Leona sa kaniyang de-keypad na
cellphone. Akala niya'y kakausapin siya ni Viktor, ngunit wala
itong sinasabing kahit ano. Pagkatapos magkahiwa-hiwalay, parang
wala lang nangyari.
Nasa isip niya, maaari nilang malaman kung ano pa ang mga
detalyeng hindi nila nalalaman tungkol sa pagkamatay ni Lorenzo.
Marami pa rin siyang tanong sa kaniyang isipan. Bakit nga ba
nawawala si Ginoong Fernandez? Tama kaya ang kaniyang hinalang
tumakas lamang ito sa karumal-dumal na ginawa sa estudyante?
Tumunog ang alarm sa kaniyang cellphone. Naka-receive rin
siya ng text mula sa kanilang tagpagpayo sa eskwelahan. "Walang
pasok, mga anak."
Sa normal na mga araw, matutuwa si Leona sa ganitong anunsyo,
ngunit sa ngayon, parang hindi niya pa kayang matuwa dahil sa
nabalitaan kagabi. Hindi pa? Hindi na.
Sa tingin ni Leona, nabalot na ng sakit at galit ang kaniyang
puso. Ang daming tinago ni Jane mula sa kanila. Ang dami nitong
hindi sinabi, at sinong nakakaalam kung mayroon pa siyang
tinatagong importanteng impormasyon? Siya lang.
Napatingin si Leona sa pundidong ilaw na nakasabit sa
kakahuyang kisame ng kaniyang kuwarto.
Kung sira na, baka puwede pang ayusin. Kung wala na talaga,
puwede namang palitan.
Hindi kita ang mga bituin mula rito. Nangako si Lorenzo sa
kaniya na panonoorin nila ang mga bituin bago ang kanilang
pagtatapos. Mukhang hindi na pala nila ito magagawa.
Naalalang muli ni Leona ang araw na nagawa nila ito sa damuhan
sa eskwelahan. Iyun ang araw na nakapagdesisyon siya tungkol sa
kung ano nga ba talaga ang gusto niyang tahakin sa kaniyang
paglaki. Nangako siya sa mga bituin na lalaban siya para sa
sangkatauhan. Nangako siyang magiging abogado siya pagkatapos ng
ilang taon. Kahit wala na ang pinakaimportanteng bituin sa kaniya,
gagawin niya pa rin ang lahat para maabot ang pangarap na iyon.
Naalala niya naman ang mga pangarap ng tatlo niyang kaibigan.
Si Lorenzo, pinlanong maging guro sa kanilang lugar. Sa pagkakaalam
ni Leona, simple lang naman ang kagustuhan ni Lorenzo: makapagbigay
ng accessible na edukasyon para sa mga walang pribilehiyong
makapag-aral. Sa kanilang barrio pa lamang ay marami talaga ang
hindi nakakapag-aral nang maayos dahil sa kakulangan ng
materyales. Sobrang hirap mag-aral, at kahit si Leona ay ganoon
din ang nararanasan.
Si Viktor naman ay pinapangarap maging doktor, o kung hindi
papalarin, magpapatuloy na lamang siya sa paglalaro ng basketball.
Hindi madaling sumuko ang lalaki, kaya sigurado si Leona na
makakamit din agad ni Viktor ang kaniyang minimithi. Hindi alam ni
Leona kung bakit ito nga ba ang daang gustong tahakin ni Viktor,
ngunit ang trabahong ito naman ay marangal kaya’t wala na siyang
angal.
Si Jane? Nung araw na nawala si Lorenzo, ito ang napag-usapan
nila. Hindi pa rin nakapipili si Jane ng kursong gugustuhin niyang
tunay. Ang mga nilagay niya sa college exam applications, kung ano
na lamang ang una niyang makita. Wala pa raw siyang kongkretong
plano para sa kaniyang hinaharap. Kung ano na lang daw ang maipasa
niya ay iyun ang kaniyang papasukin.
Napahagulgol si Leona habang binabalikan ang mga ito. Sobrang
dami nilang plano para sa kanilang hinaharap. Hindi matatanggap ni
Leona kung mawala man ang lahat ng ito sa isang iglap.
Miyerkules.
Wala pa ring pasok, tulad ng inaasahan. Malakas pa rin ang
ulan, kaya't malungkot pa rin ang dama ng kapaligiran. Si Leona,
hindi pa rin nakakatulog. Wala pa rin siyang natatanggap na kahit
ano mula kina Jane at Viktor. Siguro'y hindi na sila makakapag-
usap pa. Siguro’y wala na ang pagkakaibigan nila.
Bakit nga ba uumulan kung kailan Marso na? Ang dami pa ring
tanong ni Leona sa kaniyang isip. At hindi niya alam kung kahit
kailan ba'y makakahanap siya ng sagot para sa mga ito.
Naalala ni Leona ang kinang sa mga mata ni Lorenzo noong mga
sandaling naglalakad silang magkasama pauwi. Sobrang sakit na
hindi niya na muling makikita ang kinang na iyon, sapagkat wala na
si Lorenzo sa kaniyang tabi. Wala na siyang kasamang umuwi.
Hindi alam ni Leona kung anong mararamdaman niya kung sakaling
wala na talaga ang kaibigan. Si Lorenzo ang pinakamalapit sa
kaniya, at hindi niya alam kung matatanggap niya ba kung
nakumpirmang patay na nga ito. Hindi niya kakayaning pilitin at
isiksik ang kaniyang sarili sa pagkakaibigan nina Viktor at Jane.
Hindi niya kaya.
Hindi na talaga.
ika-apat na bahagi
r a m i l f e r n a n d e z
Ika-apat na linggo.
Huwebes ng madaling araw, may pumuntang mga opisyal ng
barangay sa residensya ni Tiya Laurentia. Sinasabing may
natagpuang bangkay sa gubat, na siguro’y sobrang tagal na ring
itinapon doon.
Agad na kinontak ni Laurentia ang mga kaibigan ni Lorenzo
tungkol sa balita. Hinintay ni Laurentia na dumating ang mga bata
bago pumunta sa lugar kung saan siya pinapadala ng mga opisyal.
Hindi siya handang makita iyon nang mag-isa.
Unang dumating si Leona, may dalang payong dahil mayroon pa
ring ambon sa labas. Sumunod naman si Viktor, at tulad ng
inaasahan, huling dumating si Jane. Nang makita ni Leona ang
dalawa, mayroon pa ring pait sa kaniyang damdamin. Hindi nila
kayang tignan ang isa’t-isa, at hindi rin nila kayang mag-usap
kahit anong gawin nila.
“Saan po tayo pupunta?” Tanong ni Viktor.
“Sa gubat daw, mga anak,” sabi ni Tiya Laurentia.
Napatingin sina Viktor at Leona kay Jane.
Nang tumila ang ulan, doon sila nagsimulang maglakad papunta
sa perya. Iyun ang pinakamalapit na daan patungo sa gubat na
sinasabi. Tahimik lamang silang lahat habang sinusundan ang mga
opisyal. Dahil madaling araw, may hawak itong flashlight.
“Bakit nga ba gising na agad kayo, mga bata?” Tanong ni Tiya
Laurentia. Ngumiti lamang silang lahat ng tinignan ng Tiya.
Nabangga ni Leona ang opisyal dahil bigla itong tumigil.
Napaatras ito at tumingin sa kung saan nakaharap ang flashlight.
