Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Pahina 1 ng 49

Aralin 1 Ang Wika

Inaasahang Bunga ng Pagkatuto: Pagkatapos ng Aralin, ang mga mag-aaral ay


inaasahang:

1. Naipapaliwanag ang kahulugan ng wika;


2. Natutukoy ang Pinagmulan ng Wika;
3. Nakikilala ang iba’t ibang tanyag na personalidad na nagbigay ng depinisyon sa wika;
4. Napag-iiba ang Teorya ng Pinagmulan ng Wika;
5. Napahahalagahan ang Pananaw hinggil sa wika; at
6. Naikukumpara ang Tungkulin ng Wika ayon kay Geoffrey Leech, M.A.K Halliday at ang
Teorya ng Speech Act ni J.L Austin.

Introduksyon

Ang wika, kultura, at lipunan ay magkaugnay. Wika ang pangunahing ginagamit


ng tao bilang instrumento sa kanyang pakikipag-ugnayan sa lipunan at kultura. Binanggit
ni Hoebel (1966) na ang isang lipunan o komunidad ay maaaring mabuhay nang walang
wika ngunit walang maunlad na kalinangan o kultura kung walang wika. Sinabi ni Eller
(2009) na lahat ng mga nilalang, kahit halaman, ay nakikipag-usap sa iba’t ibang paraan,
sa kahulugan ng pagpapadala at pagtanggap ng impormasyon. Kahit mga hayop ay
nakagagawa rin ng kakayahan ng tao, isa na rito ang kakayahang linggwistiko.

Ang wika ay isang simbolikong komunikasyon ng gumagamit ng mga tunog at/o


kilos na pinagsama ayon sa mga panuntunan na nagbubunga ng mga kahulugang
napagkasunduan ng isang lipunan at mauunawaan ng lahat na nakikibahagi sa wikang
iyon (Haviland et al., 2011 at Eller, 2009). Nakapaloob ang wika ng tao sa lumang-
lumang sistema ng kilos-tawag (age-old gesture-call system) na kung saan ang mga
galaw ng katawan at mga ekspresyon ng mukha, kasama ang mga katangian ng tunog
tulad ng tono at lakas ng tunog ay may ginagampanang papel sa paghahatid ng
kahulugan (Eller, 2009).

WALANG TAONG NAMUMUHAY NANG MAG-ISA. Ang tuluyang pag-unlad ng tao


ay dulot din sa kanyang patuloy na pakikipagkapuwa gamit ang wikang alam niya. Hindi
rin mahihiwalay sa pag-unlad ng buhay ang kultura at lipunang kinabibilangan ng tao.
Higit pa, ang wika niya ay nakasalalay sa kultura at kanyang lipunan. Ang wika at lipunan
ang dalawang salitang komplikado na naging isang simbolo ng lipunan para makilala ang
mga tao. Ang isang KULTURA ay binubuo ng mga ideya at mga pananaw sa mundo na
nagpapaalam at nasasalamin sa pag-uugali ng mga tao. Dahil dito ang wika ay mahalaga
sa pag-andar ng kultura ng tao. Ang mga panlipunang pagbabago-- tulad ng edad,
kasarian, at katayuan ng ekonomiya - ay maaaring makaimpluwensya kung paano
ginagamit ng mga tao ang wika.

Ang WIKA ay isang espesyal na sistema ng komunikasyong oral at pasulat.


Nailalahad ito sa paraang berbal at di-berbal.
Pahina 2 ng 49

1.1 Wika

Ang pinakamahalagang interes sa pag-aaral sa wika ay hindi ang wika mismo


kundi ang gamit nito - kung paano ang wika nagpakilala sa tao, ang sosyal niyang
kaligiran, mga pangarap at mithiin, persepsyon sa bawat isa, at ang sitwasyon sa lipunan
na kung saan siya kasapi (A.D Edwards, 1979).

