Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 16

PAGPAPALIWANAG SA BAWAT SAKNONG NG IBONG ADARNA

SAKNONG 1-6 HILING NG MAKATA


Sinimulan ng manunulat ang kanyang korido sa pagpuri kay Birheng Maria. Ayon
sa manunulat, si Birheng Maria ang nagbibigay liwanag ng isip para hindi siya
magkamali. Inaamin ng manunulat na siya ay isang hamak lamang, mahina ang
katawan at kaisipan. Siya raw ay tila naglalayag nang mag-isa at nang napalayo na,
hindi na niya kayang mamangka. Humihingi rin siya ng gabay sa pagpaplano ng
kanyang buhay. Hinihiling din niya na pakinggan ng Birhen ang kanyang kinathang
korido.
SAKNONG 7-46 KAHARIAN ANG BERBANYA
Si Don Fernando ay hari ng Berbanya. Siya ay mabuti at iginagalang mapa mayaman man o
mahirap. Hinahangaan din siya ng mga hari ng ibang reyno dahil
sa kanyang pamumuno.
Si Donya Valeriana ang kanyang asawang napakaganda at may kabaitang dapat
tularan.
May tatlo silang anak: sina Don Juan, Pedro at Diego. Si Don Pedro ang panganay,
kainaman ang postura. Si Don Diego ay mahinhin at malumanay at ikalawang anak.
Bunso si Don Juan na mapagmahal at puno ng kabaitan. Mahal na mahal siya ng
kanyang mga magulang. Malaki ang pagmamahal ng kanilang mga magulang sa
kanila.
Dumating ang araw na pinapili ni Don Fernando ang mga anak kung gusto nilang
maging pari o hari. Ayon sa tatlo, nais nilang maging hari upang makapaglingkod sa
Berbanya. Dahil dito, pinag-aral sila at sinanay humawak ng sandata.
Umunlad ang buong Berbanya sa pamumuno ni Haring Fernando. Ngunit isang gabi
habang natutulog ang hari napanaginipan niya na ang kanyang anak na si Don Juan
ay pinagtaksilan at pinatay ng dalawang masasamang tao. Pagkatapos itong
patayin, inihulog ito sa isang balon.
Nagising ang hari at matindi ang pagkalungkot mula noong gabing iyon. Kung nag iisa, lumuluha
at nagbubuntong-hininga siya. Dahil dito, lumubha ang kanyang
karamdaman. Nanghina siya at tila malapit na ang kanyang kamatayan.
Nagpatawag ng isang mediko ngunit hindi pa rin matunton ang sanhi ng
karamdaman ng hari. Nalungkot at natakot ang lahat sa palasyo lalo na ang
kanyang asawa’t mga anak.
Isang araw, may isang manggagamot na dumating upang tuklasin ang kanyang
karamdaman. Ayon sa manggagamot, nagmula ang sakit ng hari sa isang masamang
panaginip. Upang magamot ito, kailangang mapakinggan ng hari ang pag-awit ng
Ibong Adarna. Matatagpuan daw ang Ibong Adarna sa Bundok Tabor at nakatira sa
puno ng Piedras Platas. Kung araw, ang ibong ito ay nasa mga burol at
naghahanap ng pagkain. Sa gabi naman, natutulog ito sa kanyang puno.
Agad inutusan ni Don Fernando ang kanyang panganay na anak na pumunta sa
Bundok Tabor at kunin ang Ibong Adarna.
SAKNONG 47-79 HAMON KAY PEDRO
Agad sinunod ni Pedro ang utos ng ama. Sumakay siya sa isang kabayo at
naglakbay ng tatlong buwan. Sa kanyang paglalakbay napunta siya sa isang
mataas na bundok. Inakyat niya ito at narating ang itaas ngunit namatay ang
kanyang kabayo. Naglakad siya upang makaabot sa Bundok Tabor.
Sa Bundok Tabor ay nakita niya ang punong kumikislap na tila dyamante.
Mayabong at bukod-tangi ang mga dahon ng puno. Sa ilalim ng punong iyon siya
namahinga. Naisipan niyang baka ito na ang Piedras Platas na tirahan ng Adarna.
Takipsilim na at maraming ibong nagliliparan. Tinitingnan ni Don Pedro kung alin at
nasaan ang Ibong Adarna. Laking pagtataka niya dahil walang lumapit o dumapo sa
punong pinagpapahingahan niya. Hindi pinapansin ng mga ibon ang punong iyon.
Halos buong gabing namalagi si Pedro sa punong iyon. Bahagyang galaw lamang
ng mga sanga ay tinitingnan niya kaagad. Ngunit wala siyang nakitang ibon.
Natulog siya at nagpasyang sa umaga na lamang hahanapin ang ibon.
Habang natutulog si Don Pedro, dumating ang Ibong Adarna. Dumapo ang ibon sa
sanga ng Piedras Platas. Pinaganda nito at inayos ang mga balahibo.
Nagsimulang umawit ang Ibong Adarna. Ang buong kabundukan ay tumahimik para
makinig sa pag-awit ng ibon. Kumikislap na tila mga parol ang mga dahon ng puno
habang umaawit ito.
