Ako si Ed Mia Ashley Z. Cagalawan, labing-siyam na taong gulang at nakatira sa
Barangay San Fernando, San Jose, Antique. Kami ay siyam na magkakapatid kung saan ako ay ang bunso. Ang babaeng nagluwa, matatag na bumuhay at patuloy na bumubuhay sa amin ay ang aming ina na nagngangalang Vicky. Alam ko na lubos na mahirap para sa aming ina na itaguyod kaming siyam na magkakapatid sapagkat maagang namayapa ang aming ama at sa piling na ng Poong Maykapal ngayon. Si Papa ay namatay sa sakit na bronchopneumonia taong 2015 at ito ay nagdulot sa amin ng lumbay. Bilang bunsong anak, lubos akong naapektuhan sa pagkamatay ni papa at nagumpisa akong magkaroon ng depresyon. Sa mga sumunod na taon, palaging mainitin ang aking ulo, hindi ako mapakali kapag may iniisip, madali akong mag isip ng mga negatibong bagay at palaiyak. Napakababa ng tingin ko sa aking sarili at halos napakadami kong insecurities. Halos apat na taon kong ininda ang mga pangyayaring ito na sa isip ko lang naman pala nabububuo, hanggang taong 2020, buwan ng Pebrero muntikan na akong maubusan ng dugo dahil nagtangka akong magpakamatay gamit ang isang cutter. Iyon ang araw na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin malilimutan at patuloy ko paring alalahanin upang magsilbing leksyon sa akin. Ngayon nagagawa ko ng tanggapin ang mga kahinaan ko, kung ano mang meron ako at mahalin ang sarili ko sapagkat hindi ko ito nagawa noon. Gusto kong maging isang magandang ehemplo sa mga kabataang tulad ko na nakakaranas din ng depresyon. Nais kong sabihin na kung ano man ang dinadanas namin ngayon ay amin ring malalampasan sa tulong ng Diyos na mapagmahal. Ang aking minimithi ay ang makapagtapos ng pag-aaral, maging isang ganap na inhinyero at maitaguyod ang aking pamilya. Bago ako magtapos, nais ko ring ibahagi na ako ay isang miyembro ng LGBTQ+++ community kung saan napapabilang ako sa tinatawag na bisexual, oo ito ang preperensya ko sa kasarian at tanggap ko kung sino ako.