Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 11

Republika ng Pilipinas

Tarlac State University


Kolehiyo ng Edukasyon
Paaralang Graduwado
Tarlac City

MAIKLING KUWENTO SA PANUNURING


PAMPANITIKAN
PARA SA PANGHULING PAGSUSULIT

NASAAN BA ANG TUNAY NA PASKO? NI LEONARDO T. BULURAN

Inihanda ni:

ELVIE M. DIMATULAC
MAEd- Filipino

Sa pamamatnubay ni:

DR. DAISY T. INALVEZ


Propesor
Republika ng Pilipinas
Tarlac State University
Kolehiyo ng Edukasyon
Paaralang Graduwado
Tarlac City

NASAAN BA ANG TUNAY NA PASKO: ISANG PAGSUSURI SA


KABUUAN NG MAIKLING KUWENTO NA ISINULAT NI
LEONARDO T. BULURAN

ni ELVIE M. DIMATULAC
MAEd- FILIPINO

Pagsilip sa talambuhay ng may-akda


Masasalamin sa mga naging akda ni Leonardo T. Buluran ang kaniyang naging
karanasan sa kaniyang buhay at ang mga nasaksihan niya sa kaniyang ginagalawang
lipunan sa kaniyang panahon. Ang isa sa kaniyang maikling kuwentong isinulat na
pinamagatang “Nasaan ba ang Tunay na Pasko ay kakikitaan ng ilang pangyayari sa
kaniyang totoong buhay. Ang pangunahing tauhan na si Totoy sa akdang ito ay nanggaling
sa hirap na gaya niya, may angking talino at nakakuha ng karangalan sa kaniyang
pagtatapos. Samantala, si G. Buluran naman ay nagtapos na valedictorian sa noon ay
Mababang Paaralan ng Matimbo (ngayon ay Hen. Isidoro Torres Memorial Elementary
School-GITMES).
Mabuting alamin natin ang kaniyang talambuhay na hinango mula sa isang blog
(ltbuluran.blogspot.com) upang masuri natin nang mabuti ang kaniyang mga naging
ambag sa kasaysayan ng panitikan higit sa lahat ay upang maunawaan natin ang akda
niyang “Nasaan ba ang Tunay na Pasko?”
Mula sa mga maralitang mga magulang na ang pag- agdong- buhay ni G. Buluran ay
mula sa samo't-saring trabahong tulad ng pangingisda, pakikiani at pagtatanim sa mga
sakahang hindi naman sila ang may-ari. Naging bahagi rin ng pagpapatulo ng pawis ang
pagbibiyahe ng banig sa malalayong pook. Naglako rin sila ng bangus, pusit, iba't ibang
klase ng isda mula sa Maynila hanggang sa iba't ibang karatig na bayan at lalawigan.
Hindi na sana maipagpapatuloy ni Nardo ang kanyang pag-aaral ng high school,gayon
man,kinasihan pa rin siya ng Maykapal. Ang naging guest speaker ng graduation na si G. 
Teofilo D. Reyes ay binigyan siya ng scholarshhip grant. Sabi nga ng mga magulang niya: 
" Pag ganitong baon na lang ang poproblemahin namin, mapagsisikapan”.Muli,sa gitna ng 
pagsusungit ng buhay, si Nardo ay nagtapos ng high school nang may karangalan.
Noon sabi ng kaniyang ama: “Nardo,anak alam namin kung gaano ang paghahangad
mong makatapos kahit na anong karera. Gayon man, hanggang dito na lang marahil ang
kaya natin.”
Hindi lubusang tinanggap ni Nardo ang sinabi ng kanyang butihing ama. Gayon man, 
sa kanyang sarili lang niya sinabi: "Mangyari na ang mangyayari, gagawin ko ang lahat sa 
abot ng aking munting makakaya para marating ang aking ambisyon!"
Ang hanapbuhay ng ama ni Nardo noong mga panahong iyon ay ang pamamakyaw ng 
bangus at iba pang isda sa pondohan sa Panghulo,Malabon, at ibinabiyahe at inilalako ang 
mga iyon sa mga lansangan ng san Pedro at Muntinlupa sa Rizal at Sta. Rosa sa Laguna.
Kailangang makitira ang kanyang ama sa isang kamag-anak at kaibigan sa Tundo,
Maynila, sa kung saan siya at ang kaniyang kasama ay kinakaon ng dyip na sasakyan