Pitong awit ang narinig mula sa ibon at nagpapalit ng anyo ng balahibo sa bawat
kanta. Pagkatapos umawit, ugali ng ibon ang magbawas at matulog. Ngunit nang
magbawas ito, napatakan si Don Pedro at siya ay naging bato.
SAKNONG 80-109 DON DIEGO: “AKO NAMAN”
Nang hindi makabalik si Don Pedro, inutusan ng haring ama si Don Diego na hanapin
ang kanyang nawawalang kapatid at ang Ibong Adarna. Naglakbay si Don Diego ng
limang buwan at dumaan sa mga parang, gubat, bundok, at ilog nang walang
takot. Narating niya ang Bundok Tabor at takipsilim na nang matagpuan niya ang
Piedras Platas.
Nagtaka si Don Diego dahil maraming nagliliparang ibon ngunit wala ni isa mang
dumapo sa puno. Dahil sa pagod, namahinga siya sa ilalim ng puno sa tabi ng
batong may kakaibang hugis. Hinintay niya ang Ibong Adarna.
Dumating din ang Ibong Adarna. Nagpapalit ito ng balahibo tuwing may bagong
aawitin. Naaliw si Don Diego sa pakikinig hanggang sa makatulog. Gaya ng dati,
umawit ang ibon nang pitong beses at pitong ulit ding nagpalit ng anyo. Pagkatapos
umawit, dumumi at natulog ang ibon. Tulad ng kanyang kapatid, napatakan ng
dumi si Don Diego at naging bato.
SAKNONG 110-141 HANGAD MAKATULONG
Hindi dumating si Don Diego at dahil dito, lalong lumubha ang karamdaman ni Don
Fernando. Gusto niyang ipahanap si Diego sa kanyang minamahal at bunsong anak
ngunit natatakot siya na hindi na rin ito makabalik. Ayaw ng hari na mawala si Don
Juan sa kanyang piling.
Habang pinag-iisipan ng kanyang ama ang tungkol dito, nagdurusa si Don Juan sa
pagkawala ng kanyang dalawang kapatid at sa paglubha ng sakit ng kanyang ama.
Kaya lumapit siya sa kanyang ama at hiniling na siya naman ang hananap sa Ibong
Adarna at sa kanyang mga kapatid.
Magtatatlong taon na at hindi pa rin bumabalik ang kanyang mga kapatid at
lumulubha ang sakit ng kanyang ama. Ngunit sinabi ng hari sa anak na kung
mawawala pa si Don Juan sa palasyo aya baka tuluyan na siyang mamatay.
Sinabi ni Don Juan na naaawa siya tuwing nakikita niya ang kanyang ama na nasa
malubhang kalagayan. Tinakot pa niya ang ama na aalis nang walang paalam kung
hindi siya papayagang umalis. Nabigla at natakot ang hari.
Binigyan ng bendisyon ng ama si Don Juan. Lubhang nalungkot ang hari at ang
reyna sa pag-alis ni Don Juan. Naglakbay si Don Juan nang walang dalang kabayo at
nagbaon lamang siya ng limang pirasong tinapay. Habang naglalakbay ay
nananalangin siya kay Birheng Maria na patnubayan siya at bigyan ng lakas na
matiis ang mga paghihirap alang-alang sa pagmamahal niya sa kanyang mga
magulang at sa dalawang kapatid. Nagdasal siyang sana’y maligtas siya sa lahat ng
panganib.
Napag-isipan ni Don Juan na kakain siya ng isang pirasong tinapay bawat buwan
upang mapawi ang kanyang gutom. Hanggang isang araw ay narating niya ang
isang malaking bundok. Nanalangin siya sa Diyos at Birheng Maria na tulungan
siya. Narinig ng langit ang kanyang mga dasal at naakyat din niya ang bundok. Sa
itaas ng bundok ay nakakita siya ng matandang ketongin.
SAKNONG 142-199 GANTIMPALA NG KABUTIHANG LOOB
Binigyan ni Don Juan ng tinapay ang matandang ketonging humingi ng pagkain sa
kanya. Nagpasalamat ang matanda at tinanong kay Don Juan kung ano ang pakay
niya. Sinabi ni Juan na kukunin niya ang Ibong Adarna para gumaling ang kanyang
amang may sakit. Hinahanap din niya ang dalawa niyang kapatid.
Pinayuhan ng matanda si Don Juan kung ano ang dapat gawin upang makuha ang
Adarna.
Mabilis ang paglakad ni Don Juan pagkatapos ng pakikipag-usap sa matanda. Nakita
niya ang Piedras Platas at nabighani siya sa kagandahan ng puno, sa gintong
sanga nito at malalabay na dahon. Ngunit sa tulong ng kanyang Inang Mahal nalinaw
ang pag-iisip ni Don Juan kaya nagpatuloy ito sa paghahanap ng bahay na dapat
niyang puntahan.
Natagpuan niya ang isang dampa na may nakatirang Ermitanyo na agad namang
nagpatuloy at nagpakain sa kanya. Sinabi ni Juan sa Ermitanyo na hinahanap niya
ang Ibong Adarna at ang dalawa niyang kapatid. Sinabi ng Ermitanyo na
napakalakas ng Ibong Adarna at wala pang taong nakakatalo rito. Ngunit sinabi ni
Don Juan na handa siya alang-alang sa kanyang ama.
