Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

At Ako’y Inanod

Marcel Navarra

Ayaw ko nang makipagkita pa sa iyo. Galit ako sa aking ginawa. Halos limang buwan na tayong di
nagkikita. Ngunit kagabi, nagkatagpo tayo sa Letoile Parlor. Di ko ‘yon inaasahan, ngunit pagtingala ko, nakita
kitang nakaupo sa may harapan ko. Marahil, napansin mong bigla akong yumuko. Malalaman mo rin kung
bakit. Sa ngayon, sapat nang mabatid mong may sumuot sa aking dibdib at nanginig ang aking buong
katawan. Di ko nga malunok ang kinakain kong sorbetes.
Napatingala muli ako nang iyong sinabing, “Say, Kid, saan ka bang sulok nagtago nitong mga huling
buwan?” Napansin mo siguro na matagal bago ako nakasagot. Sa halip, ako’y napatunganga. Malinaw ang
aking mga salitang nagdadahilan, “Dito lang, Kid. Sa totoo, umuwi ako sa aming baryo. Hindi kaagad ako
nakabalik dahil ayaw akong payagan ni Tatay na masakitin na.” Kung naniwala ka man sa sagot ko o hindi,
mabuti na ring malaman mo na yao’y pawang kasinungalingan.
Matagal bago ako nakatulog kagabi. Pabiling-biling ako sa higaan. Kagabi lamang nangyari sa akin ito.
Ang isip ko’y magulo, mga gunita ko’y nagkasala-salabid. At saka...Lumapit ka sa akin sa anyo ng isang leon.
Napaso ako sa init ng iyong mga nanlilisik na mga mata na wari’y dalawang bolang apoy. Ang iyong mga
nakabukang daliri at mga matipunong bisig na nanginginig sa galit ay handang sumakal sa akin. At sumigaw
ka: Taksil? Walang utang na loob? Hayop? Pagbabayaran mo ito... Kailangan! Kailangan!” Nangilabot ako,
lumuhod at humingi ng tawad, “Kid, Kid, maawa ka sa akin. Wala akong kasalanan... hindi ako ang may sala,
hindi... ngunit kung nagkasala man ako, patawarin mo ako, maawa ka, maawa ka...”
Salamat at nakita ko pa rin ang araw na nakangiti sa Silangan! Ang kanyang banaag na lumusot sa
maliliit na butas ng dingding ang gumising at humila sa akin mula sa malabong daigdig tungo sa liwanag.
Akala ko’y sinakal mo ako hanggang sa lumawit ang aking dila at ako’y namatay--- naiwang isang bugtong na
makagugulo lamang sa iyong isipan.
Di mahuli ng kamay ang usok, ito’y tiyak na tatakas; di mapigilan ang pagdaloy ng tubig sa ilog, ito’y
maghahanap ng ibang lagusan patungong dagat. Kaya, ang una kong ginawa ngayong umaga pagkabatid kong
gumagalaw pa pala ang aking mga daliri, ay sumulat sa iyo. Di ko nais na malaman mo pa sa iba. Kailangang
manggaling ito sa akin. Sinulat ko ng liham na ito sa paniwalang lilitaw din ang katotohanan. Magpapaunawa
ito na akong kinilala mong tapat na kaibigan at kapanalig ay wala nang alam na ibang paraan kundi ito. Tiyak
na magagalit ka sa pagbasa mo nitong liham. Baka kung sino pa ang pagbalingan mo ng iyong galit –
magtataka ang taong ‘yon at sisigaw na wala siyang kasalanan.
Mabuti pang simulan ko na. Magkaibigan tayong matalik mula 1929 kung kailan tayo naging
magkaklase sa unang taon natin sa High School. Tuwing umaga’t hapon, magkasama tayong pumasok sa klase
at umuwi. Kid ang tawag ko sa iyo, at Kid din ang tawag mo sa akin.
Sa mga sumunod na taon, nagkahiwalay tayo. Huminto ako sa pag-aaral, batid mo kung bakit. Di dahil
sa di na kaya ng aking mga magulang ang gastos sa aking pag-aaral kundi sa dahilang ikaw lamang at ilan sa
