Ang Pambansang Watawat ng Pilipinas, na tinatawag din na Tatlong
Bituin at Isang Araw, o Three Stars and a Sun, ay isang pahalang na watawat na may dalawang magkasing sukat na bahagi na bughaw at pula, at may puting pantay na tatsulok sa unahan. Sa gitna ng tatsulok ay isang gintong-dilaw na araw na may walong pangunahing sinag, at sa bawat taluktok ng tatsulok ay may gintong bituin, na ang bawat isa ay kumakatawan sa tatlong pangunahing rehiyon - ang Luzon, Visayas, at Mindanao
Ang bandilang Pilipino ay nilikha ng madugong pakikibaka. Ginawa ito
ng magigiting na kaanib sa mapaghimagsik na Katipunan ni Bonifacio, na siyang nanguna sa pakikilaban sa Espanya.
Noong una, ang bandila nati'y binubuo ng kayong pula na siyang
sagisag ng dugo ng mga kaanib sa Katipunan, bilang tanda ng kanilang pagtatanggol sa Inang-Bayan. Ang araw ay nangangahulugan ng pagsibol ng bagong bansa, kaya't sa gitna ng tinurang araw ay may isang titik na K na ang katuturan nama'y Kalayaan.
Nagkaroon pagkatapos ng iba't ibang hugis, na ang lalong tanyag ay
ang kina Heneral Pio del Pilar at Gregorio del Pilar. Ang balangkas ng mga bandilang ito'y siyang pinagtularan ng ngayo'y puting triyanggulo, na may dalawang guhit na paayun, araw, at mga bituin.
Isang muling pagbabago ang ginawa ng Kapulungan sa Naik sa ating
bandila noong ika-17 ng Marso, 1897, nang ang K ay alisin sa gitna ng Araw. Ang maningning na tandang ito na buong pagwawaging iwinagayway noong unang taon ng Himagsikan ay natiklop noong ika-27 ng Disyembre, 1897, nang lagdaan ang kasunduan sa Biyak-na-Bato bilang pagtatabi ng tabak ng paghihimagsik.
Ang bandila ngayon ay kahugis noong sa 1898, na ginawa't pinagtibay
ng Junta Patriotica, sanggunian ng mga tapong Pilipino sa Hongkong, at dinala sa Pilipinas ni Heneral Emilio Aguinaldo noong ika-19 ng Mayo, 1898. Sa maraming paglalabanang sumunod, nang magbalik ang mga Pilipino sa kanilang lupain, ang bandila, na lalong naging makahulugan sa pagkakaragdag ng tatlong bituing kumakatawan sa tatlong malalaking pulo ng Pilipinas, ay buong tagumpay na iwinagayway ng ating hukbo ng Himagsikan.
Si Marcela Agoncillo, ang kanyang anak na si Lorenza, at ang
pamangkin ni Jose Rizal na si Delfina Herbosa de Natividad ang nagtahi ng unang watawat sa Hong Kong.
Ang pambansang watawat ng Pilipinas ay mayroong parihabang disenyo
na binubuo ng isang puting pantay na tatsulok, na kumakatawan sa kalayaan, pagkakapantay-pantay at pagkakatipan; ang pahalang na estripang bughaw ay para sa kapayapaan, katotohanan at katarungan at ang pulang katumbas nito ay para namaan sa pagkamakabayan at kagitingan. Sa gitna ng puting tatsulok ay mayroong gintong araw na kumakatawan naman sa pagkakaisa, kalayaan, demokrasyang panlahat at sa soberanya ng bansa. Napalilibutan ito ng walong sinag, na kung saan ang bawat isa ay kumakatawan sa mga lalawigang may mahalagang pagkakalahok sa 1896 Himagsikang Pilipino laban sa España; ang mga lalawigang ito ay ang Maynila, Bulacan, Cavite, Pampanga, Bataan, Laguna, Batangas at Nueva Ecija (bagamat mayroong ibang mga sors na nagsasabing mayroon pang naiiba). Gayunpaman, ayon sa Pagpapahayag ng Pagsasarili (1898) at sa pag- aaral ng propesor ng UP na si Ambeth Ocampo, ang mga sinag ng araw ay kumakatawan 'di umano sa unang walong lalawigan ng Pilipinas na pinasailaliman ng Batas Militar noon sa nabanggit ng himagsikan. Tatlong talang may limang sulok naman ang matatagpuan sa bawat isang dulo ng tatsulok, na kumakatawan sa tatlong kapuluan kung saan nagsimula ang himagsikan: sa Kalusunan, Kabisayaan, at Kamindanawan.
