Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ang 5 Posisyong Inilahad ng mga Remonstrants noong 1610

 Noong ika -16 na siglo, ay sinalungat ni Jacobus Arminius, isang Dutch Reformed Theologian, ang turo nina John
Calvin at Theodore Beza tungkol sa doktrina ng pagtatalaga ( predestination ). Bagama’t hindi gaanong lumayo sa
posisyong Reformed, ay binigyan ni Arminius ng mas malaking papel ang pananampalataya ng mananampalataya at
nagpanukala siya ng posisyon na may-kundisyong pagtatalaga ( conditional predestination ) sa halip ng walang-
kundisyon o lubos na pagtatalaga ( unconditional predestination ) nina Calvin at Beza.

 Nang mamatay si Arminius ( 1609 ), ang kanyang mga tagasunod, sa pangunguna ni Simon Episcopius ay naglabas
ng isang dokumentong naglalahad ng 5 puntong nagsasa-buod ng kanilang paghiwalay sa umiiral na katuruan ng
Dutch Reformed Theology—tinawag silang mga Remonstrants ( = sumalungat ) at ang kanilang dokumento ay
tinawag na Remonstrantice of 1610. Ang dokumentong ito ang pinagtuunan ng pagpupulong ng tinatawag na
Synod of Dordrecht sa South Holland, Netherlands na nagbunga ng Canons of Dort—nagtatwa at nagdeklara sa
posisyon ng mga Remonstrants na heretiko.

 Kahit kinondena, ay nagpatuloy ang paglaganap ng katuruan ni Arminius at ng mga Remonstrants sa Europa at
Englatera at hanggang sa Amerika. Sa kalagitnaan ng 1700’s, ang posisyon ay inayos at pinalawak ng magkapatid
na John at Charles Wesley. Ang posisyong ito ay pinanghahawakan ng mga Methodists at maraming mga iglesyang
naninindigan sa posisyong ito na tinatawag ngayon na Arminian-Wesleyan Theology.

 Ngayon ang 5 punto ng mga Remonstrants ay patuloy na naglalahad ng pangunahing pinagkakaibahan ng


Calvinistiko/Reformadang posisyon at ng Arminiano/Wesleyong posisyon.

________________________________________

1. May-Kundisyong Paghirang ( Conditional Election )

Na ang Diyos, sa pamamagitan ng kanyang walang-hanggan at hindi nababagong layunin kay Hesukristo na
Kanyang Anak, bago pa itinatag ang sanlibutan, alang-alang at sa pamamagitan ni Kristo, ay naglayon na iligtas
mula sa makasalanang sangkatauhan, yaong mga tao na sa pamamagitan ng biyaya ng Banal na Espiritu ay
mananampalataya sa kanyang Anak na si Hesus, at magpapatuloy sa pananampalatayang ito at pagsunod sa
pananampalataya, sa pamamagitan ng Kanyang biyaya hanggang sa dulo; at sa kabilang banda, na ang mga hindi
nagsisi at sumampalataya ay iwanan sa kasalanan at sa ilalim ng kapootan at ikondena sila bilang mga hindi kalakip
kay Kristo, ayon sa salita ng Ebanghelyo sa Jn. 3:36: “ Siya na sumasampalataya sa Anak ay may buhay na
walang-hanggan; at siya na hindi sumampalataya sa Anak ay hindi makakakita ng buhay; bagkus ang kapootan ng
Diyos ay nananahan sa kanya. “ at ayon sa iba pang mga talata ng Kasulatan.

Itinuturo: Mula sa kawalang-hanggan ang Diyos ay naglayon na iligtas ang mga sasampalataya kay Hesukristo at
magpapatuloy sa nananampalatayang pagsunod hanggang sa dulo; at sa kabilang banda ay iwanan sa kasalanan at
kaparusahan ang mga hindi sasampalataya. = ang mga sasampalataya at magpapatuloy ang Kanyang mga hinirang.

Mga talatang sumasalungat: Eph. 1:4-6; Rom. 8:30; Acts 13:48

2. Panlahatang Pagbabayad-sala ( Unlimited Atonement )

Na si Hesukristo, ang Tagapagligtas ng buong daigdig, ay namatay para sa lahat ng tao at para sa bawat tao, at
Kanyang natamo para sa kanilang lahat ang katubusan at ang kapatawaran ng mga kasalanan, sa pamamagitan ng
Kanyang kamatayan sa krus; subalit, walang sinuman ang makikinabang ng kapatawarang ito maliban lamang sa
sumasampalataya, ayon sa salita ng Ebanghelyo ni Juan 3:16, “ Gayon na lamang inibig ng Diyos ang sanlibutan,
na ibinigay Niya ang kanyang Bugtong na Anak, na sinuman ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak,
bagkus ay magkaroon ng buhay na walanag-hanggan. “ At sa 1 Juan 2:2: “ At Siya ang kasiya-siyang handog
para sa ating mga kasalanan; at hindi lamang para sa atin, bagkus para rin sa mga kasalanan ng buong
sanlibutan. “
Itinuturo: Binayaran ni Hesukristo ang lahat ng mga kasalanan ng lahat ng mga taong nabuhay, nabubuhay at
mabubuhay pa, ngunit hindi magiging mabisa para sa sinuman ang pagbabayad malibang siya ay sasampalataya; =
kung walang sasampalataya, walang silbi ang ginawa ni Kristo.

