Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Ang wika ay simbolo ng pagkakakilanlan, ng kultura, ng kalayaan.

Napakahalaga ng papel na
ginagampanan nito sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Ito ang susi ng pagkakaisa at tagumpay ng isang
bayan. Sa mga nakalipas na panahon, wika ang naging sandata upang pag-isahin ang mga nag-aalab na
puso ng mamamayang Pilipino laban sa mga mapang-aping dayuhan na gustong angkinin ang kariktan at
kayamanan nitong ating bayan.

Sa deskripsyon ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang wikang Filipino ay buháy o


matatawag na dinamiko. Dumaan ito sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng panghihiram sa mga
wika sa Pilipinas at mga di-katutubong wika. Ang wikang Filipino ay nagkaroon ng ebolusyon ng iba’t
ibang barayti ng wika para sa iba’t ibang saligang sosyal at para sa mga paksa ng talakayan ng iskolarling
pagpapahayag.

Sa modyul na isinulat ni Gonzales (n.d.) may apat na facets ang sistema ng paglinang ng wika
ayon kina Haugen (1972) at Ferguson (1971). Ang paglinang na ito ay binubuo ng kodipikasyon, o pagpili
ng wika o sistema ng pagsulat na gagamitin, istandardisasyon, diseminasyon o pagpapalaganap at
elaborasyon o pagpapayabong nito. Bahagi ng pagpapayabong ng wika ang paggamit nito bilang isang
wikang panturo at higit sa lahat ay Filipino bilang isang disiplina o larangan. Dumaraan man ito sa mga
pagsubok sa kasalukuyan, mananatili pa rin itong bahagi ng paglago at pag-unlad ng sistema ng
edukasyon.

Maraming gampanin ang wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik sa agham/siyensya,


medisina, komersyo, politika, matematika, musika at sining. Bagama’t marami pang walang katumbas na
wika sa Filipino, patuloy pa rin ang pag-unlad sa larangang ito upang mapagyaman at mapanatili ang
ating wika tungo sa umuunlad na panahon.

FILIPINO BILANG WIKANG PAMBANSA

Isang baliktanaw sa kasaysayan ng wikang Filipino bago pa man ito tanghalin na opisyal na wika ng
Pilipinas hango sa lathalain ni Dr. Hen. Roberto Anonuevo.

Disyembre 30, 1937 ipinoroklama ang wikang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa.

Ito ay ayon sa Saligang Batas ng 1935 kung saan ang Kongreso ay gagawa ng hakbang sa pagpapaunlad
at pagpapayaman ng wikang pambansa batay sa mga umiiral na katutubong wika. Subalit ang
proklamasyon ay magkakabisa lamang dalawang taon matapos ang pagpapatibay nito.

Noong 1940, ipinag-utos ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa ikaapat na taon sa lahat ng pampubliko
at pribadong paaralan sa buong bansa.

Sinundan ito ng pagkakaroon ng bisa ng Batas Komonwelt Blg. 570 noong Hunyo 4, 1946 na pinagtibay
ng Pambansang Asambleya noong Hunyo 7, 1940 kung saan ang wikang opisyal ng bansa ay tatawaging
Wikang Pambansang Pilipino.
Noong 1959, ang Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 ay ibinaba ni Kalihim Jose B. Romero, Kalihim ng
Edukasyon, kung saan ito ay nagsasaad na ang Wikang Pambansa ay tatawaging Pilipino upang mailagan
ang mahabang katawagang “Wikang Pambansang Pilipino” o Wikang batay sa Tagalog.”

Noong 1987, alinsunod sa Konstitusyon, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay tatawaging Filipino. Ito ay
hindi batay sa pinaghalo-halong sangkap ng katutubong wika na umiiral sa bansa bagkus ito ay nucleus
ng Pilipino at Tagalog. Isinasaad ng Artikulo XIV Konstitusyong 1987, ang legal na batayan ng konsepto
ng Filipino bilang wikang Pambansa at ang magkarugtong na gampanin nito bilang wika ng opisyal na
komunikasyon, at bilang wikang panturo sa Pilipinas.