Pinayuhan si Don Juan ng Ermitanyo na sa puno ng Piedras Platas makikita ang
Adarna. Hatinggabi ito dadapo sa puno at aawit ito nang pitong beses at pitong ulit
ding magpapalit ng kulay ng balahibo. Nakakatulog ang sinumang makarinig sa
awit ng Adarna ayon sa Ermitanyo. Pinayuhan niya si Don Juan na hiwain ang
kanyang palad at patakan ng isang dayap sa tuwing aawit ang ibon.
Dumurumi ang Adarna pagkatapos ng awit nito bago matulog. Dapat iwasan ni
Don Juan ang dumi para hindi siya maging bato. Kapag tulog na ang ibon, maaari na
itong kunin kasama ang gintong sintas.
Humayo na si Don Juan upang abangan ang ibon.
SAKNONG 200-232 ANG KARAPAT-DAPAT
Nakita ni Juan na dumapo ang Ibong Adarna sa sanga ng Piedras Platas. Naakit si
Don Juan sa kumikislap na puno at magandang ibon. Sa pagkanta ng ibon,
bahagyang inantok si Don Juan kaya hiniwa niya ang kanyang palad at pinatakan ito
ng katas ng dayap. Sa tindi ng hapdi ng sugat, nagising si Don Juan.
Umawit ang ibon nang pitong ulit at pitong ulit itong nagpalit ng anyo. Gaya ng dati,
dumumi ito pagkatapos umawit. Nakita ni Don Juan ang pagpatak ng dumi at kagyat
siyang umilag upang hindi maging bato. Nang makatulog ang ibon ay agad niyang
tinalian ang mga paa nito ng gintong sintas. Dali-dali niyang dinala sa Ermitanyo
ang ibon.
Isinilid ng Ermitanyo ang ibon sa hawla at iniabot kay Don Juan kasama ang bilin na
kumuha ng banga at sumalok ng tubig. Dala ang banga, nagbalik si Don Juan sa
Piedras Platas at binuhusan ang dalawang batong naroon. Unti-unti, lumitaw ang
kanyang mga kapatid. Masaya silang nagbalik sa Ermitanyo at doon nagdiwang. Sa
paghahangad na mapagaling ang may sakit na ama, humayo na ang magkakapatid
at ibinigay ng Ermitanyo ang hawla. Sa paglisan, hiningi ni Don Juan ang bendisyon
ng Ermitanyo.
SAKNONG 233-275 BUNGA NG MASAMANG GAWA
Nagpatuloy ang tatlong magkakapatid patungong Berbanya. Sa daan, nakaisip si
Don Pedro ng isang masamang balak. Nagpahuli si Don Pedro at kinausap niya si
Don Diego. Mayroon siyang masamang balak kay Don Juan. Natakot si Don Diego
sa sinabi ni Don Pedro. Sinabi ni Don Diego na malalaman din ang katotohanan
tungkol sa Ibong Adarna.
Naiinggit siya kay Juan dahil sa gantimpalang makukuha nito. Pinilit ni Don Pedro si
Don Diego na sumama na sa kanyang masamang balak. Sinabi nito na
bubugbugin nila si Don Juan hanggang sa ito’y manghina. Pagkatapos, kukunin nila
ang ibon at dadalhin sa kanilang ama nang buong dangal. Pumayag si Don Diego.
Binugbog nila si Don Juan. Hindi nanlaban si Juan. Sumisigaw lamang siya na
tigilan na nila ang ginagawa nila. Nang makita nilang parang patay na si Juan,
iniwan nila ito at kinuha ang Ibong Adarna.
Dumating ang magkapatid sa palasyo at agad silang pumunta sa kanilang ama
upang ibigay ang Ibong Adarna. Nang makita ng hari ang pagbabalik ng dalawang
anak at ang Adarna, gumaan ang loob niya at parang mawawala na ang kanyang
sakit. Ngunit hindi niya nakita si Don Juan at tinanong kung nasaan ito. Ang sagot
ng dalawa ay hindi nila alam. Nabigo at naghimutok ang amang hari sa pagkawala
ni Don Juan. Muling bumigat ang kanyang kalooban at lalong lumubha ang kanyang
sakit.
Naging malungkot at Ibong Adarna. Pumangit ang kanyang balahibo at hindi na
siya kumanta. Nainip ang hari dahil hindi kumakanta ang ibon. Nagduda na siya
kung iyon nga ang totoong Ibong Adarna. Sinabi niya na kung hindi aawit ang ibon
ay baka tuluyan na siyang mamatay.
Hindi umawit ang Adarna habang wala pa si Don Juan na siyang totoong may-ari sa
kanya. Umasa ang hari na buhay pa si Juan, at makababalik sa Berbanya.
SAKNONG 276-337 SAGOT SA TAIMTIM NA DASAL
Habang lumulubha ang sakit ng hari ng Berbanya, gumagapang naman sa
damuhan si Don Juan dahil sa bugbog na inabot niya sa dalawang nakatatandang
kapatid. Sa kawalan ng pag-asa, nagdasal siya sa Diyos.
