Walong balangkas ng kahapon. Ginugol sa malaking mithiin. Pula laban sa pula.
Puti ang namamayani. Sumisimbolo sa isang kasarinlan. Ano ang dapat ipaglaban at bigyang kahalagahan? Sa mga matang nanananglaw at mga tengang nanginginig, marami ang dapat alalahanin. Aming ligaya ng pag may mang-aapi. Ang mamatay nang da- sa ano? Kung babalikan ang kasaysayan, mayroong mga munting huni ang humahalili sa iyong mga tenga. Mga huni na napupuno ng pananabik at pag-uunawa. Minsan mga gerilyang kasintunog ng mga nanginginig sa pagtugon sa kasarinlan. Mayroong isang damdamin ang kumikitil sa pandinig nila. Mga damdaming makabansa at pagkamagiting. Dinanak nila ang kanilang dugo upang ihabi ang ibabang bahagi ng watawat. Kagitingan sa panulat ni Laong Laan ang inihabi sa itaas na bahagi ng ating bandila. Pagkakaisa ni Juan at mga mga kapwa niya indyo ang bumuo sa pangkalahatang bahagi ng ating bandera. Tatlong pangunahing kapuluan ang itinabi katapat sa sinag ng mga bituin at haraya ng Haring Araw na dumudungaw sa walong lugar kung saan naganap ang himagsikang pangkalayaan. Lahat na mga ito ay inihabi at binigyang kulay. Lahat na ito ay nagging simbolo ng bansang perlas ng silanganan. Inukit mula sa puso at isipan ni Julian Felipe ang himig ng ating awit na sumisimbolo sa ating pagiging Pilipino. Mga titik ay pinag-isipan ng mabuti sa pangunguna ni Jose Palma. Ibinigkis ng maayos at itinali sa ating mga damdamin ang alab ng mga salitang lumalabas sa ating mga bumanganga. Ang lahat ng mga ito ay lumalabas sa ating galak at iyak. Sa bawat hampas ng mga nota at pagbayo ng bawat kumpas, rinig kahit saan. Mga salitang nanalaytay sa ating kasaysayan at sa hinaharap. Ito ang ating pagkatao. Bumabangon ka araw-araw upang masilayan ang sinag ng mga araw na bumubungad sa silangan. Pinipilit mong ihanda ang iyong sarili para sa panibagong suliranin na lulutasin sa pang-araw-araw na gawain. Napapagod. Nasisiyahan. Nananamlay. Nayayamot. Lahat na ito ay iyong mararanasan sa daan na iyong tatahakin. Gayunman, may mga bagay pa rin na namumutawi sa iyong kalooban na ginagawa mo ito dahil sa iyong sarili, pamilya, at sa bayan. Pilit mong panindigan ang huling salita sa Lupang Hinirang na “Ang mamatay ng dahil sa’yo”. Pinipilit mong maging Pilipino sa munting hangarin na ito. Pinipilit mong maging bayani para sa ikakaunlad ng ating bayan. Ngunit, ikaw ay nagiging mapanlinlang. Minsan, ikaw ay humihimig ng pambansang awit. Isipan mo ay nalukuban at nagtataka bakit hindi mo kaya subukan at sundan? Nagtataka ka sa mga nakatagong hiwaga sa mga ilang linya ng liriko nitong kantang pambansa. “Alab ng puso, sa dibdib mo ay buhay…” nagliliyab pa nga ba? Damdaming makabayan sa iba ay lumiliyab. O tila ang baga, ngayon ay naapula. Pag-ibig sa lupang dinilig ng dugo ng pawis at luha kasabay ng kahapon, unti-unting naglalaho. Katulad ng mga dahon, nalalanta at natutuyo. ”Sa manlulupig, di ka pasisiil…” o laging nagpapasiil? Nagpapadala? Nagpapauto? Nakikigaya? Nakikiuso? Sa kung anong matunog kaya hanggang nagyon ay alipin ka pa rin. Hindi mo man sabihin, hindi mo man aminin, tila habang buhay ikaw ay alilang-kanin… ng mga diyos-diyosan. Nilalang na mapanlinlang, nagtatago sa aninong nagbabait-baitan. “Ang bituin at araw niya kalian pa ma’y hindi magdidilim…” sana lahat, hindi nagdidilim, hindi lumalabo, hindi nawawala o naglalaho ngunit tulad ng bandilang nakatirik sa ilalim ng araw at paminsan-minsang ulan, kumukupas rin ang kinang ng bituin sa kalangitan. Subalit magka-gayunpaman, nawa ang pula ay hindi na umibabaw sa bughaw kailanman. “Buhay ay langit sa piling mo…” buhay ay langit sa piling ng paborito mong pagkain, buhay ay langit kapag ginagawa mo ang hilig mong gawin, buhay ay langit kasama mo sa buhay ngunit sa sarili mong bayan hindi mo naipadama. Nakalulungkot isipin, bayan ay kailangan pang lisanin. Matang pinalabo ng luha ay idinilat. Ikaw ay mayroon din, mayaman din. “Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi ang mamatay nang dahil sa iyo…” mga matang nadedeliryo pilit palitan at ibahin. Nauuso naman ang isyung nagtatampukan. Sa isang bayan, kanta ay isinapuso at isinaisip. Ang kantang puno ng katuturan. Binigyan pansin na walang inaasam kundi pansariling kakintalan. Kaya mo pa bang ulit ipaglaban? Lumuha ang gabi sa hindi mo na madugsungan. Linyang sinimulan, mga luha ay naglaglagan. Dugong umaagos katulad ng mga pagsibol ng isang batis. Sa huling linyang iyong binitawan sa iyong sariling bayan. Walong balangkas ng kahapon. Ginugol sa malaking mithiin. Pula laban sa sarili. Pula ang nag-aalab sa namatayang pagdurusa. Aming ligaya na pag may mang-aapi. Ikaw ay nagapi. Ang mamatay nang dahil sa iyong pagiging mapanlinlang.