Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Kadakilaan Niya’y Ihahayag

Awit 34:3-4

Magandang umaga po sa ating lahat!

Ako po si Bro. Kevin Escleto ng Jesus First Christian Ministries – Biñan. Welcome pong
muli sa ating Morning Devotion with your Elders and Workers.

Sa araw pong ito ay aaralin po natin ang isang bahagi ng Awit 34 at papamagatan po
natin itong Kadakilaan Niya’y Ihahayag. Ito po ang sinasabi sa 34:3-4,

Ang kadakilaan niya ay ihayag,


    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.

Kung babasahin po natin ang simula ng awit, sinasabi na ang awit na ito ay Katha ni
David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.
Ang pangyayaring ito ay naitala sa 1 Samuel 21:1-15. Ngunit kung babasahin po natin
ito ay mapapansin natin na may mali sa kapahayagang ito sapagkat si Abimelec at
taong pinagkunwariang baliw ni David ay dalawang magkaibang tao.

Nasulat ang awit na ito sa isa marahil sa pinakamabigat na bahagi ng buhay ni David.
Matapos ba naman kasi ng panandaliang tagumpay nito sa pagkagapi niya sa
higanteng Filisteong si Goliath ay kinailangan niyang lisanin ang Israel dahil sa banta sa
kanyang buhay. Banta sa buhay mula sa ama ng kanyang asawa at matalik na kaibigan
at higit na masakit ay ang mismong hari ng kanyang bayan – si Haring Saul. Nag-ugat
ito buhat sa malaking selos ng hari sa kanya sapagkat mas kinagigiliwan siya ng mga
tao kaysa sa kanilang hari, mula roon ay makailang beses nang pinagtangkaang
paslangin ng hari ang buhay ni David. Udyok ng babala mula sa kanyang matalik na
kaibigang si Jonatan ay nilisan niya ang Israel at nagtungo sa Nob at siya’y tumuloy sa
paring si Abimelec. Doon siya kumain ng tinapay na panghandog at kinuha ang espada
ni Goliath upang gawing sandata. Nilisan niya ang Nob at patuloy na tumakas
hanggang sa makarating sa Gat. Sa takot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis
ay nagkunwari siyang baliw at dahil dito ay inutusan ng hari ang kanyang mga tauhan
na alisin ito sa kanyang harapan. Mula sa Gat ay tumakas siyang muli at nagtago sa
kuweba ng Adullam.

Makikita po natin na hindi si Abimelec ang nagpalayas sa kanya kundi si Aquis na hari
ng Gat. Bagamat pareho silang nilinlang ni David, ang nagpalayas sa kanya ay si Aquis
matapos siyang magpanggap na nasisiraan ng bait. Sa loob lamang ng maikling
panahon, ang Israel’s Best Hero na tumalo kay Goliath ay naging Israel’s public enemy
No. 1.
Sa kabila nito, ano ang naging tugon ni David sa kanyang mabigat na pinagdadaanan?
Ang sabi ng awit sa unang bahagi,

Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;


pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.

Sa saling Ingles, nilapatan ito ng tono ni Don Moen at ito ang sinasabi,”

I will bless the Lord at all times


I will bless the Lord at all times
His praise shall continually be in my mouth.

Ano man ang ating pinagdadaanan sa buhay, ang awit na ito ay magpapaalala sa atin
na walang dahilan upang tayo ay tumigil sa pagpupuri sa Panginoon.

May dumating mang pagsubok? Magpupuri pa rin ako sa Panginoon.

Hindi man umaayon sa plano ko ang lahat ng nangyayari sa buhay ko? Magpupuri pa
rin ako sa Panginoon.

May mga pagluha man at kabiguan? Magpupuri pa rin ako sa Panginoon.

Masaktan man ang aking katawan o di kaya’y mamatay? Hindi ito sapat na dahilan
upang tumigil ako sa pagpupuri sa Panginoon.

Bakit magpupuri ka pa rin sa Diyos sa kabila ng mga bagay na ito? Simple lang naman
po kasi ang sagot, sapagkat si Yahweh ay marapat purihin at ang pagpipigil ninuman na
purihin si Yahweh ay panloloko sa kanyang sarili sapagkat sa lahat ng bagay, anuman
ang nangyayari, pabor man o hindi pabor sa atin ang pagkakataon, panahon man o di
napapanahon, ang totoo’y walang panahon na di dapat nating purihin si Yahweh.

Ang pagpupuring ito ay umabot pa nga upang hikayatin rin ni david ang iba na purihin at
dakilain rin si Yahweh. Isa sa mga mali sa panahon natin ngayon ay mas nakikita natin
ang kakulangan kaysa kung ano ang mayroon na, nakikita natin ang mga mali kahit
mayroon namang tama, mas pinahahalagahan natin ang mga walang saysay at
binabalewa ang marapat gawin, at pinupuri natin ang mali at hinahamak ang tama. Ang
mga bagay na ito ay hindi marapat na maging katangian ng isang taong tumatawag sa
kanyang sarili na kaisa ni Cristo.

Marahil may mga panalangin tayo na hindi pa rin tinutugon ng Panginoon, ang totoo’y
tumutugon Siya. Marahil ay iniisip ng iba na inabandona na sila ni Yahweh, sa
katotohana’y mauuna pa tayong umiwan kay Yahweh kaysa sa Siya ang umiwan sa
atin.
Tulad ni David nasisigurado kong may ibat’t iba po tayong pinagdadaanan ngayon sa
ating buhay pero sana tulad din ni David ay harapin natin ang mga ito ng nagpupuri at
dinadakila ang pangalan ni Yahweh sapagkat sa lahat ng pagkakataon siya ay tapat at
Mabuti sa atin. Purihin po si Yahweh Elohim.

Tayo po ay manalangin…

Marami pong Salamat sa patuloy na pakikiisa sa ating Morning Devotion, ako po bilang
exhorter sa programang ito ay na-eencourage na patuloy na magbahagi ng salita ng
Panginoon dahil sa patuloy niyong suporta araw-araw. Dahil ang pamagat at punto ng
aking pag-aaral ngayon ay patungkol sa paghahayag ng kadakilaan ni Yahweh, nais ko
pong hikayatin ang bawat isang nanunuod ngayon na itype sa comment box ang mga
bagay na nangyari sa iyo kamakailan na nais mong ipagmapuri sa lahat sapagkat
tinulungan ka ni Yahweh upang magpatuloy o di kaya’y magtagumpay, ikakagalak kong
basahin sila isa-isa sapagkat sila’y patunay na tapat at Mabuti si Yahweh kung kaya’t
marapat siyang purihin at dakilan. Maraming Salamat po

You might also like