“Ito po ‘yung bangkay.”
Ang nakitang bangkay ay nasa ilalim ng lupa – mukhang naghukay
pa ang pumatay dito. Babanggitin sana ni Leona ang pangalan ni
Lorenzo, ngunit hindi niya kayang mgsalita sa sobrang sakit na
nadarama.
Marumi ang bangkay dahil sa putik na nakatakip dito. Hindi
rin makita ang mukha nito sapagkat may telang nakatakip. Sobrang
maalinsangan din ng amoy na bumuo sa paligid. Si Viktor ay napalayo
dahil dito. Muntikan pang magsuka ang binata. Masasabi ring tuyo
na ang dugo sa suot na damit nito.
“Hindi iyan ang uniporme natin, a,” giit ni Jane. “Sa isang
guro iyan.”
Nagkatinginan ang tatlong magkakaibigan.
Biyernes.
Dahil hindi pa naglalabas ng pahayag ang barangay, nagpatuloy
na tahimik ang buong araw ng Biyernes. Dahil may pasok, naguusap-
usap na lamang ang mga estudyante tungkol sa kanilang pagtatapos
sa susunod na linggo. Inaayos na ni Jane ang kaniyang valedictory
speech, samantalang si Viktor naman ay nakikipag-usap sa mga coach
tungkol sa kaniyang mga medalya sa sports. Si Leona, nasa loob
lamang ng silid-aralan. Hindi tulad ng tatlong kaibigan, walang
espesyal sa kaniya.
Sinabi ng tagapagpayo na ang unang araw ng ensayo ng
pagtatapos ay bukas – Sabado. Sa Biyernes na rin kasi ang kanilang
pagtatapos. Pagkatapos ito i-anunsyo, nagsiuwian na ang lahat. Si
Jane, dumiretso pauwi. Si Viktor, pumunta sa barangay. Si Leona,
tumungo sa perya.
“Si Ginoong Ramil Fernandez nga po ba ang natagpuang bangkay?”
Tanong ni Viktor sa mga opisyal.
“Oo, bata. Napag-alaman na ngang si Fernandez ang natagpuang
bangkay. Wala siyang mga kamag-anak dito, kaya’t hindi namin alam
ang gagawin sa katawan niya ngayon,” sabi ng kapitan. “Iniwan muna
namin ang bangkay niya sa gubat. Sa mga susunod na araw baka
pumunta kami sa bahay niya upang mag-imbestiga.”
“Pero paano po ‘yung kaibigan namin?” Tanong ni Viktor. “Akala
ko po si Lorenzo ang prayoridad.”
“Wala kaming prayoridad rito, bata. Marami rin kaming
inaasikaso rito,” giit ng isang opisyal. “May ilan pa kaming
opisyal na maaaring maghanap sa mga susunod na araw. Sinubukan na
namin sa ilog, at naikot na rin namin ang kabuuan ng gubat, ngunit
wala kaming nakita at napansin.”
Sumimangot si Viktor bilang reaksiyon. Saan kaya pinatay si
Lorenzo? Bakit ganoon...?
Si Leona naman ay nakarating na sa gubat. Plano niyang balikan
ang bangkay ng guro. Si Ginoong Fernandez iyon, hindi ba?
Habang naglalakad, aaminin niyang natatakot siya dahil mag-
isa lamang siya ngayon, hindi tulad kahapon, na kasama niya ang
ilang opisyales at mga kakilala. Nang makarating sa kung saan nila
natagpuan ang bangkay kahapon, nagulat siya sa unang napansin.
“Nasaan ‘yung bangkay?” Napatigil siya. “Kinuha na kaya ng
barangay?”
Sabado.
Pagsapit ng tanghali, nagkaroon ng panandaliang pahinga bago
magpatuloy sa page-ensayo. Kumain daw muna ang mga estudyante bago
magpatuloy. Tumungo lamang si Leona sa kanilang silid-aralan.
Sinundan siya ni Viktor. Nagtaka si Leona sa ipinamalas na aksiyon
ng kaibigan.
“O, ba’t ka pumunta dito?” Tanong niya.
“Nabalitaan ko lang na baka matagalan pa bago subukan ulit
mahanap si Lorenzo. Inikot na raw kasi ‘yung buong gubat pati ilog
pero wala talaga silang makita.”
Tumahimik lang si Leona. Ramdam niyang may idadagdag pa si
Viktor na makakapagpagulat sa kaniya.
“Tapos si Ginoong Fernandez nga raw talaga ‘yung bangkay.
Wala raw siyang kamag-anak sa lugar natin kaya hindi pa nila alam
anong gagawin doon sa katawan. Hinayaan lang daw muna nila sa
gubat-“
“Vik,” gulat na turan ni Leona. Napahawak siya sa braso ng
kaibigan. “Putangina.”
“Bakit?” Nagulat din si Viktor.
“Wala na ‘yung bangkay doon.”
Lunes.
Bago magsimula ang ensayo, nag-usap muli sina Viktor at Leona
tungkol sa mga bagong balita tungkol sa paghahanap kay Lorenzo.
Hanggang ngayon, hindi nila alam kung saan napunta ang bangkay ni
Ginoong Fernandez. May kumuha kaya nito?
Kumalat na rin sa eskwelahan ang balitang patay na si Ginoong
Fernandez. Sabi ng iba, sayang daw dahil bata pa ang ginoo at
napakagaling nitong magturo. Napag-alamang pinatay ito, kaya’t
sinasabi ng ilan na dapat ay mamatay na rin ang kung sino mang
pumatay dito. Hindi raw karapat-dapat na ganunin ang guro.
“Paano kung si Jane pala...” Naputol ang sinabi ni Leona nang
nilapitan sila ng kaibigan. “A, Jane.”
“Pumunta ako sa barangay kahapon,” mahinang sabi ni Jane.
“O? May sinabi?” Tanong ni Viktor.
“Natagpuan sa ilog ang bangkay ni-“
“Lorenzo?” Tanong ni Leona. “H-ha? Tangina...”
“Hindi. Ni Ginoong Fernandez.”
Nagkatinginan ang dalawang magkaibigan. Napakagulo na ng
nangyayari sa kanilang paligid. Hindi na nila maintindihan kung
ano nga ba ang tunay na nangyayari. Bakit napunta sa ilog ang
bangkay ng ginoo? Mayroon bang nagawa no’n? Hindi nga ba si Jane?
“Kayo ba? May bago kayong nabalitaan?”
“Wala e. Iniisip lang namin ngayon kung paano nagkaganoon,”
sambit ni Leona. “Hindi naman ikaw ang may gawa, ‘no?”
“Ganyan na ba talaga tingin mo sa ‘kin?” Iritang tanong ni
Jane.
“Naninigurado lang, sis,” sabi ni Leona, saka tumawa.
Binigyan siya ng nakakaawang ekspresyon ni Viktor, na tila hindi
rin alam kung bakit nga ba ganoon si Leona kay Jane. “Alam mo
namang may history ka e.”
Tumango na lang si Jane at tinanggap ang paninira ni Leona.
Naiintindihan niya naman kung bakit niya ito ginagawa. Alam nilang
lahat na hindi na babalik sa dati ang kanilang pagkakaibigan.
Sirang-sira na ang lahat.
Martes.
