l. Pamagat: Varayti ng Wikang Surigaonon: Isang Pagsusuri sa Ponemang /J/ at /Y/ ll. May-Akda: Ang may akda ng artikulong ito ay kilala sa ngalan na Aisah B. Camar, isang guro sa paaralan ng Surigao del Sur State University-Cantilan Campus, Cantilan, Surigao del Sur. Siya ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Doctor of Philosophy in Filipino sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa Iligan City, Lanao del Norte at kasalukuyan ding nanunungkulan sa Sagip-Wika o Samahan ng mga Guro at Iba Pang Propesyonal sa Wika bilang Regional Director ng Rehiyon ng Caraga. Bukod sa pagtuturo ay nagsasaliksik rin siya ng mga wika at kultura sa Mindanao gaya ng sa Surigaonon at Blaan bilang ambag sa pagpapaunlad ng wika’t panitikang Filipino. Nakapagbahagi na rin siya ng mga papel-pananaliksik sa internasyonal at nasyonal na kumperensiya. Ilan sa mga papel-pananaliksik niya ay ang mga sumusunod: “Pagsusuring Pilolohikal sa mga Awiting Surigaonon” “Paniniwala’t Kultura ng Lahi” “Pagsusuri sa mga Katawagang Kultural ng Wikang Blaan” “Koleksyon, Klasipikasyon at mga Pagpapahalagang Napapaloob sa mga Kuwentong-bayan ng Surigaonon” “Varayti ng Sayaw-Ligaw ng mga Manobo sa Carrascal, Surigao del Sur” lll. Lagom: Ang artikulong ito ay patungkol sa pag-aaral ng varayti ng wikang Surigaonon at ang pagsusuri sa ponemang /J/ at /Y/ na nilalayong matukoy ang mga sosyolinnguwistikong varyabol sa malimit na paggamit ng ponemang /J/ at /Y/ sa wikang Surigaonon at masuri ang mga katangiang ponolihikal kung bakit ang ponemang /J/ sa Surigaonan-Cantilan ay nagiging ponemang /Y/ sa Surigaonon- Tandag at ang huli’y mailahad ang mga implikasyong dulot ng pagkakaroon ng varayti ng wikang Surigaonon sa lipunan. Pinagbatayan rito ang teoryang sosyolingguwistiko dahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng tao ay kinakailangan ng pakikisalamuha sa iba upang malaman ang wikang kanilang ginagamit at sa huli’y maintindihan kung ano- ano ang mga saloobin nila at gamit teoryang ito ay inalam ng mananaliksik kung sino- sino ang mga pangkat-etniko na unang nanirahan sa Surigao del Sur partikular sa limang munisipalidad nito na Carrascal, Cantilan, Madrid, Carmen, Lanuza, at Siyudad ng Tandag at kung ano-ano ang mga wikang kanilang ginagamit at kulturang kinagisnan na maaaring nakaimpluwensiya sa paggamit ng mga ponemang /j/ at /y/ sa wikang Surigaonon. Ginamitan ito ng pamamaraang deskribtibo-kwalitatibo at nangalap ng datos sa paraang indehinus o pangktutubo na unang isinagawa sa munisipalidad ng Carrascal, Cantilan, Madrid, Carmen at Lanuza saka sa Siyudad ng Tandag na ginamitan ng purpsosive sampling sa pagpili ng mga respondente. Batay sa natuklasan, ang wikang Surigaonon ay isang multilinggwal na wika na may limang katangiang ponolohikal na: (1) ponemang /j/ ay isang glayd na kagaya ng /y/; (2) ang ponemang /j/ at /y/ ay matatagpuan sa anomang kaligiran at karamihan sa mga salita ay pandiwa; (3) batay sa pantig, ang mga ponemang /j/ at /y/ ay tumatabi sa mga patinig na /a/, /e/, /i/, /o/, /u/ sa loob ng pantig, at sa mga ponemang katinig naman na /d/, /g/, /k/, /n/, /ŋ/, /t/, /w/ na bagama’t magkatabí sa loob ng salita, kapag pinantig ay nagkakahiwalay; (4) ang mga salitâng Surigaonon Cantilan na may ponemang /j/ ay nagiging /d/, /l/, at /w/ sa Surigaonon-Tandag; at ang (5) Surigaonon-Cantilan ay gumagamit din ng ponemang /y/ na nagiging /l/ at /r/ sa Surigaonon-Tandag. Sa madaling sabi, ang varayti ng wikang Surigaonon na Surigaonon-Cantilan at Surigaonon-Tandag ay may “mutual intelligibility’’ o parehong gumagamit ng mga ponemang /d/, /l/, /w/, at /r/ maliban pa sa malimit na paggamit ng ponemang /j/ at /y/ dahilan upang ang mga táong gumagamit ng naturang varayti ng wikang Surigaonon ay magawang makipagkomunikasyon at maunawaan ang isa’t isa.
