Ang Makukulay Na Hill Tribe Sa Thailand

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

ANG MAKUKULAY NA “HILL TRIBE” NG THAILAND

Buhay na buhay ang mga pamilihan sa Chiang Mai. Dinudumog ng mga tao ang mga eksotikong paninda sa
bangketa. Sa gitna ng ingay ng mga sasakyan, maririnig ang pakikipagtawaran ng mga mamimili sa mga tindero’t
tindera. Sa bahaging ito ng hilagang Thailand, makikita ang makukulay na “hill tribe” ng Thailand.kabilang sa
65 milyong mamamayan ng Thailand ang mga tao mula sa 23 maliliit na grupong etniko na tinatawag na mga “hill
tribe.” Ang karamihan sa mga tribong ito ay naninirahan sa hilagang Thailand, isang rehiyong may mga bundok,
ilog, at mabungang libis, na umaabot sa Myanmar at Laos. ang karamihan ng mga tribong ito ay dumating noong
nakalipas na 200 taon. Ang Karen, ang pinakamalaki sa anim na pangunahing tribo, ay mula sa Myanmar. Ang Lahu,
Lisu, at Akha naman ay galing sa Yunnan, sa bulubunduking lugar sa timog-kanluran ng Tsina. At ang mga Hmong at
Mien ay mula sa gitnang Tsina.*
Nandayuhan ang mga tribong ito pangunahin na para takasan ang digmaan, panggigipit sa lipunan, at away sa
lupa.* At tamang-tama naman ang hilagang Thailand, dahil ito’y liblib, mabundok, at wala pang masyadong
nakatira. Isa pa, pinayagan sila ng Thailand na manatili roon. Di-nagtagal, dumami ang mga pamayanan ng mga
tribo na magkakatabi at may iba’t ibang kultura at wika.

Iba’t Ibang Kultura at Istilo ng Pananamit


Bawat tribo ay may kani-kaniyang istilo ng pananamit. Halimbawa, ang mga babaing Akha ay nagsusuot ng pilak na
putong, na parang toreng elegante ang disenyo—may mga palawit, burda, at mga barya. Ang iba pang panakip sa
ulo ay mukhang helmet na gawa sa mga piraso ng metal, at napapalamutian ng makinang na butones, abaloryo, at
mga bola. Takaw-pansin naman ang mga babaing Mien sa kanilang suot na magarang pantalon na may mga burda,
na inaabot nang mga limang taon bago magawa. Pinagarbo pa ito ng magagandang turbante, tunika na hanggang
bukung-bukong at may mabalahibong kuwelyo na kulay pula, at pahang kulay indigo. Bukod sa kanilang
magagarbong damit, ang mga babae mula sa mga tribong ito ay may mga alahas na pilak na kumakalansing at
kumikinang. Dito nalalaman ng mga kabinataan at ng mga nagmamasid kung gaano sila kayaman at kung dalaga pa
sila. Ang iba pang palamuti ay maaaring gawa sa salamin, kahoy, at makapal na sinulid.

Ipinagmamalaki ng karamihan sa kanila ang kanilang kultura. Halimbawa, mas maganda ang bihis ng mga tin-edyer
na Karen kapag may libing kaysa sa ibang okasyon. Bakit? Marami kasing tin-edyer ang umaasang dito nila
makikilala ang kanilang magiging kabiyak. Paglubog ng araw, ang mga kabataan—lalaki at babae—ay hawak-kamay
na lumilibot sa bangkay, at magdamag na umaawit ng tradisyonal na mga awit ng pag-ibig.

