Professional Documents
Culture Documents
Speech Sa Completion
Speech Sa Completion
Pa
Panunumpa sa Katapatan.
Isang karangalan sa akin bilang isa sa magtatapos sa Mataas na
Paaralan ng Balele, Ako ay taos-pusong nangangako na magiging
matapat sa aking sintang paaralan, sa aking bansa at sa aking
Panginoon. Nangangakong magpapaunlad ng kasiyahan,
kondisyong pang-ekonomiko at mapagkakatiwalaang huwaran sa
aking kapwa. Sa Diyos ang pagtitiwala.
Isang mapagpala at maligayang pagbati sa lahat ng aking mga kamag-aral, mga magulang at sa mga
kaguruan ng ating sintang paaralan, magandang umaga po. Sabi nga ng iba "Pag may pangarap, lahat
kakayanin", paano pa kaya ang humarap sa isang napakalaking hamon sa buhay. Sa loob ng
napakaraming taon nating pananatili sa paaralan, buhat nang tayo’y nasa elementarya pa lamang,
maraming bagay na tayong kinasanayan: ang makita ang masasayang mukha ng ating mga kaibigan
at kamag-aral sa araw-araw, ang mga makabuluhan o hindi mang ingay sa bawat sulok ng silid-
aralan, ang boses ng ating mga guro habang tayo’y matamang nakikinig, at sa higit sa lahat, ang ating
paborito, ang makipag kwentuhan. Kay sarap mag balik-tanaw sa mga nakasanayang ito. Napahinto
man dahil sa pandemya ay naririto tayo sa pagkakataon kung saan ang paalam ay maririnig, ang
bagong landas ay mag bubukas tanda ng isang hagdan na naming ating nalampasan. Sa gitna ng mga
pagsubok sa panahon ng pandemya, napakaraming bagay ang nagbago lalo na sa sistema ng
edukasyon. Nais kong bigyang-pansin ang kahanga-hangang dedikasyon ng mga kaguruan ng ating
paaralan sapagkat sa kabila ng distansya, ay nagawa nila nang buong husay ang kanilang tungkulin;
pagsasagawa ng mga leksyon gamit ang bidyo, paggamit ng iba’t ibang aplikasyon upang
maiparating sa mga mag aaral ang mga nais talakayin at higit sa anupaman ay ang walang sawang
paalala, paggabay at pagmamahal sa mga mag aaral. Taos pusong pasasalamat sa lahat ng mga guro
na sa amin at sa akin ay gumabay, sa patuloy na paghulma sa aming kakayahan sa kabila ng hirap at
distansya at sa pagpaparating sa aming mga puso ng katagang "Ang naisin ng isang guro para sa
kanyang mag aaral ay siyang tunay na kayamanan na hindi mapapantayan ng anupaman”. Tunay
ngang ano mang sistema ng edukasyon ang harapin ng bawat isa, mananatiling nariyan ang ating
mga pangalawang magulang upang umalalay at sumuporta. Pinatunayan nilang gaano man kahirap,
handa nilang ibigay ang kalidad ng edukasyong magiging sandata natin sa pagtahak sa hinaharap.
Isang taas noong pagkilala sa ating napakahusay na gurong tagapangasiwa ng paaralan na si G. Abid
John Evangelista, sampu ng lahat ng bumubuo sa Balele Integrated High School na nagsilbi na rin
naming tahanan sa loob ng ilang taon. Ang paaralang humubog sa aming mga pagkatao at siyang isa
sa mga dahilan kung bakit kami naririto ngayon. Sa lahat ng mga bumubuo nito, maraming salamat
po sa pagmamahal at sa pagpapanatili ng maayos na pamamahala upang mas makapagbigay pa ng
inspirasyon, at makapaghubog pa ng mas maraming indibidwal na handang humarap sa hamon ng
bukas. Maraming salamat rin po sa inyo, mga minamahal naming magulang na anumang hirap ay
patuloy pa ring sumusuporta sa kanilang mga anak upang maabot ang mga pangarap nito. Saludo po
ako sa inyo at sa inyong dedikasyon sa kabila ng ating kinakaharap na balakid sa pag aaral. Bilang
isang klase, hindi man tayo nagkaroon ng alaalang magkakasama, isang napakalaking kasiyahan
namang tayo’y sabay-sabay tutungo sa panibagong landas sa kabila ng hirap at pag subok na minsan
sa ati’y nagpapahina at nagbibigay pangamba. Bago ko ito bigyan ng hanggan, nais kong iparating
ang aking lubos na pasasalamat sa aking magulang sa lahat ng kanilang sakrispisyo, pagpapagal at
pagmamahal, sa aking mga kaibigan na naniniwala sa aking kakayahan, sa aking mga naging kamag
aral sa buong panuran at higit sa aking mga naging guro, maraming maraming salamat po sapagkat
kayo ang naging daan upang ako ay mas maging mabuting mag aaral na naniwala sa aking
kakayahan at nag bigay sa akin ng isang realisasyon na ang lahat ay may natatanging kakayahan,
kailangan mo lamang itong hulmahin. Gayundin ang aking walang kapagurang pag-usal ng
pasasalamat sa ating Panginoon; sa biyaya ng buhay, sa karunungang kanyang ipinagkaloob, sa
pagpapanatili ng ating kaligtasan, at sa kaniyang walang sawang paggabay sa landas na ating
tinatahak at tatahakin pa. Ako po ay lubos na nagagalak sapagkat para sakin ito ay isang katuparan sa
aking mga inaasam na pangarap, ang lahat ng paghihirap ay nasuklian ng tagumpay at ano man ang
pagsubok na sa akin ay dumating napanatili ko ang pagiging positibo at ang hindi pagsuko anuman
ang maging hadlang sa pagkamit ng mithiing ito. Sa huli nais kong iparating sa aking mga kamag-
aral na ako ay buong pusong nagagalak at taas noong sa inyo ay bumabati ng maligayang pagtatapos
sa Junior High School. May karangalan man o wala, ang makatapos at mag karoon ng sertipiko ng
pagtatapos ay isang napakalaking ginto sa buhay na ating palagiang bibigyang tanaw at
pagpapahalaga habambuhay. Muli, ang aking taos-pusong pagbati at magandang umaga po sa ating
lahat!