Bawat wika ay may perpektong sistema, kaya walang sinumang makapagsabi na


nakahihigit o mas nangunguna ang wika niya kaysa sa iba. Kung may pangalan o simbolo
ang isang bagay sa mga Amerikano, ganoon din ito sa mga Pilipino. Sa mahigit na 6,000
wika sa buong daigdig, walang nakalalamang o superyor na wika.

1.2 Pinagmulan ng Wika

Mula sa aklat nina Fromkin, V. & R. Rodman (1983) ay sinasabing ang lahat ng
kultura ay may kani-kanilang kuwento ng pinagmulan ng wika. Kung minsan, ang mga
kuwentong ito ay walang kabuluhan ngunit kinawiwilihan at pinaniniwalaan dahil
parang may katotohanan nga para sa kanila. Sa aklat naman ni Darsna Tyagi (2006),
sinasabing sa China, naniniwala sila na ang Son of Heaven na si Tien-Zu ang nagbigay ng
wika at kapangyarihan. Sa Japan naman, ang manlilikha nila ng wika ay si Amaterasu.
Ang ibang teorya ay nagsasabing ang wika ay kasama na ng pag-anak o paglikha ng tao.
Ang Genesis Story/Divine Theory ay nagpapaliwanag din na ibinigay ng Diyos sa tao ang
wika. Binigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang tao para sa magpangalan sa mga bagay-
bagay. Sa mga Babylonian, ang nagbigay raw ng wika sa kanila ay si God Nabu at para sa
mga Hindu, ang kakayahan nila sa wika ay ibinigay ng babaeng Diyos nila na si Saravasti
na asawa ni Brahma, ang tagalikha ng sangkatauhan.

Totoo man o hindi ang lahat ng ito, dahil wala pang wika, may iba’t ibang paraan
ng komunikasyon noong unang panahon. Ayon parin kay Hoebel (1966), walang
makapagsasabi kung saan o kung paano ba talaga nagsimula ang wika. Maaaring ang tao
noon ay nakikipagkomunikasyon sa pamamagitan ng pag-iyak, paghiyaw, pagkilos o
paggalaw, pagkumpas ng kamay hanggang ang mga senyas na ito ay binigyan ng mga
simbolo at kahulugan.

***Tandaan na ang pahapyaw na pag-aaral na ito sa wika ay makatutulong sa


pag-unawa kung bakit ang bawat indibidwal ay kakaiba hindi lamang sa pisikal na
kaanyuan kundi maging sa kanyang pananalita na isa sa batayan kung bakit kakaiba sa
lahat. Ang wika bilang isang kultura ay malaking aspeto sa pagkilala sa kapuwa.

1.3 Depinisyon ng Wika

1. Edward Sapir (1949) - isang likas at makataong pamamaraan ng paghahatid ng


mga kaisipan, damdamin at mithiin.

2. Caroll (1954) - isang sistema ng mga sagisag na binubuo at tinatanggap ng lipunan.


Ito ay resulta ng unti-unting paglilinang sa loob ng maraming dantaon at pagbabago sa
bawat henerasyon, ngunit sa isang panahon ng kasaysayan, ito ay tinutukoy na isang set
ng mga hulwaran ng gawi na pinag-aaralan o natutunan at ginagamit sa iba’t ibang antas
ng bawat kasapi ng pangkat o komunidad.
3. Todd (1987) - isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sa komunikasyon.
Ang wikang ginagamit ng tao ay hindi lamang binibigkas na tunog kundi ito ay sinusulat

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan
Pahina 3 ng 49

din. Ang tunog at sagisag na ito ay arbitraryo at sistematiko. Dahil dito, walang
dalawang wikang magkapareho bagaman ang bawat isa ay may sariling set ng tuntunin.

4. Buensuceso - isang arbitraryong sistema ng mga tunog o ponema na ginagamit


ng tao sa pakikipagsapalaran.

5. Tumangan, Sr. et al. (1997) - isang kabuuan ng mga sagisag ng panandang


binibigkas na sa pamamagitan nito ay nagkakaunawaan, nagkakaisa at nagkakaugnay-
ugnay ang isang pulutong ng mga tao.