Wala pa ring panibagong balita tungkol kay Lorenzo. Wala pa
rin daw bagong balita kay Ginoong Fernandez. Tuloy ang ensayo ng
pagtatapos.
Nang pauwi, nagsabay-sabay ang magkakaibigan. Iyun ang unang
beses na gawin ulit nila ‘yon. Hindi rin nila alam kung bakit bigla
muli silang nagsama-sama, ngunit hinayaan na lamang nila.
“Handa ka na sa valedictory speech, Jane?” Biglang sabi ni
Viktor.
“Oo,” sagot naman ni Jane. Ngumiti ito bilang senyales na
natutuwa siya sa kaganapang ito. “Sabi ni Ginang Lopez, ayos naman
daw ‘yung speech ko.”
“Buti naman. Bigyan mo ng hustisya ang kung ano mang dapat na
sasabihin ni Lorenzo sa talumpati niya,” mapait na giit ni Leona.
“Tama na, Leona,” sabi ni Viktor.
“Paanong tama na, Vik?” Inis na sambit nito. “Hindi ako
titigil hanggang makakuha ng hustisya. Hanggang makita na si
Lorenzo. O hanggang hindi ko na makita si Jane.”
“Wala siyang-“
“Kasalanan niya ang lahat, Vik. Painosente. Makasarili.
Karapat-dapat ba ‘yang maging valedictorian? Sabihin mo sa ‘kin!”
Tumahimik ang dalawang kaibigan. Nakarating na sila sa sentro
ng barrio.
“Kung wala pa ring bagong mababalitaan... Bukas ng gabi,
pumunta tayo sa bahay ni Ginoong Fernandez,” sabi ni Jane.
“Bakit?” Tanong ni Vik.
“Malamang para mag-imbestiga,” sabi ni Leona. “Minsan, hindi
ko na lang talaga alam bakit mas mataas grades mo kaysa sa akin.”
Napatigil ang lahat nang nakarating sila sa kalye nina Jane.
Tumawa ng kaunti si Leona.
“Paalam na muna sa inyo. Bukas na lang?”
“Sige. Sorry dito kay Leona,” natatawang sabi ni Viktor.
Ngumiti si Leona, at mula roon, naghiwa-hiwalay na sila.
Miyerkules.
Tulad ng inaasahan, wala ngang nabalitaan ang magkakaibigan.
Walang balita mula kay Tiya Laurentia. Nababahala sila, ngunit ang
ibig sabihin noon ay makakapunta sila sa bahay ni Ginoong Fernandez
upang mag-imbestiga.
Umuwi muna silang lahat pagkatapos ng ensayo. Nagkasundo
silang magkita-kita na lamang sa perya, na unti-unti na ring
tinatanggal ng mga opisyal.
Nang makarating si Leona, nagulat siya na siya pa ang nahuli.
Kadalasan kasi’y siya ang nauuna sa mga usapan.
“Tagal mo ngayon a,” banggit ni Viktor.
“Excited lang talaga kayo,” umirap si Leona. “Tara na nga.”
Pinangunahan ni Jane ang paglalakad. Dumaan sila sa gubat
kung saan nila unang natagpuan ang bangkay ni Ginoong Fernandez.
Nadaanan din nila ang kalsada kung saan muntikan nang mabangga si
Viktor. Nakarating sila sa isang liblib na lugar na malapit lamang
sa ilog. Pagkatingin sa bahay na naroon, parang ginusto na lamang
nilang bumalik dahil sa takot.
“Sigurado ba kayong papasok tayo sa loob ng bahay ng isang
patay na tao?” Takot na giit ni Viktor.
“Ang layo ng nilakad natin. Jusko, edi kung hindi natin
gagawin, para saan pa ‘yung pagod?” Inis na sambit naman ni Leona.
Ang bahay ni Ginoong Fernandez ay tunay na pang-mayaman kung
titignan. Maganda ang labas nito, at mukha ring malaki. Hindi nila
alam kung bakit nga ba dito sa malayo ginustong mabuhay ng guro.
“May bukas sigurong bintana,” sabi ni Jane.
Bukas ang mga ilaw ng bahay, ngunit maalikabok na ang kabuuan
ng pang-labas na anyo nito. Halatang wala nang nakatira sa bahay.
“Dito sa gilid, bukas ang bintana,” sabi ni Viktor nang
makaikot sa bahay. Iyun lamang ang bukas na bintana, ngunit may
nakaharang na kurtina dito. “Hindi naman makakasagabal ‘yung
kurtina.”
Unang umakyat si Viktor. Sumunod si Leona. Huli si Jane.
Nang makapasok sa loob, napansin agad nila ang sobrang
maalinsangang amoy na nakadikit sa kabuuan nito. Kitang-kita rin
ang tuyong dugong nagmarka sa sahig ng bahay. Hindi nila labis
maisip kung anong karumal-dumal na krimen ang ginawa ni Ginoong
Fernandez kay Lorenzo.
Nag-ikot-ikot sila, at nakita ang portfolio ni Lorenzo sa
kusina. Kahit ito ay may bahid ng dugo; ang laman din nito ay sira-
sira na. Pagkatingin nila sa loob ng ref, halos wala itong laman.
Ang sala ay puro papel lamang. Mayroon ding batong may dugo.
May itak ding nakasandal sa pader. At ang huli, isang laptop na
basag. Sinubukan nila itong buksan, ngunit sira na talaga ito.
Nagdesisyon silang hindi na lamang ito pakialaman.
“Sa kuwarto ba?” Mahinang sabi ni Leona. Tumango si Jane.
Sabay-sabay silang pumunta sa kuwarto. Hindi ito naka-lock.
Binuksa nila ang pinto, pati na ang ilaw. Nagulat sila sa
nakita. Si Viktor, napaluhod. Si Leona, napahawak na lamang kay
Jane. Si Jane, napasigaw sa nakita.
“Lorenzo...” Tumingin ito sa kanila. “Anong nangyari sa ‘yo?”
huling bahagi
l o r e n z o v a l e n t i n
Nakaupo ang bata sa sulok ng kuwarto. Duguan ang katawan nito.
Kitang-kita ang mga sugat at galos na dulot ng nakababagabag na
naranasan. Ang damit nito'y gutay-gutay na rin. May mga luha sa
mga mata nito. Base sa pisikal na hitsura nito, hindi ito
nakakakain nang marami.
"Lorenzo..." Umiiyak na nang malakas si Leona. Hindi niya
kayang makita ang kaibigan na ganito. Kahit si Viktor, nakatulala,
ngunit lumuluha.
Hindi ito nagsasalita. Nakayakap pa rin ito sa kaniyang mga
paa habang sinusubukang hindi pansinin ang mga tao sa kaniyang
harapan.
"Bakit..." Mahinang sabi ni Jane. Napatingin si Lorenzo sa
kaniya. "Sorry, Lorenzo... So-"
"Ayos lang, Jane," bulong nito. "Wala kang kasalanan."
Nagsimula nang umiyak si Jane. Hindi ito makapagsalita dahil
sa lungkot at gulat. Hindi siya makapaniwalang nasa harap niya
ngayon ang pinakamatalik na kaibigan.
Umiiyak din si Lorenzo, ngunit pinilit niyang ngumiti para sa
kaibigan. "Pinrotektahan mo lang ang sarili mo. Naiintindihan ko."
"Pero si Ginoong Fernandez, patay na siya..." Banggit ni
Viktor.
