Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Karera ng buhay: Tagumpay ni Erwin Mancao

Sabi nga nila, ang pagkatalo ay hindi basehan upang malaman ang iyong kagalingan. Marahil dahil sa
pagkatalong ito ay may matutunan ka at matutuklasan mo ang tunay na nakalaan para sayo. Ito ay
pinatunayan ng Region 10 star athlete na si Erwin Mancao matapos siyang maging kampeon sa 2018
Palarong Pambansa sa 5,000-meter run na naganap sa Vigan City, Ilocos Sur. Maraming naantig sa
kanyang kwento matapos kumalat ang kanyang larawang kuha ng PTV Ylocos, kung saan hindi niya
naiwasang umiyak pagkatapos manalo sa laban at mapgatanto na ang perang kanyang napanalunan ay
magagamit nila upang maipaayos ang kanilang bahay. Naging viral at umani ng humigit sa 81,000
reactions, 10,000 comments, at 14,000 shares ang nasabing post na naging daan din upang siya ay
matulungan sng mga taong nagmamagandang-loob.

Isang batang walang pangarap sa buhay kung maituturing si Erwin. Dumaan siya sa matinding
pagkalugmok nang siya ay naging bahagi ng isang fraternity sa kanilang paaralan hanggang sa siya ay
namulat. Binago ng isports ang kanyang buhay. “Kagaya ng ibang mga bata, wala rin akong pangarap
noon. Sumali pa nga ako ng frat, pero nang naging atleta ako, doon ko na-realize na ang lahat ng iyon ay
walang kwenta,” sabi niya. Sumali muna sa swimming at boxing ang 18 taong gulang na binata bago
natuklasan ang kanyang kakayahan sa larangan ng athletics.

Nagtagal siya ng tatlong taon sa boxing dahil sa kagustuhang kumita ng pera, at nais ng kanyang tiyuhin
na isa ring boksingero na sundan niya ang ang kanyang yapak. Naging puspusan ang pag-eensayo nila
nang siya ay naging Grade 8, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, isang batang amateur boxer ang
naiulat na namatay sa Regional athletic meet na ginanap sa Zambales noong 2013 na naging dahilan
upang pansamantalang tanggalin ang naturang laro.

Napilitang sumubok ng ibang laro si Erwin dahil sa nangyari hanggang sa nakitaan siya ng potensyal sa
pagtakbo ni coach Cherry Cabilunan at doon na siya nagsimulang lumahok sa pagiging athletics player.
Hindi naging madali ang pinagdaanan ng binatang atleta bago niya masungkit ang inaasam na ginto.
Dumaan siya sa pagkatalo at sinubok din ng pagkakataon noong siya ay nagtamo ng injury dahil sa
kanilang pagsasanay ilang araw bago nagsimula ang 2016 Palarong Pambansa sa Antique. Kaya bigo
siyang makapaglaro at ‘di umano’y naging taga-suporta at naging water boy siya sa kapwa niyang
runner. Aniya, “Napakasakit para sakin ang pagkakataong iyon dahil nagpursigi ako at nakakuha ng
tatlong gintong medalya sa Regionals para makapasok sa Palarong Pambansa ngunit nabalewala lang
ang lahat ng pagod ko sa pag-eensayo”.

Sa kabila ng lahat ng pagsubok, hindi ito naging hadlang upang siya ay sumuko sa paglalaro at sa halip ay
mas naging determinadong marating ang rurok ng tagumpay. Sumali siya sa Philippine National Games
(PNG) at naging kinatawan ng Pilipinas sa larangan ng athletics sa ginanap na ASEAN School Games
(ASG), kung saan nasungkit niya ang silver medal sa 1,500-meter run. Ngayon ay nagbunga na ang lahat
ng hirap at sakripisyong kanyang pinagdaanan, makapagbigay lamang ng karangalan sa bansang
sinilangan.
Kasalukuyang hawak ni Mancao ang 16:01.60 record sa 5,000-meter run sa Palarong Pambansa.
Sinisikap niyang mapanatili sa kanyang mga kamay ang kampeonato at mag-uwi rin ng ginto sa 1,500-
meter run. “Pagsisikapan ko pong madepensahan ang aking titulo kasabay ng pananalangin sa ating
Panginoon sapagka’t wala naman pong nakaaalam sa maaaring maging resulta ng laro,” pahayag niya.
Ibinahagi rin ng atleta ang kanyang sikreto sa bawat tagumpay na kanyang tintamasa.

Sabi niya, “Pagdarasal, determinasyon, tiwala sa sarili at pokus sa bawat laro ang tanging sikreto ko po
upang ako’y manalo.” Nag-iwan naman siya ng mensahe para sa mga batang atleta na nangangarap na
maging kagaya niya na nagtagumpay ng dahil sa sports. “Huwag kang sumuko kapag natalo ka sapagka’t
bago mo matamasa ang tamis ng pagkapanalo, matitikman mo muna ang pait ng pagkatalo,” aniya.
Sinuman ay kayang magwagi sa karera ng buhay basta may matibay ang kalooban at hindi basta-basta
sumusuko sa bawat hamong naghihintay sa iyong paglalakbay tungo sa hinahangad na tagumpay.

You might also like