Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Gawain: Repleksiyon Tungkol sa Binasang Artikulo sa Pagpaplanong Pangwika sa

Pilipinas. (50 puntos)

Masalimuot ang danas ng pagpaplanong pangwika sa ating bansa. Malinaw


itong natunghayan sa artikulo na ibinahagi ni Sir Edcel John Ibarra at gayon nais kong
susugan batay sa aking obserbasyon at karanasan. Narito ang mga pangunahing
kaisipan at isyu na nais kong pasubalian mula sa artikulo bilang repleksiyon.

Pangunahin sa aking pananaw ang papel ng lipunan (Estado) sa paghubog ng


wika. Malinaw na inilatag sa artikulo ang gampanin ng wika tungo sa maayos at
payapang bansa upang magkaroon ng pagkakaisa ngunit saganang akin, hindi lubos
ang suporta na nagmumula sa ating gobyerno hinggil dito. Sa katunayan, pinapatay pa
nga ang Filipino sa kolehiyo (Higher Eductaion Institution), patunay dito ang tuluyang
pagtanggal sa mga asignaturang Filipino sa kolehiyo bilang core subject na nakapaloob
sa CHED Memorandum Order No. 20. Nakasaad dito na hindi prayoridad ang
asignaturang Filipino. Bagamat maaaring ituro ang asignaturang Puposive
Communication sa Filipino, malayong pabor pa rin ito sa Ingles kaya naman hindi
kailang unti-unting binubura ang asignaturang Filipino sa kolehiyo at unibersidad.
Mananatili na lamang ito sa sektor ng Basic Education Curriculum. Ang pangyayaring
ito ay nag-iwan ng malaking palaisipan sa akin bilang guro at mamamayang Filipino.
Kung kinakailangang mahubog ang Filipino tungo sa pagkakaisa, bakit ito tinanggal sa
kolehiyo at unibersidad? Bakit hindi ito prayoridad sa pananaw ng ating gobyerno?
Bakit sinabing wala raw itong kinalaman sa kurso tulad ng medicine, nurse, engineer,
architect, at business? Wala nga ba? Bakit? Bakit? Maraming bakit ang naglalaro sa
aking isipan sapagkat taliwas ang pananaw ng ating gobyerno sa pagpapahalaga sa
sariling wika. Kaya nga siguro malaking isyu sa ating bansa ang nasyonalismo
sapagkat sa pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling wika ay bagsak na tayo. Mas
kinikilingan ang Ingles bilang midyum sa totoo lang at lubos kong nakikita ang
pagpapahalaga ng gobyerno rito laban sa wikang Filipino. Ah kaya nga siguro nabuo
ang Tanggol Wika. Nakalulungkot isipin na kinakailangan pa nating ipagtanggol ang
ating sarili sa ating mga kapwang Pilipino na salat sa pagmamahal at pagpapahalaga
sa wikang Filipino. Kung tunay ngang malaki ang papel ng lipunan (Estado) sa
paghubog ng wika, nasaan sila sa usaping ito? Masaklap at malungkot ang aking panig
sa isyung ito.

