Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5

FILIPINO 9

IKALAWANG LINGGO– IKATLONG MARKAHAN

PARABULA

Ang talinghaga o parabula ay isang maikling kuwentong may aral na kalimitang hinahango mula sa
Bibliya. . Ito ay isang akdang pampanitikan na nasa anyong tuluyan. Ang parabola ay hango sa Greek word
na parabole na ang ibig sabihin ay maiksing sanaysay. Ang mga pangyayari sa akda ay maaaring maganap
sa totoong buhay ng tao. Ang mga aral na mapupulot dito ay nagsisilbing patnubay sa marangal na
pamumuhay ng mga tao. Ang mga mensahe sa parabula ay isinulat sa patalinghaga. Gumamit ito ng
simbolismo upang kumatawan sa malalim na paghahambing sa paglinang ng mensaheng nais ipaabot sa mga
mambabasa. Ito ay hindi lamang lumilinang ng mabuting asal na dapat nating taglayin kundi binubuo rin nito
ang ating moral at espirituwal na pagkatao.

Paraan ng Pagsulat ng Parabula

1. Isulat muna ang aral na magiging laman ng kuwento mo. Ito ang magiging pundasyon ng iyong
parabula.
2. Kilalanin kung sino ang magbabasa ng parabula. Mga bata ba? Kabataan o mga matatanda?
Pangkalahatan ba ito? O piling mga uri ng grupo lang ng mga tao? Kapag natukoy ang mga ito ay
makatutulong ito sa pag-unlad ng kuwento.
3. Maghanap ng iba pang ideya sa mga taong malapit o kakilala. Kung may naisip kang espirituwal na
konsepto, magbigay ka ng pagkakataon na nakikita ito sa araw-araw na pamumuhay. Bilang isang
indibidwal, paano mo nauunawaan ang aral? Maaari ka ring maghanap ng inspirasyon sa kalikasan o
kaya ay basahin ang ibang mga parabula.
4. Patuloy na ayusin at pagandahin ang kuwento. Gawin itong simple. Maaaring gumamit ng mga hayop o
kalikasan upang mailahad ang kuwento, maging malikhain.
5. Mas epektibo ang parabula kung ito ay maikli lamang.

GAWAIN BLG. 1
Pag-aralan ang isang salawikaing Italyano na nasa ibaba. Kung hindi man ito isang napakaikling parabula,
maituturing itong isang pangyayari sa isang parabula.

Sa pagtatapos ng laro, babalik sa parehong kahon ang hari at leon.

Panuto: Sa iyong sagutang papel, isulat ang S kung sang-ayon ka sa pahayag; T naman kung tutol.
1. May kani-kaniyang papel o tungkuling ginagampanan ang bawat tao.
2. Bawat isa sa atin, mamamatay.
3. Dapat hindi natin inaabuso ang posisyon na ipinagkatiwala o ipinagkaloob sa atin.
4. Kapag nasa ibabang posisyon ang isang tao, hindi niya dapat hinahayaan ang pang-aabuso ng mga
nasa mataas na posisyon.
5. Dapat manatiling mapagkumbaba ang isang tao kahit pa marami na siyang natamo sa buhay at mga
parangal na natanggap.

GAWAIN BLG. 2
Basahin at unawain ang buod ng isang kuwentong pambata (na maituturing na parabula) na malamang narinig
o nabasa mo na noong paslit ka pa na pinamagatang “Ang Bagong Damit ng Emperador”

