Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

HOMILIYA PARA SA IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON,

TAON A, (ENERO 26, 2020)

“Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita


ng maningning niyang ilaw!” (Mateo 4:16)

“Gong hei fat choy” Ito ang batian kahapon sa pagdiriwang ng New Year ng
mga kapatid nating Chinese. Bagamat magkaiba sila at tayo ng kalendaryo ay
nagkakaisa naman tayo sa paghangad para sa bawat isa ng isang buhay na
maligaya at masagana. At napakaganda na ngayong Linggo ay narinig natin
ang Mabuting Balita, ang katuparan ng pangako ng Diyos, ang biyaya ng
kaligtasan: “Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay
nakakita ng maningning niyang ilaw” (Mt 4:16).

Nitong nakaraang dalawang sanlinggo, tayo ay bayang nag-apuhap sa gitna


ng kadiliman na dulot ng abo at usok na may kasamang paglindol at
pagsabog na paramdam ng nag-aalburutong Bulkang Taal. Bawas na ang
palabas, parinig at paramdam ng bulkang nasa puso ng ating lalawigan,
ngunit kailangan nating manatiling handa at nagmamatyag. Gayon pa man,
tumatatag at lumalalim ang ating pag-asa dahil nakikita natin ang liwanag ng
bagong umaga at nararamdaman natin ang patuloy na paglingap ng
mapagmahal nating Diyos at bukas-puso at bukas-palad nating kapwa. “Gong
hei fat choy!” Mapasaatin nawa ang buhay na maligaya at masagana sa awa
ng Diyos na mapagpala.

Pinagpala nga ang mga Batangueño na mga anak ng Bulkang Taal na


humubog ng paniniwala, pagpapahalaga at kultura ng mga naninirahan sa
palibot nito. Dahil sa Bulkang Taal, nasa atin ang mga katangiang TAAL –
tayo ay ay Tatag, Abilidad, Angas at Lingap.

Matatag ang Batangueno hindi lamang dahil may tibay ang dibdib at hindi
basta-basta sumusuko. Kung hindi gayon, disin sana ang lupain sa paligid ng
lawa ay matagal na nating nilisan at hindi na binalikan matapos pagmalupitan
ng bulkan. Tatlumput apat na ulit tayong niligalig ng pagsabog ng bulkang
Taal simula noong 1572 ayon sa kasaysayan. Sa kabila nito hindi tayo
nalugmok at nadala bagkus lagi tayong nakikipagbuno sa bulkan at
nilalabanan ito ng bagsik ng ating tiyaga.  Totoong Ma-tatag tayong
Batangueño, may kakayahang bumuo at lumikha muli kahit mula sa
pagkawasak. Hindi ito ang unang pagkakataong tayo ay iginupo ng bulkan.
Nang sumabog ang bulkang Taal noong 1754, nawasak ang apat na bayan sa
gilid ng lawa ng Taal: ang lumang Taal na ngayon ay ang bayang San
Nicolas; ang dating Lipa na ngayon ay ang barangay Lumang Lipa; ang bayan
ng Sala at ang Tanauan na noo’y nasa Banaderos. Oo, wasak-wasak na lahat
ang maraming kabahayan pati simbahan na nalubog na sa putik at lawa,
subali’t bumangon tayo muli. Itinatag natin ang mga bagong bayan ng Taal,
Lipa at Tanauan. Mula sa abo ay binigyan natin ng bagong buhay ang higit na
maganda at makulay na mga pamayanan at mga simbahan na monumento ng
ating alaala na tayo ay nagtagumpay laban sa bulkan.

Paanong hindi tayo magiging matatag gayong tayong Batangueño


ay maabilidad. Ang lahi natin ay pinagpala ng birtud at galing. Subok na natin
ito sa iba’t ibang pagkakataon, alalaonbaga ang mga abilidad natin ang
nagluklok sa lalawigan ng Batangan bilang isa sa mga nakaririwasang
lalawigan ng Pilipinas. Idagdag mo pa na nitong mga nakaraang araw, saksi
tayo sa husay ng mga Batangueño na ngumiti, tumawa at magpatawa sa
kabila ng mga hirap sa evacuation centers. Viral ang mga nakakaaliw na
larawan ng ating mga bakwit habang inirarampa ang mga damit galing
sa relief goods, mga kalalakihang suot-suot ay pagkakalalaking mga duster;
naroroon pa iyong mga nagvideo na nagkakasal-kasalan suot ay gown at
Americana; at ang pamimigay ng relief goods kaalinsabay ng himig
ng Graduation March. Kay inam pagmasdan sapagkat alam natin na ang
sinumang kayang ngumiti sa kabila ng trahedya ay hindi mauubusan ng pag-
asa lalo na’t maabilidad pa siya at sa Diyos ay lagging nagtitiwala.

Sino ang tatabla sa angas nating Batangueño? Nitong mga nakaraang araw


kahanga-hanga ang mga kababayan nating bakwit na buong tapang na
sinusuong ang nakaambang panganib ng malaking pagsabog ng bulkan.
Naroon ang tumawid pa ng lawa sa gitna ng pag-aalburuto ng bulkan para
iligtas ang kanilang mga alagang hayop na itinuturing na rin nilang kanilang
kaibigan. Maangas ang mga Batangueno siguro dahil na rin siya ay pinalaki
sa “Ala eh” na ayon sa ilang mga dalubhasa sa kasaysayan ng ating lahi ay
mula sa Arabic na “Wallah eh” na ang ibig sabihin ay “Sumusumpa ako sa
Diyos” o dili kaya ay “Allah ensh” na ang ibig sabihin ay “Kung kalooban ng
Diyos”. Dito animo’y pangita na ang Angas ng Batangueno ay nakaugat sa
kanyang pananampalataya sa Diyos at malalim na pagtitiwala sa kalooban
niya.

Ang pagmamalasakit na ito sa alagang hayop ay gagatiting kung ikukumpara


sa lingap na alay ng Batagueño sa kapwa tao nito lalo’t higit sa
nangangailangan. Tunay na langkay-langkay ang ayuda at tulong na
ipinamamahagi - pagkain, damit at iba pang mga mahahalagang
pangangailangan ng mga bakwit. Maraming nakasaksi na may
mga evacuation center dito sa atin na mapagkakamalan mong isang pistahan
o handaan dahil sagana at masaya – may lechon pa nga ang iba. Marami rin
ang nagpatuloy sa kanilang sariling tahanan kahit sa mga bakwit na hindi nila
kaano-ano. Pero hindi lamang mula sa kapwa nanggagaling ang paglingap,
kundi lalo’t higit mula sa Diyos. Nakakagulat na habang ang isang pari ay
abala sa pamimigay ng relief goods, isang bakwit ay lumapit at ang daing
ay “Father, kailan po kayo magmimisa? Pwede ga pong araw-araw?”

Sa diwang ito, ikaw ba ay maninimdim pa at panghihinaan ng loob? Magalak


ka bagamat “nag-apuhap sa gitna ng kadiliman.” Maging matapang ka
sapagkat “Nakakita ng maningning niyang ilaw” dahil taal kang Matatag,
Maabilidad, Maangas at May paglingap at dahil “Ala Eh” – may Diyos na bukal
ng awa at pagpapala, ang dahilan ng ating pag-asa sa isang bagong umaga
ma maligaya at masagana.

You might also like