1.4 Iba’t Ibang Teorya sa Wika

1. Bow-wow - pinaninindigan ng teoryang ito ang pangggagaya sa mga likas na


tunog gaya ng ngiyaw ng pusa at tilaok ng manok.

2. Pooh-pooh - naniniwalang ang wika ay galing sa instinktibong pagbulalas na


pananalitang nalikha ay mga padamdam na nagpapahayag ng biglang sulak at masidhing
damdamin.

3. Ding-dong - kilala rin sa tawag na teoryang natibisko na may ugnayang misteryo


ang mga tunog at katuturan ng isang wika at bagay-bagay sa paligid.

4. Yum-yum - nagsasaad na ang tao ay tumutugon sa pamamagitan ng kumpas sa


alinmang bagay na nangangailangan ng aksyon.

5. Yo-he-ho - naniniwalang ang wika ay nagmula sa mga ingay na nalikha ng mga


taong magkatuwang sa kanilang pagtatrabaho sa puwersang pisikal.

6. Tarara-boom-de-ay - mga tunog mula sa ritwal ng mga sinaunang tao na naging


daan upang magsalita ang tao. Ang mga sayaw, sigaw, o ingkantasyon at mga bulong ay
binigyan nila ng kahulugan at sa pagdaraan ng panahon, ito ay nagbago.

7. Tore ng Babel - Batay sa istorya ng Bibliya, iisa lang ang wika noong unang
panahon kaya't walang suliranin sa pakikipagtalastasan ang tao. Naghangad ang tao na
higitan ang kapangyarihan ng Diyos, naging mapagmataas at nag-ambisyong maabot ang
langit, at nagtayo ng pakataas-taas na tore. Mapangahas at mayabang na ang mga tao,
subalit pinatunayan ng Diyos na higit siyang makapangyarihan kaya sa pamamgitan ng
kaniyang kapangyarihan, ginuho niya ang tore. Ginawang magkakaiba ang Wika ng
bawat isa, hindi na magkaintindihan at naghiwa-hiwalay ayon sa wikang
sinasalita (Genesis kab. 11:1-8).

8. Sing-song - Iminungkahi ng linggwistang si Jesperson na ang wika ay nagmula sa


paglalaro, pagtawa, pagbulong sa sarili, panliligaw at iba pang mga bulalas-emosyunal.
Iminungkahi pa niya na taliwas sa iba pang teorya, ang mga unang salita ay sadyang
mahahaba at musikal, at hindi maiikling bulalas na pinaniniwalaan ng marami.

9. Hey you! - Hawig ito ng teoryang pooh-pooh. Iminungkahi ng linggwistang si


Revesz na bunga ng interpersonal na kontak ng tao sa kanyang kapwa tao ang wika.
Ayon kay Revesz, nagmula ang wika sa mga tunog na nagbabadya ng pagkakakilanlan
(Ako!) at pagkakabilang (Tayo!). Napapabulalas din tayo bilang pagbabadya ng takot,
galit o sakit (Saklolo!). Tinatawag din itong teoryang kontak.

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan
Pahina 4 ng 49

10. Coo Coo - Ayon sa teoryang ito, ang wika ay nagmula sa mga tunog na nalilikha
ng mga sanggol. Ang mga tunog daw na ito ang ginaya ng mga matatanda bilang
pagpapangalan sa mga bagay-bagay sa paligid, taliwas sa paniniwala ng marami na ang
mga bata ang nanggagaya ng tunog ng mga matatanda.

11. Babble Lucky - Ayon sa teoryang ito, ang wika raw ay nagmula sa mga walang
kahulugang bulalas ng tao. Sa pagbubulalas ng tao, sinuwerte lamang daw siya nang ang
mga hindi sinasadya at walang kabuluhang tunog na kanyang nalikha ay naiugnay sa
mga bagay-bagay sa paligid na kalaunan ay naging pangalan ng mga iyon.

