Intro Agrikultura

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

INTRODUKSYON

Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga impormasyon at kinakaharap na suliranin ng

agrikultura sa Pilipinas. Matatalakay rin dito ang sektor ng agrikultura lalo na ang pagsasaka,

ang ambag nito sa ekonomiya at kalagayan nito sa ating bansa. 

Rasyunal

Ang agrikultura ay ang pagpaparami ng mga hayop at pagtatanim para sa kanilang mga

karne at iba pang mga hilaw na materyales na ginagamit para sa paggawa ng mga produkto.

Ayon kay Carlo (2019), ang agrikultura ay nanggaling sa salitang latin na “agri” na ibig sabihin

ay “lupa” at “cultura” na nangangahulugan naman na “paglilinang o pagsasanay”.  Sa madaling

salita, ito ay tumutukoy sa paglilinang ng lupa. Sinasabi na ang agrikultura ay nabuo humigit-

kumulang 10,000 taon na ang nakalipas nang ang mga tao ay natuto at nagsimulang mag-alaga

ng hayop at magtanim ng mga halaman para mabuhay. Sinasabi na ang agrikultura ang isa sa

nagpapatakbo at bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas dahil dito nanggagaling ang

pangunahing pagkain ng bansa at ang mga hilaw na materyales na ginagamit sa produksiyon.

Bukod pa rito, pinapalooban ang agrikultura ng iba’t ibang sektor gaya na lamang ng sektor ng

paghahayupan, pangingisda, paggugubat at ang pagsasaka, na pagtutuunan ng pansin sa

pananaliksik na ito.

Base sa heograpiya ng bansang Pilipinas, humigit kumulang na 7, 100 na isla ang

bumubuo rito. Dahil sa lawak at dami ng mga lupain, napabilang ang Pilipinas sa mga bansang

agrikultural. Tunay na ang lupa dito ay angkop sa pagsasaka dahil sa matabang kalupaan nito

at tropikal na klima, kung kaya’t ito ang naging pangunahing industriya at hanapbuhay sa

bansa. Sa katunayan, pansiyam ang Pilipinas sa labindalawang bansang umaani ng palay sa

buong mundo. Bukod sa palay, mayaman rin ang bansang pilipinas sa mga pananim tulad na

lang ng niyog, asukal, mais at iba pa. Ang bahaging Gitnang Luzon ay tinaguriang Kamalig ng

Bigas ng Pilipinas na nangunguna sa produksyon ng palay dahil sa kapatagan nitong may


matabang lupa, at sagana sa ulan. Ayon sa Philippine Statistics Authority (2004), noong 2002

ay naitala na ang bahagi ng Gitnang Luzon ay may 341.5 libong mga sakahan ang nakarehistro

para magamit sa pang-agrikultura, kung saan sakop nito ang 552.1 libong ektarya.

Samakatuwid, ang kabuuang lupang pang-agrikultura ng Gitnang Luzon ay binubuo ng 25.6

porsyento ng kabuuang lawak ng lupain ng rehiyon.

Napakahalaga ng pagsasaka sa buhay ng nakakarami dahil dito nanggagaling ang mga

pagkain ng ating lipunan. Kung walang magsasaka, paano na lang ang ating pangangailangan

sa araw araw? Tandaan na ang mga bigas, prutas, gulay at ang marami pang produkto na

nanggagaling dahil sa pagsasaka ay importante sa kabuhayan ng ating bansa dahil ang mga

produkto ay naipabibili sa mga mamamayan at pati na rin nai-export sa ibang bansa na

nakatutulong sa kabuoang ekonomiya ng ating bansa. Ngunit sa kasamaang palad, habang

tumatagal ay hindi na ito nabibigyan ng pansin sa Pilipinas at patuloy na napapabayaan kaya sa

panahon ngayon, bumababa ang ekonomiya ng bansa. Ayon sa Magsasaka at Siyentipiko para

sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG, 2020), sa pagputok ng pandemya ay malaki ang

naging epekto nito sa kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayang Pilipino at inilantad ng

krisis na ito ang matinding suliranin ng Pilipinas sa agrikultura lalong lalo na sa pagsasaka.

Ang pananaliksik na ito ay pumapatungkol sa agrikultura, lalo’t higit sa sektor ng

pagsasaka. Napili ito ng mga mananaliksik na pagtuunan ng pansin at talakayin upang

malaman ang tunay na kalagayan nito at ang epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas para sa

pambansang kaunlaran. Sa pananaliksik na ito ay tatalakayin kung bakit mas kailangan bigyan

ng pansin at pahalagahan ang pagsasaka sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas, at bakit

kailangan pagyabungin ang kaalaman tungo sa malawakang pag-unlad. Naniniwala ang mga

mananaliksik na mahalagang talakayin ang paksang ito sapagkat isa ito sa susi upang mas

mapaangat ang ekonomiya ng Pilipinas at makamit ang minimithing pambansang kaunlaran.


