Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 12

Pangalan: Justine Mark C.

Quiambao Petsa: Pebrero 5, 2022


Baitang at Seksyon: 9 – Tangerine
Ang Prinsesang Abusado

Kilala sa buong kagubatan ang pamilyang tupa na ito. Bukod doon ay sila rin ang
pinakamayaman at pinakamaimpluwensiyang pamilya sa kanilang lugar. Ito ang dahilan para sa
kanila ipagkatiwala at ibigay ang kaharian ng Sheeparia.
Mabait ang hari at reyna na tupa, pero hindi talaga nila mawari kung saan nagmana ang
kanilang anak na si Prinsesa Shepia. Bukod sa suplada ito, abusada rin ito sa katotohanan na siya
ang prinsesa sa kaharian nila, dahilan para pilit siyang sundin at tingalain ng mga tao sa kanilang
kaharian.
Isang maaraw na tanghaling tapat sa kanilang kaharian, dahil sa sobrang lugmot niya sa
kanyang silid ay naisipan niyang magkulay ng kanyang kuko. “Prinsesa Shepia ano po ang gusto
niyo?”, napatigil sa pagkukulay ng kuko si Shepia dahil sa may biglaang nagsalita.
Nilingon niya ang nagsalita at nakita ang unggoy na tagapagsilbi. Sa kanyang isipan ay
nilalait na niya ng palihim ang munting unggoy. Maliit na bersyon ang nasa harapan niya
ngayon, habang malalaking uri naman ang kanilang mga tagapagbantay. Wala siyang oras para
alamin ang tawag sa kanila at isa pa ay wala naman siyang pakialam.
Napaisip siya sa kanyang gusto at doon niya napagtanto na oras na pala para sa
tanghalian, kaya kailangan na niyang kumain. “Pakikuha ako ng makakain.”, striktang ani niya
dahilan para kaagad tumalima ang tagapagsilbi.
Sa mismong kwarto niya gustong kumain, palibhasa maraming ginagawa ang kanyang
mga magulang na kahit sabayan siya nitong kumain ay hindi nila magawa. At isa pa ay ayos
lamang iyon para sa kaniya dahil malaki at kumpleto naman ang mga gamit sa kwarto niya, kaya
tuloy naiisip niya na lahat ng mamamayan ng kanilang palasyo ay kinaiingitan siya at
pinagpapantasyahan ang buhay na mayroon siya. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na walang
pwedeng makinabang ng mga yaman na ito kung hindi siyang nag – iisang anak lamang.
Dumaan ang ilang Segundo at kaagad na nakarating ng mabilis ang unggoy, hingal na
hingal pa ito dahil sa sobrang pagmamadali. “Napakabagal mo!”, nagulat ang ilang tagasilbi na
nasa gilid lang ng silid, hindi nila mawari kung may bibilis pa ba sa segundo. “Sa susunod na
maulit ito ipapatanggal ko ang lahat ng nakatanim na saging sa buong mundo at papalitan ko ng
sama ng loob. Maliwanag ba?”, tanong ni Prinsesa Shepia. “Opo, Mahal na prinsesa.”,
nakayukong ani ng kabado at kawawang tagapag – silbi.
Lumipas ang mga araw, palagi lamang nasa sariling kwarto si Prinsesa Shepia, wala
naman kasi siyang magawa kung hindi ang libangin ang sarili, bukod doon wala rin siyang
kaibigan. Hindi sa gusto niya na magkaroon ng kaibigan, ayaw lang talaga niya sa mga taong ang
habol lamang sa kanya ay ang kanyang kayamanan. Bukod doon ay isa siyang prinsesa, dapat
siyang lumayo sa mga hindi niya ka – uri, dapat ay maging kapantay muna nila ang mga
hinahanap niya sa isang tao.
Nakatambay lamang siya sa kanyang bintana. Nakikita niya ang buong kaharian mula sa
palasyo nila, nasa pinakataas kasi ang kanyang kwarto. Sobrang saya ng mga taong nakikita
niya. Ang iba ay namimili sa pamilihan habang ang iba naman ay masayang nagtatakbuhan at
naglalaro sa malawak na palayan. Dahil sa ilang sandalling pagmamasid, naisipan niyang
lumabas ng kanilang palasyo.
Bibihirang makita ng mga mamamayan ng Sheeparia lumabas ang prinsesa. Kaya sa oras
na makita nila itong mayabang na naglalakad papalabas sa entrada ng palasyo ay kaagaran silang
naghahanda. Kilala sa pagiging mataray at masama ang ugali si Shepia. Wala namang magawa
ang iba dahil bukod sa mahirap sila, malaki rin ang naitulong ng mga magulang nito sa lahat ng
nakatira sa kanilang lugar.
“Naku! Nandiyan na ang prinsesa.”
“Ano na naman kaya ang balak niyang gawin?”
“Dapat nagkulong na lang siya sa kanyang magarbong silid. Puro kasamaan lang naman
ang dulot niya sa tuwing lumalabas siya.”
“Bakit kaya ganyan ang Prinsesa? Malayong malayo sa ugali ng kanyang mga
magulang.”
“Magandang batang tupa, ngunit ubod ng sama ng ugali.”
