Mula sa isang maayos na agenda, maisasagawa naman ang isang
maayos na pulong o meeting. Ang pagpupulong ay pagtitipon ng dalawa o higit pang indibidwal upang pag-usapan ang isang komon na layunin para sa pangkalahatang kapakanan ng organisasyon o grupong kinabibilangan nila. Ipinatatawag ang ganitong pagtitipon kung may sapat na dami ng mga paksa o isyung dapat pag-usapan (Certified General Accountants, 2012).
Para masabing balido ang isang pulong, dapat na matupad ang mga sumusunod na kondisyon.
1. Ang nagpapatawag ng pulong ay may awtoridad para gawin ito.
2. Ang pabatid na magkakaroon ng pulong ay nakuha ng mga
inaasahang kalahok.
3. Ang quorum ay nakadalo.
4. Ang alituntunin o regulasyon ng organisasyon ay nasunod.
HAKBANG SA PAGSASAGAWA NG PULONG
Narito ang mga hakbang sa pagsasagawa ng isang pulong ayon kay Walsh (1995) batay sa kanyang aklat na The Meeting Manual:
1. Pagbubukas ng pulong (Opening the meeting).
Opisyal na idedeklara ng chairperson ang pagsisimula ng pagpupulong.
2. Paumanhin (Apologies).
Bago pa man ang pagsisimula ng pulong, kinukuha ng kalihim ang
listahan ng mga nakadalo at hindi. Inihahayag ng chairperson ang pangalan ng mga opisyal na pinadalhan ng pabatid ngunit hindi nakadalo sa pulong.
3. Adapsyon sa katitikan ng nakaraang pulong (Adoption of the previous
minutes).
Dito, binabasa ng kalihim ang katitikan ng nakaraang pulong o
binibigyan ang mga dumalo ng kopya ng naturang katitikan.
Kapag nabasa na ang katitikan, Inihahayag na ang adapsyon o
pagtanggap nito. Binubuksan ang hapag upang ilatag ang mga puntong nais talakayin ukol sa katitikan. Itinatala ang mga paksang nais talakayin mula sa katitikan. Kapag lahat ay sumang-ayon, tinatanggap na ito. Kung mayroong mga pagtutol o mungkahing pagbabago, tinatalakay ito at muling ihahayag ang adapsyon ng katitikan.
Kapag tinaggap na ng grupo ang katitikan, pinipirmahan ito ng
chairperson at ibinibigay niya ito sa kalihim para sa opisyal na pag-iingat sa dokumento.
4. Paglilinaw mula sa katitikan ng nakaraang pulong (Business arising
from previous minutes).
Kung may mga paksang nais pang pag-usapan na hango sa katitikan ng
nakaraang pagpupulong, isinasama ito sa agenda. Nagkakaroon ng deliberasyon ukol dito.
5. Pagtalakay sa mga liham (Correspondence).
Kung mayroong ipinadalang mga liham para sa pagpupulong tulad ng
liham sa koreo, e-mail, o fax mail, at kailangang talakayin at pagdebatehan sa pulong, ito'y dapat isagawa. Maaari itong talakayin ng pabuod para maipabatid ito sa mga kasapi ng organisasyon o grupo. 6. Pagtalakay sa mga ulat (Reports).
Sa bahaging ito tinatalakay ang mga ulat, kung mayroon, na inihanda
para sa pagpupulong. Nagkakaroon ng mosyon na natanggap ang ulat para maipakita na mayroong nagawang ulat para sa pulong na isasagawa. Sa bahaging ito, tinatalakay at pinagdedebatehan ang nilalaman, interpretasyon, at rekomendasyon ng ulat.
7. Pagtalakay sa agenda (General business).
Ang mga nakalistang pangunahing paksa sa agenda ay tinatalakay sa
bahaging ito. Ito ang pinakasentro ng isinasagawang pulong. Base sa layunin ng bawat paksa- pagbabahagi ng impormasyon, pagkuha ng panukala para sa pagdedesisyon, o paggwa ng desisyon, pag-uusapan ng mga kalahok ang mga nakatalang paksa sa agenda.
8. Pagtalakay sa paksang di-nakasulat sa agenda (Other business).
Kapag natapos na ang pagtalakay sa agenda, itinatanong ng chairperson
kung may mga isyung nais pang pag-usapan ang mga kalahok. Maaaring ilabas ng mga kalahok ang mga isyu na sa pakiramdam nila'y mahalagang pag usapan. Kabilang dito ang ano mang paksa na hindi nakalista sa agenda.
9. Pagtatapos ng pulong (Closing the meeting o adjournment).
Dito na isinasara ng chairperson ang pagpupulong. Isinasagawa ito kung
lahat ng nais pag-usapan ay naiharap na at natalakay. Sa pagdeklara ng chairperson ng pagtatapos, opisyal na nagwawakas ang pulong.