Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 10

I.

Susing Konsepto

PAGSULAT NG IBA’T IBANG URI NG TEKSTO


(Tuon sa Deskriptibo at Naratibong Teksto)

Sa pag-aaral natin sa iba’t ibang teksto, naririto ang kahulugan at katangian ng ilan pang
uri ng teksto:

TEKSTONG NARATIBO

Ang Tekstong naratibo ay nagkukuwento ng mga serye ng pangyayari na maaaring


hinango sa totoong pangyayari sa daigdig (di-piksyon), o nanggaling lamang sa kathang-isip ng
manunulat (piksyon). Ang pagsulat nito ay maaring batay sa obserbasyon o nakita ng may akda,
maaari din namang ito ay nanggaling mula sa sarili niyang karanasan. Ang tekstong naratibo ay
tekstong may pagkakasunod-sunod ng mga impormasyon sa isang maayos na paraan.Ito’y
ginagamit upang bigyan ng leksyon ang mga mambabasa sapgkat ang isang “ moral Lesson” o
araling moral ang makikita sa huling bahagi ng isang naratibo.

Ang ilan sa mga halimbawa ng tekstong nagkukuwento na nabibilang sa akdang piksyon


ay nobela, maikling kwento, at tulang nagsasalaysay. Ang halimbawa naman ng hindi piksyon ay
talambuhay, balita at maikling sanaysay. Lahat ng halimbawang nabanggit ay nagtataglay ng
pagsasalaysay gamit ang wikang puno ng imahinasyon, nagpapahayag ng emosyon sa mga
mambabasa, at nagpapakita ng iba’t ibang imahen, metapora at mga simbolo upang maging
malikhain ang katha.

Halimbawa : Akdang Piksyon Akdang hindi Piksyon

Dekada 70 (Nobela) Talambuhay ng mga Bayani

Paglalayag sa puso ng Isang Bata (maikling kuwento) balita

MGA KATANGIAN NG TEKSTONG NARATIBO

Katulad ng iba pang uri ng teksto, ang naratibong teksto upang maging epektibo ay may
mga katangiang dapat taglayin.
1. Nagpapakita ng pagkakasunod-sunod ng isang pangyayari.

2. Nasa anyong pasalaysay o nagkukuwento

3. Nagbibigay din ng tamang impormasyon

4. Tumutulong sa mambabasa na gamitin ang kanilang imahinasyon

5. Naka pokus ito sa tamang pagkakasunod-sunod ng pangyayari

A. May iba’t ibang pananaw o Punto de-vista sa tekstong naratibo

Sa pagsasalaysay o pagkukuwento ay may mga matang tumutunghay sa mga pangyayari.


Ito ang ginagamit ng manunulat sa paningin o pananaw sa pagsasalaysay.

1. Unang Panauhan – sa pananaw na ito, isa sa mga tauhan ang nagsasalaysay ng mga
bagay na kanyang nararanasan, naaalala, o naririnig kaya gumagamit ng panghalip na “AKO”.

2. Ikalawang Panauhan – dito mistulang kinakausap ng manunulat ang tauhang pinagagalaw


niya sa kuwento kaya’t gumagamit ng mga panghalip na “KA” o “IKAW”.

3. Ikatlong Panauhan – ang mga pangyayari sa pananaw na ito ay isinasalaysay ng isang taong
walang relasyon sa mga tauhan kaya ang panghalip na ginagamit niya sa pagsasalaysay ay
“SIYA”.

Tatlong uri ng Ikatlong Pananaw:

1) Maladiyos na Panauhan – nababatid na niya ang galaw at iniisip ng lahat ng mga tauhan.
Napapasok niya ang isipan ng bawat tauhan at naihahayag niya ang iniisip ,damdamin at
paniniwala ng mga ito sa mga mambabasa.

2) Limitadong Panauhan --- nababatid niya ang iniisip at ikinikilos ng isa sa mga tauhan subalit
hindi ang sa iba pang tauhan.