"Ako rin, Vik. Pinrotektahan ko lang ang sarili ko."
Ika-limang linggo.
Sinubukan nilang pauwiin si Lorenzo, ngunit umangal ito.
Nararapat lamang daw sa kaniya na mamatay, at magpatuloy nang mag-
isa. Pinilit sila ni Lorenzo na magpatuloy. Huwag daw sabihin kahit
kanino na buhay pa siya, lalo na sa kaniyang ina. Ayaw nilang
iwanan si Lorenzo, ngunit sa huli, ganoon na nga lamang ang
nangyari.
Bumalik ang tatlong magkakaibigan nang may pagsisisi. Sa isip
ni Leona, sobrang nagkakagulo na ang kaniyang mga damdamin. Sobrang
daming dinanas ni Lorenzo, at siguradong hindi handa ang binata na
ipahayag ang mga iyon sa iba. Ano man ang gagawin ni Lorenzo sa
mga susunod na araw, siguradong hindi niya ito kakayanin. Kung
ayaw ding ipaalam ni Lorenzo ang kaniyang kalagayan sa iba,
rerespetuhin niya ang desisyon na iyon.
Para naman kay Viktor, may pag-asa pa. Sa loob ng ilang
linggo, nabuhay si Lorenzo kahit na sobrang hirap ng pamumuhay sa
bahay na iyon. Kinailangan niyang magtiis sa mga pagkaing nasa
loob ng ref ng guro. Kinailangan niyang tiisin ang mga bagay na
ginawa ng guro sa kaniya. Lahat ng bagay na karumal-dumal, natiis
niya. Hanggang ngayon, buhay pa siya. Hindi kaya’t may ibig sabihin
iyon? Iniwasan ni Lorenzo ang kamatayan, kaya’t bakit pa siya
susuko kung kailan maaari nang maayos ang lahat? Kung hindi nila
kayang iligtas ang kaibigan, maaari silang matulungan ng barangay.
Si Jane naman, hindi alam kung anong gagawin. Lalabas ang
balitang ito at maaaring madawit ang pangalan niya na magdudulot
ng masamang marka sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Gusto niya na
lamang magtago dahil nalilito na siya sa kaniyang mararamdaman sa
mga nangyayari.
Si Lorenzo... ano nga ba ang kaniyang gagawin?
Huwebes.
Nabalitaan ni Leona na pumunta sina Tiya Laurentia at ang mga
opisyal ng barangay sa bahay ni Ginoong Fernandez. Pinapunta ng
tiya ang mga kaibigan ni Lorenzo pagkabalik nito sa bahay.
"Si Lorenzo po?" Tanong ni Viktor pagkarating niya sa bahay
ng mga Valentin.
Halatang malungkot din ang ina ni Lorenzo. Hindi siya handang
magsalita tungkol dito, ngunit kinailangan. "Wala siya roon."
Sumakto ito sa pagdating ni Leona. Narinig niya ang bagong
balita. Hindi siya makapaniwala. "Po?"
"Oo. Wala siya roon. Ngunit may isang papel na naroon. May
mga mensahe para sa inyo."

Para kay Leona, ipagpatuloy mo ang pangako mo. Ipangako mo sa 'kin


na balang araw, makakamtan ng marami ang hustisya sa pamamagitan
mo.
Para kay Viktor, nagtitiwala akong maipagpapatuloy mo ang pangarap
mo sa pamamagitan ng lakas at persistensya mo. Gamitin mo sana ito
sa kabutihan.
At para kay Jane, sana, mahanap mo rin ang gusto mong gawin sa
buhay. Umaasa akong aayos din ang iyong buhay. Gamitin mo sana ang
iyong mga kaalaman sa tama. Sana ri'y hindi mo na sisihin ang
sarili mo sa kaganapang ito. Kalimutan na lang natin ang lahat.

"Nasaan nga pala si Jane?" Tanong ni Tiya Laurentia nang


mapansing wala pa rin ito. "Mabasa niya man lang din sana 'to."
Umiling ang dalawang magkaibigan. Kinuha na nila ang papel
mula sa tiya at saka binasa ang mga nakalagay dito. Maikli man ang
mensahe, ngunit ramdam naman nila ang gustong iparating nito.
Nagsimulang umiyak si Leona dahil alam niyang wala na talaga.

Wala na talaga si Lorenzo.


"Laurentia, pinapatawag ka ulit ng barangay," sabi ng isang
kapitbahay. Tumango naman ang tiya at at saka sila nagsitakbuhan
papunta sa barangay hall.
Nang makarating, agad na bumungad sa kanila ang isang lalaking
hindi nila alam na muli pa nilang makikita.
"Lorenzo?"
Basang-basa si Lorenzo nang hagkan ito ng kaniyang mga
kaibigan. Napatulala lamang ang kaniyang ina, halatang hindi alam
na makikita pa niyang muli ang kaniyang anak. Agad siyang naluha,
at hindi niya alam kung malalapitan niya ba ang kaniyang sariling
anak.
"Paano?" Tanong ni Laurentia habang nakatingin sa mga
opisyal.
"Nakita ko siya sa may ilog, sinusubukan atang lunurin
sarili," sabi ng isang lalaking nakaupo sa may entrance ng hall.
Isa lamang ding taga-barrio. "Naalala kong may hinahanap na ganiyan
ang mukha, kaya dinala ko agad rito."
Hindi nila maipaliwanag ang sayang nadarama sa mga oras na
iyon. Ang daming tanong na bumuo sa isipan ni Tiya Laurentia,
ngunit sa pagkakataong iyon, isa lamang ang nakatatak sa isipa
niya.
Buhay si Lorenzo.
Kahit na pinagpapawisan ay agad hinagkan ni Laurentia ang
kaniyang anak nang pakawalan ito ng dalawang kaibigan.
Naiyak din si Lorenzo, ngunit tila wala itong buhay sapagkat
nakatingin lamang ito sa kawalan na para bang walang pag-asa.
Halatang hindi pa ito handa para muling harapin ang mundo.
"Bale ano pong mangyayari ngayon?" Tanong ni Leona. Alam
niyang napag-alaman na rin siguro ng barangay kung ano ang tunay
na nangyari.
"Nakita lang kasi itong binata nung nakauwi na si Laurentia,"
pagkuwento ng kapitan. "Nung una, nakausap pa namin siya tungkol
sa mga nangyari. Halatang na-trauma nga ang bata at mukhang
kailangan pa niya ng kaunting oras para maghilom ang kaniyang mga
sugat."
Mas humigpit ang yakap ng ina ni Lorenzo. Nahagulgol na ito
dahil sa sobrang tindi ng nararamdaman.
"Napagdesisyunan naming hindi na lamang ipapaalam sa mga
pulis ang insidente dahil baka mapasama pa ang bata," dagdag pa ng
kapitan. "Alam naman nating self-defense nga ang nangyari.
Ginahasa siya ng ginoo. Sinaktan siya sa loob ng ilang araw.”
Naalala ni Leona ang ibinigay na leave form ng guro. Isang
buwan. Ibig sabihin, isang buwan niyang pinlanong babuyin si
Lorenzo, at hindi pa matatapos ang paghihirap ng kaibigan kung
hindi siya namatay. Walang hiya. Karumal-dumal.