Nagdasal din siya na sana ay gumaling ang sakit ng amang hari; na sana ang Ibong
Adarnang pinaghirapan niyang kunin ang makapagpagaling sa kanyang ama.
Narining ang kanyang mga dasal nang isang matanda mula sa bundok ang lumapit
sa kanya.
Pinahiran nito ng gamot ang mga sugat ni Juan. Parang isang panaginip ang
nagyari kay Don Juan. Nang magising, nanumbalik ang kanyang dating lakas at
sigla. Inakala niya na ang matandang iyon ay ang “Diyos”.
Tinanong ni Don Juan kung ano ang maibabayad niya sa ginawa ng matanda. Sinabi
ng matanda na hinihintay na si Don Juan ng kanyang ama sa Berbanya. Nagpaalam
si Don Juan at naglakbay pauwi ng Berbanya.
SAKNONG 338-412 ANG KATOTOHAN ANG LALABAS
Nang gumaling, bumalik si Don Juan sa Berbanya. Ikinatuwa ng kanyang ina ang
kanyang pagbabalik ngunit ikinasindak ng magkapatid na Pedro at Diego. Lumuhod
at hinalikan ni Don Juan ang kanyang ama.
Pagkakita sa kanya, ibinalik ng Ibong Adarna ang magaganda nitong balahibo at
inawit ang tungkol sa sinapit ni Don Juan. Nakatulog ang hari at napawi ang sakit.
Natuklasan niya ang kataksilan nina Pedro at Diego at binalak na sila’y parusahan.
Sa halip na maparusahan, hiniling ni Don Juan sa ama na patawarin ang mga
kapatid.
Nanumbalik ang sigla ng hari, gayundin ang kaayusan ng Berbanya. Inatasan ng hari
na magbantay ang tatlong magkakapatid sa ibon, tig-tatatlong oras bawat gabi.
SAKNONG 413-442 INGGIT ANG SANHI
Kahit napatawad na ng amang hari at ni Don Juan sina Don Pedro at Diego, muling
nagtangka ng masama ang dalawa laban kay Don Juan upang makaganti sa
pagkapahiya nila.
Isang gabi, inimbita ni Don Pedro si Diego na samahan siyang magtanod sa Ibong
Adarna. Tinanong ni Diego kung sino ang magtatanod pagkatapos niya. Sinabi ni
Don Pedro na si Don Juan naman ang susunod na magtatanod. Ang dalawa ay
nagkasundo kaya nagkwentuhan at nagbiruan hanggang pagsapit ng ikasampu ng
gabi. Ginising nila si Don Juan kahit hindi pa nito oras. Sinabi niya sa dalawa na
halinhinan siya sa susunod nang maaga. Ngunit sa pagtatanod ay nakatulog siya.
Nang tulog na si Don Juan binuksan ng dalawa ang hawla at pinawalan ang Adarna.
Nang makita ni Don Juan na wala na ang ibon agad siyang umalis ng palasyo at ng
kaharian ng Berbanya. Nang magising ang kanilang ama at nakita na wala na ang
ibon, tinanong niya kung sino ang nagtanod nang gabing iyon. Sinabi nila na si Don
Juan. Kaya inutusan niya ang dalawang anak na hanapin at ibalik si Don Juan.
Naghanap ang magkapatid hanggang sa marating nila ang Armenyang Kabundukan.
SAKNONG 443-478 DI HUSTO ANG TANGAN
Napakaganda ng Armenyang Kabundukan. Maraming malalaking punungkahoy na
namumunga. Marami ring mga ibon doon tulad ng maya, pugo’t kalaw, limbas,
uwak, at lawin. Amoy sampaga at milegwas ang simoy ng hangin doon. Naririnig
din ang daloy ng tubig na umaagos sa mga bato. Tahimik at mapayapa sa lugar na
ito mapagabi man o mapaumaga. Sa Kabundukang iyon nagpasyang manirahan si
Don Juan upang pagsisihan ang kanyang mga pagkukulang.
Nahanap din nina Diego at Pedro si Juan. Kinausap nila si Juan na kung ayaw na
nitong bumalik sa Berbanya, sasama na lang silang manirahan sa Armenyang
Kabundukan. Pumayag si Don Juan. Walang araw na hindi sila nagsasaya dahil
maraming maaaring gawin doon tulad ng pangingisda o panghuhuli ng mga ibon.
Tuwing Linggo, silang magkakapatid ay nagkakaroon ng munting salu-salo.
Masaya ang buhay nila sa Kabundukan ng Armenya.
SAKNONG 479-512 TAGUMPAY AT TATAG NG LOOB
Isang araw habang naglalakad silang magkakapatid, may natuklasan silang isang
balon. Ang balon ay gawa sa marmol ngunit walang tubig at napakalalim.
Pinagpasyahan nilang pasukin ang balon.
Naunang pumasok si Don Pedro, ngunit hindi nagtagal at muli siyang lumabas dahil
sa takot sa dilim at kalaliman ng balon. Sumunod si Don Diego, ngunit natakot din
siya sa kadiliman at kalaliman ng balon. Ang huli ay si Don Juan. Bumaba si Juan sa
balon at nilabanan ang takot sa dilim at lalim nito. Sinabi niya sa sarili na tatapusin
niya ang kanyang sinimulan. Ang kanyang mga kapatid ay nangangamba at
naiinip sa kahihintay kay Juan. Pababa nang pababa si Juan hanggang sa makatapak
siya sa lupa. Pagharap niya ay nakita niya ang isang palasyong ginto at pilak.
