Aralin 7 VII - Diskurso

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 11

VII.

DISKURSO
Good company and good discourse are the very sinews of virtue.
-Isaac Walton

Ang diskurso, ayon sa Diksyonaryong Ingles-Filipino (1984) ay


nangangahulugang magsulat o magsalita nang may katagalan o kahabaan. Ayon
naman sa Webster’s New World Dictionary (1995), ang diskurso ay isang pormal na
pagtatalakay sa isang paksa, pasulat man o pasalita. Sa karaniwang
pagpapakahulugan, ang diskurso ay pakikipagtalastasan, pakikipag-usap o ano
mang paraan ng pagpapahayag ng ideya tungkol sa isang paksa.

Dalawang Anyo ng Diskurso

Ang diskurso ay maaaring nasa anyong pasalita o pasulat. Bagama’t


maituturing na magkatulad ang layunin ng pasalita at pasulat na diskurso, ang
makapaghayag ng kaisipan, may pagkakaiba sa dalawa. Mayroon ilang kahingian
ang bawat anyo na naiiba sa isa. Ayon nga kina Bernale, et al. (2007), may kan
kani-kaniyang kalikasan at pangangailangan Ang bawat isa... at mahalagang
taglayin ng mga partisipant nito ang mga komunikatibo at lingguwistikat komitens.
Sa pasalitang diskurso, karaniwang magkaharap ang mga partisipant kung
kaya’t bukod sa kahalagahan ng mga salitang sinasambit, pinagtutuunan din ng
bawat kasapi ang ibang sangkap ng komunikasyon tulad ng paraan ng pagbigkas,
tono, diin, kilos, kumpas ng kamay, tinig, tindig, at iba pang salik ng
pakikipagtalastasan na maaaring makapagpabago ng kahulugan ng isang mensahe.
Sa kanbilang banda, sa pasulat na diskurso, higit na pag-iingat ang
isinasagawa ng manunulat. Sa sandalling ang mensaheng nakapaloob sa isang
isinulat na diskurso ay nakarating sa tagatanggap at ito’y kanyang nabasa, hindi na
maaaring baguhin ng manunulat ang kanyang mga naisulat. Maaaring ulit-ulitin ng
mambabasa ang ano mang nakasulat na mensahe. Sakaling mayroong mga
pagkakamali, sa gramatika man o sa mismong nilalaman, maaaring maging simula
ito ng miskomunikasyon.
Sa paghahanda para sa isang pasalitang diskurso, higit na maluwag ang
daloy ng talastasan kung ihahambing sa pasulat na diskurso. Agad-agad na
nakatatanggap ng pidbak kung kaya’t agad na nakakapagpasiya ang bawat
partisipant ng diskurso kung epektibo ba o hindi ang kanilang isinasagawang palitan.
Sa kabilang dako, higit na mas mahabang panahon ang inilalaan sa
paghahanda pasa sa pasulat na diskurso. Maingat na pinipili ang bawat salitang
inilalapat sa papel. May mga pagkakataon na makailang beses itong nirerebisa
upang matiyak na malinaw ang mensahe at ito ay mababatid ng tagatanggap.
Tinitiyak din ng manunulat na maaaring balik-balikan ng mambabasa ang kanyang

1
naisulat at sakaling may hindi wasto na naisulat, mayroong magagamit na ebidensya
ang mambabasa laban sa kanya dahil mayroong tekstong nakalimbag.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang komunikatib at lingguwistik
kompitens ng bawat partisipant sa isang diskurso. Hindi lamang mga salita ang
nagpapahatid ng mensahe. Bukod sa salita, pinagtutuunan din ng pansin ang ibang
salik. Kung harapan at pasalita ang diskurso, mahalaga ang wastong asal tuwing
nakikipag-usap. Mahirap ng mabansagang bastos! Sa pasulat naman na diskurso ay
kailangang maingat sa mga salita at baka makasuhan ng libelo.
Ang pakikipagtalastasan ay bahagi na ng buhay ng bawat isa. Tila hindi
maaaring matapos ang isang araw nang hindi tayo nakikipag-usap sa ating kapwa.
Ito ang dahilan kung bakit nararapat nating higit na pag-aralan ang diskurso nang
gayon ay maging matagumpay ang ating bawat pakikipag-usap sa kapwa, pasulat
man o pasalita.

