Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

Bakla ba si Rizal?

Ni Isagani Cruz

Kapag naitatanong ko sa kapwa ko iskolar kung may posibilidad na bakla ba si Jose Rizal ay
agad sa aking isinasagot na may asawa daw siya’t anak. Alam kasi ng madla na naging kabiyak
niya si Josephine Bracken at nagkaroon sila ng anak, iyun nga lamang ay nakunan itong si
Josephine.

Hindi ko naman masabi sa mga kaibigan ko na walang kinalaman ang pagkakaroon ng asawa sa
pagiging bakla. May mga kaibigan kasi akong iskolar na may asawa nga at kung minsa’y may
anak pa na alam ko namang may mga boyfriend kung wala sila sa bahay. Marami rin naman
tayong kilalang malalaking tao sa lipunan na may asawa nga’t may anak na kilalang kilalang
bakla.

Pero nang mabasa ko na sinabi raw ng historyador na si Ambeth Ocampo kamakailan na


maaaring hindi anak ni Rizal ang batang nakunan kay Josephine ay bumalik ang aking unang
hinala tungkol kay Rizal. Ang sabi raw ni Ocampo, ayon sa kolum ni Barbara Gonzalez, ay
inako lamang ni Rizal ang anak ni Josephine, dahil buntis na ito nang magpunta ito sa Dapitan.
Ang sabi ni Ocampo ay ni minsan pala ay hindi nabanggit ni Rizal sa kanyang mga sulat na
buntis itong asawa niya, isang bagay na sigurado nga namang mababanggit nito dahil malaking
bagay iyon para sa isang lalaking may asawa at mahilig sa bata.

Ang hinala pa nga ni Ocampo ay hindi raw sumiping kailanman si Rizal kay Josephine. Hindi
naman nabanggit ni Gonzalez kung bakit naisip ito ni Ocampo, dahil iba naman ang pagbubuntis
sa pakikipagtalik (karaniwang napakaraming beses na pagtatalik ang kinakailangan bago
mabuntis ang isang babae, di tulad sa pelikula na isang gahasa lamang ay buntis na kaagad ang
isang dalaga). Pero may hinala ako sa bagay na ito.

Sa palagay ko ay wala talagang hilig sa babae itong si Rizal. Sa madaling salita’y bakla siya.
Kaya nga lamang ay hindi pa uso sa Filipinas noon ang magladlad, at malaking kahihiyan para sa
isang mayaman at kilalang taong katulad niya ang lantarang makipagtalik sa kapwa lalaki. Dahil
sa kanyang natural na pagkakonserbatibo, hindi nailabas ni Rizal ang tunay niyang pagkatao.

Pero lumabas ito sa pagiging ilap niya sa mga babae. Kunin na lamang nating halimbawa ang
relasyon dapat nila ni Nelly Boustead. Gusto ng mga magulang ni Boustead si Rizal.
Pinababayaan ang dalawang mag-usap nang mag-isa sa kuwarto ni Rizal (dahil nangungupaahan
siya noon sa bahay nina Boustead). In- love na in-love naman itong si Nelly Boustead kay Rizal.
Sa katunayan ay para pa ngang ang babae ang pumipilit kay Rizal na magpakasal na sila, pero
hindi pumayag si Rizal. Bakit daw? Dahil Protestante ang pamilya ng babae at Katoliko raw
siya.

Anong laking kahibangan iyan! Alam natin na Katoliko nga sa binyag si Rizal, pero matagal na
niyang itinakwil ang Simbahang Katoliko. Napakarami ng mga sulat niya na nagpapatunay na
hindi siya makapaniwala sa mga itinuturo ng mga Katoliko. Naririyan pa ang mga nobela niya,
na talaga namang laban sa Simbahan (hindi lamang sa mga masasamang prayle, kundi sa
Simbahan mismo, kung inyong susuriing mabuti). Hindi sapat na dahilan ang relihyon para
iwasan ni Rizal si Nelly Boustead.

Ano ang talagang dahilan? Para malaman ito ay huwag na tayong umasa pa na makakukuha pa
tayo ng mga dokumento na laging kinakailangan ng mga historyador. Malabo na sigurong
makakuha tayo ng ebidensyang kikilanlin ng mga iskolar. Ang gawin na lamang natin ay gamitin
ang ating imahinasyon. Suriin natin ang buhay ni Rizal sa pamamagitan ng literatura, sa halip ng
historya.

Naririto ang isang lalaking Filipino. May pera, makisig, matalino, marunong magsalita, kung
saan saan na nakalakbay, kilala sa kanyang sariling bayan at may reputasyon na rin (kahit
gaanong liit) sa ibang bansa. Sa madaling salita’y madali talagang ma-in-love ang isang babae sa
ating bida. Naririto naman ang isang babaeng Ingles (o kahit na Hapones, dahil huwag dapat
nating kalimutan si O Sei San). Hindi Katoliko na hawak sa leeg ng mga makalumang tuntunin
ng Simbahang Katoliko. Sa ibang salita’y isang babaeng walang tutol sa pakikipagtalik sa lalaki
kahit na hindi niya ito asawa.