Pangalawa sa nais kong bigyang-pansin ang nasabing walang drastikong


pagbabago ang naganap o nagaganap sa pagpaplanong pangwika sa bansa. Marahil
sapagkat nabigyang-diin nga ito sa unang isyu na naibahagi. Kung hirap tayo na
mapaniwala ang mga nasa upuan na lubos ngang malaki ang gampanin ng paghubog
ng wika paano pa kaya ang pagnanais na magkaroon ng paglago sa puripikasyon ng
wika; muling pagbuhay ng wika; repormang pangwika; estandardisasyon ng wika;
pagpapalaganap ng wika; leksikal na modernisasyon; pag-iisa (unification) ng mga
terminolohiya; simplikasyon; interlingguwal na pakikipagtalastasan; presebasyon
(maintenance) ng wika; at, estandardisasyon ng awksilyar na kodigo (auxiliary-code).
Hindi sa pagmamasama ngunit meron mang mga plano ang mga pamahalaan tulad na
lamang ng MTBE-MLE, hindi ito sapat lalo na at ito lamang ay naisasagawa sa baitang
1-3. Mainam sana kung may malinaw itong plataporma mula sa mababang paaralan
hanggang sa kolehiyo. Ang mahirap pa, hindi kontekstwalisado ang pagpapatupad ng
MTBE-MLE. Lumutang ang ilan sa mga suliranin ng pagpapatupad nito tulad na lamang
ng isyu sa mother tongue. Paano nga ba ito naunawaan? May mali ba sa kung paano
ito tinanggap ng kagawaran ng edukasyon? Gayong may mga isyu na nakita, paano ito
natugunan? Ang mahirap sa gobyerno tumigil na sila sa proseso ng pagpapatupad
ngunit hindi sa pagsasagawa ng pag-aaral upang matukoy kung ito nga pa ay epektibo
sa konteksto ng bawat paaralan sa bansa. May mga pag-aaral na naisagawa ang mga
guro hinggil dito ngunit nananatili na lamang sa papel – walang aksyon, kung meron
man ang bagal naman at kailan kaya ito kikilalanin. Tulad nang nabanggit sa artikulo,
anumang patakaran ay walang saysay kung mananatili sa papel. Sa totoo lang
maraming pagtatangka ngunit tila ba bulag at pipi ang mga nakaupo sa usaping wikang
Filipino. Masakit at nakapanlulumo!

Panghuli na nais kong susugan ay ang usapin hinggil sa hindi laganap na limbag
sa Filipino. Totoo ang nasabi ng manunulat sa artikulo na may persepsiyon talaga sa
bansa na ang Ingles ay intelektuwalisado at ang Filipino ay hindi. Tulad ng mga
nailahad na sitwasyon, maging sa kongreso ay laganap ang gamit ng Ingles, sa
paaralan at iba pang sangay ng gobyerno na pang-akademya. Itinuturing nga kasi ang
Filipino na bakya, pangkalye at pangpalengke lamang kaya’t maging sa usapin ng
akademikong pagsulat ay mas ninanais ng mga manunulat na gamitin ang Ingles bilang
midyum. Sinabi na nasa edukadong manunulat ang problema ngunit saganang akin,
malaki ang gampanin ng pagkilala ng gobyerno sa usaping ito. Maraming Pilipinong
manunulat ang nagsulat ng mga pananaliksik sa wikang Filipino ngunit hindi ito
lubusang kinikilala lalo na sa usaping limbagan. Meron man ngunit hindi sapat o may
kakulangan. Sa katunayan sinabihan pa nga ako na isalin ang aking sulating
pananaliksik sa Ingles upang makilala kaya lubos akong nalungkot at napaisip na – may
istandard ba ang sulating pananaliksik upang ito ay makilala sa kabila ng pagnanais
nito na makapagdulot ng dunong? Kailangan bang Ingles ang gamitin para masabing ito
ay pasok sa akademikong sulatin? Maging ang aking propesor ay nagsabing “kaya
ayoko kong nagsusulat sa Filipino ng pananaliksik kasi hindi ito kinikilala sa
presentasyon”. Nakalulungkot na danas ngunit pilit ko pa rin pinapaniwala ang sarili na
isang araw ay magkakaroon ng espasyo sa mga sulating pananaliksik sa Filipino sa
larang ng akademikong sulatin sa bansa at maging sa buong mundo. Kung ang China,
Japan, India at iba pang bansa ay nagawa ito bakit kaya hindi natin ito magawa sa ating
bansa. Tayo nga ba ang suliranin?

Bilang kongklusyon, tunay ngang masalimuot ang danas ng pagpaplanong


pangwika sa bansa. Mukhang marami pa ang kailangang bunuin upang mapatunayan
ang ating panig at hinaing sa usaping ito. Kinakailangan ng maraming tingting sa
pagkakataong ito upang maipakita na tayo ay nagkakaisa sa hangaring ito. Mahalaga
ang pagpaplano sa lahat ng aspekto ng buhay. Ang maingat at matagumpay na
pagpaplano ay maaaring makapagdulot ng mayabong na bunga - ito man ay
nangangailangan ng pagpapaunlad o pagpapatuloy. Ngunit sa usaping ito, tulad ng
nabanggit sa artikulo, malaki ang gampanin ng ating mga lider sa pagpaplano upang
pangunahan ang mithiin. Hindi ito laban ng iisa o iilan lamang, laban ito ng bawat
Pilipino tungo sa pagnanais na maayos at payapang bansa. Hari nawa!

You might also like