Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

PAGTUTURO NG FILIPINO SA ELEMENTARYA

UNANG SEMESTRE, 2021-2022

MODYUL BLG. 3
MGA ESTRATEHIYA SA PAGTUTURO NG FILIPINO
Nilalaman ng modyul na ito ang iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo ng Filipino. Nakaangkla ang mga estratehiya
sa mga teorya at mga simulain ng mabisang pagtuturo. Idinesenyo rin ang mga ito ayon sa maayos na pagkakasunod-
sunod ng hakbang sa paglalapat.
Ito ay mga estratehiyang maaaring gamitin ng mga guro sa kanilang mga klaseng pang-wika. Inihahanay ang
mga estratehiyang ito para sa mga nagsasanay na maging guro upang mabisa nilang maiparanas sa mga mag-aaral ang
nilalaman ng aralin. Isinaalang-alang ng kagamitang ito na ang edukasyon ay holistikong karanasan. Sinisipat nito ang
mga aspektong pang-mag-aaral na kailangan sa pagkatuto at naglalayong iangat ang kritikal nap ag-iisip ng mga mag-
aaral.

Talakayin Natin!
Estratehiya 1. (Hula ko, Sagot ko!)
Ang Hula ko, Sagot ko! ay isang estratehiya sa pagkatuto na tungkol sa paghihinuha sa susunod na pangyayari.
Sa estratehiyang ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na himayin ang nailahad na detalye gamit ang tsart
upang makabuo ng pangkalahatang ideya kung ano ang susunod na mangyayari. Sa paraang ito, natutulungan ang mga
mag-aaral na kilalanin ang mga detalyeng nakikita sa teksto o larawang naihayag batay sa kilos at salita at makabubuo
ng hula na naaayon sa tunay na buhay o sa kanilang karanasan.

Batayang Teoretiko
Ang estratehiyang ito ay nakabatay sa paniniwala ni Robert Gagne (1962) Hierarchical Learning na may iba’t
ibang lebel ng pagkatuto ang pangkaalamang kasanayan. Ito ay ang sumusunod: berbal na impormasyon, kasanayang
pangkognitibo, kognitibong estratehiya, motor skills, at pagpapahalaga. Kailangang isaayos ang pagkatuto mula sa madali
hanggang sa mahirap na lebel. Sa ganitong paraan matutulungan ang mga mag-aaral na maabot ang mataas na antas ng
pagkatuto at maging mapanuri sa pag-iisip.

Isa pang konseptuwal na balangkas na pinangunahan ni Lev Vygotsky (1978), ang Social Development Theory na
nakakamit ang pagkatuto sa tulong ng iba pang kamag-aral o kaibigan at sa gabay ng nakatatanda. Ang guro ang
nagsisilbing kaagapay ng mga mag-aaral upang makamit ang tagumpay sa pagkatuto.

Paano gagamitin ang estratehiya?


1. Bumasa ng mga akdang pabula, alamat o mga awtentikong salaysay mula sa mga dati nang isinulat ng mga mag-
aaral.

MA’AM VAN 1
PAGTUTURO NG FILIPINO SA ELEMENTARYA
UNANG SEMESTRE, 2021-2022
2. Putol-putolin ang pagsasalaysay ng kwento at ipahula ang susunod na mangyayari batay sa inilahad na mga detalye.

3. Pagkatapos bumasa, gumawa ng tsart na nahahati sa tatlong kolum: larawan/sitwasyon; pagtatala ng mga detalye; at
pagbibigay ng hula.
4. kapag napunan na ng mga detalye ang tsart, pag-aaralan ang mga koneksyon nito sa isa’t isa at tunay na buhay.
5. Pagkatapos suriin ang mga detalye ay sumulat na ng hula.

Estratehiya 2. (Salamin, Salamin!)


Ang estratehiyang Salamin, Salamin! ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na makapagpakita ng
kagalingan sa pagssagawa ng kilos at gayon din sa pagbuo ng pangungusap ayon sa ipinakikitang kilos ng mag-aaral.
Sa estratehiyang ito, kinakailangang bumuo ng pangkat na may tagapagpakita ng kilos (performer) at ang ibang
mga kasapi ng pangkat ay huhula batay sa ipinakitang kilos. Magtutulungan ang mga kasapi ng pangkat upang hulaan
ang salitang kilos.

Batayang Teoretiko
Ang Cooperative Learning Theory ay pinangunahan ni Lev Vygotsky (1931). Ito ay nakasentro sa paglinang ng
kognitibong kakayahan at sosyal na paglinang ng mag-aaral. Sila ay pinapangkat at binibigyan ng gawaing dapat
isakatuparan. Pinagtutulungan ng bawat kasapi ng pangkat na masagot o maisagawa ang ibinigay na hamon. Sa paraang
ito, nakaambag ang bawat kasapi ng kanilang ideya hanggang sa mabuo ang pangjalahatang sagot. Ang
pakikipagsalamuha sa iba ay nakatutulong sa pagkamit ng mataas na lebel ng pagkatuto sa pagsasalita at sa paghahanap
ng solusyon sa problema.