patungo sa pondohon sa Malabon. Sumama si Nardo sa kaniyang ama para umano’y
tumulong sa paghahanapbuhay.
Lingid sa kaalaman ng kaniyang ama, sa kaniyang bakanteng oras ay nagtutungo si
Nardo sa iba’t ibang pamantasan sa Maynila at kumukuha ng scholarship test.
Pinalad naman siyang makapasa sa ilang eksaminasyon gayon man ang napili niyang
pasukan ay ang Philippine College of Commerce na noon ay kilala bilang “poor man’s
college”. Noong mga panahong iyon, two-year course lang ang offer ng PCC. Ito rin ang
kalaunan ay naging PUP o Polytechnic University of the Philippines na kumpleto na ang
mga kurso.
Sa panahon ng pagdarahop, upang maipagpatuloy ang pag-aaral ay may mga
pagkakataong kinailangan niyang lakarin niya mula Tondo na kaniyang pinakikituluyan
hanggang sa gusaling PCC sa Lepanto, Sta. Mesa, Maynila.
Ito ang nagtulak sa kaniya upang isipin kung ano ang pwedeng pagkakitaan nang hindi
masisira ang kaniyang oras sa pag-aaral. Noon niya napag-ukulan ng pansin ang
pagsusulat kung saan ay may kaunti na siyang karanasan sa larangang ito dahil naging
Pilipino Editor siya ng The Republic, ang pahayagang tagapamansag ng M.H. del Pilar
High School, dating Bulacan High School na kanyang pinagtapusan. Noon niya natuklasan
na may talento pala siya sa larangang ito.
Unang nabasa ang mga katha ni Nardo sa noon ay malaganap at sikat na mga
lingguhang magasing tulad ng Bulaklak at Liwayway. Totoo ang sinabi ng isang
manunulat : Matamis daw ang awit na makakatas mo sa luhang mapait! Ang mga kabiguan
at kahirapan niya sa buhay ay malaya at buhos niyang naibigay sa mga mambabasa sa
pamamagitan ng sikat na magasing ito.
Naging bahagi rin ng pagsusulat ni Nardo ang pakikipag penpal o pakikipag-kaibigan
sa panulat na kinalolokohan ng maraming kabinataan at kadalagahan ng panahong iyon.
Naging kasulatan niya si Porfiria Greganda Salandanan na taga-San Antonio, Binan,
Laguna. Marami pang ibang naging penpal si Nardo pero si Puring-- palayaw kay
Porfiria-- ang naging talagang malapit sa kanya na humangga sa pagkikita nila ng personal
at kalauna'y pagiging magnobyo. (Makulay rin ang kasaysayan ng kanilang pag-ibig gayon
ma'y iba na ring kasaysayan ito.)
Nang matapos ni Nardo ang Associate in Commerial Science na sinimulan niya sa
PCC, itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Far Eastern University kung saan siya
kumuha ng Bachelor of Science in Commerce (BSC) major in Accounting. Pinalad naman
siyang makatapos pero hindi na siya sinuwerteng makakuha ng eksamin para sa pagiging
Certified Public Accountant o CPA. Naging higit na makapangyarihan ang tawag ng pag-
ibig. Ikinasal sina Nardo at Puring noong Nobyembre 18, 1961 at biniyayaan ng anim na
anak.
Unang nagtrabaho si Nardo bilang cilvilian employee sa Armed Forces of the
Philippines Base Shop na may punonghimpilan sa Libis,Quezon City. Hindi naglaon,
kumuha siya ng eksamin sa pagpupulis na madali naman niyang nalampasan. Noong ika-1
ng Oktubre 1967, siya ay naging ganap na pulis-Maynila. Nagtapos siya sa Manila Police
Academy noong Enero 28,1968.
Naging seryosohan na ang pagharap ng mag-asawang Nardo at Puring sa buuhay-
may-asawa. Isiping nagkasunod-sunod ang kanilang mga anak. Halos tuwing Ikalawang
taon ay nagkikita ang magkakapatid hanggang sa kabuuang anim na lahat. Apat na babae
