Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 15

Aralin 4

Mga Anyong Patula

Mga Layunin: Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay dapat na:

1. naipaliwanag ang mga katangiang taglay ng mga akdang may anyong patula;
2. nauri nang tama ang mga anyong patula;
3. nakapagbigay ng mga halimbawa ng bawat anyo ng patula;
4. nakalahok sa talakayan na may positibong saloobin at nagbabahagi ng sariling
karanasan;
5. nakumpletong sagutan ang mga gawain; at
6. nakasulat ng halimbawa ng akdang patula.

Talakayin Natin

Nahahati sa apat na pangkat ang mga akdang nasa anyong patula. Binubuo ito ng
tulang liriko, tulang pasalaysay, tulang pantanghalan at tulang patnigan

A. Tulang Liriko- naglalarawan ng mga damdamin, karanasan, guniguni, kaisipan na maaaring


nadama ng mga may-akda o ng ibang tao.
Nahahati ang tulang liriko sa mga sumusunod:

1. Pastoral- isang tula na naglalayong ilarawan o ipahayag ang tunay na buhay sa


kabundukan atbp.
2. Dalit- kadalasang pumupuri sa Diyos o kay Birhen Maria; nagtataglay ng mga
pilosopiya sa buhay at patakaran ng relihiyon.
3. Pasyon- ito’y isang aklat na inaawit kung panahon ng Mahal na Araw upang ilahad
ang mga sakripisyo ni Hesukristo upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kanilang
kasalanan.
4. Oda- masigla ang nilalaman nito, pumupuri sa mga pambihirang nagawa ng isang tao
o grupo ng mga tao. Walang katiyakan ang bilang ng pantig at saknong sa bawat
taludtod.
5. Awit/Kanta- madamdamin ang nilalaman nito upang ipahiwatig ang pag-ibig,
kabiguan, kalungkutan, pag-asa, pangamba, kaligayahan at iba pang naramdaman
ng puso na kinahuhumalingan ng halos kabataan sa ngayon.
6. Elehiya- naglalahad ito ng alaala ng isang yumao, guniguni tungkol sa kamatayan,
panangis at pananaghoy.
7. Soneto- laging nagtataglay ito ng mga aral sa buhay, may labing-apat na taludtod at
ang mga nilalaman ay tungkol sa damdamin at kaisipan, at may malinaw na kabatiran
sa likas na pagkatao.

B. Tulang Pasalaysay - taglay ng tulang ito ang paglalahad ng makulay at mga


mahahalagang tagpo sa buhay tulad ng pag-ibig, kabiguan, tagumpay mula sa kahirapan.
Inilalahad din nito ang kagitingan at katapangan ng mga bayani sa pakikidigma.
Mga Uri ng Tulang Pasalaysay

1. Epiko- isinasalaysay nito ang kagitingan ng isang tao, ang mga tagumpay niya sa
digmaan, pakikipagtunggali sa mga kaaway. Maraming tagpo ang hindi kapani-paniwal
sapagkat may kababalaghan at milagrong napapaloob. Inaawit lamang ito kapag may
okasyon.

Ang epiko ay nauuri sa tatlo: pakutya, pampanitikan o makabago at pambayani o


sinauna.

a. Pakutya- ang nilalaman nito ay tungkol sa paghamak o pagkutya sa mga taong


mahilig gumawa ng mga walang kabuluhan o kahalagahan sa buhay. Paghamak din
ito sa mga taong mahilig magsayang ng oras. Isang halimbawa nito ay ang
“Panggingera” ni Lope K. Santos.

b. Pampanitikan o makabago- ang nilalaman nito ay may kinalaman sa mga pangarap


at kilusan ng isang bayan, lahi at bansa. Ito’y iba sa epikong pambayani dahil sa ito’y
likha ng isang makatang sa isang panahong pampanitikan ay sumulat ng tulang
pagkakahawig sa epikong pambayani.

c. Pambayani o sinauna- ang nilalaman nito ay tungkol sa isnag dakilang pakikihamok


o pakikipaglaban ng isang bansa o lipi upang makamit ang kanilang mithiin o
makabansang pangarap. Ang mg apangunahing tauhan sa epikong ito ay
karaniwang nagtataglay ng mga kahima-himalang katangian.

