1. Landas ng aletheia ang tinatahak ng akto ng pamimilosopiya.
Isang walang sawang
pagtingin at pangingilatis at isang seryosong pag-amin sa makataong kalikasan ng limitasyon at posibilidad ang hinihingi ng sinumang nagnanais tumahak sa landas na ito.
I. Aletheia bilang landas
A. Kung ito ang tinatahak na landas, ang landas na ito ay medyo nakakagat sa karanasan ng mga Griyego sa katotohanan: ang hindi-pagka-kubli nito. 1. Bilang namimilosopiyang ang ninanais ay makita ang totoong hindi nakakubli, kinakailangang suyuin itong nakatagong ito nang lumantad. 2. Kung kaya para sa isang namimilosopiya sa landas na ito, itong mga panunuyo sa nakatagong katotohanan ay maaaring makita sa tatlong kilos: ang kilos ng pagtingin, pangingilatis, at pag-amin sa makataong kalikasan ng limitasyon at posibilidad. II. Mga Akto A. Kapag sinabing pagtingin =/= literal na pagtingin ng mata: PAGTALAB NG ILAW SA ISIP. 1. Pag-uunawa! 2. Buhat kunwari sa unang sandaling pagkilala ko sa karanasan ko na magdudulot sa akin ng pagtataka, at sa huli’y pagnanais makaunawa, maaari nating sabihing itong walang sawang pagtingin sa aking abot- tanaw ay walang sawang pagnanais sa pag-uunawa. B. Sa tulong ng akto ng pangingilatis, nagiging maliwanag sa akin ang kung ano ang totoo at hindi, kung ano ang tama at mali, ang talagang nagpapakita o phainomenon at kuro-kuro lamang o doxa. 1. May pagsisiyasat ako sa kung anumang nasa harap ko sa pagnanais na maging tapat pa rin sa kung ano ang totoo. C. Ngunit hindi ko maiiwasang mapagtanto, at maamin, na may hangganan ang aking abot-tanaw 1. Kung sa abot-tanaw ko lang ako sasalalay, paano ko nalalaman na bilog ang mundo kung palinaw sa pandama kong patag ito, o ang mundo ang umiikot sa araw kung malinaw na nakikita ko ay ang araw ang gumagalaw? Lalong matindi ang ganitong pagkilala ko sa daigdig lalo na noong bata ako. 2. Sasalalay sa mga bukal-ng-mapagkakatiwalaang-katotohanan: ngunit kailangan ko pa rin kilatisin. D. Sa kabila ng hangganan ng abot-tanaw, salamat na lang din at nakikipagtalaban ako sa mga kung sino o anumang nasasaklaw ng aking abot-tanaw at naging posible na makaabot ako sa ibang pag-uunawa. 1. Kung hindi ko halimbawa saklaw sa abot-tanaw ko ang kaibigan kong apo ni Marcos, edi hindi ako nakahantong sa talagang pag-uunawang hindi hadlang ang politikal na paniniwala sa pagkakaroon ng isang matalik na kaibigan. III. Sa kabila ng mga panunuyo ko sa kung ano ang totoo upang lumabas ito, hindi pa rin nakadepende sa kakayahan ko ang paglabas ng totoo mula sa pagkakubli. A. Halimbawa: Matagal ko nang nakikita na iba ang paniniwala ng iba kong kapamilya sa paniniwala-politikal ko. Ngunit hindi sa pakikipagtalaban ko sa kanila dumating sa akin itong liwanag ng hindi-pagiging-hadlang-ng-ideolohiya. Ngunit hindi ibig sabihin noon ay wala akong ginawa: sinubok kong unawain ang aming pagkakaiba lalo na kapag pinaguusapan namin sa Araling Panlipunan noong high school ang Kasaysayan ng Pilipinas. Kung bakit may naniniwala pa rin kay Marcos, kung paano namuhay ang mga Pilipinong ang iba’y para at iba’y laban sa kanya, ngunit hindi pa rin sa akin naglalantad itong liwanag: hanggang sa nagkolehiyo ako.
