Pitong Pag

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

PITONG PAG-IBIG NG TAO

Ni: Jose Villa Panganiban

Tanging PAG-IBIG lamang ang damdaming nag-aakay sa taong gumawa ng


kabutihan para sa kaligayahan ng kapwa, kapayapaan at kasaganaan ng Inang
Bayan, at higit sa lahat para sa kaluwalhatian ng Panginoong Diyos.

Naniniwala ako sa Pag-ibig, wastong pag-ibig sa sarili at sa buhay na bigay sa


akin ng Diyos (…Dapat koi tong pagbutihin upang maibalik na malinis sa Kanya),
pag-ibig sa kapwa-tao na nilikha ng Diyos gaya ng pagkalikha sa akin, -pag-ibig sa
pamilya na ipinahintulot ng Diyos na maging akin (…Tungkulin kong akayin ang
pamilyang ito upang maging karapat-dapat sa langit), -pag-ibig sa mga paaralang
aking pinasukan at kinatutuhan ng kagandahan ng daigdig na bigay ng Diyos sa tao,
-pag-ibig sa Simbahang nagparamdam sa akin ng kabathalaan ng Diyos at
nagpakilala sa akin ng Kanyang kapangyarihan at pagkamaawain, -pag-ibig sa
Inang Bayang pinili ng Diyos na kakitaan ko ng unang liwanag upang mahalin,
dangalin at ipagtanggol, -at pag-ibig sa Diyos na rin na batis ng lahat ng pag-ibig.
Naniniwala ako sa kalayaang umibig, sa unawang ang pag-ibig-tao ay
kumakatawan sa kabutihan, kawanggawa, pagpapatawad, pagpapaumanhin,
karangalan, katarungan at katotohanan, at hindi nagpapahintulot sa ano mang uri
ng poot o inggit. Naniniwala akong ang karunungan o katalinuhan man ay hindi
garantiya ng kabutihan kung hindi kasama ng pagpapakatao, pagpapakasakit at
pagbibigay-loob sa iba.
Naniniwala akong tayo ay malaya sa paggawa ng mabuti lamang at kailanman
ay hindi maaraing maging malaya sa paggawa ng masama. Ang pamahalaan ng
mga batas, samakatwid, ay hindi dapat pairaling nagpipigil sa mabuti na gumawa ng
mabuti at hindi rin dapat magbigay daan sa masamang budhi at mainggitin na
makapagpahamak o makapag-intriga laban sa mababait at mararangal. Karaniwang
mangyayari na kahit libu-libong tao ang nakatira sa isang bayan, isang tulisan
lamang ang mandambong, buong bayan ang magugulo.
Naniniwala ako sa pagkakasakit na mabuhay sa kapuspusan ng katalinuhan,
ng kalinisang-budhi, ng hangad na maging mabuti at makapagpabuti sa iba, habang
nagpupumilit na mapangibabawan ang pagkawalang-kaya ng isip at katawan sa
pamamagitan ng pag-aaral at pagsasanay, at sa ngalan ng pag-ibig, nabuhay na
nakikipaglaban sa silakbo ng sariling katamaran, kahinaan sa mga tukso o
pagkamainggitin sa kapalaran ng iba. Ang pagkakamali, samakatwid, ay karapat-
dapat ihanap ng paumanhin at ihingi ng kapatawaran.
Naniniwala ako na ang kabutihan, karangalan at katotohanan ay may luklukang
trono sa daigdig na ito. Subalit sa palibot ng pook ng daigdig na iyong kinalalagyan,
ang mga tao ay may iba’t ibang uri ng hangarin, kaisipan, damdamin at
kapangyarihan. Kung may magpapahamak o mamiminsala sa iyo, sinasadya man o
hindi, ang ginagawa niya, sa ganang akala niya ay makatwiran o kailangan. Kapag
ganito, ako ay naniniwalang lalong mabuti ang magpatawad at manahimik kaysa
makipagtunggalian sa pagtitiwalang ang kabutihan ay maghahari sa wakas, kahit
animo’y napakatagal bago sumapit ang paghaharing ito at ang pagkainip ay halos
magpawindang na sa iyong dibdib.
Naniniwala ako na ang masamang gawi ay dapat tugunin ng kagandahang-
loob. Ang kasamaan ay madaling masawata sa ganitong paraan. At sa paano
naman, ang walang hangad na masama ay mahimbing matulog.
Naniniwala ako sa pagkamatapat sa kapwa, pagkamapagpakundangan sa mga
katutubong kahigtan, pagkamasigasig sa kapakanan ng sambayanan, at
pagkamapagtanggol at mapagmahal sa Lupang Tinubuan.
Naniniwala akong katungkulang mahigpit ng isang mabuti at may pinag-aralang
mamamamayan ang maghangad at laging magtaguyod sa kapayapaan, kaunlaran
at kasaganaan ng mga bagay na pakikinabangan ng pangkat na kinabibilangan at
ng buong bayan., kahit kailanganin ang paglulubog ng sariling kapakanan at aliw.
Naniniwala ako na ang bawat tao’y dapat na may ubos-kayang tinatangkilik at
itinataguyod na kilusang pambansa, kahit ito’y iisa, na magbubunga ng pagkakaisa,
kaayusan, kaligayahan, karangalan at kalayaan ng sambayanan. Isang
kasalukuyang nangangailangan ng tangkilik at taguyod ng mabubuting mamamayan
ay ang kilusang hinggil sa Wikang Pambansang Filipino.
Naniniwala ako na ang mabuting mamamayan ay dapat magpanatiling may
ginaganap na proyektong ukol sa kabutihang pangmadla, upang huwag matukso sa
mga gawain walang kawawaan at walang kapakinabangan.
Naniniwala ako sa kabisaan ng panalangin bilang patnubay sa kaligayahan at
katiwasayan ng buhay ng tao- sapagka’t ang pagdalangin sa Maykapal ay isang
pakikipag-unawaan ng tao sa Diyos, isang kasangkapan ng tao upang makahiling ng
biyaya sa Diyos upang makahingi ng kapatawaran sa pagkakasala, upang
magpasalamat sa bawat mabuting kapalarang tinamo at upang humingi ng tulong na
lakas ng loob at kaluluwa na mapaglabanan ang tukso ng kapalaluan, ng kasakiman,
ng hilig ng katawan, ng hina ng kapasiyahan, ng pagkawalang-kaya ng kahatulan,
ng pagmamalabis sa taglay na kapangyarihan, ng pagkamapaghamak sa kapwa.
Naniniwala akong ang madasalin ay may sandatang panggol laban sa mga
panganib ng buhay.
Naniniwala akong ang ating NGAYON ay niyari KAHAPON ng ating mga
magulang at kanilang kapanahon. Noong sila’y nabubuhay sa kanilang NGAYON na
ating KAHAPON ay binalangkas nila ang ating NGAYON upang tayo ay
magtagumpay at lumigaya sa buhay. Katungkulan naman sa NGAYONG
kasalukuyan ng ating buhay na buuin at itayo ang BUKAS upang maging NGAYON
ng ating kabataan, Utang natin ito sa kabataan, sapagka’t ang nakatatanda ay
siyang patnubay ng bata, at ang sapit ng katandaan ng kabataan ay dapat maging
lalong mabuti, malaya at maligaya kaysa katandaan natin ngayon.