3) Tagapag-obserbang Panauhan – hindi niya napapasok o nababatid ang nilalaman ng isip at


damdamin ng mga tauhan.

Kombinasyong Pananaw o Paningin – dito ay hindi lang iisa ang tagapagsalaysay kaya’t ibang
pananaw o paningin ang nagagamit sa pagsasalaysay. Karaniwan itong nangyayari sa isang
nobela kung saan ang mga pangyayari ay sumasakop sa mas mahabang panahon at mas
maraming tauhan ang naipakikilala sa bawat kabanata.
B. May paraan ng pagpapahayag ng diyalogo, saloobin, o damdamin sa tekstong naratibo

May dalawang paraan kung paano inilahad o ipinapahayag ng mga tauhan ang kanilang diyalogo.

1) Direkta o tuwirang pagpapahayag. Ang tauhan ay direkta o tuwirang nagsasaad o nagsasabi


ng kaniyang diyalogo, saloobin, o damdamin. Ito ay ginagamitan ng panipi (“ “). Sa ganitong
paraan ng pagpapahayag ay nagiging natural at lalong lumulutang ang katangiang taglay ng mga
tauhan. Higit din nitong naaakit ang mga mambabasa sapagkat nagiging mas malinaw sa kaniya
ang eksaktong mensahe o sinasabi ng tauhan.

Narito ang halimbawa:

“Donato, kakain na, Anak,” tawag ni Aling Guada sa anak na noo’y abalang-abala sa ginagawa at
hindi halos napapansing nakalapit na pala ang ina sa kaniyang kinalalagyan. “Abay’y kayganda
naman nireng ginagawa mo, Anak! Ay ano ba talaga ang balak mo, ha?”

- Mula sa “ang Kariton ni Donato”

2) Di- direkta o di- tuwirang pagpapahayag. Ang tagapagsalaysay ang naglalahad sa sinasabi,
iniisip, o nararamdaman ng tauhan. Hindi na ito ginagamitan ng panipi.

Naririto naman ang halimbawa nito:

Tinawag ni Aling Guada ang anak dahil kakain na habang ito’y abalang-abala sa ginagawa at hindi
halos napansing nakalapit na pala ina sa kaniyang kinalalagyan. Sinabi niyang kayganda ng
ginagawa ng anak at tinanong din niya kung ano ba talaga ang balak niya.

TEKSTONG DESKRIPTIBO

Ang Tekstong Deskriptibo ay nagtataglay ng mga kaukulang detalye sa katangian ng


isang tao, lugar, bagay, o pangyayari. Naglalayon itong bumuo ng malinaw na larawan sa isip ng
mga mambabasa upang mapalutang ang pagkakakilanlan nito. Ang tekstong ito ay laging
sumasagot sa tanong na “Ano“. Ang deskripsyon ay maaring: batay sa pandama - nakita, naamoy,
nalasahan, nahawakan, at narinig; batay sa nararamdaman - bugso ng damdamin o personal na
saloobin ng naglalarawan; at batay sa obserbasyon - obserbasyon ng mga nagyayari.

Sa tekstong ito, kahit hindi ka pintor ay makakabuo ka ng isang larawan gamit ang mga
salitang magmamarka sa damdamin at isipan ng mambabasa. Upang mailarawan at
mabigyang-buhay sa imahinasyon ng mambabasa ang isang tauhan, tagpuan, bagay, galaw o
kilos, karaniwang gumagamit ang may-akda ng pang-uri at pang-abay. Mula sa epektibong
paglalarawan ay halos makikita, maaamoy, maririnig, malalasahan, mahahawakan na ng
mambabasa ang mga bagay na nailalarawan kahit pa sa isipan lamang niya nabubuo ang mga
imaheng ito at upang mailarawan ang bawat tauhan,tagpuan ,mga kilos o galaw,o anumnag bagay
na nais niyang mabigyang buhay sa imahinasyong ng mamababasa.