at dalawang lalaki. Masasabing hindi pa yata uso sa mag-asawang ito noong panahong
iyon ang family planning. Isipin pa rin na ang lahat ng mga batang ito ay ay kailangang
mabigyan ng wastong edukasyon. Pareho sila ng katuwirang mag-asawa: Hindi na
kailangang maranasan ng kanilang mga anak ang hirap ng buhay na naranasan nila. Sa awa
at tulong ng Dakilang Lumikha,lahat ng kanilang mga anak ay maluwalhating nakatapos
ng kani-kanilang karera at ngayon ay pare-parehong may magagandang hanapbuhay.
Sa panahon ng pakikibaka nina Nardo sa buhay, maging sa panahon ng paglilingkod
niya sa Pulisya ng Maynila, naging bahagi ng ikinabubuhay nila ang pagsusulat. Bukod sa
pagsusulat niya sa mga magasing tulad ng Liwayway,Bulaklak,Tagumpay at Lakambini,
nakita rin ang kanyang mga katha sa halos ay lahat ng laganap na komiks noong panahong
iyon. Nagsulat din siya ng mga iskrip sa telebisyon. Ang ilan sa mga programang sinulatan
niya sa telebisyon ay: Ora Engkantada,Dulambuhay ni Rosavilma,Ito
Ako,Pinky,Sanyugto. May ilan din siyang iskrip sa pelikula tulad ng Mobile Car 107 at
Patawarin Mo Po Silang Makasalanan na parehong pinagbidahan ng yumaong Rudy
Fernandez. Nitong mawala sa sirkulasyonang mga komiks, itinuloy niya ang pagsusulat sa
mga tabloid at magasin tulad ng Abante,Bulgar at Balita gayon din sa Lingguhang Pilipino
Reporter.
Sa kabuuan, masasabing pinagpala na rin ang pamilya nina Nardo. Ngunit sa buhay,
tulad ng panahon, ay may dilim at liwanag; may umaga at gabi; at, may tag-araw at tag-
ulan. Noong ika-9 ng Setyembre, 1996, si Puring ay sumakabilang buhay. Pagkaraan ng
kulang dalawang taon, si Nardo ay muling nagpakasal kay Merlita o Merly. Na madali
namang inunawa ng kanyang mga anak at manugang gayon din ang mga apo. Marahil,
alam nila, sa paglubog ng araw ng kanilang ama ay kailangan niya ang isang katuwang.
Noong ika-16 ng Hunyo, 1998, sina Nardo at Merly ay ikinasal.
Pagsulyap Sa Pamagat Na Nasaan Ba Ang Tunay Na Pasko
Hindi lingid sa ating lahat na ang Pasko ay isa sa pinakamalaking okasyon o
selebrasyon na pinaghahandaan sa buong mundo ng mga taong naniniwalang ito ang araw
ng kapanganakan ni Hesus. Dito sa Pilipinas, karamihan sa mga Pilipino ay
pinahahalagahan ang araw na ito. Sa ganitong panahon ipinakikita at ipinadarama ang
pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa. ‘Ika nga ang diwa ng Pasko ang kanilang
pinaghahari sa kanilang mga puso sa tuwing sumasapit ang ganitong pagkakataon.
Marahil kapag nabasa ninuman ang pamagat ng akdang ito ni G. Buluran ay
mapapaisip tayo kung ano ang kinalaman ng Pasko sa buhay ng tauhan at sa mga
pangyayaring naganap sa kuwento. Masusuri natin na sa pamagat pa lamang nito ay
papatok na sa mga mambabasang Pilipino lalo na sa mga kababayan nating may malaking
pagpapahalaga sa Pasko. Sa bahaging ito ay masasalamin nating nagtagumpay ang may-
akda na pukawin ang interes ng mga mambabasa na tunghayan ang buong kuwento.
Ngunit ano nga ba ang kinalaman ng Pasko sa kabuuan ng kuwento?
Matagumpay na naiugnay ni G. Buluran ang diwa ng Pasko sa pangunahing tauhan
sapagkat bago sumapit ang araw na ito ay nakapaglakbay si Totoy na siyang pangunahing
karakter sa akda, sa lupang kaniyang matagal nang tinalikuran- ang Sapang Kawayan. Dito
rin nagkaroon ng pagkakataong makapagnilay-nilay si Totoy sa lahat ng mga naranasan