1. Sa pilosopikong landas ni Parmenides may nagaganap na pagtugon ang diyos sa matinding
udyok ng pagnanais ng tao na maunawaan ang kalaliman ng meron. Sa landas ding ito makikita ang kalikasan ng tao sa abot-tanaw ng dike na sabay mapagparusa at mapagpalaya rin. I. Rekisito sa pagtahak sa landas ng meron: isang matinding pagpapasyang tahakin ito: isang matinding udyok na tahakin ito. A. Ngunit parang sinasabi rito na ang matinding ninanais ay parang isang pagnanais maunawaan ang higit pa sakin? O hindi basta-basta maaabot ng kakakayahan ng karaniwang tao lamang. Kung kaya, sinasakyan ako ng diyos bilang pagtugon dito. 1. Halimbawa: sumusulat ako ng tula pero noong panahong may sasalihan akong palihan para sa panulaan, talagang hindi ako makasulat pigang piga na ako. Pero biglang parang sinakyan ako ng kung anuman at nakasulat ako ng sampung linyang tula na talagang pinalakpakan sa palihan, kahit ng isang propesor na mataas ang pamantayan. B. At mismong ang pagtahak sa landas ng meron o landas ng talagang totoo ay walang iba sa bigat ng landas na tinatahak ng isang nakikipaglaban para sa kanyang bayan. PANGANIB II. Ang mapagparusang dike A. Sa pagtahak ng landas na ito, tila may pagpapamukha pa rin na dapat manatili ang tao sa inilagda ng kanyang kaayusang-tao, kung ano ang inilagda ng dike bilang tao. 1. Na parang sinasabing ang tao ay tao lang: ay para sa mundo ng dilim lang, at ang liwanag at mundo ng kaalaman ay hindi para sa kanila. 2. Parang sinasabi na ikaw, bilang tao, at may kaayusang tao, manatili sa karaniwang buhay ng tao. 3. May mga limitasyon ako bilang Cymon lang na matatamasang makita ang higit sa akin: ang matinding kaalaman sa matematika. O baka minsan mararamdaman kong kaya kong gawin ang mga ganoong matematika na parang matapos iyon: “Hala pano ko yun naitama??” III. Ang tadhana ng mapagpalayang dike A. Ngunit parang sa pagsabi kay Parmenides na ang pagtahak sa landas ng meron ay tadhana ng diyos at dike. 1. Tadhana bilang tawag: tawag na magpakatao’t pagpapakatao. 2. Ergo, ang pagtahak sa landas ng meron bilang tawag ng pagpapakatao ng kaayusan ay parang hindi talaga manatili sa mundo ng dilim kundi makapasok din sa mundo ng liwanag. B. Tandaan: ang lahat nang ito’y talinghaga, pero paano natin ito tatangkain mapaliwanag. 1. Parang sinasabi na sa pagnanais na makita ang talagang totoo’t talagang nangyayari, at sa pagiging ako bilang tao, ay lumalalim ang abot-tanaw sa karaniwang buhay. Paano ito? C. Edi ako bilang tao, ay hindi tao lang, kung hindi tao rin, at nagpapakatao, kumikilos sa kung paano dapat kumilos ang tao, at kung paano dapat maging tao. 1. Halimbawa, kung hindi ako si Cymon, hindi ko makikita ang talagang totoo at talagang nangyayari sa isang pamilyang walang ama, at may mga kapatid na mula sa iba’t ibang ama. At mula rito, naaanyayahan akong kilalanin pa ang mga karunungang maikakabit ko dito. Ang mga pag- uunawang masasabi ko ukol dito. 2. Maaaring limitasyon ito sa akin bilang tao, bilang si Cymon dahil hindi ko mararanasan ang isang kumpletong pamilya, pero nagpapalaya rin ito sa akin dahil ito, bilang kinalakhang karaniwang buhay ko, bilang iba, ay nararanasan pa rin ang matinding pagmamahal ng ina. D. Kaya salamat sa abot-tanaw ng aking kaayusan, sa inilagda ng dike para sa akin, lumalawak lalo ang pag-uunawa ko sa buhay tao at nagiging tapat ako sa meron.
