Lihim Na Kabanata BG Buhay Ni Jesus

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 31

MGA NILALAMAN

Paunang Salita ……………………………………………………………………………………………………………….. i

I.

ANG KAPANGANAKAN NG MESIYAS

Likhang-isip lamang o tunay na nangyari ang kasaysayan ng Manunubos? …………………… 1


Ang hiwaga ng pagdalaw ng mga pastol at ng tatlong hari ……………………………………………. 1
Paano naligtas ang Banal na Sanggol sa pag-uusig ni Herodes ………………………………………. 2
Ang sagisag ng Banal na Angkan ……………………………………………………………………………………. 2
Si Dimas, ang “Dakila ng Gubat” ……………………………………………………………………………………. 3

II.

SA BAYAN NG MGA PIRAMIDE

Paglilingkod ng anak sa magulang ………………………………………………………………………………….. 3


Ang alamat ng “santacruz” sa kasal ………………………………………………………………………………… 3
Si Patriarka Josef ay alwagi …………………………………………………………………………………………….. 4
Ang Banal na Ina ay manghahabi ……………………………………………………………………………………. 4
Sino ang tunay na guro ng bata? ……………………………………………………………………………………. 5
Magulang na hinid kilala ng anak …………………………………………………………………………………… 5
Hiwaga ng paripa ng krus ………………………………………………………………………………………………. 6

III.

SA BAYAN NG MGA “HINDI MAAARING HIPUIN”

Pananampalataya laban sa karunungan ………………………………………………………………………… 6


“AKO NGA” ……………………………………………………………………………………………………………………. 7
Ang kahapon ni Mahatma Gandhi …………………………………………………………………………………. 7
Si Hesus ay binata ………………………………………………………………………………………………………….. 8
Ang diwa’y panginoon ng laman ……………………………………………………………………………………. 9

IV.

SA BAYAN NI SOCRATES AT HOMERO

Karunungang makabatlaya sa ibabaw ng karunungan ng mga tao ………………………………… 10


Si Archimedes: guro na tinuruan …………………………………………………………………………………… 11
“Ang aking Diyos” …………………………………………………………………………………………………………. 11
Mga Diyos-diyosan laban kay Bathala …………………………………………………………………………... 12
Tatlong pagkakataon sa pagkatuto ………………………………………………………………………………… 12

V.

ANG LUPAIN NA WALANG HANGGANG KABATAAN

Sa piling ng mga Dakilang Lama …………………………………………………………………………………….. 13


“Siyamnapu’t siyam na tupa” ………………………………………………………………………………………… 14
Ang ika-33 grado ng mga mason ……………………………………………………………………………………. 14
Lumakad ang Mananakop sa ibabaw ng tubig ……………………………………………………………….. 15
“Kahalili ng Diyos” …………………………………………………………………………………………………………. 15

VI.

SA BAYAN NG MGA MAGSASAKA

Dalawang tuwid na guhit sa buhay ng tao ……………………………………………………………………... 15


Si Hesus ay gumawa sa bukid …………………………………………………………………………………………. 16
Palapahaman: uhay ng palay ………………………………………………………………………………………….. 16
Panginoon ng kalikasan ………………………………………………………………………………………………….. 17
Unang pagbibili sa Mananakop ………………………………………………………………………………………. 17
“Magbangon ka!” …………………………………………………………………………………………………………… 17

VII.

SA BAYAN NI TOLSTOI

Mga bato sa landas ng Panginoon …………………………………………………………………………………. 18


Digmaan ng pag-ibig ……………………………………………………………………………………………………… 19
“Ang masama sa iyo….” …………………………………………………………………………………………………. 19

VIII.

PAGBABALIK, PANGANGARAL, AT PAGKAMATAY

Hindi tumawag ng mga alagad ang Kristo ……………………………………………………………………… 20


Nagbabalik ang patay ……………………………………………………………………………………………………. 20
Anak ng tao si Hesus ……………………………………………………………………………………………………… 21
“Gagawa kayo ng higit sa aking ginawa” ……………………………………………………………………….. 21
Kasaysayan ng katauhan ……………………………………………………………………………………………….. 22
Ang buhay ay isang tuwid na guhit ………………………………………………………………………………… 22

APPENDICE
PAUNANG SALITA

Ang munting aklat na ito na may pamagat na “LIHIM NA MGA KABANATA NG BUHAY NI
HESUS, ANG KRISTO” ay natagpuan ng isang kapatid sa bahay ng awa o ampunan ng mga
espiritista sa nayon ng Tonsuya, Malabon, lalawigan ng Rizal. Hindi nasasabi sa paunang dahon
ng aklat, bilang paunawa, at maging sa huli, kung saan lunduyan at kung sinong talaytayan ang
pinaglagusan nang tanggapin ang abotsabing ito na naglalahad ng talambuhay ni Hesus, ang
Kristo.

Kung papaanong nagkaroon ng isang sipi ng nasabing aklat ang ampunan ng lunduyang
“LA HUMILDAD” sa Tonsuya, Malabon, Rizal, ay walang nakapagpaliwanag maliban nang
pangatawanan ng isang kapatid ang pagtatanong hinggil sa pook o lunduyan at kung sinong
talaytayan ang pinagdaan ng nasabing pahayag ukol sa talambuhay na ito ng Mananakop.
Natuklasan na ang talambuhay ng Mananakop na tinataglay o nilalaman ng aklat na ito’y mga
lunduyang “El Amor del Señor” ng Tondo, Manila at “La Humildad” ng Tonsuya, Malabon, Rizal,
nang mga araw na sila’y sumasalasa sa panganib ng pagsalakay ng mga tiktik na Hapones sa
bahay-bahay na naghihinala sa anumang pagpupulong ng mga Pilipino nang panahon ng
Pananakop. Sila’y nagtitipon tuwing hapon sa ganap na ika-anim sa tahanan ng may magandang
kaloobang kapatid na Amado Castro ng Tañong, Malabon, Rizal, upang sila’y sama-samang
magnilay-nilay at dumalangin. Sa mga pananalanging ito’y nangyaring malagay sa kalagayang
hinihingi ng puspos na pakikipagsandiwa sa daigdig ng mga batlaya ang talaytayang kapatid
Trinidad Estrada na siyang pumapatnubay sa mga panalanging yaon. Sa isa sa kanyang
pagkakalagay sa ganap na pagka-talaytayan (estada de trance) ay ipinahayag ng isang banal na
batlaya ang nilalaman ng aklat na ito. Hindi naging sapat ang isang pulong-panalangin, yugtu-
yugtong ibinigay ng namahayag ang bahaging hindi nalalaman ng mga tao pagka’t hindi nasasabi
sa Ebanghelyo na talambuhay ni Hesukristo. Kinakailangan ang maraming araw ng lubos na
pananahimik at kapayapaan ng pananalangin ng mga naturang kapatid sa tahanan na
pinagdarausan ng pagninilay-nilay upang bigyan daan na mabuo ang nasabing ipinahayag na
buhay-kasaysayan ng Mananakop.

Sa isang karaniwang pananaliksik, hinahangad ng isang mahilig sa pag-aaral ang malaman


kung sino ang kumatha o nagbigay ng isang simulain, kuru-kuro, at kabatiran upang mabanggit
man lamang ang pangalan niya at ang kanyang mga katangian kung siya’y taga saan at kung ano
ang kanyang lahi. Datapuwat, nang tanungin ng mga kapatid na buong kapayapaang nakinig sa
mga pahayag kung sino ang nagbigay dangal sa kanilang pagtitipon at pananalangin upang
ipahayag ang lihim na kabanata ng naging kabuhayan sa lupa ni Hesukristo, walang itinugon ang
namahayag maliban sa “isang batlayang nais tumulong sa sangkatauhan”, na siyang ipinayong
maging lagda niya sa kanyang mga ipinahayag, bagaman sa kanyang tinig, hagod ng mga kataga
at tunog ng pangungusap ay nahulaan ng mga nakikinig na bihasang tumanggap ng mga pahayag
ng iba’t-ibang banal na batlaya na siya ay walang iba kundi ang “Apostol Pablo” na madalas
magpahayag sa mga lunduyan o “Centro Espiritista”.

Ang talambuhay na ito ay maingat na itinala sa pamamagitan ng kapatid na Epifanio


Bobadilla na siyang kalihim ng lunduyang “El Amor del Señor” nang panahong iyon. Ang “Amor
del Señor” ay lumikas sa Tañong, Malabon, Rizal, upang makaiwas sa ligalig g lungsod ng Maynila
na nang mga araw na yaon ay binabayo ng marahas na labanan ng Pangalawang Digmaang
Pandaigdig. Natanggap ang mga nasabing abotsabi ng talaytayang opisyal, kapatid Trinidad
Estrada sa kanyang ganap na kalagayang walang malay, at sa gitna ng mga kapatid na espiritistang
sa anumang oras noon ay handang sumakabilang buhay kaya’t walang kahulilip na kapayapaan
ng kaluluwa ang naghahari sa oras na tinatanggap ang pahayag na ito.

Taon ng mararahas na sagupaan noon: 1942, buwan ng Marso at hindi pa lubusang


lumalagapak sa kamay ng mga Hapones ang Bataan. Samantalang ang buong bayan ay nasa
pangamba at kagimbal-gimbal na panganib na siyang nag-udyok sa lahat ng tao na ilapit ang
kaluluwa sa Diyos hindi lamang sa pagsampalataya kundi sa pamamagitna ng mataimtim na
pakikipag-sandiwa ng kanilang kaluluwa sa kanilang Manlalalang, nabuksan ang daan sa puso at
kaluluwa ng ilang mga tao – ilang mga espiritista – upang ang batlayang banal ay makapamahayag
nang may kalayaan sa mga tao. Sa sandaling ito tinanggap ng tinutukoy kong lihim na mga
kabanata ng talambuhay ng Mananakop.

Dahil sa kahalagahan ng ilang mga bagay na di pa lubos na nababatid ng maraming


kristiyano ukol sa naging buhay at kasaysayan ng kanilang Guro, pinagsakitan ng kapatid na Jose
del Rosario, sa tulong ng kalihim ng lunduyan nuon na kapatid na Epifanio Bobadilla na
makapagbigay sa ilang kapatid ng mga sipi ng nasabing pahayag. Sa hindi maipaliwanag na
dahilan, ang ilang siping iyan na ibinigay sa mga kapatid ay hindi na nabalitaan hanggang sa
dumating ang araw ng kapayapaan. Datapuwat, sa hindi malamang sanhi – at ngayong waring
may mga babala ng bagong ligalig ang daigdig – animo’y himalang natuklasan ang isang ligaw na
sipi ng pahayag na naglalaman ng talambuhay ng Mananakop sa bahay ng awa o ampunan ng
mga salanta sa buhay na kinukupkop ng mga kapatid ng lunduyang “La Humildad”. Tadhana
waring pinagtiyap ang kapalaran ng Mananakop nang ipanganak sa daigdig na ito’y isilang Siya sa
isang sawing kalagayan kung tawagin, walang magpatuloy at walang kumupkop maliban sa mga
hamak na pastol sa yungib na tirahan ng mga hayop na kanilang inaalagaan.

Wala na ang Mananakop sa kapatagang lupa, magdadalawang-libong taon na ngayon,


ngunit animo’y batu-balaning hindi maiwasan ang kapangyarihan ng pag-ibig ng mga
mananampalataya sa Diyos na minsan pang sila’y dalawin ng kanilang Guro at Mananakop, sa
mga sandali ng mataimtim na kapayapaan kung kailan lubos na nakikipagsandiwa ang tao sa
Diyos; sa sandaling ito ay nangyaring pairugan – hindi dahil sa “privilegio” kundi atas ng batas ng
pag-ibig at ng buhay – ng Mananakop ang isang pahiwatig hindi ng kanyang katawan kundi ng
kanyang diwa, hindi na sa yungib at kaparangan na gaya ng dalawin Niya ang daigdig na ito, kundi
isang abang ampunan ng mga sinalanta ng buhay at wala nang pag-asa ang siyang kinalagakan ng
huling sipi na nalabi ng kanyang talambuhay na binabanggit sa pahayag na ito. Papaanong
napunta sa ampunan ng lunduyang “La Humildad” ang talambuhay na ito? Marahil, isang
mapagandukhang puso ang nagkaloob ng aklat na ito sa bahay ng mga salat at sawi sa buhay.
Marahil pa rin, ang kanyang ginawang iyon ay naging udyok ng isang banal na layuning hatdan ng
liwanag ang mga binayo ng dagok ng kawalang-palad. Waring katulad din ng magandang asal at
banal na diwa ng dakilang Guro sa kanyang pagdalaw sa makasalanan, mga maysakit at mga
abang walang kumandili upang sila’y bigyan ng kanyang biyaya, ang aklat na kinatatalaan ng lihim
na mga kabanata ng Kanyang mahalagang naging kabuhayan na hangga ngayon ay hindi
nalalaman ng sangkatauhan. Sa bahay ng aba at mga duhagi nangyaring malagak ngayon ang
lihim na ito. At marahil pa rin ay isang pagtitiyap ng mga pangyayari na maisipan ng kapatid na
nakatuklas sa aklat na ito na ilapit sa akin upang ipalimbag sa isang aklat ang natuklasang sipi ng
pahayag na aking binabanggit, ngayong Mahal na Araw na katulad ng Mahal na Araw na siya ring
petsang itinanggap sa buhay ng Mananakop, mga sampung taon na ngayon ang nakaraan.

Salamat sa Diyos! Diwa’y nakatakdang huwag mapahamak ang panhuling sipi ng


mahalagang aklat na maghahayag sa mga patlang ng panahon na hindi binanggitng Banal na Aklat
(ebanghelyo) kung ano ang ginawa, kung ano ang nangyari, at saan nagtungo ang banal na Guro
buhat sa gulang na siyam na taon hanggang ikatlumpung taon.

Marahil ang salaysay na ito na nilalaman ng pahayag na natanggap nila ay makatutulong


sa pagpapaliwanag sa hiwagang iyon ng talambuhay ng Mananakop. Inihahandog ko sa babasa
nito ang maingat na pagninilaynilay at pag-aaral at pananaliksik hinggil sa maselang bahaging ito
ng talambuhay ng Mananakop. Samantalang hindi ko inaaming panhuling salita ito ng
katotohanan sa talambuhay ni Hesukristo, palibhasa’y binibigyan namin ng puwang ang maaaring
maging kahinaan ng kapatid na talaytayan bilang pasubali sa buhay panlaman at panlipunang
tinataglay niya, gayun pa ma’y nananalig kaming makapagdaragdag ito sa ating kaalaman sa
buhay-kasaysayan ng ating Guro at Mananakop na si Hesukristo.

