Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 24

Saliksik E-Journal

Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Artikulo

DALUMAT NG “INANG BAYAN”


AT ANG PANANAW NI ANDRES BONIFACIO SA KABABAIHAN*
Mary Jane B. Rodriguez-Tatel
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
University of the Philippines - Diliman, Quezon City

Abstrak

Itinatampok sa papel na ito ang pagdadalumat sa “Inang Bayan” bilang lunan ng mataas na
pagkilala ni Andres Bonifacio sa kababaihan. Nais ipakita ang talaban ng konteksto at
tekstong nagbigay-daan sa nasabing konseptuwalisasyon. Konteksto ito ng kamalayan at
kalinangang nag-ugat sa kapuluan. Teksto o mga pag-aakda itong nakaugat sa nasabing
kamalayan at kalinangan. Sa huli, masasabing makabuluhan ang pagdadalumat na ito
upang suhayan ang asersyong orihinal at hindi angkat ang kaisipan ni Bonifacio patungkol
sa magkakawing na tungkulin ng pagpapalaya at pagbubuo ng bansa. Gayundin naman,
hindi lamang politikal ang mga tungkuling ito, bagkus ay pangkalinangan at pangkasarian
din.

PANIMULA

“Inang Bayan” ang dalumat ng bansa o kabuuang binuo at isinulong ng kilusang


panghimagsikang nakilala bilang Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan (KKK) ng
mga “Anak ng Bayan” noong siglo 19. Dinalumat ito bilang pamalit sa konsepto ng
“Madre España” ng mga repormista. Nasa kaibuturan ng dalumat na ito ang prinsipyo ng
kapatirang bumabalangkas sa pagkakaisa ng lahat ng mga naninirahan sa kapuluan bilang
mga “anak ng bayan,” ibig sabihin, isang “malawakang mag-anak” (Salazar 1997, 50;
Rodriguez 1999, 19; Navarro 1999, 45-46; Navarro 2000, 32; Rodriguez 2001, 16-20, 36-37;
Rodriguez-Tatel 2006, 57, 68). Sa dalumat ng bayang nakasakay sa imahen at talinghaga
ng “ina” vis-a-vis “patria” (mula sa pater o ama na isang lalaki), masisipat ang matayog

214 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

na pagpapahalaga sa kababaihan ni Andres Bonifacio, ang itinuturing na “Ama ng


Katipunan at Himagsikan sa Pilipinas” (Tenepe 1948, 3).

Magandang itanong at pagmuni-munian, bakit “babae” o bakit “ina” ang


konseptuwalisasyon ng kabuuan ng Katipunan? Tatangkaing sagutin ang nasabing
katanungan sa pamamagitan ng dalawang puntong nais tunghayan sa papel na ito: una,
ang kontekstong pangkalinangan at pangkamalayang nagluwal sa konseptuwalisasyon ng
bayan bilang babae; at ikalawa, ang pananaw ng isa sa mga tagapagdalumat nito na si
Andres Bonifacio tungkol sa kababaihan bilang isang daluyan ng nasabing konteksto sa
panahong kinailangan ng bayan ng kaisipang gagabay sa landas ng paglaya at pagsasarili
noong siglo 19. Sa ganang una, sisikaping maipaunawa ang kamalayang nakapaloob sa
salitang “bayan” gayundin ang dalumat ng “ina” bilang bahagi nito. Sa ganang ikalawa,
tutunghayan sa ilang karanasan at pag-aakda ni Andres Bonifacio ang naging pananaw
niya sa kababaihan bilang daluyan ng nasabing kamalayang bayan sa konteksto ng
pagsasabansa ng kanyang kapanahunan.

ANG DIWA NG “INA” SA KAMALAYANG BAYAN

Holistiko ang umiiral na pananaw ng mga tao sa isang kapaligirang malaya at bukas gaya
ng kapuluan, mapagkupkop at mapagkalinga bunsod ng yaman ng kalikasan at katangian
nitong agrikultural. Sa prinsipyong ito ng holismo nakapaloob ang iba’t ibang anyo ng
talaban ng kalikasan at tao (Rodriguez-Tatel 2006, 5-8). Sa paniniwalang ito, lahat ng
bagay ay nagkakaroon ng buhay, at lahat ay nagkakaugnay-ugnay. Susi ang kamalayang
mapang-ugnay sa pag-unawa ng pagpapahalaga sa dalumat ng ina.

Masisipat ang kamalayang mapang-ugnay sa matandang kawikaang Gaddang na ito


halimbawa:

Pakatoletam yo mula a ya’da na lubag ana yo lubag akanan detam.


[We eat the plants that the earth gives us and the earth eats us. Kinakain
natin ang mga halamang ibinibigay sa atin ng lupa at kinakain din tayo
kapagdaka ng lupa] (Wallace 1970, 1) (akin ang malayang salin).

Matutunghayan din ito sa paniniwala ng mga sinaunang Pilipino tungkol sa anito na


tumutukoy hindi lamang sa mga espiritu ng kalikasan, kundi maging sa mga espiritu ng
mga yumao. Sa bisa ng sanlibo’t sanlaksang ritwal, ipinahahayag ang labis na
pagpapahalaga sa mga anito upang magabayan sila sa lahat ng mga gawain sa lupa. Dito
nakasalalay ang mataas na antas ng espiritwalidad na sinasalukan ng malalim na
pakikipag-ugnayan ng tao sa kalikasan, gayundin ng tao sa kanyang angkan at
kanunununuan (Boxer Codex 1590, 393; Magannon 1972, 175-177).

215 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Sumapit ang kolonyalismo subalit hindi kailanman nawala ang mapang-ugnay na


kamalayang ito. Kung kaya’t sa halip na iwaksi o tutulan ang mga impluwensyang mula
sa labas, hinihiram ito, o higit pa rito, inaangkin at ginagawang sariling atin. Isa na riyan
ang Katolisismo na bagama’t niyakap ng maraming Pilipino ay patuloy pa ring
nakikipagsalimbayan sa mga katutubong paniniwala gaya ng pamahiin, anting-anting,
atang (ng mga Iloko), at marami pang iba (Rafael 1988; Pertierra 1988). Anupa’t sa
mundo ng mga karaniwang tao, nalulusaw ang inaakalang hangganan ng mga bagay-
bagay. Napuna rin nina Reynaldo Ileto (1979) at Francis Gealogo (2010) ang paghahalo ng
diumano’y mga idiomang “nasyonalista” at “relihiyoso” ng mga kilusang relihiyoso-
politikal sa pananaw ng mga karaniwang tao noong siglo 19 hanggang unang bahagi ng
siglo 20. Patunay lamang ito na sa popular na kamalayan, walang patid at napag-ugnay-
ugnay ang mga paghihimagsik ng Cofradia de San Jose ni Hermano Pule (1841), ng
Katipunan ni Andres Bonifacio (1896), at ang pagkakatatag ng Republika ng Katagalugan
ni Macario Sakay (1902).

Maging sa larangan ng wika, makikita ang mapang-ugnay na tendensiyang ito na


nagbibigay-daan sa malikhaing pag-aangkin ng mga salitang hiram. Halimbawa, ang
salitang “saklolo” na galing sa Kastilang “socorro,” ang “silya” mula sa “la silla,” “bintana”
mula sa “la ventana,” “titser” mula sa Ingles na “teacher,” “dyip” mula “jeep,” at marami
pang iba. Sa isinagawang leksikal na elaborasyon bunsod ng panghihiram, makikita ang
kaluwagan, gayundin ang pleksibilidad ng mga Pilipino. Kung kaya’t may salita tayong
“ubra” o “pag-ubrahin” na nagpapahiwatig ng paggagalugad ng sanlibo’t sanlaksang
posibilidad, ng pag-igpaw sa mga hangganan. Malikot at malaro ang ating wika kung
kaya’t mahilig tayo sa mga “pun.” Ginamit, halimbawa, ang “From Russia with love” bilang
ngalan ng botikang nag-aalok daw ng serbisyong may pag-ibig, kung kaya: “Farmacia with
love.” Ang tatak “INTEL,” hindi lamang pangkompyuter kundi makikita rin sa t-shirt ng
mga taong “INUTEL.” Madarama rin sa maligoy na pahayag at usapan ang pagsusumikap
na hindi makasakit ng damdamin ng kausap. Lumulusot, lumiliku-liko ang imahinasyon
at wika ng Pinoy sa kung saan-saan at napagdurugtung-dugtong ang ano pa man, siyang-
siya ng daloy ng katubigan na isang mapagpasyang elemento sa paninirahan sa kapuluan.

Maging sa estruktura ng mga pangungusap, mahihiwatigan ang katangiang mapang-


ugnay. “Umuulan” sa Tagalog, “Agtudtudu” sa Iloko, “Nagauran” sa Waray, at “Phagoran”
naman sa wikang Mëranaw. Sa isang salita, nasasapul ang kabuuan ng diwa. Ibang iba sa
salin nito sa Ingles na “It is raining” kung saan magkahiwalay ang simuno (agent, sa
kasong ito ang “it”) at panaguri (“is raining”). Napuna ni Felipe de Leon, Jr. (2014),
kasalukuyang tagapangulo ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) ang
aniya’y pagiging “highly relational” ng mga wika natin batay sa dami ng mga panlapi
(unlapi, gitlapi, at hulapi). Pansinin natin ang salitang-ugat na “kain,” nagbabagu-bago
ito depende sa pokus at gamit. Kaya maaari itong maging kinain, kumain, ikinain, ikain,
pinagkainan, ipinangkain, pagkain, o dili kaya’y kakanin. Komplikado sa unang tingin,

216 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

subalit sa dami ng posibilidad at antas ng komplikasyon naipahihiwatig ang isang


maluwag, malawak, at mapang-ugnay na pananaw sa mga bagay-bagay.

