Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

Pamagat ng Pagsusuri

Ang Kuwento ni Kupido at Psyche (Mitolohiya Mula sa Roma)


Maikling Buod ng akdang susuriin
Noong unang panahon ay may isang napakagandang dilag na nagngangalang
Psyche na inibig ng isang anak ng Diyosa na si Cupid. Simula una ay tutol ang ina ni
Cupid na si Venus sa pagmamahalang ito. Ngunit kinalaunan ay naging mag-asawa pa
rin ang dalawa kahit hindi pa nakikita ni Psyche si Cupid dahil sa kahilingan at tulong na
hiningi ni Cupid kay Apollo na tinupad naman nito at sa kagandahan ng pagkakataon ay
katulad din sa hinihingi ng Ama ni Psyche. Habang payapa na namamalagi si Psyche
sa mansiyon ay sinulsulan ito ng kaniyang mga kapatid na dapat niyang makita ang
mukha ng asawa dahil baka ito ay isang halimaw. Litong-lito na iniwan ito ng
magkapatid at tuluyang naniwala at agad na sinuway ang utos ng asawa na hindi muna
nito dapat makita ang kaniyang mukha. Nang maisagawa na ang plano, nagkasugat sa
balikat si Cupid sanhi ng pagkatagas ng langis mula sa ilawan na ginamit ni Psyche
upang matanawan ang anyo ng guwapong asawa. At dahil sinuway siya ni Psyche,
nagalit si Cupid at nagpasyang umalis muna dahil sa sakit sa balat at damdaming
natamo. At upang mapanumbalik siya sa kaniyang asawa ay ginawa lahat ni Psyche
kahit lubos siyang pinahihirapan ni Venus. Makikita ang kaniyang determinasyon dahil
hindi siya sumuko sa apat na pagsubok at pagpapahirap na ibinigay ni Venus sa kaniya
at dahil na rin sa tulong mga nilalang sa kaniyang paligid na hindi nagdalawang-isip na
tulungan siya. Sa bandang huli ay naging imortal din si Psyche dahil sa ambrosia na
binigay ni Jupiter at namuhay ang mag-asawang Cupid (pag-ibig) at Psyche (kaluluwa)
nang maligaya na walang gumagambala sa kanila magpakailaman.
Pagsusuri sa banghay
Tauhan
 Psyche – Isang prinsesa at bunsong anak sa tatlong magkakapatid na babae na
labis na hinahangaan at sinasamba ng kalalakihan dahil sa kaniyang walang
kapantay na kagandahan. Siya ang naging asawa ni Cupid at naging immortal sa
pamamagitan ng Ambrosia. Sinisimbolo rin niya ang isang bagay na madaling
masira.
 Haring Ama ni Psyche – Isang mapagmahal na Ama ng tatlong magagandang
prinsesa. Sinisimbolo niya ang isang Amang na handing gawin ang lahat para
lamang mabigyan ng masaya at magandang kinabukasan ang kaniyang mahal
na anak.
 Venus – Ang diyosa ng kagandahan na ina ni Cupid na nainggit sa papuri at
pagsambang natamo ng isang mortal na si Psyche. Sinisimbolo niya ang isang
nilalang na nagkaroon ng poot dahil sa inggit.
 Cupid – Ang diyos ng pag-ibig at isang imortal na umibig kay Psyche. May
mabuting puso at may aking taglay na kagwapuhan.
 Apollo – Ang diyos na tagapayo ng mga mortal at imortal. Siya ang nagbigay ng
orakulo patungkol sa mapapangasawa ni Psyche. Sinisimbolo niya ang isang
nilalang na bukas ang loob sa lahat ng pagkakataon. Gayundin, simbolo ng
kabaitan at kawanggawa.
 Zephyr – Ang hangin na nagsilbing taga-hatid.