EMILIANO VICENCIO

Tonsuya, Malabon, Rizal


Abril 5, 1952
ANG KAPANGANAKAN NG MESIYAS

Mga kapatid, ang mahalagang tipan ng Mananakop sa pamamagitan ng Ebanghelyo ay


napasangla sa puso ng mga tao sa dalawang kaparaanan na ito: ay isang kasaysayang
pinapangyari sa ibabaw ng lupa na sadyang itinalaga upang agnasin ang katigasan ng puso ng mga
tao at iguho ang kanyang kamangmangan upang sa pamamagitan ng kanyang malinaw na pag-
iisip ay makita ang landas patungo sa kanyang Diyos, o ito ay isang alamat ng matandang panahon
na nabuo lamang ng pag-iisip ng mga mananalaysay upang bigyan ng kulay ang sining ng
“literatura” ng matandang kabihasnan ng mga tao. Alin sa dalawa? Kung bagaman at sa
paturuang ito ng Espiritismo ay ipinaliliwanag sa inyo na ang mga bagay na mabuti at
makapagtutulak sa inyo sa landas ng kabanalan ay di aalagata sa hugis at anyo ng mga bagay,
gayon man ay isang karagdagan kung inyong makilala ang mga patakaran na pinagsasaligan ng
pananampalatayang kristiyano na nasa timbangan ng pag-aaral ng sangkatauhan sa ibabaw ng
lupa; at isa kayo sa mga dapat makakilala, sapagkat isa kayo sa mga kinakasangkapan ng banal
na tipang ito ng dakilang Mananakop sa pamamagitan ng kanyang banal na Ebanghelyo.

Si Hesus, sa kanyang pagka-Kristo, ay hindi Diyos. Si Kristo, sa kanyang pagka-Mesiyas, ay


Anak ng Diyos na isinugo sa lupa, sa kapatagang iyan ng mga tao, upang katawanin ang batas ng
kanyang Ama na nagsugo sa kanya at tuparin ang kautusan sang-ayon sa kahingian ng batas.
Isinilang ang Mesiyas na taglay ang kapangyarihan ng isang sanggol na nakaaani ng pag-ibig nang
dahil sa kanyang kawalang-malay, at taglay ang kahiwagaan ng liwanag na iniambil ng mga
dakilang batlaya, ng mga “arkangheles” na kumatawan sa kalikasan, sa sangginawa ng Diyos na
siyang Ama ng dakilang Hesus, dakilang Kristo na isinugo sa ibabaw ng lupa ng dahil din sa mga
batas na ito. Ang Anak ng Diyos ay isinilang sa abang sabsaban ng mga hayop na walang saksi
kundi ang mga pastol ng mga hayop sa parang upang bigyan ng patotoo sa gawa minsan pa na
hindi lamang matatagpuan sa duyang ginto ng kayamanan ng mga tao sa ibabaw ng lupa ang
kapangyarihan ng isang taga-langit, kundi ito ay nasa sinapupunan ng lalo mang kaaba-abaang
kalagayan ng tao; sapagkat sa kanila itinataan ang kaharian ng mga langit at kaluwalhatian ng
pagpapala ng Maykapal.

Mga haring kinatawan ng tatlong kaharian ang humanap sa dakilang sanggol upang sa
kanya’y sumamba at mag-alay, mga haring taga-Silanganin na ang alay ay ginto, mira at
kamanyang: ang ginto ay kayamanan, ang mira ay kapaitan, ang kamanyang ay paghanga; mga
haring sa hindi kinukusa ay siyang nagsuplong sa Haring Herodes ng kapanganakan ng dakilang
Mesiyas. Ang kayamanan ng tao: ang ginto; ang kapaitan ng laman: ang kanyang “sufrimiento
moral”; ang paghanga ng tao: ang kanyang kapalaluan, ay pawang iniyalay sa dambana ng
Dakilang Sanggol na manunuparan ng kanyang tungkulin sa kahingian ng batas ng kalikasang sa
kanya’y nagsugo. Datapuwat ang sanggol ay iniligtas sa Ehipto sa pamamagitan ng kinatawan ng
kalikasan na kanyang inaalinsunod. Ang Mesiyas ay iniligtas sa Ehipto, hindi sa pagkakandili ng
kayamanan, ng karangalan, o kamanyang o ng kapaitan ng laman, sapagkat hindi nagdanas ng
mga ito ang dakilang Mesiyas, kundi sa pamamagitan ni Dimas, ang hari ng mga tulisan, naligtas
ang dakilang Sanggol na ito sa kuko ng pag-uusig ni Herodes. Ang pagpapanagpo ng Dakilang
Sanggol at ni Dimas, ang magnanakaw, ang siyang nakapagbukas at nakauntag sa kabatlayaan ng
tulisang ito upang ang papel na kanyang ginaganap sa ibabaw ng lupa ay kanyang maalinsunod,
sapagkat si Dimas, ang tulisan, ay siyang dakilang apostol ng Ebanghelyo ng Kristo, hindi sa bayan
ng Jerusalem at sa katipunan ng mga Hudio, kundi sa katipunan ng mga tulisan sa parang upang
ang mga bagay na sa hugis ay mayroon ng tatak na pagnanakaw at kawalang-dangal ay
magagamit sa lalong mabuting kapakinabangan: ang pagtatanggol sa mga babai, ang pagkakandili
sa mga sanggol na walang malay, at paggalang sa mga lalaking mayroon ng uban sa kanilang ulo
at balbas.

Si Maria, ang mapalad na babai, ay siyang naging ina ng Mesiyas; si Patriarka Josef, ang
kanyang naging ama, ay isang lalaking mayroon ng uban sa kanyang ulo at sa kanyang balbas; at
ang Dakilang Sanggol ay isang batang walang muwang, ang lahat sa kanila ay mga tauhang
gumalaw at tumugon sa dakilang patakaran ng punong tulisang ito sa mga kaparangan at
kabundukan, mga tauhang gumising sa kabatlayaan ng kanyang tungkulin, at bumuhay sa
namatay na pagasa ng pagpapakabuti ng isang kaluluwa nang dahil sa kapighatian at karanasan
ng mga tao. Ang pagka-tahimik na mamamayan ni Dimas ay siyang naging kasanhian ng kanyang
pagka-kilabot sa pagnanakaw. Siya ay tumupad ng kanyang tungkulin sa mga kaluluwang katulad
niya ay naligaw ng landas; datapuwat sa gitna ng kasamaan o kabulukang ito ng hugis, si Dimas,
ang tulisan, ay nakatupad ng kanyang tungkulin, sapagkat hindi lamang niya napalambot ang
puso at damdamin ng kanyang kabig, kundi nagawa niyang ang mga kabig na ito ay gumalang sa
mga kinatawan ng kahinaan sa ibabaw ng lupa: ang mga babai; sa larawan ng kalinisan ng
sangkatauhan: ang mga sanggol: at sa haligi ng kabihasnan ng mga tao: ang mga lalaking ubanin
ang mga ulo at balbas. Iyan ang sagisag ng Banal na Angkan. Nagtagpo ang Mesiyas at si Dimas
sa gitna ng ilang ng bayang yaon upang sa tinig ng Dakilang Sanggol ay ipaggunita kay Dimas ang
kanyang tungkulin, at ang tungkuling ito ay naganap.

Ito ang unang alamat ng Ebanghelyo, ang unang katuparan ng tungkulin ng Dakilang
Kristo, ang Anak ng Diyos na isinugo sa lupa, kung kailan ang isang binata ay tumanggap ng
katarungan ng tao, na sapagkat bulag ang katarungang ito, ang nabanggit na binata na lubhang
malapit sa harapan ng Diyos ay ipinabilanggo nang maraming taon. At nang magsawa sa ganitong
“capricho” ang katarungan ng tao’y pinalaya si Dimas upang kanyang masumpungan lamang na
ang kanyang iginagalang na ama ay namatay sa kagutuman, na wala man lamang mangahas na
mgalibing sa kanya, upang ipakilala ang damdaming “moral” ng isang bayang walang
hinahangaan kundi ang karangalan at kapangyarihan ng tao sa ibabaw ng lupa. Ang ama ni Dimas
ay namatay at ang patay na laman ay naging pagkain ng mga bangaw, ng mga aso, hanggang sa
ito’y magkawaray-waray. Ang pangyayaring ito ang nakapagpatigas sa puso ng kanyang anak
upang hamunin ang kapangyarihan ng tao, upang lagpasan ang kayamanan ng tao, upang
paghigantihan ang katarungan ng tao, at si Dimas ay naging tulisan. Mula ng masumpungan ni
Dimas at mapaglingkuran ang dakilang Sanggol sa kanyang pagtakas sa Ehipto, nagising ang
damdaming banal na kaluluwang ito, nawala ang paghihiganti sa kanyang puso, sapagkat sa
katauhan ng Patriarka Josef nabuhay ang alaalang banal ng kanyang ama upang ang mga lalaki
ay huwag pistin at lapastanganin, sapagkat ang mga lalaking ito ay larawan ng kanyang ama;
igalang ang mga babai at tulungan, sapagkat ang mga babai ay larawan ng kanyang ina na
nagluwal sa kanya sa maliwanag; tulungan at kandilihin ang mga sanggol na walang malay,
sapagkat ito nga lamang ang larawan ng kalinisan sa kalagayan ng tao sa kanyang pamumuhay sa
ibabaw ng lupa. Ito ang unang kabanata ng kahiwagaan ng Kristiyanismo sa ibabaw ng daigdig:
ang sabugan ng liwanag ang kaparangan at kabundukan sa pamamagitan ng pagtakas ng Banal
na Mag-Anak sa Ehipto upang si Dimas, na kilabot na tulisan, ay maging alagad ng kaparangan,
maging kinatawan ng banal na utos at maging tagapagligtas ng kanyang mga kabig sa lalong
karumaldumal na pagkakasala ng tao. Pag-ukulan ninyo ang bagay na ito ng pag-aaral.

II. SA BAYAN NG MGA PIRAMIDE

Mga kapatid, ang Ebanghelyo ng Mananakop, na si Hesukristo, ay naging Aklat ng


Panahon at “Codigo Moral” ng “Justicia Divina” ng sangkatauhan, hindi niluma ng panahon
magpahangga ngayon sa gitna man ng nag-uunahang pagsulong ng kabihasnan ng mga tao at ng
lalong makabagong batas, maging pang-lipunan, pang-pamahalaan o pang-pananampalataya ng
mga tao. Ang “Codigo Moral” ng mga kristiyano ay nananatiling matatag sa “pedestal” ng
kanyang pamamaibabaw, sapagkat ang Ebanghelyo ay hindi lamang kasaysayan ng mga laman at
buto, kung hindi ito ay badha ng “Espiritu Santo” sa pamamagitan ng mga banal na “evangelista”
na hinirang ng Diyos sa ibabaw ng lupa.

Nanatili si Hesus sa Ehipto hanggang sa kanyang gulang na ika-pitong taon na hindi


nasasaad sa alinmang kasulatan sa Ebanghelyo ang kaliwanagan. Ang pitong taong ito ay
pinaraan sa pamamagitan ng katuparan ng kaluwalhatian sa mga tungkulin ng magulang sa anak
at ng anak sa magulang. Ang tungkulin ng magulang sa anak na niluwalhati ng Banal na Mag-
Anak na ito ay hindi lamang ang mapanagana ang hain sa dulang ng pagkain at maparangal ang
pagkatao sa pamamagitan ng mga saplot na niluluma at nasisira, kung hindi ang maihanda ang
dambana ng pagkain ng kaluluwa sa kagandahang-asal at maibalabal sa pagkatao ang damit ng
karangalan ng kaluluwa. Sapagkat kung ang isang anak ay masunurin at mayroon lagi na ng
pakinig sa magulang kung siya’y pinagpapayuhan, ang anak na ito ay hindi lamang mutya ng
kayamanan ng isang mag-anak, kundi ito ang kamanyang na ipaiilanglang ng isang banal na
pagbubuklod ng pag-ibig ng isang lalaki at ng isang babai, ang kabanalan ng kasal ng mga tao.

Ang pagtataling-puso ng mga tao’y ginagawa sa maraming hugis at “ritos”. Sasalitain ko


na lamang ang “ritos” ng pagkakasal ng mga kristiyano na isinasagawa ngayon sa kapatagang
iyan. Naniniwala kayong ang tanda ng “Santa Cruz” sa pagitna ng isang babai at ng isang lalaki sa
pamamagitan ng isang alagad ng pananampalataya at ang pag-usal sa mga ilang talata ng
Ebanghelyo na natatanglawan ng liwanag ng kandila at sinasaliwan ng maka-batlayang tugtugin
at awiting katulad ng sa mga anghel sa langit, ay siyang tunay na kasal o pagbibigkis sa iisang
damdamin ng isang lalaki at isang babai. Sa kasaysayan ng “Sagrada Familia” ay hindi ko
kaliligtaang banggitin sa inyo na kung mayroong pinatutunayan at itinayong simulain ng
katotohanan sa daigdigang ito ang dakilang Patriarkang si Josef at ang dakilang babaing Rosa sa
Jerico, ito ay walang iba kundi ang kabanalan ng kasal ng isang lalaki at isang babai na
mapapatunayan sa pamamagitan ng tanda ng “Santa Cruz”. Kung sila’y may supling, ang bunga
ang siyang hahati sa paripa ng krus na nagtuturo sa pinanggalingan at paruruonan ng lalaki at ng
babai. Ang pahalang na ito na itinuturo ang langit ng puno na nakatanim o nanggaling sa lupa,
ang siyang kinatawan ng anak ng isang magkataling-puso. Kung sa katauhan ng anak ng isang
babai at isang lalaki ay maibalot at maipakain, katulad ng pagkain at damit, ang lakas ng isang
lalaki at ang kalinisan ng isang babai, ito ang banal na basbas upang ang isang mag-anak ay maging
karapat-dapat sa mata ng Ama na nasa mga langit. Sa Ehipto ibinadha ng “Sagrada Familia” ang
tanda ng “Santa Cruz”, sapagkat sa kanyang sinapupunan inihayag ang Dakilang Sanggol, na may
liwanag ng kabatlayaan ng isang lalaking malinis, tapat umaalinsunod sa landas na matuwid ng
batas ng langit; ang isang babaing mayroon ng kalinisan sa kanyang puso, kahinhinan sa kanyang
pagkababai, kabanalan sa kanyang pakikitungo sa kanyang kataling-puso at pagkamairugin sa
kanyang pagka-ina sa kanyang sanggol na hindi inalo sa kalayawan ng laman at sa katakawang ng
sanglibutang iyan, kundi sa paggawa. At kung papaanong sinabi sa inyo ng Banal na Kasulatan na
ang dakilang Patriarka ay alwague at ang butihing ina ay isang manghahabi, saliksikin natin ang
tunay na kahulugan nito sa kanyang diwa.

Ang alwague ay manggagawa ng isang tahanan, sumusukat at pumuputol; pumuputol siya


sa pamamagitan ng lagari, unti-unti na inaawasan ang kahoy upang makaputol sa tuwid at
makinis na kaparaanan, sapagkat ang lagari lamang ang makagagawa nito. Ang alwague upang
makapagtayo ng isang bahay ay ganyan. Ang lahat ng lalaki ay mga alwague sa ibabaw ng lupa.
Upang makapagtayo ng bahay ang mga alwague ay kailangan ang mga punong-kahoy na
tatablahin, ang pako at ang lata na nanggagaling sa kalaliman ng kabundukan na mga likas na
kayamanan ng lupa; susukatin at babalangkasin upang maitayo ang isang tahanan na kanyang
tinutungkol. Ang mabuting alwague ay mabuting manunukat mabuting mamumutol. Ang isang
hindi maingat sumukat at matiyagang pumutol ay hindi mabuting alwague. Ganyan ang lalaki sa
ibabaw ng lupa. Aling tahanan ang itinatayo ninyo sa araw-araw? Alin ang sinusukat ninyong
tabla at pinuputol sang-ayon sa nagiging kayarian? Ang kabuhayan ng mag-anak na inyong
pangunguluhan? Susukatin ninyo ang inyong galaw, bait, nalalaman, kaugalian, pagsasaalang-
alang ng mga bagay, alang-alang sa ikabubuo at ikayayari ng tahanang kayo ang nananagutan. Sa
paaralan ng buhay na ito ay pag-aralan ninyo na magamit ang panukat at pamutol ni Patriarca
Josef upang maitayo ninyo ang tahanang kinakailangang ninyo sa buhay na iyan sa katuparan ng
inyong tungkulin.