Seksyon 6.

Ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang ito ay dapat na payabungin at
pagyamanin pa salig sa umiiral ng mga wika sa Pilipinas. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa
nararapat na maaaring ipasya ng kongreso, dapatmagsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang
ibunsod at puspusang itaguyod and paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at
wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Seksyon 7.

Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino, at
hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Inggles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na
mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong ng mga wikang panturo roon. Dapat
itaguyod nang kusa at opsyonal ang Espanol at Arabic.

Seksyon 9.

Dapat magtatag ang Kongreso ng isang Komisyon ng Wikang Pambansa ng binubuo ng mga kinatawan
ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga
pananaliksik sa Filipino at sa iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at
pagpapanatili.

Malinaw na itinatadhana ng nasabing probisyon na ang wikang pambansa sa Pilipinas ay Filipino at


nararapat lamang na gamitin ito lalo na sa larangan ng edukasyon gayundin sa mga transaksyon sa
pamahalaan. Bagamat maraming wikang umiiral sa Pilipinas, mananatili itong pantulong na wika na
gamitin sa mga kontekstong kultural at panrelihiyon. Samantala, itinatag ang Komisyon ng Wikang
Filipino (KWF) upang magbalangkas ng mga patakaran, mga plano at mga programa upang matiyak ang
higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap at preserbasyon ng Filipino at iba pang wika
sa Pilipinas.
Nilalayon din ng samahan na ganyakin ang mga iskolor at manunulat na itaguyod ang wikang Filipino sa
pamamgitan ng pagbibigay ng insentibo tulad ng mga grant at award. Hinihikayat din ng KWF ang
paglalathala ng iba’t ibang orihinal na obra at teksbuk at mga materyales na reperensiya sa iba’t ibang
disiplina gamit ang Filipino at iba pang wika sa bansa.

Ang wikang Filipino ay susi sa mabisang komunikasyon at daan sa pagkakaisa ng sambayanan.


Sinasagisag nito ang pagiging isang tunay na Pilipino at tatak ng pagkamakabansa. Napakahalagang
papel din ang ginampanan ng wikang Filipino para maisulong ang demokrasya sa Pilipinas sapagkat ito
ang nagbibigkis sa adhikain ng sambayanang Pilipino. Sa kabuuan, ang wikang pambansa ay wikang nag-
uugnay sa iba’t ibang pangkat ng mga Pilipino at ito rin ang wika ng pananaliksik para sa pagyabong ng
karunungan at karanasan ng mga mamamayang gumagamit nito.

Filipino Bilang Wika ng Bayan at/ng Pananaliksik

Minsan ay binanggit ni Manuel L. Quezon sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika ang mga katagang, “Hindi
ko nais ang Kastila o Ingles ang maging wika ng pamahalaan. Kailangang magkaroon ng sariling wika ang
Pilipinas, isang wika na nakabatay sa isa sa mga katutubong wika.”

Ang wika ay mabisang kasangkapan sa pagpapahayag ng damdamin at opinyon gayundin sa pagtanggap


at pagbibigay ng impormasyon. Ang wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat ay mabisang daan ng
komunikasyon, susi ng pagkatuto at matibay na punyal na gagapi sa pang-aapi at pag-apak sa ating
pagkatao. Bawat bayan at bawat institusyon ay may mga patakaran na nagsisilbing gabay sa kilos at asal
ng mga mamayan para sa maayos at matiwasay na pamumuhay. Subalit, paano ito mangyayari kung ang
sinasabing batas ay nakasulat sa wikang banyaga?

Sa Artikulo XIV Konstitusyong 1987 ay nagsasaad ng ganito:

Seksiyon 8.

Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Inggles, at dapat na isinalin sa mga pangunahing
wikang panrehiyon, Arabic at Kastila.