Gaano man nila piliting hinaan ang kanilang mga boses ay hindi pa rin iyon nakaligtas sa
mga tenga ng prinsesa. Pinili niyang pumirmi at magmukhang istrikta kahit sa loob – loob niya
ay gusto na niyang sigawan ang lahat. Taas noong naglalakad ang prinsesa sa kahabaan ng
pamilihan ng Sheeparia. Kasama niya ang tagapagsilbi na unggoy at sampung kawal para
bantayan siya. Patuloy lang siyang naglalakad habang pinapasadahan ng tingin ang paligid nang
dumapo ang tingin niya sa mag – anak may tindang mga prutas.
Tumaas ang isang kilay niya.
Kasalukuyang sinusuklayan ng pusang ina ang anak nitong kuting na tumatawa dahil sa
mga biro ng kuya nito. Para may dumaloy na kakaibang damdamin sa kanyang puso dahilan para
lapitan niya ang mga ito. “Bagong ani ba ang mga prutas na iyan?”, napatigil sa ginagawa ang
tatlong pusa. Tiningnan nila kung sino ang nagsalita at halos mamula ang kanilang mga mukha
sa kaba.
“Mahal na prinsesa…”, mahinang bati ng inang pusa bago yumukod sa kanyang harapan.
“Inuulit ko, bagong ani ba ang mga prutas na ito?”, matigas na ani niya, kaagad namang
tumango ang tinderang pusa.
“Opo Mahal na prinsesa. Kaming dalawa po ng aking lalaking anak ang pumitas niyan sa
aming bakuran.”, nakangiting ani nito.
Sa isip – isipan ni Shepia ay naiinis na siya, bakit ba nginingitian siya ng tatlong pusa na
ito. Sanay siyang peke ang ngiti na ibinbigay sa kanya. Pero ang pamilyang ito, napakatotoo.
“Ganoon ba?”, kumuha ng isang mansanas si Shepia, mas lalo pang napangiti ang tatlo
nang tikman niya ito.
Sa isip ng prinsesa “Tingnan lang natin kung makakangiti pa kayo sa gagawin ko.”
Kaagad na bumagsak sa lupa ang prinsesa, halos lahat ng nakakita ay napasigaw,
kabilang na roon ang mag – inang tindera. Kaagad na nagkagulo sa pamilihan, dali – daling
binuhat ng mga kawal ang prinsesang nawalan ng malay habang ang iba naman ay pinagsisira at
pinagtatapon ang mga paninda ng mag – ina dahil sa pag – aakalang may lason ang kanilang mga
prutas. Matapos ay dinakip nila ang inang pusang hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.
Napangiti sa kanyang isipan si Shepia, lalo na nang makitang nagkakagulo ang lahat at
umiiyak ang kuting na nangingiti lamang kanina.
“Bakit mo ginawa iyon, Shepia? Hindi ka namin pinalaki para maging ganyan.”
Pakiramdam ko ako na ang pinakamasama sa buong mundo. Galit nag alit sa akin ngayon
si Ina, habang si Ama naman ay nasa gilid lamang at malalim ang iniisip, nalaman na kasi nila
ang nagawa ko.
“Mabuti na lamang at nagawa ka pa rin nilang patawarin. Magpasalamat ka at may mga
hayop pang katulad nila.”, napayuko ako.
Napatawad? Nagpapatawa ba sila. Halata namang na nagpapanggap lamang sila na
napatawad ako. Baka may hiniling lang sila sa aking magulang kaya mabilis magpatawad. Tama
nga lang ang ginawa ko sa kanila.
“Nakikinig ka ba Shepia?”, muling sigaw ni Ina kaya kaagad naman akong tumango bago
sumagot.
“Opo Ina.”
“Sumusobra ka na talaga. Hindi naman kami nagkulang sa pagpapaalala sayo Shepia.
Lahat ng gusto mo nabibigay namin. Napakaswerte mo roon pa lamang at hindi lahat ng tao ay
tulad mo. Hindi lahat ng tao kayang magtimpi diyan sa ugali mo. Sana maintindihan mo Shepia.”
Napakagat ako sa aking labi. Ibang – iba talaga si Ina sa ibang Reyna. Kung sila ay
elegante at mahinhin, ang aking Ina naman ay parang dragon, nakakatakot.
“Patawad po Ina.”, sinabi ko na lang para matapos na dahil inaantok na ako.
“Patawad?”, napatingin ako sa kanya.
“Opo Ina. Patawad. May mali ba roon?”
“Hindi sa lahat ng oras madadala ng patawad ang lahat.”
“Ano pong ibig sabihin niyo Ina?”
Kinakabahan ako, masama ang pakiramdam ko rito. Itsura pa lamang ni Ina ay
nahihinuha ko na ang gusto niyang mangyari.
“Gusto kong patirahin ka sa bahay ng mga nagawan mo ng kalokohan.”
Nagulat ako sa kanyang sinabi. Pati ang antok ko ay mawala.
“Po? Pero In---”
“Walang pero pero. Tapos ang usapan Shepia. Sana madala ka na.”, inis na sabi niya
bago galit na umalis.