Ang isang manghahabi ay matiyagang magkidkid ng sinulid, mag-ayos ng mga kulay sa


kahingian ng “harmonizacion”; isa-isang ilalagay, sala-sala ang mga sinulid na ito sa mahabang
sandali upang makayari ng isang “tunica”. Iyan ang kahalintulad ng isang babai, ng isang babaing
asawa. Hindi ninyo bibilhin o iyuupa ang damit na ipasusuot ninyo sa inyong mga anak; kayo’y
magtitiyagang mag-ikid ng mga hibla ng bait na ipasususo mula pa sa kamusmusan ng inyong mga
anak; kayo ang lalala ng kanilang kaugalian. Ang babaing asawa ang siyang nagbabagay-bagay ng
mga kulay na kaangkop ng kalikasan ng mga batang ipinagkatiwala sa kanya ang pagkasulong at
kawagasan. Ganyan kayo makapagtatagumpay sa larangan ng inyong tungkulin, mga babaing
asawa ng kapatagang-lupa, na para sa inyo ay di ninyo hahangarin ang layaw, ang kasaganaan,
ang kalupaan, kundi ang dapat na inyong paghandaan ay ang kayo’y makaganap at makayari ng
“tunica” ng inyong mga anak sa pamamagitan ng inyong mga kamay, ng inyong talino, ng pag-
iisip, ng inyong umiirog na damdamin, sa kapakanan ng mga batang walang malay na
ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Iyan ang mabuting ina, iyan ang larawan ng Dakilang Ina, ng
Birhen, ng Banal na Kasulatan: walang karangyaan, walang layaw ng katawan, walang kalupaan,
hindi tumututol sa hirap, hindi nagiging marahas sa dalita; sa lahat ng mga pagpapakasakit ang
isinusukli ay dalangin; mataimtim sa lahat ng pag-uusig; pagasa at pananampalataya sa langit ang
inilalaban; wala ng anumang paghihimagsik maging sa gutom at sa pagod, sa puyat at sa pag-
uyam ng mga tao, sapagkat ang isang magulang ay mayroon ng ibang digma sa pakikipaglaban sa
ibabaw ng lupa, at ito ay walang iba kundi ang makipagdigma alang-alang sa kapakanan ng
kanilang mga anak, sa katahimikan at katatagan ng isang tahanan upang maduktungan ng bait
ang mga anak na kanilang minamahal. Iyan ang aral ng Banal na Mag-anak sa Ehipto.

Mga kapatid, si Hesus ay tumulong sa kanyang mga magulang upang ipakilala na dapat
ituro sa mga sanggol o mga bata ang pagpapahalaga sa simulain ng paggawa na siyang buhay.
Ipinakilala ng mag-anak na ito na ang pagmamahal sa bata ay hindi ang pagpapalayaw kungdi ang
pagtuturo ng kanyang tungkulin at ang pagsanay sa bata sa pagtupad ng tungkuling ito. Ito ang
aral sa inyo ng kabataan ni Hesus sa ibabaw ng lupa, na kinakailangang kadluan ninyo ng
maraming kaalaman, na kinabakuan ng marami sa inyo sa pagdadala sa inyong mga anak sa
wastong landas ng pagpapakabuti; na ang tunay na “educacion” ng isang bata ay hindi
matututuhan sa paaralan ng mga guro, kundi ito ay makukuha at magagaya sa pagtuturo at sa
gawi ng mga magulang at sa pagsisikap ng mga magulang na sila’y matuto; na ang paaralan na
pinag-aaralan ng mga bata ay walang itinuturo kundi ang “abacada” ng salita at kasaysayan ng
mga tao; datapuwat sa paaralan ng isang tahanan na ang guro ay ang kaibigan – ang mga kaibigan
ay ang mga magulang – ang natututuhan ng isang bata ay ang karunungan ng diwa, ang
kasanayan ng damdamin, hindi sa “abacada” o titik, kundi sa diwa ng kabatlayaan na siyang
mahalaga sa buhay ng tao. Walang paaralang pinasok ang Banal na Bata at walang gurong
nakilala upang magturo ng “abacada” kundi ang kanyang ina na nagtiyaga sa pagmumulat ng mga
mata sa salita ng mga tao upang maunawaan ng mga tao. Nagiging isang banyaga ang magulang
sa anak at ang anak sa magulang, sapagkat ang mga bata ay natuturuan sa ibang wika at sa ibang
diwa. Huwag ninyong ipagkamali ang ibig kong sabihin sa “ibang wika” ay hindi ingles, hapones
o tagalog, kundi ang ibang kaugalian, ang ibang antas ng “Disciplina Moral”, na sapagkat
ipinauubaya ng magulang sa mga guro ang paghubog sa kaugalian ng kanilang anak ay nagiging
banyaga sila sa kanila ring mga bunso, bagay na ang kailangan sa kahingian ng “harmonizacion”
ng pag-iibigan ng magkakasambahay ay magkaroon ng isang diwa; ang pakikipagunawaan ng mga
magulang sa kanilang mga anak at ang mga anak sa kanilang mga magulang.

Ginagawa ninyong panata ang “Sagrada Familia” sa inyong mga panalangin. Sa kahingian
ng pananampalatayang naglipana sa kapatagang iya’y hinihingi na gawin ninyong pintakasi ang
“Sagrada Familia”. Maano nawang alalahanin ninyo ang kabanatang ito ng aking pahayag upang
mapintakasi ninyo ang Banal na Mag-anak sa tumpak na kaparaanan, at pag-aralan ninyo ang
alamat ng mga sagisag ng mga tauhang gumagalaw.

Kung ang isang ina’y walang hahabihin kundi ang damit ng malayaw na kabuhayan; kung
ang isang ina’y walang hahabihin kundi ang damit ng kabulaksakan; kung ang isang ina ay walang
gugumunan kundi ang banig ng bisyo; kung ang isang ina’y walang aalagatain kundi ang
makalupang alitigtigin ng kanyang puso, ang isang anak ay hindi makasusukat upang panalangin
ang paripa ng krus na itinuro sa inyo mula sa lupa hanggang sa langit; wala siyang ituturo sa inyo
sa lahat ng sandali kundi kung saan sumisikat at lumulubog ang araw. Magagawang panalangin
ang paripa ng krus ng isang anak kung matuto siya na mag-puri, katulad ng pagpupuri ng isang
alwagueng marunong sumukat at pumutol na makinis. Ito rin ang nahahabi ng isang babaing ina
na marunong mag-ikid ng hibla ng sinulid at lumala sa magandang “harmonizacion” ng
kabuhayan ng kaluluwa at katawang laman. Ito ang magandang alamat ng Banal na Mag-anak
hanggang sa ika-pitong taong gulang ng Kristo sa ibabaw ng lupa, at ito rin ang ikalawang
kabanata ng kanyang kabuhayan sa kapatagang iyan.

Ang araw ay “simbolo” ng pagmamahal sa anak ng magulang at paglilingkod ng anak sa


magulang.

III. SA BAYAN NG MGA “HINDI MAAARING HIPUIN”

Mga kapatid, ang ika-pitong taong gulang ng Dakilang Mesiyas sa ibabaw ng kapatagang
ito ay unang inihayag sa mga paham sa pamamagitan ng kanyang pagpasok sa “templo” ng mga
pantas upang pakipag-usapan ang mga matatandang maginoo sa kabihasnan ng mga Hudyo at
ng matandang Ehipto; at sangayon sa alamat ng Ebanghelyo, ang Banal na Batang ito sa kanyang
ika-pitong taong gulang sa lupa ay nakapagsalita ng mga karunungang hindi lamang nagpaulap sa
karunungan ng mga marurunong sa sangbayanan, kundi nakapagbigay pa ng bagong aral at
nakapagturo sa mga tao ng tunay na karunungan ng Diyos. Hindi sinabi sa alamat ng Ebanghelyo
kung ano ang paksa na pinagtalakayan ng Banal na Bata at ng mga dakilang pantas sa templo,
ngunit ngayon ay ating babanggitin dito sa ikabubuo ng kasaysayan.

Ang paksa na pinagtalakayan ay ang kaligtasan ng tao sa pamamagitan ng


pananampalataya o ng karunungan. Ang karunungan ay nagtuturo ng kaparaanan ng pagpasok
sa langit sa pamamagitan ng mga “materia” o laman na nahihipo at nakasangkapan sa paghugis
o paglilok ng mga dakilang manglililok na mga tao, maging sa sining ng kamay o sa sining ng pag-
iisip, samantalang ang pananampalataya ay walang lakas o kapangyarihan kundi sa pamamagitan
ng sining ng damdamin, ng isang wagas na pagasa, at ng isang banal na alitigtiging hindi naisasaad
ng laro ng mga salita kundi sa pamamagitan ng alitigtigin ng damdamin at ng tibok ng puso na
mayroon ng liwanag ng kawagasan. Alin ang makapagliligtas sa tao: pananampalataya o
karunungan? Ang Banal na Bata ay nagtagumpay; ang pananampalataya, sapagkat ang
pananampalataya ang lumilikom sa lahat ng kadalubhasaan ng tao sa ibabaw ng lupa, sapagkat
kung saan natatapos ang karunungan ng mga tao, ay duon nagsisimula ang biyaya ng
pananampalataya na makapagliligtas ng kaluluwa. Ito ay nangyari sa templo ng mga pantas ng
matandang Jerusalem at ng matandang kabihasnan ng mga Egipsyo.

Pagkatapos na ang buhay na ito ay maisaysay, sa alamat ng Ebanghelyo ng Banal na Bata


ay hindi isinaad kung ano ang naging kabuhayan ng Banal na Batang ito kundi nang siya ay
sumapit na lamang sa kanyang ika-tatlumpung taong gulang sa lupa, nang siya ay bautismuhan
ni Juan Bautista sa Ilog ng Jordan at ngayon ay pupunan natin ang mga alamat ng kasaysayang
ito. Sa ika-pitong taong gulang ng Banal na Bata sa ibabaw ng lupa ay binuksan ang “tabernaculo”
ng mga pantas ng mga tao upang salitain ang kadakilaan ng pananampalataya na higit sa
karunungan ng mga tao. Ang simulaing ito’y nagwagi at pagkatapos ay pinatutohanan ng
dakilang batang ito ang katunayan na ang pananampalataya ang siyang makapagliligtas sa
kaluluwa. Sapagkat siya ay hindi nag-aral sa karunungan ng mga paham sa ibabaw ng lupa, kundi
bagkus siya, pagkatapos na makapanggaling sa Templo ng mga pantas ay naglibot sa mga lupain
kung saan namamayani ang mga pananampalatayang banyaga, kung saan ang mga pagtatalo-
talo ay siyang panalangin, kung saan ang kabuhayan ay lubhang napupuspos ng mga kadayaan,
kung saan nagkakaroon ng pananagumpay ang karunungan ng mga tao. Sa mga bayang ito dinala
sa “practica” ng Mananakop ang pananampalataya na siyang tanging kaligtasan ng kaluluwa.

Ang una na kanyang pinaroonan ay ang India. Dito nagising ang sagisaging pang-batlaya
ng Dakilang Batang ito, kung papaanong ang karunungang lihim ng “magnetismo” at
“mediumnidad” ay malayang pinapaglagos sa mga bagay alang-alang sa ikatutupad ng kanyang
dakilang tungkulin. Dito nasanay ang dakilang sagisagin ng Banal na Bata sa kapangyarihan ng
pananalita sa sukat ang mga katagang “AKO NGA” upang makalikha ng lakas na magtutulak sa
pangkaraniwang kapangyarihan at lakas ng mga tao. Sa panunuparan ng ganitong pagsasanay
ng bata naggugol ang kanyang mga taon sa pagitan ng pito at ika-labing apat na taong gulang
nang kanyang naging gulang sa ibabaw ng lupa. Hindi lamang siya nagsanay na gamitin ang
kapangyarihan sa pag-aalis ng masasamang “espiritu”’ dito niya pinagsanayan ang paglunas sa
mga karamdaman ng laman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pangungusap, dito niya
ginamit ang kapangyarihan ng pag-ibig ng kanyang pagka-Anak ng Diyos. Umabot sa pitong taon
ang ipinamalagi niya sa India, at nang siya’y lumisan sa bayang ito ay hustong labing-apat na taon
ang kanyang pagka-Taong Diyos sa ibabaw ng lupa. At yang kapanahunan sa lupa, isa siya sa
ginising buhat sa lalong malulubhang karamdaman, sa matuwid na salita’y isa siya sa
pinagsanayan ng dakilang bata sa pag-aangat ng kanyang sarili sa kabatlayaan ng kanyang
tungkulin at kaganapan ng tungkuling ito.

Si Hesus sa kanyang pagkabinata ay nakasumpong din ng mga sagabal sa kanyang landas,


at si Magdalena ay isa sa mayroon ng malaking kinalaman sa kanyang kabinataan at sa katuparan
ng kanyang tungkulin. Ang kabinataan ni Hesus ay natupad sa lalong malawak na pook kung saan
mayroon ng paglalaban-laban ang kapangyarihan ng salapi at ang kapangyarihan ng kahirapan ng
isang taong marangal. Ang kapangyarihan ng salapi ay sumisiil sa mahina; ang kapangyarihan ng
karalitaan ay bumubuhay ng patay na pagasa, gumigising sa natutulog na diwa upang magkaroon
ng lakas sa pagpupumiglas na makasumpong sa lunggatiin ng kadakilaan ng buhay sa lahat ng
sandali; at ang buhay na ito kung mayroon ng kasiglahan ay nangangako ng tagumpay, kung
nagkakaroon lamang ng katiyagaan ang tao upang balikatin ang kanyang mga pananagutan sa
ilalim ng kanyang mga pagkakilala. Ang kabinataan ni Hesus ay nakatagpo ng isang matigas na
bato sa katauhan ng isang babaing mahina, na ang kahinaang ito ay isang kapangyarihang
kinikilala sa ibabaw ng lupa; ang kapangyarihan ng kahinaan ng isang babai na mayroon ng
magandang hugis at mapanghalinang laman. Ang lahat ng pinag-aralan o pinagsanayan, ang lahat
ng kabatlayaan, ang katimyasan ng kapangyarihan ng tinig na nakapag-uutos at nakapagtutuwid,
ang kagandahan ng kaluluwa na umaasa sa kaligtasan ng isang dalisay na pananampalataya na
hiwalay sa karunungan ng mga tao, ay hindi sumikad sa batong ito na ang kapangyarihan ay ang
kahinaan ng isang babaing magandang hugis at mapanghalinang ganda ng katawang-laman; kung
hindi binayaan na akyatin ang batong ito upang sa kaitaasan niya’y ihiyaw ang pananagumpay ng
isang simulaing maka-kaluluwa, sapagkat hindi pumapatay kundi nagliligtas, hindi lumuluray sa
kahinaan kundi bumubo, hindi nagsasamantala kundi nagbibigay ng pagkakataon, hindi nag-aalis
ng ilaw bagkus nag-tatanglaw ng ilaw ng pag-ibig. Ganyan nanagumpay sa katauhan ni Maria
Magdalena ang kabatlayaan ng kabinataan ni Hesus mula sa kanyang ika-labing apat na taon
hanggang sa kaniyang ikadalawampung taong gulang sa ibabaw ng lupa; ang pananagumpay sa
laman at sa karunungan ng tao sa laman ng pananampalatayang nagbibigay ng ilaw sa kaluluwa,
sapagkat ang may ilaw na kaluluwa ay makakikilala ng landas ng kaniyang kaligtasan sa
pamamagitan ng karunungan at pag-ibig, sapagkat ganiyan ang pananampalatayang
makapagliligtas.