lV. Kalakasan ng Artikulo:
Ang pananaliksik na ito ay nagkaroon ng malaking ambag sa pagpapakilala ng isang katutubong wika o wikang Surigaonan na magagamit na patunay na ang wika sa bansang Pilipinas ay napakayaman at binubuo ng iba’t ibang varayti. Nakatutulong din ito na maireserba ang wikang Surigaonan at mapaunlad ang wikang Filipino dahil alam naman natin na natatangi at bihira lamang sa mga katutubong wika sa Pilipinas ang gumagamit ng ponemang /J/ kaya’t sa pamamagitan ng pag-aaral na ito ay natutuklasan ang mga varayti ng wika sa Surigaonon-Cantilan at Surigaonon-Tandag, natutukoy ang mga wikang katutubo na nakadadagdag sa pagiging mayaman ng wika, naiingatan at nabibigyang kahalagahan ang mga katutubong wika, at naipapakita na malaya ang isang lipunan dahil mayroon itong sariling wikang ginagamit, ang wika ng pagkakakilanlan. Isiniwalat rin dito na nagkaroon ng lingguwistikong varayti ang mga wika dahil sa heograpikong lokasyon at language boundery na naging dahilan kung bakit nagkaroon ng iba’t ibang wika at iba’t ibang pangkat etniko na may kaniya- kaniyang wika ng pagkakakilanlan. Naging kalakasan rin ng artikulong ito ang paggamit ng teoryang sosyolingguwistiko kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mananaliksik na makihalubilo sa ibang tao upang makabuo ng iba’t ibang konteksto ng paggamit ng wika at matukoy rin ang iba’t ibang saloobin, pananaw, interest, gawain, at papel ng mga taong kasapi ng lipunan nang sa gayon ay magkaroon ng pagkakaintindihan sa pagitan ng mananaliksik at taong kasangkot sa pananaliksik na isa sa dahilan kung bakit naging matagumpay ang isinagawang pananaliksik at nabigyang sagot ang inilahad na mga layunin. Napatunayan rin nito na ang wika ay dinamiko at buhay, na may gamit ito sa tiyak na lipunan, at naniniwalang may maiiambag ito sa pagpapaunlad ng wikang Pambansa dahil sa mga varayti nito at pagbibigay pokus sa natatanging ponemang /J/ at /Y/ na limitadong ginagamit sa mga katutubong wika. Sa kalahatan, malaki ang tulong nito sa pagpapaunlad ng wikang Filipino o wikang Pambansa ng Pilipinas na kahit hindi mn lubos kilala ang wikang Surigaonan ay isinagawa parin ang pananaliksik na siyang nagbigay pagpapahalaga sa wikang katutubo, pagpapanatili nito bilang wikang Surigaonan at wika ng kanilang pagkakakilanlan, at pagtukas ng pagiging mayaman nito sa dahil sa mga varayti ng wika. Varayti ng wika na siyang patunay na ang wika ay may katangiang daynamiko, malikhain, at arbitratyo. V. Kahinaan ng Artikulo: Ang wikang Surigaonan ay isang katutubong wika na masasabing hindi talaga kilala sa madaming lugar lalo na sa Luzon at Minadao ngunit may mga piling lugar rin naman ang nakakaalam hinggil rito kaya’t sa pananaliksik na ito ay hindi naging madali ang ginawang hakbang at proseso sa pagtuklas ng varayti ng wika sa piling lugar ng Surigao del Sur. Binigyang tuon ng mananaliksik rito pagiintindi at pagkuha ng saloobin ng mga taong kanilang makakasalamuha gamit ang kakayahang sosyolingguwistiko upang matukoy ang pag-uugali sa paggamit o pagsasalita ng wika ng wikang Surigaonan at sa puntong ito ay masasabing nagkaroon sila ng pagkukulang ng basehan upang lubusan matukoy ang varayti ng wika sa probinsyang ito. Kung mas pinahalagahan o mas binigyang tuon nila ang pag-aaral sa kultura, tradition, at katutubong ninuno ay mas magiging malawak ang batayan sa pagtukas ng mga varayti sa wikang Surigaonon. Masasabi rin na magiging mabilis at mas mabisa ang pag-alam sa kung bakit malimit gamitin ang ponemang /J/ at /Y/ at ang katangiang ponolohikal nito. Kinakailangan rin na magkaroon pa ng muling pananaliksik upang maintindihan ang lahat ng katutubong sa wika sa bayan ng Surigao del Sur dahil nga sa kadahilanang mahirap o hindi madaling isama ang lahat ng mga varayti sa ibang munisipalidad dahil sa iba’t iba nga ang mga varayti o pagkakakilanlan na ginagamit rito. Mainam na magbigay