"Si Jane..." Biglang sabi ni Lorenzo. Halatang-halata ang
panginginig sa boses nito. Napatigil naman sa pag-iyak ang kaniyang
ina nang magsimula na muli siyang magsalita.
"Tulog pa siguro," sabi ni Viktor. Tumango naman si Leona
bilang senyas na siya'y sumasang-ayon.
"Hindi ko nilunod ang sarili ko," sinamaan niya ng tingin ang
lalaki. Tumahimik lamang ang lahat nang magsalita muli ito. “Si
Jane... sa ilog...”
Nang marinig ang mga salitang iyon, tumakbo palabas sina Leona
at Viktor. Kung tama sila ng hinala, may nangyaring masama sa
kaibigan. Nang malakabas sila ng barangay hall, nakita nila si
Ginoong Lopez - ang ama ni Jane - na tumatakbo rin papunta sa
kanilang direksiyon.
"Nakita niyo ba ang anak ko?"
Sa sumunod na oras, nahanap na lamang nila ang kanilang mga
sarili sa isang situwasyong hindi nila inaakala. Lahat sila'y
nakatayo sa tabing-ilog, nakatingin sa mga tanod na buhat-buhat
ang walang buhay na katawan ng kanilang kaibigan.
Ika-pitong linggo; araw ng pagtatapos.
Gising pa rin ang mag-inang Valentin kahit na alas-dos na ng
madaling araw. Pinag-uusapan nila kung paano nga ba ang mangyayari
kay Lorenzo pagkatapos ng lahat ng naganap.
Nakapagdesisyon na si Lorenzo na siya'y papasok sa
Unibersidad ng Pilipinas. Dahil hindi nakapasa sa gustong kurso,
napag-isipan niyang siya'y magsh-shift na lamang sa kaniyang
ikalawang taon sa unibersidad.
"Gusto ko lang talagang magpakalayo, 'Nay."
Ngumiti lamang si Lorenzo, ngunit bakas dito ang hindi
maipaliwanag na emosyong matagal na rin siguro niyang tinatago.
"Kukuhanin ka nila, Lorenzo," nagaalalang sabi ni Laurentia.
"'Yung tatay mo, 'yung mga kapatid mo. Nakakatakot sa Maynila,
anak. Maraming krimen doon. Madali kang mananakawan. Madali kang
masasaktan. Grabe ang mga tao roon, anak."
Hindi naman maiwasan ni Lorenzo na matawa sa sinabi ng ina.
"Ganoon din naman ang nangyayari rito sa barrio, 'Nay. Pare-parehas
lang ang lahat ng lugar. Delikado. Pare-parehas lang din ang lahat
ng tao. Delikado."
Tumahimik lamang ang kaniyang ina.
"Nabasa man lang po ba ni Jane 'yung letter na nilagay ko sa
kuwarto ko?" Pag-iiba ni Lorenzo sa kanilang paksa.
"Hindi, e."
"Ba't naman po? Nung pista pa lang, nailagay ko na 'yun sa
kama ko nang patago," dagdag pa ni Lorenzo. Alam niyang nakita
agad iyon ng kaniyang ina dahil nasa kuwarto niya lamang ang liham.
Hindi agad nakasagot ang ina. "Hindi ko kasi kaagad nakita e.
Nakita ko lang 'yung papel pagkatapos naming puntahan 'yung bahay
ni Ginoong Fernandez."
Ngumiti naman si Lorenzo. Hinawakan niya ang tainga ng
kaniyang ina dahil napansin niyang nawawala ang isang hikaw nito.
May kinuha si Lorenzo sa kaniyang bulsa.
"Ito po pala. Nakita ko sa ilog nang makita ko 'yung bangkay
ni Jane."
Inilahad ni Laurentia ang kaniyang kamay, at saka binigay ng
kaniyang anak ang hikaw. Mabilis itong naglakad palayo at paalis
sa kaniya, at namalayan na lamang niyang natulo na ang kaniyang
mga luha.
Ika-walong linggo.
Ilang araw na ring nakikitulog si Lorenzo sa residensiya ng
mga Jamili, at hindi alam ng dalawa niyang kaibigan kung bakit.
Hiniling naman ni Lorenzo na huwag munang pag-usapan ang dahilan
sa likod nito.
Nagkita-kita muli ang tatlong magkakaibigan sa perya ilang
araw pagkatapos ng libing ni Jane. Nagkaroon muli ng kuwentuhan.
Alam kasi nilang magkakahiwa-hiwalay na rin sila sa susunod na
buwan.
Nakapasa si Viktor sa isang state university sa kanilang
probinsiya. Nakapasa siya sa kursong gusto niya - BS Medical
Technology.
Si Leona naman, napagdesisyunang hindi muna mag-aaral sa
taong ito dahil malaki ang naging epekto ng mga pangyayari sa
kaniyang mentalidad. Dahil dito, sumang-ayon ang kaniyang ama na
tutulong muna siya sa pagbebenta sa kanilang tindahan sa palengke,
at paminsan-minsan, tutulong din sa barangay.
"May balita na ba sa kaso ni Jane?" Biglang tanong ni Viktor
sa mga kasama. Napatingin naman si Lorenzo kay Leona upang abangan
ang sagot nito.
"Wala pa rin ata," sagot ni Leona. "Alam lang nila na
imposibleng nagpakamatay siya kasi hindi naman puwedeng lunurin
ang sarili."
Tumango naman si Viktor. "Pero paano kung may ininom siyang
gamot o kung ano?"
Napaisip naman silang lahat. "Tapos na 'yung autopsy, 'di ba?
Wala naman daw nahanap na gano'n. Nilunod si Jane, at hindi natin
alam kung sinong may gawa no'n."
Tumango lamang si Lorenzo. "Magkakaroon kaya ng katarungan?"
Nagkibit-balikat lamang sina Vik at Leona. "Lalabas din siguro ang
katotohanan."
"Sana nga," sabi ni Leona. "Pero nung mabasa ko 'yung speech
niya, parang mayroon pa rin talagang galit sa'kin, e."
Binalikan nila ang mga nakalagay sa papel na sinulatan ni
Jane ng kaniyang talumpati. Nakapokus ito sa kaniyang sarili - sa
kaniyang mga nagawa at na-achieve sa buong hayskul. Hindi niya
binigyang-pansin ang mga problemang naranasan nila sa loob ng apat
na taon. Hindi niya nabanggit ang mga isyung kinakaharap nila
ngayon. Hindi rin ito nagbigay ng pag-asa sa iba pang mga
estudyanteng naroroon.
"Hindi pa rin talaga siya nagbago, 'no?" Banggit ni Viktor.
"Hindi ko rin alam kung anong mararamdaman ko tungkol doon, e."
"Malakas ang pamilya nila, e. Mayaman sina Jane, 'di ba?
Sigurado akong gagawin nila lahat para malaman kung ano talagang
nangyari," sabi naman ni Lorenzo. "Ikaw ba, Leona. Tingin mo?"
"Alam kong dapat ding managot si Jane dahil sa nagawa niya.
Hindi ko lamang alam kung nararapat nga bang iyun ang ginawa sa
kaniya. Para niyo na rin akong tinanong kung dapat bang mawala ang
gobyerno kung patuloy nitong inaapi ang mahirap," pagpapaliwanag
ni Leona sa kaniyang opinyon. "Paano kung si Lorenzo pala ang
maysala?"
Nagkibit-balikat lamang si Lorenzo.