Paano gagamitin ang estratehiya?


1. Pangkatin ang mga mag-aaral
2. Ang isa ang magsisilbing salamin samantalang ang isa naman ay mananalamin, ang nalalabing kapangkat ay huhula
sa ipinakitang kilos.
3. Ang mananalamin ay gagawa ng kilos na siya namang gagayahin ng salamin.
4. Isasalaysay ng ibang kasapi ang ginagawa ng magkapareha sa salamin gamit ang salitang nagsasaad ng kilos.
5. Magpapalitan ang iba pang kasapi sa pagsasalaysay.

Estratehiya 3. (Himayin Natin!)


Ang estratehiyang Himayin Natin! ay nakabatay sa dulog na story grammar. Ito ay naglalayong linangin ang
kakayahan ng mga mag-aaral na maging mapanuri sa kwentong napakinggan o nabasa. Susuriin ng mga mag-aaral ang
mahahalagang bahagi ng kwento. Mahahasa rin ang kakayahan ng mga mag-aaral sap ag-alala ng mga pangyayari. Ang
estratehiyang ito ay mahalaga sa paghahanda ng mga mag-aaral sa pagsulat ng mga tekstong pasalaysay o pagbibigay-
buod sa kwentong napakinggan o nabasa mula sa hinimay-himay na pinagsunod-sunod na mga pangyayari sa kwento.

MA’AM VAN 2
PAGTUTURO NG FILIPINO SA ELEMENTARYA
UNANG SEMESTRE, 2021-2022

Batayang Teoretiko
Ang estratehiyang ito ay nakabatay sa mga paniniwala nina Short, E.J at Ryan, E.B. (1984) na ang estratehiyang
“story grammar” ay isang paraan ng paghimay-himay upang maunawaan ang isang teksto. Ito ay isang mabisang teknik
at kapaki-pakinabang sa guro upang matukoy ng mga mag-aaral ang mahahalagang detalye ng kwento sa pamamagitan
ng mga pamatnubay na tanong na nakatuon sa bahagi ng kwento.

Paano gagamitin ang estratehiya?


1. Magpapabasa/ magpapakinig/ magpapanood ng isang tekstong naratibo (kwentong-bayan, pabula, alamat at iba pa).
2. Talakayin ng guro ang mahahalagang bahagi ng kwento sa pamamagitan ng pagtatanong.
3. Ituon ng guro ang talakayan sa mga bahagi ng sumusunod: pamagat, tagpuan, kasukdulan, pataas na aksiyon,
pababang aksiyon, problema, resolusyon, at tema.
4. Hatiin ang mga mag-aaral sa limang pangkat at bigyan ng mga kagamitang pansulat.
5. Pangkat 1- Paggawa ng story grammar
Pangkat 2- Pagsasatao ng mahahalagang bahagi ng kwento batay sa story grammar
Pangkat 3- Sabayang pagsasalaysay gamit ang/batay sa story grammar
Pangkat 4- Iguhit ang mahahalagang bahagi ng kuwento ayon sa story grammar
6. Bigyan ng 5-15vminutong paghahanda at pagsasanay.
7. Sa patnubay ng guro, ipakikita ng mga mag-aaral ang kanilang output.
8. Maaarin gumamit ang guro ng mga rubric para sa mabisang pagpapadaloy.

Estratehiya 4. (Tara na’t Tukuyin!)


Ang estratehiyang Tara na’t Tukuyin ay naglalayong malinang ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral. Ito ay
nagpapalawak ng kanlang kaalaman na pagtimbang-timbangin ang mga likha o awtentikong sitwasyon.
Sa estratehiyang ito, iikot ang mga mag-aaral sa mga nakadikit na output ng bawat pangkat sa loob ng silid-
aralan. Tutukuyin nila kung ang mga nakatalang pangungusap ay may wastong baybay, bantas, at gamit ng malaking
letra.

Batayang Teoretiko
Ang estratehiyang ito ay batay sa paniniwala ni Bowman Sharon (2008) na naggaganyak ang mga mag-aaral na
maging masaya sa paglahok sa mga gawaing akademiko. Sila ay pangkatang magbibigay ng ideya, sasagot sa mga
tanong at matutong makibagay at tumanggap ng mga puna mula sa kapwa nila mag-aaral. Nalilinang sa estratehiyang ito
ang pagiging mapanuri. Dito rin malalaman ang lawak ng natutuhan ng mga mag-aaral sa kasanayang pagsulat.

Paano gagamitin ang estratehiya?


