Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

MODYUL 3-4

MGA DULOG SA PAGSUSURING PAMPANITIKAN

I. INTRODUKSYON
Mahalagang larangan ng pag-aaral ang panunuring pampanitikan. Ito ay kung isasaalang-alang na wala tayong
ideya kung ano ang daigdig ngayon kung walang panitikan na nagbibigay depinisyon, naglalahad sa anyo ng
buhay; naglalarawan at nagtutunggali sa mga imahen ng mundo. At kung walang pagsusuri ng panitikan, wala rin
tayong ideya kung paano umunlad at dumating sa yugtong kasalukuyan ang ating buhay. Ganyan ang ugnayan
ng panitikan at panunuri ng teksto at kritisismo. Kung walang teksto, walang daigdig, kung walang pagsusuri,
walang kaalaman at mangyari pa, walang kabihasnan at sibilisasyon.

II. LAYUNIN: Ang mahalagang pag-aaralan mo sa Modyul 3-4 ay naglalaman ng mga sumusunod na kasanayan:
1. Natatalakay ang mga dulog na ginagamit sa pag-aaral ng panitikan;
2. Nabibigyang-halaga ang mga dulog sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan; at
3. Nakapagsusuri ng mga akda gamit ang angkop na dulog na tinatalakay sa aralin.

III. PAGGANYAK: Suriin ang larawan na nasa ibaba at ipaliwanag sa tabi nito ang nais ipakita at ipakahulugan ng
larawan.

Ang kahalagahan nang pagsuri ninyo sa larawan ay maihahalintulad sa kahalagahan sa pagsusuri ng mga
akdang pampanitikan. Maiintindihan lamang natin ang kaugalian at buhay ng tao kung atin itong susuriin nang
mabuti at kung titingnan natin ang kabuuang larawan nito.
Upang mas lumawak pa ang ating kaalaman sa pagsuri ng panitikan, pag-aralan natin ang iba’t ibang
teorya sa panunuring pampanitikan!

IV. PAGTATALAKAY

Iba’t Ibang Teorya sa Panunuring Pampanitikan

Ilan sa inilahad na teoryang panliteratura ng Linangan ng Literatura ng Pilipinas (1989) ay ang mga sumusunod:

1. Romantisismo: naniniwala ang teoryang ito na ang daigdigan ay hindi isang walang kahulugang kasalimuotan na
kaaway ng tao- may pagkakasundo at layunin sa kabuuan ang sandaigdigan na nilikha ng Makapangyarihan at
Marunong sa lahat at itinataguyod ng katarungan at pag-ibig.
2. Eksistensiyalismo: ito ay hindi teorya kundi paniniwala- paniniwalang hindi tunay ang buhay kung nakakulong sa
sistema ng paniniwala. Ang layunin ng panitikan ay ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o magdesisyon
para sa kanyang sarili na siyang pinakasentro ng kanyang pananatili sa mundo (human existence).
3. Istrakturalismo: sa pangkalahatang pananaw, iisa ang simulain nito- ang pagpapatunay na ang wika o lenggwahe
ay hindi lamang hinuhubog ng kamalayang panlipunan kundi humuhubog din sa kamalayang panlipunan.
4. Dekonstruksyon: winawasak nito ang kabuuan ng sistema ng wika at binubuo lamang muli ito bilang kamalayan
na may kalakip na teorya ng realidad. Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang iba’t-ibang aspekto na bumubuo sa
tao at sa mundo.

Nagbigay rin ng karagdagang paliwanag si Reyes (1992) ukol sa iba pang mga uri ng teorya.

5. Moralistiko: sa ganitong oryentasyon, ipinalalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag
hindi lang ng literal na katotohanan kundi ng mga panghabambuhay at unibersal mga katotohanan at mga di
mapapawing pagpapahalaga.
6. Historikal: hindi ang teksto bilang teksto ang lubusang pinagtutuunan ng pansin kundi ang kontekstong dito’y
nagbigay-diin; hindi ang particular na kakanyahan lamang ang sinusuri kundi ang impluwensiyang dito ay
nagbigay-hugis.
7. Arketipal: katulad ng sikolohikal na pananaw, nakapako ang atensyon nito sa paraan ng paglikha at ang epekto
nito sa mambabasa. Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan
ng mga simbolo.
8. Realismo: ang teoretikal na batayan nito ay ang paniniwalang may taglay na kapangyarihan ang teksto at ang
manunulat ng akda, na suriin ang masalimuot na realidad (mga empirikal na datos) at gamitin ang mga ito sa
paglikha ng kanyang akda na sa tingin na sa tingin niya are representasyon ng realidad.
9. Klasismo/Klasisismo: ang layunin ng panitikan ay maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng
estado sa buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at piling-pili sa
paggamit ng mga salita at lagging nagtatapos nang mayroong kaayusan.
10. Humanismo: ang layunin ng panitikan ay ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; binibigyang-tuon ang
kalakasan at mabubuting katangian ng tao gaya ng talino, talent atbp.
11. Imahismo: ang layunin ng panitikan ay gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin,
kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-akda na higit na madaling maunawaan kaysa
gumamit lamang ng karaniwang salita.
12. Feminismo: ang layunin ng panitikan ay magpakilala ng mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang
pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan.
13. Formalismo/Formalistiko: ang layunin ng panitikan ay iparating sa mambabasa ang nais niyang ipaabot gamit
ang kanyang tuwirang panitikan.
14. Saykolohikal/Sikolohikal: ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig
(factor) sa pagbuo ng naturang behavior (pag-uugali, paniniwala, pananaw, pagkatao) sa isang tauhan sa
kanyang akda.
15. Markismo/Marxismo: ang layunin ay ipakita na ang tao o sumasagisag sa tao ay may sariling kakayahan na
umangat buhat sa pagdurusang dulot ng pang-ekonomiyang kahirapan at suliraning panlipunan at pampulitika.
16. Sosyolohikal: ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang
kinabibilangan ng may-akda. Naipapakita rito ang pamamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliraning
panlipunan at pampulitika.
17. Bayograpikal: ang layunin ng panitikan ay ipamalas ang karanasan o kasagsagan sa buhay ng may-akda.
Ipinahihiwatig sa mga akdang bayograpikal ang mga bahagi sa buhay ng may-akda na siya niyang pinakamasaya,
pinakamahirap, pinakamalungkot at lahat ng mga “pinaka” na inaasahang magsilbing katuwang ng mambabasa
sa kanyang karanasan sa mundo.
18. Queer: ang layunin ng panitikan ay iangat at pagpantayin sa paningin ng lipunan sa mga homosexual. Kung ang
mga babae ay may feminism ang homosexual naman ay queer.
19. Kultural: ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda sa mga hindi nakakaalam. Ibinabahagi ng
may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyong minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi.
20. Feminismo-Markismo: ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba’t ibang paraan ng kababaihan sa pagtugon sa
suliraning kanyang kinakaharap. Isang halimbawa nito ay ang pagkilala sa prostitusyon bilang tuwirang tugon sa
suliraning dinaranas sa halip na ito’y kasamaan at suliranin ng lipunan.