Kaagad kong nilapitan si Ama, pero inilingan niya lang ako. Senyales na wala na akong
magagawa kung hindi ang sumunod na lamang.

“Bahay ba talaga ito? Mukhang imbakan ng mga daga.”, kaagad akong napatakip sa
aking bibig nang masabi ang aking nasa isipan.
Napatingin ako sa paligid, at nakita ko ang nanlilisik na mata ni Ina habang si Ama
naman ay halatang nahihiya na sa nasabi kong hindi ko naman sinasadya.
“Pagpasensyahan mo na Mahal na prinsesa kung ganito lamang ang aming tahanan.”,
napataas ang kilay ko sa lalaking pusang nagsalita, halatang puno ng sarkasmo ang kanyang
sinabi.
“Ayos lang…..”, sinubukan kong magmukhang mabait nang sa gayon ay matauhan na si
Ina at iuwi na ako sa palasyo. Hindi ko na kaya ang mga nakikita ko. Tingnan ko pa lang ang
kanilang tahanan nangangati na ako, hindi ko kaya ang ganito. Ang aking mga balat ay dapat
lamang sa mamahaling bagay at hind isa mga ganito.

“Patawad muli sa nagawa ng aking anak. Bilang parusa, gusto kong ituro niyo sa kanya
ang mga bagay na hindi niya pa nararanasan, ang mga bagay na kung saan ay nahihirapan kayo.
Sa gayon ay matutunan niya ang mga paghihirap niyo para lang makakain sa araw – araw.”
Nagulat ako sa sinabi ni Ina. Pero hindi pa siya tapos.
“Hindi ako magagalit kung umuwi man siya sa aming tahanan na putol na ang isang paa,
at puro kalyo na ang mga kamay. Ngunit lubos kong ipanghihinayangan kung umuwi man siyang
walang aral na natutunan.”. Ani ni Ina sa kaharap niyang pusang ina na kaagad naman siyang
tinanguan.
Marami pa silang pinag – usapan habang ako naman ay hindi pa rin makapaniwala.
Putol ang isang paa? Puro kalyo ang kamay? Hindi ba alam ni Ina kung paano ko
iniingatan ang aking kamay? Halos araw – araw ako nagpapalinis ng mga kuko. Hindi ko nga
hinahawakan ang mga bagay na wala sa milyon ang halaga. Gusto kong sumigaw at pagsisipain
ang lahat. Ampon lang ba ako? Bakit ganito si Ina sa akin?
Hanggang sa matapos silang mag – usap at tuluyan nang nakalapit sa akin ang aking mga
magulang ay nakasimangot pa rin ako. Hindi ko pa rin matanggap ang ginawa nila sa akin.
“Shepia anak, magpakabait ka ha? Sinabihan ko na sila na sa oras na may narinig silang
reklamo mula sa iyo ay paluhurin ka sa asin o sa kahit ano pang paraan. Gusto kong iparanas
sayo ang mga bagay na nabigo akong sabihin at ipangaral. Patawad anak, ngunit sana ay
maintindihan mo. Hindi man ngayon pero kapag natutunan mo na ang lahat.” Mahabang sinabi
ni Ina na mas lalo ko lang kinainis.
“Mahal na reyna, maraming maraming salamat po. Kami na po ang bahala sa inyong
anak. Makakasiguro po kayong ligtas siya sa aking puder.” Nakangiti nitong ani bago samahan
sila Ina at Ama pabalik sa karwahe.
Nakakuyom ang aking mga kamao.
“Aalis na nga talaga sila. Iiwanan na nga talaga nila ako sa mga basurang ito. Sige
lang, iwan niyo na nga ako rito. Pagkatapos hinding hindi niyo na ako makikita pang muli.
Ina… Ama… masama ang loob ko sa inyo.”
“Putol ang paa…. Hindi sila magagalit.” Nasa gitna ako ng pag – iisip nang may
nagsalita sa gilid ko. Inis akong lumingon sa mokong na kanina pa ako nginingisian at inaasar.
Nasa tabi ko lang siya kaya kaagad akong lumayo. Baka kasi mamaya ay may sakit pa siya.
“Ano? Bakit? Ano iyang itsura mo?” Inis kong tugon sa sinabi niya para kasing may
binabalak na masama.
“Ano itong itsura ko?” Tanong niya na siya namang ikinakunot ng aking noo. Hindi niya
ba alam kung gaano kasuka – suka ang kanyang mukha.
“Ang iyong mukha ay parang mukha ng isang elemento.” Gusto kong isigaw iyon sa
buong mundo, ngunit mas pinili ko na lang na manahimik. Baka kasi mamaya ay isumbong pa
niya ako, mukha pa naman siyang sumbongero.
“Ang ganitong itsura ay itsurang kinababaliwan Mahal na prinsesa.” Ngingisi – ngising
ani niya bago ako talikuran.
Nasa batas na bawal talikuran ang mga maharlika. Ngunit sino ba naman ang
makakapagreklamo kung napatigalgal ka na lang sa kahanginan ng lalaking iyon.

Unang gabi ko sa mukhang kwarda ng mga kabayong bahay na ito. At masasabi kong
NAPAKALALA.