 Mga nakakatandang kapatid ni Psyche – Mga anak ng Hari at ate ni Psyche na
may angking kagandahan pero walang kapantay sa kanilang bunso. Parehas
silang naunang nakapang-asawa at tumira sa kani-kaniyang palasyo. Sila ang
nainggit sa natamong kapalaran ni Psyche at bunga nito ay nagplano sila nang
masama sa asawa ni Psyche. Sinisimbolo nila ang isang nilalang na hindi
mapagkakatiwalaan sa harap ng problema at buhay. Sa madaling salita, simbolo
ng inggit at pagkaganid.
 Proserpine – Ang reyna sa ilalim ng lupa na asawa ni Hades na nagtatamo ng
pampaganda na gumagana lamang sa mga imortal.
 Charon – Ang bangkero sa ilog ng kamatayan na kailangang bayaran upang
makatawid.
 Jupiter –Ang diyos ng mga diyos at tao. Siya ang pormal na nagpahayag na sina
Cupid at Psyche ay mag-asawa na at wala nang dapat gumambala sa kanilang
dalawa. Siya rin ay isang maunawaing diyos na nagbigay kay Psyche ng
Ambrosia na isang pagkain ng mga diyos upang maging isang imortal ang isang
tao. Sinisimbolo niya ang isang nilalang na may angking katalinuhan at
pagkakaroon ng malawak na isipan.
 Mercury – Ang nagdala kay Psyche sa kaharian ng mga Diyos.

Tunggalian o suliranin
Si Psyche ay lubos na hinahangaan ng lahat ng kalalakihan na
humantong sa pagsasamba sa kaniya. Ang kaganapang ito ay nagbunsod sa
pagbabalewala sa Diyosa ng kagandahan na si Venus. Dahil dito ay nagalit ang diyosa
at pinapunta niya ang kaniyang anak na si Cupid kay Psyche upang parusahan ang
mortal. Ang resulta ng pagpunta ni Cupid kay Psyche ay pagkabuo ng pagmamahal ni
Cupid sa nasabing mortal. Si Cupid ay tumungo kay Apollo upang humingi ng tulong na
sinagot naman ni Apollo sa pamamaraang sinunod niya ang utos ni Cupid na kaniyang
pinayuhan ang Haring Ama ni Psyche. Buhat ng pag-aalala ng ama dahil matagal nang
nag-iisa si Psyche, ginawa nito ang lahat ng kaniyang makakaya upang magkaroon ng
magandang bukas si Pysche na siyang ugat ng mga pagsubok na kinaharap ng dalawa.
Kasukdulan
Ang patuloy na pakikibaka ni Psyche sa kaniyang kapalaran na nagsimula
sa pagkikita nina Psyche at ng kanyang mga kapatid. Ang pagkamangha ng dalawang
nakakatanda sa kanilang nasilayan at ang pagtatanim ng mga ito ng inggit sa kanilang
bunsong kapatid. At sa muling pagdalaw ng mga ito ay kasabay ang maiitim na balak
nila kay Psyche at ang tuluyang pagkalason naman nito sa mga salita ng kaniyang mga
kapatid. Nang nabalot na ng dilim ay agad na pumunta si Psyche sa silid ng asawa at
ang pagkatuklas ni Psyche sa tunay na katauhan ng kaniyang asawa na isa pala itong
napakagwapong lalaki at hindi isang halimaw. Ang pagtulo ng langis ng lampara sa
balikat ng kaniyang asawa ang gumising kay Cupid kasabay ng pagkakatuklas nito na
nagtaksil si Psyche. Ang paglisan ni Cupid sa mansiyon at ang pagsasabi na “hindi
mabubuhay ang pag-ibig kung walang tiwala.” Natuklasan ni Psyche na ang kaniyang
asawa pala ay diyos ng pag-ibig na si Cupid. Buhat ng determinasyon ay pumunta si
Pysche sa kaharian ni Venus at mababatid ang dagdag na galit na nabuo kay Venus sa
pangyayaring kaniyang natuklasan. Handa siyang maging isang alipin dahil alam niya
na siguradong pumunta si Cupid sa kaniyang ina para gamutin nito ang kaniyang mga
sugat na natamo. Binigyan ni Venus ng apat na mahihirap na pagsubok ang mortal na
si Psyche na ginabayan ng mga nilalang na nakapaligid sa kaniya. Ngunit, may
karupukang ipinakita ni Psyche sa pagnanais na gumandang muli sa kahon na ibinigay
ni Proserpine para kay Venus na naging dahilan ng pagkakatulog ni Psyche.
