Gunitain Ni: Rexchelle Mira (Kuwento ni Madelyn “Neneng” Mira)
Si Madelyn Mira ay ipinanganak noong June 21,1971 sa Lanuza,
Surigao del Sur, siya ay aking ina. Inse o neneng ang palayaw niya, pang anim siya walong magkakapatid. Anak siya nina Monico Mira at Maria Repeso. Mula pagkabata ay marami na akong kuwentong naririnig mula sa kanya. Sabik na sabik akong marinig palagi ang kanyang mga kuwento at karanasan niya noong bata pa siya
Sariwang sariwa pa sa aking alaala ang mga kuwento ni Inay noong
kabataan niya. Pinakapaborito ko sa lahat ay yung kuwento niya noong nag-aaral pa siya sa Castillo, San Miguel. Sa edad na siyam ay masasabi kong, napakatapang niya para sa isang bata ang mag-isa lang na bumabagtas sa gubat, nasa unang baitang pa lamang siya noon, para lamang makapag-aral ay binabagtas niya ang pagkalayo layong daan upang makarating sa paaralan ng Elementarya ng Castillo, may mga panahon habang binabagtas niya ang daanan na iyon, ay marami siyang di makakalimutang mga karanasan, makikita niya ang mga naglalakihang punong kahoy na binabahayan ng iba’t ibang uri ng unggoy ang iba’y binabato siya nito kapang dumadaan siya, ang iba naman tatangkain siyang habulin. Napakasukal ng kanyang dinadaanan halos matabunan siya ng mga halamang damo, may mga ahas pa na bigla bigla nalang susulpot sa kanyang daraanan, kung minsan pa nga ay nakakarinig pa raw siya ng iyak ng sanggol subalit hindi niya alintana ang mga iyon ang mahalaga sa kanya ay ang makapag-aral. Baon niya ang kamoteng kahoy na nakabalot sa dahon ng saging na magsisilbing pananghalian niya sa klase, mababakas ko sa kanyang mga mata habang nagkukuwento, ang kagustuhan niyang mag-aral sa kabila ng hirap na pinagdaanan.
Noong nalipat sila ng matitirhan sa bayan ng Matho kung saan sila
lumaking magkakapatid. Simple at payak ang kanilang pamumuhay, madaling araw pa lamang ay pumapalaot na sila kasama ang buong pamilya sa pangunguha ng isda sa pamamagitan ng baling, iyon ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Noong nasa Elementarya pa lamang siya ay nakaranas siya na maglako ng isda, ipinapatong niya ang palanggana na may isda sa kanyang ulo habang naglalako, para may pambili sila ng lapis at papel. Bata pa lamang ay naiintindihan niya na ang hirap kumita ng pera, kaya nagsikap siyang makatulong sa kanyang nanay dahil alam niya ang hirap ng buhay nila. Tumutulong din silang magkakapatid sa pagsasaka tuwing bakasyon. Nangunguha sila ng pato dela Mar sa bukid, baboy ihalas at Ulang sa sapa kapag walang klase. Sariwang sariwa ang hangin na nalalanghap nila, malinis ang tubig sa batis kung saan sila naglalaro at naliligo.
Masaya ang buhay nilang magkakapatid sabi ni Inay, sila yung
matatawag mong kontento na sa simpleng buhay, wala mang magagarang damit, bahay at mga laruan, puno naman sila sa pagmamahal at pag- aaruga. Ang libangan nila ay maghabulan sa dalampasigan, bitbit ang niyog at kamote na tanging meryenda nila matapos maglaro, naalala pa niya may aso silang ang pangalan ay Browny, napaka espesyal ng aso na iyon para sa kanilang magkakapatid, sabi pa nga ni Inay napakatalino ng asong iyon, araw-araw nilang nakakasama sa pag-akyat sa bukirin. Parang tao daw mag-isip ang asong si Browny, isang beses pa nga nang dumating sila galing paaralan, walang silang ulam ng mga panahong iyon, kaya inutusan ng nakakatandang kapatid ni Inay ang aso na maghanap ng uulamin nila, umalis ang aso pagbalik nito ay may kagat kagat itoin na malaking ibon. Doon nila napagtanto na nakakaintindi pala asong si Browny mula noon ay mas napamahal sa kanila yung aso, hindi dahil naghahanap ito ng pagkain para sa kanila kundi mabait, masunurin, at matapat na aso si Browny. Umiyak pa nga raw siya ng mamatay ito dahil sa sobrang katandaan na, hindi niya malilimutan ang asong iyon.
Nagsimulang magbago ang mga buhay nilang magkakapatid noong
nag-aaral na sila sa Sekundarya, mahirap man sila ay nakapag aral sila sa isang praybeyt skol sa Saint Louis Catholic school sa bayan ng Tigao, ito’y bunga ng pagsisikap nilang makakuha ng iskolarship sa nasabing paaralan. Masaya ang kanilang pamumuhay kahit simple lang, nakakapag- aral sila subalit ng kalauna’y huminto si Inay sa pag-aaral dahil hindi na kaya ng kanilang mga magulang ang pag-aralin silang lahat. Kaya namasukan ang Inay upang makatulong sa pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Nagkasakit din ng mga panahong iyon ang kaniyang nakakatandang kapatid at kailangan ng malaking pera para sa panggagamot, naibenta ang kanilang lupang sakahan at dahil doon nagsumikap si Inay na magdoble kayod para makatulong
Hindi na muling nakapag aral si Inay, huminto na rin sa pag-aaral ang
iba pa niyang mga kapatid, dalawa nalang sa kanila ang nagpatuloy sa pag-aaral, nagkaniya-kaniya silang sikap para makatulong sa kanilang magulang. Masayang masaya siya ng makatapos ang dalawa niyang bunsong kapatid sa Sekundarya, sabi pa nga niya mabuti naman at may nakapagtapos sa kanila ng Sekundarya may maipagmamalaki na siyang mga kapatid. Sinusuportahan niya parin ito habang nag-aaral sa kolehiyo. Minsan nalang kung makauwi ang Inay noon habang nagadadalaga siya, kung saan saan siya namasukan. Hanggang sa nag-asawa siya sa edad na dalawampu’t pito, nagka-anak at ako ang naging bunga, tatlo kaming naging anak niya at ako ang panganay. Nakapagtapos ang dalawa niyang kapatid ang isa ay naging guro sa Sekundarya at ang isa naman ay Seaman. Masaya si Inay sa kabila ng hirap na pinagdaanan niya dahil nagtagumpay naman sa buhay ang kanyang mga kapatid.
Naisip ko tuloy, siguro kung hindi huminto ang Inay sa pag-aaral at
nakapagtapos, ano kaya ang propesyon niya? Subalit naisip ko rin na hindi man si Inay nakapagtapos o naging matagumpay sa buhay, masasabi ko naman na puno ng masasayang alaala ang kanyang kabataan na hindi naranasan ng mga kabataan ngayon. Noon pambatang laro, magazine, at komiks ang tanging libangan ng mga kabataan, masayang naghahabulan ng walang problema sa buhay, hindi katulad sa mga kabataan ngayon, lulong sa mga gadget at online games, halos hindi naarawan, palaging nakakulong sa kwarto, babad sa facebook, tiktok at iba pa. Kaya naman masasabi ko talaga na mas maswerte ang kabataan noon kaysa ngayon.