niya sa buhay. Madalas na gamitin ng mga manunulat ang “flashback” o panunumbalik at
pagbabalik-tanaw sa mga nangyari sa buhay ng pangunahing tauhan upang maunawaan
ang kasalukuyan, ang kasalukuyang nagaganap sa loob ng kuwento. Ito ang ginamit ng
may-akda sa kuwentong ito. Naging mabisa itong estilo at pamamaraan upang lalong
maging kapana-panabik ang bawat kaganapan sa akda. Ito rin ang daan upang maging
malinaw ang lahat ng mga nabubuong katanungan sa isipan ng mga mambabasa.
Masasabi rin nating mahusay ang naging estilo ni G. Buluran nang gamitin ang
pamagat na ito sapagkat nagawa niyang pagalawin ang guniguni ng mga mambabasa at
naudyukan na suriin din natin ang ating kalagayan sa lipunan pagkatapos naman nating
mabasa ang kaniyang akda.
Panunuri kay Totoy at pati na rin kay Erlin, at ang kanilang
pakikipagsapalaran
Bago natin suriin ang pangunahing tauhan na si Totoy, ilarawan muna natin ang
Sapang Kawayan, ang lugar na kinalakhan at tinalikdan ni Totoy. Ang Sapang Kawayan
ay mayroon lamang lawak na kulang pang kalahating kilometrong parisukat. Para itong
isang kimpal ng lupang itinumpok ng Dakilang Lumikha sa gitna ng hindi masusukat na
lawak ng katawan ng tubig. Kung ikaw ay mapagmahal sa simpleng buhay, hindi ka aalis
sa mapagkandiling sinapupunan nito. Kung masipag ka lang, hindi mo problema ang
ipanlalaman sa tiyan. Sapat na ibunsod mo ang iyong lunday tungo sa alat ng dagat upang
makapag-uwi ng matatabang alimango, hipon, biya, talaba at kung ano-ano pang
makatulong-laway na laman-dagat.
Subalit ibahin natin si Totoy, iba siya sa karaniwang taga- Sapang Kawayan sapagkat
mayroon siyang matinding ambisyon. Ito ang nagbunsod sa kaniya upang talikdan ang
lugar na kinalakhan at nakipagsapalaran sa lungsod.
Simula kamusmusan pa lamang ni Totoy ay nakakapit na sa kaniya ang kaniyang
ambisyon kaya naman pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral. Hindi nakapagtatakang siya
ang nanguna sa kanilang klase nang makapagtapos ng ikaapat na grado na siya nang
pinakamataas na antas ng paaralan sa kanilang lugar.
Sa pagnanais niyang makapagtapos ng karera nilisan niya nang may sama ng loob sa
kaniyang mga magulang ang kanilang nayon sapagkat alam niyang hindi siya
matutustusan ng mga ito.
Natuklasan niyang madali ang mangarap ngunit mahirap magsakatuparan ng
pangarap. Ang pagiging boy at washer sa isang istasyon ng gasolina ang kaniyang
binagsakan. Sa kabila nito’y hindi pa rin tumakas ang tayog ng ambisyon kaya habang
nagtatrabaho ay naisisingit niya ang pag-aaral hanggang maitagpos ang high school.
Nagawa niyang makatapos ng karera sa pamamagitan ng kaniyang naging asawa na si
Erlin, ang trenta’y siyeteng balo ng kaniyang yumaong amo na may-ari ng gasolinahan.
Ano ba naman ang pagitang 15 taon sa edad nila ni Erlin kung ang kapalit nito’y sa
ikatutupad ng kaniyang hangad? At may tipo naman siya. Ginamit niya ang karisma nito
para mapaibig si Erlin at maging asawa.
Si Erlin ang naging daan niya sa katuparan ng kaniyang pangarap na makapagtapos ng
karera. Ibinigay naman iyon ni Erlin sa kaniya kaya sa edad na beinte-nuwebe tapos na
siya ng Commerce major in Accounting at naging Junior Executive na sa isang malaking
bahay-kalakal sa pamamagitan din ng koneksyon ni Erlin.
Kung susuriin, naging sunud-sunuran si Erlin sa bawat kahilingan ni Totoy. Si Totoy