Tama nga ang hinala ko, sobrang nangangati ako. Sobrang daming insekto sa loob ng
bahay nila. Wala pa silang hanginan at nagtitiis lamang sila sa pamaypay. Iisa lang ang kanilang
ulam at kaunti rin ng pagkain at mga gamit nila. Tapos pinagkamay pa nila ako sa tanghaliaan at
pinakain ng gulay. Tandaan, sa sahig lang kami kumain. Tapos kailangan ko pang mag – igib
para lang makaligo. Ang liit – liit pa ng kanilang palikuran. Tapos akala ko makakapagpahinga
na ako ng maayos ngunit hindi. Halos sumakit ang likod ko sa tigas ng sahig at katabi ko pang
matulog ang pesteng pamilyang ito.
Ayoko na. Suko na ako. Napakahirap, hindi ko na kaya. Ito na ang pinakamahirap na
nangyari sa aking buhay. Akala ko ang pagbabasa lamang ang pinakamahirap sa buong mundo
ngunit hindi. Dahil sa sobrang galit at kawalan na ng pakialam kahit magalit pa sa akin ang aking
mga magulang ay dahan – dahan akong tumayo sa pagkakahiga. Napakadilim ng paligid at nasa
kakahuyan pa ang kanilang tahanan. Napakatahimik ng lugar, bagay na gustong gusto ko ngunit
kahit gaano pa man katahimik ang kanilang lugar hindi ko na talaga kayang manatili pa rito.
Bukod doon tahimik lang naman ang maganda rito at wala nang espesyal pa kaya aalis na talaga
ako.
Kung ang pagtakas ang una at huling solusyon handa akong gawin iyon. Kahit ikagalit pa
ng aking mga magulang.

Isa lang din naman akong bata. Naghahangad ng kalinga, kung hindi nila nakikita ang
mga mabuti at paghihirap ko dati makasama lang ang mga magulang ko ay hindi ko na iyon
problema. Ang mahalaga sa akin ay magkaroon lang sila ng oras ay ayos na. Pero imposible ata
iyon, dahil kailangan ko pang gumawa ng kahit anong kalokohan para hanapin nila ako, para
umuwi lamang sila galing sa paglalakbay, para lang pagtuunan nila ako ng pansin. Kahit pa
sermon lang ang nakukuha ko. Ngunit dahil sa kagustuhan kong mabigyan ng oras,
napangalanan akong masama.
“Nakakatakot dito. Baka mamaya ay may gumagalang elemento na rito.” Reklamo ko
habang patuloy na naglalakad sa kagubatan.
Hindi ko na alam kung nasaan ako, basta ang alam ko lang ay ilang minnuto na akong
naglalakbay sa kahabaan ng dilim. Kung pwede ko lang kausapin ang kwago na nakita ko kanina
ay ginawa ko na kaso isa ata ito sa mga may galit sa akin.
Iiyak na sana ako sa kawalan ng pag – asa dahil halata namang naliligaw na ako kaso
naalala ko na maganda pala ako. Kaya tinamad na akong umiyak. Sa ngayon ay wala pa namang
kakaibang nangyayari pero maya maya lang ay may narinig na akong naninitsit.
Nagsimula na akong kabahan at pagpawisan. Hindi ko alam kung ano iyon. Hayop ba
iyon? Masama ba iyon? Parang tinatawag nito ang atensyon ko. Narinig ko uli ang paninitsit
kaya nagsimula na akong tumakbo dahil natatakot na talaga ako. Ano ba iyon? Mapahamak ba
ang bagay na iyon? Kung oo ay hindi niya ba alam na isa akong prinsesa?
Hala! baka bihagin ako ng bagay na iyon at humingi ng kapalit sa aking mga magulang.
Dahil sa naisip ay mas binilisan ko pa ang pagtakbo hanggang sa bigla na lang akong nahulog sa
kung saan. Nahulog ako sa kalagitnaan ng madilim na gabi. Dahan dahan akong umupo dahil
pakiramdam ko ay napilayan ako. Matapos makahinga ng malalim ay sinimulan ko nang ilibot
ang aking paningin ngunit napasigaw din sa nakita.
PUNONG PUNO AKO NG PUTIK!
Pero mas lalo pa akong natakot nang makitang nahulog ako sa isang hukay. Nahulog ako
sa isang butas na sigurado akong ginawa para maging patibong. Hindi ko alam ang gagawin ang
lalim nito. Tapos ang dilim pa, baka isang lobo o oso ang may gawa nito.
Hindi maaari, ayoko pang mamatay!
Sinubukan kong umakyat kaso umulan ata kanina kaya mabilis akong dumausdos pababa.
Habang nakaupo at punong – puno ng putik ang aking damit ay hindi ko mapigilang mapaiyak.
Kung bakit ba naman kasi hindi ako nag – ingat….
Kung bakit ba naman kasi umalis pa ako…
Siguro mas mabuti na sana iyon kaysa rito na hindi ko alam kung ano ang pwedeng
mangyari sa akin.
Punong puno ako ng pagsisisi. Iyak ako ng iyak at nawawalan na ng pag – asa hanggang
sa hindi ko namalayan na ang isang maarteng katulad ko ay nakatulog na sa hukay na puno ng
putik.
