Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

PANAHON NG MGA ESPANYOL

Pagkatapos ng mga katutubo, ang mga Kastila naman ang nandayuhan sa Pilipinas.
Layunin nilang ikintal sa isip at puso ng mga katutubo ang Kristiyanismo. Ayon sa mga Espanyol,
nasa kalagayang “barbariko, di sibilisado at pagano” noon ang mga katutubo noong kung kaya’t
dapat lamang nilang gawing sibilisado ang mga ito sa pamamagitan ng kanilang
pananampalataya. Ngunit naging malaking usapin ang wikang gagamitin sa pagpapalawak ng
Kristiyanismo. Naniniwala ang mga Espanyol noong mga panahong iyon na mas mabisa ang
paggamit ng katutubong wika sa pagpapatahimik sa mamamayan kaysa sa libong sundalong
Espanyol. Ang pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas ay naging katumbas na ng
pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Ang mga prayleng Espanyol ang siyang naging institusyon ng
mga Pilipino. Upang maisakatuparan ang kanilang layunin, inuna nila ang paghahati ng mga isla
ng mga pamayanan. Nakita nila na mahirap palaganapin ang relihiyon, patahimikin at gawing
masunurin ang mga Pilipino kung ilang prayle lang ang mangangasiwa. Ang pamayanan ay
pinaghati-hati sa apat na orden ng misyonerong Espanyol na pagkaraa’y naging lima. Ang mga
ordeng ito ay ang Agustino, Pransiskano, Dominiko, Heswita at Rekoleto.
Ang paghahati ng pamayanan ay nagkaroon ng malaking epekto sa pakikipagtalastasan
ng mga katutubo. Nang sakupin ng mga Espanyol ang mga katutubo, mayroon na ang mga itong
sariling wikang ginagamit sa pakikipag-usap at pakikipagkalakalan, ngunit pinigil nila. Sa loob ng
maraming taon, sinikil nila ang kalayaan ng mga katutubong makipagkalakalan sa ibang lugar
upang hindi na rin nila magamit ang wikang katutubo.
Upang mas maging epektibo ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo, ang mga misyonerong
Espanyol mismo ang nag-aral ng mga wikang katutubo. Nabatid nilang sa pagpapalaganap ng
kanilang relihiyon mas magiging kapani-paniwala at mas mabisa kung ang mismong banyaga ang
nagsasalita ng wikang katutubo. Dahil dito ang mga prayle ay nagsulat ng mga diksyonaryo at
aklat-panggramatika, katekismo at kumpesyonal para mas mapabilis ang pagkatuto nila ng
katutubong wika.
Nasa kamay ng mga misyonerong nasa ilalim ng pamamahala ng simbahan ang edukasyon
ng mamamayan noong panahon ng mga Espanyol. Naging usapin ang wikang panturong
gagamitin sa mga Pilipino. Iniutos ng Hari na gamitin ang wikang katutubo sa pagtuturo ngunit
hindi naman ito nasunod. Nagmungkahi naman si Gobernador Tello na turuan ang mga Indio ng
wikang Espanyol. Sina Carlos I at Felipe II naman ay naniniwalang kailangang maging billingguwal
ng mga Pilipino. Iminungkahi naman ni Carlos I na ituro ang Doctrina Christiana gamit ang wikang
Espanyol. Sa huli napalapit ang mga katutubo sa mga prayle dahil sa wikang katutubo ang ginamit
nila samantalang napalayo naman sa pamahalaan dahil sa wikang Espanyol ang gamit nila.
Muling inulit ni Haring Felipe II ang utos tungkol sa pagtuturo ng wikang Espanyol sa lahat
ng katutubo noong ika-2 ng Marso 1634. Nabigo ang nabanggit na kautusan kaya si Carlos II ay
lumagda ng isang dekrito na inuulit ang probisyon ng nabanggit na kautusan. Nagtakda rin siya
ng parusa para sa mga hindi susunod dito. Noong Disyembre 29, 1672, si Carlos IV ay lumagda sa
isa pang dekrito na nag-uutos na gamitin ang wikang Espanyol sa lahat ng paaralang itatatag sa
pamayanan ng mga Indio.

You might also like