Sa isang bansang demokrasya, napakahalaga ng iisang wika na nauunawaan ng lahat, sapagkat ito ang
magiging daan sa kanilang pakikilahok sa mga usaping may kinalaman sa kapakanan ng bayan. Wikang
pambansa ang daan para ang mga ordinaryong mamamayan upang magkaroon ng kakayahan na
makisangkot sa mga programa ng gobyerno. Madaling maisasatinig ang mga ideyolohiyang
magtatampok sa sarili, sa kultura at sa bayan. Mas mapadadali ang kaunlaran at mapalalakas ang
kapangyarihang politikal kung mayroong nagkakaisang bayan na binibigkis ng iisang mithiin at iisang
wikang nauunawaan ng lahat. Sabi nga ni Dr. Pamela Constantino, propesor sa Filipino sa Unibersidad
ng Pilipinas, “Ang wika ay may malaking papel na ginagampanan sa Pilipinas, sa kaayusan at sa pag-unlad
ng lipunan.(Constantino, n.d.)
Sinabi naman sa artikulo ni Vitangcol III (2019) sa kanyang artikulong, “Ano ang Saysay ng Wikang
Filipino,” na kahit ang dating Pangulong Aquino ay nagsabi na, “imbes na mga galos at pilat ang makuha
dahil sa pagtatagisang-tinig, sana ay umusbong ang pagkakaunawaan at pusong makabayan. May
tungkulin ang bawat isa na palaganapin ang isang kulturang may malalim na pagkakaintindihan sa isa’t
isa gamit ang isang wikang pinagbubuklod at pinagtitibay ng buong bansa.” Dagdag pa niya, “Wika ang
dapat pagbubuuin tayo, hindi tayo dapat paghihiwalayin.” Malinaw sa pahayag na ito, na ang wikang
Filipino ay sandatang nagbubuklod sa lahat ng Pilipino saan mang dako ng mundo sila naroroon.

Sa panahon ng malawakang pangingibang bansa ng mga Pilipino, wikang Filipino pa rin ang tanging
nagbubuklod sa bawat isa. Wika pa rin ang simbolo ng kulturang pinagmulan na tanging sandata ng mga
Pilipino sa panahon na malayo sila sa kanilang bayan. Sa wikang ito nakaugat ang mga adhikain na
nagsisilbi nilang lakas laban sa mga hamon ng bansang umaalipin sa kanila. Ngayon, sa panahon ng
pandemya, saan mang sulok ng mundo ay naipararating ng mga Pilipino sa kinauukulan ang kanilang
kalagayan at tulong na inaasam. Gamit ang sariling wika, malinaw na naisasalaysay ang hinaing ng puso
at pangungulila sa abang bayan na pansamantalang nilisan para sa inaasam na magandang kinabukasan.

Ang wikang Filipino ay wika rin ng edukasyon. Sa paglulunsad ng K to 12 Basic Education Curriculum
isinaalang-alang ang pangangailangan ng lipunan, global at lokal na pamayanan maging ang kalikasan at
ang pangangailangan ng mamayan. Batay sa Gabay Pangkurikulum, isasama ang Filipino bilang disiplina
sa wika kung saan nilalayon nito ang pagtuturo ng Filipino upang malinang ang kakayahang
komunikatibo, replektibo/mapanuring pag-iisip, at pagpapahalagang pampanitikan ng mga mag-aaral sa
pamamagitan ng mga babasahin at teknolohiya tungo sa pagkakaroon ng pambansang pagkakailanlan,
kultural na literasi at patuloy na pagkatuto upang makaagapay sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa
daigdig. Dagdag pa rito, isa sa mga pamantayan ng programa ay gagamitin ang wikang Filipino upang
madaling maunawaan at maipaliwanag ang mga kaalaman sa araling pangnilalaman, magamit ng angkop
ang wastong salita sa pagpapahayag ng sariling kaisipan, damdamin o karanasan nang may lubos na
paggalang sa kultura na nagbibigay at tumatanggap ng mensahe (K to 12 Gabay Pangkurikulum, 2016).