Pagsusulit sa Pag-unawa sa Binasa


Pitong Pag-ibig ng Tao
Panuto: Basahing mabuti ang sumusunod na katanungan at isulat sa sagutang
papel ang titik ng tamang sagot.
1.”Naniniwala akong tayo ay Malaya sa paggawa ng mabuti lamang at kailanman ay
hindi maaaring maging Malaya sa paggawa ng masama.Ang pamahalaan ng mga
batas ,samakatwid, ay hindi dapat pairaling nagpipigil sa mabuti na gumawa ng
mabuti at hindi rin dapat magbigay ng daan sa masamang budhi at mainggitin na
makapagpapahamaak o makapg iintriga laban sa mababait at mararangal”.Batay sa
binasang pahayag o paniniwala saan maiuugnay ang kaisipang nakapaloob dito?
a.Sarili
b.pamilya
c.lipunan
d.daigdig
2.Ang mabuting mamamayan ay nararapat na may ginagampanang proyekto ukol sa
kabutihang pang madla. Ang kaisipang nakapaloob sa pahayag na ito ay maaaring
mangyari sa:
a.sarili
b.pamayanan
c.lipunan
d.daigdig.
3. Naniniwala ako sa pagpapakasakit na mabuhay sa kapuspusan ng katalinuhan,
ng kalinisang-budhi, ng hangadna maging mabuti at makapagpabuti sa iba, habang
nagpupumilit na mapangibabawan ang pagkawalang kaya ng isip at katawan sa
pamamagitan ng pag-aaral at pagsasanay, at sa ngalan ng pag-ibig, nabuhay na
nakikipaglaban sa silakbo ng sariling katamaran, kahinaan sa mga tukso o
pagkamainggitin sa kapalaran ng iba. Ang pagkakamali, samakatwid, ay karapat-
dapat ihanap ng paumanhin at ihingi ng kapatawaran.
a. sarili b. lipunan c. pamayanan d. pandaigdig

