Aralin ika 3: Mga Gawing Pangkomunikasyon ng mga Filipino
• Bawat isa at may karapatang magpahayag ng kaniyang kaisipan at damdamin.
Bagamat sa iba- ibang kontekstong kultural, iba-iba ang pamamaraan, gawi at ugaliin ng pagpapahayag nito. Upang maging mabisa at malinaw ang pakikipagkomunikasyon, nararapat matutuhan ang mga pamaraan ugaliin at mga gawing pangkomunikasyon ng iba-ibang pangkat. • Tayong mga Filipino ay mayroong kani-kaniyang natatanging pamamaraan, gawi at ugaliin hinggil sa pakikipagkomunikasyon. Iba-iba ito sa bawat pangkat ng tagapagsalita ayon sa nakagawiang konteksto ng kultura. MGA GAWAING PANGKOMUNIKASYON Tsismisan. Ito ang nagmula sa salitang Kastila na chismes. Ito ay mga kuwento na maaaring totoo at may basehan ngunit ang mga bahagi ng pangyayari ay maaaring sadyang dinagdagan o binawasan upang maging usap usapan hanggang sa magkaroon na ito ng ibat ibang bersyon. Kadalasan hindi nagiging mabuti ang epekto nito. Umpukan. Ito ay tumutukoy sa pagpapangkat - pangkat ng isang pamilya o magkakapatid, magkakaibigan, magkaklase, magkakatrabaho o magkakakilala na may magkakatulad na gawi, kilos, gawain at hangarin. Ito ay nangyayari dahil ang isang paksa at hangarin na karaniwan sa bawat isa ay nais talakayin o bigyang linaw. Naiiba ito sa tsismisan sapagkat higit na mabuti ang tunguhin ng usapin sa umpukan. Pagbabahay-bahay. Tuon nito ang pakikipag-usap sa mga mamamayan sa kanilang mga bahay. Karaniwan ito ay tungkol sa mga isyu sa baranggay na nais ipaalam sa mga mamamayan. Pulong - bayan. Usaping politikal ang karaniwang paksa nito. Nauukol ito sa mga gawain at layunin pambarangay at pambayan. KOMUNIKASYONG DI - BERBAL Ang mga sumusunod ay halaw mula sa pagpapaliwanag sa artikulo ni Hans (2018) sa tatlong aspeto ng komunikasyong di berbal kabilang na ang kinesika, pandama at proksemika. At ang dalawa pang-mahahalagang uri ng komunikasyong di berbal ayon kay Heathfield (2018) tulad ng paralenggwahe at mga bagay. KINESIKA ( KINESICS) Ito ay tumutukoy sa komunikasyong di-berbal na may kaugnayan sa paggalaw ng katawan gaya ng sumusunod: ● Tindig. Isinasaalang - alang dito ang ideya kung paano naaapektuhan ang ibang tao sa paraan ng pag-upo, paglakad, pagtayo, o kaya ay pagkilos ng ulo. Kung paano igalaw ang katawan o tumindig ay nakapagpapahayag ng iba't ibang kahulugan. Ang bilis at bagal ng paggalaw ay mayroon ding kahulugang ipinahihiwatig. ● Pagkumpas. Ang pagkumpas ay bahagi ng pang araw- araw na pagpapahayag ng kaisipan at damdamin ng tao. ● Ekspresyon ng mukha. Ang mukha ay nakapagpapahiwatig ng kaligayahan at saya, kalungkutan, galit, takot at kabiguan . ● Occulesics ( Pagtingin). Mabisang gamitin ang mata sa pagpapahayag. Kung paano tumingin sa iba ay nakapagpapahayag ng maraming kahulugan. Ayon kina Hans at Hans(2018) maaari tayong makipag usap gamit lamang ang ating mga mata. ● Pandama ( Haptics). Ang pandama , tulad ng paghawak , ay nakapagpapahayag din ng ibat ibang kahulugan. Nagkakaroon ng iba ibang kahulugan ang paraan ng paghawak. ● Proksemika ( Proxemics). Ito ay ang espasyo o agwat na maaaring may kaunayan sa dalawang taong naguusap. Ang pagiging malapit, malayo o kaya ay malapit na malapit ng mga taong naguusap ay naghahatid ng ibat ibang kahulugan. ● Paralenggwahe ( Paralanguage). Tumatalakay ito sa kung paano nasabi o kung ano ang paraan ng pagkakasabi ng isang salita kaysa sa kung ano ang kahulugan ng mga nasabi. BAGAY ( OBJECT LANGUAGE Malimit itong tawaging material culture. Tumutukoy ito sa komunikasyong nagaganap sa pamamagitan ng pagbibigay kahulugan sa mga bagay na nakikita sa paligid ( material artifacts). Karaniwang nauukol ito sa mga arkitektura tulad ng disensyo ng mga gamit, damit , sasakyan at iba pa. Ang disenyo at ayos ng bahay ay nagbibigay din ng ibat ibang kahulugan . Ang pananamit at uri ng pananamit ay ginagamit din bilang isang paraan ng pagsasaad ng mensahe. Kaugnay nito, sa ibang kalagayang kultural , mayroon din iba pang uri ng di-berbal na komunikasyon gaya ng sumusunod. Mayaman ang kulturang Filipino sa mga pahayag tulad ng paggamit ng mga salawikain, kasabihan, talinhaga, at bulong. Ang mga ito ay uri ng mga pagpapahayag na ginagamit para sa ibat ibang layunin tulad ng pangangaral, pagpapaala-ala, pagbababala, paghahangad at pagpapahiwatig ng damdamin at kaisipan. Mga tao sa lipunan ang gumagamit ng ganitong uri ng pagpapahayag. Nabubuo at umuunlad ang kultura sanhi ng pakikisalamuha ng tao sa kanyang lipunan. Dahil dito, nahuhubog ang ibat ibang ugaliin , paniniwala, gawi at kabilang na rin ang pagkakaiba ng ekspresyon. Tayo ay gumagamit ng mga ekspresyon na tangi sa lugar na ating kinalakihan. Ang mga ekspresyon, bilang bahagi ng gawing pang komunikasyon ng mga Filipino ay nag-iiba dahil sa heograpiya o lokasyon ng tagapagsalita. Ito ang dahilan kung bakit may varyasyon ang paggamit ng wika.