SAKNONG 513-566 WALANG DAMBUHALANG KALABAN
Nang makita niya ang palasyo, may nakita rin siyang napakagandang babae na
nagngangalang Donya Juana, isang prinsesa. Pinuri at sinamba ni Don Juan ang
kagandahan ni Donya Juana.
Hiniling ni Donya Juana na huwag siyang iwanan doon dahil may isang sakdal lupit
na higanteng nagbabantay sa kanya. Hindi natakot si Don Juan sa higante
Nang dumating ang higante, inaglahi niya si Donya Juana. Dahil dito, nagalit si Don
Juan at hinamon ang higante sa isang pagtutuos. Sa tulong ng Diyos nanalo si Don
Juan. Aalis na sana sila nang maalala ni Juana na ang kanyang kapatid na si Leonora
ay naroon pa. Si Leonora naman ay binabantayan ng serpyenteng may pitong ulo.
Hiningi ni Donya Juana kay Don Juan na iligtas ang kanyang kapatid mula sa
serpyente. Pumayag naman si Don Juan.
SAKNONG 567-655 KAHIT PITO ULO NG SERPYENTE
Nakita ni Don Juan sa palasyo si Prinsesa Leonora. Nagtitigan muna sila hanggang
sa magtanong si Leonora kung ano ang ginagawa niya roon at kung bakit walang
ingat sa pagsasalita ang binata. Humingi ng paumanhin si Juan. Nagkagustuhan
ang dalawa habang nag-uusap. Dumating ang serpyenteng nagbabantay kay
Leonora at naglaban sila ni Don Juan. Bahagyang natigil ang labanan. Sa
pagtutuloy ng laban, binuhusan ni Juan ng balsamo ang ulo ng serpyente. Matapos
matalo ang ahas, umalis sina Leonora at Juan sa palasyo.
SAKNONG 656-697 MULING PAGTATAKSIL
Kalalabas lamang nina Don Juan at Leonora. Ikinuwento nila ang mga nangyari sa
balon. Sa sobrang inggit, muling nagtangkang pagtaksilan ni Don Pedro si Don Juan.
Nakalimutan ni Leonora ang kanyang singsing sa palasyo sa loob ng balon. Habang
bumababa ng balon si Don Juan, pinutol ni Pedro ang lubid at bumagsak si Juan.
Pinababa ni Leonora ang kanyang Lobo at inutusan itong gamutin si Juan.
Samantala, sa itaas ng balon, hinikayat ni Pedro si Leonora na siya na lamang ang
mahalin. Nang di pumayag si Leonora, sapilitan itong binuhat ni Pedro pauwi ng
Berbanya. Naiwan naman sa balon si Don Juan.
SAKNONG 698-731 HANGGANG KAILAN?
Sa mga araw na nagdaan, lubos ang kalungkutang nadama ng amang hari dahil sa
pagkawala ni Don Juan. Malaking tuwa raw kung mayayakap niya ang kanyang
minamahal na bunsong anak. Itinanong ng hari sa dalawang nakatatandang anak
kung ano ang natagpuan nila sa mga bundok at gubat. Ayon sa dalawa lahat daw ay
pinuntahan at pinaghanapan nila ngunit hindi nila nakita si Don Juan, maliban sa
dalawang prinsesang iniligtas nila mula sa higante at serpyente sa kanilang
kaharian sa loob ng balon. Hiningi ni Don Pedro na makasal agad sila ni Leonora
ngunit taimtim na hiniling ni Leonora na masunod ang kanyang panatang mabuhay
nang mag-isa sa loob ng pitong taon. Samantala, inihanda ang kasal nina Don Diego
at Donya Juana. Siyam na araw ang walang tigil na kasiyahan, habang patuloy ang
pagdurusa ni Don Juan sa Armenya.
SAKNONG 732-778 MULING PAGHAHANAP, MULING PAGTATAGPO
Naabutan ng lobo si Don Juan na sugatan at bali-bali ang mga buto. Para
mapagaling si Don Juan, kumuha ng tubig mula sa Ilog Herdan ang lobo. Umahon
sila mula sa balon at iniwan na ng lobo si Don Juan. Sa paglalakbay, napagod at
naidlip si Don Juan. Nakita siya ng Adarna at nagising si Juan sa awit nito.
Ikinuwento ng ibon kung paano siya nakaalis sa palasyo. Sinabihan din siya ng ibon
na limutin na si Leonora at maglakbay patungong Reyno delos Cristales upang
hanapin ang isang Maria Blanca.
SAKNONG 779- 831 ANG GANTI SA MAPAGKUMBABA
Lubos ang kalungkutan ni Leonora ngunit inaasam niyang sana’y buhay pa si Don
Juan sa tulong ng lobong inutusang manggamot. Samantala, tila hindi matunton ni
Don Juan ang daan patungong Kaharian ng delos Cristal. Tatlong taon na siyang
naglalakad sa gubat at mga kabundukan, ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa sa
Diyos. Isang araw, nakatagpo siya ng isang matandang ermitanyo. Nanlimos ng
pagkain si Don Juan. Sa kanyang gutom, nakuha niyang kainin ang maitim at
bukbuking tinapay. Binigyan pa siya ng matanda ng pulut-pukyutan at tubig.