ating mga kaibigan ang nakakabatid. Batid mo ang aking kahinaan at palagi mo akong pinapayuhang labanan
ito. Di ko makalimutan ang sinabi mo minsan, “Upang di ka tuluyang mabaliw sa mga babae, ang tanging
lunas, Kid, ay umiwas ka sa kanila. Ang demonyong nagngangalang babae ang siyang simula ng kabiguan sa
buhay ng tao. Layuan mo sila kung nais mo pan magtagumpay.”
Di ako tinablan ng iyong makatuwirang payo na nagbuhay sa puso ng isang kaibigan. Di ko sila
maiwasan at hanggang ngayon, isa pa rin akong bilanggo sa sarili kong kahinaan. Dahil dito, dahil dito... Hindi
na tayo magkasamang pumasok sa klase, ngunit nagkikita pa rin tayo sa gabi, may buwan man o wala. Kung
anong magandang palabas sa sinehan, naroon tayo, magkatabing nanonood at naninigarilyo. Pagkagaling sa
sinehan, dumadaan tayo sa Letoile Parlor kung saan kita nakita kagabi.
Akyat-panaog ako sa inyong tahanan. Itinuring ko itong parang bahay ng aking Tiyo at Tia. Hindi na
ninyo ako itinuturing na iba.
Madalas akong makitang nakaupo sa inyong balkon. Kung minsan, diyan ako humihiga pagkatapos
kong mananghalian sa amin. Kung di tayo nag-uusap tungkol sa pelikula, buhos na buhos ang aking isip sa
pagbabasa ng Graphic at iba pang pahayagang ingles na inyong kinagigiliwang basahin. Kung minsan,
gustong-gusto ng Mama mong makinig sa aking pagbasa ng “Dora, ang Anak ng Mamamatay-Tao,” “Tarzan,
ang Taong Unggoy,” “Sa Paanan ng Krus” at iba pang kuwentong nalimbag sa Bisaya. Ayaw din niyang
kaligtaan ko ang mga maikling kwento.
Hinahangaan mo ako sa aking kakayahan sa pagsulat ng maikling kwento na pinadadala ko
paminsan-minsan sa Bisaya. Lagi mo akong hinihimok na magsulat nang mas madalas. Ang lahat sa inyong
tahanan ay naghusga na walang kuwenta ang aking mga maikling kwento dahil di raw maintindihan.
Tumatawa lamang ako.
“Ba’t di ka na nagsusulat, Kid?” ang usig mo sa akin isang gabi. At isiniwalat ko naman ang dahilan.
“Babae na naman! Babae! Babae! Babae ang nagpatigil sa iyong pag-aaral at babae na naman ngayon ang
nagnakaw ng iyong hilig sa panunulat?” Kung batid mo lamang na babae rin ang...
Siyempre, kilala mo ang mga babaeng naging biktima at ang mga kumagat sa aking pain ngunit
nakatakas din. Tinanong mo sa akin minsan kung bakit madali para sa akin ang babaeng samantalang ikaw ay
nahihirapan. Humalakhak ako bilang sagot. Dahil kagaya ko, may isa ka ring kahinaan – takot kang lumapit sa
babae. Nanginginig ka’t di mapalagay. Kailanma’y di kita nakitang kusang lumalapit at nakikipag-usap sa mga
dalaga. Di naman kita matatawag na bakla dahil gaya ng karamihan sa mga tunay na lalaki, nangangarap ka
rin namang makatagpo ng isang maganda, mabait at masipag na babae na maari mong maging kasama sa
buhay.
Di nagbago ang aking ugali sa pagdaan ng panahon. Ako’y balisa, nag-aalala at nalulungkot tuwing di
tayo magkita. Agad akong sumasaglit sa inyo, at kung ika’y wala, inaaliw ko na lamang ang aking sarili sa
pagbasa ng pinakabagong labas na Graphic.
Minsan, nagbabasa ako ng isang artikulo ni Jose Garcia Villa na bumabatikos sa mga maikling
kwentong nalimbag sa mga pahayagang Ingles. Nalibang ako sa pagbabasa kay Villa. Batid mo kung ano ang
