Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Mga Isyung Sosyo-Kultural: Colonial Mentality

Kasalukuyan
Ang colonial mentality o kolonyal na mentalidad, sa ating sariling wika, ay itinatakda nina David
at Okazaki (2006) bilang isang “specific form of internalized oppression following colonialism”
at bilang “perception of ethnic or cultural inferiority that is believed to be a specific
consequence of centuries of colonization under Spain and the United States” sa perspektibo ng
ating bansa at ng mga Pilipino.

Ito ay isang malawak at malaking isyu sa ating bansa sapagkat matagal nang nakalaya ang ating
bansa mula sa mga dayuhang mananakop na Espanya, Estados Unidos, at Hapon ngunit may
taglay itong mga negatibong epekto sa ating bansa lalo na sa mga larangan ng ekonomiya kung
saan ang komersyo at ang pagkonsumo ng mga mamamayan ay mas nakatutok sa mga dayuhang
produkto, sa larangan ng kalusugan kung saan nagkakaroon ang kolonyal na mentalidad ay
nagdudulot ng negatibong implikasyon sa kalusugang mental lalo na dahil sa mga tuwirang
pagtanggi tungo sa mga produktong gawa sa Pilipinas, at sa larangan ng kultura dahil maaaring
maapektuhan ng colonial mentality ang pagpapaunlad at pagtataguyod ng pambansang
pagkakakilanlan lalo na kung ang tinatangkilik ng mga mamimili ay mga dayuhang
impluwensiya at kagamitan.

Kasaysayan
Ang Pilipinas ay tuluyang napasailalim sa kapangyarihan at nasakop ng Espanya noong taong
1565 matapos madiskubre ang bagong lupain dala ng kanilang pagdalo sa Panahon ng Pagtuklas
at magdaos ng mga nabigasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa kanilang mga layunin,
lalo na ang natatanging God, Gold, at Glory. Tumagal ang kanilang pananakop ng tatlong daan at
tatlumpu’t tatlong libong taon, at habang ito ay isinasagawa at nararanasan ng mga Pilipino,
nagpatupad ang mga Espanyol ng mga mararahas na panukala na nakapagpaliit sa estado at
katayuang panlipunan ng mga Pilipino tulad ng polo y servicio o sapilitang paggawa, pagtatatag
ng isang sistema ng klase sa lipunan kung saan mayroong mga aliping namamahay at alipin
saguiguilid, pagpapatupad ng iba’t ibang buwis sa iba’t ibang aspekto ng buhay, at ang
pagbubura sa mga sinaunang nakagisnan ng ating mga ninuno tulad ng kanilang katutubong
relihiyon, kultura, at panitikan. Matapos ang Espanya, sumunod naman ang mga Amerikano
mula sa Estados Unidos na nagpatupad rin ng mga mapaniil na panukala tulad ng Batas sa
Watawat na nagbabawal sa pagwagayway ng watawat ng Pilipinas at pag-awit ng pambansang
awit, Batas Brigandiya na nagtatakda sa mga pangkat na nakikipaglaban para sa kalayaan bilang
mga bandido, at Batas Sedisyon na nagbabawal ng kahit na anong gawain na naglalayong
magpasimula ng paghihimagsik laban sa Amerika. Nasundan ang Estados Unidos ng bansang
Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagtatag ng isang puppet regime upang
mapamunuuan ang mga Pilipino habang ipinatapon ang pamahalaang Commonwealth. Matapos
magwakas ang digmaan, pinalaya ang Pilipinas ng Estados Unidos noong ika-apat ng Hulyo,
taong 1946 ngunit ang epekto ng kanilang pananakop, pagmamaltrato, at pagturing sa mga
Pilipino bilang mga mas nakabababang uri ng tao ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan lalo
na sa komersyo at pagtangilik sa mga produktong inaangkat pa mula sa ibang bansa.
Ang Pagwawagi Mula sa Bakas ng Kolonyalismo
Ang Epekto at Solusyon para sa Colonial Mentality sa Kasalukuyang Panahon