May maaapuhap ding ekspresyon ng nasabing kamalayan sa antas ng ugnayang


interpersonal. Siniyasat ni Virgilio Enriquez (1978) ang “kapwa” bilang isang ubod (core)
na konsepto sa panlipunang sikolohiya ng mga Pilipino at napagtanto niyang ito pala’y
“ibinahaging sarili” (“shared self”) sapagkat higit na naitatampok ang kaisahan ng sarili at
iba. Maiuugnay rin ito sa katutubong konsepto ng pinagbubuklod na loob at labas, ng
kaluluwa at katawan, upang kamtin ang ginhawa (Jose at Navarro 2004). Pinuna rin ni
Melba Maggay (2002, 1-45) sa kanyang pag-aaral sa komunikasyong interpersonal ng mga
Pilipino, ang kawalan ng malinaw na hati sa pagitan ng larangang “pribado” at “publiko.”
Aniya, higit na matimbang ang konsepto ng loob at labas at ang pagtatalaban ng mga
espasyong ito bilang batayan ng ating pakikipag-ugnayan. Mula sa ganitong
konseptuwalisasyon, mauunawaan kung bakit mayaman ang ating bokabularyo sa mga
salitang nilalapian ng “pakiki.” Nariyan ang “pakikibagay,” “pakikiangkop,” “pakikisama,”
“pakikitungo,” “pakikisalamuha,” “pakikipag-ugnayan,” “pakikiisa,” at “pakikipagkapwa”—
mga salita at konsepto itong nagpapahiwatig ng napakaraming antas ng ugnayan ng mga
tao at nagsisilbing pananda (marker) ng pagsasaalang-alang ng sarili sa iba. Malikhain
din itong kaparaanan ng pagdurugtong ng “loob” at “labas.” Sa maya’t mayang pagsuong
at pag-igpaw sa samu’t saring hamon ng kapaligiran sa kapuluan, gaya ng baha, lindol,
pagputok ng bulkan, bagyo, at iba pa, hindi kataka-takang makapagluwal ang ating
kultura ng mga salitang nagpapahalaga sa diwa ng samahan. Sapagkat ito ang
sinasandigan sa mga sandali ng kawalang-katiyakan kung kaya’t may “malasakit,”
“damayan,” “tulungan,” “lakaran,” “bayanihan,” at “kapatiran.” At mula sa salitang
“kapatiran” tahasang mauulinigan ang pagkakaroon ng isang napakapersonal na
ugnayang dumadaloy sa talinghaga ng “may iisang ina”—ang pinakamakapangyarihang
batayan ng pagkakaugnay-ugnay.

Sa bisa ng ina lahat ay likas na magkakapatid at magkakaugnay. “Kakabsat,” “utol”


(pinaigsing “kaputol”) o “kapatid” ang katawagang kumikilala sa isang matalik na
ugnayang nakabatay sa dugo bunsod ng iisang sinapupunang pinagmulan. Subalit sa
katutubong kalinangan, may mga ritwal ng kasunduang nagpapahintulot sa kapatiran
kahit na di-likas (o biolohikal) ang batayan. May ritwal ng sanduguan, halimbawa, ang
mga Tagalog, na maitutumbas sa pechen ng mga Bontok, bodong/vochong ng Kalinga,
pakang ng mga Manobo, dyandi at kandugo ng ilang grupong Muslim sa Mindanao.
Bukod sa pagwawakas ng hidwaan, napalalawak din ng mga nasabing kasunduang
pangkapayapaan ang saklaw ng kamag-anakan. Sa mga problemang dulot, halimbawa, ng
mga kalamidad sa kapuluan, o di kaya’y ng mga digmaan, walang ibang kagyat na
kinakapitan kundi ang bigkis ng mag-anak o kamag-anakan. Sa labis na pagpapahalagang
ito sa pagkakaugnay-ugnay sa diwa ng mag-anak nakakawing din ang labis na
pagpapahalaga sa inang nagluluwal ng anak. Bilang tagapagluwal ng mga “anak ng

217 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

bayan” o ng mga mandirigmang nagtatanggol sa bayan (Barton 1938), sinasabing direkta


nang nakaugnay ang babae sa bayan (Abrera 1993; Salazar 1996; Rodriguez 1999). Kung
gayon, nakapaloob sa bigkis na ito ng ina at anak ang diwa ng “kabuuan” sa mga
sinaunang pamayanan.

Bilang inang susi sa pagpapatuloy ng lahi, binibigyan ang kababaihan ng mataas na


pagkilala sa katutubong lipunan. At naisasalin ito sa mataas na katungkulang
pampubliko, i.e., ang pagiging pari o lider-panrelihiyon. Kababaihan ang karaniwan at
karamihan sa inaatasan ng napakahalagang tungkuling ito na kilala sa iba’t ibang
katawagang “babaylan,” “balyan,” “balian,” “katalonan,” “mambunong,” at iba pa.
Pinaniniwalaang tagapamagitan sa daigdig ng tao at mga espiritu (ng ninuno at
kalikasan) o kabatlayaan, napakaimportante ng kanilang papel kapwa sa materyal at di-
materyal na eksistensya ng mga katutubo. Bagaman may lalaking pari, tinatawag naman
silang “asog” (lalaking babaylan) pero kilos-itsura-at-astang babae (Alcina 1668, 212).
Kung kaya’t napagtanto ni Maria Milagros Geremia-Lachica (1996, 55) na maaaring
ipakahulugan ang “babaylan” bilang “babayi lang” (“babae lang”), ibig sabihin, ekslusibo
ito sa babae. Iniuugnay ni Geremia-Lachica ang maypagkaeksklusibong kapangyarihan
ng kababaihan sa larang ng relihiyon sa kanilang biolohikal na kakayanang manganak
(Geremia-Lachica 1996, 57-58). Taglay ng babae, diumano, ang sinapupunang
inaangklahan ng gampaning magbigay at mag-aruga ng buhay (“life-giver-nurturer”).
Kung kaya’t tuwiran din siyang iniuugnay sa “Inang Kalikasan” na may kaparis ding
tungkulin at kakayanan. Dahil dito, pinaniniwalaang may angking kakayanan ang babae
na maunawa ang mga misteryo ng kalikasang nakaaapekto o di kaya’y bumabalangkas sa
buhay-komunidad ng mga tao. At bilang babaylan, kababaihan ang taga-interprete ng
galaw ng kalikasan. Mula sa usapin ng panganganak, pagpapagaling sa maysakit, mga
gawaing politikal (gaya ng pakikidigma), kabuhayan hanggang kamatayan, sila ang
kinokonsulta ng mamamayan. Sa pagsasagawa ng samu’t saring ritwal para sa iba’t ibang
gawaing panlipunan, tangan nila ang mga kaalaman, ang kawing-kawing na salaysay ng
lipi. Samakatwid, hindi lamang kapaniwalaan o relihiyon per se ang saklaw ng kanilang
kapangyarihan. Kung tutuusin, panlipunan at pangkalinangan din, sa madaling sabi,
pangkabuuan. Kung kaya’t itinuturing silang “haligi ng sinaunang lipunan” kasama ng
datu, bagani, at panday (Mangahas 1995, 16-18; Salazar 1999, 52-72; Rodriguez 1999, 16-17).

Naimortalisa ang di-matatawarang halaga ng babae sa sinaunang lipunan sa ilang anyo ng


katutubong sining. Nariyan, halimbawa, ang pagtatatu. Ayon sa etnograpiyang Español,
tinatatatuan ang mga taong kinikilala sa kanilang kahusayan, galing, at mahalagang papel
na ginagampanan (Villan 2009). Mauulinigan din sa mga panitikang bayan ang
pagpapahalaga sa kababaihan. Sa alamat ng mga unang tao sa kapuluan gaya ng “Sicalac
at Sicavay” ng Hiligaynon, o “Si Malakas at si Maganda” ng Tagalog, magkasabay na
lumabas sa buho ng kawayan, at sa gayo’y magkapantay ang lalaki at babae. Taliwas ito
sa kuwento sa Bibliya kung saan hinugot lamang si Eba mula sa tadyang ni Adan at sa