12. Hocus Pocus - Ayon kay Boeree (2003), maaaring ang pinanggalingan ng wika ay
tulad ng pinanggalingan ng mga mahikal o relihiyosong aspeto ng pamumuhay ng ating
mga ninuno. Maaari raw kasing noo’y tinatawag ng mga unang tao ang mga hayop sa
pamamagitan ng mga mahikal na tunog na kalaunan ay naging pangalan ng bawat hayop.

13. Eureka! - Sadyang inimbento ang wika ayon sa teoryang ito. Maaari raw na ang
ating mga ninuno ay may ideya ng pagtatakda ng mga arbitraryong tunog upang
ipakahulugan sa mga tiyak na bagay. Nang ang mga ideyang iyon ay nalikha, mabilis na
iyong kumalat sa iba pang tao at naging kalakaran sa pagpapangalan ng mga bagay-
bagay (Boeree, 2003).

14. La-la - Mga pwersang may kinalaman sa romansa. Ang salik na nagtutulak sa tao
upang magsalita.

15. Mama - Ayon sa teoryang ito, nagmula ang wika sa mga pinakamadadaling
pantig ng pinakamahahalagang bagay. Pansinin nga naman ang mga bata. Sa una’y hindi
niya masasabi ang salitang mother ngunit dahil ang unang pantig ng nasabing salita ang
pinakamahalaga diumano, una niyang nasasabi ang mama bilang panumbas sa
salitang mother.

16. Wikang Aramean - Believes that all languages originated from their language,
Aramean or Aramaic ng Syria. May paniniwalang ang kauna-unahang wikang ginagamit
sa daigdig ay ang lenggwahe ng mga Aramean. Sila ang mga sinaunang taong nanirahan
sa Syria (Aram) at Mesopotamia. Tinatawag na Aramaic ang kanilang wika.

1.5 Iba’t Ibang Pananaw sa Wika


Sinabi ng Virgilio Almario na, “Kung ano ang wika mo, iyon ang pagkatao mo”.
Natumbok nito ang ugnayan ng wika, kultura at lipunan. Bagaman pamilya ang unang
may malaking ambag sa paghubog ng pagkatao ngunit patuloy na pakikisalamuha sa
lipunan ay magdudulot din nang higit na ambag sa pagiging tao. Maaaring manatili ang
ilang kinagawian at pwede ring may mababago hindi lamang sa ugali o paniniwala
ngunit posible ring sa wika na sinasalita (hal. ASEAN).
Ayon na kay Trudgill (2000) na may panlipunang tungkulin ang wika (Hal. OFW).
Dagdag niya, may dalawang aspekto ng gawi sa wika na mula sa panlipunang punto de
bista; (1) ang tungkulin ng wika sa pagbuo ng panlipunang relasyon, at (2) ang papel na
ginagampan ng wika sa paghahatid ng impormasyon tungkol sa pagsasalita. Ayon naman
kay Tumangan, Sr. et al (1977) sa pamamagitan ng wika ay nagkakaintindihan ang isang
pulutong ng tao. Mungkahing kaisipan naman ni Malinowski (nasa Geller 1998), ang
wika ang pangunahing instrumento pagkakaisa at pakikipagtalimtiman.

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan
Pahina 5 ng 49

1.6 Gamit ng Wika sa Lipunan

Ang lipunan ay malaking pangkat ng mga tao na may karaniwang set ng pag-
uugali, ideya, saloobin at namumuhay sa tiyak na teritoryo at itinuturing ang mga sarili
bilang isang yunit.

Ang wika, pasalita man o pasulat, ang instrumentong ginagamit ng mga tao sa
loob ng lipunang ito upang makipag-ugnayan sa isa’t isa.