Sa paglipas ng panahon, ang colonial mentality o kolonyal na mentalidad, sa ating


sariling wika, ay patuloy na nakatatak sa isipan ng bawat Pilipino bilang isang negatibong
aspekto na nakakaapekto sa iba’t ibang salik ng lipunan at isang negatibong pag-uugali na
minsan ay nagiging dahilan upang bumagal ang ating pambansang kaunlaran. Ang kolonyal na
mentalidad ay binibigyang kahulugan nina David at Okazaki (2006) bilang isang “specific form
of internalized oppression following colonialism” at bilang “perception of ethnic or cultural
inferiority that is believed to be a specific consequence of centuries of colonization under Spain
and the United States” sa perspektibo ng ating bansa at ng mga Pilipino.

Ang simula at pagkakabuo ng kaisipang colonial mentality ay maaaring maikonekta at


matagpuan sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan ang ating bansa ay napasailalim sa
kapangyarihan ng tatlong dayuhang mananakop na Espanya, Estados Unidos, at Hapon.
Tuluyang sinakop ng Espanya ang ating bansa noong taong 1565 matapos nilang madiskubre ang
lupain dahil sa kanilang pagsasagawa ng mga nabigasyon dala ng Panahon ng Pagtuklas. Sa
pagtugon sa kanilang mga natatanging layunin na God, Gold, at Glory, ang mga Espanyol ay
nagpatupad ng mga mararahas na panukala na nakapagpababa at nakapagpaliit sa katayuan ng
mga Pilipino sa lipunan habang sila ay pinamumunuan nang tatlong daan at tatlumpu’t tatlong
taon tulad ng polo y servicio o sapilitang paggawa, klaseng panlipunan na kinabibilangan ng mga
aliping namamahay at alipin saguiguilid, pagpapataw ng buwis, at ang pagbubura sa nakagisnang
kultura ng mga ninuno sa mga aspekto ng katutubong relihiyon at panitikan. Ang kasunod na
bansang Estados Unidos ay hindi rin nalalayo sa marahas na pinagdaanan ng mga Pilipino sa
ilalim ng Espanya sapagkat nagpatupad din sila ng mga panukala na naglilimita sa kalayaan ng
mga mamamayan tulad ng Batas Brigandiya na nagtatakda sa mga pangkat na nakikipaglaban
para sa kalayaan bilang mga bandido, Batas Sedisyon na nagbabawal sa kahit na anong gawain o
pagtitipon na magpapasimula ng paghihimagsik laban sa Estados Unidos, at Batas sa Watawat na
nagbabawal sa pagwagayway ng watawat ng Pilipinas at pag-awit sa pambansang awit. Ang
bansang Hapon, ang huling nanakop sa Pilipinas habang nagaganap ang Ikalawang Digmaang
Pandaigdig, ay nagtatag ng isang puppet regime upang makuha ang tiwala ng mga Pilipino
habang ipinatapon ang pamahalaang Commonwealth.

Kahit nagwakas na ang digmaan at napalaya na ang Pilipinas mula sa kamay ng mga
Amerikano noong ika-apat na Hulyo, taong 1946, ito ay isang malawak at malaking isyu sa ating
bansa sapagkat ang epekto ng ating kasaysayang kolonyal kung saan nakaranas ang mga Pilipino
ng pananakop, pangmamaltrato, at pagturing bilang mga mababang uri ng tao ay nagpapatuloy
hanggang sa kasalukuyan lalo na sa ekonomiya, kalusugan, at kultura.

Ang unang epekto ng colonial mentality ay matatagpuan sa larangan ng ekonomiya. Ang


