Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Modyul 1

Yunit 1 PAANO BA TAYO NATUTUTO NG WIKA


LAYUNIN.
Sa pagtatapos ng yunit, inaasahang ang mga mag-aaral ay:
1. mauunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng wika
2. maipapaliwanag ang mga aspekto ng wikang dapat malinang sa mga mag- aaral;
3. matukoy ang mga salik na dapat mong isaalang-alang upang maging matagumpay sa
pagtuturo ng wika

NILALAMAN
I. Ano nga ba ang wika?
Itinuturing na arbitraryong sistema ng mga tunog na ginagamit sa paghahatid at pagtanggap ng
mensahe ang wika. Maaaring gawin ang pagpapahayag ng wika sa paraang pasulat o pasalita.
Pakikinig ang aspekto ng wika na nauukol sa aural o pabigkas na pagtanggap ng mensahe at
Pagsasalita naman ang tawag sa aspekto ng paghahatid nito. Pagsulat ang aspekto ng wika na
ukol sa palimbag na paghahatid ng mensahe at Pagbasa naman ang tawag sa aspekto ng
paghahatid nito.

Ayon kay Whitehead, isang edukador at Pilosopong Ingles: “Ang wika ay kabuuan ng kaisipan
ng lipunang lumikha nito.”
Ibig ipahiwatig nito na ang wika ay salamin ng lahi.
Ang wika ay mga simbolong salita ng mga kaisipan at saloobin.
Ito ay isang behikulo o paraan ng paghahatid ng ideya o palagay sa tulong ng mga salita
na maaaring pasalita o pasulat.
Ayon naman kay Henry Gleason, ang wika ay isang masistemang balangkas ng sinasalitang
tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga tao sa
pakikipagtalastasan na nabibilang sa iisang kultura.
Ito rin ay kaluluwa ng bansa, pag-iisip ng isang bayan, kumakatawan sa isang malayang
pagsasama-sama at sa pagkakaisa ng layunin at damdamin.
Ito ay paghahatid ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng mga salitang binibigkas.
Ang wika ay isang penomenong pumapaloob at umiiral sa loob ng lipunan at may
angking kakayahang makaimpluwensya, magdikta, magturo, tumulong, kumontrol, manakot,
pumatay, magpaligaya at lumikha ng isang realidad sa kanyang ispesipikong kakayahan.
Ang wika ay maaaring humubog ng ating pananaw pandaigdig (world view).
Kung titingnan ang wika bilang isang ideolohiya, maaaring magkaroon ng iba’t ibang
pagpapakahulugan, pagtingin, pag-unawa at karanasan dahil may kani-kaniyang posisyon at
papel ang indibidwal sa lipunang kanyang ginagalawan at kinabibilangan.
Isang disiplinang maituturing ang pag- aaral sa wika sa loob ng lipunan at ito’y kabilang
sa mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin at pananaliksik, upang mas malinaw nating
mailarawan ang mga kalagayan o katayuan nito para sa ating ikagagaling bilang praktisyoner
ng wika.
II. KATANGIAN NG WIKA

1.) Ito ay may masistemang balangkas.


Nakaayos satiyak na balangkas
Nakabatay sa balarila or grammar at ponema, morpema, hanggang sintaks.
Halimbawa:
nag-aaral Anna siya mabuti makapasa pagsusulit -> Si Anna ay nag-aaral nang mabuti upang
makapasa siya sa pagsusulit.
2.) Ito ay binibigkas na tunog.
Ang wika ay binubuo ng mga tunog.
Pinagsama-samaang tunog upang makalikha ng mgasalita.
3.) Ito ay pinipili at isinasaayos.
Layunin ng wikaang magkaroon ng epektibong komunikasyon na may malinaw na
mensahe.
4.) Ito ay arbitraryo.
Ang mga tunog na binibigkas sa wika ay pinili para sa layunin ng gumagamit nito.
Halimbawa:
Ang salitang bahay kapag isinalin sa ibang wika ay:

Ilokano – balay Chavacano – casa Tausug – bay


5.) Ito ay patuloy na ginagamit.
Isang katangian ng wika ay ang pagiging gamitin. Ito ay kasangakapan sa
komunikasyon.
6.) Ito ay nakabatay sa kultura.
Nagkakaiba-iba ang wika nang dahil sa iba-ibang kultura.
Halimbawa:
Ice Formations (Filipino vs. Ingles)
7.) Ito ay dinamiko o nagbabago.
Ang wika ay nadaragdagan ng bagong bokabularyo habang lumilipas ang panahon.
Halimbawa:
Ang salitang bomba ay nangangahulugan na:
- pampasabog
- igiban ng tubig mula sa lupa
- sikreto o baho ng mga kilalang tao

III. MGA YUGTO NG PAGKATUTO NG WIKA

Hindi basta ginagaya ng mga bata ang wikang kanilang naririnig. Pinipili at inaakma nila ang
kayarian ng mga bahagi ng pananalita na makahulugan sa kanila.
Ang mga bata ay active learners at hindi passive learners.
Sinusuring maiigi ng mga bata ang wikang naririnig at pinipili nila ang bahaging may kahulugan
sa kanila.
Ang intonasyon ng wika ang unang hulwarang natutuhan ng mga bata. Mula rito ay pinipili nila
ang salita at mga hulwaran ng mga makahulugang tunog gaya ng: mama, dada, dede.
Sa simula ang mga bokabularyo ng mga bata ay binubuo ng mga pangngalan, pandiwa, at
pang-uri.
Ang mga salitang pangkayarian o function words ay sa bandang huli na natutunan.
Ang modelong ilalahad sa ibaba ay isang paglalarawan sa proseso ng pagkatuto ng wika na
konsistent sa ilang pananaliksik (Brooks, Goodman, 1976, Brown at Bellugi, 1961). Sa
modelong ito ang pagkatuto sa wika ay hinati-hati sa iba’t ibang yugto.
Kakikitaan ito ng pagsasanib na ang ibig sabihin ay may mga bata na pumapasok sa mas
mataas na yugto bago pa man nila namamaster ang mas mababang yugto ng pagkatuto. Ang
pangyayaring ito ay may kinalaman sa kanilang pagkakaiba. Ang mga edad na inilahad sa
bawat yugto ay may kalkulasyon lamang.

Unang Yugto: PASIMULA (RANDOM)


• Sa yugtong ito, ang mga bata ay lumilikha ng mga tunog na kakailanganin nila sa
pagsasalita sa mga darating na araw.
• Vocalizing, cooing, gurgling at babbling.
• Ang mga tunog na nililikha ng mga bata ay marami at iba-iba at ito’y tinatanaw ng mga
matatanda bilang ponema.
• Babbling—binubuo ng magkakalapit na tunog ng katinig-patinig gaya ng Ma Ma Ma o Da
Da Da
• Echoic Speech – Ang mga ginagayang pagbigkas at pagsasalita.

Ikalawang Yugto: Unitary


• Patuloy na lumilikha ng maliliit na yunit na tunog ang mga bata na limitado sa isang
pantig.
• Ang haba ng pagsasalita o likhang tunog ay naayon sa kalikasan ng pag-unlad na
pisikal at pagkontrol sa paggamit ng kanilang mekanismo sa pagsasalita sapagkat ang mga
proseso ng paglinang ng wika at paggulang (maturation) ay magkasabay na nagaganap.
• Holophrastic Speech- Ang paggamit ng mga bata ng isang salita upang magpahayag ng
mga ideya.
• Sa gulang na 12 buwan, ang mga bata ay nagsisimula ng sumunod sa ilang payak na
pasalitang pautos tulad ng upo, tayo, atbp. at mapaghuhulo na maari na silang magsimulang
sumagot sa kabuuang ponemikong konspigurasyon ng mga salita at mga parirala.
• Ang pagkatuto ng bata ng ponolohiya, bokabularyo at balarila ay matagal at mahirap
kahit na ang pag-unlad nilang pisikal ay maoobserbahang mabilis.
• Sa una, ang mga salitang binigkas niya ay masasabing katulad ng mga salita ng
nakatatanda na ipinalalagay na ginaya, pero ang katunayan, ito’y pagpapatibay na maging sa
panahong ito, taglay na ng mga bata ang kanilang sariling phonemic system kahit na di pa
maayos.