Ang orihinal na simbolismo ng watawat ay nakatala sa teksto ng
pahayag ng pagsasarili, na tumutukoy sa isang nakalakip na guhit, ngunit walang tala ng nasabing guhit ang nakita. Ipinaliliwanag sa nasabing proklamasyon na:
" Sa wakas ay napagpasyahan nang walang pagtutol na ang bansang
ito, ngayong malaya na magmula ngayon ay gagamitin ang parehong watawat na ginamit nito, kung saan ang mga hugis at kulay nito ay inilalarawan sa kalakip na guhit na makatotohanang nagpapakita ng tatlong nabanggit na lakas na kumakatawan sa puting tatsulok bilang kakila-kilalang simbolo ng pamosong Samahan ng Katipunan, na sa pamamagitan ng pagsasanduguan ay nag-udyok sa sambayanan na bumangon at mag-alsa; ang tatlong bituin na kumakatawan sa tatlong punong pulo ng kapuluan - ang Luzon, Mindanao at Panay (Visayas) kung saan nagmula ang paghihimagsik; ang araw ay kumakatawan sa malalaking hakbang na isinagawa ng mga anak ng bansang ito sa pagtahak nito sa kaunlaran at kabihasnan; ang walong sinag nito ay kumakatawan sa walong lalawigan ng Pilpinas, at ang mga kulay na bughaw, pula at puti ay umaalala sa watawat ng Estados Unidos ng (Hilagang) Amerika bilang pagpapakita ng lubos napsasalamat sa dakilang bansang ito sa kanyang walang pag-iimbot na pagtatanggol na ipinagkaloob nito, at patuloy na ipinagkakaloob nito sa atin. At, tangan ang watawat na ito, iwinawagayway ito sa harap ng mga ginoong nagkatipon dito —[talaan ng mga pangalan ng delegado]— at buong katapatang nanunumpa na kikilalanin at ipagtatanggol ito magpasahanggang huling patak ng aming mga dugo. "
Ang simbolismong ibinigay sa 1898 Proklamasyon ng Pagsasarili ng
Pilipinas ay naiiba sa kasalukuya't kinikilalang paliwanag. Sabi sa dokumento, ang puting tatsulok ay sumisimbolo sa sagisag ng Katipunan, ang lihim na samahang lumaban sa pamumuno ng España. Nasabi rin na ang mga kulay sa watawat ay kumakatawan sa mga kulay ng watawat ng Estados Unidos bilang pagpapakita ng pasasalamat sa pagtulong nila sa mga naghihimagsik na Pilipino laban sa España. Sinasabi rin na ang isa sa mga bituin ay kumakatawan sa pulo ng Panay, sa halip na sa buong Kabisayaan..[3] Ang Panay daw ay, ayon sa mga pagkakaunawa, ay kumakatawan sa buong rehiyon ng Kabisayaan. Ang araw naman ay kumakatawan sa malalaking hakbang na isinagawa ng mga anak ng bayan tungo sa kaunlaran at sibilisasyon, at sa halip na Tarlac, Bataan ang inilista bilang isa sa walong lalawigang kinakatawan ng mga sinag sa nasabing watawat.