1. Talakayin ang mga pamantayan ng wastong pagsulat ng pangungusap (baybay, bantas, at gamit ng malaking letra).

MA’AM VAN 3
PAGTUTURO NG FILIPINO SA ELEMENTARYA
UNANG SEMESTRE, 2021-2022
2. ibigay ang rubric bilang batayan sa pagsususri ng output ng bawat pangkat bago ang gawain.
3. Hatiin ang mga mag-aaral sa apat na pangkat.

4. Bigyan ng iba’t ibang gawain ang bawat pangkat (differentiated activities).


5. Bigyan ng 5-15 minuto para sa gawain.
6. pagkatapos, idikit ang output sa iba’t ibang lugar ng silid-aralan.
7. Iikot ang mga mag-aaral at itatala ang kanilang mga puna sa bawat output.
8. Sa patnubay ng guro, iuulat na ngayon ng bawat pangkat ang kanilang natapos na output sa klase.
9. Pagkatapos, ang mga mag-aaral na may puna sa output ay maaari nang tumayo at ilahad ito. Ang pagpupuna ay
gawin pagkatapos ng bawat pangkat.
10. Ang marka ng bawat pangkat ay nakabatay sa rubric na ipinakita bago ang gawain.

Estratehiya 5. (Buhay mo, Ganap Ko!)


Ang estratehiyang Buhay mo, Ganap Ko! ay nagbibigay pagkakataon sa mga mag-aaral na magpakita ng kanilang
interes at kahusayan sa pag-arte. Sa pamamagitan nito, matatalakay ang katauhan ng karakter sa gagawing palabas. Ang
layon ng estratehiyang ito ay isadula ang pangunahing tauhan sa kuwento at bigyang-buhay ang kanilang salita, gawi, at
kilos sa paraang maipakita ang awtentikong pangyayari sa buhay ng tao.
Ang estratehiyang ito ay kailangan ng pangunahing tagaganap (lead actor) at ang mga kasamang tagaganap
(supporting actor), isang direktor (director), na siyang magbibigay ng panuto sa kung anong gagawin ng pangunahing
tauhan at anong katauhan ang kaniyang ipapakita. Ang director din ang siyang magiging tagamasid sa anong emosyon o
damdamin ang ipamamalas ng pangunahing tauhan.

Batayang Teoretiko
Ang pagsasadula ay buhay na ilang dekada na ang nakalipas. Sinasabing ang pagsasadula ay lumilinang sa
kultura na kompetensi na nagbibigay-oportunidad sa mga mag-aaral na matuto ng material sa ibang perspektiba.
Sabi ni Davidhizar et al. (2003) sa kaniyang pag-aaral na piamagatang Using Role Play to Develop Cultural
Competence, Kapag ang mga mag-aaral ay makikilahok sa pagsasadula “they will take on an new persona” ito ay
nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa o pagkukuro na magkaroon ng responsibilidad ang taong gaganap sa isang
papel/katauhan. Sa paggamit nito at pagganap sa katauhan ay matuturuan ang mga mag-aaral na magkaroon ng
interpersonal na kakayahan. Mahalagang magkaroon ng ganitong estratehiya na kung saan malilinang ang kakayahan ng
mga mag-aaral hindi lang sa pagpapataas ng kumpiyansa sa sarili pati na rin ang pag-unawa sa kalagayan na kanilang
gagampanan.

Paano gagamitin ang estratehiya?


1. Ang grupo ay pipili ng mag-aaral na magiging lead cast, supporting cast, at director.
2. Bibigyan ng pagkakataon na makapili ng paksa/tema ang bawat grupo.

MA’AM VAN 4
PAGTUTURO NG FILIPINO SA ELEMENTARYA
UNANG SEMESTRE, 2021-2022
3. Ang director ang magiging punong-abala sa gagawing pagsasadula.
4. Bibigyan ng 5-10 minuto ang bawat grupo upang makabuo ng isang palabas na magpapakita/ ipalulutang ang tauhan
sa kwento.
5. Ang ibang grupo ang siyang mag-aanalisa at susuri sa ginawang pagsasadula ng klase.

GAWIN NATIN
Panuto: Mula sa limang estratehiyang natalakay, gumawa ng banghay-aralin. Sundin ang panutong ibinigay sa bawat
bilang.
1. Bumuo ng sariling banghay-aralin gamit ang estratehiyang Hula Ko, sagot Ko! mula sa kasanayang pampagkatuto ng
ikaapat na baitang.
2. Bumuo ng sariling banghay gamit ang estratehiyang Himayin Natin! mula sa kasanayang pampagkatuto ng ikaanim na
baitang.
3. Sumulat ng sariling banghay-aralin gamit ang estratehiyang Halina’t Isatao mula sa kasanayang pampagkatuto ng
ikalawang baitang.

MA’AM VAN 5

You might also like