Indarapatra at Sulayman
Salin ni Bartolome del Valle

Nang unang panahon ayon sa alamat


ang pulong Mindanao
ay wala ni kahit munting kapatagan.
Pawang kabundukan
ang tinatahanan ng maraming taong
doo’y namumuhay
Maligaya sila sapagkat sagana sa
likas na yaman.

Subalit ang lagim ay biglang


dumating sa kanila
na dati’y payapa. Apat na halimaw
ang doo’y nanalot.
Una’y si Kurita na maraming paa
At ganid na hayop
Pagkat sa pagkain kahit limang
Tao’y kaniyang nauubos.
Ang bundok Matutum ay tinirhan
naman ng isang halimaw
na may mukhang tao na nakatatakot kung ito’y mamasdan,
ang sinumang tao na kaniyang
mahuli’y agad nilalapang
at ang alam nito’y kaniyang
kinakain na walang anuman.

Ang ikatlo’y si Pah na ibong


malaki. Pag ito’y lumipad
Ang bundok ng Bita ay napadilim niyong kaniyang pakpak.
Ang lahat ng tao’y sa kuweba
Tumahan upang makaligtas.
Sa salot na itong may matang
Malinaw at kukong matalas.

Ang bundok Kurayang pinanahanan ng


maraming tao
ay pinapaglagim ng isa pang ibong
may pito ang ulo;
Walang makaligtas sa bagsik ng
kaniyang matalas na kuko
pagkat maaaring kaniyang natanaw
ang lahat ng tao.

Ang kalagim-lagim na kinasapitan


ng pulong Mindanao
ay nagdulot-lungkot sa maraming
baya’t mga kaharian;
Si Indarapatra na haring Mabait
dakila’t marangal
ay agad nag-utos sa kaniyang
kapatid na prinsipeng mahal.

“Prinsipe Sulayman, ako’y sumasamo


Na iyong iligtas
Ang maraming taong nangangailngan
Ng tulong mo’t habag”
“O mahal na hari na aking kapatid,
ngayon din lilipad
at maghihiganti sa mga halimaw
ang talim ng tabak.”

Binigyan ng isang singsing at isang


Espada ang kaniyang kapatid
Upang sandatahin sa pakikibaka.
Kaniyang isinabit
Sa munting bintana ang isang
halaman at saka nagsulit
“Ang halamang ito’y siyang
Magsasabi ng iyong nasapit.

Nang siya’y dumating sa tuktok


Ng bundok na pinaghaharian
Niotng si Kurita, siya ay nagmasid
At kaniyang natunghan
Ang maraming nayong wala kahit
Isang taong tumatahan.
“Ikaw’y magbabayad, mabangis na
Hayop!” yaong kaniyang wika.

Di pa nagtatagal ang kaniyang


sinabi nagimbal ang bundok
at biglang lumabas itong si Kuritang
sa puso’y may poot
Sila’y nagbaka at hindi tumigil
hanggang sa malagot
ang tangang hininga niyang si
Kuritang sa lupa ay salot.

Tumatag ang puso nitong si


Sulayman sa kaniyang tagumpay
kaya’t sa Matutum, ang hinanap
naman ay si Tarabusaw;
sa tuktok ng bundok ay kaniyang
namalas ang nakahahambal
na mga tanawin: “Ngayon di’y
lumabas nang ikaw’y mamatay.

Noon di’y nahawi ang maraming


puno sa gilid ng bundok
at ilang saglit pa’y nagkaharap
silang puso’y nagpupuyos.
Yaong si Sulayma’y may hawak na
tabak na pinang-uulos.
ang kay Tarabusaw na sandata nama’y
sangang panghambalos.
At sa paghahamok ng dalawang
iyong balita sa tapang,
ang ganid na hayop sa malaking
pagod ay napahandusay.
“Ang takdang oras mo ngayo’y
dumating na,” sigaw ni Sulayman
at saka sinaksak ng kaniyang
sandata ang pusong halimaw.