pagtingin ko kay Villa at kapwa natin alam kung ano ang kanyang mga sinulat. Dahil buhos na buhos ako sa
aking pagbabasa, di ko napansin ang pag-upo sa aking harapan ng nakababata mong kapatid na si Pepita.
“Kumusta na si Sonia?” isang ipit na tinig ang aking narinig at biglang natabunan ang mga linyang
aking binabasa. Tumingala ako. Nakatutok si Pepita sa sahig. “Ay, ewan. Iisipin ko pa ba kung ano na ang
nangyari sa kanya?” At bumalik ako sa aking pagbabasa. “Loloy, nakaramdam ka na ba ng... tunay na pag-
ibig?” Di ko pa nga natagpuan kung saang linya ako tumigil nang tumingin muli ako sa kanya upang sagutin
ang pangalawa niyang tanong. Ngunit matagal bago ako nakasagot. Di ko mapigilang muling tumitig sa kanya.
At mula ng sandaling ‘yon, nabatid ko... Ang kanyang malamlam na mga mata na nakatitig sa akin ay
nagpamalas ng malaking pagnanasa... nagdala ng maraming pananabik at nagsalaysay ng isang magandang
kuwentong hinabi sa pighati at pumipintig na sugat sa puso at kirot na iniwan ng naglahong pag-asa. “Tunay
na pag-ibig? Ha, ha, ha...”
Isang umaga noong nakaraang Hulyo, maagang-maaga akong dumaan sa inyo. Nais sana kitang
yakaging sumama sa Banawa dahil naanyayahan tayo ng ating mga kaibigan na pumasyal doon at kumain ng
buko. Ang aking naabutan ay si Pepita na nagwawalis sa inyong bakuran. Tinanong ko siya kung nasaan ka. Di
niya ako sinagot, sa halip, siya’y nagpatuloy sa kanyang pagwawalis. Muli ko siyang tinanong. “Ewan, di ko
alam.” Mabigat ang kanyang tinig at tila matalas ang kanyang pananalita. Ako’y nagtaka. Ngunit totoong
nakaramdam na ako ng kaunting pagbabago sa kanyang pagtingin sa akin mula nang maitanong niya kung
ako’y nakadama na ng tunay na pag-ibig.
“Pepita, galit ka ba sa akin?” Tiningnan niya ako at pagkuwa’y tumakbong paakyat ng bahay.
Sinundan ko siya. Sa loob, nakita ko siyang nakapangalumbaba sa isang gilid ng silyang tumba-tumba.
“Sagutin mo ako, Pepita, galit ka ba sa akin?” Hinawakan ko siya sa balikat at pilit na iniharap sa akin.
Ngunit nagmatigas siya. “Pepita, tumingin ka sa akin. Sabihin mo kung ano ang ikinagagalit mo.”
Tumingala siya at ang kanyang mga mata ang sumagot: “Galit ako sa iyo, Loloy, galit? Kung marunong
ka lang sanang umunawa, di ako magagalit. Minamahal kita, ngunit di mo ako iniibig. Bakit, di ba ako
nararapat sa iyo? Di ba ako kapantay nina Sonia, Ester, Fe, Prospera at Risa sa ganda at talino? Sino ka ba na
ayaw umibig sa akin? May araw din, Loloy, na ikaw ang magagalit sa akin. Magsissii ka rin, magsisisi!”
Kami lang ni Pepita ang nasa loob ng bahay.
Isang dumadagundong na baha ang palapit sa akin. Nais ko sanang tumakbo at umiwas, ngunit huli
na. Nahagip ako ng rumaragasang tubig, natabunan ako at ako’y suminghap-singhap. Di ako makatakas sa
nakakapangilabot na agos na tumangay sa akin. At ako’y inanod... Nais ko sanang may humarang sa akin na
isang timbulang aking mahahawakan nang di ako matangay sa malayo, ngunit wala akong magawa... Waring
ipinagpalo ang aking katawan ng naglalakihang agod. At ang aking kahinaan ang tumulong sa paghila sa akin
sa ilalim kung saan wala akong makita kundi kadiliman.
At ngumiti si Pepita.

(1937)
Translated by Teresita G. Maceda

You might also like