naman sa kabilang banda ay walang “contentment”. Hindi siya makuntento sa lahat ng
mga nakakamit niyang tagumpay sa buhay.
Ngunit ang buhay at ang lahat ng mga bagay sa mundo ay may hangganan.
Narating na nga niya ang rurok ng tagumpay hanggang sa makadama si Totoy ng
pagkahapo, doon niya hinanap at binalikan ang kaniyang lupang tinubuan, ang Sapang
Kawayan.
Para sa isang mapanuring mambabasa, nakaliligalig ang ganitong karakter ni Totoy.
Marami na tayong nasaksihan sa totoong buhay na napariwara dahil sa hindi ganap ang
kanilang kasiyahan sa buhay. Ang ganitong pag-uugali ay inaasahan nating hindi
nagbubunga ng mabuti.
Subalit kung tutuusin, ganito talaga siyang nilikha ng may-akda upang mapakilos tayo
ni G. Buluran na magkaroon ng iba’t ibang reaksyon at pananaw tungkol kay Totoy na
maaari nating maiugnay sa sarili nating buhay.
Samantala, balikan natin si Erlin. Masasabi nating isa siyang tipikal na maybahay ni
Totoy. Maitutulad natin siya sa mga babaeng nagpapasakop pa rin sa kanilang mga asawa
bagama’t hindi naman sila nabibigyan ng kaukulang pagpapahalaga bilang esposa.
Nang maratay siya sa sakit na kanser, madalang lamang siyang nadadalaw ni Totoy sa
ospital dahil abala umano sa pulitikang pinasukan niya. Nang mamatay na siya ay
malamlam ang kaniyang bangkay na para bagang sinusumbatan ang kaniyang asawa sa
naging kakulangan nito sa kaniya.
Masusuring ang kanilang pakikipagsapalaran ay sa kanilang sarili at sa lipunang
kanilang ginagalawan. Kahit na nauudyukan si Totoy ng kaniyang ambisyon subalit hindi
naman naging madali ang lahat para sa kaniya bago niya naabot ang mga pagtatagumpay.
Dumaan din siya sa iba’t ibang pagsubok tulad ng kahirapan, ng pakikihamok mula sa
mapang-aping amo at marami pang iba.
Masasabi kong naging maayos ang pagkakakawing-kawing ng mga pangyayari o
pakikipagsapalaran sa buhay ni Totoy mula sa simula, gitna at wakas ng kuwento.
Labis ngang nakabahala sa akin at marahil sa ibang mambabasa ang pagiging
ambisyoso ng pangunahing tauhan. Ngunit sa kabilang dako ay kahanga-hangang naitawid
ng may-akda ang nais niyang iparating sa ating mga mambabasa sa pamamagitan ng
karanasan, damdamin at saloobin ni Totoy.
Nakalulungkot pa ngang isipin na buong buhay niya ay nauwi lang sa pagkahapo ang
lahat ng kaniyang nakamit na tagumpay. Sa bahaging wakas ng kuwento, maaawa kang
maiinis kay Totoy dahil hanggang sa katapusan ay may hinahanap pa rin siya sa buhay at
ang totoo ay matatagpuan niya lamang iyon sa lupang kaniyang kinalakhan, sa Sapang
Kawayan.
Paglalapat ng Pananaw o Teorya
Ano- ano kaya ang mga teorya o pananaw ang nangibabaw sa akda?
Suriin muna natin ito sa pananaw Realismo. Tulad ng nabanggit na sa simula,
masasabi kong ang ilan sa mga naging karanasan ng may-akda ay inilahad niya sa
kaniyang isinulat na kuwentong ito sa pamamagitan ng nilikha niyang tauhan na si Totoy.
Kapwa sila nagmula sa mahirap na pamilya subalit sa taglay na ambisyong makatapos ng
pag-aaral ay binago nila ang kanilang kapalaran. Matalino sila at madiskarte o
mapamaraan. Sa aking palagay, ang ilan sa mga pinagdaanan ni G. Buluran at ng kaniyang
pangunahing tauhan ang makapagpapatunay o makapagbibigay linaw na ito ay Realismo.
Batid natin kung ano ang layunin ng teoryang ito, ang maipakita ang karanasan at
nasaksihan ng may-akda sa kaniyang lipunang ginagalawan.