Mga kapatid, sa ikatlong kabanatang ito ng kabuhayan ng Mananakop na aking


isinasaysay sa inyo ay mayroon kayo ng malaking mapag-aaralan: ang karunungan ng mga tao ay
sagabal sa pananampalatayang makabatlaya. Sa pagdako ni Hesus sa bayan ng India upang
sanayin ang kaniyang mga sagisaging pang-batlaya sa kahingian ng “mediumnidad” at
“magnetismo”, hindi lamang ang mga tao ang naging “aspecie” ng kaniyang pagkatuto o
pagkasanay kundi pati na lalong mapabagsik ang kamandag na mga ahas at mababangis na hayop
ng kabundukan. Upang ang isang tao ay magkaroon ng kapangyarihan sa kaniyang pananalita o
pangungusap, kinakailangan na mapagtagumpayan niya ang kapangyarihan ng hayop at ang
kapangyarihan ng taong laman. Ito ang pinanagumpayan ni Hesus sa kaniyang pagsasanay sa
ikatutupad ng kanyang tungkulin. Pag-aalinlanganan baga ninyo na sabihin ko sa inyong sa
pagsasanay ni Hesus na duminahin ang mga hayop mula sa kabangis-bangisan, siya ay tumanggap
ng mga iwa, ng sakit, ng hirap na karaniwang dinaranas ng mga tao sa pagsubok at pagsasanay
sa mga bagay na kaniyang nalalaman upang maging pang-karaniwang kaugalian ng kaniyang
pagkatao? Ang kaniyang pagpupuyat, ang pagtutuon ng kaniyang sagisaging pang-batlaya ang
siyang pinaka-pangunahing “factor” upang maduminahan ang kapangyarihang panglaman ng
kaniyang pagkatao upang ang kapangyarihang ito ay magkaroon ng tinig na kung sabihing
“Huwag kang magutom” ay hindi siya nagugutom. Saksi nito ang apatnapung araw na kanyang
pag-aayuno sa ilang. Nang sabihin niya na huwag siyang mahirapan ay hindi siya nahirapan; na
huwag siyang magalit at hindi siya nagalit kailanman. Saksi nito ang hindi niya pag-uusig sa mga
lumapastangan sa kanya. Sapagkat siya’y kinakailangang magtiis, kung kaya mayroon pa siya ng
kataga ng pag-ibig ng kaniyang sabihin: “Ama ko, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila
nalalaman ang kanilang ginagawa.” Gaanong hirap, gaanong panahon, gaanong pagpapakasakit
ang dinanas ng Dakilang Binatang ito upang pag-aralan sa panahon ng kaniyang pagkamulat sa
liwanag ng kabihasnan ng mga tao ang ganitong mga bagong simulain ng pagsamba at ng
pagalinsunod sa mga batas ng kalikasang ito na bumubuhay sa kaniya. Hindi lamang ang pagkain,
hindi lamang ang mga hayop, hindi lamang ang kapangyarihan ng tao o kabangisan ng isang
mandirigma, ang kaniyang pinagsanayang pagtagumpayan, kundi ang pinakamakapangyarihang
kapangyarihan ng taong laman sa ibabaw ng lupa: ang kapangyarihan ng isang babai na mayroon
ng magandang hugis at mapanghalinang anyo ng laman. At ang pananagumpay ng Dakilang
Binatang ito ng ating kasaysayan ay hindi lamang nakapagpanatili sa kanyang kaluluwa ng isang
kapangyari ang sumakop sa kahinaan ng laman sa kaniyang tinaglay, kundi gayon din
nakapagligtas sa kanya sa mga karamdaman na kumakapit sa laman at mga sakit na
nararamdaman ng kabuhayan ng tao na walang nalalamang ilapat ang tao kundi ang mga lunas
na likha ng karunungan ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Masasaksihan ninyo na si Hesus ay hindi
nagkaroon ng anumang sakit, bagkos siya pa ang nagpaalis ng mga karamdaman ng laman. At
pagkatapos na kaniyang mapanagumpayan ang batong matigas ng kapangyarihan ng kahinaan
ng isang babai sa katauhan ni Maria Magdalena, ay nagkaroon siya ng kaalaman na ang tao’y
hindi hahatol ni susukat sa kaniyang kapwa tao. Ang ganitong alituntunin ay nahayag sa
Ebanghelyo sa mga Hudyo na nagsakdal sa babaing ito: “Sino man sa inyo na walang bahid ng
pagkakasala ay kumuha ng bato at pukulin siya”, at walang Hudyong nangahas pumukol sa
babaing Samaritana. Nang sila’y yumao ay sinabi ni Hesus sa babaing ito: “Babai, yumao ka sa
iyong asawa” at sa pamamagitan ng maamong tinig ng isang taong mayroon ng pag-ibig na
napanagumpay laban sa pagkakasala ng laman ay nakilala ng babaing ito na sa hindi paghatol sa
kanya ng Mananakop ay naipakilala sa kaniya ang kanyang kamalian at ang kadiliman ng kaniyang
kabuhayan. Sino ang makapagsasabi ng mga katagang ito ng Mananakop sa kangino mang tao?
– Yaong taong nagtagumpay na sa kanilang sariling kahinaan, yaong taong nagtagumpay sa hibo
ng kapangyarihan ng laman na kaniyang taglay sa kapatagang iyan, yaong taong nagtagumpay na
sa kaniyang Maria Magdalena ng lupa. At ang Maria Magdalena ng laman ng isang babai at ng
isang lalaki ay ang magandang hugis na ito, katulad ng isang “castillo” sa himpapawid, kaya nga’t
gumuguho, palibhasa’y likha at itinayo ng karunungang pang-tao. Datapuwat ang
pananampalataya na nagtatagumpay, na nagliligtas sa kaluluwa, ay hindi kailan man
pagtatagumpayan ng laman, bagkos ito ang magtatagumpay sa laman, katulad ng
pagtatagumpay ng pananampalatayang kristiyano sa laman ng Maria Magdalena ng lupa at sa
mga babaing Samaritana sa kapisanan ng mga tao. At ito ang aral na makukuha natin sa ikatlong
kabanatang ito ng kasaysayan ng Mananakop: hindi sa karunungan ng mga paham sa Jerusalem
at sa matandang kabihasnan ng mga Egipsyo matatamo ng tao ang pananagumpay sa
kapangyarihan ng laman sa ibabaw ng lupa kundi sa pananampalatayang kristiyano na walang
ibinabadha kundi ang pag-ibig at pagkakawanggawa, sapagkat ito ang karunungan ng
pananampalataya na ipinakipagtalo ni Hesus sa loob ng “templo” ng mga marurunong sa ibabaw
ng lupa.

IV. SA BAYAN NI SOCRATES AT HOMERO

Mga kapatid, ang sumusunod na tatlong taon mula sa ikalabing-apat na taong gulang ng
Mananakop sa ibabaw ng lupa ay ipinamalagi niya sa Gresya. Ang tatlong taong ito ay ginugol
niya sa pakiki-ugnay sa paaralan ng mga tao, taglay ang pamamahayag ng katalinuhan ng diwa sa
pamamagitan ng pagsasanay sa wika ng mga tao; ibig kong sabihin ay kung papaanong ang
kabihasnan ng mga tao noon ay masisisid ng kabihasnan ng kabatlayaan sa pamamagitan ng
pananampalataya hindi sa mga diyos-diyosan, kundi sa pamamagitan ng Diyos na hindi nakikita
at di nahahayag sa sagisaging panglaman ng mga tao, at kung papaanong ito ay maaaring
maihayag sa sagisaging pang-batlaya samantalang ang tao ay nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Ang
“materializacion” ng karunungang ito na taglay ng dakilang Hesus ay dinala sa bayan ng Gresya
sa pamamagitan ng wika ng mga tao, na hindi lamang sa pamamagitan ng titig o ng galaw ng mga
kamay o pagpapailanglang ng pag-iisip o ng pagsupil sa kahinaan ng sariling laman – gaya ng
kanyang pinagsanayan sa bayan ng India – kundi ang karunungang ito ay naihayag sa
pamamagitan ng pangungusap, ng pangungusap na naghahayag ng karunungan o kabihasnan ng
mga tao. Sa loob ng tatlong taon ang Gresya ay binigyan ng mga batong saligan ng dakilang
Mananakop, sapagkat siya ang nagtataglay ng matandang kabihasnan ng mga pantas – upang
ang kabihasnang ito ay magkaroon ng diwang mag-aangat sa kabatlayaan ng mga tao, na hindi
lamang sa pamamagitan ng bato o marmol na nilililok ng mga dalubhasang nanglililok o ng mga
papel at lapis na ginagamit ng mga manunulat, kundi sa pamamagitan ng pag-iisip ay magkaroon
ng kapangyarihan ang diwa ng isang tao sa pamamagitan ng mga salitang mabuti na nakapag-
aangat sa kabatlayaan ng isang kaluluwa na makapagbibigay ng kabihasnan sa kabuhayang pang-
laman ng tao sa ibabaw ng lupa, na ang kabihasnang ito ay hindi lamang tumutugaygay sa
magasong pagsasamahan ng mga tao, kundi sa makinis na hugis na pagkakaputol-putol ng mga
batong buhay ng pag-iisip ng tao upang siyang katalaan ng sampung utos ni Bathala.

Sa bayang ito ay mayroon ng isang pantas na guro sa karunungan ng mga tao na nakasama
si Hesus na ang pangalan ay Archimedes; ang gurong ito ay bihasa o pantas sa pagkakalag at
pagbubuhol ng karunungan ng mga tao. Ang pagsasama ni Hesus at ni Archimedes ay tumagal
ng mayroon ng isang taon at walang buwan, na sa malas ay si Hesus ang “discipulo” at ang huli
ang siyang guro sa kapisanan ng maraming nag-aaral ng pamantasan nang panahong yaon sa
“filosofia” ng “religion”. Lahat ng kanyang kamag-aaral ay mayroon ng Diyos na naituturo:
Mayroon ng nagtuturo sa araw, mayroon ng nagtuturo sa hayop, mayroon ng mga nilililok na
iba’t ibang hugis, mayroon ng nagsasabi ng mga Diyos sa bundok ng Olympo. Si Hesus sa
katipunan ng mga nag-aaral na ito ang tanging walang maiturong Diyos maging sa himpapawid
at maging sa lupa.

Isang araw matapos maulinig ni Hesus ang lahat ng katuwiran sa loob ng “filosofia” ng
“religion” kung bakit ang mga diyos ng kanyang mga kamag-aral ang siyang dapat tanggapin at
dakilain ng mga tao, - na ang salaysay ng bawat isa, humigit-kumulang, ay isa ng aklat na lubhang
makapal na hindi maaaring angatin ng isang tao lamang – si Hesus ay tumayo nang dumating ang
panahon ng kanyang pagsasalaysay. Walang sinabi si Hesus kundi iilang kataga lamang, at ang
mga katagang ito ay ang mga sumusunod:

“Ang Diyos ng aking mga magulang ay walang anyo at hugis, walang


pinagmulan at walang hanggan. Siya’y maipakikilala ko sa inyo sa katagang
“infinito”, “perfecto”, “invisible”. Ang Kanyang kaharian ay sa “eternidad”; lahat
ng bagay na “eterno” ay Kanya. Siya’y nahahayag sa lahat ng bagay na “visible”.
Lahat ng kalagayang “imperfecto” ay tuntungan ng Kanyang mga paa, kaya ako ay
walang maituro sa inyo na hugis ng Diyos, sapagkat ang lahat ng bagay na may
hugis ay “imperfecto” sa kanyang sarili, sapagkat ang hugis na ito ay nasisira at
nagbabago, at ang lahat ng bagay na nagbabago ay mayroon ng kaniyang
ikinasulong. Ang aking Diyos ay walang “personalidad” at “individualidad”,
sapagkat ang “personalidad” at “individualidad”, ay kaangkinan lamang ng mga
bagay na “sujeto” ng batas ng pagsulong; at sapagkat ang aking Diyos ay
“infalible”, walang hugis na maaaring ikapit o ihalimbawa sa Kanya. Ang aking
Diyos ay nasa ibabaw ng “adjectivo” ng wika ng mga tao at walang “verbo” o
pangungusap na maaari akong gamitin upang salitain ang aking Diyos kundi –

“Ang pasimula’y AKO, ang pagpapatuloy ay KAYO, at ang kabuuan ay


TAYO.”
Ang AKO ay kapangyarihan ng bahagi ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga
anak, kaya ang katagang ito ay “verbo” ng Diyos sa ibabaw ng lupa. Ang salitang
KAYO ay kahayagan ng “personalidad” ni AKO. Ang salitang TAYO ay “unidad” ni
AKO at ni KAYO. Samakatuwid ito ang kaisahan ng ama at anak sa simulain ng
“perfeccion” ng “creacion” na pinamamahalaan ng diwang “superior”, ng “Ego
Divino” ng Manglilikha. Sa ganitong mga hamak na pangungusap akong
ipinakikilala sa inyo ang aking Diyos at Ama na nasa mga langit.”

Magpahanggang sa mga siglong ito ay hindi pa narururok ng mga tao ang tunay na
“filosofia” ng pananampalatayang ito ni Hesus, at hindi pa nababanhay ng lubusan ng mga tao
ang diwang kristiyanong ito na ipinakilala sa mga mananampalataya.