“Prinsesa Shepia gumising na po kayo. Nandito na po kami.”
Dahan – dahan kong binuksan ang aking mga mata nang madinig ang pagtawag sa aking
pangalan. Ngunit bahagya pa akong napapikit dahil ang sinag ng araw ang unang sumalubong sa
akin. Nabuhayan ako ng loob nang makita ang mga pusa. Nandito sila at ililigtas nila ako.
“Tumayo ka na diyan, Mahal na prinsesa. Kunin mo ang lubid at hihilahin ka namin.”
Napatingin ako sa lalaking pusa na iyon, hindi na nang – aasar ang tono ng pananalita niya.
Seryoso na iyon na bahagyang ko.
Sinunod ko ang utos niya na siya namang ikinagulat ko. Ayokong inuutusan ako at
ikakapahamak nila iyon kapag inutusan nila ang isang prinsesang katulad ko. Pero ngayon, hindi
ko alam marahil ay nasa gitna ako ng kapahamakan kaya wala akong magawa kung hindi ang
sumunod at magpahila sa kakaiba niyang lakas.
Matapos kong tuluyang makaakyat mula sa hukay ay bigla na lamang akong napayuko.
Ngayon lang pumasok sa aking isipan ang ginawa nila. Hindi naman kasi ako ganoon kasama
para maging manhid at sakim.
“Ayos ka lang?” Nag – angat ako ng tingin sa kanya nang tanungin niya ako, seryoso pa
rin siya kaya napaiwas ako ng tingin. Bagay na hindi ko pa nagagawa kahit kanino.
“O-Oo..S-salam….at..” Nakita kong ang bahagya niyang pagkamot. Pero sa huli ay
tinanguan niya na lang ako at binuhat na ang kapatid niyang kuting para magsimulang maglakad.
Kaya agad akong humabol.
“May tanong ako…: Nakayuko pa ring ani ko habang sinasabayan ang bawat paglakad
niya. Nahihiya kasi talaga ako, lalong lalo na at natuyo na ang putik sa aking puting balahibo at
engrandeng bistida.
“Ano po iyon, Mahal na prinsesa?” Nandoon na naman ang sarkastikong tono niya.
Hindi ko na lang iyon pinansin dahil may utang na loob ako sa kanya, ibig kong sabihin
ay sa kanila ng kapatid niya.
“Bakit iniligtas niya pa rin ako kahit na alam kong ayaw niyo sa akin?”
Pwede naman kasi nila akong iwanan, pwede rin nila akong ipagtabuyan, ngunit bakit
nandito sila at pinapatuloy pa ako ng may ngiti sa kanilang tirahan?
Sa pagkakataong ito ay huminto na siya sa paglalakad, tumingin pa siya sa akin bago
nagsalita.
“Pagtatama Mahal na prinsesa, ako lang ang may ayaw sa iyo. Ang aking nakakabatang
kapatid at si Ina ay ni kahit kalian ay hindi nagkaroon ng anumang galit at pagka disgusto sa
iyo.”
Bahagyang nanlaki ang aking mga mata. Matigas ang isipan ko na walang hayop ang
may ganyang kabaitan. Sa utak – utak ko ay nagdududa pa rin ako, ngunit may maliit na bagay
na nagsasabi sa akin na hindi naman lahat ng hayop ay pare – parehas.
Hindi lahat ng hayop ay kagaya ko na….
Masama.
“At ano nga ang sabi mo? Bakit iniligtas kita, Mahal na prinsesa?” Nakita ko ang
pagsupil ng isang maliit na ngisi sa kanya. “Kaalaman, Mahal na prinsesa. Napipilitan lamang
ako.” Mayabang na ani niya dahilan para manlaki ang aking mga mata.
Nakagat ko ang aking labi dahil sa panggigigil. Lalo na nang magsimula na naman siyang
maglakad at may balak pa atang iwanan ako. Sa isip – isipan ko ay isa akong malaking tanga
para umasa sa lalaking ito.
Pagkadating namin sa kanilang tahanan ay halos maglaway ako nang makitang
nakahanda na ang mga pagkain sa kanilang sahig. May mga prutas at gulay doon. Mayroon ding
isang malaking inihaw na isda. Bahagya akong natakam sa nakita.
“Mahal na prinsesa, lubos mo kaming pinag – alala. Saan po kayo napadpad? Ayos ka
lang ba?” Bahagya akong napayuko nang lapitan ako ng kanilang Ina, sinuri pa ako nito na
parang nag – aalala. Bagay na matagal ko nang hinahangad.
“Ayos lang po ako.” Nakayukong ani ko, nahihiya pa rin sa bagay na hindi nakasanayan.
Tumango lang siya, ngunit ang sunod niyang ginawa ay aking lubos na ikinagulat.
Niyakap niya ako.
Tila natuod ako sa sariling kinatatayuan. Sinimulan niya na akong alalayan papunta sa
kanilang maliit na sala ngunit hindi pa rin ako makabawi. Tahimik lang ako habang
pinagmamasdan sila.