Naubos ni Don Juan ang pagkain at tubig at nagpasalamat siya sa kabaitan ng
matanda. Itinanong niya sa matanda ang daan patungong de los Cristal. Pinapunta
ng matanda si Don Juan sa ikapitong bundok. Sinabi nito na matatagpuan ni Don
Juan ang isang ermitanyo na pagbibigyan niya ng isang pirasong tela.
SAKNONG 832-856 MAGPAKAILAN PA MAN
Sa kanyang silid, nasa isip pa rin ni Leonora si Don Juan. Biglang pumasok si Don
Pedro. Sinubok niyang hikayatin si Leonora na limutin na si Don Juan ngunit di ito
sumuko. Hihintayin pa rin niya ng pitong taon si Don Juan, kaya mapipilitan ding
maghintay si Don Pedro ng pitong taon.
SAKNONG 857- 935 BUNGA NG PINAGHIRAPAN
Kinailangan ni Don Juan na maglakbay ng limang buwan patungo sa bundok na
katatagpuan sa isa pang ermitanyo. Nang makita si Don Juan ng ermitanyo, nais
niyang paalisin nito. Ngunit pagkatapos siyang tanungin kung ano ang ginagawa sa
bundok, ipinakita niya ang barong binigay sa kanya ng unang ermitanyo. Sinabi ng
ermitanyo na ito ay baro ni Jesus at itinanong niya ang kailangan ni Don Juan.
Muling itinanong ni Don Juan kung nasaan ang delos Cristal. Tinawag ng ermitanyo
ang mga hayop sa gubat pero walang may alam. Kaya pinadala siya ng ermitanyo
sa Olikornyo patungo sa isa pang ermitanyo para ibigay ang barong dala niya.
Nakarating sila doon at nakita siya ng isa pang ermitanyo na kapatid ng
ermitanyong nakausap na niya. Ibinigay niya ang baro at tinanong kung alam nito
ang delos Cristal. Tinawag naman ng ermitanyo ang mga ibon ngunit walang may
alam. Nahuling dumating ang Agila at alam nito ang delos Cristal. Pinangako nitong
dadalhin doon si Don Juan. Nagpasalamat siya at lumipad sila patungong kaharian
ng delos Cristal.
SAKNONG 936-987 AGAD KITANG MINAHAL
Pagkatapos ng isang buwan, nakarating si Don Juan sakay ng agila sa kaharian ng
Cristales. Dinala siya ng agila sa paliguan ng mga prinsesa. Umalis ang agila at
pinayuhang magtago ang prinsipe. Sa pag-alis ng agila, nakita ni Don Juan si Donya
Maria. Pinagmasdan niya ito at di maipikit ang mga mata sa sobrang ganda ng
prinsesa. Nang pumasok na sa paliguan si Donya Maria, sa pagkahumaling ni Don
Juan ay ninakaw at pinaghahalikan niya ang damit ng prinsesa.
Pagkatapos maligo, nalaman ng prinsesa na nawawala ang kanyang damit. Isang
oras siyang naghanap pero pa rin niya nakita. Galit na galit ang prinsesa at
nangakong parurusahan ng kanyang ama ang may kagagawan nito. Sa wakas,
lumabas ang magnanakaw at nagpaliwanag si Don Juan. Sinabi rin niya na mula
siya sa Berbanya at dala siya ng mahiwagang bula. At habang nag-uusap, nalaman
nilang sila’y umiibig sa isa’t-isa.
SAKNONG 988-1060 PAGSUBOK SA BINATANG NAGMAMAHAL
Ikinuwento ni Donya Maria na ang mga batong nakikita nila’y dating mga taong
nanligaw sa kanya na naparusahan ng ama niyang hari, kaya nagbilin siya ng mga
ilang bagay ukol sa wastong paraan ng pagkilala at pagpapakilala sa hari.
Pagkatapos niyo’y naghiwalay ang dalawa. Nakita ni Don Juan ang hari at
kinapanayam siya nito. Hindi niya sinunod ang payo ni Maria at pinagtawanan si
Don Juan ng buong korte. Dahil dito, binigyan ng hari ang prinsipe ng malulupit at
tila mga imposibleng utos. Ngunit dahil sa mahika ni Donya Maria, natupad lahat
ang mga utos ng hari gaano man kahirap. Dahil dito, napapayag ni Don Juan ang
hari na ipakasal sa kanya si Donya Maria.
SAKNONG 1061-1285 TAGISAN NG TALINO
Ipinatawag si Don Juan sa palasyo ngunit ayaw niyang manatili roon dahil ayaw
niyang sumailalim sa mahika ng hari. Pumayag si Don Juan na sundin ang kahit
anong kahilingan ni Haring Salermo. Una’y pinakawalan ng hari sa dagat ang
labindawalang ita na galing sa prasko. Sinabi ng hari na kailangang maibalik ni
Don Juan ang lahat ng ita sa loob ng prasko bago mag-umaga. Nang gumabi na,
nagkita sina Don Juan at Donya Maria. Matapos nilang magsaya, ipinangako ni Maria
na maibabalik ang mga ita sa prasko. Pinagpahinga na ni Maria si Juan. Tumungo si
Maria sa dagat at tinawag ang mga ita. Nanginginig sa takot na nagsibalikan ang
mga ita sa loob ng prasko.