Paglinang ng Ideya

Sa diskurso, mayroong mga salik na siyang nakaaapekto sa daloy nito.


Marapat lamang na atin itong pagtuunan ng pansin.

a. Paksa. Ayon kina Bernales, et al. (2006), ang imbensyon ay isa sa limang
pangunahing kategorya ng retorika. Ang imbensyon ay salitang Latin na
nangangahulugang to find. Ang imbensyon ay nakatuon sa kung ano ang sasabihin.
Sa simpleng salita, maaari rin itong tukuyin bilang paksa. Sa bawat
pakikipagtalastasan, nagsisimula ang lahat sa isang paksa. Anon ga naman ang
dahilan ng pakikipag-usap kung wala namang pag-uusapan!
Ang daloy ng diskurso ay nagsisimula sa isang paksang siyang iikutin ng
talakayan. Mahalagang makapamili ng isang paksang magiging kawili-wili sa bawat
kasapi ng diskurso. Hindi dapat iisa lamang ang siyang namumuno sa buong
talakayan. Ang paksa ay dapat na naaangkop sa sitwasyon, sa mga kasapi ng
talakayan; napapanahon at nararapat ay interesante sa bawat kasapi.
Sa pagpili ng paksa, pinahahalagahan natin na dapat ito ay may saysay
upang tayo ay pakinggan o di kaya ay upang basahin ang ating mga iniakda.
Mahalaga ring tiyakin na tayo ay may sapat na kaalaman sa paksang ating pipiliin.

b. Layunin. Sa bawat bagay na ating ginagawa, lagi nitong may kalakip na layunin.
Ang isang mag-aaral na nagpupursige sa kanyang pag-aaral ay naglalayong
makapagtapos upang magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang amang
nagsusumikap sa kanyang trabaho ay naglalayong maitaguyod ang kanyang mag-
anak. Gayon din tayo sa tuwing tayo ay nakikipagtalastasan. Magiliw tayong
nakikipag-usap sa ating kaibigan dahil ayaw nating makasakit ng damdamin.

2
Karaniwan na ang pamamaraan ng ating pakikipag-ugnayan ay nadidiktahan
ng ating layunin o ninanais na makamtam sa katapusan ng Gawain. Sa tuwing tayo
ay nakikipag diskurso, mayroon tayong ninanais na maiparating sa ating kausap.
Maingat nating pinipili ang ating mga salita. Magalang tayong nakikipag-usapupang
hindi mabansagangbastos. Gayon din kung pasulat ang ating diskurso. Sa paggawa
ng isang liham ng panliligaw, bukod sa maingat na pananalita ay maingat ding
pumipili ang isang mangingibig ng papel na susulatan upang higit na kagiliwan ang
kanyang liham.
Hindi maaaring sabihing walang layunin sa pagpasok sa isang diskurso.
Bagama’t sinsabi natin minsan na nakikipag-usap tayo dahil wala tayong magawa,
iyon na mismo ang ating layunin, ang magpalipas ng oras.

c. Pagasasawika ng Ideya. Ang ideya ay ang kaisipan ng isang tao tungkol sa


isang paksa at ito ay mananatiling kaisipan lamang hangga’t hinti ito nalalapatan ng
mga kongkretong salita na siyang magbibigay kabuuan dito. Ito ang dahilan kung
bakit mahalaga ang lingguwistik kompetens dahil dito masusukat ang kakayahan ng
isang tagapagpahayag sa kanyang wika. Dito malalaman kung gano siya katatas, na
magagawa niyang bigyang buhay ang kanyang mga ideya sa pamamagitan ng
pagpili ng angkop na salita na siyang maglalapit ng kanyang ideya sa kanyang
kausap. Hindi man niya magawang maiparating nang buong-buo ang mensahe sa
kausap, ang mahalaga ay maunawaan ng kausap kung anoman ang kanyang nais
maiparating.
Sa mga ating mapipili, maipapahayag natin ang ating sariling damdamin
kaugnay ng paksa, kung tayo ba ay natutuwa o naiinis, nagigiliwan ba tayo o
naaasiwa. Sa pananalita rin, pasalita man o pasulat, ay mapapansin ang tono ng
manunulat na siyang nagbibigay ng ideya kung ano ang ugnayan ng mga kasapi sa
isang diskurso,kung sila ba ay malapit sa isa’t isao pormal ang kanilang ugnayan.
Ang mga piniling salita ng tagapagpahayag ang siyang batayan sa pagtukoy ng tono
ng may akda.