4.Alin sa mga sumusunod na pahayag ang nagpapahayag ng mabuting pakikipag


ugnayan sa kapwa?
a.Ang paggawa ng mabuti ay nararapat na manatiling hangarin lamang kailangan ng
pagkilos.
b.Ang pagawa ng mabuti sa kapwa ay hindi dapat na may hangarin na makakuha ng
paggalang mula sa ibang tao.
c.Ang paggawa ng mabuti ay kailangang magsimula sa mga kasapi ng pamilya.
d.Ang paggawa ng mabuti ay ipinagkakait kahit na sa kapwa.
5.”Tanging Pag-ibig lamang ang damdaming nag-aakay sa taong gumawa ng
kabutihan para sa kaligayahan ng kapwa ,kapayapaaan at kasaganaan ng Inang
Bayan , at higit sa lahat para sa kaluwaalhatian ng Panginoong Diyos. Ano ang
kaisipang nakapaloob sa pahayag na ito?
a.Ang pag-ibig ay hindi naghihitay ng anumang kapalit.
b.Ang pag-ibig ay mapag paubaya
c.Ang pag-ibig ang pinakadakilang handog ng Maykapal sa atin.
d.Ang pag-ibig ay isang paraan ng pagtitiwala.
6.Alin sa sumusunod na pahayag ang hindi nagpapakita ng paniniwala ng may akda
sa pag-ibig?
a.Tayo ay malaya sa paggawa ng mabuti lamang at kailanman ay hindi maaaring
maging Malaya sa paggawa ng masama.
b.Ang masamang gawi ay dapat tugunin ng kagandahang loob.
c.Ang karunungan ay hindi garantiya ng kabutihan kung hindi kasama ng
pagpapakatao at pagpapakasakit.
d.Nasasalig sa katauhan ng mga mamamayaan ang katatagan at kaunlarin ng
isang bansa.
7.Naniniwala ako sa pagkamatapat sa kapwa,pagkamapagpakundangan sa mga
may katutubong kahigtaan , pagkamasigasig sa kapakanaan ng sambayanan , at
pagkamapaagtanggol at mapagmahal sa Lupang Tinubuan.Anong uri ng pag-ibig
ang ipinahihiwatig sa pahayag?
a.kasintahan
b.magulang
c.kapatid
d.bayan
8.Ang kalayaang umibig , sa unawang ang pag-ibig ng tao ay kumakatawan sa
kabutihan ,kawanggawaa ,pagpapatawad , pagpapaumanhin ,karangalan ,
karunungan at katotohanan at hindi nagpapaahintulot sa anumang uri ng poot o
inggit. Ito ay nangangahulugan ng pag-ibig sa____?
a.sarili
b.bayan
c.Diyos
d.kapwa
9.Sinasabing ang Panalangin ay patnubay sa kaligayahaan at katiwasayan ng buhay
ng tao.Anong mahalagang kaisipan ang ipinakikita sa pahayaag na ito?
a.Pag-ibig sa Sarili
b.Pag-ibig sa Diyos
c.Pag-ibig sa Pamilya
d.Pag-ibig sa kapwa
10.Ibigay ang nais ipakahulugan ng may-akda sa huling bahagi ng sanaysay?
a.May malaking bahaging ginagampanan ang nakaraan sa kasalukuyan upang
magtagumpay sa buhay.
b.Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
c.Nakasalalay sa kabataan ang tagumpay ng ating bayan.
d.Ang panahon ang magtatakda ng ating magiging kapalaran.

Piliin ang kasingkahulugan ng mga slitang may salunggughit.


11. Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, hindi natin hahayaang maging matuwid ang
ating budhi pagdating sa kasalanan.
a. konsensya b. damdamin c. kaluluwa d. kalooban
12. Labis ang pagkagalit ng mga taganayon nang mabalitaan nila ang nagyaring
tunggalian sa pagitan ng mga magsasaka at ng kanilang amo.
a. nakipaglaban b. nakipagkasundo c. nakisalamuha d. nakipagsapalaran
13. Marami sa mga Pilipino ang nagpapakita ng pagkamapagkundangan sa kapwa
sa oras ng kagipitan lalo na kung tayo ay dumaranas ng sakuna.
a. mahabagin b. may malasakit c. may kusa d. mapagkumbaba
14. Nakatutuwang isipin na marami pa rin sa mga Pilipino sa kasalukuyan ang taglay
ang pagiging mapagkawanggawa.
a. matulungin b. masipag c. may kusa d. may disiplina
15. Naniniwala ako na ang kabutihan, karangalan at katotohanan ay may luklukang
trono sa ating daigdig.
a. may bahagi sa lipunan b. nabibilang sa lipunan
c.idinagdag sa lipunan d. may dagdag sa lipunan
16. Ang pag-iwan ng kanyang kasintahan ang nagpawindang sa kanyang isipan.
a. nagpaawa b. nakasakit c. nagpaalala d. nagpagulo
17. Ang makipag-usap sa isang taong hindi marunong making ay isang gawain
walang kawawaan.
a. walang-alam b. walang katotohanan c. walang saysay
d. walang pakundangan
18.Ang kaniyang ginawang panunukso sa kanyang kamag-aral ay labis na nagpakita
ng kaniyang kapalaluan.
a. kayabangan b. kalokohan c. kaingayan d. kadakilaan
19. Nakatutuwang isipin na ang mga kabataan sa kasalukuyang panahon ay bukas
ang isipan sa pagharap sa katotohanan.
a. may malawak na pag-iisip b. may pangarap sa buhay
c. may magandang-asal d. may pagpapahalaga sa sarili
20. Karaniwan na sa mga taong nasa mataas na antas ng lipunan ang
mapanghamak sa kaniyang kapwa.
a. mapanghusga b. matulungin c. manloloko d. mapanlait
Susi sa Pagwawasto
1. C
2. B
3. A
4. B
5. C
6. D
7. D
8. A
9. B
10. A
11. A
12. A
13. B
14. A
15. A
16. D
17. C
18. A
19. A
20. D

You might also like