Noon di’y nilipad niyong si Sulayman


ang bundok ng Bita;
Siya’y nanlumo pagkat ang tahanan sa
tao ay ulila;
ilang sandali pa ay biglang nagdilim
gayon maaga pa
at kaniyang matantong ang kalabang
ibon ay dumarating na.

Siya’y lumundag at kaniyang


tinaga ang pakpak ng ibong
Datapwat siya rin ang sinamang
palad na bagsakan niyon;
sa bigat ng pakpak, ang katawan
niya’y sa lupa bumaon
kaya’t si Sulayman noon ay
nalibing na walang kabaong.

Ang kasawiang ito ay agad nabatid


Ng mahal na hari
Pagkat ang halaman noon di’y nalanta’t
Sanga’y nabali;
“Siya ay patay na!” ang sigaw ng
Kaniyang namumutlang labi,
“Ang kamatayan mo’y ipaghihiganti
Buhay ma’y masawi”.
Nang siya’y dumating sa bundok ng Bita
Ay kaniyang binuhat
Ang pakpak ng ibon. Ang katawang
Pipi ay kaniyang namalas.
Nahabag sa kaniya ang kaniyang
Bathala; saglit pa ay nakita niya
Ang tubig na lunas.
Kaniyang ang tubig na yaon
sa lugaming bangkay
At laking himala! Ang kaniyang
kapatid ay dagling nabuhay.
Sila ay nagyakap sa gitna ng galak
at ng katuwaan,
saka pinauwi si Sulayman
sa sariling bayan.

Sa bundok Kurayan na kaniyang


sinapit ay agad hinanap
ang ibong sa tao’y nagbibigay
lagim at nagpapahirap
dumating ang ibong kaylaki ng ulo
at ang kuko’y kaytalas
subalit ang kalis ni Indarapatra’y
nagwagi sa wakas.

Sa kaniyang tagumpay may isang


diwatang bumating magalang
“Salamat sa iyo, butihing bayani na ubod
ng tapang,
kaming mga labi ng ibong gahaman
ngayo’y mabubuhay.”
At kaniyang namalas ang maraming
taong noo’y nagdiriwang.

Nabihag ang puso ng mahal na


hari sa ganda ng mutya
kaya’t sa naroon ay kaniyang hiniling
na lakip ng sumpa
na sila’y ikasal. Noon di’y binuklod ng isang adhika
ang kanilang puso, “Mabuhay ang
Hari!” ang sigaw ng madla.

Ang tubg ng dagat ay tila


hinigop sa kailaliman
at muling lumitaw ang lawak
ng lupang pawang kapatagan;
Si Indarapatra’y hindi na bumalik
sa sariling bayan
at dito naghari sa mayamang lupa
ng pulong Mindanao.
Halimbawa ng mga epiko sa Pilipinas:

Hudhud- Ifugao, inaawit sa panahon ng pagtatanim at pag-ani


Alim- Ifugao, inaawit tuwing may nagkakasakit o namatayan
Handiong-Bikol
Bidasari- Mindanao
Indarapatra at Sulayman- Moro
Biag ni Lam-ang- Iloco
Prinsipe Bantugan- Maranaw
Tuwaang- Manobo, Mindanao
Parang Sabil- Tausog

Mga epiko ng Bisaya:

Hinilawod - ito’y kasaysayan ng pag-iibigan ng mga bathala ng mga naunang nanirahan sa


Aklan Antique at Iloilo.
Haraya - ito’y kalipunan ng mga alituntunin ng magandang asal na sinasabi sa pamamagitan ng
salaysay ng magigiting.
Hari sa Bukid - tungkol ito sa kasaysayan ng isang haring hindi nakikita ng mga tao subalit
alam nilang ito’y nakatira sa taluktok ng bundok Kanlaon sa Negros.
Maragtas - tungkol ito sa sampung datung Malay na nagsitakas dahil sa kalupitan ng Sultan ng
Borneo na si Makatunaw.
Lagda - kalipunan ito ng mga alituntunin ukol sa mabuting pagtupad sa tungkulinsa
pamahalaan na napapaloob sa mga salaysay at mga pangyayari. Ang “Kodigo ni Kalantiao” ay
isa sa nilalaman ng Lagda.