Sa loob ng tatlong taon na kanyang ipinamalagi sa paaralan sa Gresya ay iniagapay ng mga


pantas sa pananampalataya at “filosofia” ang kanilang karunungan sa karunungang ito na
inihayag ng Mananakop, sa kanyang walang hugis na pananampalatayang iniyalay sa
sangkatauhan nang wala ng karangyaan ng sanlibutan o ng maiindayog na pangungusap ng mga
mananalumpati o ng kabihasnan ng mga manunula na naghehele sa kalikasan. Ang unang
nakatalo ni Hesus sa kapanahunan yaon ng kanyang pag-aaral sa Gresya ay isang paham na
Romano na ang kanyang Diyos ay ang hari ng mga dioses sa Olympo. Mga dioses na nalalaman
na ninyo, gaya nina Marte, Mercurio, Jupiter, Venus ng pag-ibig, at iba’t iba pa na nasa alamat
ninyo. Bawat isa sa mga dioses na ito ay ibinunggo sa Diyos ni Hesus at ang mga dioses na ito ay
nadurog, sapagkat ibinagsak ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang matuwid na
pananampalatayang kristiyano. Ang sumunod na kanyang nakatagis ay isang dalubhasang intsik
sa pananampalatayang Confuciano at gayon din ang nangyari, sapagkat ang nakabunggo dito ay
ang “infalibilidad” ng Diyos ni Kristo laban sa Diyos ng mga naniniwala kay Confucio. Ang ikatlo
ay ang isang pantas na Budista na ang kinahihiligan ng kanyang paniniwala’y ang mga badha ng
kalikasan, at ang pinagtalakayan dito at pinagtagumpayan ni Hesus ay ang mga kataga lamang na
sumusunod: “Tal cause, tal efecto”, ni hindi ko na sasalitain pa sa inyo ang haba ng panahon na
kanilang pinagsan-usapan o ang lahat ng kanyang mga nakaniig. Pinili ko lamang ang tatlo ng
lalong hayag sa inyo sa kapanahunang ito, sapagkat kung ito ay sasalitain natin, hindi lamang
tatlong taon ang ating kakailanganin, sabihin pa nating tatlong daang taon, ay hindi pa
matatapos. Anupat sasabihin natin ngayon na ang tatlong taong ito ng dakilang Guro sa Gresya
ang siyang umani ng kanyang pamagat na Guro ng mga Hudyo. Sa loob ng tatlong taong iya’y
walang naipakilala o nagawa ang dakilang Mananakop, kundi ang kanyang sakupin ang
karunungan sa pananampalataya ng mga pantas, sapagkat kung dinadala ng marurunong na tao
sa karunungang ito ay madudurog sa lupa na kanyang pinanggalingan upang makatas ang diwa
na sumasakanya. At ang kahalimbawa nito’y alin mang bagay na inyong kinakatas ay inyong
pinipiga at kung matigas ay dinudurog muna upang makuha ninyo ang lahat ng katas. Ganyan
ang mga bagay na nauukol sa laman: dudurugin, lalamutakin, pipigain upang makuha ang kahuli-
hulihang patak ng katas ng mga bagay na ito, sapagkat naririto ang “esencia” ng mga bagay, at
ito ang bahagi ng “Verbo” na sumasa-tao sa kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.
Samakatuwid ngayon, ang makukuha nating aral ay ito: ang tao ay hindi lamang magtatagumpay
sa mga hayop na magkakaroon siya ng kapangyarihan upang paamuin ang mababngis na hayop
sa kabundukan, ang makakamandag na ahas na gumagapang sa lupa upang siya’y magkaroon ng
kapangyarihang na masupil ang bahagi ng kahayupan ng kanyang katawang lupa, kundi higit na’y
aangat ang tao upang supilin ang karunungang panlupa, upang makatas ang “esencia” ng
kabatlayaan ng mga bagay na ito na itinuturo ng karunungan ng mga tao. Ganyan makakakuha
ng aral ang tao sa kanyang mga ginagawa at makasusumpong ng sagana ang kanyang kaluluwa.
Sapagkat sa kabuhayan ng isang tao sa ibabaw ng lupa ay tatlong panahon lamang – sagisag ng
tatlong taon ni Kristo sa Gresya – magkakaroon siya ng pagkakataon sa kanyang pag-aaral sa
ikahahayag ng “verbo” na sumasakanya: ang gulang ng kamusmusan, ang gulang ng kabataan, at
ang gulang ng kagulangan. Ang gulang ng kamusmusan ay siyang nilalagari at hinahabi ng
magulang. Ang gulang ng kabataan, ay siyang panahon ng pag-aaral, ng pagpapalaman sa mga
titik ng abakada ng buhay. Ang gulang ng kagulangan ang siyang gulang ng guro na nag-uutos at
nagtuturo. At ang mga ito ay inyong pag-aralan sa inyong kabuhayan. Alin man sa tatlong gulang
na ito o tatlong pagkakataon sa pagkatuto ng tao sa kanyang kabuhayan ang kanyang kabiguan
ay nangangahulugang nabigo ang kanyang tungkulin sa ibabaw ng lupa.

V. ANG LUPAIN NG WALANG HANGGANG KABATAAN

Mga kapatid, ang sinundang kabanata nito’y nagsasaad kung papaanong pinamagatang
Guro ng mga Hudyo ang Mananakop. Nang matapos ang tatlong taon na ipinamalagi ni Hesus sa
Gresya, siya’y dumako sa kaitaasan ng Tibet, at duo’y namalagi siya ng apat na taon. Dito niya
ginising sa kanyang katauhan ang paglalakip ng karunungan na kanyang ginising sa India at ng
karunungan na kanyang ginising sa Gresya. Ang kanyang pamamalagi dito ay napuspos ng
kapayapaan; kapayapaan ang aking wika, sapagkat dito inihayag ang kadakilaan ng karunungang
makabatlaya at karunungang makalaman na siyang tumutuklap ng balok ng kaluluwa upang siya
ay gumaan at makapailanglang sa kadakilaan ng buhay na walang hanggang na ipinangako ng
pananampalatayang kristiyano. Dito’y wala siyang nakapulong sa lahat ng sandali ng kanyang
pananatili sa dakong ito kundi ang mga matatandang paham, ang mga dakilang “medium” nang
kapanahunang yao, na hindi lamang nag-aaral ng mga karunungan sa pamamagitan ng laro ng
mga salita kundi sa pamamagitan ng “musica” at ng lahat ng uri ng sining na sa kasalukuyan ay
pinanaganuhan ng sankatauhan. Ang mga dalubhasang ito ang siyang nakapukaw sa kaangkinan
ng dakilang Mananakop upang siya ay hindi lamang magkaroon ng kaalamang magsalita ng mga
bagay na mabuti, kundi magkaroon siya ng kapangyarihan upang magkaroon ng balani ang
kanyang salita upang maglagusan sa puso at damdamin ng tao na uulinig sa kanya. Ang
kadalubhasaan ng mga taong ito na pinakipagpisanan ng dakilang Mananakop ay pumali sa kanya
upang ang kanyang pagka-guro ay mailagay niya saan man dako ng lupa nang hindi siya hahamak
at di siya magpapalalo, gayon ma’y hindi siya magpapahamak sa kanyang sarili, sapagkat ito nga
lamang ang kaparaanan upang ang tao’y makadakila sa kabanalan ng karunungan ng Diyos na
kinakailangan na kanyang ipalaganap sa ibabaw ng lupa. Ibig kong sabihin: ang karunungan ng
mga tao, sa kanyang kadakilaan at kataasan, ay hindi naihahayag nang di manununtungan sa
kalagayan ng kanyang kapuwa, hindi maaaring maging dakila ang karunungan ng tao nang di
hahalay sa kakapusan ng kanyang kapatid; nang di aaglahi sa kamangmangan ng isang sawing
palad na hindi natuto, dili kaya’y nang di hahamakin ang kanyang sarili at di aaglahiin ang kanyang
karapatan sapagkat siya’y duwag na itanyag ang katotohanan na kanyang nalalaman at
tinatangkilik. Ang karunungan ng Mananakop ay hindi humalay sa mga mangmang at
makasalanan at hindi ipinagpahuli ang kanyang sarili sa katuparan ng kanyang tungkulin, kundi
nag-angat ng kanyang sarili sa kadakilaan ng kabanalan at nagpakilala ng kadakilaan ng pag-ibig
sa kapisanan ng mga taong hindi kinahahayagan ng katotohanan ng katarungan ng Diyos. Ganyan
ang karunungan na ginising ng Mananakop sa kanyang pakikisalamuha sa mga dalubhasa sa Tibet.

Nang kapanahunang yaon sa Tibet ay hindi lumagpas sa isang daang mga lalaki ang sa
araw at gabi ay walang ginagawa kundi ang magpanaog ng karunungan at kayamanan ng mga
langit upang buuin, sapagkat ito ang kapangakuan ng kabihasnang kristiyano, sapagkat ito ang
kaalinsabay nga pananampalatayang kristiyano na babanigin ng sangkatauhan. Ang isang daang
kapatid na ito ay mayroon ng kani-kaniyang uri ng “ranggo” na hindi ko na sasalitain sa inyo
ngayon, kundi ang mga sumusunod lamang: bawat isang sangay karunungan o sining ay tatlo ang
nakaalam o nanunungkulan; at kung iisipin ninyo kung alin ang tatlong-pu-at-tatlong karunungan
sa lupa, iyan ang kinatawan ng siyam-na-pu’t-siyam na lalaking ito na pinakisalinuhaan ng
Mananakop, alalaong-bagay siya ang ika-isang daan sa mga lalaki at ang isa sa mga karunungan
ay kanyang sinarili. Maliwanag baga sa inyong pag-iisip ang ibig kong sabihin? Isang daan silang
nagsama-sama sa kaitaasang ito ng kapatagan ng Tibet. Bawat isang uri ng karunungan o sining
ay tatlong lalaki ang nanunungkulan – sagisag ng tatlong-pu’t-tatlong karunungan sa ibabaw ng
lupa – at ang isa ay sinakop ng Mananakop, samakatuwid ang ika-tatlong-pu’t-tatlo. Ang wagas
na karunungan ay dapat mahati sa tatlong-pu’t-tatlong sangay; ang wagas na pag-ibig ay gayon
din; at gayon pa rin ang wagas na katarungan at kapangyarihan. Tatlong-pu’t-tatlong sangay o
uri ng dapat alamin ng isang tao, datapuwat sa kabuuan ng tatlong-pu’t-tatlong ito’y isa ang sa
kaniya’y sasakop, sapagkat isa lamang ang kanyang kinauuwian: ang ika-34 na siyang kinatawan
ng Mananakop sa katipunang ito ng mga pantas.

Ang kinatawan ng “ciencia” ay siyang unang pinagtagumpayan ng Mananakop sa Tibet;


ikalawa ay ang karunungan ng “poder”; ikatlo, ang karunungan ng “justicia”; ika-apat, ang
kinatawan ng “fisica”; ika-lima, ang kinatawan ng “metafisica”; ika-anim ay fisiologia”; ika-pito ay
“mitologia”; ika-walo ay “biologia”; ika-siyam ay “analogia”; ika-sampu ay “estatistica”; ika-
labingisa ay “pantologia”; ika-labing dalawa ay “matematica”; ika-labing tatlo ay “criminologia”;
ika-14 ay “guimica”; ika-15 ay “alquimia”; ika-16 ay “musica”; ika-17 ay “oratoria”; ika-18 ay
“literatura”; ika-19 ay “lenguaje”; ika-20 ay “arquitectura”; ika-21 ay “agrimensura”; ika-22 ay
“ingineeria”; ika-23 ay “bacteriologia”; ika-24 ay “ley”; ika-35 ay “medicina”; ika-26 ay
“agricultura”; ika-27 ay “ciencia de relaciones”; ika-28 ay “invencion”; ika-29 ay “ciencia de
tolerancia”; ika-30 ay “filosofia”; ika-31 ay “religion”; ika-32 ay “divinidad”; at ang ika-33 ay
“eternidad”. Ang ika-34 ay “Cristianismo”. Ang mga karunungang ito ang dinalisay o
pinagtuwangang isaayos ng isang daang lalaking ito sa Tibet. Apat na taon ang ipinakisalimuha
sa kanila ng Mananakop – sapagkat siya’y isa sa isang daan – at inyong makukurong hanggang sa
kapanahunang ito na dinalisay ng isang daang lalaki. Kaya nga’t sa pangangaral ng Mananakop
sa Jerusalem ay kanyang sinabi: “Ang isa sa isang-daang tupa na mahiwalay ay iiwan ang siyam-
na-u’t-siyam upang hanapin ang isa na naliligaw.” Alin man sa mga bagay na ito ang hindi
mayakap ng tao sa kanyang mga kabuhayang idinadaos sa kapatagang iyan ay hindi niya
madadakila ang simulain ng Kristianismo na kinatawan ng dakilang Mananakop, na ang mga
unang abakada nito’y inihatid sa inyo sa pamamagitan ng karunungang ito na hindi sumiil ng
kalayaan ng kanyang kaluluwa, pagkat hindi humalay sa kahinaan at kaabahan ng mga
makasalanan at mangmang, kundi ang karunungang ito, sapagkat maka-Diyos, ay naawa at
umibig sa kahinaan at pagkakamali ng mga tao. Kaya nga’t natanghal na siya ay gumawa,
naglingkod at tumulong, sapagkat sa pamamagitan ng pagkakawanggawa’y maliligtas ang tao. At
gayon ma’y hindi naging hamak ang kanyang sarili, sapagkat ang tao na lumalakad sa katarungan
ng langit ay nasa ibabaw ng kahinaan at kamangmangan ng lupa. Ito ang sinasagisag niya at ibig
ipaalam sa inyo nang siya ay lumakad sa ibabaw ng tubig, sapagkat ang tao na nasa ibabaw ng
kahinaan at kamangmangan ng mga tao’y makalalakad sa ibabaw ng tubig nang hindi siya lulubog
at makaaangat sa ibabaw ng lupa upang umakyat sa sinapupunan ng maluwalhating himpapawid,
sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng “Divino Verbo” na isinasangkap ng Diyos sa mga tao
upang makahayo at makapanuparan ng kanilang tungkulin.

Lumalagpak ang mga dakilang panata ng mga alagad ng simbahan ng Roma, ng “Iglesia
Apostolica Romana”, o ng mga kinatawan ng alinmang “secta” ng “religion positiva”, sapagkat sa
karamihan ng mga “ciencia” na kanilang pinag-aaralan ay hindi nila nakukuha ang tatlong-pu’t-
tatlo na kinakailangang matutuhan ng tao. Ito ang kadahilanan at katuwiran kung bakit wala pa
ng kahalili ng Diyos o kinatawan ng Diyos sa ibabaw ng lupa. Ang lahat ng mga tao ay mga aralan
ng tunay na karunungan. At sa pagkadakila at pagka-walang hanggan ng Diyos na wala ng di Niya
kinaroroonan ay matuwid na di Niya kinakailangan ang sino mang kinatawan o kahalili saan mang
dako, datapuwat ang Diyos ay naghahayag sa lubhang “sutil” na kaparaanan na hindi sukat
akalain o hinagapin ng sinomang tao, sapagkat Siya’y “infinito”, “invisible”, “infalible”, at
“perfecto”.

Ang “transfiguracion” at “materializacion” ay kahayagan lamang ng kapangyarihan ng


pag-iisip na nakapag-aalis at nakapaglalagay sa kanyang “disposicion” ng “materia” na nasa
ibabaw ng lupa; at ang Mananakop ay mayroon ng kapangyarihang ito, sapagkat natutuhan na
niyang sambahin sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya ang lahat ng bagay na hindi
nakikita at hindi nahahayag, sapagkat ito lamang ang maaaring sambahin ng tao. Alin mang
bagay na may hugis na nakikita’t nahahayag ay hindi dapat at hindi kailangang sambahin ng tao;
ito ay dapat siyang pag-aralan, magamitan ng kapangyarihan, ng kapangyarihan ng pag-ibig na
magagawa sa pamamagitan ng paglilingkod. Ito ang tunay na ubod ng pananampalatayang
kristiyano.

