Takipsilim, tanda ng pamamaalam ng liwanag sa kalupaan
Dilim ay unti unting kakalat at paparam sa makulay na sangkalupaan Ngunit ito ay tanda din ng mga huling sandali ng liwanag sa mundo Liwanag na nagbibigay tanglaw at direksyon sa bawat tao.
Kaya’t habang pinagmamasdan ko, paglubog nitong Haring Araw
Isang tao ang kumintal sa aking gunita at tila natanaw Taong nagbigay ng kanyang huling liwanag sa takip silim ng buhay Liwanag na walang kapantay ang kanyang inialay.
Noon pa ma’y nagpamalas na siya ng labis na pagibig
Tila isang tala sa umaga na ang ningas ay lumalagablab. Kahit nasa malayo ka ma’y ramdam mo aruga at pagmamahal Hindi nagkukulang ng payo at sa ginintuang mga aral
Libo mang milya ang layo namin sa bawat isa
Tila ang kanyang presensya’y nasa tabi lamang Nalalaman ko kung siya lamang ay may tangan na bagwis Liliparin niya ang bawat lupain na aming kinalalagyan
Anupa’t araw at gabi’y nananambitan kay Bathala
Na ang kanyang mga minamahal ay magkamit ng alaga Upang wala man sya sa kanilang mga tabi Panatag ang kanyang kalooban na sila’y ligtas
Sa tuwing kaarawan niya’y ipinagdiriwang
Nababanaag sa kanyang mga mata ang labis na kasiyahan Doon ko din siya nakakadaop palad at nahahagkan Sa naiibang pagdiriwang na alay pa din sa Panginoong Makapangyarihan
Hindi mapaparam sa aking gunita, panahon ng kanyang kaisugan
Sa mga gawaing bahay ay banat, maybahay na huwaran Katamaran ay tila hindi matatagpuan kahit luoy na ang katawan Kaya’t sa piling niya tila ikaw ay Maharlika sa isang kaharian Huwaran din siya sa pananalig sa Panginoon Sa pananalangin ay hindi napapagal Tila kung hindi siya nakatagpo ng irog ay tuluyang nagmongha Ang tahanan ng Panginoon, siyang kanyang laging kanlungan
Larawan siya ng isang huwarang ilaw ng tahanan
Mabuting may-bahay, at Ina sa kanyang mga supling Kaya’t bawat isa’y lumaking may respeto’t nagmamahalan Samaha’y tila walis tingting na ang bigkis ay mahigpit.
Ngunit kalakasan ay panandalian lamang
At sa pagtakbo ng panaho’y unti unting mapaparam Makinis na mukha’y unti unting naluluoy Matikas na katawa’y nasumpungan na ng kahinaan
Kaya’t isang araw, tila siya ay unti unting namamaalam
Masaya niyang ngiti’y napalitan ng hapis at kalungkutan Masiglang katawa’y nasadlak sa banig ng karamdaman Hanggang ang huling hininga’y tuluyan ng naparam.
Kailanma’y hindi na mababanaag ang kanyang kariktan
Malamyos niyang tinig ay hindi na mapapakinggan Wala na ding sasalubong sa tuwing pagdatal Kaya’t tunay na nakakalugami ang kanyang paglisan
Malungkot man na dumating na ang takipsilim sa kanyang buhay
Ngunit ang huling liwanag na kanyang iniwan ay patuloy na magniningas Ito ay hindi mapaparam at mananatili sa puso ng bawat isa Liwanag na magsisilbing gabay tungo sa tamang landas
Alam kong nakamtan mo na ang tunay at ganap na ligaya
Sa piling ni Bathala at mga anghel, lubusan ng lumaya At patuloy na nagmamasid mula sa itaas, sa langit na tahanan Nagdiriwang sa dulang na alay para sa kanya