d. Tagatanggap. Sa isang diskurso o ano mang proseso ng pakikipag talastasan,


laging may dalawa o higit pang bilang ng partisipant. Laging mayroong tagapaghatid
at mayroong tagatanggap bagama’t hindi sarado ang kanilang papel dahil ito ay
nagkakapalitan habang patuloy na dumadaloy ang diskurso.
Malaki ang papel ng tagatanggap sa isang diskurso dahil isa ito sa salik na
isinasaalang-alang ng isang tagapaghatid sa kanyang pagpili ng paksang
tatalakayin, ng paraan ng pagpapadaloy ng diskurso, pasulat ba o pasalita, sa
kanyang ninanais na makamit at sa pananalitang kanyang gagamitin upang
maisawika ang kanyang mga ideya.

3
Apat na Batayang Uri ng Diskurso

Ang pagsusuri at pag-aaral ng diskurso ay isang larangang pinagtutuunan ng


pansin ng mga dalubwika. Sa ating pag-aaral ng masining na pagpapahayag, ating
pagtutuunan ng higit na pansin ang apat na batayang uri ng diskurso: ang
paglalarawan/ deskriptibo, ang pagsasalaysay/ naratibo, ang paglalahad/ ekspositori
at ang pangangatuwiran/ argumentatibo, na tatalakayin nang komprehensibo sa mga
kasunod na bahagi.

A. PAGLALARAWAN/ DESKRIPTIBO
A good description is a magician that can turn an ear into an eye

Ang deskripsyon ay isang anyo ng diskurso na nagpapahayag ng sapat na


detalye o katangian ng isang tao, bagay, pook, damdamin o teorya upang ang isang
mambabasa o tagapakinig ay makalikha ng isang larawang mental kung anuman
ang inilalarawan. Kung ang isang pintor ay gumagamit ng iba’t ibang kulay upang
maisabuhay ang isang ang isang larawan, ganoon din ang isang manunulat,
gumagamit siya ng mga salita na nagiging daan upang mabuo ang larawan sa isipan
ng mambabasa o tagapakinig. Ang paglalarawan ay bunga ng kakintalang likha ng
ating limang pandama, ayon naman kina Tumangan, et al. (1997).
Mahalaga ang deskriptibong diskurso dahil ito ay isang daan upang makilala
ang isang tagapagpahayag. Sa pamamapagitan ng kanyang pagbibigay katangian
sa ano mang kanyang inilalarawan, nagkakaroon ng ideya ang tagapakinig o
mambabasa kung ano ang kanyang panlasa tungkol sa mga bagay-bagay, kung
paano siya mag-isip at kung paano niya binibigyan ng katawagan o label ang mga
bagay sa kanyang imahinasyon, maging ng kanyang mambabasa o tagapakinig.
Layunin ng paglalarawan ang makalikha ng imahe sa isipan ng kanyang
mambabasa upang maging sila ay maranasan din ang naranasan ng manunulat.
Ang paglalarawan ay karaniwang isinasagawa upang makahikayat ng kapwa. Isang
halimbawa ay ang paglalarawan ng mga pook-pasyalan upang makahikayat ng mga
turista. Isa pa ay ang paglalarawan ng isang bagong produkto upang makahikayat
ng mamimili.
Sa pangkalahatan, ang deskriptibong diskurso ay ang pagbibigay ng malinaw
na imahen ng isang tao, bagay, pook, damdamin o teorya upang makalikha ng isang
impresyon o kakintalan.
Sa mabisa at epektibong paglalarawan, karaniwang pang-uri at mga pang-
abay ang ginagamit upang mabigyang buhay ang ano mang inilalarawan. Sa
pamamagitan ng mga ito, nagiging malinaw sa isipan ng tagatanggap ang ano
mang bagay na nais maipabatid ng iba.

4
Mga Kahingian ng Epektibong Deskripsyon

Sa aklat nina Bernales, et al. (2006), mayroon siyang naitalang limang


pangangailangan sa epektibong deskripsyon. Sa aklat naman nina Tumangan , et al.
(1997) ay mayroong naitalang pito. Naririto ang pagsasanib ng mga ito;

Wastong Pagpili ng Paksa

Hindi natin maaaring sabihin na may wasto at maling paksa sa paglalarawan.


