Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

ANG PAGLULUKLOK NG SANTO NIÑO

Mga Tagubilin

1. Ang pagdiriwang na ito ay sadyang iniangkop sa pagkakataong ito na ang lahat ng mga kasapi ng
pamayanan ng Pamantasan ay hindi makapagtitipon at nasa kani-kanilang tahanan.

2. Sapagkat hindi mailuluklok nang pisikal ang Santo Niño de Praga sa Pamantasan, maaaring bilinan
ang mga makikiisa sa pagdiriwang na ito na magluklok ng kani-kanilang larawan ng Santo Niño sa
bawat nilang tahanan habang sila ay sumusubaybay.

3. Ang paring mangungulo sa pagdiriwang ay makapagsusuot ng puting estola.

4. Ang ibang bahagi ng pagdiriwang ay magagampanan ng ibang kasapi ng pamayanan, kahit pa sila
ay nakikiisa sa pamamagitan ng pamamaraang online.
ANG PAGLULUKLOK NG SANTO NIÑO

Pambungad

Sto. Niño: Biyaya at Gabay sa San Beda at Sambayanan

M GA kapatid: Ang pananampalataya dito sa ating kapuluang Pilipinas ay sadyang


•nakaugnay sa ating pamimintuho sa Santo Niño simula pa noong una.
Matatandaan sa kasaysayan na ang Santo Niño ay isa sa mga banal na larawang ibinigay
sa mag-anak ng datu ng Cebu noong sila ay binyagan bilang mga Kristiyano. Mula noon,
hindi na nawalay sa ating mga Pilipino ang pagmamahal sa Batang Hesus.

Kaya naman, noong itinatag ng ating mga amang Benediktino ang ating
Pamantasan ng San Beda bilang paaralan para sa mga batang lalaki, ipinailalim nila sa
pangangalaga ng Batang Hesus ang mga mag-aaral nito. Matatandaan na noong
ikalabintatlo ng Disyembre taong isang libo siyamnaraan at tatlo, itinatag ang Cofradia
del Niño Jesus de Praga. Kaugnay nito, unang ipinagdiwang ang kapistahan ng Santo
Niño noong ikalabimpito ng Enero nang sumunod na taon, na nagtapos nang
ikadalwampu ng Enero sa pamamagitan ng maringal na prusisyon. Mula noong unang
ipagdiwang ang pista ng Santo Niño, taun-taon na itong ipinagdiriwang ng ating
pamayanan, maging sa gitna ng kasaganahan o ng pagsubok.

Kaya naman, kahit hindi tayo makapagtitipon ngayon nang magkakasama sa


iisang lugar, magkaisa naman ang ating mga puso sa pamimintuho sa Batang Diyos.
Kahit na tayo ay nasa gitna ng matitinding pagsubok, nakikisalo pa rin tayo sa kagalakan
na dulot ng Batang Hesus. Bagamat ngayon ay walang luklukan na puno ng bulaklak at
palamuti, handa naman ang ating mga puso na tanggapin ang Santo Niño upang siya
ang maging gabay at bukal ng biyaya sa ating buhay, tulad nang kung paano niya
ginabayan at biniyayaan ang mga unang Pilipino na sumampalataya sa kanya, at ang mga
unang anak ng San Beda na nagmahal sa kanya.
Panimula

PAMBUNGAD NA AWIT

Kapag nagkakatipon na ang sambayanan, aawitin ng lahat ang O, Niño Dios sa wikang Tagalog.

PAGLULUKLOK NG SANTO NIÑO

Pasisimulan ng pari ang pagdiriwang sa pamamagitan ng tanda ng Krus:

Pari.

SA ngalan ng Ama, X at ng Anak,


at ng Espiritu Santo.
Bayan. Amen.

Pari.
Sumainyo ang Panginoon.
Bayan. At sumaiyo rin.