Gumaganap ng napakahalagang papel ang wika sa buhay ng tao kaya naging


isang panlipunang penomenom ito. Isa sa pangunahing tunguhin ng wika ay gamit sa
pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan sa kapwa upang magkaunawaan sa isa’t isa.
Ginagamit niya ang wika at nakikipag-usap siya sa kapwa upang magpahayag ng marami
at iba’t ibang dahilan gaya ng pagpapahayag ng mga damdamin, pagkuha ng
impormasyon, paghahanap ng mga bagay, paghingi ng kapatawaran at iba pa.

Makabuluhan ang paggamit ng wika sapagkat gumaganap ito ng mga tungkulin


na pagbuo at pagpapatuloy ng relasyon sa loob ng isang lipunan. Ang paggamit naman
ng wika sa lipunan ay nangangahulugan ding kahusayan sa pagpili ng mga salitang
tumutugon sa mga pagnanais ng tao sa kanyang pakikipagtalastasan.

Tungkulin ng wika sa Lipunan (Geoffrey Leech, 2013)

1. Nagbibigay-kaalaman. Ito ang pinakaimportante sa lahat ng tugkulin ng wika sa


lipunan. Nakatuon ito sa mensahe ng bagong impormasyon na ibinabahagi.
Nakadepende ito sa katotohanan o halaga ng kaasipan ng mensahe. Ang halimbawa nito
ay ang pagbabasa ng balita at pagkilala kung alin sa mga ito ang fake news o totoong
balita.

Halimbawa: “May Martial Law sa Mindanao kaya marami ang namamatay rito.” May
dalawang impormasyon na dala ang balitang ito gaya ng pagkakaroon ng martial law at
sa dami ng namatay. Ngunit, ituturing ito ng mga Mindanaon na fake news kahit totoo
pang may martial law dahil hindi naman tama ang katuturan ng pahayag na marami ang
namatay rito.

2. Nagpapakilala. Ginagamit o magagamit ang wika sa pagpapahayag ng damdamin o


ugali ng nagsasalita. Ang tagapagsalita o manunulat sa isang wika ay sinusubukang
ipahayag ang kanyang damdamin sa tungkulin ito ng wika sa lipunan. Ito ay nagbibigay
ng malinaw na imahe ng pagkatao ng tagapagsalita o manunulat sapagkat naglalahad ito
ng kanyang impresyon at ang pagbago-bago ng mga ito. Makikita natin ito sa mga
akdang pampanitikan tulad ng tula at iba pang genre ng panitikan.

Halimbawa: Ang tungkulin na ito ay pumupukaw sa pagpapahayag ng tiyak na


damdamin sa mga halimbawang pahayag na: “Masaya akong nakadalo ka, hindi
makukumpleto ang araw ko kung hindi kita nakasama.” Ang pahayag na ito ay
damdamin ng nagsasalita na maaaring magbago o hindi. Halimbawa rin nito ang
pagtawa o pag-iyak mo dahil sa pinanonood mo.

3. Nagtuturo. Ito’y may layuning magbigay ng impluwensya sa pag-uugali ng iba.


Malinaw itong makikita sa mga pahayag na nag-uutos o nakikiusap. Ang tungkuling ito
ng wika sa lipunan ay nagbibigay ng diin sa tumatanggap ng pahayag kaysa sa nagbibigay

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan
Pahina 6 ng 49

ng mensahe. Gayunpaman, ito ay nagpapahayag ng tungkulin ng wika na hindi gaanong


mahalaga dahil hindi ito pwersahan o may dalang kapangyarihang sundin. Ekspresyon
itong may halong konotatibong kahulugan o pagpapahiwatig kaya kung hindi makukuha
ibig sabihin, hindi matutupad ang kahulugan ng mensahe. Sa kabilang banda,
ipinapahayag din ito nang may paglalambing o di kaya’y pagpapahayag na may halong
pagpaparinig.

Halimbawa: Ang nanay niya ay nagsasabing “Ang init” ay parinig o pahiwatig na


ipinapabubukas/saksak niya ang bentilador sa anak o kausap. Ito rin ang sitwasyon sa
mga magbabarkada na naiihi at nagyaya sa pamamagitan ng pagsasabing “Naiihi ako”.
Sa pag-uutos naman, magagawa ito sa pamamagitan ng pakiusap gaya ng “Pakiabot nga
iyon”.