Ang Bagong Damit ng Emperador

Noong unang panahon, may isang Emperor. Ubod siya nang yaman, pero hindi siya mabait na
tagapamahala. Wala siyang ibang inisip, kundi ang kanyang mga bagong damit. Araw-araw siyang may
bagong damit. Sabi nga ng iba, nagpapalit ang emperor ng damit, kada oras. GInagastos niya ang kanyang
yaman para bumili ng mga damit na may bagong modelo at estilo.
“Oy, Bago yata ang damit mo ngayon, ah.” “May bago ka bang ternong damit na isusuot bukas?”
“Ano ka, hindi naman ako Emperor para magkaroon ng damit araw-araw.”
“Oo, may mga pamilya kaming pinapakain. Hindi kami pwedeng maging maluho, tulad ng Emperor.
Wala siyang pakialam sa kanyang kaharian, sa mga tao at maging sa kanyang hukbo.”
“Napakasakim niyang tao!” Hindi naman maganda ang napili niyang damit, pero gusto niyang hangaan
natin siya. Pwede mo bang sabihin sa kanya yung totoo? Mapupugutan ka ng ulo kapag hindi mo nagustuhan
yung suot niya.”
“Oo, totoo nga iyan!”
Isang umaga, may dalawang manloloko na dumating sa kanilang kaharian. Nagkunwari silang gumawa
ng damit para sa ilang lalaki doon. Hindi nakikita ng mga tao ang mga damit, pero pilit na ipinagmamalaki ng
mga manloloko ang mga damit kaya naniwala na rin ang mga tao. At lagi pa nilang sinasabi na matatalino
lamang ang nakakikita ng damit na ginawa nila.
“Nasan ang damit ko?”
“Hindi mo ba ito nakikita? Ito hawak ko.”
“Wala, wala akong nakikita.”
“Naku po, isang mangmang na naman ang nakilala natin ngayon. Kami ang pinakamagaling na
mananahi sa buong mundo. Tanging matatalino lang ang nakakakita ng mga gawa namin at hindi mga hangal
na tulad mo! Maging matalino ka, para makita mo ang damit mo.”
“Aa, oo nga. Maganda nga siya.”
Hindi nagtagal, nakilala ang dalawa sa kaharian. Narinig ng Emperor ang tungkol sa ginagawa nilang
damit. Kaya nagpasya siyang magpagawa rin ng damit sa kanila.
“Papuntahin niyo sa palasyo ang dalawang mananahi!”
“Gusto kong gawan niyo ako ng bago kong damit.”
“Isang karangalan para sa amin, gawin yun. Gagawin naming ang pinaka magagandang disenyo para
sainyo, kamahalan. Tiyak, maiinggit ang lahat ng tao.”
“Pero kamahalan, alam mo bang kakaiba ang mga damit na ginagawa naming?”
“Ano yun?”
“Tanging mga gwapo at matatalino lang ang nakakakita ng mga gawa naming damit, at hindi ang mga
pangit at mangmang.”
Naisip ng Emperor na sa ganitong paraan malalaman niya kung sino sa kanyang mga tagapayo ang
hindi nababagay sa kanilang posisyon.
“Kailangan naming ng pinaka magagandang tela at sinulid na gawa sa seda.’
“Bigyan niyo kami ng panghabi at ilang araw para magawa ang pinakamagandang damit na maisusuot
niyo.”
Nagbigay ang Emperor ng maraming pera sa kanila at ini-utos sa mga kawal na huwag silang hayaan
na maistorbo sa kanilang trabaho. Tinago ng dalwang manloloko ang mga biniling materyales. HInanda ang
habian, at nagsimulang magpanggap na naghahabi sila. Natakot ang mga tagapayo ng Emperor nang
mabalitaan ang tungkol sa mga damit.
“Nakikita mo ba ang mga damit na tinatahi ng dalawa?”
“Nabalitaan ko, pero hindi ko nakikita.”
“Paano na kung hindi natin makita ang damit ng Emperor?” “Mawawalan tayo ng trabaho.”
Makalipas ang ilang araw, tinawag ng Emperor ang kanyang punong ministro para tingnan kung
malapit ng matapos ang kanyang mga bagong damit. Natakot ang punong ministro, ngunit sumunod na
lamang siya sa utos at pinuntahan ang dalawang mananahi. Habang papunta sa kwarto, inisip ng punong
ministro.
“Mapapahamak yata ako! Paano kung hindi ko makita ang mga bagong gawang damit, baka palayasin
ako ng dahil ditto ng Emperor.”
Pumasok ang Punong Ministro sa kwarto at nakita ang dalawang mananahi sa may habihan. Ngunit tila
wala silang telang hinahabi. Tumayo ang dalawa at pinakita sa Punong Ministro ang mga disenyo na kanilang
ginawa para sa Emperor. Ang totoo, wala silang hawak na damit. Ngunit napilitan ang Punong Ministro na
magandahan sa hawak nilang damit. Bumalik siya sa Emperor.