Pari.
Mga kapatid,
ang Salita ng Diyos ay nagkatawang tao
at naging isang bata
upang tayo ay makalapit sa Ama
nang walang pag-aalinlangan at pangamba,
at nang matutunan natin
na ang pusong masunurin katulad ng sa isang bata
ang siyang kalugod-lugod sa Diyos.
Ngayon, lumapit tayo sa Batang Hesus
At hilingin natin na matulad tayo sa kanya.
Lahat.
O Banal na Batang Hesus ng Praga,
ibinigay ka sa amin ng Ama upang turuan kami na maging mga anak niya
sa pamamagitan ng pag-ibig, pagsunod, at pagtitiwala sa kaniya.
Pagharian mo ang aming puso upang mailuklok ka sa aming buhay,
at nang mapagtagumpayan namin ang mga pagsubok na dumarating sa amin,
at matanggap namin ang iyong mga biyaya.
Nawa, tulad mo, maging biyaya rin kami sa aming kapwa.
O Banal na Batang Hesus,
dinggin mo ang aming mga dalangin
na buong puso naming idinudulog sa iyo.
Amen.

Matapos ang panalangin, sunod na gaganapin ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos.


Pagpapahayag ng Salita ng Diyos

Pasisimulan ng pari ang pagbasa sa pamamagitan ng sumusunod na paliwanag:

Pari.
Mga kapatid,
naging masunurin ang Batang Hesus
sa kalooban ng Ama.
Upang matularan natin ang kanyang halimbawa,
pakinggan natin ang kaniyang Mabuting Balita
ayon kay San Mateo.

Agad niya itong itutuloy sa pagbasa.

MABUTING BALITA Mateo 18, 1–5. 10.

Noong sandaling iyon,


lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong,
“Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
Tinawag ni Hesus ang isang bata,
pinatayo sa harapan nila, at sinabi,
“Tandaan ninyo ito:
kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata,
hinding-hindi kayo mabibilang
sa mga pinaghaharian ng Diyos.
Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito
ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos.
Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito
dahil sa akin
ay ako ang tinatanggap.
“Ingatan ninyo na huwag hamakin
ang isa sa maliliit na ito.
Sinasabi ko sa inyo:
sa langit, ang kanilang mga anghel
ay laging nasa harapan ng aking Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Bayan. Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

PANALANGING PANGKALAHATAN

Pari.

Ngayon ay dumulog tayo sa Ama nang buong pagtitiwala


at dalihin sa kaniya ang mga mithiin ng ating puso.
Dumalangin tayo:
Panginoon, dinggin mo ang iyong mga anak.

Namumuno. Upang ang Santo Papa, mga Obispo, at ang buong kaparian, lalo na
ang mga anak ni San Benedicto, ay patuloy na gabayan ng Espiritu Santo, manalangin
tayo. Tugon.

Namumuno. Upang ang ating pamayanan ay lumago sa pananampalataya, pag-asa,


at pag-ibig sa Diyos at kapwa, manalangin tayo. Tugon.
Namumuno. Upang ang mga may sakit ay makatagpo ng kagalingan, manalangin
tayo. Tugon.

Namumuno. Upang ang mga naglingkod sa ating pamayanan na nahihimlay na ay


tanggapin sa buhay na walang hanggan sa kalangitan, manalangin tayo. Tugon.

Pari.

Kaisa ng Panginoong Hesukristo, tumawag tayo sa Ama


sapagkat hinirang niya tayo bilang mga anak niya:

Aawitin ng lahat ang Ama Namin.

Ama namin sumasalangit ka.


Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama.
Pagwawakas

PANALANGING PANGWAKAS

Ama naming makapangyarihan,


ang iyong Anak na Diyos na totoo ay naging sanggol
noong siya ay naging tao namang totoo.
Maging amin nawang panata ang pagsunod
sa kanyang kapakumbabaan
sa pagdiriwang namin sa kanyang pakikiisa
sa mga nasa abang katayuan
upang kami’y mapabilang sa iyong pinaghaharian
sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Bayan. Amen.

PAGHAHAYO

Pari. Sumainyo ang Panginoon.


Bayan. At sumaiyo rin.

Pari.
Pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos:
Ama, X Anak, at Espiritu Santo.
Bayan. Amen.

Pari. Humayo kayong mapayapa.


Bayan. Salamat sa Diyos.

Aawitin ng lahat ang O, Niño Dios sa wikang Tagalog.

You might also like