“Hirap na hirap na ako.” “Magda-dropout na lang ako.” “Ayaw ko na.
” Ito ang ilan
sa mga salitang aking binitawan noong ako ay nag-aaral. Tulad ninyo, may mga panahon din na kulang ako sa tulog habang sobra naman ako kape. Tulad ninyo, may mga panahon ding sobra ako sa stress, anxiety at kulang naman ako sa pahinga. Tulad ninyo, may mga oras ding naiiyak na lamang ako sa sobrang dami ng gawain, ngunit sa kabila ng lahat ay makikita nating nagbunga ang lahat ng mga paghihirap. Ngayong araw, ang bunga ng mga pagod at hirap ay inyo nang makakamit dala-dala ang pangarap na nais niyong tuparin. Ang diploma man ay isang papel lamang, papel ito na naglalaman ng mga natutunan, mga pakikipagsapalaran, at mga sakripisyo hindi lang ninyo, kung hindi ng mga tao na nakapaligid sa inyo ngayon. Gusto kong simulan sa Panginoong Maykapal na nagdala sa ating lahat ngayon upang magtipon-tipon at masaksihan ang pagtatagumpay ng bawat isa. Sumunod ay ang mga guro na talaga namang pundasyon ng lahat ng ating mga kaalaman na ating bibitbitin sa mga susunod pang panahon. Syempre naman ay hindi natin malilimutan ang ating mga magulang na gumagabay sa ating mga paglalakbay at walang sawang sumusuporta sa atin anuman ang mangyari. Panghuli, gusto kong pagmasdan ninyo ang inyong paligid at tingnan ang mga mukhang nakasama ninyo sa pang-araw-araw at nakasama ninyo sa mga paghihirap, ang inyong mga kaibigan at kamag-aral. Nais kong pasalamatan ninyo ang isa’t isa. Sa mga araw na nagdaan noong kayo ay magkasama sa isang apat na sulok ng isang silid, hindi lamang pagkakaibigan ang inyong nabuo, kung hindi samahan na parang isang pamilya. Sa huli, gusto ko lamang ipaalala na hindi rito nagtatapos ang hamon ng buhay. Kung ikukumpara sa isang iceberg, taluktok pa lamang ito. Marami pa ang ating kahaharapin kapag lumabas na tayo sa apat na sulok ng isang silid. Lagi niyong tatandaan na hindi masama ang humingi ng tulong. Hindi ako naririto ngayon kung hindi dahil sa mga tulong na natatanggap ko mula sa mga taong nakapaligid sa akin. Sa hinaharap, kung hindi man kayo magtagumpay sa unang pagkakaton ay hindi pa iyon ang katapusan ng lahat dahil iyon ay simula pa lamang. Walang nagwawagi hangga’t walang nadarapa. Gusto kong ibahagi ang quote ng isa sa mga hinahangaan kong Physicist na si Richard Feynman, “As I get older, I realize being wrong isn’t a bad thing like they teach you in school. It is an opportunity to learn something.” Iyon lamang, maraming salamat at magandang hapon sa inyong lahat.