Nasa Europa tayo, sa isang bansang kilala sa pagiging malaya sa larangan ng sex. (Alalahanin na
ang Estados Unidos ay nagkaroon ng tinatawag na “sexual revolution” noong simula ng ating
dantaon dahil ang mga Amerikanong sundalo ay napunta sa Europa noong Unang Digmaang
Pandaigdig at nakita kung gaano kalaya ang mga babaeng Europeo sa sex.) Tandaan na ang
relihyon ng Ingglatera ay ipinanganak dahil sa kalibugan ng isang lalaki -- si Henry V. Hindi

pinag-uusapan sa Ingglatera noong panahon ni Rizal ang sex bago kasal. Pangkaraniwan lamang
iyon.

Narito tayo sa isang kuwarto. Kuwarto ito ng ating bidang lalaki na galing sa Filipinas. Pasok
ang babaeng Europeo. Masaya sila, dahil magkaibigan sila. Marami silang pinag-uusapan. Isa sa
mga pinag-uusapan nila ay ang kasal. Maaari ba namang pag-usapan iyon kung hindi nila
nararamdaman sa isa’t isa ang hangaring pangkatawan (oo, libog)? Pero hindi itinuloy ito ni
Rizal. Paano natin alam ito? Dahil nga hindi niya naikukuwento sa kanyang mga sulat at sinulat!
Kung iyong pinakamaliit na gastos niya sa kung anu-anong bagay ay isinusulat niya, kung iyong
pamamasyal niya sa kung saan-saan ay ibinabalita niya sa kanyang mga kasulatan, kung ang
halos lahat ng mga naranasan niya ay naisama niya sa kanyang mga nobela at sanaysay at tula --
ay iyon pang pakikipagtalik sa isang babae? Ni minsan sa kanyang mga sinulat ay walang sex!

Hindi masasabi na bawal naman noong mga araw na iyon ang pagsusulat tungkol sa sex.
Tandaan natin na ika-19 dantaon ito sa Inglaterra, kung saan nagkalat ang tinatawag na
pornograpiya (na ngayon ay literatura na!). Tandaan din na palabasa itong si Rizal, at hindi
maaaring hindi niya nabasa noon ang uso sa mga nobela -- hindi maraming sex, pero mayroon
sex, kahit kaunti.

Pero walang sex sa mga nobela niya. Sa halip ay may pag-ibig na nakalimutan naman niyang
ikuwento nang madalas. Sa Fili nga ay halos idugtong na lamang niya na mahal pala ni Simoun
itong si Maria Clara. At sa Noli ay usapan lamang sila, at ni hindi man lamang nagkahawakan ng
kamay (kung kaya’t iyan na nga ang naging maling larawan ng dalagang Filipina).
Bakit walang sex sa mga sinulat ni Rizal? Kasi nga ay wala siyang karanasan dito. At bakit
naman wala siyang karanasan dito gayong mahilig ang mga kasama niyang mga propagandista
sa pambabae sa Madrid at Barcelona? Puwes, medyo kahinahinala, di ba?

Hindi maaaring itutol na kasi’y rebolusyonaryo siya at wala siyang oras para sa babae.
Rebolusyonaryo rin naman ang mga kasama niyang mga estudyante sa España at hindi napigil ng
mga ito ang kanilang gigil, dahil nga magwawaldas ng pera ang mga ito sa mga putahan sa
bayang iyon. At kung rebolusyonaryo na rin lamang ang pinag-uusapan ay naririyan si Mao Tse
Tung. Wala nang hihigit pang rebolusyonaryo diyan, dahil nilikha niya ang rebolusyon sa Tsina.
Pero ano pala ang ginagawa ni Mao kung hindi siya nakikibaka? Nakikibaka siya sa

maraming mga babae! May harem pala itong si Mao, ayon sa mga lumalabas ng mga talambuhay
ngayon. Maniakis pala siya! Puwes, kung isang rebolusyonaryong tulad ni Mao ay maaaring
maging manyakis, puwede rin si Rizal.

Pero hindi nakipagtalik si Rizal sa kahit na sino sa ilan ring mga babaeng humabol sa kanya sa
iba’t ibang bansa. Isa lamang ang kongklusyon ko diyan. Hindi kasi siya mahilig sa babae.

Nangangahulugan bang bakla siya? Kung idadagdag natin dito ang patuloy na ugnayan niya kay
Blumentritt, sa mga kapwa niya propagandista, at sa mga iba pang bayani natin na pulos lalaki ay
medyo magiging kapanipaniwala ang ating kuwento. At isama na natin ang pagiging mahusay
niyang manunulat, may malasakit, magaling tumingin sa mga kulay sa kapaligiran, at lalo na ang
kanyang mahirap intindihing pagkamuhi sa ideya ng armadong rebolusyon (sa nobela’y bida si
Elias pero sa totoong buhay ay ayaw niya sa ginagawa ni Andres Bonifacio) -- at wala tayong
maaaring ibang kongklusyon kungdi na bakla si Rizal, kahit na hindi siya nagladlad.

You might also like