kolonyal na mentalidad ay nagiging dahilan upang ang mga konsyumer at mamimili na mas
pumili ng mga produktong dayuhan na nakikita sa kasalukuyang komersyo. Ito ay maaaring sa
binibiling sapatos na mas pipiliin ang Adidas o Nike kaysa sa mga lokal na produktong gawa sa
Marikina, canned goods na mas pipiliin ang Spam kaysa sa luncheon meat, o sa kabuuan, ang
mga produkto mula sa ibang bansa ay mas pinaniniwalaang may kalidad kaysa sa mga sariling
produktong gawa sa Pilipinas. Ang ikalawang epekto ng colonial mentality ay matatagpuan sa
larangan ng kalusugan. Ang kolonyal na mentalidad ay nagdudulot ng negatibong implikasyon
sa kalusugang mental dahil nagkakaroon ng tuwirang pagtanggi ang mga konsyumer sa mga
lokal na produkto at ipinapaliwanag din nina David at Okazaki (2006) na ang colonial mentality
ay nakikita sa “denigration of the Filipino self” kung saan mayroong pakiramdam na mas
mababa ang antas ng mga Pilipino at nagkakaroon ng hiya at galit sa sarili tungkol sa pagiging
Pilipino. Ang huling epekto ng colonial mentality ay matatagpuan sa larangan ng kultura. Bilang
karagdagan, patuloy na ipinapaliwanag nina David at Okazaki (2006) na ang kolonyal na
mentalidad ay nagdudulot ng “denigration of the Filipino culture or body” sapagkat makikita
ang paniniwala na anumang gawang Pilipino ay mas mababa kaysa sa mga kanlurang bansa
kagaya ng ating mga tradisyon, pisikal na anyo, wika, produkto, at pamahalaan.

Maraming hakbang ang tinahak ng ating pamahalaan at ng sambayanang Pilipino upang


mabawasan at tuluyang mawala sa isipan ng mga mamamayan ang colonial mentality kung saan
ang pangunahing naiisip ang kilala at pinagpipitagang “Filipino First Policy” ni dating
Pangulong Carlos P. Garcia na kailangang unahin ang pagtangkilik sa mga produktong gawa ng
mga Pilipino sa ating bansa kaysa sa dayuhang katapat. Isinasadambana rin sa ating
kasalukuyang Saligang Batas na “in the grant of rights, privileges, and concessions covering the
national economy and patrimony, the State shall give preference to qualified Filipinos”.

Upang maipagpatuloy natin ang ating positibong pag-angat ng katayuan ng mga Pilipino
at upang mapagtagumapayan natin ang kolonyal na mentalidad, kinakailangan nating patatagin
ang mga salik na sakop ng “Filipino First Policy” at para ito ay mas maging angkop sa
kasalukuyan ay ang pagbabatas ng mga makabagong batas na nakabase pa rin sa nabanggit na
panukala.

Ang mga solusyonan na maaaring magampanan ng pamahalaan bilang tugon sa kolonyal


na mentalidad ay patatagin ang “Filipino First Policy” sa pamamagitan ng pagbuo ng mga
bagong batas at panukala na mayroong mas malawak na sakop sa mga salik ng lipunan at maging
mas angkop sa kasalukuyang panahon ngunit nakabase pa rin sa pinakapangunahing alituntunin
ng nasabing patakaran. Ikalawa sa lahat, kinakailangang pahalagahan at bigyang-diin ang
pagpapatupad sa nasabing probisyon ng Saligang Batas na bigyang pagtatangi ang mga Pilipino
at bilang karagdagan, ay tulungan sa aspektong pinansiyal ang pagsisimula ng mga negosyante at
pag-usbong ng mga makabagong negosyo upang makasali sa kompetisyon sa komersiyo. Huli sa
lahat, kinakailangang pataasin ang antas ng pambansa at pandaigdigang kamalayan sa
pamamagitan ng edukasyon na pasisimulan mula sa pinakamababang antas ng pag-aaral upang
sa katagalan ay maisaisip at maisabuhay ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng katuwaan at
pagmamalaki para sa sariling kultura, materyales, at produkto na gawa sa Pilipinas ng mga
Pilipino para sa mga kapwa Pilipino.

Sanggunian
 David, E. & Okazaki, S. (2006). The Colonial Mentality Scale (CMS) for Filipino
Americans: Scale construction and psychological implications. Journal of Counseling
Psychology. 53. 241-252. 10.1037/0022-0167.53.2.241.
 Hilador, R. & Pellazar, F. (2017). Lagisan: Binhi ng Yamang Pilipino 6. Quezon City,
Philippines: Neo Asia Publishing Incorporated.
 Const. (1987), art. XII, § 10 (Phil.).

You might also like