Ang sumusunod ay kalipunan ng batas ng “Kodigo ni Kalantiao”

a. Huwag kang pumatay, magnakaw o manakit ng kapwa mo maliban sa pagtatanggol sa


sarili. Ang sinumang magkasala’y lulunuring may pabigat na bato o ilulubog sa
kumukulong tubig.
b. Magbayad ka ng iyong mga pagkakautang sa mga datu at mga panginoon. Ang
sumuway sa unang pagkakataonay parurusahan ng sandaang hagupit at kung malaki
ang pagkakautang ay ilulubog nang makatatlo sa kumukulong tubig. Sa ikalawang
pagsuway ay papaluin hanggang sa mamatay.
c. Huwag kang mag-asawa ng babaeng napakabata o mag-asawa ng higit sa iyong
kayang tustusan o kupkupin at huwag kang gumugol nang labis para sa labis na layaw
ng katawan. Ang sinumang lumabag nito’y palanguyin nang tatlong oras sa ilog at sa
ikalawang paglabag ay hahagupitin ng matinik na pamalo hanggang sa malagutan ng
hininga.
d. Igalang mo ang katahimikan at kabanalan ng libingan na kinahihimlayan ng iyong mga
ninuno. Ang kaparusahan sa paglabag nito’y kamatayan sa pamamagitan ng pagbibilad
ng katawan sa init ng araw o di kaya’y sa pamamagitan ng matinding pagpalo.
e. Tumupad ka ng matapat sa kasunduan ng pakikipagkalakalan ng pagkain. Ang
paglabag dito’y nangangahulugan ng parusang isang oras na paghagupit at sa
ikalawang pagkakataon ng paglabag ay isang araw na pagbibilad ng katawan sa
langgam.
f. Huwag kang mang-aagaw ng asawa ng datu; kung ikaw ay may alagang aso ay pag-
ingatan mong hindi makagat ang datu at huwag kang manunog ng pananim sa kapwa
mo. Ang paglabag sa alinman dito’y parurusahan ng santaong pagkaalipin.
g. Huwag kang pumatay ng pusang itim sa kabilugan ng buwan at huwag kang magnakaw
ng kahit anong maliit na bagay sa isang datu. Isang araw na pagbibilad sa langgam ang
kaparusahan sa sinumang lumabag nito.
h. Huwag mong ipagkait o itago ang iyong magagandang anak na dalaga sa datu. Ang
magiging kaparusahan ay habambuhay na pagkaalipin

b. Awit-ito ay tulang maromansa tungkol sa pakikipagsapalaran ng mga tauhan sa kaharian


tulad ng hari, prinsipe, reyna, prinsesa at duke. Higit na makatotohanan o hango sa tunay
na buhay ang mga pangyayari. May sukat ito na labindalawang pantig at inaawit nang
mabagal sa saliw ng gitara o bandurya. Ang mga popular na halimbawa nito ay “florante at
Laura”, “Doce Pares sa Kaharian ng Pransiya”, “Si Don Juan Tenorio” at iba pa.

c. Kurido (Corrido-Kastila)- itoy’ tulang tuluyan tungkol sa katapangan, kabayanihan,


kababalaghan at pananampalataya ng mga tauhan. Kahawig ng awit ang paksa nito. May
wawaluhing pantig at binibigkas sa kumpas ng martsa. Ang mga manunulat ng kurido ay
sina Jose de la Cruz, Ananias Zorilla at Francisco Baltazar. Halimbawa nito ay ang mga
Ibong Adarna, Bernardo del Carpio, Ang Haring Patay atbp.

d. Balad- ito’y may himig sa awit sa dahilang inaawit ito habang may nagsasayaw noong
unang panahon. Sa kasalukuyan, ay napabilang na ito sa tulang kasaysayan na may 6
hanggang 8 pantig.