1. Sa espesyal na karanasan ni Parmenides sa kalaliman ng meron, may pagtutuklas sa
matinding pagtatanggi sa landas ng wala bilang isang landas na kailanman ay hindi masasabi o maiisip man lamang. Hindi masasakop ang kalaliman ng meron ngunit maaari itong maipahiwatig sa talinhaga ng hugis-bola at panahon bilang espesyal na ngayon . Lahing walang pangingilatis ang kinabibilangan ng taong ginagawang parang meron ang wala. I. Walang wala sa meron! A. Sa pagkakita ni Parmenides sa meron, tila itong matinding karanasan na ito’y sinubukang itong sabihin bilang kung anumang nakikita’t nasasabi, at iyong tumatalab sa aking isip. 1. Ngunit ano ang hindi meron? Wala? B. May wala ba? Meron! Edi meron! Parang ang hirap isipin ang wala, dahil sa mismong pag-iisip mo sa wala, meron pa rin: merong wala! 1. Wala kang magagawang wala, masasabing wala: sa mismong pagsabi mo ng wala o kapag sinabi mong “Wala kang ginagawa”, meron pa rin! C. Maaaring itong walang ito ay meron, isinantabi. Nasa upuan ba ako ngayon sa CTC 303? Wala. Ang nagaganap dito ay meron: itinago, o meron: isinantabi. 1. Talinhaga: Maaari nating sabihing may mahinang liwanag, malakas na liwanag, ubod ng hinang liwanag, pero walang dilim: may nakikita pa rin tayo eh, sobrang hinang liwanag lang. Kapag pumikit, sobrang hinang liwanag pero may nakikita pa rin. II. Ngunit dahil sa hirap na ring masaklaw ang kabuuan ng meron, upang matipon ito’t makadulot ng pag-uunawa, sinubukan itong ilagay sa dalawang semata o mga hudyat o talinhaga: hugis-bola at espesyal na ngayon. A. Espesyal na ngayon 1. Hindi pwedeng linear na pagtingin sa panahon ang gawin sa meron: alam mo na yan- napapasukan ng wala 2. Walang pagsilang at paglilihi dahil parang nanggaling sa wala ang meron, walang pagsira ang nagaganap sa meron -> dahil hindi dapat ito pinapasukan ng wala. 3. Kung kaya, dapat isipin ang meron bilang espesyal na ngayon, isa, sabay, lahat, buo: siksik ang lahat sabay-sabay: hindi tinatangay ng panahon sa kawalan, walang kahapon-ngayon-bukas pero maraming nangyayari. B. Hugis-Bola 1. Semata: may hangganan ang meron dahil sa pagkakaroon ng hangganan, nagkakaroon ng kaganapan at hugis ang meron = nagkakaroon ito ng kahulugan. 2. Kung wala itong hangganan ang meron: pwede ang wala maging meron at meron maging wala. 3. May paglilinaw itong nadudulot = hindi kalat ang meron, hindi sabog. 4. Dahil may hangganan: may pag-uunawa, may logos! 5. At bilang bola: may perpektong hugis na walang simula’t walang katapusan! C. Itong meron bilang espesyal na ngayon at hugis-bola ay pinalilibutan ng dike ng kadena upang hindi mapasukan ng anumang wala. III. Lahing walang pangingilatis A. Kanina: Sa pagkakaroon ng hangganan ng meron upang hindi kahit ano pwede, upang kahit ang wala hindi pwede. Ngunit may ibang sinasabing ang meron ay wala, at wala ay meron: ito ang mga taong walang pakialam sa pagkakaiba ng dalawa. 1. Nagmumula ang pag-alam sa pagkakaiba nila kung matututong mangilatis at maipon ang mga data na nakukuha ng pandama upang makarating sa pag-uunawa: paano naiipon? Logos! B. Ergo, ang mga taong ganito ang paniniwala, kung paniniwala at paninindigan man ang tawag dito, ay mga lahing walang pangingilatis, mga walang logos, mga walang paninindigan! 1. Ang mga taong walang logos, walang pag-uunawang nararating: hindi sensitibo sa paligid sapagkat hindi napagdurugtong ang mga data ng pandama: walang pakialam!