Ang mga tin-edyer na Hmong naman ay nagliligawan habang naglalaro kapag kapistahan ng Bagong Taon. Isang
hanay ang mga binatilyo at isang hanay ang mga dalagita. Ang nagkakagustuhan ang magkaharap, at ilang hakbang
ang layo nila sa isa’t isa. Pagkatapos, naghahagisan sila ng malambot na bola na gawa sa tela. Kapag hindi nasalo ng
isa ang bola—sinadya man o hindi—magbibigay siya ng isang maliit na palamuti sa kaniyang kapareha. Mababawi
lang ito kapalit ng isang awit. Kapag maganda ang pag-awit, maaaring maglapitan ang mga tao at lumaki ang pag-
asa niya sa nagugustuhan niya.

Pagharap sa mga Pagbabago


Noon, nagkakaingin ang karamihan ng mga tribo, at kinakalbo nila ang gubat para tamnan at doon mag-alaga ng
mga hayop. Dahil dito, nasisira ang kalikasan. Pero ngayon, napapangalagaan na nilang mabuti ang lupain, at
maganda ang naging resulta.

Gaya ng naging buhay nila sa Golden Triangle—isang lugar na sumasakop sa ilang bahagi ng Thailand, Laos, at
Myanmar—marami sa mga tribo ang nagtatanim ng opyo. Pero ngayon, sa tulong ng mga programang inilunsad ng
maharlikang pamilya ng Thailand at ng mga internasyonal na ahensiya, nagtatanim na sila ng kape, gulay, prutas, at
bulaklak. Marami rin sa kanila ang nagtitinda, nag-aalok ng serbisyo, at nagbebenta ng mga produktong gawa sa
kamay sa parami nang paraming turista na dumadayo roon.
Nakalulungkot, apektado ang marami ng kahirapan at di-ligtas na sanitasyon. Marami rin ang hindi nakakapag-aral.
Ang iba pang problema ay ang papaubos nang likas na yaman, pagbabago ng kultura, pag-aaglahi, at pag-abuso sa
droga at alkohol. Hindi na ito bago, yamang ito rin ang dahilan ng kanilang mga ninuno kung bakit sila nandayuhan
sa Thailand. Pero sa ngayon, saan sila puwedeng manganlong?
Isang Maaasahang Kanlungan
Nasumpungan ng marami sa kanila ang pinakamaaasahang kanlungan sa lahat—ang tunay na Diyos, si Jehova.
Sa Awit 34:8, sinasabi ng Bibliya: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki
na nanganganlong sa kaniya.” Ikinuwento ni Jawlay, isang miyembro ng tribong Lahu: “Nang ikasal ako sa edad na
19, lasenggo na ako at adik sa droga. Kung walang droga, hindi ako makapagtrabaho, at kung walang trabaho, wala
akong pera. Pakiramdam tuloy ng asawa kong si Anothai, pinababayaan ko siya at hindi ko siya mahal. Lagi kaming
nagbabangayan.

“Pagkasilang sa anak naming babae na si Suphawadee, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova si Anothai.
Pumupunta naman ako sa gubat kapag dumadalaw ang mga Saksi. Pero nagsimulang magbago ang pag-uugali ng
asawa ko. Magalang na siya sa akin at naging mas responsable sa bahay. Kaya nang yayain niya akong mag-aral ng
Bibliya, pumayag ako.

“Sa tulong ng Diyos at ng Bibliya, unti-unti akong nagbago. Sa wakas, napagtagumpayan ko ang pagkaadik ko.
Ngayon, maligayang-maligaya na ang pamilya ko dahil nasumpungan na namin ang pinakamainam na daan ng
buhay! Masaya rin kaming ibahagi sa iba pang kabilang sa mga hill tribe ang magagandang turo ng Bibliya.”

Ang pananalita ni Jawlay ay kaayon ng hula na makikita sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, na nagsasabing sa mga
huling araw ng napakasamang daigdig ngayon, ang “walang-hanggang mabuting balita” ay ihahayag “sa bawat
bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na isang pribilehiyong
makibahagi sa gawaing iyan, na isang katibayan ng pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao, pati na sa makukulay na hill
tribe ng Thailand.—Juan 3:16.

You might also like