218 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

gayo’y tinitingnang mas mababa. Sa Ulaging (epiko) ng mga Talaandig ng Bukidnon,


inilalarawan ang Nalandangan bilang kanlungan ng “kapayapaan at katiwasayan.” Isa sa
mga sandigan nito, diumano, ay ang magkasama at magkapantay na pamumuno ng babae
at lalaki. Bukod kay Agyu na kanilang bayani, mahalaga sina Napagtayagsang Bulan
(kapantay ng buwan), ang asawa ni Agyu at Yambunganen (na kilala rin bilang Pigsayo o
Matabagka), ang kapatid na babae ni Agyu na namumuno sa kababaihan at kasa-kasama
niya sa mga labanan (Unabia 2000 at Saway 2003, sinipi sa Villaluz 2014, 3-4). Sa mga
sandaling nasa panganib ang bayani ng epiko, may kuwento ring kababaihan ang
nagliligtas sa kanila. Sa isang bersyon ng Hinilawod ng mga Panayan-on (Bukidnon ng
Panay), maalaalang sina Anggoy Ginbitinan at Abyang Doronoon (ang unang dalawang
asawa ni Labaw Donggon) ang nagritwal upang mapanumbalik ang kanyang lakas
matapos ang matinding pakikipaglaban sa higanteng si Saragnayan (Jocano 1964; Eugenio
2001). Pinatutunayan din ni Yambunganen ang pagkakaroon ng babaeng mandirigma sa
sinaunang lipunan. Hindi lamang siya matapang, higit sa lahat, mabuti ang kanyang
kaloobang kumikilala sa katwiran at katarungan, maging sa harap ng mga kaaway.
Gayundin naman, siya rin ang pumapayapa sa kalooban at nagpapalakas ng loob ni Agyu
sa oras ng kagipitan (Castro et al. 1984). Sa kabila ng obserbasyong may umiiral ding
seksistang pananaw laban sa mga kababaihan ng sinaunang lipunan (Vinzons at Jose
2013), inaalingawngaw pa rin ng mga nasabing babaeng tauhan sa epiko ang pagkilala sa
di-mapasusubalian nilang kabayanihan at kapangyarihan. Hanggang ngayon, saksi ang
banwang Talaandig ng Sungko, Lantapan, Bukidnon sa patuloy na pag-iral ng mga
makabagong Yambunganen sa katauhan ng kanilang mga “bae/bai” (lider na babae).
Tinatawag din silang “Inay” sa kanilang papel bilang tagapag-ingat ng kapayapaan sa
komunidad (Villaluz 2014).

Singhalaga ng babae ang bigkis ng ina at anak sa katutubong panitikan. Matutunghayan


din ito, halimbawa, sa epikong Hudhud hi Aliguyon sa kaso ni Aliguyon at ng kanyang
inang si Dumulao, at ni Pumbakhayon at ng ina niyang si Dangunay; gayundin sa Biag ni
Lam-ang sa ugnayan ni Lam-ang at ng kanyang inang si Namongan (Daguio 1954; Castro
et al. 1984; at Eugenio 2001). Sa Hinilawod naman, si Anggoy Alunsina ang inang
sumaklolo sa kanyang mga apong sina Asu Mangga at Baranugun upang mailigtas ang
kanilang amang si Labaw Donggon mula sa higanteng si Saragnayan (Jocano 1964; Castro
et al. 1984; at Eugenio 2001). Nagsisilbi ring tagapayo ni Agyu ang kanyang inang si
Undayag Daan Bai (Saway 2003, 30).

Masasabing malalim ang bigkis ng ina at anak sa kamalayan ng mga Pilipino sa simula pa
man, kung kaya’t inunawa, tinangkilik, at sa proseso’y natanggap natin ang kolonyal na
teksto ng Pasyon ni Hesukristo. Humalili sa katutubong anyo ng panulaan gaya ng epiko
(Mabanglo 2000, 24), batbat ang Pasyon ng napakaraming imaheng umapila sa
katutubong sensibilidad. Pangunahin na rito ang imahen ng Banal na Pamilya bilang
modelo ng pagkakaisa at solidaridad. At nagsasanga sa imahen ng pamilya ang mga

219 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

imahen ng kapatiran, lalo na ang madamdaming ugnayang ina-anak, sa pagkakataong ito,


nina Birheng Maria at Hesus (Ileto 1979, 34-36). Nakita rin umano ito, halimbawa, sa
panulaang Tagalog noong siglo 18 (Apendise 1A ng Lumbera 1968). Kung kaya’t di kataka-
talang naipasok din ng mga Pilipino ang Kristiyanong imahen nina Maria at Hesus bilang
“banal na sagisag” ng Inang Bayan at mga anak ng bayan sa diskurso ng Himagsikan at
kalayaan pagsapit ng siglo 19. Ito ang tahasang winiwika ng isa sa mga pinakamalaganap
na tekstong relihiyoso ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), ang novenario ng Balintawak
na pinamagatang “Pagsisiyam sa Virgen sa Balintawak – Ang Virgen sa Balintawak ay ang
Inang Bayan” (Aglipay 1925, sinipi sa Gealogo 2010, 150). Sang-ayon kay Gregorio Aglipay,
tagapagtatag ng IFI, ibinatay ang bisyon sa Virgen sa Balintawak sa kuwento tungkol sa
isang panaginip nang makatulog sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at iba pang kasapi
ng Katipunan sa bahay ni Tandang Sora. Diumano, nagpakita sa isa sa kanila ang Birheng
nakasuot ng balintawak (kasuotang pesante), akay-akay ang Sto. Niñong sa halip na
globo, ay kumikinang na tabak ang hawak at sumisigaw ng “Kalayaan! Kalayaan!” (Aglipay
1925, sinipi sa Gealogo 2010, 150). Dagdag pa ni Aglipay, “pamaya’t mayang ipinaaalala ng
Ina ng Balintawak sa inyo ang banal at di-matatakasan ninyong tungkuling magpunyagi
para sa inaasam nating Kalayaan; at siya ang sagradong imahen ng ating bayan” (Aglipay
1926, sinipi sa Gealogo 2010, 150) (akin ang malayang salin). Matutunghayan dito ang
malikhain, ano pa’t radikal na pagsasakatutubo [o pagsasalin (Rafael 1988)] ng imahen at
tekstong kolonyal upang maging lunsaran at lunan din ng paggigiit ng katutubong
kalinangan. Posible lamang ito sa isang kamalayang kumikilala sa pagkakaugnay ng lahat
ng bagay maging ng magkakasalungat.

Samakatwid, ina o isang babae at hindi lalaki ang sagisag ng bayan bilang kabuuan sa
lipunan at kalinangang pinamamayanihan ng holistiko, ibig sabihin, mapang-ugnay,
mapagkupkop, at mapagtangkilik na pananaw sa daigdig. Bagaman sinasabing
dinominahan ng kolonyal at Kanluraning oryentasyon ang katutubong lipunan, hindi
totoong ganap na naglaho ang kamalayang bayan. Gaya ng mga Pilipinong pamaya’t
mayang sumusuong sa mga hamon ng panahon at kapaligiran, nahutok din ang
kakayanan ng kamalayang bayan sa pakikiangkop o pakikibagay pa nga, at sa huli’y pag-
aangkin ng mga elementong mula sa labas. Isa itong malikhaing paggigiit ng “Sarili”
laban sa mga banta ng “Iba.” Ang nangyari’y isang dinamikong pakikipagtagisan ng
kalinangan at kamalayang bayan sa kolonyal at dayong kultura. Sa kabila ng patriyarka at
machismong kakambal ng kolonyalismo, maya’t maya ring pumipitlag ang pagpapahalaga
sa “ina” at “babae” bilang metapora ng mas malawak na bagong kabuuan, ang Bayan
bilang bansang Pilipinas. Samakatwid, masasabing malaon nang nasa kamalayan,
halagahin, at wika ng bayan ang pagdadalumat sa kabuuan bilang ina. Subalit tahasan
itong isinatinig at isinatitik ng mga bayani nating nakibaka hindi lamang para sa politikal
na independensiya, kundi lalo’t higit para sa kalayaan at kasarinlan. At isa na sa mga
bayaning ito si Andres Bonifacio.

220 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

“INANG BAYAN” SA MGA TEKSTO AT KONTEKSTO NI BONIFACIO

Na nakaugat sa kalinangan at kasaysayan ng bayan (Salazar 1997, 39) at panitikang bayan


(Almario 1993, 2) ang kaisipan ni Andres Bonifacio—giit ito ng ilang Pilipinong iskolar
upang pabulaanan ang mga paratang ng ibang historyador at kritiko (e.g. James Le Roy,
Teodoro Agoncillo, Teodoro Kalaw, Nick Joaquin) na walang orihinalidad ang ideolohiya
ng himagsikan ni Andres Bonifacio. Dahop man ang mga dokumentong pangkasaysayan
sa mga datos tungkol sa buhay ng Supremo, maaasahan pa rin ang kanyang mga pag-
aakda1 upang mahalungkat ang ilang tinabunang katotohanan hinggil sa kanyang mga
kaisipan. At kung nakaugat sa bayan, hindi kataka-takang dumaloy rin sa kanyang mga
panulat ang katutubong pagdadalumat sa kabuuan kaugnay ng babae at ina.

Kagyat na matutunghayan ang artikulasyon ni Andres Bonifacio hinggil sa “Inang Bayan”


sa nabuong patulang sagutan sa pagitan nila nina Hermenegildo Flores at Marcelo H. del
Pilar. Serye ito ng pagkathang nakabalangkas sa katutubong tradisyon ng panitikang
pabigkas sa Pilipinas, gaya halimbawa ng duplo, soliranin, dalit, at talingdao na pawang
nilalahukan ng dalawa o higit pang mambibigkas/mang-aawit na nagsasagutan. Taong
1888 nang kathain ni Flores ang “Hibik nang Pilipinas sa Ynang España” na tinugunan
naman ni Plaridel ng “Sagot ng España sa Pilipinas” noong 1889 at tinapos naman ni
Andres Bonifacio nang kathain niya ang “Katapusang Hibik ng Pilipinas” noong 1896.
Sang-ayon kay Ruth Elynia Mabanglo (2000), kumakatawan ang mga ito sa “trilogy of
poems” na naglalaman ng mga batayang sentimyentong politikal mula repormismo
tungong separatismo. Mapapansing maging ang mga repormistang diumano’y
“naimpluwensyahan” ng mga kaisipang liberal sa Europa, ay sumandig din sa popular na
imahen ng ugnayang ina-anak. Gayumpaman, sadyang mahalaga ang akda ni Andres
Bonifacio, ani Mabanglo, bilang “sukdulang yugto” (“climactic moment”) ng post-iskrip na
ito sa kasaysayan ng panulaang Tagalog noong siglo 19 sa Pilipinas (Mabanglo 2000, 28,
30). Kung kaya’t iginigiit ni Virgilio Almario (1993) na nakapaloob sa mahaba nang
tradisyon ng panitikang bayan ang mga akda ni Andres Bonifacio. Interesanteng
tunghayan, paano nga ba pumaloob o napaloob si Andres Bonifacio sa panitikang bayan?