pokus lamang sa isa o dalawang munisipalidad upang mas masuri ang bawat anggulo ng kanilang wikang katutubo. Sa pagsasagawa ng ibang pananaliksik at kung maubos ng maisaliksik ang bawat munisipalidad ng Surigao del Sur ay doon natin mas malalaman kung gaano kayaman ang varayti sa probinsyang ito na sa bawat munisipalidad ay may kaniya-kaniyang wikang pagkakakilanlan at masabing may mutual intelligibility na umiiral para sa lahat tungo sa kanilang pagkakaintindihan. Sa paglathala ng artikulong ito at sa patnugot na paggamit nito larangan ng edukasyon, ay kinakailangan na masundan sa madaling panahon ang pananaliksik na ito na nakapokus naman sa varayti ng wika sa ibang munisipalidad kagaya ng Surigaonon-Dinagat at Surigaonon-Kamayo upang lubusan ng mabigyan kasagutan ang mga tanong mula sa mambabasa hinggil sa gaano nga ba ka estandardisado ang wika sa probinsyang Surigao del Sur. Vl. Konklusyon: Sa pag-aaral at pagsusuri ng artikulong ito, masasabi namin bilang tagapagsuri na lubusan ang pagmamahal ng may akda sa wikang Filipino na ginawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya kahit mahirap man ang magiging hakbang at proseso sa pagkuha ng mahahalagang datos ay kaniya paring ipinagpatuloy sa pamamagitan ng mismong pagpunta sa lugar ng Surigao del Sur at makisalamuha sa mga taong nakatira doon nang sa gayon ay malaman niya ang mga varayti ng wika na umiiral dito at maipalam sa ibang pangkat ng tao o mambabasa ang pagiging mayaman ng wikang Surigaonon. Ang pag-aaral rin na ito ay lubusang napakahalaga at nagbigay ng malaking ambag upang mas lalong masaliksik at makilala ang pagiging mayaman ng wikang Filipino. Sa bansang ito na binubuo ng maraming isla na may kaniya-kaniyang katutubong wika na masasabing hindi pa lubos na natuklasan at nabigyan ng pananaliksik upang matukoy ang mga varayti na umiiral sa lugar na ito kaya’t sana ay may susunod na mananaliksik ang magbigay tuon sa ibang katutubong wika na hindi lubusang kilala upang mas mapaunlad natin ang wikang Pambansa na siyang tulay sa ating pagkakaintindihan at pagkakaisa. Wikang bumubuo sa lipunan at nagbibigay pag- asa sa pagsibol ng panibagong araw at pagmulat ng mga mata sa mga taong naiintidihan ang ating saloobin at nagbibigay ng magagandang salitang pang motibayson sa araw-araw. Sa pananaliksik rin na ito, makikita na nagkaroon ng malaking respeto ang mananaliksik sa wikang Surigaonon na kahit hindi man maintindihan sa una ang wikang sinasalita ng mga tao rito at may pagkakaiba sa kahulugan sa wikang Filipino ay iniwasan ang anumang panghuhusga at inintidi na lamang ito at naghintay ng ilang araw upang lubusan itong maunawaan. Respeto na siyang kinakailangan hindi lamang sa wika kundi pati narin sa pag-uugali at katutubong paniniwala. Alam naman natin na nasa lipunan tayo na anumang panghuhusga ay hindi maiiwasan dahil sa mga taong walang sapat na edukasyon at hindi alam ang kasabing iwasan ang anumang panglalait at panghuhusga sa iba sapagkat maaaring ang mismong sinasalita mo ay naglalarawan sa iyong pagkatao. Sa puntong ito, masasabi naming nakatulong ang pananaliksik na ito na maturuan ang mga mambabasa na palaging magbigay respeto sa wikang katutubo ng ibang probinsiya at huwag tumawa kahit paman iba ang pagpapakahulugan nito sa sariling wika sapagkat ang wika at varayti nito ay may iba’t ibang kahulugan na mismong nakakaalam lamang ay ang mga gumagamit nito. Sa kabuuan, napakaganda ng pananaliksik na ito at nagbigay buhay sa mga wikang katutubo na siyang nagpapaunlad sa wikang Filipino ng ating pinakamamahal na bansa. Bilang mamamayang Pilipino, lubos ang aming pasasalamat sa pagtaguyod ng pananaliksik na ito dahil hindi lamang wika ang nabigyang pagpapahalaga kundi ang mismong bansa natin sapagkat wika ang siyang bumubuo at nagsisilbing sandigan upang ang bawat isa ay magkaroon ng matatag sa samahan at relasyong hindi matitibag ninuman.