4. Estetika. Ito ay gamit ng wika para sa kapakanan ng paggamit/paglikha ng wika o


linguistic artifact mismo at wala ng iba pa. Tuon ng tungkuling ito ang ganda ng
paggamit ng wika. May pagdiriin din tungkol sa paraan ng pagpapahayag ng isang
mensahe kaysa idyolohikal na halaga nito.

Halimbawa: Maaaring mabighani ka sa iyong manliligaw dahil sa husay at galing niya sa


pagbigkas ng mga salita sa spoken poetry.

5. Nang-eenganyo. Mahirap tumbasan sa wikang Filipino ang phatic na tungkulin ng


wika sa lipunan. Ito ay nagsasabi ng pagiging bukas o mapagsimula ng komunikasyon sa
kapwa kaya tinumbasan ito ng nang-eenganyo. Maaaring ito ay berbal o di-berbal na
pakikipagtalastasan na nagbibigay ng palatandaan ng pagiging laging handa o bukas sa
pakikipagtalastasan na nagbibigay palatandaan ng pagiging laging handa o bukas sa
pakikipagtalastasan at pagpapanatili nang maayos na relasyon sa inyong lipunan. Sa
kulturang Pilipino, ang pagtatanong kung saan ka pupunta ay isang hudyat ng
pagsisimula ng komunikasyon at anyo na rin ng pangungumusta sa kaibigan o kakilala.
Hindi ito palatandaan ng pagiging mapang-usisa o tsismosa. Mapapansin rin ito sa isang
lugar na wala kang kilala ngunit nakikipag-usap ka sa isang tao ng kahit ano bilang simula
ng inyong komunikasyon na hahantong naman sa pagiging magkaibigan.

Pitong Tungkulin ng Wika (M.A.K. Halliday)

1. Regulatoryo - ito ang tungkulin ng wikang tumutukoy sa pagkontrol ng ugali o asal ng


ibang tao. Ang pagbibigay ng direksyon o panuto o hakbang sa paggawa ng gawain.
2. Personal - ang tungkuling ito ay tumutukoy sa pagpapahayag ng sariling opinyon o
kuro-kuro sa paksang pinag-uusapan. Mga halimbawa nito ay ang pagsusulat ng
talaarawan (diary) at kritismo o opinyon hinggil sa isang bagay o isyu.

3. Heuristiko - tumutukoy sa pagkuha o paghanap ng impormasyon na may kinalaman


sa paksang pinag-aaralan. Halimbawa nito ay pagbabasa ng iba’t ibang sanggunian,
pananaliksik, balita, atbp.

4. Instrumental - ito ang tungkulin ng wikang tumutugon sa mga pangangailangan ng


tao gaya ng pakikipag-ugnayan sa iba. Ang halimbawa ng tungkulin na ito ay ang
pagbibigay ng mensahe (pasulat man o elektroniko).

5. Impormatibo - kabaliktaran ng heuristiko. Ito ay may kinalaman sa pagbibigay ng


impormasyon sa paraang pasulat at pasalita. Kung ang Heuristiko ay pagkuha ng
impormasyon, ang impormatibo naman ay pagbibigay ng impormasyon. Halimbawa nito
ang panayam, presentasyon, at pagtuturo.

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan
Pahina 7 ng 49

6. Interaksyonal - pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa; pakikipagbiruan,


pagkukwento, debate, at iba pa.

7. Imahinatibo - malikhaing paraan ng pagpapahayag ng imahinasyon. Halimbawa nito


ang pagsusulat ng akda tulad ng maikling kwento, pabula, dula, nobela, at iba pa.

Isa pa sa maglilinaw o dagdag pagpapaliwag sa tungkulin o gampanin ng wika ay ang


Teoryang Speech Act.