Kalabisan nang sabihing bahagi si Andres Bonifacio ng bayan, at sa gayo’y likas nang
nakapaloob sa tradisyon nito. Gayumpaman, minarapat pa rin niyang makipag-usap sa
bayan upang mabisang maisakatuparan ang proyekto ng pagkilos at pagpapakilos. Wika
nga ni Ileto (1979), kailangang pasukin ang daigdig ng pagpapakahulugan ng taumbayan,
doon sila kapanayamin kung ang kanilang pagkilos ay nais unawain. Sa ganang ito,
kinasangkapan ni Andres Bonifacio, sampu ng iba pang kasamahan, ang isa sa
pinakamalapit na daluyan ng wika ng bayan, ang pasalitang tradisyon ng panitikan.
Inawit, binigkas, tinula, isinayaw, at isinadula ang mga kuwentong magiging lunsaran ng
kanilang hinaing at adhikain. Isa nga itong kabuuang pagtatanghal na direktang
umuugnay sa isip at damdamin ng mga “pobres y ignorantes,” ng mga di-nakababasa at

221 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

di-nakasusulat nang panahong iyon. Magugunitang naging aktibong kalahok si Andres


Bonifacio, sampu ng iba pang miyembro ng Katipunan (gaya nina Jacinto, mga tunay na
kapatid na Ciriaco at Procopio Bonifacio, at Sakay) sa mga popular na pagtatanghal gaya
ng moro-moro o komedya at senakulo. Sa pamamagitan ng Teatro Provenir isinulong nila
(kasama ng makabayang manunulat na Aurelio Tolentino) ang isang uri ng pagtatanghal
na nagpunyaging magkaroon ng katuturan at saysay sa taumbayan. “Maypagasa” ang
ngalang panagisag ni Andres Bonifacio sa Katipunan, katono ng pangalang ibininyag nila
sa “Teatro Porvenir” o “Teatro ng Kinabukasan.” Sa pamamagitan ng paggamit ng mga
lokal na tauhan, tagpuan at paksa, kinalaban nila ang luma o tradisyunal na Teatro
Infantil na nagtatampok sa malalayong lupain, kaharian, at temang hiwalay sa realidad ng
bayan. Hindi mahirap isiping ang mayamang karanasan ni Andres Bonifacio sa teatro ang
nagpahintulot sa kanyang mahasa ang pagiging sensitibo sa sensibilidad ng madlang
pinagtatanghalan. Pandayan din ito ng wika at mga kaalamang bayan maging ng mga
kaakibat nitong lunggating mapagpalaya. Hanggang sa higit na malaking tanghalan na
ang kanyang kinilusan nang talikuran niya ang Teatro upang itatag ang Katipunan.

Bukod sa pagtatanghal, palagi siyang nagbabasa ng mga popular na akda gaya ng awit at
korido. Tampok sa mga ito ang Bernardo Carpio, Florante at Laura, at iba pang tulang
pabigkas gaya ng pasyon na nagtuturo ng mga aral hinggil sa tunay na pag-ibig, katwiran,
liwanag vs. dilim, kaginhawahan, at kalayaan. Hindi lamang pumasok si Andres Bonifacio
sa daigdig ng pagpapakahulugan ng taumbayan, kasama rin siyang lumikha nito. Sa
kanyang akdang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ginamit ni Andres Bonifacio
(1896a) ang mga dalumat ng “kasaganaan” at “kaginhawahan”—mga salitang
ipinanlarawan din sa paraiso sa Pasyon Pilapil—bilang mga katangian ng pre-Ispanikong
lipunan. Diumano, Tinagalog o isinakatutubo ni Andres Bonifacio ang mga pangalan ng
pook at tagpuan sa popular na awit na Bernardo Carpio (Masangkay 1947, sinipi sa
Agoncillo 1956, 70). Sa pagpasok sa popular na kamalayan, hindi lamang niya itinanghal
ang panitikang bayan, higit pa rito, kanya itong isinabuhay. Maaalalang noong Abril 1895,
umakyat sina Andres Bonifacio sampu ng kanyang mga kasamahan sa mga Bundok ng
Montalban at San Mateo, Morong (ngayon ay Rizal), upang maghanap umano ng
makakanlungan sa oras na pumutok ang himagsikan (Agoncillo 1956, 73). Nasumpungan
nila ang mga kuweba ng Makarok at Pamitinan na tinatawag ding “yungib ni Bernardo
Carpio” kung saan nagdaos sila ng ritwal. Isa ito umanong pagtawid sa talinghaga ng mga
leyenda ni Bernardo Carpio na tampok sa popular na awit (“metrical romance”) ng
Katagalugan noong siglo 19, ang Historia Famosa ni Bernardo Carpio (Ileto 1979, 132; Ileto
1998, 20). Totoong banyaga at kolonyal pa nga ang pinagmulan ng awit. Subalit kuwento
ito ng paghahanap ng sarili: ng kaakuhan at mga tunay na magulang (ina at ama), kung
kaya’t di-maiiwasang nagkaroon ito ng pitak sa kamalayan ng bayang naghahanap din ng
kasarinlan. Sa identipikasyon ng taumbayan sa bayaning si Bernardo Carpio, hinubdan
siya ng Español na pinagmulan upang angkinin bilang “Hari ng mga Tagalog” sa
kulturang popular na di-maglalao’y maiuugnay at magkakabisa sa pakikibaka para sa

222 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

ganap na kalayaan nang panahong iyon (Ileto 1998, 1-27, 36-42). Sa bisperas ng
Himagsikan, may lumaganap ding sabi-sabi na tinagpo ni Jose Rizal si Bernardo Carpio sa
Bundok Makiling upang bigyan ng tagubilin tungkol sa paghihimagsik laban sa España.
Muli, indikasyon ito ng pagkilos ng kamalayan ng bayan. At sumakay si Andres Bonifacio
sa pagkilos na ito.

Sa isang malapitang sipat at suri sa panitikang bayan sa kabila ng pag-aangkin ng mga


anyong banyaga, pinadadaloy pa rin ang mga tema at aral sa mga ugnayang napakalapit
sa puso ng bawa’t tao: ang mag-anak, mag-ina, at magkakapatid. Nariyan ang
paghahanap ng tunay na “layaw” o kaginhawahan sa piling ng tunay na ina at ama sa awit
ni Bernardo Carpio. Gayundin ang makapangyarihang bigkis ni Birheng Maria at
Hesukristo sa pasyon. Ang mga ugnayang ito ang nagsilbing pangunahing wika ng
pagpapalaya. Nanawagan din ang Katipunan sa pagpapanumbalik ng kaisahan ng tunay
na ina at anak ng bayan sa pamamagitan ng ritwal ng sanduguan. Kung kaya’t,
panunumpa ng katapatan at paglagda sa sariling dugo ang nagsilbing sentral na sagisag
upang maipaunawa sa mga kasapi kung gaano kadakila ang nasabing kapisanan at kung
gaano kahalaga ang mga kautusan ng pamunuang nakasandig sa gayong ugnayan (Ricarte
1927, 3). Sa ganang ito, natunghayan ang matatas na paggagap sa wika ng bayang labis na
nagpapahalaga sa mga ugnayan.

Bukod sa pagkapaloob ni Andres Bonifacio sa tradisyon ng panitikang bayan, na


nagtatampok sa papel at imahen ng ina sa lipunan, ano pa kaya ang maaaring humulma
sa matayog niyang pagpapahalaga sa kababaihan? Kulang man ang naisulat tungkol sa
Supremo, may mangilan-ngilang tala na kasisilipan ng ilang katotohanan. Una, mapapag-
alamang ang kanyang ina na si Catalina de Castro ay cabecilla, lider o puno ng isang
departamento sa pabrika ng tabako. Ibig sabihin, lumaki siya sa isang inang may sapat
na kakayanang manindigan. Ikalawa, katorse lamang si Andres nang maging isa ring ina
at ama ng mga naulilang kapatid na sina Ciriaco, Procopio, Espiridiona, Troadio at
Maxima. Tiyaga, sipag, at katapatan ang kanyang ipinuhunan sa paghahanap-buhay
maitaguyod lamang ang buong pamilya. Namasukan siya sa mga kompanyang dayuhan
(Fleming and Company noong una, pagkatapos ay Fressel and Company noong huli). At sa
mga oras na dapat sana’y ipagpapahinga na, nagtitinda pa rin siya ng mga ginawa nilang
abaniko at tungkod (Artigas y Cuerva 1917, 364-365; Cagingin 1922, 13-15; Agoncillo 1956,
69-70; Ventura 2001, 18). Ikatlo, sa salaysay ng karanasan ng kanyang kapatid na babaeng
si Espiridiona (“Nonay”) sa Katipunan, mahihinuha ang napakalapit nilang ugnayan. Si
“Nonay” ang naging tagapag-ingat ng bolo at baril ng kanyang kuya, maging ng iba pang
kagamitan sa pagsapi sa kilusan. At panghuli, hindi nga nagtagal, itinatag ang sangay
pangkababaihan ng Katipunan kung saan nahirang ang kanyang maybahay na si Gregoria
de Jesus bilang “Lakambini” na sang-ayon kay Jose P. Santos (1935b, 3) ay “ikinakapit
lamang sa mga Diyosa noong unang panahon.” Binigyan siya ng nasabing titulo hindi
lamang bilang asawa ng Supremo kundi bilang kanyang ganap na kabahagi sa lahat ng