Lubos na madaldal ang batang kuting, madami itong kwento habang nasa harap ng hapag
kainan. Habang ang ina naman nito ay may mayamang na ngiti habang nakikinig sa kanyang
anak. At syempre, ang kuya nitong inaasar siya paminsan minsan o hindi kaya naman ay
sinasalakay ng kiliti ang nakababatang babaeng kapatid.
Lubos akong namamangha sa nakikita.
Akala ko hinding hindi ko mararamdaman o mararanasan man lang ang salitang inggit, ni
kahit kanino man. Ngunit narito ako, lubos na naghahangad ng pamilyang katulad nila,
pamilyang maubos man lahat ng bagay sa kanilang paligid basta’t magkakasama lang sila ay
walang imposible para sumaya.
Kaya pala….
Kaya pala nagawa ko iyon…..
Naiinggit ako simula una pa lang.

Madami na akong nadidinig na masasakit na salita simula bata pa lang ako, sinasabi na
napakatabil ng aking bibig, pasaway, abusado at masyadong mapagmataas, hanggang isang araw
nawalan na lang ako ng pakialam gaano man kasakit ang kanilang mga salita. Palagi nilang
ipinamumukha sa akin na hindi ako nararapat sa kung ano ang kinakatayuan ko dahil ganoon
ako, na dahil nakagawa ako ng masama ay hindi na ako pwedeng magbago, na hanggang dito na
lang ako.
Aaminin ko halos lahat ng sinasabi at binabato nila sa akin ay totoo, alam ko sa sarili ko
na marami akong nagawang masama. Pero matatanggap pa kaya nila ako kapag sinimulan kong
magbago?
Hindi ko alam kung bakit nasasabi ko ang mga bagay na hirap na hirap akong sabihin
noon, pero habang tumtagal ako sa lugar na ito, tila nagigising ako sa matagal na bangungot na
ako rin mismo ang may gawa.
Mabilis na dumaan ang mga araw, ganoon pa rin naman ang mga nangyayari. Gigising
para tingnan an mga pananim, para diligan ang mga pananim at maghihintay na lang habang
pinagmamasdan ang tahimik na kagubatan at ang masarap sa tenga na huni ng mga ibon
hanggang sa tawagin na para sa umagahan. Paminsan – minsan ay tumutulong ako sa
paghahanda pero palagi ay hindi dahil madalas ay pumapalpak ako sa gawaing hindi ko
kinamulatan.
Pero kahit ganoon ay handa pa rin naman akong matuto. Sana nga lang ay handa ring
magtimpi ang lalaking iyon. Dahil doon naatasan akong taga dilig na lang ng mga halaman at
bulaklak sa bakuran, ayon lang naman daw ang maayos kong nagagawa sabi pa nang nakakainis
na lalaki na iyon.
At hindi lang iyon, sinabi pa niya sa akin na huwag ko naman daw pairalin ang
pagpapanggap kong mahinhin para makatakas sa gawain. Nakakainis na ang lalaking pusa na
iyon.
Kung hindi lang ako sabik na sabik na umuwi at kung alam ko lang ang lugar papauwi ay
hindi ko na pagtyatyagaan ang nakakasurang mukha niya. Mabuti na lang at kahit papaano ay
gumagaan ang pakiramdam ko kapag nakikita kong may nangyayari sa mga dinidiligan ko.
Kakaiba ang panahon ngayon, kay lakas ng hangin at bagsik ng ulan. Ang ganitong
panahon ay napakakomportable para sa akin noong nasa palasyo pa ako. Pero habang nakatayo
sa gilid at pinagmamasdan ang nagkakagulong pamilya dahil sa dami ng tulo ng kanilang bubong
ay matagal akong napaisip. Sa kabila ng paghilata at pahiga higa ko roon sa aking
komportableng silid ay mayroong pamilya na nahihirapan sa lagay na ito.

Hindi man naibigay sa akin ng aking pamilya ang oras na hinihingi ay nabigyan naman
nila ako ng komportable at maayos na buhay. Wala pala akong karapatang magreklamo dahil ang
totoo hindi ako marunong makuntento at magpasalamat.
“Nay! Kuya! Natatakot po ako.” Hinila ko papalapit sa akin ang batang kuting nang
makitang may ginagawa ang dalawa.
Umiiyak na ito dahil sa takot sa kidlat at lakas ng ulan. Halos wala na nga akong makita
sa labas, hindi kami naabisuhan na may paparating palang bagyo.
“Huwag kang mag – aalala. Nandito ako.” Hindi ako komportable sa ganitong sitwasyon,
pero dahil naaawa ako sa kanya ay pinilit kong sabihin at gawin iyon.
Naramdaman ko ang pagtango at paghigpit ng yakap niya sa akin. Napahinga ako ng
malalim bago muling magsalita.
“Huwag ka nang matakot….Ano nga pala pangalan mo?” Tanong ko sa kaniya. Sa
hinaba haba ng oras at araw, ni hindi ko man lang naisipang tanungin ang kanilang mga
pangalan.
“Kaity po Ate Shepia.”
Lumipas ang ilang oras na pag – ulan. Nakaupo lang kaming tatlo sa gilid habang ang
kanilang ina naman ay nasa kusina at nagluluto ng sabaw para raw kami ay mainitan. Halos
mabasa kasi kami sa lakas ng ulan, mabuti na lang at napunasan na ang sahig at nalagyan na din
ng timba ang kusang saan mang may tulo.