VI. SA BAYAN NG MGA MAGSASAKA

Ang sumunod na pitong taon sa kabuhayan ng Mananakop ay pinaraan niya sa Tsina at


hanggang sa tangway ng Malaya, sapagkat nang kapanahunang yaon ang pinakamalawak na lupa
na inaari ng isang bayan ay inaari ng Tsina, gayon din ang pinakamaraming mamamayan. Dito ay
isang simulain lamang ang itinanyag ng dakilang Guro na nabubuo sa kanyang wika na ganito:
“Ang “Filosofia” ay umaakay sa ulo upang ito ay maging mayaman at matigas; ang “religion” o
ang “Cristianismo” ay umaakay sa puso upang ito ay lumambot at maging mahinhin.” Sa landas
ng buhay, ito ang mga “linea paralela” ng isang tao upang matungo niya ang liwanag ng
katotohanan at ang kalagayan ng kabuhayan sa ibabaw ng kabulukan na masusumpungan sa
kapatagang lupa. Sa India nagsanay ang dakilang Guro upang magising ang kapangyarihan ng
kaniyang sarili sa pagpapaamo ng mga hayop, paggamot sa mga karamdaman at iba pa, at sa mga
ibang dako na kanyang pinanggalingan siya’y tumayo na guro at kahayagan ng karunungang lihim
sa ibabaw ng karunungang hayag ng mga tao; datapuwat sa Tsina, siya’y hindi isang guro, kundi
isang magsasaka.

Sa Tsina ginising ng Mananakop sa kanyang pagkatao ang pagkakawanggawa. Dito rin


inihayag ng dakilang Mesiyas ang “sublimidad” ng “religion” na bumabanhay sa kanyang Diyos
na sinasampalatayanan at iniaabot sa kabihasnan ng mga tao: ang “sublimidad” ng “religion” sa
pamamagitan ng isang marangal na “filosofia” ng buhay sapagkat ang kanyang Diyos na iniaabot
sa sangkatauhan ay walang anyo at hugis, walang pinagmulan at walang hanggan. Ang
Mananakop ay nakipamayan sa bayang ito ng mga Intsik sa kapanahunan ng kanilang matandang
kabihasnan na nakatago sa mata ng mga tao sa ibang dako at nabuhay siya sa marangal na
kabuhayan ng isang magsasaka, marangal sapagkat isang kabuhayan bumubuhay at hindi
pumapatay.

Ang badha ng pagtubo ng halaman sa lupa ay isang “sublimidad” ng kalikasan na


itinatangyag o inihahayag sa tao, at kung bagaman pinakikinabangan ng mga tao ang halaman –
sapagkat pinagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na pagkain – ay hindi naman napag-aaralan
magpahangga ngayon ang kadahilanan ng palapahaman ng buhay na ito na payak na nagbibigay
at naglilingkod. Mapupuna ninyo na ang mga halaman sa kanilang buong kabuhaya’y hindi
kumakain ng hayop upang sila’y mabuhay, hindi umaamoy sa singaw ng mga tao upang sila ay
sumariwa at lumusog, bagkos ang singaw ng tao’y nakapagpapatuloy sa kanila at ang karahasan
ng mga hayop ay nakabubunot ng kanilang mga ugat. Ito ang “sublimidad” ng pagtubo ng
halaman sa lupa na walang nag-uutos; ngunit nabubuhay nang sagana sa kalawakan ng lupa,
maging sa kapatagan at sa kabundukan, upang huwag magkulang sa kanilang tungkulin na bigyan
ng ipag-aapdong-buhay ang mga tao at ang mga hayop at ang mga isda sa karagatan. Mapupuna
rin ninyo na ang palay kung itinatanim sa lupa ay umaangat sa lalong madaling panahon,
namumulaklak at nagiging sagana sa kanyang bunga kung itinanim nang maayos sa sining ng
malayang kabuhayan. At kung ang mga uhay ng palay ay namumutok na sa kanyang laman, ay
nagpapakilala na mayroon na siya ng bungang iaalay sa daigdig at hindi na siya maaaring
magpatuloy pang mabuhay sa ibabaw ng lupa. Ganyan ang “filosofia” ng “religion”. Kung ang
tao’y hitik na sa kabanalan at mayroon na nang naiyalay at naipaglingkod sa sanlibutang ito, ang
kanyang kabuhayan sa ibabaw ng lupa ay napabanal na sa pamamagitan ng kadakilaan ng
pananampalataya na kanyang iniuukol sa kanyang Diyos, at katulad ng isang puno ng kahoy
kasamang aanihin ng mga uhay ang kanyang kabuhayan na nakupkop sa lupa upang ingatan at
pakinabangan. Ito ang “sublimidad” ng “religion cristiana”. Magsasaka kayo alang-alang sa
pananampalatayang ito; hindi ninyo sasambahin ang lupa at hahalikan, kundi kakasangkapanin
lamang ito upang tumubo ang binhi, ang mabuting binhi na angkop sa kanya, hindi upang manatili
sa habang panahon, kundi upang siya ay mamulaklak at mamunga upang anihin sa panahon ng
kanyang kahinugan, at ang puno ay kahuyin naman ng mga tao. Kung magkagayo’y pumaloob
lamang ang halamang ito sa “sublimidad” ng pananampalataya: ang paglilingkod. Ganyan
nabuhay ang Mananakop sa Tsina.
Siya ang pinakadakilang maharlika sa kahirapan, sapagkat siya’y nabuhay sa kalagayan ng
isang busabos na naglilingkod at gumagawa, inuutusan at sumusunod; datapuwat bawat badha
ng kanyang gawain, bawat bigong-kilos ng kanyang katawan ay isang aral, sapagkat habang siya
ay inaalipusta ng mga itinuring na panginoon sa lupa ay lalong nagdudumikdik at nagsusubasob
sa paglilingkod, at siya pa ang namansag ng katapatan, ng kasipagan sa paggawa, at ng
pagbibigay-katarungan sa karapatan ng mga nagmamay-ari sa kanya. Siya’y naging guro ng mga
magsasaka, sapagkat, ang kanyang mga pananim ay laging malusog maging sa panahon ng tag-
gutom. Kung maaalaala ninyo, ang mga lupain ng Tsina ay mayroon ng mga panahong tuyot,
sapagkat hindi pumapatak ang ulan, at mayroon ng mga panahon na hindi kinakatihan ng tubig
ang kanyang mga kapatagan. Subalit sa kabuhayan ng Mananakop sa kanyang pagka-magsasaka
sa Tsina, sa panahon man ng tuyot ay mayroon ng tubig na laging naididilig sa kanyang mga
pananim, at sa panahon man ng baha ay mayroon ng kaparaanan upang ang kanyang mga lupain
na sinasaka ay ilagan ng tubig. Ano ang kaparaanang ginagamit ng Mananakop? Sasabihin
ninyong ito ay isang himala, datapuwat sasabihin ko sa inyo na ito ay pangkaraniwan lamang sa
kalagayan ng isang taong nabuhay sa ibabaw ng lupa na mayroon ng kapangyarihan sa tubig,
mayroon ng kapangyarihan sa init, mayroon ng kapangyarihan sa hangin, mayroon ng
kapangyarihan sa araw. Kaya nga’t ang kanyang mga pananim ay laginang sagana at sa
kasaganaan ay hindi ipinagkait o kinalakal sa harap ng kapanganiban ng tag-gutom sa mga taong
nangangailangan ng kanyang tulong, bagkos ito ay ipinaglilingkod at inialay sa harap ng
sambayanang sinasakmal ng lagim ng kagutuman nang panahong yaon. Anim na taon na nagyari
ito sa Mananakop na halihalili ang tuyot at ang baha, at anim na taong siya’y nagkawanggawa at
nag-alay ng kanyang ani sa sanbayanang gutom.

Nang ika-pitong taon ay pinapangyaring ang matuyot ay ang kanyang mga lupain upang
makita kung ano ang tugon sa karangalan, kabutihan at pagkakawanggawa ng dakilang taong ito.
At nalaman ba ninyo ang nangyari? Siya ay ipinagbili ng kanyang panginoon sa isang mayamang
mangangalakal sa tanway ng Malaya. Isang taong nanatiling alipin ang Mananakop kung kailan
inibig ng mangangalakal na ipamalas sa kanya ni Hesus kung papaano pinapangyayari na ang
tuyot na lupa ay mag-ani nang sagana, o ng binahang bukirin ay pinapangyayaring tubuan ng mga
binhi na umaangat hanggang sa ibabaw ng tubig at mamunga pa nang marami. Isang taong
nagtiis ang Mananakop upang ipakilala ang kapangyarihang ito ng kanyang pagka-Anak ng Diyos,
at siya’y nagtagumpay.

Nang mga huling buwan ng pananatili ni Hesus sa Malaya ay nangyaring magkasakit nang
malubha ang panginoon na kanyang pinaglilingkuran. Ang pangalan ng mangangalakal na ito’y
Sigajur, at nasabi niya kay Hesus bago siya nalagutan ng hininga: “Ikaw ang kauna-unahang
bumigo sa aking nais sa ibabaw ng lupa, sapagkat wala akong ninais na hindi nabili ng aking salapi,
at wala akong utos na hindi sinunod ng aking mga alipin. Ikaw ang una kong pagkakamali sa
ibabaw ng lupa.” Datapuwat nang siya ay mamatay at tatabunan na lamang sa kanyang libingan
ay sinabi ni Hesus: “Nang tanggapin mo ang iyong kamalian at makilala mong mayroon ng mga
bagay na hindi mo maaaring bilhin ng iyong salapi, at mayroon ka ng pag-uutos na hindi maaaring
sundin, nasumpungan ko ang aking tinig sa iyo. Magbangon ka.” At si Sigajur ay nagbangon.
Mula ng mga sandaling yaon si Sigajur ang naging kinatawan sa tanway ng Malaya ng dakilang
pananampalatayang kristiano, at sa lipi ni Sigajur nanggaling ang mga Malayang tumawid sa
Pilipinas. Iyan ang kasaysayan ng Mananakop sa loob ng pitong taon sa Asia.

VII. SA BAYAN NI TOLSTOI

Pagkapanggaling ng dakilang Mananakop sa tanway ng Malaya, siya ay napatungo sa


Rusya, at sa bayang ito ay namalagi siya ng dalawang taon. Ang dalawang taong ito ay kanyang
ginugol sa pagpapahayag ng kadakilaan ng iisang Diyos na hindi nababahagi sa kapangyarihan at
maging sa pag-ibig, maging sa katalinuhan o kayamanan man, sapagkat ang Diyos ni Abraham at
ni Jacob ay iisa, at ang Diyos na ito ang nagsugo sa kanyang Anak sa pamamagitan ng “Espiritu
Santo” upang pumaloob sa kabuhayan ng mga tao sa simulaing kristiyano, sa pamamagitan ng
mga karunungan o kabihasnang umaalinsunod sa mga batas ng kalikasan. Sa Rusya’y naging
kabungguang-balikat at kinapulong-pulong niya ang mga maharlikang dugo ng mga “Czar”, at
kanyang inihayag ang kadakilaan ng simulain ng buhay ng isang mananampalataya na hindi dapat
umibig sa kanyang dugo kundi sa kanyang kaluluwa, na hindi dapat magtayo ng lalong
magagarang gusali na pinanahanan ng laman, kundi ng gusali ng batlayang sasa-Diyos sapagkat
nanggaling sa Diyos. Ang dalawang taon ng Mananakop sa Rusya ay mababakas pa hanggang
ngayon, hindi lamang sa kanyang mahalagang “pasion” ng kabuhayan, kundi sa pamamagitan ng
mga palatandaang hayag sa lalong matatandang kasaysayan nang kapanahunang yaon. Kung sa
Tsina ang dakilang Mananakop ay nagtanim ng palay, naging isang magsasaka na kinahayagan ng
kapangyarihan na angat sa mga halaman, sa tubig at sa hangin, sa Rusya siya ay naghayag ng mga
bagay na nauukol sa pamahalaan, sa pagdadala ng mga batas, sa pagpapalinsunod sa mga batas
kundi ang mga ito’y ukol sa lahat at bawat isa, mula sa kapuno-punuan ng pamahalaang
nagpapagalaw sa sanbayanan.

Makikilala ninyo, mga kapatid, ang kadakilaan ng dakilang Anak ng Diyos na itong isinugo
hindi lamang sa isang uri ng galaw at pakikibagay sa mga tao, kundi ipinakilalang ang
kapangyarihan at karunungang maka-Diyos ay naiaagapay sa lahat ng uri ng tao, nakababagay sa
lahat ng kaugalian ng mga tao nang di nahahamak ang kanyang sarili, bagkos naaalinsunod niya
ang kanyang tungkulin sa ilalim ng dangal ng kanyang pagka-Anak ng Diyos. Nagmula sa bayang
ito ang binanggit ko sa inyo nang una pa na ang dakilang Mananakop ay mayroon ng mga bato
na kinatisuran sa katauhan ng mga babaing sumubok sa kanyang kabatlayaan. Datapuwat ang
mga batong ito ay hindi naging kasanhian ng pagkapilay ng dakilang paa ng kapangyarihang
makabatlaya ni Hesus, bagkos siya ay nanatiling matatag, matibay, puspos ng kaluwalhatiang
ipinagtagumpay ang simulain ng pag-ibig sa diwa na makabatlaya, na anopa’t sa bayang ito’y
naipakilala ang kanyang pag-ibig nang di nadungisan ang kanyang puso nang di nangulimlim ang
liwanag ng kanyang diwa at di narumihan ang kanyang pagkatao, sapagkat ang kanyang pag-ibig
ay pag-ibig na makabatlayang pumupusag sa karunungan at katarungan ng buhay. Sa maraming
pagkakataon ang dakilang lalaking ito ay nagtagumpay sa kayamanan ng mga maharlika, sa mga
babaing kabilang sa angkang makahari, sa karangalan ng mga “cortes” o bulwagan ng mga
maharlikas, ng matataas na lipi ng mga dugong mahal, sapagkat bagama’t di siya nagsuot ng
makikinang na hiyas ng mga dugong makahari ay nanagumpay ang hiyas ng kanyang pagka-Anak
ng Diyos na lalong maningning, sapagkat sa bayang ito’y naipakilala ni Hesus ang kapangyarihan
ng kanyang pagkatao. Sapagkat kung sa India ang pakikidigma ni Hesus ay sa mga hayop at sa
katawang-laman; kung sa Gresya ang kanyang digma ay sa pag-iisip, sa karunungan; kung sa Tibet
ang kanyang pakikidigma ay sa pagbubuo o pag-iisa ng ika-isang daan ng karamihan sa
karunungan ng laman at ng batlaya; at kung sa Tsina ang pakikidigma niya ay sa mga “elementos”
ng kapatagang lupa; at sa tanway ng Malaya ay kanyang pinanagumpayan ang kamatayan ng
laman, sa Rusya’y nagtagumpay siya sa digmaan ng pag-ibig: kung paano niya ginising sa kanyang
pagkatao ang kapangyarihan ng pag-ibig na makabatlaya laban sa pag-ibig na makalaman na
nababalot ng ganda at rangya ng kayamanan ng mga tao. Ito ang kanyang pinanagumpayan sa
loob ng dalawang taon. At kung sa mga sumusunod pang kabuhayan ng Mananakop ay
nasaksihan ninyo ang katampalasan ng mga Hudyo, pag-alipusta at pagtungayaw sa kanya, ang
pagdadala sa kanya sa mga hukuman ng mga tao, sa bayang ito naman ng mga dakilang dugong
mahal ang pumukaw sa kanyang pag-ibig na maka-Diyos at maka-batlaya ay ang kagandahang-
loob, ang pagligaw ng kayamanan ng mga maharlika, ang pagtawag sa kanyang pagtatangi sa
pamamagitan ng magagandang hugis at anyo ng mga babai upang ipadama lamang sa kanya at
ipakilala at nang siya ay mapagtagumpayan ng makalupang kaangkinang ito ng mga tao;
datapuwat si Hesus ay nagtagumpay. At sa mataas pang pagmumuni sa bayang ito ng Rusya sa
loob ng dalawang taon na ipinamalagi ni Hesus ay walang nilinang at ginising at inihayag ang
dakilang Mananakop kundi ang dakilang katuwiran sa mga batas, hindi lamang sa batas ng mga
tao kundi sa batas ng Diyos. Kaya nga, kung sa Tsina ang Mananakop ay naging isang magsasaka,
sa Rusya siya ay isang dakilang manananggol, sapagkat kanyang inari ang indayog ng katuwiran,
hindi lamang sa batas ng tao kundi sa batas ng Diyos, hindi lamang ang “razon humana” kundi
ang “razon espiritual”. At dito niya inihayag ang iisang batas, ang iisang batas na dapat
alinsunurin ng tao sa panghahawak sa pangangailangan ng katuwiran: ang masama sa iyo ay
huwag mong gagawin sa iyong kapuwa tao. Ah, kung ang lahat lamang ng manananggol sa
kapanahunang ito na makabago ay aalinsunod sa “codigo moral” na ito ng Mananakop, ang batas
ay hindi maglalayo sa kanila sa kaharian ng langit, bagkos ang kanilang kinakatawan sa
pamahalaan ng mga tao’y maglalapit sa kaluwalhatian ng kanilang kaluluwa!