Sinasabing hinalintulad ang watawat sa watawat ng Cuba na, tulad ng
Pilipinas, ay nakikibaka para sa kalayaan mula sa Espanya noong panahong din yon.
Ang lilim na bughaw na ginamit sa Pambansang watawat ay naging
paksa ng kontrobersiya ng halos siyamnapung taon na ang tagal. Mula 1920 hanggang 1985, ang lilim ay navy blue hanggang sa inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos na baguhin ito sa lilim na sky blue, mula sa abiso ng mga sirkulong kasaysayan, sa mismong lilim na ginamit sa watawat ng Cuba, na ka-alyado ng bansa noon laban sa Espanya. Dahil sa kakulangan sa materyal at istandardisasyon noong Digmaang Pilipino-Amerikano, ang mga taga-suporta ng lilim "navy blue" at "sky blue" ay nagpasa ng kanikanilang katibayan na kapwang sumasalungat sa bawat argumento. Silipin Mga Watawat ng Himagsikang Pilipino
Habang klarong nilalahad ng mga opisyal na dokumentong
rebolusyonaryo na ang orihinal na lilim ng asul na ginamit sa unang watawat ay azul oscura, na kung isasalin sa Filipino ay "malabong bughaw" o madilim, at kung ano ang eksaktong lilim na tinutukoy nito ang siya pa ring magiging paksa ng debate sa mga susunod na taon. Sumasang-ayon ngayon ang mga historiador na ang azul oscura na tinutukoy ay isang mas malalim na lilim kaysa sa sky blue, ngunit mas marahan naman sa navy blue.
Para pagpahingahin na ang kontrobersiya, ang kasalukuyang inuutos na
lilim ay royal blue, ayon sa Aktong Pangrepublika Blg. 8491. Sa kasamaang palad, ang kilos na ito ay naglikha ng panibagong kontrobersiya sa pagitan ng mga historiador at politiko ukol sa kung maaaring gawin ito ng gobyerno na baguhin ang mga sagisag ng kasaysayan at orihinal na kahulugan ng mga ito para lang sa kaginhawaan ng lahat.
Ang bandilang ito ay siya nang kinikilalang watawat ng Republika
Pilipina noong ika-12 ng Hunyo, 1898, sa Kawit, Kabite. Siya na ring sumaksi't nagpatibay sa pagpapasinaya ng Republika sa Malolos, Bulakan, noong ika-23 ng Hunyo, 1899. Ito na rin ang sumaksi sa pagwawagi't pagkatalo ng mga Pilipino sa Digmaang Pilipino-Amerikano hanggang sa mahuli si Aguinaldo sa Palanan, Isabela, noong ika-23 ng Marso, 1901.
Sa loob ng mga unang taon ng kapangyarihang Amerikano sa
Kapuluan, ang paglaladlad ng bandilang Pilipino ay naging sanhi ng di pagkakaunawaan, kaya't ang Komisyon, noong ika-23 ng Agosto, 1907, ay nagpatibay ng batas Big. 1696, na kilala sa tawag na Batas sa Bandila na nagbabawal ng paglaladlad ng bandilang Pilipino sa alin mang pook kahit sa tahanan. Tuwing magbubukas ng pulong ang Batasan, mula noong 1908 hanggang 1914, ang mga lider na Pilipino ay gumagawa ng hakbang na tungo sa ikawawalang-halaga ng tinurang batas. Nagtamo sila ng tagumpay tungkol dito noong ika-22 ng Oktubre, 1919, na panahon ng Gobernador-Heneral Francis Burton Harrison.
Ang pagkapabalik ng bandilang Pilipino ay nangahulugan ng pagkilala
sa pagka-bansa ng Pilipinas, kaya't sa kasalukuyan, ang ating bandila na sagisag ng bagong kalayaan, at ng bagong bansa, ay hindi kapiling na nakawagayway ng bandilang Amerikano.