Inutusan naman ng hari na iurong ni Don Juan ang bundok sa harapan ng palasyo
upang masagap niya ang sariwang hangin pagkagising niya sa umaga. Sa tulong ni
Maria, naiurong ang bundok.
Hiningi naman ng hari na itabon sa ldagat ang lupa ng bundok at gumawa ng isang
malaking palasyong may matitibay na moog. Nais ng hari na magkaroon ng
magandang lagusan mula sa palasyo real patungong moog na may mga kanyong
nakahanay. Kinaumagahan, dahil din kay Donya Maria natupad ang hiningi ng hari.
Habang naglalakad sa tabing dagat, sinadyang ihulog ng hari ang kanyang
singsing. Inutusan niya si Don Juan na ibalik ito. Hindi nabigo si Don Juan kay
Maria. Kinaumagahan, sa hapag sa tabi ng higaan ng hari, naroon ang singsing na
nahulog sa dagat.
SAKNONG 1286-1382 MALAYANG UMIIBIG
Malungkot ngayon ang prinsesa kahit sa piling ni Don Juan. Alam ng prinsipe na
tunay na mahal siya ni Donya Maria ngunit mayroon lamang itong iniisip na
malalim. Malubha ang kanyang ama kaya naman dali-dali siyang pumunta sa
palasyo.
Kinaumagahan ay ipinasundo uli ng hari si Don Juan at mukhang may ibabalita rito.
Si Don Juan ay naghintay sa magandang kapalarang ibibigay sa kanya. Si Don Juan
ang pipili kung sino ang kanyang mapapangasawa.
May tatlong silid na may butas, at sa bawat butas, ang hintuturo lamang ng bawat
prinsesa ang nakalabas. Hindi makapaniwala ang hari sa galing ni Don Juan sa
pagpili. Nakaisip ng isang plano si Haring Salermo. Kung hindi, ipapapatay na
lamang niya si Don Juan.
Nalaman ni Donya Maria ang plano ng kanyang ama at nagmakaawa ngunit hindi ito
nakinig kaya naisipan ni Donya Maria na tumakas. Sakay sa pinakamabilis na
kabayo, nagtanan ang magkasintahan ngunit sinundan sila ni Haring Salermo.
Nawalan na ito ng pag-asang makuha muli ang anak kaya isinumpa niya ito.
Hiniling niya na kung si Donya Maria ay tatapak sa Berbanya, siya ay malilimutan ng
lalaking umiibig sa kanya. Ipinaubaya na ni Haring Salermo ang lahat sa Diyos na
Makapangyarihan.
Dahil sa sama ng loob, nagkasakit ang hari at tuluyan nang namatay. Walang
nagawa ang kanyang karunungan upang iligtas ang kanyang buhay.
SAKNONG 1383-1437 IKAKASAL KA NGA BA?
Bago magtungo ang magkasintahan sa palasyo ng Berbanya, iniwanan muna ni Don
Juan si Donya Maria sa isang bayan. Ayon kay Don Juan, siya muna ang uuwi upang
ihanda ang palasyo at Berbanya. Ngunit hindi sang-ayon si Maria sa planong ito.
Ayon sa kanya, hindi na kinakailangang abalahin pa ang ama ni Don Juan.
Nagpumilit si Don Juan at nangakong babalik matapos ang paghahanda. Bago
umalis si Don Juan, hiniling ni Donya Maria na huwag siyang lilimutin ni Don Juan.
Hiniling rin niya na huwag itong lalapit sa kung sinumang babae.
Nang dumating sa Berbanya, buong pamilya ni Juan ay sumalubong sa kanya, lalo
na si Leonorang naghihintay sa kanya. Nagsaya ang buong Berbanya. Sinabi ni
Leonora ang katotohanan na si Juan ang nagligtas sa kanya mula sa ilalim ng
balon. Ang haring nakikinig ay walang masabi sa ipinagtapat ni Leonora. Ang mga
tao sa kaharian ay nagtuos ng pansin sa dalawang kapatid ni Juan na nagtaksil.
Sumunod nang ipinamalita ang darating na kasal nina Don Juan at Leonora. Ang
kaharian ay nagdiwang dahil may gaganaping kasal ngunit hindi nila alam na dahil
sa pasya ng hari ay may isang magagalit.
Nalaman naman ni Donya Maria sa tulong ng kanyang karunungan na nalimutan na
siya ng kanyang sinisinta. Hindi tinupad ni Juan ang pangako niyang babalikan si
Maria kaya nagalit ito. Ikakasal na sina Juan at Leonora kinalingguhan ngunit hindi
pa tapos ang lahat para kay Donya Maria.