1. Isang katotohanang higit pa sa kasiguraduhan na nakakamit ng cogito ang ganap na pag-
aapirma sa katawan bilang pangunahing batayan ng pag-uunawang pilosopikal. Nakikilala ang ganap na pag-iral lampas sa pagdanas lamang sa katawan bilang bagay na naoobheto. Lumalabas sa ganitong karanasan ang “aking katawan.” I. Higit sa cogito bilang batayan ng pag-uunawang pilosopikal A. Mula kay Descartes at sa kanyang pagmumuning dahil hindi mapagkakatiwalaan ang pandama, hindi dapat ito maging batayan ng pilosopikong pagmumuni. 1. Bago ang panahon ni Descartes: nagmumula sa pagkilala sa karanasang tumatalab sa katawan ang pagtahak patungo sa pag-uunawa. 2. Ngunit sa panahon niya, dapat mapakita ang kasiguraduhan ng mga bagay bago ito paniwalaang totoo: dulot na rin ng metodong obhetibo ng agham na nakaangkla sa pagsusukat at matematika. B. Tatlong pag-aalinlangan sa pamamagitan ng Dubium Methodicum: Ergo, matapos ang lahat nang ito, tanging ang hindi na lang mapagdududahan ay ako, na nag- iisip. C. Kung kaya, masasabing ako, na nag-iisip, umiiral. Cogito Sum. At ang maaaring maging batayan ng pilosopikong pagmumuni: ang cogito. II. Ayon kay Marcel A. Naipit lamang si Descartes sa tinatawag niyang unang pagmumuni o pagoobheto lamang: itinapon sa harapan, idinistansya ang sarili mula dito, kung kaya’t nagkaroon ng kapangyarihang tingnan ito sa paraang nais niya tingnan, at mula rito, nakahantong sa konklusyon na ang katawan ay eksyensyon lamang ng isip na may hugis at sukat: isang res extensa! At cogito pa rin ang batayan B. Ngunit inilapit ito ni Marcel sa talagang nangyayari: sinubheto - at tila isang pag- amin ito ng pagka-may-kinalaman ng katawan sa akin. 1. Kapag nasaktan ako, hindi lang naman katawan ko ang nasasaktan, ako rin. C. Kapag nanatili ang katawan sa obhetong pagmumuni, tila matatawag lang itong isang katawan: inaanalisis, kinokonsepto kung paano ko ito nais isakonsepto’t isistema. At maaaring maging katawan ito nang kahit sinuman: kahit sino pwedeng parang makapulot nito’t angkinin. Pero! Kung ganon, edi katawan din ito ng walang sinuman. III. Kung kaya sa pag-amin na may kinalaman itong katawan sa akin, masasabi kong sangkot ito sa akin! A. Ang katawan ko ang namamagitan sa akin at sa mundo at kapwa ko. Kung kaya, dahil sa katawan unang nagkakaroon ng pagtatalaban ang daigdig at ako, at mula rito’y maaari akong makatungo sa pag-uunawa, maaari kong sabihing ang katawan ang found. 1. Para kay Marcel ang kabuoan ng tao ay sumasakatawang-diwa. Hindi maiuuwi ang katawan sa hangganan ng pag-aari at kagamitan. Mauunawaan natin ang katawan bilang ang tagapamagitan sa akin at sa aking daigdig at kapwa. I. Sa pagmumuni ni Marcel sa relasyon ng ako at ng katawan, tila naging malinaw sa kanya na walang namamagitan sa dalawa. A. Hindi ito parang si Aristoteles na ang tao ay katawan at diwa, parang ang pagtingin sa mundo na sabay ang mundo ng porma at mundo ng materya. 1. May namamagitan pa rin dito: ang “at”. Maaari pa ring pag-usapan ang katawan sa kanyang sarili, at ang diwa sa kanyang sarili. B. Ang ninanais ipakita rito ni Marcel ay ang tao ay sabay-katawan-diwa. Hindi maaari pag-usapan ang diwang tao kung walang katawang tao, at hindi maaaring pag-usapan ang katawang tao kung walang diwang tao. At may kahirapang isipin ito lalo na’t kinakailangang maituring silang sabay-isa-buong nagaganap. 