C. Tulang Padula o Pantanghalan- katulad din ito ng karaniwang dula, ngunit ang mga
dayalogo ay patula.

Mga Uri ng Tulang Padula

1. Sarsuela- ito’y isang dulang musikal na may tatlong akto at pumapaksa sa mga
pangunahing damdamin ng tao tulad ng pag-ibig, kasakiman, poot at iba pa.

2. Moro-moro- tulang padula ito na pumapaksa sa hidwaan at labanan ng kristiyano at di-


kristiyano.

3. Senakulo- karaniwan itong masasaksihan tuwing kuwaresma kung saan itinatanghal ang
mga paghihirap hanggang kamatayan ni Panginoong Hesus.

4. Tibag- itinatanghal ito tuwing buwan ng Mayo. Sina Reyna Elena at ang anak na si
Constantino ang mga tauhan nito. Hinanap nila ang krus na pinagpakuan kay Jesus na
matatagpuan sa ilalim ng templo ni Venus sa kaharian ng isang Sultang Muslim.
Kinakailangan pa munang magkaroon ng labanan ang mga Moro at Kristyano bago
matibag ang templo para makuha ang krus. Ang pagbabalik sa Roma ng mag-ina,
kasama ang mga bihag, ang naging ugat ng tradisyon ng Santa Cruzan.
5. Panunuluyan- isa itong dulang patulang itinatanghal sa gabi bago sumapit ang araw ng
Pasko. Nagpapakita ito ng matutuluyan nina Maria at Jose upang doon isilang ang
sanggol na si Jesus.

D. Tulang Patnigan- ito’y tulang sagutan na itinatanghal ng mga natutunggaling makata ngunit
hindi sa paraang padula. Sa maikling salita, ito’y isang pagtatalong patula na ang
sangkot dito ay nangangailangan ng matalinong pangangatuwiran, may matalas na isip
at may sapat na lalim ng diwa.

Mga Uri ng Tulang Patnigan

1. Duplo- ang duplo ay isang madulang pagtatalong patula. Ito’y karaniwang ginaganap
sa isang maluwang na bakuran ng namatayan. Dito’y inanyayahan ang lahat na
magagaling na duplero o makata. May hihiranging isang matandang mahusay ding
tumula na siyang gaganap na hari. May mga hilera ng mga upuang uupuan ng mga
bilyaka- mga babae at sa katapat naman ay uupo ang mga lalaki, mga bilyako. Ang
hari ay gagamit ng tsinelas o kotso sa kanyang pagtawag ng pansin ng mga
nanonood, karaniwan ay sinisimulan ang laro sa pagdarasal ng “Ama Namin”. Ang
hari ngayon ang magsasabing may nawala siyang isang kulasisi o ibon at may
magtuturong bilyako sa isang bilyakang siyang nagnakaw. Mayroon naming
magtatanggol sa bilyaka at ditto magsisimula ang pagtatalo. Sa pangangatuwiran,
ang bawat panig ay binabanggit na ng lahat ng bagay sa daigdig. Kapag natalo ang
nagtatanggol sa bilyaka, ang bilyaka ay papaluin ng berdugo sa kamay ng kotso.

Sa ganitong pagkakataon ang mga tagapagtanggol na bilyako ay nagsitindig na


isa-isa, gayon din naman ang mga bilyaka. Dito sinimulan ang pagtatalong patula ng
mga tagapagtanggol ng bilyaka at ng katuwiran at katunayan ay ibinabatay pa sa mga
“Codigo Penal”, sa kasabihan, sa mga alamat, awit at kurido at mga iba pa. Dito
nasusubok ang galling ng mga duplero, sa katalasan ng isip, sa pagpapatawa at sa
yaman ng pananalita. Ang hari ang puputol ng pagtatalo. Sa gitna ng pagtatalo ay may
darating na isang panauhin, o embahador. Ang isang nanonood ay magsasalita-
Embahada ay maghintay. May gulo ang kaharian.

