Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 4

Siete Palabras

Una sa Pitong Huling Wika


33
Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus.
Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. 34 Sinabi ni Jesus,
“Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya.

Ang mga huling oras ni Hesus ay halos napuno ng kanyang katahimikan. Maingay ang
kanyang kapaligiran habang buhat niya ang krus. Wala siyang sinasabi. Kinukutya s’ya at
pinagtatawanan. Wala siyang sinasabi. Natumba, hinagupit, ipinapahiya. Wala siyang
sinasabi.

Marami akong personal reflection tungkol sa katahimikan ni Hesus sa kanyang


paghihirap. Pero sa pagninilay natin na ito, gusto kong tignan natin ang katahimikan ni Hesus
nang ganito: Sa kanyang paghihirap, sa sakit, nirereserve ang kanyang lakas, ang kanyang salita
upang ang mga susunod niyang sasabihin ay ang mga bagay na pinaka-mahahalaga.

Hindi ba’t ganun din tayo? Kung halimbawa tayo ay aalis, ang gusto nating maiwang
salita natin sa mga anak natin at mga nakakabata nating kapatid ay mga mahahalagang salita
din?

“Huwag niyo kalimutang magsaing ng tanghalian!”

“Huwag kayo mag-aaway a!”

“Magiingat pag lumabas ng bahay.”

Hindi ba’t sa deathbed din ay hinihintay ng mga mahal sa buhay ang last words ng
kanilang minamahal na naghihingalo? Sapagkat andun ang mahahalagang gestures at mga
salitang gustong iwan ng mga mahal natin sa buhay.

Sa pagkakapako Hesus sa krus naputol ang kanyang katahimikan, at siya’y nagsalita. At


sa Una sa Pitong Huling wika ng Panginoong Hesus sa krus, masasabi natin na inuna niya nang
sambitin ang layunin ng kanyang pagparito sa lupa. Para sa kaligtasan. Sa kapatawaran ng
kasalanan. Sinambit n’ya ang panalangin sa kanyang Ama “Ama, patawarin mo sila sapagkat
hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Hindi salita ng reklamo o sigaw ng sakit, kundi
mga salita ng pagpapatawad at pagunawa.

Sa oras na sinabi ito ni Hesus, tinutukoy niya ang mga tao na nagpapako sa kanya. Ang
mga Hudyo na ipinapako s’ya sa krus, sapagkat hindi nila nalalaman na siya ang Mesiyas na
ipinangako sa kanila. Ang mga sundalong Romano na nananakit sa kanya, sapagkat ginagawa
lamang nila ang kanilang trabaho. Inihihingi sila ni Hesus ng kapatawaran sa Ama. Ngunit
kumakausap din ang mga salita na ito sa atin sa panahon na ‘to.

Itinuturo ni Hesus na sa gitna ng sakit, sa gitna ng galit, tayo ay dapat magpatawad sa


mga nakasakit sa atin.

Ang panalangin ni Hesus na hirap na hirap at nasasaktan ay tungkol sa kapatawaran ng


nakakasakit sa kanya. Parang ang hirap gawin, ano? Bakit ko papatawarin ang mga tao na
sumakit at patuloy na nananakit sa’kin? Bakit ko sila ipapanalangin sa Diyos? Ngunit ito ay
kasama sa ating pagiging Kristyano, kaya nga sa ating panalangin binabanggit natin:

“Patawarin mo po kami sa aming mga sala, gaya ng pagpapatawad namin sa nagkakasala


sa amin.”

Dumaan na tayo lahat sa posisyon na ‘to, totoo naman, ang hirap magpatawad, pero
tinuturo sa atin ni Hesus na ang pagpapatawad ay isang mahalagang aspeto ng pagiging
Kristyano, kaya nga palagi niya ito pinapaalala sa atin, hanggang sa kanyang pagkapako sa krus.

Sa aking pagninilay sa una sa pitong huling wika ng ating Panginoong Hesukristo sa krus,
tinatanong ko sa aking sarili, bakit ba ako kailangang magpatawad?

Inalay ni Hesus ang kanyang buhay para sa kapatawaran ng ating kasalanan at ginawa
niya ito dahil sa dakilang pag-ibig niya para sa atin. Ayon sa John 15:13, “There is no greater
love than to lay down one’s life for one’s friends.”