Ikatlong Yugto: Ekspansyon at Delimitasyon


• Ang pagsasalita ay umuunlad mula sa isahan o dalawang pagsasalita hanggang sa
maging katulad na ito ng pagsasalita ng matanda. (18-20 buwan, dalawahang salita)
• Dalawang klasing salitang ginamit:
– Pivot Class: kalimita’y maikli, at ito iyong malimit nilang bigkasin at maaaring nasa una o
ikalawang posisyon. Ang posisyon ay iyong kinalalagyan ng salita sa isang pangungusap. Ang
ikalawa ay iyong isa pang salita at tinatawag itong open class. Hal: “Kain Mommy,” “Kain baby,”
Kain ato”
– Pivot Word: Hal: “Dede ko,” “Dede tata,” “Dede Mama,”
– “Tuya alit,” “Mommy alit,” “Daddy alit, alit”
– “Mommy raro”
• Magiging mabilis ang pagtatamo o pagkatuto ng mga salita kapag ang kognitibong
kalinangan ng mga bata ay humahantong sa punto ng pagkaunawa sa mga bagay, pangyayari
at mga tiyak na pangalan ng mga ito.
• Magiging palatanong na ang mga bata at malimit na maririnig ang mga tanong na “Ano
to?” “Ano yan?” at maraming “Bakit.”
• Upang hindi “malunod” ang mga bata sa yugtong ito ng kanilang pagsasalita, iwasan
ang pagbibigay na maraming impormasyon at unawaing mabuti ang mensahe ng batang
nagsasalita.

• Kailangang gumanap bilang mga salbabida ang mga matatandang nakapaligid sa mga
bata.

Ikaapat na Yugto: Kamalayang Istruktural


• Upang mailahad nang mahusay ng mga bata ang kanilang papaunlad at paparaming
mga abstraktong ideya at mga damdamin, kailangang makarating sila sa yugtong kamalayang
instruktural.
• Ito’y mahalaga upang makabuo sila ng mga paglalahat at matuklasan nila ang hulwaran
at kaayusan sa pagsasalita.
• Habang patuloy na nagiging komplikado ang kanilang pagsasalita, magagawa nilang
magkamali dahil bumubuo sila ng sariling paglalahat na kung minsan ay hindi pinapansin ang
mga eksepsyon. Hal: “nikain” vs, “kinain”

Ikalimang Yugto: Otomatik


• Sa yugtong ito, ang bata’y nakapagsasabi ng mga pangungusap na may wastong
pagbabalarila kayat magagawa na nilang maipahayag ang kanilang ideya at damdamin kagaya
ng mga matatandang tagapagsalita ng wika.
• Ang mga batang nasa yugtong ito’y may kahandaan na sa pagpasok sa kindergarten.

Ikaanim na Yugto: Malikhain


• Sa yugtong ito, nagagawa ng mga bata na mag-imbento o lumikha ng sarili nilang wika.
Bagamat ang mga pariralang gamit ay mga dati nang naririnig, nagkakaroon sila ng lakas ng
loob dahil nagagawa na nilang masalita ang ginagamit ng kanilang mga kaibigan at mga tao sa
paligid.
Sa mga natalakay na yugto, malalagom na ang mga bata ay natututo ng wika sa pamamagitan
ng:
– 1. Pag-ugnay (Pagtambal ng tunay na bagay sa tunog ng salita)
– 2. Pagpapatibay (Anumang positibong papuri na gaganyak sa isang bata upang ulitin
ang anumang tugon)
– 3. Panggagaya (Paggagad sa anumang tunog na narinig sa matatanda)
– 4. Elaborasyon (Pagpapalawak ng isang salita upang makabuo ng pangungusap)

IV. Mahalagang Salik sa Pagkatuto ng Wika


Upang maging matagumpay kang guro ng wika, isaisip mong lagi ang mga salik na
nakaaapekto sa pagkatuto ng wika sa kaligirang akademik. Maaaring uriin ang mga salik na
nabanggit sa
1) Mag-aaral
2) Guro
3) Materyal
4) Istratehiya
5) Pagtaya

Ang Mag-aaral
Ilan sa mga salik na may kaugnayan sa pagkatuto ng wika ang antas ng intelektwal na pag -
unlad ng mag-aaral, haba o antas ng interes o atensyon at panatag na kalooban sa klasrum ng
estudyante. Mahalaga rin ang intrinsik o panloob at ekstrinsik o panlabas na motibasyon.

