Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Bagaman mukhang paspasan ang mga pangyayari ng Pebrero 1986, hindi nagaganap nang magdamagan

ang mga himagsikan. Nagsupling ng kawalang-kapanatagan ang mga taon ni Marcos, na kinakatawan ng
ehersisyo ng pagpapanatili ng kapangyarihan sang-ayon kay Machiavelli. Lumikha nang mas malawak na
agwat sa pagitan ng pinakamayayaman at pinakamahihirap ang mga sakdal ng graft at korupsiyon laban
sa administrasyon at sa mga crony nito. Nag-riot ang mga sibilyan na siyang nagtulak sa pagnanasa ng
administrasyong dumepensa at lalong magsagawa ng agresyon laban sa kanila. Nangahulugan ang
pinatinding kontrol na ito ng pagpipigil sa mga kalayaang sibil, at hindi nagtagal, hinarap ni Pangulong
Ferdinand Marcos ang publiko, pinapangatwiranan ang pangangailangang igawad sa kaniya lamang mga
kamay ang lubos na kapangyarihan. Naitanim ng deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 23,
1972 ang mga binhi ng di-pagsang-ayon na ginawang pangangailangan ang himagsikan, at napakahalaga
sa pagpapanumbalik ng demokrasya.

Tinipon ng Himagsikang EDSA People Power ng 1986 ang laksa-laksang tao, na pumuno sa pangunahing
lansangan ng kabesera. Subalit hindi nanatili lamang sa loob ng mga kalye ng Maynila ang diwa ng
kanilang pagkilos. Nakita ang pangkat-pangkat ng di-pagsang-ayon sa buong bansa na lumikha ng
pagyanig sa mga pamayanang lokal, na siyang nag-isa sa bansa sa pagnanasa nitong makamit ang
kalayaan. Nagtipon ang mga Cebuano at Davaoeño sa mga sarili nilang liwasan, pinupuno ang mga
lansangan ng mga slogan at umaawit ng mga himig ng himagsikan. Ginabayan ang lahat ng tinig ng
Radyo Veritas—ang tanging estasyon na ang paglilingkod sa ngalan ng katotohanan ay tumulong sa
pagpapabagsak sa rehimen. Maraming nagturing sa estasyong ito bilang tagapaghatid ng liwanag.
Walang dudang napagliyab ang ningning ng People Power sa ibang panig ng bansa dahil sa
pagsasahimpapawid ng Veritas.

Samantalang nabubuo ang mga pangkat ng oposisyon sa labas ng kabesera, marami ring tao lumitaw
upang mapabilang. Sa pelikula, nagmaneho ang mga De Guia mulang Baguio patungong Maynila
samantalang iniiwan din ng iba pa ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan upang mapabilang sa pagkilos
na ito. Nagtipon-tipon ang mga taong nagmula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, at maging ang mga
pananalig ay hindi naging hadlang upang magkaisa ang mga tao na manindigan laban sa isang diktador.

Sa ika-20 anibersaryo ng Himagsikang EDSA, naglathala ang Philippine Daily

Inquirer ng mga salaysay ng mga lumahok sa himagsikan, at isa sa mga iyon ang madamdaming kuwento
ng isang Muslim na naatasang isaayos ang Company D:

“Mahigit sandaang lalaki at babaeng mula sa Maharlika, sa masjid ng Quiapo, at sa mga pamayanang
Muslim ng Tandang Sora ang tumugon sa aming panawagan. Tinanggihan namin ang mga babae at
binigyang-babala ang 85 lalaki ng Company D na hindi lahat kami’y makababalik nang buhay.”
Paglaon, inilarawan din ng salaysay kung paanong nagbantay rin ang mga tao sa pagkain at tiniyak na
hindi makapaghahain ng baboy sa mga kasamang Muslim. Isang beses, dumating ang isang trak na puno
ng pagkain at samantalang palapit doon ang mga tao, mabilis na sinabi ng drayber na, “para sa mga
Muslim lamang.” Sa umaalala sa salaysay, isang mahalagang sandali ito na nagpatining sa kahulugan ng
pagiging Filipino—na nasumpungan ang isang landas ng pagiging kabilang.

Ilan lang ang mga kuwentong ito sa napakarami pang hindi naisasalaysay at hindi natin napapakinggan
sapagkat madalas na nalalagom ang EDSA sa isang pagkilos na isinagawa sa kabesera, o ng malalaking
tao sa kasaysayan. Malinaw na hindi ito ang kaso.

Nang makarating sa Jaro, Iloilo ang balitang nilisan ni Pangulong Marcos ang Palasyo, gabing-gabi na iyon
subalit nagsibukasan ang mga ilaw at nagtungo ang mga residente sa Katedral ng Jaro. Nakatayo nang
may pagkamangha sa kaniyang bayan si Ruby A. Dumalaog, na 16 taong gulang na mag-aaral sa mataas
na paaralan noon, sa pagliliwanag ng paligid at pagtunog ng mga kampana.

“Natiyak kong anuman ang nangyayari sa EDSA ay nangyayari rin sa Jaro. Nakipagkamay sa mga tao sa
lansangan ang mga sundalong nagpapatrolya sa lungsod. Nag-iiyakan at niyayakap ng mga tao ang isa’t
isa kahit hindi sila magkakakilala. Nang gabing iyon, natiyak kong kahit magkakalayo ang mga pulo sa
Pilipinas, bagaman malayo kami sa EDSA, kahit pa wala kami roon upang harapin ang mga tangke, iisa
tayo sa mga puso namin—may iisa tayong pangarap at maaari tayong magkasama-sama.”

You might also like