Nagsalita naman si Viktor. "Kung ako si Lorenzo, hindi ko
'yun kayang gawin. Kahit ganoon pa man si Jane, sinubukan ko pa
rin naman siyang pagkatiwalaan. Kahit alam kong ang dami niyang
pagkakamali, alam kong puwede naman siyang magbago. Palagi."
Napangiti si Lorenzo sa sinabi ng kaibigan. "Gano'n din ang
naisip ko, pero minsan, hindi talaga gano'n ang sistema, Vik,"
panimula nito. "Takot din akong gawin iyon sa kaniya, ngunit alam
kong nagkamali siya, at alam kong maaari pa siyang magkamali. Dahil
hindi ko kayang lumaban, may ibang taong maaaring gawin ang
paglaban para sa'kin. 'Di natin alam."
"Gano'n nga, Vik. Naalala mo ba 'yung time na nagreklamo ka
sa grade mo sa Filipino ta's tinulungan ka ni Lorenzo? Gano'n
dapat, Vik. Kung alam naman nating may mali, hindi ba't dapat ay
magsalita tayo tungkol doon?" Pagbibigay ng leksiyon ni Leona.
Tumango naman si Viktor nang maintindihan ang pinaparating
nito.
"Nakakatuwa ka talaga, Viktor. Sana lahat ng tao, palaging
handang matuto tulad mo," turan ng babaeng kaibigan. Nagsitawanan
naman silang tatlo.
Tumingin sila sa kalangitan. Totoong malayo pa ang kanilang
mararating, at marami pa silang makakamtan.
y a k a p
isang maikling kuwento
ni s. pacio
Minsa’y natanong na ako ng aking ama kung ano nga ba ang gusto
kong gawin sa oras na ako’y makatapos ng sekondaryang edukasyon.
Gugustuhin ko bang mag-aral pa? Gugustuhin ko bang magpatuloy na
mabuhay sa ganitong sistema? Kung aking sasabihin ang totoo, hindi
pa ako handang magpatuloy.
“May mga pinagsisisihan ka ba?” Tanong sa akin ni ama nang
mabigyan ko ng sukli ang isang suki ng aming tindahan. Ngumiti ako
at umiling.
Dahil wala namang gaanong nabili sa aming tindahan dito sa
palengke, kinakailangang manatili kami hanggang alas-otso ng gabi.
Sa tuwing dumarating ang kadiliman, hindi sigurado kung anong
susunod na mangyayari. Minsa’y dumarami ang mga mamimili, ngunit
kadalasa’y hindi rin. Kahit walang kasiguraduhan, hinahayaan na
lamang naming dumaan ang oras.
Aking ideya ang pagsasara nang ganoon kahuli. Dati kasi’y
alas-kuwatro pa lamang ay sinasara na ng aking ama ang tindahan
upang mapagluto niya ako ng hapunan. Dahil hindi na ako pumapasok
sa eskuwelahan, iyon ang binigay kong suhestiyon. Maaari rin naman
kasing dito na lamang kami kumain sa tindahan mismo at hindi naman
nakaaabala ang mga nadating na mamimili.
Nang isara na ng aking ama ang mga ilaw, napatingin ako sa
iba pang mga tindahan sa paligid. Nagsisimula na ring magsara ang
mga tindero’t tindera rito, at tulad ng palagi, mukhang kami na
naman ang mahuhuli.
Nang makaalis na mula sa aming stall, may narinig akong
kaluskos na nanggaling sa loob nito.
“Mauna ka na, ‘Tay,” sambit ko. Tumango naman ang aking ama
at saka naglakad palayo. “Habol na lang po ako mamaya.”
Agad kong sinilip kung mayroon na naman bang daga na
nakalaglag ng gamit sa loob, ngunit wala naman. May narinig na
naman akong tunog na parang isang katok, kaya’t napatingin ako sa
kabilang gilid ng aming tindahan.
“Sarado na po ba?” Hindi ko alam kung papaano ko napansin
kahit na kami’y nababalot na ng kadiliman, ngunit nakita kong
kumurba ang kaniyang labi at bumuo ng isang ngiti. Kilala ko ang
ngiting iyon.
“Tupe, andito ka ulit?” Hindi ko rin mapigilang mapangiti.
Nilapitan ko siya at niyakap, tulad ng palagi.
Si Christopher Quizon ay isa sa mga kakilala kong tumigil din
muna sa pag-aaral ngayong taon. Hindi ko siya nakikita noon sa
eskuwelahan. Ni hindi ko narinig ang kaniyang pangalan sa araw ng
pagtatapos, ngunit nagpapasalamat akong nakilala ko siya ngayong
nagtatrabaho na ako rito sa palengke.
“Oo naman. Naramdaman ko ulit na kailangan mo ako, e,” ginulo
niya ang aking buhok. Nang matawa ako, agad ko siyang pinigilan.
“Totoo naman, ‘di ba?”
“Sinasabi mo bang gabi-gabi kitang kailangan?” Nagkunwari
akong galit, na kaniya namang ikinagulat. Tumingin muli ako sa
paligid, at napansing wala na talagang tao sa paligid namin. Ibig
sabihin lamang noon, wala na ring nakakakita sa amin.
“Ewan ko,” bulong niya. “Tingin mo ba?”
Nawala ang aking ngiti nang marinig ko ang mga salitang iyon.
Palagi niya talaga akong inaasar nang ganito.
Simula noong nakapagtapos kami ng hayskul, nagkahiwa-hiwalay
na rin kami ng aking mga kaibigan. Sila’y naghanda na para sa
kolehiyo, at ako naman, nagsimulang sumama sa aking ama para
magbantay at magbenta sa tindahan namin dito sa palengke.
Sa aking ikalawang linggo rito – noong nagsimula ang pagsasara
namin tuwing alas-otso – ay nakilala ko si Tupe. Nagkataong noong
panahong iyon, umalis na ang isa kong kaibigan papuntang Maynila,
at nabalitaan kong magtatagal pa lalo ang aking ina sa kulungan
dahil sinubukan niyang tumakas mula roon.
Palaging ganitong oras siya dumarating, at palagi ring sa
ganitong paraan ko siya nakikita. Akala ko’y may nalaglag o may
multong gumalaw sa mga gamit namin sa tindahan, ngunit dumating
lamang pala siya.
Kahit ilang buwan na rin kaming magkaibigan, hindi pa kami
nakakapunta sa bahay ng isa’t-isa. Kadalasa’y pumupunta kami sa
malapit na ilog upang magpahinga, at kung minsan nama’y naupo
lamang kami rito sa loob ng tindahan, nagkukuwentuhan tungkol sa
aking buhay.
Bigla kong napagtanto na hindi ko pa pala masyadong kilala si
Tupe. Puro pala ako ang napag-uusapan namin. Ang alam ko lang ay
wala naman siyang gaanong problema. Wala raw masyadong may gusto
sa kaniya noong hayskul dahil siya’y kakaiba, kaya’t tila naglaho
siya sa paligid noon.
Matangkad si Tupe. Kung aaminin ko sa aking sarili, siya’y
guwapo rin dahil sa kaniyang maamong mukha. Noong unang beses niya
akong nginitian ay akala ko’y matutunaw ako. Sa totoo lamang, hindi
ko alam kung bakit hindi ko talaga siya napapansin noong hayskul.