“Ano nagustuhan mo ba?”
“Maganda po, kamahalan! Maganda ang disenyo nila. Kahanga-hanga, tunay na maganda!”
Natuwa ang Emperor. Makaraan ang ilang araw, pinadala niya ang mga tagapayo para tingnan ang
mga mananahi. Pagdating nila sa silid. Pinakita ng dalawang mananahi ang mga bagong damit. At hinangaan
ang disenyong kanilang ginawa.
“Itong pinakamaganda naming gawa para lamang sa Emperor.” “Tingnan niyo, ang husay ng aming
pagkakagawa. Bagay na bagay ito sa kanya.’
Litong-lito ang dalawang tagapayo dahil wala naman silang nakikitang damit na hawak ng mananahi.
Lumapit sila sa Emperor na naguguluhan.
“Sabihin niyo, kumusta na ang mga bago kung damit?”
“Maganda po kamahalan. Ngayon lang ako nakakita ng ganun kagagandang damit buong buhay ko.”
“Yun na siguro ang pinakamaganda mong damit kamahalan.”
“Mabuti kung ganun. Itanong niyo kung kalian ito matatapos. Gusto kong makita bago ito pagkatapos.”
Nagtungo ang Emperor sa silid ng dalawang mananahi.
“Kumusta, kamahalan?”
“Tapos na ba ang trabaho niyo?” “Opo, kamahalan. Handa na ang bago niyong damit. Heto na po”
Pagkatapos, kinumpas nila ang kanilang mga kamay na tila may pinapakitang mga damit. Pinaliwanag
nila ang pagkakagawa ng mga bagong damit ng Emperor. Walang makita ang Emperor, kaya napaisip siya.
“Wala akong nakikita. Ibig bang sabihin hindi ako karapat-dapat na Emperor? Mawawala sa akin ang
aking trono.”
“Kamahalan, nagustuhan mo ba ang disenyong ginawa namin para sa iyong pulang palyo?”
“Aahh, eh, oo. Oo nga, maganda siya. Nagustuhan ko. Ngayon lang ako nakakita ng ganyang balabal.
Kailan matatapos ang aking bagong damit? Kasi gusto ko na silang masuot.”
“Dalawang araw na lang po, kamahalan!”
Binigyan sila ng dalawang araw ng Emperor saka umalis ito. Binabantayan sila ng ilang tao sa palasyo
habang patuloy sila sa pagtahi ng damit kahit walang sinulid sa karayom. Litong-litong lahat ng tao sa palasyo.
Kumalat sa buong bayan ang balita tungkol sa mga bagong damit ng Emperor. Sabik na sabik na makita ng
mga tao ang nababalitaang bagong damit ng Emperor. Paglipas ng Ilang araw, pinuntahan ng emperor ang
dalawang mananahi.
“Handa na ba ang mga bago kong damit?”
“Opo, Kamahalan. Magiging kaakit-akit ka kapag suot mo ang mga bago mong damit.”
Hinubad ng Emperor ang kanyang damit, at sinuot ang damit na gawa ng dalawang mananahi.
Pagkatapos agad tumingin ang Emperor sa salamin para makita ang kanyang bagong kasuotan.
“Wow! Ni hindi mo maramdaman ang tela dahil kasinggaan ito ng sapot ng gagamba.”
“Nagustuhan mo ba kamahalan?”
“O-oo. Oo nga. Napakaganda talaga nito.”
Dalawang alalay sa palasyo ang sumusunod sa kanya upang buhatin ang kunwari’y buntot ng damit
nang Emperor. Isang prosisyon ang isinagawa sa bayan at pumarada ang Emperor sa harap ng maraming tao.
Napansin ng lahat ng tao ang bagong damit ng Emperor at hinangaan siya ng lahat. Tuwang-tuwa naman ang
Emperor sa paghanga sa kanya ng mga tao. Nang makarating ang prosisyon sa may plaza sa gitna ng
siyudad, isang inosente at walang kamuwang-muwang na bata ang sumigaw.
“Wala siyang ibang suot maliban sa kanyang saluwal!”
“Oy, tumahimik ka.”
“Bakit naman kaibigan? Buti pa nga siya nagsasabi ng totoo, tayo hindi.”
“Sinasabi mo bang duwag ako at walang lakas ng loob?”
“Kung matapang ka, sabihin mo kung anong totoo mong nakikita.”
“Walang suot ang Emperor! Nakahubad siya!”
Gulat na gulat ang Emperor sa kanyang narinig. Ngunit mas kinagulat niya nang makita ang taong
bayan na pinagtatawanan at kinukutya ang kanyang kasuotan. Hiyang-hiya ang Emperador ngunit hindi siya
agad makaalis sa prosisyon. Napagtanto niyang naloko siya, at nagsinungaling ang mga tagapayo niyang
pumuri sa kanyang damit. Hindi niya pinansin ang tawanan at sigawan ng mga tao tungkol sa kanya. Sa halip,
taas noo siyang nagpatuloy sa paglalakad kasunod pa rin ang dalawa niyang alalay. Sa kanyang pagdaan ay
patuloy pa rin siyang pinagtatawanan ng mga tao.