Dumating ang embahador na isa ring “duplero”, at siya’y pinatula. Upang lalong
gumanda ang duplo, ay sinasalitan ito ng romansa. Ang hari ay maghahagis ng bola o
panyolito sa mga bilyako. Ang nakasalong bilyako ay maghahandog ng tula sa hari,
samantalang siya’y tumutula’y ihahags na naman ang panyolito sa isang bilyaka at ang
bilyaka naman ang tutula. Sasagutin siya ng bilyako ng patula rin. Ang sagutan ay
humahantong sa pagpapahayag ng pagsinta ng bilyako. Upang masubok naman ng
bilyaka ang tunay na pag-ibig ng binata, may ipagagawa sa kanyang isang bagay. Ito’y
nagsisimula ng ganito:

Kung tunay na ako’y iniibig mo


Magtanin ng niyog sa malaking bato,
Sa hirap ng mata’y madaling gawin mo
At papagbungahin ngayon dito.
Kung hindi magagawa ng bilyako ang ipinapagagawang ito, ihahagis na muli ng
bilyaka ang panyolito sa isa na mga bilyakong kailangang tumula at ito’y magpapatuloy
hanggang ang lahat ng bilyako’y makatula.

2. Karagatan- ang nilalaman nito’y tungkol sa isang singsing na sadyang inihulog ng


prinsesa sa dagat sa hangarin niyang mapangasawa ang kaisntahang mahirap.
Nagkaroon ng patalastas sa nasasakupan ng kaharian na kung sinuman ang
makakuha ng singsing ng prinsesa ay pakakasalan niya. Sa larong ito, isang
kunwa’y matanda ang tutula hinggil sa dahilan ng laro, pagkatapos ay paiikutin ang
isang tabong may tandang puti at kung sinuman ang matapatan ng tandang iyon sa
paghinto ay siyang tatanungin ng dalaga ng talinghaga. Kapag nasagot ng binata
ang talinghaga ay ihahandog niya ang singsing sa dalaga at ang pagtanggap nito
ang pinakatampok sa bahagi ng laro.

3. Balagtasan- galing ito sa salitang “Balagtas” na bahagi ng pangalan ni Francisco


Baltazar, ang Ama ng Balagtasang Tagalog. Ito’y tagisan ng talino sa pamamagitan
ng palitan ng katuwiran sa pamamaraang patula.

Ang Tula at ang Makata

Ano ang tula? Ayon kay Iñigo Ed Regalado (sa aklat nina Rabulan at Pomado, 1999) ay
kagandahan, diwa, katas, larawan at kabuuan ng tanang kariktang nakikita sa silong ng ilan pa
mang langit.

Ang mga makata…sino sila? Sila ang mga “manlilikha” ng tula. Taglay nila ang
kakayahan at kapangyarihang bigyan ng bagong hugis – bagong anyo ang buhay…mga
kakayahang tila dugo ng buhay na nananalaytay sa kanilang mga ugat…bahagi na ng kanilang
pagkatao…hindi hiniram o hiningi kaya. Maliklik ang kanilang paningin, matalas ang pandama,
at walang kasingyaman ang haraya. Anupa’t sa kanilang kapangyarihang taglay, kaya nilang
“iakyat ang lupa sa langit at ibaba sa langit ang lupa”

Mga Elemento ng Tula

1. Sukat. Ito ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod na bumubuo sa isang


saknong. Ang pantig ay tumutukoy sa paraan ng pagbasa.

Halimbawa:
isda – is da – ito ay may dalawang pantig
is da ko sa Ma ri ve les – 8 pantig

Mga uri ng sukat

a. Wawaluhin
Halimbawa:
Isda ko sa Mariveles
Nasa loob ang kaliskis
b. Lalabindalawahin
Halimbawa:
Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad
Sa bait at muni, sa hatol ay salat

c. Lalabing-animin
Halimbawa:
Sai-saring bungangkahoy, hinog na at matatamis
Ang naroon sa loobang may bakod pa sa paligid

d. Lalabingwaluhin
Halimbawa:
Tumutubong mga palay,gulay at maraming mga bagay
Naroon din sa loobang may bakod pang kahoy na malabay

2. Ang saknong ay isang grupo sa loob ng isang tula na may dalawa o maraming linya
(taludtod).

2 linya - couplet
3 linya - tercet
4 linya - quatrain
5 linya – quintet
6 linya - sestet
7 linya - septet
8 linya - octave

Ang couplets, tercets at quatrains ang madalas na ginagamit sa mga tula.

