Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 1

TULOY ANG LABAN

Dalawang libo ‘t dalawang pu. Isang taong puno ng takot. Simula ng pananakop ng
isang kalaban na hindi makita, hindi marinig, hindi mahawakan. Covid-19 kung atin itong
tawagin. Ramdam ng bawat sulok ng ating daigdig ang dala nitong lagim. Sa isang iglap,
nabalot ng pangamba ang lahat. Napahinto ng isang maliit na mikrobyo ang makinarya ng mga
higanteng industriya ng mundo. Umaalingangaw ang sigaw ng hirap, sakit at gutom. Marami
ang namatayan. Marami ang nawalan ng kabuhayan. Marami ang nawalan ng pag-asa. Tayo ay
naging bihag ng apat na sulok ng ating mga tahanan, naghihintay at umaasa na sa ating pag-
gising ay tapos na ang bangungot ng pandemya.

Sa ganitong panahon ng kadiliman masusubok ang katatagan ng isang mamamayan.


Kung pipiliin na lang bang magbulagbulagan at maghintay ng kamatayan o pipiliing lumaban sa
pandemyang ito at sa mga dala niyang pagsubok sa ating mga Pilipino. Ang mga mamamayan
ng Lupang hinirang ay hindi kailanman umaatras sa laban. Haharapin natin ang pandemyang
ito sa kabila ng mga alingasngas ng takot at pangamba. Ang lahi ni Lapu-lapu ay hindi palulupig
sa isang dayuhang mikrobyo. Dahil likas ang kagitingan nating mga Pilipino.

Ang kagitingan ay hindi ang kawalan ng takot, bagkus ito ang patuloy na paglaban sa
kabila nito.. Sa ganitong panahon, patunayan natin na ang dugo ng mga bayaning lumaban sa
pananakop at pagsasamantala ay ang dugong dumadaloy sa ating mga ugat. Ang kagitingan
ay di lamang pagwagayway ng mga tabak at baril sa mukha ng kaaway. Minsan ito ay ang
pagkaway mula sa malayo at pagtatakip ng ilong at bunganga. Ang katapangan ay hindi
nangangahulugan ng basta bastang pagsugod. Minsan ito ay nangangahulugan ng pagsunod.
Ang paglaban ay hindi lamang nangangahulugan ng kamay na may bahid ng dugo, minsan ito
ay humihingi ng paghuhugas ng kamay at tamang paliligo. Ito ay hindi lamang ang kahandaang
mamatay sa kamay ng mga kalaban. Ang kagitingan ay maaari nating maipakita sa
pamamagitan ng pakikipaglaban upang MABUHAY NANG MALAYA. Kalayaan sa sakit,
kalayaan sa takot, kalayaan mula sa isang walang kasiguraduhang bukas. Ipaglaban natin ang
ating karapatang maging ligtas sa karamdaman. Kung paanong tayo ay pinaglaban ng ating
mga beteranong sundalo, panahon naman nating sila ang ipaglaban. Sumunod tayo sa mga
alituntunin upang ang Covid-19 ay magapi na. Mahirap man, disiplina ang kailangan. Para rin
ito sa ating sariling kapakanan. Ang pananatili sa ating mga tahanan ay hindi nagpapahayag ng
ating pagkatalo bagkus ito ay simbolo ng ating patuloy na paglaban.

Nawa’y magsilbing tanglaw natin ang mga frontliners na patuloy na nag-aalay ng


kanilang buhay sa taos pusong paglilingkod sa bayan. Huwag nating kalimutan ang kanilang
kagitingan sa pagtanggap sa hamon ng ating panahon. Sila ang nagsisilbi nating mga sundalo
sa isang pandaigdigang laban. Mga huwarang kawani ng Lupang Sinilangan. Mga bayani na
karapat-dapat parangalan. Lumaban tayo para sa kanila. Manatili tayong ligtas upang ang mga
biktima ay hindi na dumami pa. Para sa bawat pamilyang nawalan ng magulang, anak, mga lolo
at lola. Para sa bawat upuan sa hapag na nawalan ng laman. Para sa bawat tinig na di na
muling maririnig. Para sa kanila, sumigaw tayo ng TAMA NA!

Tama na ang tigas ng ulo at kapal ng mukha. Tama na ang hindi pagsunod at hindi
paniniwala. Tama na ang baluktot na katwiran at kawalan ng pakialam sa kapwa. Tugunan ang
tawag ng kagitingan. Maging matapang. Panahon na upang tayo ay lumaban.

Paghuhugas ng kamay, pagpapanatili ng distansiya, pasusuot ng facemask, ito ang


ating mga sandata sa giyera ng pinagdadaanan nating pandemya. Dahil minsan, mas
matapang ang pag-iwas kaysa ang pagwawalang bahala. Hindi lahat ng bayani kailangang
mag-alay ng buhay. Ang mamatay nang dahil sa’yo (sing) ay isang kabayanihan ngunit ang
mabuhay ay isa ring kagitingan. Mabuhay para sa sarili, mabuhay para sa pamilya, mabuhay
para sa bayan. Mabuhay ang Pilipinas! Sa ating pakikibaka sa hamon ng Covid 19 huwag
nating kalilimutan na hindi natin ito mapagtatagumpayan nang tayo lamang. Sa Tulong ng ating
Dakilang Maykapal, bilang isang bansa tayo ay magtatagumpay sa laban. Distansya ang
bagong paghahawak-hawak ng kamay, bakuna ang bagong sandata. Mag-isa na magkasama!
Ito ang bagong sigaw ng pagkakaisa. Pilipino ka. Ipakita mo ang bagong mukha ng kagitingan,
ang bagong simbolo ng pag-asa.

You might also like