Sagutin ang mga sumusunod na tanong:


1. Ano ang katangian ng pangunahing tauhan?
2. Magbigay ng mga pangyayari sa kuwento na maaari mong maiugnay sa tunay na pangyayari sa buhay
sa kasalukuyan
3. Sa palagay mo, ano ang pangunahing gustong ipaabot ng parabula sa buhay mo o sa buhay natin?
GAWAIN BLG. 3
Panuto: Isulat ang Totoo kung nangyayari sa tunay na buhay ang mga sinasabi ng pahayag; Hindi naman ang
isulat kapag malayong mangyari.
1. May dalawang klase ng tao: isang nanloloko, at isang nagpapaloko.
2. Iniisip madalas ng isang tao kung ano ang sasabihin tungkol sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan o
kakilala.
3. Sa maraming pagkakataon, pinaniniwalaan natin na nagsasabi ng tapat ang bata.
4. Minsan, pinaniniwalaan ng isang tao ang gusto niya lang paniwalaan.
5. Madalas, sinasabi natin sa iba ang gusto nilang marinig kahit hindi ito ang totoo.
6. Responsibilidad ng pinuno sa pamahalaan ang anomang katiwalian o korapsyon na nangyayari sa
gobyerno.
7. Isang pangangailangan ng tao ang makatanggap ng papuri o pagpapahalaga sa kaniyang hitsura,
angking kakayahan o mga nagawang buti.
8. May mga taong ang nabubuong desisyon ay kung ano ang nakikita o nalalaman niyang desisyon din ng
marami.
9. Napipilitan ang isang tao na magsinungaling, “sumipsip” o gumawa ng di-nararapat upang manatili sa
trabaho o bigyang-kasiyahan ang taong may mataas na posisyon.
10. Tutol man ang kalooban, napipilitan ang isang tao na sumang-ayon sa paniniwala o opinyon ng
marami, o gawin kung ano ang kanilang ginagawa

GAWAIN BLG. 4
Panuto: Punan ang talahanayan sa ibaba.

Sangkap ng Parabula Ang Bagong Damit ng Emperador


Mga Tauhan
Tagpuan
Problema o Sitwasyon
Mensahe o Aral

GAWAIN BLG 5
Panuto: Basahin at unawain ang dalawa pang halimbawa ng parabula. Kumpletuhin ang talahanayan sa ibaba.
Ang Dalawang Lobo

Minsan isang matandang Indian ang nagsabi sa kanyang apo:


Mayroong dalawang lobo na nakikipaglaban sa bawat tao. Ang isang lobo ay kumakatawan sa
kasamaan - inggit, panibugho, panghihinayang, pagkamakasarili, ambisyon, kasinungalingan. Ang isa pang
lobo ay kumakatawan sa kabutihan - kapayapaan, pag-ibig, pag-asa, paggalang, katotohanan, kabaitan,
katapatan.
Ang batang Indian ay nag-isip ng ilang sandali. Napasok sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa ang mga
salita ng kanyang lolo at pagkatapos ay nagtanong:
Aling lobo ang nanalo?
Isang mahinang ngiti ang dumampi sa mukha ng matandang Indian, at sumagot siya:
Ang lobo na iyong pinakain ay laging nagwaging…