Sa kabilang dako, maaari rin nating masuri ito sa pananaw Humanismo. Sa


panunuring pampanitikan, ang tradisyong Humanismo ay kumikilala sa kakayahan ng tao
para mag-isip at magpasya sa kanyang sariling tadhana. Sa pananaw humanismo, walang
higit na kawili-wiling paksa kaysa sa tao. Kung pumasok man ang kalikasan sa likhang-
sining ay upang higit na maipakita ang mga katangian ng tao, ang kaniyang pagiging
rasyunal.
Masasabi kong humanismo ang akdang ito sapagkat nakita natin kung paanong binago
ni Totoy ang kaniyang kapalaran sa pamamagitan ng kaniyang kakayahang rasyunal, ang
kakayahan niyang mag-isip at magsakatuparan ng kaniyang mga iniisip. Isang
magpapatunay nito ay ang halimbawa ng mga talata sa kuwento.
“Mayaman na tayo.At wala naman tayong anak. Hindi man tayo tumigil ng
kagagastos, hindi natin mauubos ang pera natin. Subalit may kulang tayo: ang katanyagan.
Kaya kakandidato akong assemblyman. Kung papalarin, sa susunod... kung mauuso ang
senador. At kung magagawa natin, magpepresidente ako.”
“ Matanda na nga tayo. Balang araw mamamatay na. Bago dumating iyon, gagawa
tayo ng kasaysayan. ‘Yong maging buhay na buhay tayo kahit malaon nang bulok ang
ating katawan.”
At pumalaot nga si Totoy sa pulitika.At nagtagumpay.
Ang akda ay kinakitaan ko rin ng pananaw Eksistensyalismo.
Ayon sa mga eksistensyalistiko, dahil sa bawat isa ay may kalayaang pumili,
kailangan niyang tanggapin ang mga panganib at responsibilidad na pasunod sa kaniyang
naisin saanman ito patungo. Ang magandang halimbawa nito sa kuwento ay noong
suungin o piliin ni Totoy ang buhay sa lungsod at talikdan ang buhay sa nayon. Wala
siyang alam sa kung ano man ang madadatnan niyang buhay sa lungsod ngunit ang
panganib at responsibilidad ng kaniyang pasya ay kaniyang tinanggap at hinarap. Maging
noong pinili niyang ligawan si Erlin sa kabila ng maraming tinedyer na nagkakagusto sa
kaniya subalit higit niyang pinansin ang maaaring idulot ng pagpapakasal niya kay Erlin,
ang makuha ang kaniyang hangad na makakuha ng karera.
Ayon sa ika-20 siglong pilosopo na si Jean-Paul Sartre, nauuna ang eksistens bago ang
esens. Ang pagpili, kung gayon, ay kailangan sa eksistens ng bawat nilalang at hindi ito
matatakasan, maging ang hindi pagpili ay isa pa ring pagpili.
Mapangangatwiranan kong sa kabuuan ng kuwento ay laging may ginawang pagpili si
Totoy mula sa kaniyang pagkabata hanggang sa kaniyang pagtanda.
Maging sa bahaging simula at wakas ng akda ay masasalamin ang pagpili ni
Totoy...Pinili niyang balikan ang kaniyang lupang tinubuan kahit na ang totoo ay minsan
na niya itong isinumpang hindi na babalikan.
Matatandaan na ang eksistensyalismo ay nababatay sa kilos, gawi, paninindigan, at
paniniwala ng mga tauhang nakapaloob sa akda kung saan hinahanapan ng katibayan ang
kahalagahan ng personalidad ng tao at binibigyang- halaga ang kapangyarihan ng
kapasyahan laban sa katwiran.
Ganito ang nasumpungan kay Totoy.
Subalit sa kabuuan, para sa akin, ang Teoryang Humanismo ang higit na nangibabaw
sa kuwento. Ito ay sapagkat nakapokus ito sa tao, sa pangunahing tauhan. Batid naman
nating sa teoryang ito, ang tao at ang kaniyang saloobin at damdamin ang pinapaksa o
pokus ng akda. Hindi rin nito ipinaliliwanag ang kalagayan ng tao sa pamamagitan ng
heredity at kapaligiran. Dagdag pa rito, nakita kong ang naging pananaw sa akda ay
nakasentro sa tao at hindi sa Diyos. Hawak na ni Totoy ang mundo sa kaniyang palad
subalit hindi pa rin ito nasisiyahan.
Pag-uugnay sa ibang Akda at Panunuri sa Konteksto
Marahil ang karamihan ay pamilyar sa teleseryeng napapanood at kasalukuyang ineere
sa pambansang TV, ang Kadenang Ginto.