Impormasyon at Kahalagahan ng Agrikultura

Ang agrikultura ay isang agham at sining na may kinalaman sa pagpaparami at pag-

aalaga ng mga hayop at mga tanim o halaman. May kaugnayan ito sa lahat ng gawain na

sangkot ang mga hayop at halaman. Dagdag pa rito, kinapapalooban ito ng mga sektor tulad ng

paghahayupan na kung saan ay nag-aalaga ng mga hayop kagaya na lamang ng kalabaw,

baka, kambing, baboy, manok, pato, atbp. Naglalayon ito na mapunan ang pangangailangan ng

komunidad sa karne at iba pang pagkaing may kinalaman sa hayop. Isa pa’y pagtotroso na

kung saan ay pumuputol ng puno para sa mga tabla, plywood at ibang kagamitan. Bukod pa rito

ay ang pagsasaka na nagtatanim ng iba’t ibang pananim tulad ng palay, mais, saging at iba

pang mga pananim na kung saan ang mga magsasaka ay may malaking gampanin. At ang

pangingisda na kung saan ay humuhuli ng mga lamang dagat upang pagkakitaan.

Ang sektor ng agrikultura ay isang mahalagang tagapagtaguyod ng ekonomiya ng isang

bansa at napakalawak ng kontribusyon nito bansa at sa mamamayang nakatira dito. Sa

katunayan, tinaguriang “backbone of the economy” ang agrikultura sapagkat marami ang

nakasalalay dito. Halimbawa na lang nito ay ang mga ineexport ng agrikulturang produkto na

naging isang mahalagang aspeto at patuloy na ginagampanan ang malaking papel sa paglago

ng ekonomiya. Binigyan nito ang bansa ng malaking pagpasok ng kita mula sa mga na eksport

na agrikulturang produkto mula sa foreign exchange at iba pang aktibidad sa loob at labas ng

bansa (Senate of the Philippines, 2012). Dito rin nagmumula ang pangunahing pagkain at

kabuhayan ng mga mamayan. Dahil nga sa lawak ng kalupaan, at katubigan, napakaraming

maaaring itanim at alagaang hayop na pinaka pinagkukunan ng supply ng pagkain para sa

bawat mamamayang Pilipino. Bukod pa rito, dahil  marami sa mga Pilipino ang hindi

nakapagtapos ng pag-aaral, ang sektor na ito ang pangunahing nagkakaloob ng hanapbuhay.

Batay sa Statista Research Department (2021), tumaas ang bilang ng mga naghahanapbuhay

sa sektor ng agrikultura mula 22.2% noong 2019, hanggang 24.8% noong 2020. Sa sektor na
ito rin nagmumula ang mga hilaw na sangkap mula sa kabukiran, karagatan, at kagubatan na

maaaring gamitin sa produksiyon. Samakatuwid, sa tulong ng agrikultura na itinuturing na isang

matibay na sandigan ng bayan ay maiaangat ang ekonomiya ng isang bansa, at makakamit ang

hinahangad na pambansang kaunlaran.

Mga Suliraning kinakaharap ng Sektor ng Agrikultura

Habang umuunlad ang mundo, mabilis na nangyayari ang modernisasyon at

teknolohikal na pag-unlad. Nangyayari rin ang mga mabilisang pag-unlad sa sektor ng

agrikultura na nagdudulot ng mga biglaang pagbabago at suliranin. Malaki ang ginagampanang

papel ng pamahalaan at mamamayan sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura dahil sila ang

namamahala at nanunungkulan sa bawat aspeto nito. Ayon kay Meijerink at Roza (2007), ang

pamahalaan ang madalas tumutugon sa mga kalakal patungkol sa mga produktong agrikultural

at nagpoproseso sa mga produktong pagkain sa pamamagitan ng paglikha ng mga parastatals

(mga lupon ng marketing, mga kooperatiba na kontrolado ng pamahalaan at mga yunit ng

pagproseso ng parastatal). Sinasalamin nito na nagsisimula ang pagunlad at mga desisyon sa

pamahalaan, mga desiyon at panukala na maaaring tumugon at masolusyunan ang mga

suliraning kinakaharap at haharapin ng sektor ng agrikultura sa bansa.

Hindi maikakaila na maraming suliranin ang kinakaharap ng sektor ng agrikultura lalo na

sa pagsasaka. Maraming taon narin ang lumilipas pero parehas parin ang dinadaing ng mga

magsasakang Pilipino. Makikita sa kanilang mga hinanaing ang mga problemang nais na

masolusyunan ay matagal na panahon na nilang nararanasan. Halimbawa na lang nito ay hindi

sapat na irigasyon, kaunting suporta para sa research and development, mababang farm

mechanization at hindi sapat na postharvest facility, at hindi kumpletong pagpapatupad ng

programa sa repormang agraryo (Brown, Decena,& Ebora, 2018). Bukod pa rito, ang mga

lupain na dapat ay ginagamit bilang sakahan o taniman ay nagamit ng sektor ng pabahay at