223 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

pananagutan ng kilusan. Bagaman pangatlong asawa na ng Supremo (matapos mabalo


nang dalawang beses), si Oriang, ani Santos (1935b, 3), ang “siyang nakasama… sa
pamumundok at nakahati sa mga kahirapan…” ang naging “karamay-damay ni… Bonifacio
hanggang sa lalong malalaking kapanganiban…” Dagdag pa niya, hindi lamang siya
naging “Primera Dama” o “pangunang babae, gaya ng ibig ipakahulugan ng sagisag na
‘Lakambini’,” kundi gumanap ng mga susing tungkulin sa pagtataguyod ng laban sa iba’t
ibang kaparaanan. Higit siyang nakilala bilang si “Ka Oriang” (at nagtago sa ngalang
Manuela Gonzaga) na nakidigma sa parang at mga bundukin, nag-ingat ng mga lihim ng
himagsikan, nagtago ng mahahalagang kasulatan, naging ingat-yaman, nagpakain ng mga
maysakit, nag-aruga ng mga sugatan. Dahil sa labis na pagpipitaganan, nabanggit tuloy
ni Santos na siya’y “dapat kilalaning ‘Ina ng Himagsikan’” gaya ng ipinanukala nina
Artemio Ricarte at Pantaleon Garcia (De Jesus 1928, 7).

Mahalagang malamang bago pa man naging kasapi si Oriang naitatag na ang sangay
pangkababaihan sa Katipunan (Cruz 1989, sinipi sa Quindoza-Santiago 1992, 13). Tanda
ito ng malay na pagkilala ng Supremo, sampu ng buong kilusan, sa magkapantay at sa
gayo’y magkatuwang na gampanin ng babae at lalaki sa napakatayog at “banal” na
pakikibaka para sa ganap na kasarinlan. Matutunghayan ang ganitong pagtingin sa
testimonya mismo ni Oriang. Aniya, “…inianib ako sa katipunan sa ilalim ng sagisag o
simbolikong Lakambini, upang ganapin ko at tuparin ang kanyang banal na palatuntunan
at simulain” (De Jesus 1928, 13) (akin ang diin). Wala na nga marahil babanal pa sa
tungkuling tahasang pinag-aalayan ng buhay. Taliwas sa sabi-sabi, lubhang mahalaga at
kung tutuusi’y napakadelikado ng mga gawaing iniatas sa kababaihan sa kilusan.
Kadalasan, sila ang gumagawa ng mga kontra-paniniktik (counter-espionage) kung saan
nakasalalay ang ikapagtatagumpay ng laban (Paular at de Viana 1993, 63). Tinatanuran ng
kalalakihan ang lugar na pinagdarausan ng ritwal ng pagsapi subalit sa superbisyon pa rin
ng isang babae. Sadya ngang masaklaw at malalim ang papel ng kababaihan sa
himagsikan (Rodriguez 1999)—na labis namang pinahalagahan ng Supremo.

Sa kanilang usapan ni Emilio Aguinaldo matapos ang unang tangkang pagsalakay, pinuri
ng Supremo kapwa ang kalalakihan at kababaihan sa Maynila na sumapi sa rebolusyon.
Pinapurihan din niya sa pagkakataong iyon si Melchora Aquino o Tandang Sora na
nagpakain ng maraming Katipunero. Maging sa mga lihaman nila ng matalik na
kaibigang si Jacinto, kapansin-pansin ang palagiang pagbanggit ni Andres Bonifacio sa ina
ng huli—nagpapahiwatig ng matamang pagtugaygay niya sa ina ng kaibigan upang
payapain ang kalooban nito (Apendise I ng Agoncillo 1956). Sa kanyang mga kasamahan,
sinugpo ni Andres Bonifacio ang pambababae kasama ng iba pang bisyong gaya ng sugal,
paglalasing, katamaran, gayundin ang pagmamaltrato sa asawa (Del Rosario 1908, sinipi
sa Ventura 2001, 39; De Jesus, 1932, 18-19). Pira-pirasong tala itong kapag pinagdugtung-
dugtong ay makabubuo ng larawan ng isang pinunong may masidhing malasakit sa

224 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

kababaihan, anuman ang sirkumstansya. At maiimortalisa ang nasabing pagpapahalaga


sa kanyang mga akdang nagtatanghal sa talaban ng babae at bayan, ng ina at Bayan.

Balikan natin ang konteksto ng “Katapusang Hibik ng Pilipinas” (Bonifacio 1896c). Noong
1888, sinulat ni Hermenegildo Flores, ang Bulakenyong makata (na nang malauna’y
namuno ng himagsikan sa Marinduque) ang “Hibik nang Pilipinas sa Ynang España.”
Litanya ito ng mga pasakit na natamo sa mga diumano’y katiwalang prayle, isa itong
sumbong at panawagan ng kaawa-awang anak (Pilipinas) sa Inang España. Sa Europa
noong 1889, kinatha naman ni Plaridel ang “Sagot nang España sa Hibik nang Pilipinas.”
Pahayag ito ng habag ng Ina sa anak subalit dahil sa mga katiwaliang ginawa ng mga
prayle sa Europa, hindi umano kaya ng España na saklolohan at lingapin ang anak.
Ipinapaubaya na niya sa anak ang sariling pagpapasya para sa kanyang kaligtasan o
patuloy na pagkaalipin. Muling pinagsalita ni Andres Bonifacio ang Pilipinas sa kanyang
itinugong tulang “Katapusang Hibik ng Pilipinas” (1896c) na kasamang nailimbag sa una
at huling isyu ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan. Sa tulang ito, dalawang
mahahalagang pagkilos ang iminumungkahi ng may-akda: una, itakwil ang ina-inahang
“pabaya’t sukaban” at ikalawa, ipaglaban ang sariling kalayaan. Upang bigyang-katwiran
ang pagtatakwil ipinamumukha ng tula ang kawalang-malasakit ng huwad na ina:

Wala nang namana itong Pilipinas


na layaw sa Ina kundi nga ang hirap
tiis ay pasulong, patente’y nagkalat
recargo’t impuesto’y nagsalasalabat.

Ikaw nga oh Inang pabaya’t sukaban


kami di na iyo saan man humanggan,
ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
sa mawawakawak na maraming bangkay (Bonifacio 1896c).

Walang ibang paraan kung hindi isang malupit na paghihimagsik ang siyang
magwawakas sa lumang ugnayan. Madarama ito sa mga salitang “sasabog,” “barilan,”
“kanyon,” “kulog,” “sigwa,” “dugong aagos,” at “bala.” Tunghayan:

Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog


ang barila’t kanyon katulad ay kulog
ang sigwang masasal sa dugong aagos
ng kanilang bala na nagpapamook (Bonifacio 1896c).

225 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Ang himagsikan ang enerhiyang magpapalaya sa bayan. Kung tutuusin, tinig ito ng
bayang Pilipinas bilang anak na pinabayaan at ngayo’y nakahandang talikuran ang
kasinungalingan at tapusin ang kaalipinan:

Di na kailangan sa Espanya ang awa


na mga tagalog oh! inang kuhila
paraiso namin ang kami mapuksa
langit mo naman kung kami madusta.

Paalam na, Ina, itong Pilipinas,


paalam na, Ina, itong nasa hirap,
paalam, paalam, Inang walang habag,
paalam na ngayon, katapusang tawag (Bonifacio 1896c).

Subalit hindi sa pagtatakwil natatapos ang lahat. Karugtong ng pagsira sa lumang


ugnayan ay ang pagbuo ng bago, ng pagtatakwil sa ina-inahan, at ang pagkilala sa tunay
na ina, na wala’t dili iba kundi ang sariling bayang tinubuan. Ito ang mensaheng
itinatampok sa tulang pinamagatang “Pagibig sa Tinubuang Bayan” (Bonifacio 1896f).
Ang pag-ibig na ito, anang tula, ang siya nang “pinaka.” Tunghayan ang sumusunod na
sipi:

Alin pag ibig pa ang hihigit kaya


sa pagka dalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
alin pag-ibig pa? wala na nga, wala (Bonifacio 1896f).

Bakit sukdulan ang nasabing pag-ibig? Sapagkat ang bayan ang siyang pinagkakautangan
ng buhay at kamulatan, ang pinanggagalingan ng lakas at ginhawa.

Ay! ito’y ang Ynang bayang tinubuan


siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbigay init sa lunong katawan.

Sa kania’y utang ang unang pagtanggap


ng simuy ng hanging nagbibigay lunas
sa inis na puso na sisingapsingap
sa balong malalim ng siphayo’t hirap (Bonifacio 1896f).

Kung kaya, siya rin ang dapat pag-alayan ng mga sakripisyo at pagpupunyagi sa buhay, ng
mismong buhay:

226 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Pati ng magdusa’t sampung kamatayan


wari ay masarap kung dahil sa Bayan
at lalung maghirap, oh! himalang bagay,
lalung pag-irog pa ang sa kaniay alay (Bonifacio 1896f).