Ang Kadenang Ginto ay isang palabas na drama sa telebisyon sa Pilipinas ng ABS-
CBN na pinagbibidahan nina Francine Diaz, Andrea Brillantes, Beauty Gonzalez, Dimples
Romana, Adrian Alandy at Albert Martinez. Nag-umpisa ito noong Oktubre 8, 2018.
Sa teleseryeng ito maaari nating iugnay ang Nasaan Ba ang Tunay na Pasko. Hindi
man pangunahing tauhan si Daniella Mondragon sa katunayan ay isa siyang antagonista
ngunit maaari ko siyang maikumpara sa pangunahing tauhan na si Totoy sa pagtataglay
nila ng ugaling hindi makontento, walang satisfaction o hindi nasisiyahan sa buhay kahit
na nakakamit na nila ang yaman at rurok ng tagumpay.
Pareho silang may hinahanap pa rin sa bawat tagumpay na kanilang natatamo.
Bagaman malaki ang kanilang pagkakatulad sa ugali subalit may malaki pa rin silang
kaibhan. Nang dahil sa ambisyon ay nagagawa ni Daniella na gumawa ng masama at
pahirapan ang buhay ng mga taong kinasusuklaman niya. Iba naman si Totoy. Bagaman
maambisyon ay hindi naman niya naisip na mang-upa ng tao upang pahirapan ang mga tao
sa kaniyang paligid. Sa halip ay nagbibigay pa siya ng mga donasyon sa mga taong
nangangailangan nang dahil sa kaniyang ambisyon na maging tanyag.
Napakaraming teleserye o telenobela at mga pelikulang maihahalintulad natin sa
naging buhay ni Totoy. Mga tauhang nagmula sa hirap ngunit nagtagumpay dahil sa
pagkapit sa ambisyon. Paano ko nga ba malilimot ang naging sikat at inaabangang
Mexikanong teledrama na pinamagatang “Marimar” na pinagbidahan ni Thalia noong
1995 at ipinalabas sa channel 9. Bagaman hindi sariling atin ay naging patok at kuhang-
kuha ang damdamin ng mga Pinoy lalo pa at ito ay naka-dub sa ating wika.
Nabanggit ko ang Marimar sapagkat ang pangunahing tauhan dito ay galing din sa
hirap. Nagmula sa isang nayon o isla na maaaring itulad sa Sapang Kawayan ang
kalagayan. Pangingisda rin ang ikinabubuhay sapagkat ang dagat ang kumakandili sa
kanilang nayon. Higit nga lang nakapokus ito sa pananaw Feminismo sapagkat masusuring
sa pangunahing tauhan pa lamang na isang babae ipinapakita na ang kaniyang mabubuti at
magagandang katangian. Sinasalungat nito ang ideyang mahihina, marurupok, pantahanan,
emosyonal at tanga ang mga babae.
Gayunpaman, ang ambisyon din ni Marimar ang nag-udyok sa kaniya na harapin ang
kaniyang kapalaran. Ang ambisyon niyang paghigantihan ang mga taong sumira sa
kanilang simpleng buhay, mga taong nang-api at nanggipit sa kanilang abang kalagayan.
At siya ay nagtagumpay gaya ni Totoy. Nagtamo sila ng kayamanan, ng karangyaan at
kasikatan subalit kapwa sila may hinahanap pa rin sa kabila ng mga ito. Preho nilang
nararamdaman ang kabiguan sa gitna ng namamayagpag na tagumpay.
Tunay na hindi mapahihindian ang nagdudumilat na katotohanang ang tao ay patuloy
na naghahangad pa rin ng kung ano-anong bagay sa kabila ng mga nakakamit na niya sa
buhay. Kaya naman hindi na kataka-takang maraming akda ang nakakahawig sa tema ng
Nasaan ba ang tunay na Pasko. At ang temang pinapaksa nito ay walang iba kundi ang
kanina pa ay natatalakay na natin sa mga naunang pahayag na ang tao hawak na niya ang
mundo sa kaniyang palad ay hindi pa rin nakukuntento o nasisiyahan.
Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit tulad ni Totoy at ng iba pang mga tauhang
maiuugnay natin sa kaniya ay hindi ganap ang kasiyahan?
Ayon kay Bharti Amarnani, isang makata ng India, ang mga rason ng hindi ganap na
kasiyahan ng tao ay sapagkat likas na sa tao ang maghanap ng mga bagay na wala sa
kaniya, sa halip na maging mapagpasalamat siya sa kung ano ang mayroon siya ay
nakapokus pa rin siya sa mga bagay na wala siya. Ang tao rin umano ay nagtataglay ng