Gumagamit din ang manunulat ng iba pang paglalarawan tulad ng pangngalan, pandiwa at
tayutay tulad ng pagtutulad, pagwawangis, pagsasatao at iba pa. Ang tekstong deskriptibo ay
laging kabahagi ng iba pang uri ng teksto, partikular sa tekstong naratibo.

Halimbawa ng Tekstong Deskriptibo

Mga Akdang Pampanitikan Talaarawan

Talambuhay Polyetong Panturismo

Suring basa Obserbasyon

Sanaysay Rebyu ng pelikula o palabass

May dalawang paraan ng paglalarawan upang makamit ang layon ng tekstong deskriptibo.

1. OBHETIBO O KARANIWAN. Pagbubuo ito ng malinaw na larawan sa isipan ng mambabasa sa


tulong ng pinagbatayang katotohanan. Walang kinalaman dito ang sariling kuro-kuro at damdamin
ng naglalarawan. Payak lamang ang paggamit ng mga salita upang maibigay ang katangian ng
nakita, narinig, nalasahan, naamoy, at nararamdaman sa paglalarawan.

Halimbawa:

Maganda si Matet. Maamo ang mukha na lalo pang pinatitingkad ng mamula-mula niyang
pisngi. Mahaba ang ang kanyang buhok na umaabot hanggang sa baywang. Balingkinitan ang
kanyang katawan na binagayan naman ng kanyang taas.

2. SUBHETIBO O MASINING. Nagpapahayag ng isang buhay na larawan batay sa damdamin at


pangmalas ng may-akda. Ang mga detalyeng inihahayag dito ay nakukulayan ng imahinasyon,
pananaw at opinyong pansarili ng naglalarawan. May layunin itong makaantig ng kalooban ng
tagapakinig o mambabasa para mahikayat silang makiisa sa naguniguni o sadyang naranasan
nitong damdamin sa inilalarawan. Ginagamitan ito ng mga matatalinghaga o idyomatikong
pagpapahayag.

Halimbawa:

Muling nagkabuhay si Venus sa katauhan ni Matet. Ang maamo niyang mukhang tila
anghel ay sadyang kinahuhumalingan ng mga anak ni Adan. Alon-alon ang kanyang buhok na
bumagay naman sa kainggit-inggit niyang katawan at taas
Anong pamamaraan ang ginamit ng may-akda sa paglalarawan?

Ang kapayapaan ng bukid ay tila kamay ng isang inang humahaplos sa nag-iinit na noo ni
Danding. (Mula sa “Lupang Tinubuan” ni Narciso G. Reyes)

Si Kapitan Tiyago ay pandak, maputi-puti, bilog ang katawan at pagmumukha dahil sa


katabaan. Siya ay mukhang bata kaysa sadya niyang gulang. Ang kanyang pagmumukha ay
palaging anyong banal. (Mula sa “Noli Me Ta ngere” ni Jose P. Rizal)

TEKSTONG IMPORMATIBO

Ang tekstong impormatibo ay isang babasahing di piksyon. Ito ay isang uri ng


pagpapahayag na ang layunin ay makapagbigay ng impormasyon. Naglalahad ito ng malinaw na
paliwanag sa paksang tinatalakay. Sinasagot nito ang mga tanong na ano, kailan, saan, sino at
paano. Sa ibang terminolohiya, tinatawag din itong “ekspositori”.

Dahil layunin nitong maghatid ng tiyak na impormasyon, dapat ito ay madaling unawain. Sa
pagsulat ng tekstong impormatibo, ang mga manunulat ay gumagamit ng iba’t ibang pantulong
upang magabayan ang mga mambabasa para mas mabilis nilang maunawaan ang impormasyon.
Ang ilan sa halimbawa ng mga pantulong ay talaan ng nilalaman, index at glosaryo. Maari ding
gumamit ang mga manunulat ng mga larawan, ilustrasyon, kapsyon, grap at talahanayan.