Sa kabuuan, sa paglipas ng panahon, napatunayan na ang wika ang siyang nagging pinakamahalagang
sandata upang matanto ng bagong henerasyon ang mga pangyayari at kasaysayan na naging daan sa
inaangking kalayaan. Ito rin ang nagbukas ng marami pang kaalaman sa iba’t ibang larangan at malaking
papel ang ginampanan at gagampanan pa sa iba’t ibang anyo ng pananaliksik tungo sa mas malawak na
pagbabago hindi lamang sa larangan ng edukasyon kundi pati na rin sa pagbabagong anyo at pagbibihis
ng bayang kinagisnan.

Filipino Bilang Larangan at Filipino sa Iba’t ibang Larangan

Tinalakay ni Gonzales (n.d.) sa kanyang Modyul na may titulong “Ang Pagpapayabong at


Intelektwakisasyon ng Wikang Filipino: Mula sa Paninging Teoretikal, Historikal, at Sosyolohikal” ang
modelo ng paglinang ng wika ayon kina Haugen (1972) at Ferguzon (1971).
Ayon sa kanila, isang paraan ng pagpapayabong ng wika ay ang elaborasyon o pagpapayabong nito na
tinatawag ding intelektwalisasyon. Ang wika ay uunlad kung ito ay ginagamit bilang kasangkapan ng
kultura at mas lalo pang napalalawak kung ginagamit ito sa pagpapahayag ng mga pagbabago o pag-
unlad ng kabihasnan, partikular sa mga paksang may kinalaman sa agham at teknolohiya, sa mga
makabagong pangangailangan at gawain sa pagsulong ng isang bansa tungo sa industriyalismo nito.

Ayon naman kay Constantino (2015) sa aklat ni San Juan et al. (2019) ang kahalagahan ng
intelektwalisasyon ay ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang larangan tungo sa pagpapaunlad hindi
lamang ng wikang Filipino kundi ng kaisipang Filipino. Ang wika ay mabilis na uunlad kung ito ay
ginagamit hindi lang sa tahanan, sa lansangan o sa pang-araw araw na buhay kundi bilang isang larangan
sa edukasyon at pananaliksik. Maraming iba’t ibang refereed journal na naglalathala ng mga
pananaliksik at artikulo sa Filipino tulad ng HASAAN, Daluyan, Malay, etc. Sa pangkalahatan, ang
pananaliksik na ito at ang mga mananaliksik ay nagtalastasan gamit ang wikang sarili at nakabuo ng isang
sariling komunidad na pang komunikasyon sa disiplinang

Araling Pilipino (Guillermo, 2016 sa aklat ni San Juan, et al., 2019). Ayon sa artikulong nakalathala sa
Manila Bulletin ni Myca Cielo M. Fernandez (2018), binigyang-diin ni Virgilio Almario, Pambansang
Alagad ng Sining, na mas magiging epektibo ang saliksik kung ito ay nasa wikang Filipino. Ito ay kaugnay
ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino, Wika ng Pananaliksik.” Ang
pagdiriwang na ito ay nakatuon sa paggamit ng wikang Filipino sa larangan ng pananaliksik. Mas
magiging epektibo ito kung ang bawat unibersidad ay hihikayatin na gawin sa wikang Filipino ang mga
pananaliksik lalo na ang tesis at disertasyon.

Mahalaga ang pagpaplanong pangwika sa pag-unlad ng Filipino bilang larangan at Filipino bilang iba’t
ibang larangan. Ayon kay Flores (2015) sa aklat ni San Juan (2019), may dalawang antas ang
pagpaplanong pangwika. Ito ay ang antas makro sa pagpaplanong pangwika kung saan nakatuon sa
mandatoring asignaturang Filipino sa Kolehiyo at ang antas maykro sa pagpaplanong pangwika na
nauukol sa aktwal na implementasyon ng gayong patakaran sa bawat lugar.

You might also like