Hindi ko alam kung ano nga ba ang tingin at turing niya sa
akin. Ako’y simpleng tao rin lamang, at alam kong wala akong
espesyal na katangian.
Nagsimula kaming maglakad palabas ng palengke. Hindi ko alam
kung bakit, ngunit hindi kami nag-uusap sa tuwing may ibang taong
nakakakita. Ayos din naman ito sa akin, lalo na’t gusto ko rin ang
katahimikan. Sa tuwing naririnig ko lamang ang malamig na boses
nitong si Tupe, gusto ko na lamang matulog dahil sa sobrang ganda
nito.
Nang makarating kami sa nalalapit na ilog, agad akong umupo
at ibinabad ang aking paa sa tubig. Tumabi siya sa akin at ganoon
din ang ginawa.
“Gusto mo talaga sa madidilim na lugar, ‘no?” Natatawa kong
sabi, sapagkat walang ilaw dito kundi ang mga bituing kumikinig sa
langit.
Tumawa rin siya, “Hindi ba ikaw ang may gusto nito? Kung ayaw
mo rito, siguro wala ako ngayon sa tabi mo.” Nagkibit-balikat
lamang ako dahil hindi ko alam ang sasabihin. “Mayroon ka bang
bagong balita at kuwento?”
Agad naman akong tumango. Tumingin siya sa ‘kin nang mapansin
ang aking ngiti. “’Yung nanay ko, napatunayang hindi nagtutulak ng
droga. Ewan ko ba kung bakit ganito katagal bago sila naging
sigurado roon.”
“Pero gumamit siya, ‘di ba?” Tumango naman ako bilang sagot
sa tanong ni Tupe. “Anong ibig sabihin no’n?”
“Baka makalaya na rin siya sa mga susunod na linggo,” sambit
ko. Napansin kong bigla siyang sumimangot. “Baka makapag-aral na
rin ako kahit late nagsimula. Baka bumalik na kami sa dati.”
“Gano’n na lang kadali pagkalaya ng nanay mo?” Tumango ako.
Ang dami talagang tanong nito palagi.
“Hindi naman naging gano’n kadali, e. Ilang taon din bago
napaglaban ‘yon, Tupe,” pinitik ko ang kaniyang noo. “Siguro
pagkatapos nito, dadalhin muna siya sa rehab. Lahat naman ng tao,
dapat binibigyan ng tiyansa at pag-asang magbago.”
Alam kong pilit lang ang ngiti ni Tupe. Hindi ko alam kung
masaya ba siya para sa akin o malungkot dahil sa hindi ko alam na
dahilan. Kung may tinatago man siya, bakit ayaw niyang sabihin?
Nakatingin lamang siya sa kalmadong tubig ng ilog. Ako naman,
nakatingin sa kaniya. Parang may iba talaga sa kaniya ngayon, e.
“Kung mawala man ako, ayos lang ba sa ‘yo?” Bigla niyang sabi.
“Syempre, hindi. Depende kung paano ka mawala. Baka mamaya,
biglaan na lang, e. Dapat alam ko rin ‘yung dahilan. Mag-aaral ka
ba sa Maynila? Lilipat ka na ba sa ibang probinsiya? Sa ganoon,
matatanggap ko,” pagpapaliwanag ko. “Pero kahit siguro anong
dahilan, matatanggap ko rin naman. Magiging ayos din sa ‘kin
pagkatapos ng ilang araw, linggo, buwan, o taon.”
Bumalik ang sinsero niyang ngiti nang tumingin siya sa ‘kin.
“Kung mawala man ako, alalahanin mo lang na nandito lang ako palagi
sa tabi mo. Sa puso’t sa isip mo. Kahit kaunti lang. Kahit maliit
na parte ko lamang, alam kong mananatili ako riyan.”
Nagtaka naman ako sa kaniyang tono. Para bang siya’y
namamaalam na. Hindi ko maiwasang malungkot kaya hinawakan ko ang
kamay niya.
“Aalis ka ba talaga?”
Tinignan naming parehas kung paano sumasalamin ang liwanag ng
buwan sa ilog. Hinigpitan ko ang hawak sa kaniyang kamay. Akala
ko’y magiging masaya ang gabing ito dahil sa mga nabalitaan ko
kaninang umaga, ngunit bakit naman ganito ang nararamdaman ko sa
pagsapit ng gabi?
“Depende,” sagot niya.
Agad ko siyang binatukan para matauhan naman siya. Palagi na
lang gano’n ang sagot niya. Depende. Puwede. Siguro. Baka. Palaging
nakaasa sa ‘kin. Paano ko naman malalaman kung alin ang totoo?
Paano ko malalaman kung anong dapat kong maramdaman?
“Seryoso ako,” tumawa siya. “Isang araw, papakawalan mo rin
ako.”
Sinabi niya na naman ‘yon. Kahit ilang beses niya pang sabihin
ang pangungusap na ‘yon, palagi pa rin akong magtataka. Kahit ilang
beses pa siyang magpa-iwan dito sa ilog, hindi ko pa rin
malilimutan ang mga salitang ‘yon.
At kahit ngayong naglalakad na muli ako palayo sa kaniya,
siya pa rin ang iisipin ko. Ilang puno pa ang madaraanan ko pabalik
sa bahay, at ilang tao pa ang makakasalamuha ko sa aking
paglalakad. Malayo pa ang aming tahanan, ngunit kahit na naglalakad
ako papalapit sa aming bahay, tila mas lumalayo pa ako sa tinuring
kong tahanan.
Ang kuwento ko’y hindi nakabase sa pag-ibig at pagmamahal ko
sa mga taong nakapaligid sa ‘kin. Mayroon akong amang naghihintay
sa aming kakahuyang bahay, at mayroon din akong inang makakasama
ko nang muli pagkatapos ng isa o dalawang taon ng paghihirap at
inhustisya. Nagkaroon ako ng mga kaibigang nangakong magkikita
kaming muli sa oras na matupad namin ang aming mga pangarap, at
sigurado akong magkakaroon pa ako ng mga kaibigan sa oras na umapak
ako sa kolehiyo.
Ang turo sa akin ni Tatay, dapat daw akong maging palaban.
Alam kong madali akong umiyak sa mga simpleng bagay, ngunit sa mga
nangyayari sa mga nakaraang buwan, iyun lamang ang sinabi sa akin
ng ama: magpakatatag. Kung mayroon mang pagkakataong hindi ko
nagawa iyon, ang masasabi ko lamang ay ang katotohanang sinusubukan
ko.
Kahit kasi pilitin ko makita ang liwanag, kung wala na talaga,
bakit pa?
Liwanag... Naaalala ko ang mga araw kung kailan lumisan ang
dalawa kong pinakamamahal na kaibigan. Noong mga araw na iyon,
akala ko’y mananatili na lamang akong mag-isa hanggang sa araw na
magdesisyon akong mag-aral muli. Ilang araw akong binagabag ng
aking ama, nagtatanong kung bakit daw hindi ako nagbubukas ng ilaw
sa tuwing may ginagawa ako sa gabi.
Hindi ko alam kung kakaiba ako dahil dito, ngunit sa kadiliman
ko nararamdaman ang kaligtasan. Mas gugustuhin ko pang maranasan
ang yakap ng kadiliman kumpara sa ingay ng liwanag. Hindi naman
nito dinidiktang malungkot akong tao, e.