Ang katuwiran ng isang tao’y nakaaakit sa paghanga ng kanyang kapuwa, sapagkat ang
isang taong mayroon ng magandang laro ng pagmamatuwid ay nakahihigop ng pagtitiwala ng
kanyang mga kapatid, nakasisiklot ng kanilang pagtitiwala, nakatitiklop ng kanilang damdamin,
natutuyo o nababasa ang kanilang pagnanasa. Makukuro na ninyo kung gaano ang pananagutan
ng isang kinatawan ng batas sa panananggol o pagmamatuwid. Datapuwat si Hesus, ang dakilang
Mesiyas, ay nagpatuloy sa panunuparan ng kanyang tungkulin na taglay ang buong “simpatia” ng
mga dugong mahal, na mayroon ng kaangkinan ng maindayog at mabulaklak at mabangong
pagmamatuwid, at gayon man si Hesus ay hindi nagparuol ng katuwiran, hindi naglibing sa mga
taong nagtitiwala sa kanya, kaya nga’t sa kapanahunang yaon ang mga Ruso ay may tinatawag
na isang dakilang lalaki, ang dakilang manananggol ng Diyos, at ito ay si Hesus, bagaman siya ay
hindi nakikilala sa pamagat na ito sa bayang yaon.
VIII. PAGBABALIK, PANGANGARAL, AT PAGKAMATAY

Mula sa bayang maharlika ng mga Ruso, ang Mananakop ay nagtuloy sa bayan na kanyang
sinilangan upang tipunin at hirangin ang kanyang mga alagad. Ang huling hakbang na ito ang
sumaksi sa kanyang kabuhayan sa ibabaw ng lupa na siyang inihayag sa inyo ng Ebanghelyo. Ang
kabuhayan ng Mananakop na isinaad sa Ebanghelyo sa bahaging iyan ay daragdagan lamang
natin ng mga sumusunod: Pagkaraan nang isang taon na pamamalagi ni Hesus sa kanyang bayang
sinilangan at matapos na mahirang ang kanyang mga alagad, siya ay nagtungo sa Roma, at dito
ay nanuparan ng kanyang tungkuling sa paghahayag ng mga simulaing banal ng Kristiyanismo, sa
pagdadala ng lakas at kapangyarihan ng pag-ibig sa mga taong busabos ng karangyaan ng laman
sa gawi ng mahalay na kabuhayan. At ang kasaysayang ito ng mga huling taon ng Mananakop sa
ibabaw ng lupa’y napuspos ng kaluwalhatian ng kapangyarihan ng kanyang pagka-Anak ng Diyos
na isinugo sa ibabaw ng lupa upang itanim ang halaman ng Kristiyanismo, hindi sa pamamagitan
ng karunungan ng mga tao, kundi sa pamamagitan ng karunungan sa pag-ibig at ng pag-ibig sa
karunungan, sapagkat ang kahayagan nito’y ang kagandahang-asal at sapat na bait upang
maiangat ang kaluluwa ng sino mang tao sa tahanan ng Diyos na ipinangako sa katauhang ito, sa
pamamagitan ng kanyang paglilingkod at ng pagtalima sa kautusan sa hindi pagsuway.

Idaragdag natin sa kasaysayan ng mga huling taon ng Mananakop sa ibabaw ng lupa ang
hindi maliwanag sa inyong Ebanghelyo: ang kanyang pagkabuhay na mag-uli sa ikatlong araw.
Umahon nga kaya si Hesus sa kanyang libingan? Bakit hindi siya natagpuan ng kanyang mga
alagad? Ang katawang-laman ni Hesus ay inilipat ng mga Hudyo sa ibang libingan, at ito ang
dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng mga kristiyano ang pasko ng Pagkabuhay. Si Hesus ay hindi
nahayag kundi sa katipunan ng kanyang mga alagad lamang at ng kanyang mahal na ina. Ang ibig
sabihin nito’y ang “materializacion” o pagsasalaman ng “espiritu” o batlaya ni Hesus na
nagbangong-muli sa kanyang pananagumpay, ang “materializacion” ng dakilang Mananakop sa
harap ng kanyang mga alagad na nagkakatipon sa pananalangin na tumagal sa loob ng
apatnapung araw. Sumasaksi ang kanyang mga alagad, kami na nakasumpong sa kanya, na ang
kapangyarihan ng pag-ibig ng Mananakop sa ikabubuo ng dakilang aral ng Kristiyanismo ay hindi
ginawang siya’y magkatawang-muli nang “sobrenatural” alalaong-baga’y ng laman at buto, kundi
siya’y kahalintulad din ng lahat ng taong nabuhay sa ibabaw ng lupa sa ilalim ng “sacramento” ng
“matrimonio”. At ang Mananakop ay namatay sa ilalim ng pagtupad ng kanyang tungkulin, sa
kaganapan ng kanyang mahalagang panata na ilawit sa kapatagang iyan ang biyaya ng pag-ibig,
karunungan at kapangyarihan sa mata ng makatarungang Diyos na nagpapagalaw sa mga bagay.
At kung ang kabuhayan ni Hesus ay kinakasangkapan ngayon ng maraming mga tao, ng di
mabilang na pagsasamantala ng mga marurunong na bumili ng kamangmangan ng mga tao, na
siya ngayong pumupuwing at nagpapaulap sa mga katotohanan ng mga “religion positiva”, ang
kaarawang ito ng Pasko ng Pentecostes ng bawat kristiyano sa pagtanggap ng ilang apoy na
nanggaling sa langit ang siyang sumusunog sa mga layak ng pananampalatayang ito upang
magliwanag ang pananampalatayang kristiyano, sangayon sa simulain ng dakilang Hesus na
tumanggap ng kamatayan nang dahil sa simulain ng pag-ibig at karunungan ng mg langit.

Nasugatan o hindi nasugatan si Hesus? Ang katawang-laman ni Hesus ay nasugatan


sapagkat laman, dumugo sapagkat mayroon ng nananalaytay na dugo sa kanyang mga ugat;
datapuwat ang sakit, ang kirot o ang hapdi na likha ng mga sugat na ito ay hindi nakabalino sa
katibayan ng pananampalataya ng dakilang Mesiyas, palibhasa’y nasa kanya ang kapangyarihan
upang supilin ang lahat ng alitigtigin ng laman kung napag-ugnay niya ang kanyang mga sagisaging
pang-batlaya. (Sa isang salita, “concentracion”.) Nagutom o hindi nagutom si Hesus? Nawalan
ng laman ang tiyan ni Hesus , sapagkat siya’y hindi kumain sa kanyang pag-aayuno; datapuwat
ang matulis na ngipin ng kagutuman ay hindi nadama ni Hesus, palibhasa siya’y mayroon ng
kapangyarihan sa ibabaw ng pankaraniwang alitigtigin ng laman, na hindi natutuhang supilin ng
kaluluwang sa kanya ay kumakasangkapan. Ang lahat ng mga ito’y maaaring gawin ng mga tao,
maaari ninyong gawin, mga ginigiliw na kapatid, kung kayo’y magpapatuloy sa landas na ito, ang
pag-aaral sa pagsupil sa inyong sarili at sa inyong sariling alitigtigin ng laman. Kapag
napagtagumpayan ninyo ang kagalitan, ang kalungkutan at ang takot sa kamatayan; kung
dumating na ang mapalad na sandali na wala na kayong mga gawaing ikahihiya sa Diyos, kaya
nga’t nakatitingin kayo ng buong kaamuan sa kalakhan ng Kanyang kadakilaan, ang mga bagay
na ito na nagagawa ni Hesus ay inyong magagawa, sapagkat nasa inyo ang mga “dones” na ito ay
ipinahayag sa pamamagitan ng liwanag ng dakilang Mananakop.

Alin ang sinakop ni Hesus? Sinakop niya ang laman at buto at dugo, kaya nga’t ang dugo
niya ay tumulo hanggang sa maalis ang kahuli-hulihang patak sa kanyang laman. Ang laman
niya’y niluray sa pamamagitan ng karahasan ng mga taong hayop, sapagkat gising pa sa kanila
ang mga alitigtigin ng kahayupan, sapagkat nasusumpungan ninyong walang nagwawalat ng
laman kundi ang mga hayop o ang damdaming makahayop. Datapuwat ang buto ay nanatiling
buo, sapagkat ang buto’y hindi maaaring sirain maging ng mga “elementos” ng lupa. Ganyan ang
simulaing kristiyano: maaaring pistain, mangyayaring yurakan ng mga paa, maaaring ipagbili sa
lalong murang halaga, na katulad ng ginawa ni Judas Iscariote, datapuwat siya’y mananatiling
matatag, matibay at wagas, sapagkat siya ang kataga ng pag-ibig, siya ang awit ng kaaliwan ng
mga tao, iyan ang dakilang ina ng kaluluwa na ipag-aalo kayo sa lahat ng kapanganiban sa ibabaw
ng lupa kung kayo’y di maaaring makalimot sa simulain ng pananampalataya at ito’y si Hesus.

Mga kapatid, ang Ebanghelyo ng dakilang Mananakop sa ibabaw ng lupa ay hindi lamang
kasaysayan ng isang tao; ito’y kasaysayan ng katauhan at ang kasaysayan ng katauha’y dala ang
lahat ng tinig, ang lahat ng kulay, ang lahat ng hugis, ang lahat ng antas ng karunungan, ang lahat
ng uri ng mga bayan ng mga tao. Magsisampalataya nga kayo kung gayon at magsigawa.
Magsipagdiwang kayo nang dahil sa kayo’y naging mapalad na makakilala sa kanyang mga aral,
sapagkat kung sisiyasatin ninyo ang kabuhayan ng Mananakop ay makikita ninyong siya’y hindi
nangaral sa mga tao, datapuwat siya’y naghayag: ang kanyang buhay ang siyang aral, ang
kanyang nagawa ang siyang kahayagan ng kanyang karunungan, ang kanyang kabuhayan ang
siyang hugis ng magandang pagasa sa kaluwalhatian ng biyaya ng Diyos na siyang Ama na sa
kanya’y nagsugo sa ibabaw ng lupa.

Mga kapati ko, maiaaral ba ninyo ang Kristiyanismo? Hindi ninyo maiaaral ito, datapuwat
ito ay maaari ninyong gawin, sapagkat kayo ay mga manggagawang hinirang sa kapanahunang
ito. Ano ang kabuluhan kung inyong sasabihing “Mangagibigan kayo sa isa at isa at maglingkod
sa inyong mga kapuwa at magkawanggawa sa nangangailangan”? Ito’y masasalita ng mga
“gentil”, datapuwat ang simulaing kristiyano’y hindi nagwiwika kundi gumagawa, hindi
nangangaral datapuwat nagpapakita ng lalong magagandang halimbawa, sapagkat ganyan ang
manggagawa sa paggawa ng pag-ibig at katarungan. Tandaan ninyo ito, mga kapatid: Kung kayo
ay mga naging “espiritista”, sapagkat kayo’y napaloob sa paaralan ng mga batlayang wagas, ay
hindi nangangahulugan na kayo ang mapalad na tumatanggap ng aral, kundi kayo ang mapalad
na tumatanggap ng utos na tulad sa mga kawal ng hukbo ay siyang hinihingan ng tiyak na
katuparan ng inyong mga tungkulin.

Sukat sa panahon, sa sukatan ng kabanalan, ang dakilang Mananakop, sapagkat ang


buhay ay hindi parisukat. Ang buhay ay isang tuwid na guhit magmula sa lupa hanggang sa langit,
sapagkat wala kayo ng paroroonan na hindi na ninyo pinanggalingan at wala kayong
pinanggalingan na hindi paroroonan. Ito ang bilog ng buhay ng lahat ng nilikha.

Iyan ang wakas ng kasaysayang ito na pahapyaw na isiniwalat ko sa inyo na hindi ninyo
matutuklasan sa kasaysayan ng mga tao. Maano nawa na inyong pag-aralan at pakinabangan ito
sa ikapagtatagumpay ng dakilang simulain ng Kristiyanismo.

-ooOoo-

- BASAHIN ANG APENDICES KASUNOD –


APENDICE

Pagkatapos na ang mga sinundang pahayag ay maibigay ng “isang batlayang nais


tumulong sa sankatauhan”, ay minabuti ng Patnubay ng Lunduyan, Apostol Pedro, na itakda ang
ika-anim ng Abril, 1942, kung kailan maaaring makapulong na muli ang nag-abotsabing “espiritu”
upang dinggin ang pagbasa sa kabuuan ng kanyang mga pahayag at tuloy bigyan ito ng mga susog
o pagbabagong naaangkop. Sa nasabing araw ay nagdaos ng pulong ang Lunduyan, at sa
pagkakataong ito’y binigyang laya ang mga kapatid na magtanong ng mga bagay na nais nilang
malinawan sa buhay ng Mananakop. Ang mga sumusunod na “apendice” na pinangungunahan
ng mga bilang ay siyang mga tanong sa, at sagot ng, batlaya na nagbigay ng mga pahayag.

