Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 1

LECTORS AND COMMENTATORS MINISTRY

DIOCESAN SHRINE OF SAN VICENTE FERRER


Mamatid, City of Cabuyao, Laguna

PANALANGIN PARA SA MGA PARI AT SA PATULOY NA


PAGLAGO NG BOKASYON SA ATING DIYOSESIS

Amang makapangyarihan at mapagmahal, nagpupuri at nagpapasalamat kami sa’yo dahil


sa mga dakilang bagay na ginawa mo sa amin. Sa likod ng kawalan at kahinaan ng aming
mga pari ay tinawag mo sila upang makihati sa ministeryo ng iyong Anak na si Hesus, ang
dakilang Pari at ginawang lingkod ng iyong Sambayanan.

Ang katapatan nila sa pagkapari ay nakasalalay sa walang hanggang biyaya at lakas na


kaloob ng iyong Banal na Espiritu.

Itulot mong maipagkaloob nila ng ganap ang kanilang sarili, ang kanilang loob, ang
kanilang kaisipan, ang kanilang kakayahang sa‘yo din nagmula, at ang kanilang panahon
upang walang pasubali at walang parangyang mapaglingkuran nila ang kawang
ipinagkatiwala mo sa kanila na walang hinahanap kundi ang iyong kapurihan at ang
kabutihan ng iyong Simbahan. Huwag mong ipagkait ang kinakailangan nilang katapatan,
lakas, at kalusugan sa patuloy na paglilingkod.

Idinadalangin namin ang bawat isang pari ng aming Diyosesis ng San Pablo lalo na ang
mga may karamdaman, ang mga nabibigatan sa kanilang mga pasanin, ang mga
nanlulupaypay at nagiging maligamgam sa kanilang ministeryo at buhay espiritwal. Nawa’y
si Kristo ang Mabuting Pastol, ay maging kadluan ng kanilang lakas at pag-asa.

Idinadalangin rin namin ang mga paring namatay na. Pagkalooban mo po sila ng walang
hanggang kapayapaan at tumanglaw sa kanila ang iyong liwanag magpakailanman.

Idinadalangin din namin ang patuloy na paglago ng bokasyon sa pagpapari at sa buhay


konsagrado dito sa aming Diyosesis. Pukawin mo po ang isipan at kalooban ng aming
mga kabataan upang tumugon sila sa iyong pagtawag. Tulutan mong ang binhi ng
bokasyon ay lumago sa kanyang kaganapan sa mga puso ng mga seminarista at yaong
mga nag-aaral sa loob ng kumbento. Bigyan mo sila ng biyaya ng pagtitiyaga sa kabila ng
mga kahirapan at mga tiisin. Ipahayag mo sa kanilang mga magulang ang kagandahan ng
paghahandog ng kanilang mga anak. Loobin mong mapaglabanan nila ang pag-iisip para
sa kanilang mga pansariling kapakanan at damdamin.

O Maria, reyna ng mga apostol, patuloy mo nawang ipanalangin sila para sa kanilang
kapakanan at madama ang iyong maka-inang pagkakandili. San Pablo, Unang Ermitanyo,
Patron ng Diyosesis ng San Pablo, tulungan mo kami.

Ang lahat ng ito ay aming hinihiling sa pangalan ni Hesukristo na nabubuhay at naghahari,


kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.

PROPERTY OF LECTORS & COMMENTATORS MINISTRY 2019

You might also like