Higit na malawak na kabuaan ang “pamilyang” inaangklahan ni Inang Bayan. Kung kaya’t
masidhing sakripisyo ang kailangan, mangahulugan man ito ng pagtalikod sa kagyat na
pamilyang kinabibilangan.

Kung ang bayang ito’y nasasa panganib


at sia ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niay tatalikdang pilit (Bonifacio 1896f).

Lalo pang tumitibay ang pag-ibig na ito sa Inang Bayan dahil kahugpong nito ay ang pag-
ibig sa kapwa at Maykapal. Ani Andres Bonifacio sa kanyang “Katungkulang Gagawin ng
mga Z. LI. B.” (Anak ng Bayan):

Gunamgunamin sa sarili tuina


na ang matapat na pagsampalataya sa Kanya
ay ang pag-ibig sa lupang tinubuan
sapagka’t ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa.

…ang hangad ng bayan ay hangad din Niya (Bonifacio 1896e).

Isinakay rin niya sa imahen ng babae ang adhikain ng Katipunan. Tunghayan ang
ikalimang tagubilin sa nasabi pa ring akda:

Paingat ingatan gaya ng puri ang mga bilin at balak ng K.K.K. (Bonifacio
1896e).

Malay rin si Andres Bonifacio sa mataas na katayuan ng babae sa sinaunang lipunan.


Aniya sa unang bahagi ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”:

Ytong Katagalugan na pinamamahalaan ng unang panahon ng ating tunay


na mga kababayan, niyaong hindi pa tumutungtong… ang mga Kastila ay
nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaguinhawahan… bata’t matanda at
sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat
nating mga Tagalog (Bonifacio 1896a).

227 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Dalawang mahahalagang katotohanan ang ipinapaunawa sa atin ng mga nabanggit na


linya. Una, masasabing “edukado” o may sapat na pinag-aralan ayon sa sarili nating
pamantayan ang kababaihan bago dumating ang mga mananakop. At ikalawa, ang antas
na ito ng karunungan ng kababaihan ay isang batayan ng tinutukoy ng Supremong
“kasaganaan at kaguinhawahan” ng sinaunang lipunan.

Anupa’t malay rin siya sa talaban ng kalagayan ng babae at bayan. Kung kaya’t ang
babaeng nilapastangan ay nagiging metapora rin ng dinudustang bayan:

…isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan (Bonifacio


1896a).

Mauulinigan din ang ganitong tono sa pagtuligsa sa pambabastos sa kababaihan sa “Ang


mga Cazadores”:

Sa mga babae na matatagpuan


mga unang bati’y ang gawang mahalay
kamuntik man lamang di nagpipitagan
sa puring malinis na iniingatan (Bonifacio 1896b).

Sa lahat ng pandurusta sa babae, bata, matanda at sa bayan, lahat ng ito diumano ay


nangangailangan ng paghihiganti at matinding kaparusahan. Ito ang isa sa kanyang
panawagan sa “Katipunan Mararahas ng mga Anak ng Bayan.”

…Yaong pagpapasunong nito sa mga bata, yaong paglapastangan at


pagdungis sa kapurihan ng mga babae na di na pinakundanganan ang
kanilang kahinaan, yaong pagputol ng buhay ng mga matatanda… ay
humihingi ng isang masiglang paghihiganti at matinding kaparusahan
(Bonifacio 1896d).

May kaukulang parusa sa pambabababae kaakibat ng pagpapaunawa sa nagkasala ng


kautusan hinggil sa pagbibigay-galang sa kababaihan. Kung paglilimi-limiang mabuti,
mahihiwatigang ang pagpipitagan sa babae ay itinutumbas sa sarili. Sandigan pa nga ito
ng karangalan ng “anak ng bayan” gaya ng naipahayag sa mga tala ni Oriang:

Kung hindi mo gustong lapastanganin ang iyong Ina, asawa, at kapatid ay


nararapat na pakaingatan mo na gawin mo sa iba ito pagka’t sa ganyang
kaapihan ay maaari mong ipalit ang tatlo mong buhay. Kaya’t isaisip sa
tuwina na ang masama sa iyo ay hindi dapat gawin kailanman sa iba at sa
paraang iyan ay isa kayong marangal na maibibilang na anak ng bayan (De
Jesus 1928, 19).

228 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Ang lahat ng pakikihamok ay hindi lamang basta paghahasik ng poot sa kaaway, bagkus
ay pagkalinga bunga ng matimyas na pag-ibig sa bayan—na siyang huling hantungan ng
wagas na kaligayahan. Sa kanyang tulang “Tapunan ng Lingap,” mahihiwatigan ang
ganitong pananaw ng Supremo:

Aanhin ang yama’t mga kapurihang


tanawin ng tao at wikang mainam
kung mananatili ina nating Bayan
sa Kastilang ganid, Kastilang sungayan?

Kaya nga halina, mga kaibigan


Kami ay tulungang ibangon sa hukay
Ang inang nabulid sa kapighatian
Nang upang magkamit ng kaligayahan (Bonifacio 1896g).

Gayumpaman, hindi lamang isang pasibong imahen ang babae bilang “Inang Bayan” na
pinag-aalayan ng pakikibaka. Higit sa lahat, siya ang nagbibigay ng buhay, ang
nagsisilang ng mga anak na nagsisilbing mga kawal para sa kalayaan. Kung kaya, bilang
metapora ng bayan, ang ina ang espiritu o kapangyarihang nagpapakilos sa mga tao
upang lumaban at lumaya. Bukod sa tagapagluwal ng anak, ang kababaihan din ay “anak
ng bayan.” Kasama ang kababaihan sa tinutukoy na mga “taong duminig sa tinig ng inang
bayan… ang mga ‘anak ng Pilipinas’ na kumikilos para sa banal na adhika ng kalayaang
nakasalig sa katwiran” (De Jesus 1928, 14) (akin ang diin). Natunghayan ito, halimbawa,
nang bigyang-tinig ni Andres Bonifacio (1896c) ang mga “Anak ng Bayan” sa “Katapusang
Hibik.” Anupa’t sa malay at aktibong pakikilahok ng kababaihan bilang mga “Anak ng
Bayan” nagluwal din sila ng bagong kabuuan (Rodriguez 1999, 20). Isa itong
matalinghagang pagluluwal ng pagbabago na nagtatampok sa aktibong imahen ng ina.
Kung ano’t anuman, nagsasalimbayan, at nagtatalaban pa nga, ang mga dalumat ng ina at
anak sa pananaw ni Bonifacio sa kababaihan. Gayumpaman, may nais ipahiwatig ang
magkatalabang-dalumat ng ina-at-anak tungkol sa ideya ng “kabuuan.”

Itinatakda ng lohika ng kalikasan na kung may “ina” may “anak,” at vice versa,
at mayroon ding “ama,” samakatwid, ang diwa ng ganap na kaisahan ng pamilya. Kung
ating paglilimian, ang Katipunan at himagsikan ay isang proyektong pangmag-anak.
Malinaw ang mensaheng ito sa pagkilala, halimbawa, kina Bonifacio at Oriang bilang
“Ama” at “Ina ng Himagsikan,” gayundin naman sa pagpapatampok sa KKK bilang
samahan ng “mga Anak ng Bayan.” Mauulinigan din sa akda ng Supremo ang pananaw sa
mag-anak bilang salalayan ng integridad ng Bayan. Kung kaya’t sinasalamin ng pag-
alipusta sa mga kasapi ng mag-anak ang abang kalagayan ng Bayan. Karugtong ng
pagkasadlak sa “lubak ng kasamaan ng Bayan” ay ang malagim na larawan ng pagkasira
ng pamilya na matutunghayan sa sumusunod na linya:

229 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

…at kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang


naguiguing kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating
minamahal na anak, asawa at matandang magulang…

Ngayon wala ng maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon


lagui ng guinagambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing
at pananambitan bunton hininga at hinagpis ng makapal na ulila, balo’t
mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na
kastila; ngayon tayo’y malulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil
na buhay ng anak… (Bonifacio 1896a).

Sa lipunang nakasandig sa halaga ng mag-anak, wala nang titindi pa sa sakit na dulot ng


paglayo sa mga mahal sa buhay. Gayundin sa kaso ng inang inulila ng yumaong anak.

Para kay Bonifacio, magkakarugtong ang dangal (o “kapurihan”) ng bayan, lahi at angkan,
kung kaya kanya ring naipahayag:

Sa inyong pamimiyapis, mangyaring abutin ang kayo’y tanghaling bangkay


sa gitna ng parang ng pakikidigma; ngunit ito’y kapurihang maipamamana
sa ating Bayan, sa ating Lahi at sa Angkan (Bonifacio 1896d).

Bilang salitang-ugat ng “mag-anak,” ang “anak” ay makapangyarihang dalumat na


nagbibigay-saysay at bisa sa “ina,” gayundin sa “ama,” maging sa kabuuan. Subalit
nagkakaroon din lamang ng saysay at bisa ang “anak” sa konteksto ng papel na
ginagampanan nito sa “ina” at “ama.” Ibig sabihin, nakatuon sa papel o tungkulin sa isa’t
isa ang kahulugan ng mga katawagan. Walang nakahihigit na gampanin. Lahat ay may
aktibong papel na magkakakawing. Kung kaya, hindi dominasyon o pangingibabaw ng
babae ang umiiral sa dalumat ng “Inang Bayan” bilang kabuuan; bagkus ay ang
pagkakapantay-pantay at likas na pagkakaugnay-ugnay ng mga tungkulin ng bawa’t
bahagi. Ang diwang ito ng mag-anak bilang kabuuan ang pinananagutan ng dalumat ng
Inang Bayan. Ito rin ang wika ng pagsasabansang dinadaluyan ng holistiko at mapang-
ugnay na pananaw ng taumbayan.