Teoryang Speech Act

Ang teorya ng speech act ay ikinokonsiderang wika bilang aksyon kaysa bilang
instrumento lamang sa pagpapahayag. Ito ay binuo ni J.L. Austin, isang Britanong
pilosopo ng wika, ipinakilala niya ito noong taong 1975 sa kanyang tanyag na aklat na
pimagatang “How to do things with words”. Kalaunan, nagdala ng bagong aspeto ng
teorya si John Searle sa mas mataaas na dimensyon. Ang teoryang ito ay madalas
magamit sa larangan ng pilosopiya ng wika. Si Austin ang kauna-unahang nakabuo ng
ideyang ang tao ay hindi lamang gumagamit ng wika upang maipaalam ang isang bagay-
bagay bagkus isinasagawa rin ito.

Ano nga ba ng teoryang ito?


 Nakabatay sa isang premis na ang wika ay isang mode of action sa paniniwalang
kayang mabago ng salita ang realidad.
 Isang paraan ng pag-convey (pagdala) ng impormasyon; ang pananalita o diskurso
ay kaugnay ng aksyon.
 Ayon sa mga naniniwala sa teoryang ito, ang yunit ng komunikasyong linggwistik ay
hindi ang simbolo, salita o ang pangungusap mismo, kundi ang produksyon o
paglikha ng mga simbolo, salita o pangungusap sa pagganap ng kanilang tinatawag
na speech acts.
 Ang speech act sa paliwanag ni Searle (1971) ay sinasabing may iba’t ibang kasama
o kaugnay na kahulugan ang mga salita o pahayag na binibitawan ng tagapagsalita
depende sa kanyang layunin. Ibig sabihin, ang akto ng utterance ay kung paano at
ano ang layunin ng pagkasabi.
 Ang pangunahing kraytirya ay hindi ang kung totoo ba o hindi ang sinasabi, kundi,
kung paano nagampanan ang “act” nang tama o apropriyet, may lugod at naaayon
sa kombensyon, tuntunin o regulasyon na kinikilala pareho ng tagapagsalita at
tumatanggap ng mensahe.
 Tumutukoy sa paniniwalang anuman ang ating sabihin, lagi na itong may kaakibat
na kilos maging ito man ay paghingi ng paumanhin, pagbibigay-babala, paghihimok
at iba pa.

Halimbawa: BABALA! Madulas ang sahig. (Sinumang mapapadaan ay


pinapayuhang mag-ingat.)

May tatlong pangunahing komponent ang mga aktong linggwistik:

1. Aktong lokyusyonari o akto ng pagsasabi ng isang bagay. Hindi nangangailangan ng


pagkilos ng nagsasalita. Ito ay nagsasabi o nagpapahayag sa karaniwang pamamaraan.
(May kahulugan)

Halimbawa: “May tao sa labas ng bahay” ani ni Bea.

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan
Pahina 8 ng 49

2. Aktong ilokyusyonari o ang pagganap/perpormans sa akto ng pagsasabi ng bagay.


Naaayon sa tamang tono, atityud, damdamin, motibo o intensiyon. Pagsasagawa ng
aksyon o akto sa pagsabi ng anuman. (May pwersa)

Halimbawa: “May tao sa labas ng bahay!” napatayo at gulat na bulalas ni Bea.

3. Aktong perlokyusyonari o ang pagsasabi ng isang bagay na kadalasang nagpoprodyus


ng mga tiyak na konsikwensyal na epekto. Tinatawag na akto o kaganapang totoo.
Pagsasabi ng anuman ay lumilikha ng epekto sa damdamin, isipan, kilos ng nagsasalita,
kausap at ng iba pang tao. (May Konsikwens)

Halimbawa: “May tao sa labas ng bahay!” napatayo at gulat na bulalas ni Bea na


naging dahilan nang pagkagulat din ng kanyang mga kasambahay.

Modyul
Wika at Kultura sa Mapayapang Lipunan

You might also like