1. Ang pinakamalapit siguro na magagawang talinghaga dito ay si Hesus, sabay-Diyos-tao. Ngunit mahirap pa ring gawing talinghaga ito dahil maaari nating pag-usapan si Kristo sa buhay tao niya at buhay Diyos. II. Nakarating si Marcel sa ganitong kongklusyon nang tingnan niya kung ang relasyon ng ako at ng katawan ay pag-aari o kagamitan. Naging susi ang una at ikalawang pagmumuni upang sabihing ang katawan ay pag-aari o kagamitan. A. Katawan bilang pag-aari 1. Kung titingnan natin sa unang pagmumuni, ang pag-aari ang isang bagay na may kapangyarihan ako: mapapasunod ko ito. Kapag “sinabi” ko sa cellphone ko na “Send Message” sa crush ko, sa isang pindot lang, susunod ito! 2. Ngunit sa pangalawang pagmumuni, kung ang katawan ay parang pag- aari, eh di maaari ko itong maiwan halimbawa sa bahay na parang cellphone. O, iwanan sa bahay, kung para itong pag-aari kong aso. O manakaw, kung parang cellphone. O gawing pulutan o ipamigay, kung para itong aso ko. 3. At malinaw na hindi ganito ang katotohanan na nagaganap sa akin at sa katawan ko. Kung kaya, baka hindi ito pag-aari. Eh bakit tinatawag na aking katawan? Dahil siguro, ito ay pagsambit ng pagka-may-kinalaman nito sa akin! B. Katawan bilang kagamitan 1. Unang pagmumuni: ang gamit ay nagpapatindi ng kakayahan ng aking katawan o bahagi nito. Pwede ko namang gamtin ang kamay ko sa grocery para dito ilagay ang itlog, keso, mga pagkain, pambaon ko. Pero salamat at may pushcart sa SM kaya nagiging mas mainam ang aking pamimili. 2. Ikalawang pagmumuni: kung ang katawan ko ay gamit, eh di parang dapat may pinatitindi itong katawan. Ay katawan? Gamit ito! May pinatitindi itong katawan. At kapag ipagpatuloy ang ganitong pagtingin, parang mauuwi tayo sa walang hanggang kaabsurduhan. 3. Kung kaya baka katawan =/= gamit. Oo, ito ang gumagamit ng kagamitan, pero hindi ito kagamitan. III. Ngunit malinaw man na walang namamagitan sa akin at sa katawan kung kaya’t sinabi ngang ako ay taong sabay-katawan-diwa, namamagitan parin itong katawan ko sa mundo. A. Ako ay bahagi ng daigdig ko at ang daigdig ko ay bahagi ko: nagiging posible ito dahil nagtatalaban ang katawan ko at daigdig ko: naisasangkot ko ang sarili ko na nasa daigdig at naisasangkot ng daigdig ang sarili niya sa akin. 1. Kung kaya, nakakaunawa ako dahil mula sa pagtatalabang ito, nakikilala ko ang karanasan, at maaari kong tahakin ang tatlong sandali ng pamimilosopiya. 2. Ergo, ako ay sarili-na-nasa-daigdig: naaapektuhan ng katawan ko ang mundo ko. B. Ngunit natutulay man ako ng katawan ko sa daigdig ko, hindi ko pa rin maikakaila na hiwalay pa rin ako at ang daigdig ko: magkasangkot, oo. Pero hindi isa. 1. Edi parang ang sinasabi nito ay wala akong mapanghahawakan at walang maiyayabang na maipipilit ko ang kagustuhan ko sa daigdig ko: ang kagustuhan ko ay kailanma’y magiging iba sa kagustuhan ng daigdig ko. 2. Ergo, ang pagkakaisang naidudulot ng pagtutulay ng katawan ko ay pagkakaisa ng pagkakaiba. C. Pero dahil may pagkakaisang nagaganap sa akin at sa daigdig ko, pati ang kapwa ko: ang pagkakaisa ng pagkakaiba, nagiging pambungad ko rin ang katawan ko sa pakikipagkapwa ko. 1. Ito ang hinaharap ko sa kapwa ko sa pagtulong ko, sa pagdadamot ko, sa pagiging galit ko sa kanya, o pagkaligaya ko sa kanya. 2. Halimbawa: kung nais kong tumulong sa mga may-kapansanan, andun talaga ako para tumulong. Kung natutuwa ako sa tagumpay ng kaibigan ko, makikita talaga ang ngiti ko. 3. At dahil na rin walang namamagitan sa akin at sa katawan ko, ang niloloob ko ay ang napapakita na rin sa katawan ko. D. Kaya, laging may kinakalaman ang mundo ko sa akin, salamat sa ganitong pagtatalaban ng katawan ko’t mundo.