---

1. Tanong: Maaari po bang linawin ninyo kung bakit naging tulisan si Dimas?

Sagot: “Si Dimas nang nabubuhay pa sa kapatagang iyan ay sumipot sa isang angkang
lubhang mahirap. Isang araw ay nagkasakit na malubha ang kanyang ama, at sapagkat siya’y
walang maidulot na gamot o pagkain man lamang sa kanyang magulang, ay nanghingi siya ng
limos upang ang makukuhang salapi ay ibili ng gamot, nanghingi rin siya ng tinapay upang
maipagabdong buhay ng maysakit; at naging sapat na ito upang si Dimas ay paratangang
magnanakaw. Siya’y nakalaya, sapagkat hinalinhan ang pangulong kawal na nagtatanod sa
bilangguang kanyang kinapipiitan. Nang dumating si Dimas sa kanyang nayon ay pinaghanap
niya ang kanyang ama, at sinabi ng kanyang mga kapitbahay na siya’y namatay na. Siya ay
tumugon: “Ituro ninyo sa akin ang libingan ng aking ama.” At walang maituro ang kanyang mga
kausap sapagkat hindi naman nila inilibing ang bangkay ng ama ni Dimas; ito’y pinaknit ng mga
aso at inubos ng mga bangaw. Ang pangyayaring ito ang nakapagpatigas sa kanyang puso at
nakapagpasulak ng kanyang dugo sa paghihiganti sa katarungan ng mga tao.”

2. Tanong: Nang umalis po ba ang Mesiyas buhat sa Ehipto patungong India ay sino ang
kanyang kasama?

Sagot: “Umalis siya na kasama ang kanyang mga magulang.”

3. Tanong: Mayroon po bang kinalaman ang mga nakikilala naming mga Dakilang Lama
ng Tibet sa siyam-na-pu’t-siyam na lalaking nakasama ng Mananakop sa bayan ding ito nang
kanyang kapanahunan?

Sagot: “Mayroon ng napakalaking kinalaman, bagaman at hindi muna natin ihahayag


ngayon, sapagkat hindi pa napapanahon. Kung dumating na sa akin ang pagkakataong ang
bawat kabanata ng mga pahayag na ito ay aking isaysay sa inyo nang tulad sa isang
“autobiografia”, alalaong-baga’y kung ano ang nangyari sa araw-araw sa lupa ng panahong
inilagi ng Mananakop sa mga bayang kanyang narating, hindi ko na maiiwasang ipaliwanag sa
inyo, at banggitin ang marami pang mga bagay na hindi nasasaliksik ng kasaysayan ng mga tao.”
4. Tanong: Papaano po nagawa ng Mananakop na ang lupang kanyang sinasaka ay
maligtas sa baha at pagkatuyot?

Sagot: “Sa ibabaw ng tubig ay nakukuhang umangat ang halaman at humaba pa, at sa
ilalim ng tuyot na lupa’y mayroon ng natutuklasang batisan ng tubig upang ipandilig. Hindi ko
sinabing sa bayan na walang tubig ay tumubo pa ang halaman.”

5. Tanong: Hindi po maliwanag sa amin kung bakit nanatiling alipin ni Sigajur ang
Mananakop.

Sagot: “Binili ni Sigajur ang Mananakop upang mapatunayan lamang kung totoo nga o
hindi ang nababansag na kapangyarihan ng Mananakop na makapangyayari sa mga
“elementos” ng lupa at tubig. Datapuwat si Hesus ay nagyuko ng ulo at naghalukipkip, sapagkat
ang kapangyarihang ito ay hindi binibili ni ipinagpaparangalan: ito’y ginagamit sa kahingian ng
wastong paglilingkod sa kapuwa. Nanatili nga siyang alipin sapagkat hindi niya sinunod ang
kagustuhan ni Sigajur na itanghal niya ang kanyang kapangyarihan, disin sana’y siya ang
panginoon ng mga panginoon.”

6. Tanong: Hindi po ba maaaring malaman kung ano ang tunay na pangalang ginamit ng
Mananakop sa kanyang pakikipamayan sa Rusya?

Sagot: “Hindi na natin sasabihin pa ang pangalan, sapagkat ang kanyang ginamit na
pangalan doon ay katimbang din ng salitang Hesus, ngunit sa tunog lamang ng napapanahong
wika ng bayang kanyang kinaroroonan. Halimbawa, kung dito sa Pilipinas ang tawag ninyo ay
Hesus, sa Ingles naman ay “Jesus” – ganyan din.”

7. Tanong: At ganyan po ang nangyari sa lahat ng bayang narating ni Hesus?

Sagot: “Oo.”

8. Tanong: Sa pagbabalik ng Mananakop sa kanyang bayan, ang unang nabadha ay ang


pagbibinyag sa kanya ni Juan Bautista. Ano po ang kahulugan nito?

Sagot: “Tinanggap niya sa kamay ng tao ang ambil ng mga tao sa isang Taong-Diyos. Ito
ang maliwanag na kahulugan ng pagbibinyag ni Juan Bautista sa Mananakop.

Tanong: Ano ang tinig na narinig?

Sagot: “Ito ang pinakaiibig kong Anak!”

“Pagkatapos na si Hesus ay busan ng tubig ni Juan Bautista ay yumao siya at


nangaral, ang wika sa Ebanghelyo. Ang tunay na nangyari ay nag-ayuno siya muna nang
apatnapung araw, at pagkaraan nito’y saka lamang siya nagsimulang mangaral. Sumunod ang
paghirang sa kanyang mga alagad na tumagal sa loob ng tatlong buwan bago natipon ang
labing-dalawa; at kaming mga alagad niya ay natipon hindi sa pamamagitan ng tinig na
tumatawag, kundi sa pamamagitan ng mga gawang humahalina. Napakamakapangyarihan ang
“influencia moral” ng Mananakop kung kaya’t hindi niya kami kinakausap kundi sa pamamagitan
ng pag-iisip. Ang lakas ng pag-iisip na ito ang siyang nakagawak sa alapaap sa langit upang
tawagin si Abraham at si Jacob na ama ng kanyang mga magulang sa lupa.”

9. Tanong: Ano po ang ibig sabihin ng mga pangungusap na ‘inianak ang dakilang Mesiyas
sa pamamagitan ng Espiritu Santo’? Hindi po ba isinilang ang Mananakop nang tulad din sa aming
mga tao?

Sagot: “Ito muna ang aking magiging tugon sa inyong katanungang iyan: Kung hindi
kailangan ang isang lalaki sa katauhan ni Maria, ang Banal na Ina, upang iluwal ang isang
sanggol na tatawaging Mesiyas na Tagapagligtas, bakit ibibigay si Maria kay Josef, at bakit
kakailanganin ang ‘personalidad’ ng dakilang Patriarkang ito sa katauhan ni Maria?”

10. Tanong: Pagkatapos pong ilibing ang bangkay ng mananakop ay ano ang nangyari?

Sagot: “Inilipat ng mga Hudyo ng ibang libingan.”

Tanong: At pagkatapos nito…?

Sagot: “….. Umalinsunod sa batas ng kalikasan.”

11. Tanong: Saang pook po natupad ang pangangaral ng Kristo, at saan siya namatay?

Sagot: “Siya’y nasa Roma nang mga panahong yaon, at sa labas ng lungsod ng Roma
nangyari ang dulang ito.”

12. Tanong: Ano po ba ang kahulugan ng mga titik na INRI na diumano’y inilagay sa ulunan
ng krus ng Mananakop, at sabi’y nasulat sa tatlong wika, Griego, Hebreo at Latin?

Sagot: “Ito ay karagdagan sa kasulatan.”

13. Tanong: Patuloy pa po ba ang pag-aaral ng mga karunungang lihim niyaong lipunan
na pinakisalimuhaan ng Mananakop sa India?

Sagot: “Mayroon sila ng karunungang hanggang sa ngayon ay ipinagpapatuloy,


datapuwat hindi lamang ito ang pinakisalimuhaan at dinalisay ng Mananakop, kundi
napakaraming bagay na hindi lamang sa India ngayon natitipon kundi laganap na sa mga bayan
sa ibabaw ng lupa hanggang sa kabuhanginan ng Sahara at sa kalamigan ng Siberia.”

Tanong: Ano po ang mga tinatawag na “Esenos”?


Sagot: “Isa ito sa mga lipunang kinabilangan ng Kristo.”

14. Tanong: Bakit po sa Kasulatan ay waring ang mga Hudyo pa ang nag-usig kay Hesus,
samantalang tila natanggap na nila ang kanyang pagtuturo? Sila po ba ay nasulsulan lamang ng
mga puno ng pananampalataya nang panahong yaon?

Sagot: “Kapatid ko, kailan man ay hindi inalayan ng di angkop na pagkain ng Mananakop
ang mga baitang ng kabuhayan ng mga tao. Ang bata na sumususo’y hindi pinakain ng kanin at
ang kumakain ng kanin ay hindi pinahigop ng gatas. Ang kabuhayan ng Mananakop sa mga
huling taon ay kasaysayan ng panahon, “codigo moral” ng mga tao at hindi ng mga Hudyo. Ang
lakas at kapangyarihan ng Kristo ay hindi ginamit upang paralisahin ang likas na kababaan at
kamangmangan ng mga ‘pobre de espiritu’ sapagkat ang pagkasulong ng isang tao’y hindi
nakukuha sa aral ng kanyang kapuwa, kundi sa karanasan at sa kanyang muli’t muling
kabuhayan. Ano ang batayan nito? Ang “codigo moral” ng kristiyano.”

15. Tanong: Paano po nakapaglakbay ang Mananakop gayong wala naman kaming
nalalaman na kayamanang kanyang ginamit ukol sa ganitong gawain? At sa Tibet po, paano niya
naakyat ang napakahirap akyating pook na ito?

Sagot: “Gaya nga ng aking sinabi kangina, kasama niya ang kanyang mga magulang sa
paglalakbay, at ang mga magulang na ito ang gumagawa ukol sa pagkain ng laman: ang
dakilang Patriarka ay sa pag-aalwagi at ang Dakilang Ina ay sa panghahabi. Sila ay
nakapaglakbay hindi sa kaparaanan ng isang magaan na paglalakbay na tulad ng nakikilala
ngayon ng mga tao. Datapuwat dito’y maliwanag na ginamit ang kapangyarihan ng Dakilang
Verbong ito kung kaya ang mga bundok, bangin at mabuburol na landas na patungo sa kaitaasan
ng Tibet ay narating nila nang walang sagwil at nang hindi sila gumamit ng anumang sasakyan.”

16. Tanong: Sino po ba yaong binabanggit sa Kasulatan na Samuel Belibet na walang tigil
na lakad sa buong daigdig?

Sagot: “Iyan ay isang alamat lamang. Sinasabing naglalakbay, itinutulak siya kung
humihinto at maging mga bato’y nagtataboy sa kanya kung siya’y nagpapahinga kung kaya
walang tigil sa kanyang paglilibot sa lahat ng mga bayan, ngunit iyan ay salita lamang sa
talinghaga. Gayon nga na ang mga karunungan ay walang tigil sa kanyang paglibot sa lahat ng
mga bayan ngunit iyan ay salita lamang sa talinghaga. Gayon nga na ang karunungan ay walang
tigil sa paglibot sa bayan-bayan upang ang lahat ay magkaroon ng kaliwanagan. Gaya ng sinabi
ko sa inyo kangina, hindi na sarili ngayon ng India o ng alinmang bansa ang mga karunungan,
sapagkat laganap na ito sa mga bayan.”

17. Tanong: Bakit po hindi napabilang ang ‘astronomia’ sa maraming karunungan na


pinag-aralan ng Mananakop sa Tibet?

Sagot: “Sapagkat ang ‘astronomia’ ay karunungan ng panahon, hindi ng kapatagang ito,


kundi ng buong ‘universo’. Mahuhulo na ninyo ang timbang ng aking sinabi, sapagkat maging
ang ‘ciencia cristiana’ ay nagsasaad na ang karunungan ng ‘astronomia’ ay ‘teologia’; sapagkat
kapag tinanggap ng tao ang ‘ciencia cristiana’ ay tinanggap na rin niyang siya’y hindi lamang
taga-rito kundi mayroon ng mga kapatagang dapat niyang tunguhan sapagkat sa ibabaw ng
kapatagang ito masusumpungan ang kaluwalhatian ng mga langit.”

18. Tanong: Papaano po nangyari na ang Banal na Mag-anak ay nakipamuhay sa iba’t


ibang uri ng mga tao nang tila hindi sila napuna na hindi tunay na sibol sa mga bayang kanilang
pinaroonan?

Sagot: “Sa lahat nga ng bayan na pinamayanan ng ‘Sagrada Familia’ ay hindi sila itinuring
na hindi taga-roon, sapagkat ang kanilang balat, ang kanilang wika, ang kanilang ‘estilo’ ay
nalikha ng kapangyarihan ng kabatlayaang sa kanila’y sumusubaybay, na sila kung nasa India’y
naging mga Indio, at gayon sa mga bayan na kanilang tinungo pang muli at muli.”

19. Tanong: Ang mga larawan po ba ng Mananakop na ngayon ay tinutunghan ng mga


tao ay kamukha niya sa panahon ng kanyang pagkabuhay sa kapatagang lupa?

Sagot: “Hindi, datapuwat ang pinakamagandang hugis ng dakilang Mananakop na


inangkin sa mga bayan na kanyang narating ay nang siya ay nasa Tibet. Wala ng alinman sa
mga larawan na inaangkin ngayon ng mga kristiyano na nahawig sa kanya, sapagkat ang
karamihan sa mga larawan ng Mananakop na ipinisel o nililok ng karunungan ng tao’y hindi
naglalarawan ng ilaw ng kanyang kabatlayaan ang lambot na nananalamin sa kanyang mga
mata na likha ng pag-ibig. Sapagkat ang mga larawang ito’y waring ipinakikilala ang kanyang
tiniis na kailan man ay hindi nalarawan sa kanyang mukha, ang kanyang pangangayayat at
pagkahumpak ng kanyang pisngi na kailan ma’y hindi nangyari. Sapagkat sa kanyang hirap, sa
kanyang tiniis na pag-uusig, sa kanyang hindi pag-inom at hindi pagkain ay lalong pumula ang
dugong nanganganinag sa kanyang pisngi. Ni hindi nangulaba ang kanyang mata, ni hindi
kumunot ang kanyang noo, bagkus sa lahat ng sandali ay mayroon ng ngiti ng pag-ibig ang
maamong mukhang ito na makabatlaya. Hindi ko kayang salitain ang kanyang kagandahan.

Siya’y madalas nababalot ng isang liwanag na nakasisilaw at nakawawala ng malay sa


amin, ngunit sa kanya ay hindi. Nasaksihan namin na kung siya’y tumutungo sa bundok upang
manalangin, pagkalipas ng isang ‘minuto’ ay nababalot siya ng isang liwanag na nakasisilaw sa
akin at kung magkagayo’y para akong nakokoriente hanggang sa mawalan ng malay.
Nasusubasob ako – ganyan ang nangyayari sa amin ni Apostol Juan. Kung kinakapanayam niya
ang mga dakilang batlaya na nasa mga langit, o kung kami’y kanyang kinakausap,
nararamdaman naming naglalagos sa aming mga pagkatao ang kanyang mga salita.

You might also like