Ang mahalagang isaisip ng isang tagapagpahayag ay dapat maging maingat siya ay
pagpili ng paksang kanyang inilalarawan. Higit na mainam na piliin ang isang
paksang mayroon kang sapat na kaalaman. Higit na magiging buhay ang
paglalarawan sa ganitong pagkakataon. Upang maging bihasa sa paglalarawan,
mainam na magsimula sa mga bagay na karaniwang nakikita sa araw-araw: mainam
ding ilarawan ang mga bagay na ang tagapagpahayag mismo ang unang nakamalas
sa halip na ibase ang paglalarawan sa impormasyon mula sa iba.

Pagbuo ng Isang Pangunahing Larawan

Madalas nating sinasabi na first impression lasts. Ito ang dahilan kung bakit
mahalaga na makabuo tayo ng isang malinaw at mabisang pangunahing larawan sa
isipan ng ating tagatanggap. Kung naging palasak o karaniwan ang ating
pambungad, makakatiyak tayo na hindi na magiging interesado ang ating
tagapakinig o mambabasa sa mga sumusunod pa nating sasabihin.
Mahalagang makabuo kaagad ng isang malinaw na kakintalan sa isipan ng
ating tagpakinig o mambabasa. Ang daan upang mapukaw ang interes ng
tagapakinig o mambabasa ay ang pagbigay ng kabuuanna inilalarawan bago pa
man ang mga malilit na detalye. Nais natin na magkaroon ng kabuuang ideya ng
inilalarawan bago pa man alamin ng mga sangkap na bumubuo nito dahil ito ang
siyang pagbabasehan ng mambabasa kung ipagpapatuloy nila ang pagbabasa.
Bawat isa sa atin ay may sariling pagpapakahulugan sa bawat konsepto kung
kaya’t mainam na makabuo ng pangkalahatang ideya na siyang pagbabasehan ng
mga susunod na detalye.

Sariling Pananaw o Perspektibo

5
Bawat isa sa atin ay may sariling ideya kung ano ang maganda, mahusay,
mabuti o anopaman. Bagama’t iisa ang tinitingnan natin, maaaring iba-iba ang ating
nakikita. Ito ay dahil sa hindi pare-pareho ang ating mga panlasa. Mayroong
nagsasabing maganda ang isang bagay ngunit itinuturing namang di kagandahan ng
iba!
Magkaugnay ang pangunahing larawang nabubuo sa pananaw ng
naglalarawan. Ang pagkiling ng naglalarawan ay mapapansin sa pananaw na
kanyang pinili sa paglalarawan.
Maaaring ang pananaw sa paglalarawan ay ayon sa kinalalagyan ng
naglalarawan, maaaring siya ay malapit o malayo sa inilalarawan. Maaari ring ang
kanyang sariling palagay o damdamin ang mangibabaw sa kanyang inilalarawan, ito
ay mapapansin sa pagbuo niya ng pangunahing larawan maging sa mga maliliit na
detalye kaugnay ng inilalarawan.
Maaari ring makaapekto sa paglalarawan ang pagkatao ng mismong
naglalarawan. Maaaring ang inilalarawan niya ay isang bagay o kaisipan na higit na
malapit sa kanya dahil sa sariling kadahilanan. Maaari rin namang maging tila
teknikal ang kanyang paglalarawan kung hindi niya lubusang pinahahalagahan ang
inilalarawan. Maaari ring ang kanyang pananaw ay maapektuhan ng mga
impormasyong kanyang nakalap o narinig.
Mahalaga kung gayon na bago pa man simulan ang paglalarawan na maging
malinaw sa isipan na tagapagpahayag kung ano ang kanyang layunin sa
pagsasagawa ng paglalarawan dahil may epekto ito sa kanyang magiging pananaw:

Kaisahan
Ang kabuuan ng paglalarawan ay nagaganap sa pagbibigay ng mga maliliit
na detalye na magbibigay linaw sa kabuuan ng inilalarawan. Dapat ay hindi lilihis
ang mga detalyeng ipapahayag sa pangunahing larawang nabuo sa simula. Ang
mga salitang pipipliin upang maging sangkap ng paglalarawan ay nararapat na
naaayon sa kabuuan ng inilalarawan upang matiyak ang kaisahan ng diwa.