Sa mga panahong ganoon ang nararamdaman ko, nakilala ko si
Tupe. Nakuwento ko sa kaniya kung ano nga ba ang nangyari sa
pamilya at sa mga kaibigan ko. Mayroong pagkagulat sa kaniyang
parte, ngunit sinamahan niya ako sa mga madidilim na araw na iyon.
At kung kailan makakabalik na ang aking ina at maaari ko nang
ipakilala ang aking bagong kaibigan sa aking mga magulang, doon pa
siya mawawala. Hindi ko maintindihan.
Dumating ang sumunod na mga araw, at ang pagdating ni Tupe sa
aming tindahan ay pabago-bago. Napansin kong mayroong terno ang
kaniyang pagdating. Sa tuwing nakain ako ng hapunan, hindi siya
napunta. Sa tuwing nagpapagutom naman ako, bigla siyang pumupunta.
Sa totoo lamang, hindi ko alam kung paano niya nalalaman ang bagay
na iyon, ngunit hinahayaan ko na lamang, dahil sa ngayon ay
naghihintay na lamang naman kami sa pagdating ng aking ina.
Sa mga araw na iyon, nasubukan naming magbasaan sa ilog, kung
saan napagalitan pa ako pag-uwi. Tinanong ako ni ‘Tay kung bakit
ako naligo sa ilog kung kailan gabi na. Hindi ko na lamang
binanggit na may kasama akong kaibigan.
Sa loob ng dalawang buwan, natutunan kong magmahal. Kahit na
hindi ko kayang sabihin kay Tupe na siya’y nagustuhan ko, nanatili
naman kaming magkaibigan, at para sa akin, mas ayos na rin iyon
para sa amin. Alam kong hindi tungkol sa pag-ibig ang aking
kuwento, ngunit kahit sa kaunting sandali lamang ay may naramdaman
akong kakaiba at bago.
Alam kong unti-unti na ring nawala ang mga naramdaman ko para
sa kaniya, ngunit tulad ng sinabi niya, mananatili siya sa aking
puso’t isipan. Kahit sa maikling panahon lamang na nakasama ko
siya, masasabi kong sumaya naman ako, at dahil iyon sa kaniya.
Nang makabalik ang aking ina sa bahay, agad akong napayakap.
Sobrang tagal kong hinintay ang panahong makikita ko siyang muli.
Kahit maghintay pa ako ng ilang linggo at buwan para sa kaniyang
rehab, masaya na akong nakabalik siya, at hindi na siya babalik pa
sa nakakatakot na lugar na iyon. Nagtagal man, ngunit nagkaroon
din ng hustisya. Sana lamang, lahat ng nakaranas ng ganito sa ibang
lugar ay mabigyan din ng hustisya. Alam kong mayroong ibang mas
nahihirapan sa kanilang mga sitwasyon.
Siguro, kung hindi man nakabalik si Inay, mas matagal ko pang
makakasama si Tupe, ngunit tama siya. Isang araw, matututunan ko
ring pakawalan siya.
Dumaan ang mga araw. Nang pabirong sinabi ni Inay na huwag
isara ang ilaw tuwing pauwi sa tindahan upang matakot ang mga
multo, sinunod naman iyon ni Itay nang sinisiguradong hindi
mapapahamak ang aming tindahan at ang buong palengke. Simula rin
noong araw na iyon, hindi na nagpakita pa si Tupe.
Nang mawala siya, nag-asikaso na rin ako ng mga requirements
para makapasok pa kahit papaano. Naisip ko, gustuhin ko man ang
kadiliman, kailangan ko pa rin talagang tumanggap ng liwanag.
At sa oras na matuto akong yakapin ang liwanag, hindi ko
malilimutan ang naging parte ng dilim sa aking buhay.
Ilang taon na ang nakalipas mula noong nakilala ko si Tupe,
ngunit palagi ko pa rin siyang naaalala. Hindi ko pa rin talaga
siya makakalimutan, kahit na ngayong isa na akong ganap na abogado.
Ang sayang alalahanin ang mga araw na nagkukwentuhan kami sa
tabing-ilog. Ang sayang alalahanin ng mga oras na naghahanapan
kami sa loob ng palengke.
Nang makita ko ang pagdating ng buwan, tumungo akong muli sa
ilog kung saan una naming kinilala ang isa’t-isa. Kahit na hindi
siya nagkuwento tungkol sa kaniyang sarili, alam ko na ngayon kung
bakit nga ba ganoon. Ilang taon din akong hindi nakapunta dito, at
hindi ako nagkakamali.
“Nandito ka ulit?” Napatingin ako sa ang kaliwa.
Nakita ko ang isang lalaking nakaupo sa tabing-ilog, at agad
ko siyang tinabihan. Ginulo ko ang kaniyang buhok kahit na mas
matangkad siya sa akin. Hindi pa rin nagbabago ang kaniyang hitsura
at mga katangian. Malamig pa rin ang kaniyang boses, at maaliwalas
pa rin ang kaniyang mukha.
“Oo naman,” sabi ko. “Tagal din nating ‘di nagkita, Tupe.
Hindi rin kita makakalimutan. Minsan nga naisip ko, ikaw ba ‘yung
nawala o ako?”
Ngumiti siya’t tumango. “Mayroon ka bang bagong balita at
kuwento?”
t u b i g
isang tula
ni s. pacio
Hindi ko alam Ngunit alam kong ayaw mo na
Kung ako ba’y nasa ilog At hindi mo na ako papapasukin
O kung ako’y nasa ilalim lamang Sa iyong buhay kahit kailan
Ng dutsa sa banyo
Gusto kong lumangoy
Sa mga ala-ala ng ating Hindi ko alam
pagsasama Kung ako ba’y nalulunod
Para kahit sandali lamang O kung ako’y nasa ilalim lamang
Ay muli kong maramdaman Ng kumot dito sa kuwarto
Ang pag-agos ng iyong pagmamahal Basta’y alam ko
Na sa aking pagpikit
Ang aking hiling
Ngunit alam kong wala na Ay ang magising na lamang sa
At hindi na maaaring bumalik pa iyong piling
Sa aking nakasanayan

Siguro nga, ako’y nasa dagat


Hindi ko alam Dahil nalalasahan ko
Kung ako ba’y nasa lawa Ang alat na namuo
O kung ako’y nagpapaulan lamang Sa iyong kalooban
Sa kalye kung saan tayo unang
nagkita
Siguro nga, ako’y nasa lawa
Gusto kong maramdaman
Ang mga batong nakalatag sa lupa Dahil alam ko
Ang pakiramdam ng isang isda
Para kahit sandali lamang
Sa ginawa mong pabiyay
Ay akin nang makasanayan
Ang sakit na aking pinagdaanan

Siguro nga, ako’y nasa ilog


Ngunit alam kong tapos na Dahil naaalala ko
At alam kong ako’y nabura mo na Kung paano mo ako pinilit
Sa iyong kasaysayan Sa isang lugar na hindi ko
kinabibilangan

Hindi ko alam
Kung ako ba’y nasa dagat At sana nga, ako’y nalulunod
O kung ako’y binabaha lamang Nang mapatunayan ko
Sa aking daan papunta sa ‘king Sa aking sarili
tahanan Na kaya ko ring umahon
Gusto kong malaman
Kung anong isda ang naroroon
Para kahit sandali lamang
Ay aking malaman
Kung bakit ka nagbago

You might also like