Kakalasan
Sa kabilang banda ay humilom na ang mga sugat ni Cupid. Mababanaag
ang pagkasabik nitong makita ang asawang si Psyche na labis niyang mahal. Tumakas
ito sa pagkakakulong at agad nahanap ang asawa nito malapit sa palasyo. Natagapuan
ni Cupid si Psyche na walang malay. Ginising niya ito at nagtapgpo muli ang kanilang
mga mata. Muling pinaalahanan ni Cupid si Psyche sa pagiging mausisa nito na muling
humantong sa kaniyang kapahamakan. Nagtungo si Psyche kay Venus upang ibigay
ang kahon at natapos na ang paghihirap niya.
Wakas
Si Cupid ay nagtungo naman kay Jupiter upang humingi ng tulong.
Mababakas ang kabaitang ipinakita ni Jupiter sa pagtupad at pagpayag sa kahilingan ni
Cupid na tiyaking hindi na sila ni Psyche gagambalain pang muli ng kaniyang ina.
Nagpatawag ni Jupiter ng isang pulong ng mga diyos kasama na si Venus at dinala ni
Mercury si Psyche sa nasabing pulong ng mga diyos. Ipinahayag ni Jupiter na si Cupid
at Psyche ay pormal ng mag-asawa. Kasunod nito ang pagpapakain ni Jupiter kay
Psyche ng ambrosia na pagkain ng mga diyos upang maging imortal. Panatag na si
Venus sa nasabing pangyayari dahil si Psyche ay isa nang diyos at hindi na si Psyche
magiging panggambala sa pagsamba kay Venus bilang diyosa. Sa huli ay matiwasay
na nagsasama si Cupid at Psyche bilang mag-asawa magpakailanman kahit maraming
hirap at pasakit ang kanilang madaanan.
Mensahe
Napakaraming aral at mensahe ang nakapaloob sa kuwentong ito at hindi
maitatanggi na magagamit natin ito sa pang araw-araw nating pamumuhay. Una, tiwala
ang pundasyon ng pagmamahal. Katulad ng nabanggit ni Cupid, hindi mabubuhay ang
pag-ibig kung walang pagtitiwala. Sa kasalukuyan, maraming mga mag-asawang
naghihiwalay dahil sa kawalan ng tiwala na hindi naman nararapat. Ito dapat ang unang
kakapitan at panghahawakan kaakibat ng respeto. Pangalawa, huwag pairalin ang
pagiging inggitera kagaya ni Venus at ang dalawang nakatatandang kapatid ni Psyche
dahil wala itong mabuting maidudulot sa atin datapwat ay masamang karma. Maraming
nasisira at nasasayang na relasyon dahil sa inggit. Bilang isang mabuting tao, hindi
dapat nating ikumpara ang ating sarili sa iba. Lahat tayo ay may taglay na kakayahan at
iba-iba ng kapalaran. Nasa sa atin kung gagawin natin itong inspirasyon o ilusyon.
Panghuli, ang pag-ibig ay parehas na biyaya at sakripisyo na dapat ipaglaban. Kagaya
ng pag-iibigang ipinakita nina Cupid at Psyche na kahit anong pahirap ang ibinigay sa
kanila ng tadhana ay hindi pa rin sila nabuwag at napigil na sa kahuli-hulihan ay
nagtagumpay silang dalawa at nagkasama magpakailaman. Ito ay maihahalintulad din
sa tunay na buhay na ang tunay na pag-ibig ay masusukat sa mga pinagdaanang
pahirap na nalagpasan kahit anong unos man ang dumaan ay napagtatagumpayan pa
rin. Ang nasabing mitolohiya ay nagpatunay kung ano talaga ang isa sa mga tunay na
depinisyon ng salitang pag-ibig.
