Mahigit dalawang milyong kaso, tatlumput-libong taong pumanaw.
Labing walong buwan ng desperasyon at hinagpis: Ang COVID 19 ay tila isang bulubundukin ng pagsubok para sa pangkaraniwang Pilipino, at isang pangyayaring magmamarka sa kasaysayan ng bansa.
Ika-25 pa lamang ng Marso ay nawalan na ng trabaho si nanay.
Samantalang ang tatay ko naman ay wala talagang trabaho; siya’y isang maybahay bagamat lalaki. Hindi na namin alam no’n kung saan kami kukuha ng ipanggagagastos sa araw-araw. Bukod doon, sangkaterba ang utang ni nanay sa pautang ng iba’t-ibang kaibigan niya, kaya’t wala na sa pamimilian ang umutang muli.
Kay sakit maranasan ang paghihirap bahid ng isang pangyayaring
wala sa ating kontrol. Kay sakit makita ang aking mga kaibigan na samu’t-saring pagbebenta ang pinapasok para lamang makakain. Kay sakit makita ang aking mga magulang na uuwing sawi galing sa pagbebenta ng kung anumang nakaya nila para sa araw na ‘yon. Ngunit sa kabila ng aming munting mundo, makikita sa balita na ang mga malalaking korporasyon ay patuloy na yumayaman sa ilalim ng pandemya. Ang mga mahihirap ay lalong naghirap, ang mga mayayaman ay lalong yumaman. Ang mundo ay hindi patas.
Pagsapit ng Agosto ay kinuha na ako ni ate at pinag-aral sa
siyudad. Binili niya ako ng lahat ng aking kailangan upang makapag-aral, sa kapalit na naubos ang lahat ng kanyang pinag-ipunan. Lubos ang pasasalamat ko dahil ako ay nabigyan ng oportunidad upang makapagtapos. Gayunpaman, naisip ko ang aking mga kaibigan sa probinsya na walang kahit sinong masasandalan.
Ako ay isang pangkaraniwang bata lamang, galing sa isang normal
na probinsya at sa isang tipikal na pamilya. Ngunit naniniwala ako na may halaga ang aking karanasan sa ilalim ng pandemyang ito. Huwag tayong mahiyang magkwento at magbigayan ng saloobin; bagamat ang kasaysayan ay sinusulat ng makapangyarihan, ang nagsisilbing tinta ay dugo ng sambayanan.