PAGLALAGOM

May tatlong mahahalagang punto na naitampok sa papel na ito. Una, ang pagkilala ng
Katipunan sa bayan bilang ina ay may batayang pangkalinangan bunsod ng ugnayan ng
tao at ng kanyang kapaligirang pisikal. Ina o isang babae at hindi lalaki ang sagisag ng
bayan sa isang lipunan at kalinangang mapang-ugnay at mapagtangkilik, gaya ng lipunan
at kalinangang sumibol sa kapuluan. Ikalawa, nakaugat kung gayon, ang pagdadalumat

230 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

na ito ng “Inang Bayan” sa kamalayang bayan. Damang-dama sa dalumat na ito ang


holistikong pananaw sa daigdig ng mga naninirahan sa mapagkupkop na kapuluan. At
ikatlo, masusukat sa pagdadalumat ng “Inang Bayan” ang pinakamataas na pagkilala ni
Andres Bonifacio, sampu ng buong kilusan, sa kababaihan. Isinakay sa talinghaga ng
babae ang “kabuuan” o kabansaan sa bisa ng kapatiran. Inang Bayan ang dalumat na
nagpapalagay ng pag-iral ng kapatiran, damayan, at malasakit sa isa’t isa. Pag-ibig ang
dahilan kung bakit may kapatiran.

Nakaugat sa kalinangan/kamalayang bayan ang pananaw ni Andres Bonifacio sa


kababaihan bilang Bayang pinagkakautangan ng buhay, pinag-aalayan din ng buhay, at
huling hantungan ng mga sakripisyo at punyagi sa buhay. Gayundin naman, mababasa sa
pakikipag-ugnayan niya sa kanyang asawa, kapatid na babae, at iba pang kababaihan sa
kilusan ang lubos na pagkilala ni Andres Bonifacio sa makabuluhang pakikibahagi ng
kababaihan bilang mga “taganas na anak ng Bayan” o yaong “mga naghahandog ng buhay
sa pagtatanggol ng buhay ng lahat” (Jacinto, sinipi sa Santos 1935a, 39).

Sa pagdadalumat ng “Inang Bayan,” napatunayang hindi totoong inangkat ni Andres


Bonifacio ang ideyang rebolusyonaryo mula sa Europa o mula sa mga Propagandista.
Malinaw na salungat pa nga ito sa ideya ng “nasyong” nilikha ng elit (Salazar 1997, 45-46,
53). Sa dalumat ng “Inang Bayan,” isinulong ni Andres Bonifacio ang katutubong wika
tradisyon, at halagahin. Bilang “makina ng deskolonisasyon” (Almario 1993), ang mga
pag-aakdang ito ni Andres Bonifacio (sampu ng kay Jacinto) ay naging instrumento ng
paglaya mula sa kamalayan at kalinangang Kanluranin na siya ring nagbigay-daan sa
kolonyalismo, patriyarka, at machismo. Sa huli’t huli, masasabing ang usapin ng
pagpapalaya sa kolonyalismo ay hindi lamang usaping politikal, lalo’t higit, usapin din
itong pangkababaihan at pangkasarian na nakatahi sa ating kalinangan at kamalayan.

Talahuli
*
Unang binasa sa Ika-21 Pambansang Kumperensya ng mga Mag-aaral sa Kasaysayan; SANGKABABAIHAN:
Kababaihan sa Kasaysayan at Himagsikang Pilipino ng University of the Philippines (UP) Lipunang
Pangkasaysayan (LIKAS), Agosto 17, 2012, sa Bulwagang Tandang Sora, UP, Diliman, Quezon City,
Philippines at BONIFACIO@150: Pambansang Kumperensya para kay Andres Bonifacio; DANGAL at
KABAYANIHAN ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), Nobyembre 26, 2013, sa Ninoy Aquino
Library and Learning Resources Center, Bulwagang Balagtas, PUP, Sta. Mesa, Manila, Philippines. Nirebisa
para sa publikasyong ito.

1
Sa mga siniping akda sa artikulong ito, pinanatili ang mga orihinal na baybay at bantas na matatagpuan sa
mga aklat nina Jose P. Santos (1935b) at Teodoro Agoncillo at Silvino Epistola (1963). Matutunghayan
naman ang inedit na bersyon sa libro ni Virgilio Almario (1993).

231 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Sanggunian

Abrera, Ma. Bernadette L. 1993. Ang Babae sa Pahiwatig ng Sandugo. Papel na binasa sa
Ikatlong Pambansang Kumperensya ng Asosasyon ng mga Dalubhasa, May Hilig at
Interes sa Kasaysayan (ADHIKA) ng Pilipinas, Inc., Nobyembre 29-Disyembre 1, sa
University of the Philippines - Baguio.

Agoncillo, Teodoro. 1956. The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the
Katipunan. Quezon City: University of the Philippines Press.

Agoncillo, Teodoro at Silvino V. Epistola, mga pat. at tsln. 1963. The Writings and Trial of
Andres Bonifacio. Manila: Manila Bonifacio Centennial Commission in
cooperation with the University of the Philippines.

Alcina, Francisco Ignacio. 1668. Historia de las Islas de Bisayas, 1668 (History of the Island
and Indios of the Visayas); Part 1, Book 4. Tsln. Paul S. Lietz. Chicago: Philippine
Studies Program, Department of Anthropology, University of Chicago, 1960.

Almario, Virgilio S. 1993. Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at Katipunan


ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto. Quezon City: University of the Philippines
Press, 1997.

Artigas y Cuerva, Manuel. 1918. Galeria de Filipinos Ilustres; Tomo 2. Manila: Imprenta de
Gabino A. Pobre.

Barton, Roy Franklin. 1938. Philippine Pagans: The Autobiographies of Three Ifugaos.
London: Routledge.

Bonifacio, Andres. 1896a. Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog. Nasa Si Andres Bonifacio
at ang Himagsikan, may-akda Jose P. Santos, 6-7. Tarlak: Jose P. Santos, 1935.
Tingnan din ang The Writings and Trial of Andres Bonifacio, mga pat. at tsln.
Teodoro A. Agoncillo at Silvino V. Epistola, 68-69. Manila: Manila Bonifacio
Centennial Commission in cooperation with the University of the Philippines,
1963. Gayundin, tingnan ang Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at
Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario,
152-155. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.

Bonifacio, Andres. 1896b. Ang mga Cazadores. Nasa Si Andres Bonifacio at ang
Himagsikan, may-akda Jose P. Santos, 34. Tarlak: Jose P. Santos, 1935. Tingnan din
ang The Writings and Trial of Andres Bonifacio, mga pat. at tsln. Teodoro A.
Agoncillo at Silvino V. Epistola, 77. Manila: Manila Bonifacio Centennial

232 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Commission in cooperation with the University of the Philippines, 1963.


Gayundin, tingnan ang Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at
Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario,
140. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.

Bonifacio, Andres. 1896c. Katapusang Hibik ng Pilipinas. Nasa Si Andres Bonifacio at ang
Himagsikan, may-akda Jose P. Santos, 19-20. Tarlak: Jose P. Santos, 1935. Tingnan
din ang The Writings and Trial of Andres Bonifacio, mga pat. at tsln. Teodoro A.
Agoncillo at Silvino V. Epistola, 75-77. Manila: Manila Bonifacio Centennial
Commission in cooperation with the University of the Philippines, 1963.
Gayundin, tingnan ang Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at
Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario,
145-146. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.

Bonifacio, Andres. 1896d. Katipunan Mararahas ng mga Anak ng Bayan. Nasa Si Andres
Bonifacio at ang Himagsikan, may-akda Jose P. Santos, 21-22. Tarlak: Jose P.
Santos, 1935. Tingnan din ang The Writings and Trial of Andres Bonifacio, mga pat.
at tsln. Teodoro A. Agoncillo at Silvino V. Epistola, 70-71. Manila: Manila Bonifacio
Centennial Commission in cooperation with the University of the Philippines,
1963. Gayundin, tingnan ang Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at
Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario,
154-155. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.

Bonifacio, Andres. 1896e. Katungkulang Gagawin ng mga Z. LI. B. Nasa The Writings and
Trial of Andres Bonifacio, mga pat. at tsln. Teodoro A. Agoncillo at Silvino V.
Epistola, 67. Manila: Manila Bonifacio Centennial Commission in cooperation
with the University of the Philippines, 1963. Tingnan din ang Panitikan ng
Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at
Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario, 151. Quezon City: University of the
Philippines Press, 1997.

Bonifacio, Andres. 1896f. Pag-ibig sa Tinubuang Bayan. Nasa Si Andres Bonifacio at ang
Himagsikan, may-akda Jose P. Santos, 8-10. Tarlak: Jose P. Santos, 1935. Tingnan
din ang The Writings and Trial of Andres Bonifacio, mga pat. at tsln. Teodoro A.
Agoncillo at Silvino V. Epistola, 72-74. Manila: Manila Bonifacio Centennial
Commission in cooperation with the University of the Philippines, 1963.
Gayundin, tingnan ang Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at
Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario,
141-144. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.