Mga talatang sumasalungat: Mt. 1:21; Jn. 10:15, 27; Isa. 53:10; Heb. 9:12

3. Kawalang-kakayanan ( Deprivation )

Na ang tao, sa kanyang sarili o di kaya sa lakas ng kanyang malayang kalooban, ay hindi nagtataglay ng biyayang
nakapagliligtas, yamang sa kanyang kalagayan ng pagtalikod at kasalanan, siya’y hindi mag-iisip, maghahangad o
di kaya’y gagawa ng anumang tunay na mabuti ( na gaya ng pananampalatayang nakapagliligtas ); na kailangan
niyang maisilang na muli ng Diyos kay Kristo, sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu, at mapanumbalik sa
kaunawaan, pagkiling, at kalooban, at lahat ng kanyang kakayahan, upang kanyang maunawaan nang husto, maisip,
loobin at gawin kung ano ang tunay na mabuti, ayon sa Salita ni Kristo sa Jn. 15:5, “ Kung wala ako, wala kayong
magagawa. “

Itinuturo: Sa kalagayan sa kasalanan, ang tao ay wala lang paghahangad na gumawa ng tunay na mabuti,
kailangan lang siyang mapanumbalik sa lahat ng kanyang kakayahan; = hindi patay sa kasalanan at hindi ganap na
masama.

Mga talatang sumasalungat: Eph. 2:1, 5; Gen. 6:5; Jer. 13:23; Jer. 17:9

4. Natatanggihang Biyaya ( Resistible Grace )

Na ang biyayang ito ng Diyos ang siyang pasimula, kapatuluyan, at katuparan ng lahat ng kabutihan, maging
hanggang sa punto na ang taong naisilang nang muli, kung walang umaalalay, bumubuhay, sumusunod at
tumutulong na biyaya, ay hindi mag-iisip, maghahangad, o gagawa ng mabuti, o tatagal laban sa anumang tukso na
gumawa ng kasamaan; kung kaya’t lahat ng mabubuting gawa o pagkilos na maaaring maisip ay dapat ipatungkol
sa biyaya ng Diyos kay Kristo. Ngunit patungkol sa paraan ng pagkilos ng biyayang ito, ito ay natatanggihan,
sapagkat nasusulat sa Mga Gawa, at sa marami pang mga talata, na marami ang tumanggi sa Banal na Espiritu.

Itinuturo: Ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa inililigtas ay nakasalalay sa desisyon ng tao na


pakikipagtulungan = kung tatanggi at hindi makikipagtulungan ang taong inililigtas, mabibigo ang
layunin ng Diyos.

Mga talatang sumasalungat: Ezek. 36:26; Eph. 1:19-20; 2 Pet. 1:3

5. Katiyakan at Seguridad ( Assurance & Security )

Na ang mga inilakip kay Kristo sa pamamagitan ng tunay na pananampalataya, at kung gayon ay naging mga
kabahagi ng Kanyang Espiritung nagbibigay-buhay, bilang resulta, ay may lubos na kapangyarihang
makipagpunyagi laban kay Satanas, kasalanan, sanlibutan at sa kanilang sariling laman, at magwagi; ito’y lubos na
nauunawaan na laging sa pamamagitan ito ng umaalalay na biyaya ng Banal na Espiritu; na si Hesukristo ay
umaalalay sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu sa lahat ng tukso, iniaabot sa kanila ang Kanyang tulong,
at ito ay kung handa lamang sila sa pakikibaka, nagnanais ng Kanyang tulong, at hindi walang ginagawa, ay
pangangalagaan Niya sila na huwag malaglag, upang sila, ay hindi mailigaw ng pandaraya o kapangyarihan ni
Satanas o maalis sa kamay ni Kristo, ayon sa Salita ni Kristo sa Jn. 10:28: “ Walang sinumang tao ang makapag-
aalis sa kanila sa aking kamay. “ Ngunit sila ba, sa pamamagitan ng kapabayaan, ay may kakayanan na talikurang
muli ang panimula ng kanilang buhay kay Kristo, at muling bumalik sa makasalanang sanlibutan, tumalikod mula
sa mga banal na katuruang ibinigay sa kanila, walain ang malinis na budhi, kaligtaan ang biyaya—ang mga ito ay
dapat na tiyaking mabuti mula sa Banal na Kasulatan, bago natin ito maituro nang may lubos na katiyakan sa ating
isipan.

Itinuturo: Na ang mga hinirang ay maaaring mapahamak kung sila ay magpapabaya; = ang katiyakan ng
kaligtasan ay nasa kamay ng mananampalataya.
Mga talatang sumasalungat: Rom. 8:32-35; 1 Cor. 1:8; 1 Jn. 3:9; Jn. 10:28-29

You might also like