V. PANSANAY NA GAWAIN: Basahin at unawain ang maikling kwentong “Banyaga” na isinulat ni Liwayway
Arceo. Suriin ang panitikan at alamin ang dulog na maaaring gamitin upang mas maunawaan ang kwento.

Banyaga
ni: Liwayway A. Arceo

MUKHANG ARTISTA! Artista nga ba? Artista?

Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang
siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon – kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O
napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin
sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping
ngiting may lakip na lihim na sulyap.

At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang
kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok. Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang
serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.

“Serbesa ba ‘kama, bata ka, ha?”

Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang
paliwanag. “Hindi masama’ng amoy, Nana.”

Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng
kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang
pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa
laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.

“Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!” at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng
matandang ale.

Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama
na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng
kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-
toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may
taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na
nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.

“Sino kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo?” tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. “Ang panganay sana
ng Kua mo...matalino...”

“Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa ‘kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa
kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan...”
Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa
kanyang dibdib.

“Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka...” ayon ni Nana Ibang.

“Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na ‘yon kung hindi ako
nakasisigurong kaya ko ang eksamen?” Malinaw sa isip ang nakaraan.

Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. “Pinapawisan ka
an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?”

“Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba’y gano’n dito?” at napangiti siya. “Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro
na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika...”

“Naiinip ka na ba/” agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.

“Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila.”

“Ano? K-kahit gabi?”

Napatawa si Fely. “Kung sa Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba ‘kong
wala sa Pilipinas? Ang totoo...”

Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin
siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo
nito nang makita siya kangina.

Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At
nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang
isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay.
Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang
kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng
sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay
moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.

“Ayan naman ang kubyertos...pilak ‘yan!” hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. “ ‘Yan ang uwi mo...noon...hindi
nga namin ginagamit...”

Napatawa siya. “Kinikutsara ba naman ang alimango?”

Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang.
Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana’y nilitson ang biik sa silong, kasi,
sabi...hindi ka darating...

Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya – ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang
nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol
sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng
liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.

Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang
kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya
isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.

“Sa kotse n,” ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog
sa hagdang kawayan.

Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito
na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay
hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.

“Ako nga si Duardo!”

Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana
Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang
pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.

“Bakit hindi ka rito?” tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. “May presidente ba ng samahan na
ganyan?”

“A...e...” Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang
panginginig ng mga labi. ‘A-alangan...na ‘ata...”

Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya.
Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan
ng mga Nagtapos.

“Natutuwa kami at nagpaunlak ka...” walang anu-ano’y sabi ni Duardo, “Dalawampu’t dalawang taon na...”

“Huwag mo nang sasabihin ang taon!” biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. “Tumatanda ako.”

“Hindi ka nagbabago,’ sabi ni Duardo. “Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni


Menang...”

“Menang?” napaangat ang likod ni Fely.

“Kaklase natin...sa apat na grado,” paliwanag ni Duardo. “Kami ang...” at napahagikhik ito. “Kamakalawa lang
isinilang ang aming pang-anim...’

“Congratulations!” pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa
pagtakbo ng sasakyan.

“Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon,” patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. “Ibang-iba
kaysa...noon...”

“Piho nga,” patianod niya. “Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa ‘kong
nagmamadali...”

“Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita...”

Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay
nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang
nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung
alin.

At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang
nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan
niya.
Dulog sa Pagsusuring Pampanitikan

VI. MGA IBA PANG MAPAGKUKUHANAN


 https://bestschooleverblog.wordpress.com/2017/08/03/panunuring-pampanitikan/
 https://www.slideshare.net/karenmfajardo/kahulugan-at-kahalagahan-ng-panunuring-pampanitikan-
katangian-ng-isang-mahusay-na-kritiko
 https://www.slideshare.net/GinoongGood/teoryang-pampanitikan-36790003

VII. PAGTATAYA
 Ibibigay sa hiwalay na worksheet

VIII. SANGGUNIAN
 Villena J.B., (2016) Panitikan sa Pilipinas (Alinsunod sa Talakay sa OBE) Intramuros, Manila,
MINDSHAPERS CO. INC.
 Ignacio, N.R., Payo, J.R., (2003) HAMAKA III (Sanayang Aklat para sa Ikatlong Taon) Sta.Ana, Manila:
Innovative Educational Materials, INC.
 http://markjan-markjan.blogspot.com/2009/08/banyaga-ni-liwayway-arceo.html

You might also like