Ang pagpapatawad ay PAGIBIG

“Ama patawarin Mo sila.” Binanggit ni Hesus ang mga katagang ito dahil higit pa ang
kanyang pagibig sa anumang sakit at pasakit.

Ang pagpapatawad ay kadugtong ng pag-ibig. Dahil sa pag-ibig ni Kristo tayo ay


napatawad. At kung tayo ay nagpapatawad, tayo ay tumutulad sa pag-ibig ni Kristo. At wala
nang hihigit sa pagibig na katulad ng kay Kristo.
Ang pagpapatawad ay isang REGALO

Nang pinatawad tayo ng Diyos, niregaluhan Niya tayo kahit hindi natin hinihingi. Kahit
hindi natin alam na kailangan natin. Kahit hindi tayo karapat-dapat. At ito ay isang regalo na
bukas-palad Niyang pinagkaloob sa atin. Kaya nga bilang pagtugon, tayo din na niregaluhan ng
pagpapatawad ay dapat magregalo din ng pagpapatawad sa iba.

Kahit hindi nila hinihingi? Oo.

Kahit hindi nila alam na nakasakit sila? Oo.

Kahit hindi sila karapat-dapat? Oo.

Ang pagbibigay ng regalo ay hindi lang service para sa iba, kundi service din sa ating
sarili. “It is better to give than to receive.” Ang pagbibigay ng kapatawaran parang kamao,
habang lalo natin ipinagdadamot ay didiin ang mga kuko natin sa ating palad at tayo lang din
ang masasaktan. Ngunit kung binukas natin ang ating palad, isang gesture ng pagbibigay,
luluwag ang ating pakiramdam. Magpatawad. Ito ay hindi lang para sa taong pinapatawad mo,
kundi para sa iyo din. Dahil ikatlo:

Ang pagpapatawad ay KALAYAAN

Kung paanong nang tayo ay patawarin tayo ay lumaya, gayon din na nagiging malaya din
tayo sa pagpapatawad natin sa iba. Kung hindi tayo nagpapatawad, kinukulong natin ang sarili
natin sa galit, sa inggit, sa iba’t ibang negative emotions. At aminin natin minsan gustong gusto
natin manatili sa mga negative emotions na yun. Pero aminin din natin, hindi ba ambigat din sa
pakiramdam?

Lagi kong sinasabi, kahit sa sarili ko, kung hindi ka magpapatawad, ikaw din ang talo.

Isipin mo, ikaw bigat na bigat na dahil hindi ka makapagpatawad, habang yung taong
kinagagalitan mo, ni hindi niya alam na may galit ka sa kanya. Hindi ba ikaw din naman ang
talo?

Galit ka sa ex mo na niloko ka, habang yung ex mo masaya na kasama ng iba. Hindi ba


ikaw din naman ang talo?

Alam natin ang mga epekto ng kawalan ng pagpapatawad. Hindi ka makatulog, di ka


makaconcentrate sa mga araw-araw na gawaing, mabigat sa pakiramdam, dala mo lagi yung
galit at inis. Araw araw, ambigat ng pakiramdam mo. Dahil sa hindi pagpapatawad.
Oo magpatawad ka para matulad kay Hesus. Oo magpatawad ka para mapalaya ang iba,
pero bonus na na sa ating pagpapatawad ay napapalaya din natin ang ating sarili. Malaya sa
galit, malaya sa sakit, malaya sa pride.

May mga tao din naman na nakasakit sakin, pero hindi ko yun ginagawang dahilan para
manatili ako sa galit. Natutunan ko na habang nananatili ako sa mga negative emotions dahil
sa hindi pagpapatawad, lalo lamang naeempower yung emotions. Naeempower yung galit ko,
to the point na naaapektuhan yung mga gawain, kaya hindi ako nagiging productive. Ako lang
din ang nasasaktan. Kaya I take the first step. Tinatanggap ko sa sarili ko ang katotohanan na
kailangan kong magpatawad.

Para sa akin iyon ang dahilan ng peace of mind na nararanasan ko araw-araw. Wala
akong iniiwasang tao. Wala akong tinatanim na galit. At dahil walang pwesto ang galit sa aking
puso, mas maraming space for joy and peace.

Kaya nga kung hindi tayo nagpapatawad, talo tayo. Nanalo si Hesus dahil inalay niya ang
kanyang buhay para sa ikapapatawad ng ating mga kasalanan. Ipinanalo na tayo ni Hesus,
papatalo ka pa ba?

You might also like