Ang Mabuting Samaritano

Maraming inilahad na kuwento, o talinghaga si Hesus para ituro sa mga tao ang katotohanan
Isang araw isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Hesus kung ano ang dapat niyang gawin para
magtamo ng buhay na walang hanggan. Tinanong siya ng Tagapagligtas kung ano ang nakasaad sa mga
banal na kasulatan. Sinabi ng pinuno na dapat mahalin ng tao ang Diyos at mahalin din ang kanyang kapwa.
Sinabi ni Jesus na tama siya. Pagkatapos ay tinanong ng pinuno, “Sino ang aking kapuwa tao?”
Sinagot ni Jesus ang lalaki sa pamamagitan ng kuwento. Isang araw isang lalaking Judio ang
naglalakad sa kalsada sa bayan ng Jerico. Ninakawan siya at binugbog ng mga magnanakaw. Halos patay na
nang iwan nila ang lalaki sa kalsada.
Di naglaon dumaan ang isang saserdoteng Judio at nakita ang lalaki. Sa kabilang panig ng kalsada
dumaan ang saserdote. Hindi niya tinulungan ang lalaki.
Isa pang lalaking Judio na nagtatrabaho sa templo ang naparaan. Nakita niya ang sugatang lalaki. Pero hindi
rin niya tinulungan ang lalaki at sa kabilang panig ng kalsada dumaan.
Pagkatapos ay dumaan ang isang lalaking Samaritano. Hindi magkasundo ang mga Judio at
Samaritano. Pero nang makita ng Samaritano ang lalaki, naawa siya rito. Ginamot niya ang mga sugat ng
lalaki at dinamitan ito.
Dinala ng Samaritano ang lalaki sa isang bahay-tuluyan at inalagaan ito hanggang kinabukasan. Nang
paalis na ang Samaritano, binigyan niya ng pera ang bantay sa bahay-tuluyan at pinaalagaan dito ang lalaki.
Matapos itong ikuwento ni Jesus, tinanong Niya sa pinunong Judio kung sino sa tatlong lalaki ang
nakipagkapwa-tao sa sugatang lalaki.
Sinabi ng pinuno na ang Samaritano dahil tinulungan nito ang lalaki. Sinabi ni Jesus sa pinunong Judio
na tularan ang Samaritano.

PATUNAY NA NAGAGANAP SA
KASALUKUYAN (Maaaring
Pangyayari sa Parabula magbigay ng halimbawa ng
totoong nangyaring nasaksihan o
napanuod o naranasan.)
Ang Dalawang Lobo

Ang Mabuting Samaritano

Ang Bagong Damit ng Emperador

GAWAIN BLG 5
Panuto: Subukan mong bumuo ng isang parabula. Maaari mong sundin ang mga paraan sa pagbuo ng isang
parabula. Isulat ito sa iyong sagutang papel.

GAWAIN BLG 6
PANUTO: Basahin at unawaing mabuti ang bawat pangungusap sa ibaba. Lagyan ng tsek (/) kung ito ay naglalarawan sa
parabula at ekis (x) naman kung hindi. Gawing batayan sa pagsagot ang binasang parabula.
_____ 1. Ito ay isang akdang pampanitikan na nasa anyong tuluyan.
_____ 2. Ang mga tauhan sa parabula ay mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa katangian ng isang tao.
_____ 3. Ang mensahe ng akda ay isinulat sa patalinghagang pahayag.
_____ 4. May mga hindi kapani-paniwalang pangyayari ang kuwento dahil ang mga tauhan ay may taglay na
kapangyarihan.
_____ 5. Ang aral na mapupulot dito ay maaaring maging patnubay sa marangal na pamumuhay ng tao.
_____ 6. Ang akda ay nakatuon sa pagtalakay sa diyos at diyosa.
_____ 7. Gumamit ito ng simbolismo upang kumatawan sa malalim na paghahambing sa paglinang ng mensaheng nais
ipaabot sa mga mambabasa.
_____ 8. Ang mga pangyayari sa akda ay maaaring maganap sa totoong buhay ng tao.
_____ 9. Ang mga tauhan ay may umikot sa mga diwata, higante, sirena at iba pang makapangyarihang nilalang.
_____ 10. Ang akda ay nagpapakita ng labanan ng mga tauhan upang ipagtanggol ang mahal sa buhay laban sa mga
kaaway.

GAWAIN BLG 7.
PANUTO: Kumpletuhin ang mga pahayag sa ibaba upang lahatin ang natutuhan mo sa aralin.
Naunawaan ko na _______________________________________________________
Nabatid ko na ___________________________________________________________

You might also like