233 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Bonifacio, Andres. 1896g. Tapunan ng Lingap. Nasa Si Andres Bonifacio at ang


Himagsikan, may-akda Jose P. Santos, 20-21. Tarlak: Jose P. Santos, 1935. Tingnan
din ang The Writings and Trial of Andres Bonifacio, mga pat. at tsln. Teodoro A.
Agoncillo at Silvino V. Epistola, 74-75. Manila: Manila Bonifacio Centennial
Commission in cooperation with the University of the Philippines, 1963.
Gayundin, tingnan ang Panitikan ng Rebolusyon(g 1896); Isang Paglingon at
Katipunan ng mga Akda nina Bonifacio at Jacinto, may-akda Virgilio S. Almario,
138-139. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997.

Boxer Codex. 1590. The Manners, Customs, and Beliefs of the Philippine Inhabitants of
Long Ago. Mga pat. at tsln. Carlos Quirino at Mauro Garcia. The Philippine
Journal of Science 87, blg. 4 (Disyembre 1958): 325-449.

Cagingin, Aguedo. 1922. The Life of Andres Bonifacio. Manila: Aguedo Cagingin.

Castro, Jovita V., Antolina T. Antonio, Patricia Melendrez-Cruz, Josefina T. Mariano, at


Rosella Jean Makasiar-Puno, mga pat. 1984. Antolohiya ng mga Panitikang ASEAN:
Mga Epiko ng Pilipinas. Quezon City: Komite ng Kultura at Kabatiran ng ASEAN.

Daguio, Amador T. 1952. Hudhud hi Aliguyon: A Translation of an Ifugao Harvest Song


with an Introduction and Notes. M.A. tesis sa Ingles, Stanford University, USA.

De Jesus, Gregoria. 1928. Mga Tala ng Aking Buhay at mga Ulat ng Katipunan. Manila:
Limbagang Fajardo, 1932.

De Leon, Felipe Jr. 2014. Talumpati para sa Talakayang Panel: Palitang Kuro Hinggil sa
Bisyon para sa Wika ng Kapayapaan. Papel na binasa sa Wika ng Kapayapaan:
Pambansang Summit at Palihan, Pebrero 13-15, sa Pook Kaamulan, Malaybalay
City, Bukidnon, Philippines.

Enriquez, Virgilio G. 1978. Kapwa: A Core Concept in Filipino Social


Psychology. Philippine Social Sciences and Humanities Review 42, blg. 1-4: 100-108.

Eugenio, Damiana L., pat. 2001. Philippine Folk Literature: The Epics. Quezon City:
University of the Philippines Press.

Gealogo, Francis A. 2010. Time, Identity, and Nation in the Aglipayan Novenario ng
Balintawak and Calendariong Maanghang. Philippine Studies 58, blg. 1-2: 147-168.

Geremia-Lachica, Maria Milagros. 1996. Panay’s Babaylan: The Male Takeover. Review of
Women’s Studies 5-6, blg. 2-1: 53-60.

234 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Ileto, Reynaldo C. 1979. Pasyon and Revolution; Popular Movements in the Philippines,
1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Ileto, Reynaldo C. 1998. Filipinos and Their Revolution: Event, Discourse, and
Historiography. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Jocano, F. Landa. 1964. The Epic of Labaw Donggon. Philippine Social Sciences and
Humanities Review 29, blg. 1: 45-103.

Jose, Mary Dorothy dL. at Atoy M. Navarro. 2004. Katawan at Kaluluwa sa Kronikang
Espanyol: Pagtatalaban ng Seksuwalidad at Espiritwalidad noong Dantaon 16-18.
Daluyan: Journal ng Wikang Filipino 12, blg. 1: 64-80.

Lumbera, Bienvenido. 1968. Assimilation and Synthesis (1700-1800): Tagalog Poetry in


the Eighteenth Century. Philippine Studies 16, blg. 4: 622-662.

Mabanglo, Ruth Elynia S. 2000. Metaphors of Protest: Anti-colonial and Nationalistic


Themes as Tradition in Tagalog Poetry. Nasa Navigating Islands and Continents,
Conversations and Contestations In and Around the Pacific: Selected Essays; Volume
17, mga pat. Cynthia G. Franklin, Ruth Hsu, at Suzanne Kosanke, 24-39. Hawai’i:
College of Languages, Linguistics, and Literature, University of Hawai’i, Honolulu.

Magannon, Esteban T. 1972. Trends in Religious Acculturation Among the Lubo, Kalinga.
Silliman Journal 19, blg. 2: 170-191.

Maggay, Melba P. 2002. Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino. Quezon


City: Ateneo de Manila University Press.

Mangahas, Fe B. 1995. Ilang Tala Hinggil sa Teorya o Perspektiba sa Papel ng


Kababaihang Pilipino sa Rebolusyon. Nasa Ulat sa Ikatlong Pambansang
Kumperensya para sa Sentenaryo ng Rebolusyong 1896: Ang Papel ng Kababaihan at
Katutubo sa Rebolusyong 1896, pat. University of the Philippines College Baguio,
14-25. Baguio City: University of the Philippines College Baguio.

Navarro, Atoy M. 1999. Kasaysayan at Talastasang Bayan sa Wikang Filipino: Sa Duyan ng


Pagbubuo ng Inang Bayan, Bansa, at Sambayanan. ADHIKA 1: 25-52.

Navarro, Atoy M. 2000. Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan,


Kaparaanan, Pagsasakasaysayan. Bagong Kasaysayan 11.

235 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Paular, Regino P. at Augusto V. de Viana. 1995. Women Katipuneros’ Counterespionage


Activities. Nasa Ulat sa Ikatlong Pambansang Kumperensya para sa Sentenaryo ng
Rebolusyong 1896: Ang Papel ng Kababaihan at Katutubo sa Rebolusyong 1896, pat.
University of the Philippines College Baguio, 63-77. Baguio City: University of the
Philippines College Baguio.

Pertierra, Raul. 1988. Religion, Politics, and Rationality in a Philippine Community.


Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Quindoza-Santiago, Lilia. 1992. Ang Kilusang Feminista at ang Katipunan. Diliman


Review 40, blg. 1: 12-20.

Rafael, Vicente L. 1988. Contracting Colonialism: Translation and Christian Conversion in


Tagalog Society Under Early Spanish Rule. Quezon City: Ateneo de Manila
University Press.

Ricarte, Artemio. 1927. Himagsikan nang manga Pilipino Laban sa Kastila: Salaysay at
Sinulat ni Artenio Ricarte Vibora. Yokohama: Artemio Ricarte.

Rodriguez, Mary Jane B. 1999. Ang Kababaihan sa Himagsikang Pilipino. Bagong


Kasaysayan 7.

Rodriguez, Mary Jane B. 2001. Ili Ti Amianan: Kamalayang Bayan sa Panghimagsikang


Tradisyon ng Hugpungang Kailokuan-Kaigorotan, 1589-1913. M.A. tesis sa
Kasaysayan, University of the Philippines - Diliman, Quezon City.

Rodriguez-Tatel, Mary Jane B. 2006. Ang Dalumat ng Bayan sa Kamalayan at


Kasaysayang Pilipino. Bagong Kasaysayan 15.

Salazar, Zeus A. 1996. Anak, Mag-anak, Angkan, Bayan: Ugnayan ng Lalaki at Babae sa
Sinaunang Panahon. Papel na binasa sa 3rd National Conference on Women’s
Studies ng Women Studies Association of the Philippines (WSAP), Oktubre 18-19,
sa Ecotech Center, Cebu, Philippines.

Salazar, Zeus A. 1997. Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino. Bagong


Kasaysayan 2.

Salazar, Zeus A. 1999. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas. Bagong Kasaysayan 4.

Santos, Jose P. 1935a. Buhay at mga Sinulat ni Emilio Jacinto. Manila: Jose P. Bantug.

236 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”


Saliksik E-Journal
Tomo 3, Bilang 2 | Nobyembre 2014

Santos, Jose P. 1935b. Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan. Gerona, Tarlak: Jose P.
Santos, 1935.

Saway, Victorino. 2003. The Ulaging: Epic and Survival of the Talaandig People.
Kinaadman 25, blg. 2: 25-34.

Tenepe. 1948. Si Andres Bonifacio at ang Katipunan. Manuskrito [Microfilm]. University


of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Ventura, Sylvia Mendez. 2001. Supremo: The Story of Andres Bonifacio. Manila: Tahanan
Books for Young Readers.

Villan, Vicente C. 2009. Pintados: Mga Hukbong Bisaya sa Armadong Ekspedisyong


Espanyol sa Kapuluang Pilipinas, 1565-1898. Ph.D. disertasyon sa Kasaysayan,
University of the Philippines - Diliman, Quezon City.

Villaluz, Geraldine. 2014. Nalandangan: Kulturang Kapayapaan ng Inay Malinandang ng


Talaandig (Isang Pagtutulay sa Edukasyong Pangkapayapaan). Quezon City:
University of the Philippines Sentro ng Wikang Filipino.

Vinzons, Ignatius H. at Mary Dorothy dL. Jose. 2013. Kagandahang Panloob at Panlabas
sa Paglalarawan ng Kababaihan sa Piling Epikong Pilipino. DIWA E-Journal 1, blg.
1 (Nobyembre): 21-36.

Wallace, Benjamin. 1970. Shifting Cultivation and Plow Agriculture in Two Pagan Gaddang
Settlements. Manila: National Institute of Science and Technology.

237 RODRIGUEZ-TATEL: Dalumat ng “Inang Bayan”

You might also like