Bisang Nakapaloob sa akda
Batay sa aking pagsusuri, ang bisang nakapaloob sa akda ay bisang kaasalan.
Kagaya ng aking nabanggit sa mensahe ng naturang akda, ito ay nagbigay-diin sa mga
nararapat na ugali na dapat nating taglayin upang maging mapayapa at masagana ang
ating buhay. Aking napagtanto na dapat nating iwaksi ang ugaling hindi maganda
bagkus ay pairalin ang pagtulong at pagtanggap. Ang buhay ay madali lamang kung
ating iisipin kung kaya’t gawin natin ang mga bagay na makakapagpasaya sa atin at
ilaban natin ito hanggang sa dulo kung wala tayong inaapakang tao. Gayundin, ang
kagandahan ay may kaakibat na kalungkutan. Kailangang handa tayo sa anumang
pagsubok dahil mas dakila ang buhay kapag balanse ang lungkot at saya na ating
nadarama.
Konklusyon
Matapos mabasa at masuri ang akda ay labis akong nasiyahan sa kabuuang
mensahe ng kwento. Si Cupid ay isang halimbawa na dapat tularan ng mga kalalakihan
sa ngayong kapanahunan. Ako rin ay lubos na nasiyahan sa pagmamahal na ipinakita
ng Amang Hari ni Psyche sa kaniya, ito ay nagpapakita na ang pagmamahal ng
magulang ay isa sa mga pagmamahal na hindi mapapantayan. Sa kabilang banda, ako
ay nagalit at nalungkot sa inggit at pangingimbulong na ipinamalas ng mga kapatid ni
Psyche. Ang kanilang ugali ay hindi dapat tularan ng mga magkakapatid sapagkat ito ay
magreresulta sa kapahamakan at kahirapan sa panig ng lahat o sa iisang panig. Ang
ugaling ipinakita nina Apollo at Jupiter ay kapuri-puri sapagkat ang pagiging maunawain
at pagiging mabait ay isang magandang katangian na dapat pangalagaan at isabuhay.
Samantalang ang ugaling ipinakita ni Venus ay hindi angkop na gayahin ng mga ina.
Bilang ina ay dapat maging maunawain sa mga anak at kapwa tao dahil sila ang
binansagan bilang “ilaw ng tahanan” na nangangahulugang maging mabuti modelo sa
mga anak. Ang mga bagay din ay binigyang buhay sa mito gaya ng tore at pati na rin
ang mga hayop ay binigyan ng karakter gaya ng agila, aso at langgam. Ipinakita rin sa
mito ang buhay at paniniwala ng mga italyano na sila’y naniniwala sa maraming diyos at
diyosa at ang kanilang mga lugar ay sadyang kakaiba pati na rin ang kanilang
paniniwala. Ang tagpuan at panahon ng akda ay nakaayon sa paniniwala nila sa
pagsamba sa kanilang mga diyos at diyosa na nagbigay sa panunuring pampanitikan
ng mga taga-Roma. Ang mga pangayayari ay nagpapahayag ng pananaw ng may-
akda, tulad ng aking nabanggit, kahit ang ilan sa mga aksyon ay di-kapanipaniwala
ngunit nagsilbi pa rin itong simbolo sa isang makatotohanang ideya ng pagmamahal,
kung kaya’t ang mga pagkapit ng mga pangyayari ay may kaisahan mula umpisa
hanggang wakas. Kakabit ng pagsulat ng akdang ito ang iba’t ibang uri ng pamumuhay,
paniniwala, kaugalian at maging ang kulturang nagingibabaw at nakakaimpluwensyang
pananaw sa ibang tao at maging sa bansa.

You might also like