Kalagayang Pangkapaligiran: Mga Tao at Kultura Ang Ilokos ay matatagpuan sa hilagang kanlurang bahagi ng Luzon. Sa kanluran matatagpuan ang dagat Tsina na siyang pangunahing kabuhayan ng mga tao. Ang lupain ay tigang at mabato kaya hindi matamnan. Ang mga Ilokano ay napilitang dumayo sa ibang lalawigan upang kumita. Ito ang nagbunsod sa mga Ilokano upang mangibang bansa tulad sa Hawaii, Guam at Estados Unidos. Sa pananakop ng mga Kastila ay nahati ang mga mamamayan sa mayaman at mahirap. Hindi ito naging hadlang upang di ipagpatuloy ng mga Ilokano ang mga paraan ng kanilang pagpapahayag ng kanilang kalungkutan at kaligayahan sa pamamagitan ng duayya, lallay, badeng, arikenken, dallot, dung-aw, pakasaritaan, burbutia at pagsasao. Makikita ang panitikan at kultura ng mga ritual at sapita, di-ugma. Subalit pinilit itong pinalitan ng mga Kastila na ang paksa ay tungkol sa pananampalatayang Kristianismo. Wikang Kastila at Iloko ang mga ginamit na salita. Sa pagdating ng mga Amerikano, Ingles naman ang pinagamit kaya ang mga makatang Pilipino ay nabusalan ang bibig at napako ang isip. Ito ang dahilan ng pagtamlay ng panitikan ng lahi. Sa mga Ilokano, ang panitikan ay kurditan. Pumapangalawa ang panitikang Iloko sa panitikang Tagalog kung dami ng sinulat ang pag-uusapan. Katunayan, hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring masigla sa pagsulat ang mga Ilokano kahit nasa iba’t ibang bahagi sila ng mundo. Ang samahang GUMIL ang dahilan nito. Sa Hawaii ay mayroon ding GUMIL HAWAII. Si Juan S. Hidalgo, Jr. ang nagtatag ng samahang ito.