Sa pagbuo ng tekstong impormatibo, mahalagang isaalang-alang ang katumpakan ng


nilalaman. Ang mga sumusulat nito ay kinakailangang may sapat na kaalaman sa paksa, kung
kaya’t dapat sila ay may mga sangguniang pinagbabatayan. Dagdag pa, ang sanggunian o
pinagkukunan nila ng datos ay kailangang mapapagkatiwalaan at may kredibilidad. Makakabuti rin
kung ang paksa ay napapanahon sapagkat ito ay maaring makatulong upang maunawaan ng
mambabasa ang mga isyu sa lipunan. Ang ilan sa mga halimbawa ng tekstong impormatibo ay
diksyunaryo, encyclopedia, almanac, pamanahong papel o pananaliksik, siyentipikong ulat, at mga
balita sa pahayagan.

TEKSTONG PROSIDYURAL

Ang tekstong prosidyural ay binubuo ng mga panuto upang masundan ang mga hakbang
ng isang proseso sa paggawa ng isang bagay. Nagsasaad din ito ng impormasyon o mga
direksiyon upang ligtas, mabilis, matagumpay, at maayos na pagsasagawa ng gawain. May tiyak
na pagkakasunod-sunod ang mga hakbang na dapat sundin upang matagumpay na magawa ang
anumang gawain.
Magagamit ang tekstong prosidyural sa tatlong iba’t ibang pagkakataon. Una, sa
pagpapaliwanag kung paano gumagana o paano pagaganahin ang isang kasangkapan batay sa
ipinapakita sa manwal. Pangalawa, sa pagsasabi ng hakbang kung paano gawin ang isang bagay
o gawain tulad ng makikita sa mga resipi, mekaniks ng laro, alituntunin sa kalsada at mga
eksperimentong siyentipiko. Panghuli, sa paglalarawan kung paano makakamit ang ninanais na
kalagayan sa buhay, tulad halimbawa ng kung paano magiging masaya, kung paano
magtatagumpay sa buhay at iba pa.

TEKSTONG PERSUWEYSIB

Layunin ng isang tekstong persuweysib ang manghikayat o mangumbinsi sa babasa ng


teksto. Isinusulat ang tekstong persuweysib upang mabago ang takbo isip ng mambabasa at
makumbinsi na ang punto ng manunulat, at hindi sa iba, ang siyang tama. Hinihikayat din nito ang
mambabasang tanggapin ang posisyong pinaniniwalaan o ineendorso ng teksto.

Ang tekstong persuweysib ay may subhetibong tono sapagkat malayang ipinahahayag ng


manunulat ang kanyang paniniwala at pagkiling tungkol sa isang isyung may ilang panig. Taglay
nito ang personal na opinyon at paniniwala ng mayakda.

Ang ganitong uri ng teksto ay ginagamit sa mga iskrip para sa patalastas, propaganda para
sa eleksiyon, at pagrerekrut para sa isang samahan o networking. Inilarawan ng Griyegong
pilosopo na si Aristotle ang tatlong paraan ng panghihikayat o pangungumbinsi. Ito ay ang
sumusunod:

1. Ethos - Ito ay tumutukoy sa kredibilidad ng isang manunulat. Dapat makumbinsi ng isang


manunulat ang mambabasa na siya ay may malawak na kaalaman at karanasan tungkol sa
kanyang isinusulat, kung hindi ay baka hindi sila mahikayat na maniwala rito.

Halimbawa, ang isang taong nanghihikayat ng mga turista upang bisitahin ang isang isla sa
Pilipinas gayong hindi pa siya nakakapunta rito ay maaaring maging kaduda-duda. Gayunpaman,
may iba pang paraan upang magkaroon ng krebilidad. Ang estilo ng pagsulat ay mahalaga upang
magkaroon ng krebilidad. Dapat na maisulat nang malinaw at wasto ang teksto upang lumabas na
hitik sa kaalaman at mahusay ang sumusulat. Ang paraan ng pagsisipi ng sanggunian ay
maaaring makatulong sa pagpapatibay ng kredibilidad. Kailangang mapatunayan sa mga
mambabasa na ang mga datos at impormasyon ay wasto at napapanahon upang makumbinsi na
ang isinulat ay tama at mapagkakatiwalaan.