katakawan na isa pang dahilan kung bakit mapaghanap pa rin tayo.
Pamilyar din tayo sa salitang superiority complex. Ito raw ang nag-uudyok pa sa tao
na ipangalandakan ang ating pagiging superior sa iba kaya nakapaghahangad pa rin tayo
nang higit sa kung ano ang mayroon na tayo.
Maraming tao ang hindi nakukuntento sa buhay. Kaya nga may mga taong
nakagagawa ng masama para lamang makamit ang kanilang kagustuhan. Ngunit ang
totoo’y hindi pa humahangga rito ang kanilang iba pang pagnanais sa iba pang mga bagay
na nais nilang makamit sa mabuti o masama mang pamamaraan.
Silipin natin ang kasaysayan upang masuri natin kung bakit ang tao ay walang ganap
na kasiyahan.
Kung ating babalikan ang Panahon ng Panggagalugad na nakasulat sa ating mga
kasaysayan ang mga tao noon bagaman may sarili ng teritoryo ay naghangad pa rin na
maghanap ng iba pang mga lupaing masasakop. Mapapansin natin na noon pa man ay wala
ng satisfaction ang tao.
Kung ang Bibliya naman ang ating sasangguniin, matutuklasan din nating ang tao nga
ay hindi nakukuntento. Nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, panghuli ang tao ay
ipinamahala sa kaniya ang lahat ng mga bagay at mga hayop subalit malungkot pa rin ang
unang tao na si Adan. Kaya naman nilikha ng Diyos ang babae upang maging
kaluwalhatian ng lalaki. Gayunpaman hindi pa rin dito nagtapos ang kalungkutan ng tao
hanggang sa magkasala sila at mapalayas sa halamanan ng Eden. Noon pa man hanggang
ngayon ay patuloy na makikita ang ugaling ating tinatalakay.
Pumapasok din sa aking isipan ang isang pinakamagandang querubin na nilikha ng
Diyos. Sa kabila ng kaniyang katangiang taglay ay hindi pa rin siya nakuntento. Ninais pa
nga niyang makipantay sa Diyos na lumikha sa kaniya kaya ang naging bunga ay ibinaba
siya sa lupa at naging diyablo na dumadaya ng maraming tao. Marahil isa rin ito sa mga
dahilan kung bakit palasak ang ugaling walang ganap na kasiyahan.
Maaari natin itong maiugnay din sa isang sikat na palabas sa mga sinehan. Ang
Monkey King na may iba’t iba ng bersyon sa kasalukuyan.
Ayon sa Wikipedia, si Sun Wukong, kilala sa Ingles bilang Monkey King o Haring
Unggoy, ay isang pangunahing tauhan sa klasikong Intsik na epikong kathambuhay na
Journey to the West o Paglalakbay sa Kanluran. Sa nobelang ito, sinamahan niya ang
mongheng si Xuanzang sa paglalakbay upang bawiin ang mga sutrang Budista mula sa
Indiya.
Ang Sun Wukong ay nagtataglay ng napakalawak na lakas; nakakuha siya ng 13.500
jīn o 7960 kg kawan nang madali. Siya ay sobrang mabilis din, na naglakbay sa 108,000 li
(21,675 kilometre (13,468 mi)) sa isang somersault. Alam ng Sun ang 72 Earthly
transformations, na nagpapahintulot sa kanya na magbago sa iba't ibang mga hayop at
bagay; gayunpaman, siya ay may problema sa pagbabago sa iba pang mga anyo, dahil sa
kasamang walang kumpletong pagbabagong-anyo ng kanyang buntot. Si Sun Wukong ay
isang bihasang manlalaban, na may kakayahang daigin ang pinakamahusay na mga
mandirigma ng langit. Ang bawat isa sa kanyang mga buhok ay nagtataglay ng mga
mahiwagang ari-arian, na may kakayahang ma-transform sa mga panggagaya ng Monkey
King mismo, at / o sa iba't ibang mga armas, hayop, at iba pang mga bagay. Nakikilala
niya ang mga spells upang utusan ang hangin, bahagi ng tubig, manonood ng proteksiyon
na mga lupon laban sa mga demonyo, at i-freeze ang mga tao, mga demonyo, at mga
diyos.
Subalit sa kabila ng mga kakayahang ito ng Monkey King ay wala pa rin siyang
satisfaction. Nagtagumpay siya sa kaniyang mga laban ngunit may hinahanap pa rin siyang
iba. Ito ay ang makapantay si Buddha, ang diyos ng mga Budista.

You might also like