Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

KATAPATAN SA SINUMPAANG TIPAN

Till death do us part. Isa sa mga pamilyar na linyang naririnig natin sa loob ng
pagdiriwang ng Sakramento ng Kasal. Nagpapahayag ito ng pag-ako ng panghabang-buhay na
pag-ibig sa pagitan ng dalawang magkasintahan. Ngunit ang pag-ako na ito ay may kaakibat na
katapatan na kinakailangan upang maging matatag ang pundasyon ng buhay mag-asawa.
Sa araw na ito ginugunita natin si San Maximilian Kolbe. Isang martir na naging tapat sa
pag-ibig sa Diyos, sa kapwa at sa kanyang bokasyon hanggang kamatayan. Batay sa kanyang
talambuhay, isa siya sa mga dinakip at ibinilanggo ng Nazis. Noong Hulyo 1941, nabalitaan ng
camp commander na may mga nakatakas sa bilangguan. Dahil sa nangyaring ito, pumili ang
commander ng sampung bilanggo upang pahirapan. Isa sa mga bilanggo ang nagmakaawa alang-
alang sa kanyang asawa at mga anak. Narinig ito ni San Maximilian Kolbe at dahil sa awa,
nagkusang-loob siyang palitan ang nasabing bilanggo at maging isa sa sampung pahihirapan.
Nakakapukaw ang kanyang ipinamalas na katapatan sa Diyos,
Sa ating Ebanghelyo, masasaksihan natin ang pagtatanong ng mga Pariseo sa Panginoong
Hesus kung nararapat bang hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit na anong
kadahilanan. Sumagot ang Panginoon at ginawa niyang batayan ang aklat ng Genesis ng kanyang
sinabi, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa;
at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag
paghiwalayin ng tao.” Dahil sa sagot na ito ng Panginoon, muling nangatwiran ang mga Pariseo
at binanggit ang katuruan ni Moises hinggil sa kasulatan ng paghihiwalay. Subalit sadyang
napakarunong ng Panginoon. Sa katigasan ng inyong ulo. Nais ipahiwatig ng Panginoon na kaya
iniutos ni Moises ang kasulatan ng paghihiwalay ay dahil sa katigasan ng ulo at puso.
Nangangahulugang walang katapatan sa pag-ibig. Mahalaga ang katapatan sa isa’t-sa upang
manatiling matatag ang bokasyon sa pag-ibig. Binigyan tayo ng halimbawa ng Panginoon sa
ating unang pagbasa. Matutunghayan natin kung paanong minahal at inalagaan ng Panginoon
ang Israel, pinagyaman at pinagbuti. Ngunit inabuso nila ang lahat ng ito at ginamit sa paggawa
ng kasamaan. Gayunpaman, inaalala ng Panginoon ang kanyang tipan sa Israel. Ipinamalas niya
ang kanyang katapatan at pag-ibig sa kabila ng kanilang kawalang utang na loob. Ganitong pag-
ibig ang nais ipakita sa atin ng Panginoon na dapat nating tularan. Na sa kabila ng hindi
pagkakaintindihan sa isa’t-isa, matuto tayong maging tapat sa binitawan nating pag-ako ng
panghabang-buhay na pag-ibig. “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa,
mabuti pang huwag nang mag-asawa.” Ito naman ang katwiran ng mga alagad ng Panginoon.
Para bagang ang katapatan ay umiiral lamang sa buhay mag-asawa. Ngunit sumagot ang
Panginoon na bukod sa buhay mag-asawa, may iba’t-ibang uri rin ng bokasyon na
nangangailangan ng katapatan. Nariyan ang bokasyon sa pagiging single blessedness o bokasyon
sa pagpapari o pagiging relihoyoso o relihoyosa. Sa alinmang aspeto ng ating buhay, mahalaga
ang pagiging tapat natin dahil nagbubunga ito ng panghabang-buhay na pag-ibig.
Panalangin: Panginoon gawin mo po akong tapat sa alinmang aspeto sa aking buhay.
Panindigan ko nawa po ang lahat ng aking pangako sa tulong ng iyong grasya. Pagkalooban mo
po ako ng pusong handang umintindi sa kabila ng hindi pagkakaunawaan at manatiling tapat sa
iyong kalooban. Sa pangalan ni Hesus. AMEN

You might also like