Naghapunan kami ng tahimik at malalim ang iniisip, hanggang sa dumating ang hindi ko
inaasahang mangyayari sa kinabukasan.
“Nasira nag lahat ng itinanim natin, Ina.”
Umaga iyon nang sabay -sabay kaming lumabas ng bahay. Siguradong mahimbing pa
akong natutulog sa ganitong kaagang oras pero dahil nasanay na ay mas maaga pa ako sa tilaok
ng manok.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman, nang tingnan ko ang pamilya nakita ko lang
ang tango ng kanilang Ina na prang sanay na sa nangyari. Ilang minuto pa kaming nandoon
hanggang sa bumuntong hininga ang ginang.
“Tara na’t mag almusal muna tayo. Mahirap problemahin ang problema kapag wala pang
laman ang ating tiyan.” Nakangiti nitong ani sa amin bago naglakad papunta sa kanilang tahanan.
Nakagat ko ang aking labi. Dali dali kong nilapitan ang lalaking pusang susunod na sana
sa kanyang kapatid at ina.
“Sandali!” Nakita ko ang pagkunot noo niya bago tumingin sa akin. “Bakit?”
“Ano ang gagawin natin? Nasira ang mga pananim. Naghirap ako para roon, sayang ang
puyat at ang paggising ko ng maaga. Babalik na naman ba tayo sa umpisa------?” Napatigil ako
sa pagsigaw nang makita ang pagdaan ng inis sa kanyang mga mata.
“Kung makapagsabi ka ng ganyan ay parang apektadong – apektado ka?” Natigilan ako
sa kanyang sinabi.
Ang boses niya ay punong puno ng hinanakit.
“Diba nga kaya ka nandito ay dahil itinapon mo lang naman ang mga paninda naming
inutang pa namin maitanim lang. Ang pagod namin napunta lang sa wala. Tapos baon na naman
kami sa utang. Kung nandito ka lang para magreklamo at dumagdag sa papakainin ay pupwede
ka nang umalis Mahal na prinsesa.”
“Patawa---”
“Hindi ka namin kailangan dito.” Pagpigil niya sa nais kong sabihin. Natigilan ako sa
narinig. Lalo na sa mga titig na ibinigay niya sa akin bago siya umalis sa aking harapan. Matapos
mawala sa aking paningin ay doon ako napakagat ng madiin sa aking labi. Napaisip ako at
napayuko.
Sa ilang araw ko rito hindi pa pala sapat ang lahat, na hindi pa rin pala nila ako
napapatawad, maaaring ang mag – ina ay oo pero siya? Hindi. Asa pa akong magagawa niya
iyon. Galit na galit siya sa akin, sa sobrang sama ko ba naman. Sino ang hindi maasiwa?
Napakitindi ko at nagawa ko pang tumira rito sa kabila ng nagawa ko, ni kahit isang
pagsisisi ay hindi ako nakitaan. Parang wala lang sa akin ang aking nagawa sa pamilyang ito.
Simula nang umagang iyon ay sinimulan kong itama ang aking mga nagawa. Huli man ako ang
mahalaga ay nalaman ko ang mga maling nagawa.
Pinunasan ko ang pawis na labis ang pagtulo. Hindi ko alam na ganito pala kahirap
magbungkal at magtanim lalong – lalo na kung ikaw lang mag – isa ang gumagawa. Hindi kasi
ako sumama sa umagahan, ang alam lang nila ay naglilibot – libot lang ako riyan sa tabi – tabi,
pero ang totoo ay pumunta ako sa kanilang hardin at nagsimulang magtanim muli.
Mabilis kasi akong matuto kaya alam ko agad ito, sadyang mahirap lang sa aking ang
paggawa nito mismo, nakakawala pala siya ng kaluluwa lalo na sa matinding init pagkatapos ng
bagyo.
“Jusmiyo, anong ginagawa mo riyan Mahal na prinsesa?”
Pumatak na ang oras ng hapon nang makita nila ako rito sa kanilang hardin, nagmamadali
pang lumapit sa akin ang ginang at tinanggal sa aking kamay ang hawak hawak ng pangbungkal.
Pero tagumpay na ngiti lang ang aking naisukli dahil tapos na ako sa pagtatanim bago pa man
sila makarating.
“Grabe Ate Shepia. Ikaw na po ang aking bagong idolo. Nagawa mo po iyon ng mag –
isa?” Napangiti ako sa malakas na sinabi ni Kaity. Punong puno ng paghanga ang kaniyang mga
mata.
“Opo, bebe Kaity. Kaya kung gusto mong maging katulad ko, maganda na at sobrang
galing pa dapat ay kumain ka pa ng madaming gulay.” Pang – uuto ko sa bata kahit ang totoo
naman ay walang hihigit sa akin.

Halos dilaan ko sa pang – aasar ang manong na manok dahil tulog pa siya nang magising
ako. May gusto kasi akong gawin at magagawa ko lang iyon ng walang humahadlang kapag
nauna akong magising sa lahat.