SAKNONG 1438-1574 BAKAS NG NALIMOT NA LUMIPAS
Sa araw ng kasal, dumating si Donya Maria sa palasyo gamit ang kanyang
mahiwagang singsing. Nakasakay siya sa isang karosang walang kapantay ang
ganda. Si Maria ay nagbihis bilang isang emperatris at lahat ng kanyang hiniling ay
natupad sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang singsing.
Humanga ang haring ama ni Juan sa kagandahan ng karosa ni Donya Maria.
Tinanggap nang maayos ng hari at reyna ang emperatris na dumating upang dumalo
sa kasalan.
Itinigil ang kasal upang parangalan ang panauhing dumating. Bumaba si Maria
mula sa karosa at binati ang hari’t reyna. Ibig daw niyang batiin ang ikakasal ngunit
mukhang nahuli na siya.
Bilang regalo, nagbigay ng isang palabas si Donya Maria. Ito ay isang laro na
makapagpapasaya sa mga ikakasal. Ang laman ng prasko ay isang negrito at isang
negrita. Nagsimula ang palabas at tumugtog ang musika kahit walang mga taong
tumutugtog. Nagpatuloy ang negrita sa kanyang pagsasalaysay. Sinabi niya kay
Don Juan na si Donya Maria ang pinakamamahal niya na palagi niyang kasama.
Sinabi rin nito na ilang beses nang iniligtas ni Donya Maria ang buhay ni Don Juan.
Isinalaysay din niya ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan ni Donya Maria para
lang kay Don Juan.
Isinalaysay ng negrita ang mga pagsubok ng ama ni Donya Maria para kay Don Juan
hanggang sa pagtakas nila mula kay Haring Salermo ngunit hindi pa rin maalala ni
Don Juan ang kanyang sinta. Naglabas ng suplina ang negrita at tinamaan ang
negrito habang nagsasalita ngunit si Don Juan ang nasasaktan. Nasaktan si Don
Juan ngunit hindi pa rin niya naalala si Mariang mahal niya. Higit siyang
napapamahal kay Leonora. Natapos ang palabas at nawalang mistulang bula ang
negrito at negrita. Ang tanging naiwan ay ang praskong balot ng pilak at ang laman
ay tubig.
SAKNONG 1575-1678 NAGBALIK ANG ALALA NG PAG-IBIG
Nagalit na nang tuluyan si Donya Maria kaya kinuha niya ang prasko at tinangkang
bitawan ito upang gunawin ang buong reyno. Ngunit biglang bumalik ang alaala ni
Don Juan. Niyakap ni Don Juan si Maria at humingi ng tawad. Sa kalungkutan,
nagsalaysay na rin si Leonorang nakatungo. Isinalaysay ni Leonora ang tungkol sa
kanyang nakaraan. Nagmakaawa si Don Juan kay Donya Maria na itigil na ang
ginagawa dahil mahal pa rin niya ito habang buhay at walang makakapagpaiba nito.
Sinabi sa lahat ni Don Juan na tunay niyang mahal si Maria at inihahandog na niya si
Leonora kay Pedro dahil masamang mag-away ang magkapatid. Ang pag-ibig ni
Juan para kay Maria ay totoo at hindi mababago. Gayon man ay sinabi rin ni Don
Juan na masaya na siyang makasa si Don Pedro kay Leonora dahil ito’y banal at
marapat sa pagmamahal niya. Kailangang sundin ni Juan ang mga magulang kaya
gagawin niya ito. Mas titibay ang kanilang kaharian kung kay Pedro makakasal si
Leonora. Nagpasalamat na rin si Juan kay Leonora dahil iniligtas din siya nito.
SAKNONG 1679-1717 MASAYA ANG BUHAY
Hiniling ni Don Juan na makasal sila ni Donya Maria. Sa wakas ay pumayag na rin
ang hari at ang arsobispo. Si Leonora naman ay makakasal kay Don Pedro na
nagmamahal sa kanya. Nasiyahan si Maria sa pasya habang si Leonora ay tahimik
lamang. Pumayag ang hari dahil isang karangalan na maging manugang si Maria.
Pumili si Haring Fernando ng kanyang kapalit at ang kanyang napili ay si Don Juan
dahil sa lahat ng nagawa nito ngunit sinabi ni Donya Maria na ibigay na lamang ang
korona kay Don Pedro dahil si Don Juan ay may sariling reynong pamumunuan.
Pinutungan ng korona at naghari sa reyno si Don Pedro.
Umalis sa Berbanya ang mag-asawa. Nagtungo sila sa malayong reyno ni Donya
Maria. Mapayapa ang reynong dinatnan ng dalawa. Ang engkanto ng dating hari
ay nawala nang tuluyan at ang dating mga pinarusahan ay nagbalik sa dati.
Nagkaroon ng pista para sa bagong hari at reyna.
Inalala na lang ni Donya Maria ang kanyang pamilya. Nagkaroon ng isang malaking
pista para sa lahat. Si Don Juan ang naging hari ng reyno.
Tumagal ang pista ng siyam na araw dahil ang reyno ay hindi nagsaya sa loob ng
walong taon. Nang mamatay sina Don Juan at Donya Maria, nagluksa ang buong
bansa. Nag-alay ang mga mamamayan ng mga dasal para sa kanilang mabubuting
pinuno. At doon nagtatapos ang koridong ito

You might also like