Triplet - kung ang taludturan ay binubuo ng tatlong taludtod

Soneto- ito naman ay tulang binubuo ng labing-apat na taludtod

Malayang Taludturan-nIto ang makabagong kayarian ng mga tulang walang sukat at


tugma

3. Tugma. Isa itong katangian ng tula na hindi angkin ng mga akda sa tuluyan.
Sinasabing may tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita ng bawat
taludtod ay magkakasintunog. Lubha itong nakapakaganda sa pagbigkas ng tula. Ito
ang nagbibigay sa tula ng angkin nitong himig o indayog.

a. Hindi buong rima (assonance) - paraan ng pagtutugma ng tunog na kung saan ang
salita ay nagtatapos sa patinig.

Halimbawa:
Mahirap sumaya
Ang taong may sala
Kapagka ang tao sa saya’y nagawi
Minsa’y nalilimot ang wastong ugali

Para masabing may tugma sa patinig, dapat pare-pareho ang patinig sa loob ng isang
saknong o dalawang magkasunod o salita.

Halimbawa:
a a a
a a i
a i a
a i i

b. Kaanyuan (consonance) - paraan ng pagtutugma ng tunog na kung saan ang salita


ay nagtatapos sa katinig.

b.1. unang lipon, mga salitang nagtatapos sa – b, k, d, g, p, s, t


Halimbawa:
Malungkot balikan ang taong lumipas
Nang siya sa sinta ay kinapos-palad

b.2. ikalawang lipon, mga nagtatapos sa – l, m, n, ng, r, w, y


Halimbawa:
Sapupo ang noo ng kaliwang kamay
Ni hindi matingnan ang sikat ng araw

4. Kariktan. Kailangang magtaglay ang tula ng maririkit na salita upang masiyahan ang
mambabasa gayon din mapukaw ang damdamin at kawilihan.

5. Talinghaga. Tumutukoy ito sa paggamit ng matatalinhagang salita at tayutay. Ito ay


sadyang paglayo sa paggamit ng mga pangkaraniwang salita upang maging kaakit-
akit at mabisa ang pagpapahayag

6. Anyo o porma ng tula:

a. Malayang taludturan
b. Tradisyonal
c. May sukat na walang tugma
d. Walang sukat na may tugma

7. Tema. Ito ang paksa ng tula. Ito ay maaring tungkol sa pag-ibig, nasyonalismo,
kabayanihan, kalayaan, katarungan, pagmamahal sa kalikasan, Diyos, bayan, sa
kapwa at marami pang iba.
8. Tono/Indayo. Ito naman ang namamayaning damdamin sa loob ng tula. Ito ay
nangungutya, naglalahad at natuturan.

9. Persona. Tumutukoy sa nagsasalita sa tula; una, ikalawa o ikatlong panauhan

10. Simbolismo. Ito ay mga makabuluhang salita na nagpasidhi sa guni-guni ng mga


mambabasa. Ito ay mga tunay o konkretong imahen na sumusulong sa atin na isipin
ang kahulugang napapaloob dito.

11. Imahe o Larawang- Diwa. Tinatawag itong imagery sa Ingles. Ito ang mga salitang
kapag binabanggit sa tula ay nag-iiwan ng malinaw at tiyak na larawan sa isipan ng
mambabasa. Ito ang pinakapuso ng panulaan. Ito ay tumutukoy sa muling paglikha
ng makata ng anumang karanasan dulot ng iba’t ibang pandama sa pamamagitan
ng mga salita. Iniiwan nito sa mambabasa ang mga tiyak at malinaw na larawan.