Sinimulan kong ihanda ang mga kailangan bago hinalo halo ang mga sangkap. Balak ko
kasing gumawa ng banana cake para sa kanila. Ito lang kasi ang kaya kong gawin noong nasa
palasyo pa ako kaya dito ako sobrang kumpyansa. Medyo nahirapan pa ako sa pagpapaapoy sa
lutuan dahil noong gumagawa ako nito, lahat ay nakahanda na. Ayos lang din naman sa akin, ang
saya nga kasi may bago akong natutunan, lalong lalo na at sinusubukang kong tulungan ang
aking sarili.
Abot mata ang aking ngiti nang makita at matikman kung gaano kasarap at kaganda ang
aking ginawa. Sobrang ipinagmamalaki ko ang aking sarili pero hindi pa ako tapos. Sinimulan
kong magluto ng umagahan para sa amin, nakakatuwa lang dahil nagawa ko iyon nang hindi
pumapalpak.
Pagkatapos ay niligpit ko ang aking mga kalat, nagwalis pa nga ako sa bakuran, tapos ay
nadiligan ko na rin ang mga pananim. Kaya naman nang magising sila ay hindi ko mapigilang
mapangiti.
“Ikaw ba talaga ang may gawa nito Mahal na prinsesa?” Hindi makapaniwalang ani ng
ginang nang makita ang mga pagkain sa hapag – kainan. Sino nga ba naman ang maniniwalang
nagawa ko ito? Kahit ako ay hindi rin ako makapaniwala.
“Shepia na lang po.. Aling?”
“Ina na lang din. Ipinagmamalaki kita Shepia, napakahusay mong prinsesa.” Napakagat
ako sa aking labi, ni hindi ko nga namalayan na napatingin na pala ako sa lalaking pusa na iyon
habang nanglalaki ang aking mga mata. Pero halos dinaig ko pa ang tarsier nang makitang
sinuklian niya ako ng isang tipid na ngiti.
“Tara na’t kumain, Sabik na sabik na akong matikman ang iyong mga hinain.” Napahinto
ako sa pagkabigla nang magsimula na silang magsi – upo para kumain.
Hindi ko mapagiling mapangiti muli bago ipagmalaki sa kanila ang mga niluto ko.
Hapon iyon nang maisipan kong maupo sa mahabang kahoy na bangko sa kanilang
bakuran. Kulay kahel na ang langit, sumabay pa ang malamig na ihip ng hangin sa ganda ng
tanawin. Malalim akong nag – iisip nang maramdaman kong may umupo sa aking tabi. Nakita
ko ang lalaking pusa nakatingin din sa papalubog nang araw.
“Patawad sa aking mga nasabi kahapon. Ako’y nadala lamang ng aking galit, ngunit kahit
ganoon dapat ay pinigilan ko lamang sanang pairalin ito.” Napangiti ako.
“Ayos lang ako nga dapat ang humingi ng tawad.” Naglabas ako ng malalim na hininga
bago seryosong tumingin sa kanya.
“Patawad sa lahat ng aking nagawa, patawad kung nasaktan ko kayo. Ito lang ang kaya
kong gawin para ipakita sa inyo ang pagsisi ko, kaya kahit sana kaunti ay naramdaman ninyo. At
saka hindi na ako magpapaliwanag, kasi magmumukha lang akong ewan kung pipilitin kong
ipaintindi ang bagay na mahirap intindihin… pati nagawa ko na ang nagawa ko, kaya kailangan
ko na lang gawin ngayon ay bumawi.”
Seryoso lang din siyang nakatingin sa akin nang binalik ko ang tingin sa kanya, ngumiti
ako ng bahagya bago muling magsalita.
“Hinding hindi ko kayo makakalimutan. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga taong
nagpakita sa aking kung papaano muling tumayo. Sana lang ay maalala niyo pa rin ako
pagdating ng panahon kahit isang batang puro sakit na lang ang hatid.”
Sinulit ko ang mga oras na makakasama ko pa sila, bumawi ako sa mga nagawa kong
kasalanan sa kanila. Dahil pagpatak na pagpatak palang ng araw kinabukasan ay kailangan ko
nang umalis. Hindi ko lubos maisip na mahihirapan akong iwan ang lugar na kinasasabikan kong
lisanin simula ng ako’y dumating dito. Bigla kong gustong humakbang papaatras na ayaw ko na
atang
umalis pa rito, napamahal na ako sa kanila. Ang minsang hindi ko matanaw na magiging
tirahan ay siya na ngayong ayaw kong iwan.
Pero gawa nga ng pag – ikot nang mundo, hinding hindi ito hihinto para sa akin. Ang
kaya ko na lang gawin ay tanawin ang bahay na naging tuluyan ko sa mahigit isang linggo
kasama ang mga taong lubos kong minahal gaano man kaunti at saglit ang napagsamahan.
Hindi man siguradong napatawad na nila ako, nahuli man o nauna, ang mahalaga ay
sinubukan kong itama ang aking mga nagawa nang buong puso at walang sama ng loob. Kahit
paghingi lang ng tawad ang magawa, na kahit hindi ko na kayang ibalik ang nagawa. Maipakita
ko lamang sa kanila na ako’y nagsisisi sa lahat ng nangyari ayos na.

You might also like