Pagpili ng mga Sangkap


Sa paglalarawan, mahalaga ang mga maliliit na sangkap o detalye dahil ito
ang siyang nagiging basehan ng tagapakinig o mambabasa upang mapag-iba ang
bagay na inilalarawan sa iba pang bagay. Sa pagpili ng sangkap ng paglalarawan
kailangang tiyakin ng naglalarawan na magiging daan ito sa pagkakalikha ng mental
na larawan sa isipan ng tagapakinig o mambabasa.
Mahalagang matiyak din ng tagapagpahayag na ang mga sangkap na
kanyang pipiliin sa paglalarawan ay may kaugnayan sa pangunahing larawan na
nabuo sa simula. Hindi maaaring sumalungat sa pangunahing kaisipan ang mga
sangkap dahil magiging daan ito sa pagkawala ng bisa ng paglalarawan.

6
Pagpili ng Angkop na Pananalita

Kung iba’t ibang kulay ang gamit ng isang pintor upang makalikha ng isang
obra maestra, salita naman ang siyang sandata ng isang tagapaglarawan upang
makalikha ng imahen. Kailangan ay maroon siyang kasanayan sa pagpili ng mga
salitang maaaring magpagalaw ng imahinasyon ng kanyang tagapagtanggap. Ang
paggamit ng mga salitang nakakakiliti ng isipan ay higit na epektibo. Ito ay sa
kadahilanang higit na nagiging madali at mabilis ang pagbuo ng mental na imahen
ng inilalarawan.
Mahalaga ring tiyakin ng tagapagpahayag na ang salitang kanyang pinili ay
angkop sa pandamang kanyang inilalarawan. Mayroong mga pang-urina angkop sa
isang partikular na pandama ngunit hindi naman angkop sa iba. Isang halimbawa ay
ang salitang “mapanghi” na isang salitang ginagamit upang tukuyin ang isang
partikular na amoy. Hindi ito maaaring gamitin sa paglalarawan ng isang bagayna
ating nakita. Sa kabilang banda naman, ang napakinggan o pagkaing tinitingnan.

Layunin ng Paglalarawan

Sa bawat diskurso, lagi tayong mayroong layuning pinanghahawakan. Ang


layunin natin ang siyang magtutulak sa atin upang gawin ang isang bagay at kung
paano ito gagawin. Dahil sa nais nating makamit ang isang bagay, nagiging
masigasig tayo sa ating ginagawa. Ganoon din ang isang tagapaglarawan. Sa
pagnanais na makahikayat ng mga turista sa isang pook-pasyalan, ginagawang higit
na kahali-halina ang paglalarawan upang maengganyo ang nagbabasa at nakikinig
na puntahan ito.
Ang isang deskriptibong komposisyon ay naglalarawan ng tao, pook, mga
bagay, pagkakataon at mga teorya nang may sapat na detalye upang matulungan
ang isang mambabasa na makalikha ng isang mental na imahe ng larawan ng ano
mang sinusulat.

Dalawang Uri ng Deskripsyon

a. Karaniwang Deskripsyon. Madalas na ang iniuugnay nating kahulugan sa


sallitang karaniwan ay ordinaryo o palasak. Bukod pa rito, kung karaniwan ang isang
bagay, iniisip nating hindi ito nakakataw-pansin o hindi gaanong mahalaga. Ngunit
sa paglalarawan, ang karaniwang deskripson ay yaong ang pangunahing layunin ay
magkapagpabatid o makapagbigay ng dagdag kaalaman. Nakatuon ang pokus ng
naglalarawan sa mga pangunahing katangian ng inilalarawan. Obhetibo ang

7
paglalarawan na ito at hindi kakikitaan ng ano mang bahid ng pagkiling ng
manunulat o tagapagsalita sa inilalarawan.
Pansinin ang kasunod na halimbawa:

Maganda at madaling pakibagayan. Iyan ang impresyon ng sino mang


makakaharap ni Linda. Dala marahil iyon ng kanyang mapang-akit na mga mata
na nakakahalina sa sino mang makakakita nito. Ang kanyang namumurok na
pisngi at napakalalim na biloy ay lalong nagpaganda sa kanyang mukha kung siya
ay tumatawa.
Parang iginuhit ang kanyang kilay at nagtataglay ng mga pilikmatang
malantik at mahahaba na lalong nakatutulong upang ikaw ay mahalina sa
kanyang mga mata. Sa kanyang pagtawa, mapapansin mo ang pantay-pantay na
at mapuputi niyang ngipin. Ayon sa marami, ang mahaba at maitim niyang buhok
ay nagsisilbing pang-akit ni Linda sa mga kalalakihan.
Si Linda ay may matatag na paninindigan sa buhay. Ginagawa niya ang
ano mang kanyang sabihin. Makabago si Linda at sosyal pero matapat na
nagpapahalaga at nag-iingat sa kanyang puri at pagbabago.
Relihiyoso at may takot sa Diyos si Linda. Lagi siyang nagsisimba, mababa
ang loob at handing tumulong sa sino mang nangangailangan. Mapagpasensya
rin siya kaya napakarami niyang kaibigan.
Mula sa Bernales, et al. (2006)

b. Masining na Deskripsyon. Sa tuwing ating naririnig ang salitang masining, ang


agad na pumapasok sa ating isipan ay magarbo, grandosyo o makulay kaya. Sa
isang banda, maaaring sabihin na ganoon nga ang masining na paglalarawan. Higit
na nagiging maingat ang naglalarawan sa kanyang pagbibigay deskripsyon. Pumipili
siya ng mga salitang higit na magbibigay-buhay sa kanyang inilalarawan. Ang mga
salitang kanyang ginagamit ay yaong kikiliti sa guni-guni ng kanyang mambabasa o
tagapakinig.
Higit na nakakapukaw ng isipan at damdamin ang masining na deskripsyon.
Sa pagkakataong ito, ang kakayahang lingguwistik ng isang tagapagpahayag ay
higit na aktibo. Gumagamit siya nga mga tayutay at mga idyoma upang gawing higit
na malinawang imaheng nais niyang maipabatid.

8
Pansinin ang mga kasunod na halimbawa:

Bigla niyang naalala ang unang araw na tumuntong siya sa kolehiyong


iyon, Ang pinakasikat at pinakamahusay na paaralan sa kanilang lugar. Freshmen
Orientation, iyon ang alam niyang tawag doon. Sa isang gusali na nanginig siya
sa sobrang lamig. Daan-daan silang naghintay. Naka-upo at nakatay. Wala ni isa
siyang kinilala dahil karamihan sa kanyang mga kaklase ay lumuwas ng Maynila
para doon humanap ng suwerte. Siya man ay nangarap ng Maynila. Ngunit ayaw
niyang maging houseboy lamang. Gusto niyang maging manager.
Tahimik siyang nakinig sa usap-usapan ng mga katabi. Marami siyang
hindi naintindihan. Gaya halimbawa ng Nokia 3210, MTV, E-mail, at marami pang
iba. Natandaan niyang karakter sa isang palabas sa TV si Pokemon dahil nahilig
din siyang makipanood sa kalapitbahay ngunit nahirapan siyang kilalanin kung
sino si Britney Spears.
Natatawa siya tuwing maalala iyon ngayong alam na niya kung ano at sino
ang mga ito. Kaya lalong lumakas ang hangarin niyang makapagpatuloy. Ayaw
niyang maging katawa-tawa. Gaya noong unang linggo ng kanilang klase. Marami
siyang hindi alam sa mga pinagsasabi ng kanilang propesor habang halos lahat
ng kanyang kaklase ay alam na kung ano iyon. Nahihiya naman siyang
magtanong dahil hindi siya sigurado sa kanyang ingles. Kaya takbo siya sa library
pagkatapos ng bawat klase. Riserts. Basa.
Libre ang tuition niya buong taon, ngunit idinadaing ng kanyang mga
magulang ang bigat ng lingguhan niyang allowance. Pati na ang boarding house
at proyekto. Gayong kung tutuusin, kaawa-awa siya sa halagang pinaghihirapan
niyang hati-hatiin sa pamasahe, pagkain, at personal na pangangailangan.
Iniiwasan niyang bumarkada. Iniiwasan niyang mapadaan sa school canteen at
cafeteria.

9
Komposisyon Blg. 9
Sumulat ng isang masining na deskripsyon hingil sa sa isang hinahangaan.
Banggitin ang kanyang mga katangiang taglay. Bumuo ng pito hanggang labinlimang
pangungusap na nakapaloob sa dalawa hanggang tatlong talata lamang.
Salungguhitan ang mga pang-uri at pang-abay na ginamit.

Idikit ang kaniyang larawan dito.

_________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________

10
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________
___________________________________________________________________

11

You might also like