Mga Uri ng Tula

Sang-ayon sa kaanyuan:

1. Tulang pansalaysay o buhay. Ito’y naglalahad ng isang kasaysayan o mga tagpo o


pangyayari. Ang mahalaga rito’y ang pagkakaugnay-ugnay ng mga pangyayaring
isinataludtod.
2. Tulang pandulaan. Ito’y naglalarawan ng mga madudulang pangyayari na halos
katulad ng nagaganap sa tunay na buhay at ang layunin nito ay upang itanghal.
3. Tulang pandamdamin. Ito’y nagtatampok sa matinding damdamin ng makata lalo na
iyong naglalarawan ng kaigtingan ng kalungkutan, kasawian, galit, kaligayahan,
tagumpay, kabiguan.
4. Tulang sagutan. Ito’y hagkisan ng mga pangangatuwiran. Dito’y nagtatagisan ng
husay sa pagtula at sa husay ng kaisipan at pangangatuwiran. Ang halimbawa nito’y
duplo, karagatan, balagtasan at batutian.

Sang-ayon sa layon:

1. Naglalarawan. Ang pangunahing layunin nito ay ipakita ang katangian ng isang tao,
lugar, pangyayari, kalagayan o mga bagay sa kalikasan. Ang mga katangiang lulutang
ay batay sa pagtingin ng makata, sa kanyang mga pagpapahalaga, sa kanyang mga
nagugustuhan at inaayawan, sa mga hindi niya itinuturing na dapat pag-ukulan ng
pansin, at sa kanyang mga pagpapakahulugan sa mga katangiang ito.
2. Nagtuturo. Ang pangunahing layunin nito’y magturo, magpayo, mamatnubay o
magpanuto. Ito’y tulad ng mga parabola at pabula na ang pinakalantad na layunin ay
mangaral. May hawig ito sa pananalinghaga ng mga salawikain na kakabakasan ng mga
itinuturing na mabuting kaugalian noong panahong una.
3. Nagbibigay-aliw. Hindi gaanong mahalaga rito ang malalim na diwa o matalinhagang
pagpapahayag. Ang importante’y ang kaaliwang dulot sa bumabasa. Maaaring ito’y
magawa sa pamamagitan ng pagpapatawa, panunudyo, pagbibigay ng mga
nakataludtod na palaisipan at mga nakaaaliw na kaisipan.
4. Nagungutya o nanunukso. Ito’y isang kakaibang paraan ng papapakita ng kamalian o
kasamaan ng isang bagay, ng kahangalan ng tao, at ng pagkalulong sa isang hindi
magandang bagay. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalarawan sa katawa-tawang
pamamaraan o nangungutyang estilo.

Sang-ayon sa pamamaraan:

1. Masigasig. Hindi sinasabi nang tiyakan ang nais sabihin sa pamamagitan ng paggamit
ng mga sagisag ay nagpapahiwatig at nagpapakahulugan lamang ang makata.
2. Makatotohanan. Hindi lumalayo sa tunay na nagaganap sa buhay. Binabanggit ang mga
tao, pangyayari, lugar, kalagayan sang-ayon sa kung ano talaga ito sa realidad.
3. Makababalaghan. Ang pinakatangi’y ang kilos o tunguhin ng isip sa pamamagitan ng
hindi mapaniwalaan o di magkakaayong paglalarawan o ng hindi natural na
pagkakasama ng mga tagpo at tanawin.

Sang-ayon sa kaukulan:

1. Mabigat. Mataas ang uri. Mabigat ang tema at diwa. Malalim ang ipinapahiwatig ng tula.
Mahirap isipin. Hindi pangkaraniwan at talinghaga at kariktan.
2. Pang-okasyon. May mga tiyak na pagkakataon o okasyon ng pagbigkas. Maaaring ito’y
palatuntunan sa paaralan, pagpuputong ng korona sa isang reyna ng piyesta,
pagdiriwang ng kaarawan, pagpupuri sa isang bayani at mga holidays at mga luksang
lamayan. Samakatuwid, ang tula ay angkop lamang sa okasyong kinauukulan.
3. Magaan. Hindi gaanong mataas ang uri, hindi mabigat ang tema at diwa at hindi malalim
ang ipinahihiwatig ng tula. Madaling isipin at karaniwan sa mga bugtungan at tulang
pambata, mga salawikain at kawikaan ng matatanda. Maaaring isama rito ang mga
tugma-tugmang ang mahalaga’y ang porma at hindi ang nilalaman.

You might also like