2. Pathos - Tumutukoy ito sa gamit ng emosyon o damdamin upang mahikayat ang


mambabasa. Ayon kay Aristotle, karamihan sa mga mambabasa ay madaling madala ng kanilang
emosyon. Ang paggamit ng pagpapahalaga at paniniwala ng mambabasa ay isang epektibong
paran upang makumbinsi sila. Halimbawa, ang pagsasalaysay ng isang kuwentong makaantig ng
galit o awa ay isang mabisang paraan upang mahikayat silang pumanig sa manunulat.
3. Logos – Ito ay tumutukoy sa gamit ng lohika upang makumbinsi ang mambabasa. Kailangang
mapatunayan ng manunulat sa mga mambabasa na batay sa mga impormasyon at datos na
kaniyang inilatag, ang kaniyang pananaw o punto ang siyang dapat paniwalaan. Gayunpaman, isa
sa mga madalas na pagkakamali ng mga manunulat ang paggamit ng ad hominem fallacy, kung
saan ang manunulat ay sumasalungat sa personalidad ng katunggali at hindi sa pinaniniwalaan
nito. Kailangang tandaan na sa paggamit ng mga paraang ito dapat isaalang-alang kung sino o
anong uri ang mga taong may hawak na mataas na posisyon o mga negosyante, makabubuting
gumamit ng may kredebilidad at mga wastong impormasyon at datos upang sila ay makumbinsi,
habang mayroon namang mga mambabasa na nahihikayat kung gagamitan ng apela sa emosyon.
Maari ding gamitin ang lahat ng paraan o kung mayroon pang naiisip na ibang paraan na magiging
epektibo sa uri ng inaasahan mong mambabasa.

TEKSTONG ARGUMENTATIBO

Katulad ng tekstong persuweysib, layunin din ng tekstong argyumentatib ang manghikayat


o mangumbinsi ng mambababasa. Obhetibo ang tono ng tekstong ito sapagkat nakabatay ito sa
datos o impormasyong inilalalatag ng manunulat. Ginagamit ng tekstong argyumentatib ang
paraang logos. Upang makumbinsi ang mambabasa, inilalahad ng may-akda ang mga argumento,
katwiran, at ebidensyang nagpapatibay ng kanyang posisyon o punto. Ang pangangatwiran ay ang
diskursong sadyang isinusulat para sa napakahalagang layuning makapaghikayat o
mapapaniwala ang mga mambabasa sa saloobin ng sumulat ukol sa kanyang paniniwala at
paninindigan. Sa kayariang ito, mariing binibigyang pagtalakay ang paglalahad ng mga detalye at
kaalamang nais mabigyan ng positibong reaksyon ng babasa o mga tagahatol nito. Dito ihahanay
ng manunulat ang kanyang proposisyon at argumentong nagbibigay-suporta sa mga kaalamang
nais niyang sang-ayunan ng mga mambabasa. Sa mga nabanggit na kayarian, pinakasensintibo
ang diskursong ito sapagkat nangangailangan ito ngmabigat na ebidensya o patunay na
makatotohanan ang ipinahahayag ng manunulat (Mabilin et al.).

Ang tekstong persweysib ay subhetibo, nanghihikayat ito batay sa opinyon at sa


pamamagitan ng pagpukaw ng emosyon ng mambabasa at pagpokus sa kredibilidad ng mayakda
samantalang ang argyumentatib ay obhetibo. Nanghihikayat ito batay sa datos at merito ng mga
ebidensya.