industriya. Dahil sa paglago ng iba pang sektor ay nasasakop din nito ang mga bagay na dapat

ay para lang sa sektor ng agrikultura katulad ng mga lupain para sa pagsasaka. Isama narin
ang epekto ng polusyon sa lupaing agrikultural kung saan naapektuhan nito ang kalidad ng lupa

at mga tanim na halaman gaya ng prutas at gulay

Ang Pagsasaka sa Sektor ng Agrikultura at ang Kalagayan nito sa Bansa

Sa kabila na ang agrikultura ang siyang pinagmumulan ng supply ng pagkain,

nagbibigay ng pangkabuhayan sa mga mamamayang Pilipino, pinagmumulan ng mga hilaw na

sangkap, at tinuturing na malaking parte sa pag-angat ng ekonomiya, tila onti-onti pa din itong

nababalewala at hindi na napapahalagahan, partikular na ang pagsasaka. Ang pagsasaka ay

isa sa  sektor ng agrikultura. Ito ay isang gawain na nakatuon sa pagtatanim ng iba’t ibang uri

ng halaman at pananim. Dito nagmumula ang pangunahing pagkain ng ating bansa tulad ng

bigas, mais, gulay, prutas at iba pang mga pananim. Sa pagsasaka nagmumula ang mga

sangkap at materyales na kakailanganin ng industriya upang magamit sa paggawa ng mga

produkto at iba pang gawain upang maisakatuparan ng sektor ng industriya ang kanyang

gampanin.

Ayon kay Paunlagui (2002), ang agrikultura ay may gampaning mahalaga sa bansang

Pilipinas sapagkat ang ambag nito ay may pamantayang 20 porsyento sa Gross Domestic

Product (GDP) ng bansa. Ang kinalabasang ito ay pangunahing nagmumula sa mga

agribusiness. Sumatutal, humigit-kumulang 70 porsyento ang resulta ng agricultural output. Sa

madaling salita, sa patuloy na pagbalewala sa pagsasaka, sa pagbaba ng ekonomiya na

matatamo ng isang bansa. At malinaw na sa bansang Pilipinas, hindi gaanong napagtutuunan

ng pansin ng pamahalaan ang mga suliranin sa pagsasaka partikular na ang mga makabagong

kagamitan at teknolohiya na dapat ilaan dito, mga gastusin sa pagsasaka, at iba pang problema

sa sektor na ito.

Ayon kay Ernesto, et. al. (2018) mula sa Food and Fertilizer Technology Center for the

Asian and Pacific Region, ang matagal nang mga hamon na humahadlang sa produktibidad ay
kinabibilangan ng limitadong paggamit sa kredito at insurance sa agrikultura, mababang

mekanisasyon ng sakahan at hindi sapat na pasilidad ng postharvest, hindi sapat na irigasyon,

kakaunting suporta para sa pananaliksik at pagpapaunlad, mahinang serbisyo sa extension,

hindi kumpletong pagpapatupad ng programa sa repormang agraryo, at matatandang

magsasaka. Mayroon ding limitadong koneksyon sa pagitan ng mga lugar ng produksyon at

mga merkado, at mahinang pagsunod sa mga pamantayan ng produkto na nagreresulta sa

mababang kompetisyon. Dagdag pa rito, ayon naman kay Ben Tulfo (2015), ang kakulangan sa

irigasyon ang matagal nang problema ng bansa. Dagdag pa niya, taun-taon ay bilyones ang

nasasayang sa sektor ng agrikultura at ang pangunahing napipinsala ay ang mga mahihirap at

kumakalam na sikmura ng mga magsasaka. Ang pagsasaka ay hindi nabibigyan ng tamang

atensyon kaya naman walang maayos na patubig, subsidiyang binhi, mga pataba or fertilizer, at

magagandang ani. Bukod dito, ayon sa sa artikulo na isinulat ni Etolle (2010), ang grupo ng

mga magsasaka ay nananawagan sa gobyerno na taasan ang pondo ng Department of

Agriculture nang sa ganon ay makabili sila ng maraming punla, pataba, at mga pasilidad sa

irigasyon.

Ang mga nabanggit sa itaas ay ang mga naobserbahan at nahanap na impormasyon ng

mga mananaliksik patungkol sa kalagayan ng pagsasaka sa ating bansa. Sumatutal, malinaw

na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagkakaroon ng suliranin sa pagsasaka na hindi

naaaksyunan ng pamahalaan. Nakalulungkot na dahil sa hindi pagbibigay ng atensyon ng

pamahalaan dito, mas napapabayaan ang pagsasaka sa ating bansa at maglaon ay mag-

aangkat na lamang tayo ng bigas sa ibang bansa na kung saan ay perang bilyones ang halaga

at napupunta ito sa palad ng mga dayuhan na dapat ay para sa ating mga magsasaka. Sa

pagtagal ng panahon at hindi pa rin ito maresolba, maaari itong magdulot ng pagbaba ng

ekonomiya na makakaapekto nang lubusan sa bansang Pilipinas.

You might also like