Sa ilang pagkakataon, magiging mahalaga ang paggamit ng intrinsic na motibasyon at sa iba


naman, ang ekstrinsik na motibasyon.
Binibigyang pansin na rin sa kaligirang akademik ang iba’t-ibang uri ng katalinuhan. Kabilang sa
mga talinong maaaring taglayin ng isang indibidwal ang:

Lohikal-matematikal
Linggwistik
Musikal
Biswal
Kinestetik
Interpersonal
Intrapersonal
Emosyonal
Nagiging mabilis at mabisa ang pagkatuto ng mag-aaral kung ang proseso ng pagkatuto ay
gumagamit sa katalinuhan ng mag-aaral. Nararapat kung gayon na gumawa ang guro ng iba’t
ibang pamamaraan upang matugunan ang nagkakaibang katalinuhan ng mga mag -aaral sa
proseso ng pagkatuto.

Ang Guro
Guro ang namamahala sa paghahanda ng mga makabuluhang gawain sa pagkatuto,
karagdagang motibasyon sa mga mag-aaral at regular na pagtaya ng kanilang pag-unlad sa
pag-aaral.
Bukod sa mga nabanggit, napakahalagang may malawak na kabatiran ang guro sa
asignaturang kanyang itinuturo. Wika nga, “Hindi maibabahagi ng guro ang anumang bagay na
hindi niya taglay.”
Materyal
Nakasalalay ang pagkatuto ng mag-aaral sa uri ng wika at materyal na ginagamit sa klasrum.
Istratehiya

Kawili-wili at nakapupukaw ng interes ang paggamit sa klasrum ng mga kontemporaryong


istratehiya sa pagtuturo ng wika. Mahalaga ang antas ng propesyunal na kaalaman ng isang
guro sa mga istratehiya at pamamaraan ng pagtuturo ng wika.
Mapauunlad ng bagong gurong tulad mo ang iyong kasanayan sa paggamit ng mga
makabagong istratehiya sa pamamagitan ng obserbasyon, pananaliksik, pagdalo sa mga
seminar, pagsali sa mga intrabisitasyon at panonood ng mga pakitang-turo.
Makakatulong ang mga istratehiyang iyong itinala sa iyong pagtuturo ng mga aspekto ng
komunikasyon.
Pagtaya

Tradisyunal man o alternatibo, pantiyak, panuri o laguman, mahalaga ang mga uri ng pantaya
sa proseso ng pagkatuto.
Sa mga pasulat na pantaya:

Panuring pagsusulit ang unang ibinibigay upang magkaroon ng paunang kabatiran sa


kahinaan at kahusayan ng mag-aaral.
Pantiyak na pagsusulit naman ang ibinibigay upang malaman kung gaano ang
natutuhan ng mga mag-aaral matapos magturo ng isang kasanayan. Kadalasang isinasagawa
ito pagkatapos ng isang liksyon.
Lagumang pagsusulit ang isinasagawa kapag nalinang na ang serye ng ilang kasanayan
o matapos ang isang yunit.

May mga alternatibong pantaya ring ginagamit upang mabatid ang antas ng pagkatuto ng mga
mag-aaral na hindi gumagamit ng mga pasulat na pagsusulit.

GAWAIN

1. Panuorin ang mga sumusunod na video:


https://youtu.be/htnkUk3rn1M?list=PLek6G4_jrAZUs2txRyAZivRZMwVVt7l_0
2021 Buwan ng Wika: Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag -iisip
ng mga Pilipino
https://youtu.be/PWypLTSk27o
Investigative Documentaries: Wikang Filipino, dapat paigtingin ang paggamit sa paaralan
https://youtu.be/WSsEaBA06-0
Investigative Documentaries: Ang estado ng wikang Filipino
2. Sagutin ang mga sumusunod:
a. Anu-ano ang mga bagay na iyong napagtanto mula sa mga video na napanuod? (Reflections
and realizations)
b. Paano mo sasagutin ang hamon ng narinig na video bilang isang guro sa elementarya sa
hinaharap?
b. Bilang isang mag-aaral ngayon sa kolehiyo, paano mo maipapakita ang pagmamahal at
pagmamalasakit sa Wikang Filipino?

SANGGUNIAN
www.slideshare.com

www.studoc.com

You might also like