II. Kasanayang Pampagkatuto mula sa MELC

Sa gawing pagkatutong ito, inaasahan na:

1. Nakasusulat ng ilang halimbawa ng iba’t ibang uri ng teksto (F11PU – IIIb – 89).

2. Naipaliliwanag ang mga kaisipang nakapaloob sa tekstong binasa (F11PS – IIIf – 92)
III. Mga Gawain

Pagsasanay 1: Panuto: Basahin ang iba’t ibang maikling bahagi ng sipi ng teksto at ibigay ang
kaisipan nito . Isulat ang iyong sagot sa iyong sagutan papel.

a) ”Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap na maingat ang bansa mula sa
kahirapan,sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at mabuting pamamalakad.”

KAISIPAN:
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________

b) Isa –isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng
mga ito,ang nababakas niya’y paghanga.Ang nakita niyang pangingimi.

KAISIPAN:
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________

c) Ayon sa pinakahuling survey ng Wether-Wether,69 porsiyento ng ating kabataan- siyento


–porsiento ng mga sidewalk vendor at mga presong nahatulan ng kamatayan ,mas gusto nilsng
maging Men in Black.O kaya’y X-Men. O kahit na Hobbit.

KAISIPAN:
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________

d) Suriin ang halimbawa ng teksto na Mga Hakbang Para Makatapos ng


Pag-aaral.pagkatapos magsuri,isaaayos ang mga bahagi nito ayon sa kanyang
pagkasunod-sunod. Isulat ito sa patlang.

KAISIPAN:
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________

e) Ang ating pambansang bayani ay si Dr. Jose P.Rizal.Anak siya ng mag-asawang Teodora
Alonso at Francisco Mercado. Ipinanganak siya noong June 19,1861 sa Calamba, Lguna.
Namatay siya noong ika -30 ng Disyembre 1896 sa pamamagitan ng firing squad.

KAISIPAN:
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
Pagsasanay 2: Pumili ng isang paksa na nasa ibaba. Sumulat ng halimbawa ng isang teksto na
tuon sa Dekriptibo at Naratibong Teksto. Ang pagmamarka ay sa pamamagitan ng rubrik sa
ibabang bahagi
1. Bakuna para sa Covid -19
2. Cyber Bullying
3. Eleksiyon 2022
4. Distance Learning
5. Magagandang Tanawin sa Kabikulan

IV. Rubrik sa Pagpupuntos: Gabay sa Pagmamarka

Mga Pamantayan 5 4 3 2 1

1.Kaalaman sa Paksa

2.Maayos ang paglalahad

3.Nakatuon s Deskriptibo o Naratibong teksto

4.Makatotohanan

V. Susi sa Pagwawasto

Pagsasanay 1 a. Deskriptibo – pag –iral ng katapatan sa pamamalakad ng pamahalaan

b.Naratibo –paghanga sa pagkagapi niya sa kanyang kalaban

c.Argumentatibo – Paglalahad ng datos sa mga nakapinid sa Pilipinas

d. Prodidyural – pagsunod sa Panuto sa Pagsusulit

e. Impormatibo - talambuhay ni Rizal

Pagsasanay 2 .Gamitin ang Rubric sa pagmamarka. Magkakaiba ang mga gawain sa


Pagsasanay 2
VI. Pagninilay

Isulat sa patlang sa ibaba ang kaisipang natutuhan mo sa ngayon. Ibigay ang pagkakaiba
ng bawat teksto.

______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
____________

VII. Sangunian

Gabion, Dorothy H. Filipino. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa


Pananaliksik . Modyul 2.1- Teksto: Kahulugan at Katangian. Self Learning Module. RO 5, Rawis.
Legazpi City, 2020.

Fulleros, Grace Lani R, at Lopez, Vanesa M. Filipino. Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang
Teksto Tungo sa Pananaliksik . Modyul 3- Katangian at Kalikasan ng Teksto. Self Learning
Module. RO 5, Rawis. Legazpi City, 2020.

Inihanda ni:

EMMA D. GONZALES, MT I
Cumadcad National High School

Tiniyak ang Kalidad:

ANA MARIA B. GOJAR, MT I SHARON A. VITO, EPS I


Bulan National High School SDO- Sorsogon

You might also like